Parafle na Pag-ibig 22
Friday, June 3, 2011
By: Mikejuha
Email: getmybox@hotmail.com
Fb: getmybox@yahoo.com
Author’s Note:
Hayyyy… Hindi pa pala matatapos dito. Grabe, hehehe. Baka sa part 23 na. hmpt!
**************************
“Gising na si papa Jun!!!” ang masiglang sigaw ni Kristoff noong nanumbalik na ang aking malay at ibinuka ko na ang aking mga mata.
Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Parang nauubos ang aking lakas, masakit ang parte ng aking dibdib, at med’yo disoriented. Dahan-dahan kong inikot ang aking mga mata. At napagtanto ko na nasa ospital ako noong makita ko ang dextrose na nakabitin sa lagayan nito sa gilid ng aking kama at may oxygen tube din na nakakabit sa aking ilong.
At nanumbalik sa isip ko ang huling kaganapan bago ako nawalan ng malay... sa kasal ni Aljun.
Noong nilingon ko ang gilid ng kuwarto, nakita ko ang mag-ama. Nakaupo si Aljun, Kristoff ay nakakandong sa kanya. Halatang nahimbing si Aljun at nagising lang sa pagsisigaw ni Kristoff.
Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti.
Agad tumalon si Kristoff at nagtatakbo palapit sa gilid ng aking kama. Natuwa naman ako sa nakitang matinding excitement at pananabik sa mukha niya.
“Ingat! Ingat! Baka masaktan si papa Jun mo!” ang sigaw ni Aljun habang dinampot niya ang isang upuan at inilapit ito sa gilid ng aking kama atsaka naupo dito.
“Kumusta ang baby Kristoff ko?” ang mahinang tanong ko.
“Ok naman po. Kayo po papa Jun?”
“Ok naman... ako.”
“Alam mo papa Jun... nag pray ako sa iyo. Kasi po, noong binaril po kayo, madami pong dugo ang nakita ko.” Ang sambit ni Kristoff na nakatayo sa gilid ng aking kama.
Touched naman ako sa narinig sa bata. Syempre, bagamat sumagi sa isip ko na sanay hindi na lang ako nagising kasi wala na rin namang silbi ang buhay ngunit sa ganoong nakita ko sa mukha ng inosenteng bata ang tuwa at sabik na sabik, may dulot din itong saya sa puso ko.
“Masakit po ba papa Jun?” ang makulit na tanong uli ng bata pahiwatig mga sugat na aking natamo sa pagbaril ni Giselle.
“M-med’yo...” ang sagot ko.
“Si papa din may sugat po eh.” Sambit ng bata.
“Kristoff... huwag makulit kay papa Aljun mo! Masakit pa iyang sugat niya...”
Tiningnan ko si Aljun. Nginitian. “M-musta...” ang mahina kong wika. “A-anong nangyari dyan sa braso mo?” ang tanong ko noong mapansin ang ang bandage sa kanyang kaliwang braso?”
“Ah... wala ito. Ok lang ito.” Ang sagot ni Aljun.
“Kasi po papa Jun binaril po siya noong babae...” ang pagsingit naman ni Kristoff.
“Kristoff... kapag nag-uusap ang mga matatanda, hindi dapat sumisingit ang bata kapag hindi tinatanong ha?” pag-pigil ni Aljun sa bata upang matigil ang pagsasalita.
Hinaplos ko na lang ang mukha ni Kristoff. At baling kay Aljun, “Binaril ka rin ni Giselle?”
“Oo... pero daplis lang. Wala ito.” Ang sagot niya. “I-ikaw ang dapat na alalahanin. Isang buong gabi kang walang malay. At salamat dahil ligtas ka na… Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“Heto... pakiramdam ko ay lalagnatin sa kirot ng sugat.”
“At least ngayon, ligtas ka na. Nakuha na ang dalawang bala sa katawan mo.”
Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. “S-si Emma... nasaan?” tanong ko.
