By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
**********************************************
“Punyeta! At saan ka na naman ba nagpunta at gabing-gabi ka na kung umuwi?!” “Bakit hindi ka pumasok sa klase mo? Anong ginawa mo sa maghapon?!” “Bakit ka naglalasing?!” “Bakit ka naninigarilyo?!” “Wala ka nang ginawang matino! Wala kang silbi! Palamunin! Hindi mo ba nakikitang pagod na pagod na ako sa kakahanap ng trabaho mapalamon ka lang?! Bwesit ka sa buhay ko!” Ito ang mga banat ng nanay ko sa akin.
Oo… masakit. Ngunit binale-wala ko na lang ang lahat ng ito dahil sa matindi din ang kinikimkim kong galit sa kanya. Kaya imbis na sundin ang gusto, sinusuway ko sya palagi na lalo namang nagpapatindi sa sakit ng ulo nya sa akin.
Noong una, masasabing isang normal ang pamilya namin; buo ito at kahit nag-iisang anak lang ako, masaya kami. Hindi kami mayaman ngunit may trabaho ang itay na sapat sa mga pangangailangan namin, kasama na doon ang mga gastusin sa pag-aaral.
Sa panahong iyon, damang-dama ko ang pagmamahalan ng mga magulang ko. At ang pagkamalapit namin sa isa’t-isa. Sama-sama sa pamamasyal, pagsisimba, o panunood ng sine. Wala na akong mahihiling pa sa pagmamahalan nila sa isa’t-isa at sa pagmamahal na rin na ipinadama nila sa akin.
Ngunit noong mag lalabing-dalawang taong gulang ako, nagbago ang lahat. May ibang babae ang itay at hindi na siya umuuwi sa amin. Ang inay ko naman ay nawalan na ng sigla; palagi itong nakatulala, malalim ang iniisip, at mainitin ang ulo. At palagi, ako ang napapansin at nabubulyawan.
Sobra akong nasaktan. Pakiramdam ko, nasira ang buhay ko. Higit sa lahat ay ang naramdamang sakit na dulot ng walang nagmamahal. Nakasiksik sa utak na napaka-selfish ng mga magulang ko; wala nang ibang iniisip kundi ang mga sarili nila, nalimutang may anak sila na nangangailangan ng kalinga at pagmamahal.
Dahil dito, matindi ang galit ko sa kanilang dalawa; sa itay dahil sa pag-iwan nya sa amin at sa inay, dahil hinayaan nyang umalis ang itay. Hindi ko maintindihan ang lahat at hindi ko matanggap-tanggap ito. Matindi din ang kinikimkim kong poot sa sarili at sa mundo.
Kaya sa sobrang sama ng loob, pati pag-aaral ko ay hindi ko na pinasukan. Di ko nakayanan ang panunukso ng ibang kabataan at ang tindi ng lungkot kapag nakikita ang ibang mga kaklase na masayang umuuwi sa kanilang mga tahanan at kumpleto ang pamilya.
Simula noon, ang mundo ko’y bumaligtad – lakwatsa, inom, sigarilyo, barkada, at marijuana, sa mura kong edad. Para sa akin, wala nang maidudulot na mabuti pa ang buhay, at wala nang pag-asa pa ito.
Iyan ang dahilan kung bakit palagi akong binubulyawan ng inay. Marahil ay dahil na rin sa hirap na dinaanan nya sa paghahanap ng makakain at perang pantustus ng pag-aaral ko. “Kasi naman, hinayaan mong umalis si itay eh!” sa sarili ko, kimkim ang paninisi.
Isang araw noong hindi ko na makayanan, naisipan kong lumayas. Dala-dala ang kapirasong damit at kapiranggot na pera, sumakay ako ng bus, di alam ang patutunguhan. Noong marating na ang destinong terminal, bumaba ako, sumunod sa iba pang mga pasahero.
