No Boundaries - C21
Saturday, February 5, 2011
Pagkabigo ni Andrew kay Nicco at Tagumpay kay Stephanie
Isang maliit na salu-salo ang inihanda ng pamilya del Carmen para idagdiwang ang kaarawan ni Stephanie. Kasama sa inanyayahan ng pamilya ang kambal na del Rosario maging si Nicco. Isang magandang umaga iyon na maaliwalas ang paligid, masarap ang simoy ng hangin at higit sa lahat maganda ang panahon. Napagpasyahan ni Andrew na bisitahin ang kanilang lumang bahay sa may dulo ng bayan. Nais niyang balikan ang mga alaalang nasa lugar na iyon. Mga alaalang masasaya at hindi magaganda, higit sa lahat ang mga alaala ng kanyang mama. Matapos kasing maganap ang trahedyang iyon sa pamilya nila ay lumipat sila ng bahay para unti-unting malimutan ang naganap.
Pagdating niya sa lugar na iyon ay nakita niya ang sasakyan ng kanyang kakambal na si Andrei. Nakaramdam siya ng kaba at mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Pagpasok niya sa loob ay nakita niya ang kakambal na nakaupo sa hagdan, tatawagin na sana niya ito ng mapansing may isa pang tao na naruon. Pagtingin niya sa kayakap ng kakambal ay si Nicco. Masaya silang nag-uusap at tila ba sarap na sarap sila sa bisig ng bawat isa. Sa pagkakakita ng ganuon ayos ay tila nadurog na muli ang puso ni Andrew, subalit pinilit niyang maging kalmado at inihakbang palayo ang mga paa.
“Nicco, Nicco, Nicco, bakit patuloy akong nasasaktan kahit tanggap ko ng hindi ka sa akin.” mahinang usal niya “Stephanie, patawarin mo ako, hindi ko naman sinasadya na ganito ang maramdaman ko.” dugtong pa niya.
Dumiretso na si Andrew sa tahanan nila Stephanie dahil tanghalian ang salu-salong inhanda ng pamilya. Isang oras na din siyang anduon ng dumating ang kakambal kasama si Nicco. “Magandang tanghali po” bati ng mga ito sa mga magulang ni Stephanie.
“Oh, Andrew, kamusta kanina ka pa ba nadito?” tanong ni Nicco.
Pilit man ang ngiti ay sumagot si Andrew “Oo, mga isang oras na din.”
“Talagang mahal na mahal mo si Stephanie ano, masigasig ka sa panliligaw at nagawa mong makapaghintay.” sabi ni Nicco “ganyan nasusubok kung talagang mahal mo ang isang tao. Hindi ka bibitaw kahit na gaano ka maghintay. Dahil ang puso ng tunay na nagmamahal ay hindi nagsasawa lalo na at kung alam niyang mayroon talaga siyang hinihintay.”
Tila napipi si Andrew sa sinabing iyon ni Nicco dahil sa totoo lang, nahintay man niya ito ay nagawa pa din niyang maguluhan ng dumating sa buhay niya si Nicco.
“Pero kahit alam mong may hinihintay ka, may pagkakataon talaga na masusubok ang tatag ng tao. Maraming darating, magiging mabait sa iyo, lagi kang aalalahanin, darating sa puntong matutukso kang mahulog sa taong iyon. Pero alam ng puso kung saan siya dapat na tumungo at sino ang makakapagbigay ng tunay na ligaya sa kanya bilang tao.” saad ni Nicco.
“Ano naman ang dapat gawin pag ganuon nga ang nagyari?” tanong ni Andrew na tila humihingi ng tulog.
“Bakit ganuon ba nangyari sa iyo?” sabay ang nakakalokong ngiti sa labi ni Nicco.
“Hindi naman, naitanong ko lang.” may himig ng pagtatanggol sa sarili si Andrew.
“Kailangan lang ng panahon. Isipin mo kung sino ba hindi mo kayang mawala sa iyo. O kaya ay iyong hindi mo kayang makitang masaktan.” Sagot ni Nicco. “Kaya ng pusong malaman yan sa pagdating ng tamang panahon.” Dugtong pa nito.