“Nasa kabilang kuwarto”
“Ha??? Bakit?” ang gulat kong tanong.
“Muntik ka nang maubusan ng dugo. Mabuti na lang at magkapareho pala ang tipo ng dugo ninyo, kaya nagvolunteer siya na sa kanya na kunin ang dugong iabuno sa iyo...” sagot niya. “Salamat sa pagsalba mo sa buhay niya. Hindi ko akalaing magagawa mong ibuhis ang sariling buhay para sa babaeng naging hadlang ng pagmamahal mo sa akin. Napakadakila ng iyong pagmamahal.” Dugtong ni Aljun.
Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata sa narinig. “Hangad kong lumigaya ka... kayo ni Emma at Kristoff... bilang isang buong pamilya.” ang nasabi ko, at tuluyang pumatak na ang aking mga luha.
“Huwag po kayong umiyak papa Jun. Malulungkot po ako...”
“O siya... hindi na ako iiyak” ang sabi ko, sabay bitiw ng pilit na ngiti.
“Mahal ka kasi namin ni papa Aljun, papa Jun.”
“Mahal din kita baby Kristoff… kayo ng papa Aljun mo.”
“Alam mo papa Jun... tunay kong lolo si lolo Gener.”
Napangiti ako sa narinig. “Lolo mo naman talagang tunay ang daddy ko e.”
“Hindi papa Jun, lolo ko talaga siya!” giit niya ang boses ay seryosong-seryoso at namimilit.
“Kaya nga lolo mo talaga siyang tunay. Baby Kristoff naman o... niloloko mo naman ako eh.” ang sagot ko pa.
“O sya, sya... doon ka muna sa tabi Kristoff ha? Kami muna ang mag-usap sa papa Jun mo...” ang pagsingit ni Aljun.
Tumalima naman si Kristoff bagamat padabog. Marahil ay may gusto siyang sabihin pa. Bumalik siya sa upuan sa gilid ng kuwarto sa may pintuan malayo sa amin, bakas sa mukh ang pag-aalburuto.
“Alam mo ba kung saan ka natamaan?” tanong ni Aljun sa akin.
“S-sa dibdib?”
“Ang isa ay sa balikat, hindi seryoso. Ngunit ang isa ay tatagos sana sa puso mo...”
“N-natamaan ang puso ko?”
“H-indi... hindi nakaabot ang bala doon. Naharang ito.”
“P-paanong naharang?” tanong kong naguluhan.
May hinugot siya sa kanyang bulsa at ipinakita iyon sa akin.
“A-ang kwintas ng ibong wagas? Ang ibinigay mo sa akin?”
“Oo... ito ang nagsalba sa buhay mo. Dito tumama ang bala na siyang tatagos sana sa puso mo. Nasalo nito ang lakas ng impact ng bala at hindi na nakaabot pa doon. Tingnan mo, may butas...” Ang sabi niya habang inilapit ang kwintas sa aking mga mata.
Hinawakan ko iyon at binusisi at pagkatapos, tinitigan ko si Aljun. “N-atanggal na ang... sumpa ng ibong wagas?”
Binitiwan niya ang pilit na ngiti. At tumango. “Ligtas ka na... Wala nang nakakabit na sumpa sa pagmamahal mo sa akin.” Kinuha niya ang kwintas at ibinalik ito sa kanyang bulsa.
Nakahinga naman ako ng maluwag. “S-salamat...” ang nasambit ko na lang. May dulot man itong tuwa sa akin, may lungkot naman akong naramdaman kasi, wala na ring bisa ang pamahiin ng wagas na pag-ibig dahil kasal na siya kay Emma.
“May isa pa akong sorpresang ibubunyag sa iyo...” wika niya.
“A-ano?”
“M-magkapatid kayo ni Emma...”
“A-ano???!!!” ang malakas kong boses. Napaigtad tuloy ako dahil nagalaw ang aking sugat.
“O... o... huwag ka kasing gumalaw”
“P-paano nangyaring magkapatid kami?”