Dahil sa sinabing iyon ni Nicco ay tila natauhan siya. Naisip niya na hinangaan din niya si Nicco dahil sa ibang pananaw nito sa buhay. Nahulog din siya sa tinig nito, sa mga ngiti na tila laging nagsasabing ingat ka kasi mahal kita. Mas lalo niyang naramdaman ang pagkagusto dito dahil sa naging maalalahanin ito sa kanya. Hindi ito nakalimot magtanong kung kumain na ba siya, o kung ayos lang ba siya. Hindi madamot sa pagpapakita ng kabaitan sa kanya. Kailanman ay hindi nagtampo o nakita niyang nagalit sa kanya.
Ngayon ay nasigurado niyang hindi niya kayang saktan si Stephanie, alam niyang mahina ang kalooban nito at madudurog din ang puso niya makitang umiiyak ang dalaga. Alam niyang si Stephanie ang may kakayahang makapagbigay sa kanya ng kaligayahan. Alam niyang kahit ilang beses siyang matukso ay babalik at babalik siya sa dalaga dahil iyon ang gusto ng puso niya at iyon ang kukumpleto sa kanya.
Bumaba na nga mula sa itaas ang dalagang may kaarawan. Sa gitna ng kasiyahan at usapan ng maraming bisita ay tumayo si Stephanie sa gitna.
“Para sa lahat ng nandirito ngayon, nais kong ipahayag sa inyo ang isang magandang balita. Lalo na sa isang taong nagawa akong hintayin.” Panimula nito.
Tila nabalot ng kaba ang buong pagkatao ni Andrew at nahuhulaan na niya ang nais sabihin ng dalaga na magandang balita.
“Sa isang taong initindi ako, sa isang taong hinintay ako ng matagal, sa isang taong iniwan kong umaasa. Masasabi kong nagbunga na ang paghihintay mo. Dahil handa na ako ngayon para harapin ang isang bukas na kasama ka.” sabi pa ng dalaga.
Tumingin si Nicco at Andrei kay Andrew dahil batid din ng dalawa ang magandang balita na iyon ni Steph. Nakaramdam ng hindi mapantayang kaligayahan si Andrew nang masigurado niyang iyon na nga ang balitang matagal na din niyang hinihintay, ang sagot sa tanong niya para sa dalaga.
“Em-Ehm Andrew Mark del Rosario, tinatanggap ko na ang alok mo sa akin bilang maging girlfriend mo.” sabi ng dalaga.
Tumayo si Andrew at sinagot ang dalaga “Ayokong maging girldfriend ka” natahimik ang lahat “dahil gusto kong ikaw ang maging asawa at katuwang ko sa buhay.” Dugtong pa nito.
Napayakap si Steph kay Andrew at nagsipalakpakan ang lahat ng anduon. Tila isang napakalaking tagumpay nito para kay Andrew. Alam niyang hindi siya nabigo talaga kay Nicco dahil si Nicco ang gumising sa kanya para lalong mahalin at pahalagahan si Steph.
“Bro, binabati kita” sabi ni Andrei.
“Salamat kuya, sa wakas sa akin na si Steph” nakangiting sabi nito.
“Sabi ko sa iyo Kuya Andrew at magiging maganda ang bunga niyan.” Sabi ni Nicco.
“Salamat Nicco, hulog ka ng langit sa akin, salamat sa iyo.” pasasalamat ni Andrew.
“Wala akong alam na dapat ipagpasalamt mo.” sabi ni Nicco.
“Akala mo lang na wala pero mayroon. Basta salamat talaga.” giit ni Andrew.
“Sabi mo eh.” Nakangiting sagot ni Nicco.
Hapon na ng mapagpasyahan umuwi nila Andrei at Nicco. Nagpaabot naman ng gabi si Andrew sa bahay nila Steph para makasama pa ito ng mas matagal. Kinagabihan ay tila nasa tuktok pa din ng mga ulap si Andrew dahil sa nangyari. Masiglang masigla ang binata, at lalong naging makulay ang buhay nito. Nakatulog ng mahimbing si Andrew habang nilalasap ang tagumpay nito.
0 comments:
Post a Comment