Punong-puno ng kalituhan ang isip noong nasa terminal na ako, di alam kung ano ang gagawin, at kung ano ang maaaring mangyari sa akin. Umupo ako sa isang bakanteng silya, nagmamasid sa mga taong dumadaan at noong magutom, bumili ng siopao at softdrinks. Iyon lang ang laman ng sikmura ko hanggang sa sumapit ang gabi kung saan, doon na rin sa upuan na iyon ako nakatulog.
Sa pangalawang araw nakilala ko si Dodong. Isang 17 anyos na batang kalye. Sumama ako sa kanilang grupo na ang mga myembro ay nasa edad 14 - 17. Lima silang magkakaibigan, mga pakawala din, iyong dalawa ay wala ng mga magulang at ang tatlo sa kanila ay kagaya kong layas din. Ang trip nila ay magnakaw, manghold up, mambugbog ng mga batang kaya nilang bugbugin, o kaya’y tatambay sa mga parlor kung saan minsan napapagtripan ng mga bakla at binabayaran sa “serbisyo”. Kumbaga, jack of all trade.
Noong una, binugbug din nila ako at ninakawan ng pantaloon at damit. Ngunit hindi nila mapakinabangan ang mga ito dahil sa maliit ang mga ito para sa kanila, isinoli din sa akin. Doon na ako nagmamakaawang sumali sa grupo.
“Sige… sali ka sa grupo namin pero manghold-up ka muna. Kung hindi ka makapanghold-up, manakit ka o mambugbog ng tao.” Ang sabi ni Dodong na syang lider ng grupo.
“O-oo, sige…” Ang sagot kong nag-aalangan. Naisip ko kasi na mas maiging sumali sa kanila upang may pumu-protekta sa akin laban sa iba pang mga batang-gala.
Ang una kong pagsubok ay ang nakawan ang isang lalaking nasa edad 19, mas matangkad at mas malaki sa akin. Mag-isang naglakad ang binata sa kalye noong gabing iyon noong ma-ispatan sya ng grupo. “Ayan… yan ang hold-apin mo!” Sambit ni dodong sa akin.
Nag-aalangan man, sinabayan ko pa rin sya sa paglalakad. At noong makahanap ng tyempo sa isang madilim na eskinita, dinikitan ko na at tinutukan ng patalim. “Hold-up to, pare! Ibigay mo sa akin ang wallet mo! Dali!” Ang kontrolado kong sigaw.
Ngunit laking gulat ko noong bigla nyang inipit ang kamay kong may hawak ng patalim at pinilipit ito. Noong malaglag ang patalim, pinaulanan namang nya ng suntok at sipa ang mukha ko. Mabilis ang mga pangyayari at naalimpungatan ko na lang na nakahandusay ako sa semento, duguan ang bibig. Wala akong nagawa kungdi ang tumayo at kumaripas ng takbo.
Tawanan ang mga ka-tropa ko sa nangyari sa akin. Kinukutya nila ako at hindi binigyan ng pagkain. Sa gabing iyon, nakatulog akong walang laman ang sikmura.
Pangatlong araw ko sa pagsamasama sa grupo noong hinuli kami ng mga tauhan ng DSWD. Inilagay kami sa isang center na halos kulungan na din ang setup dahil sa matataas na pader at mga rehas na harang. Pero yung mga kasama ko, pabalik-balik na lang din pala doon. At kinabukasan nga, umiskapo na naman sila at balik-kalsada uli.
Ngunit hindi na ako sumama sa kanila. Naisip ko na kahit ganoon ka estrikto sa center, ramdam ko namang secure ako at siguradong makakain. Doon ko na rin nakilala si Mang Ondoy, ang dyanitor at utilityman ng center.
Labing-limang taon ng dyanitor si Mang Ondoy at bilib ako sa ipinamalas nyang sipag at dedikasyon sa trabaho. Alam ko na ang trabaho nya ay mahirap – paglilinis sa tiles at mga salamin, alikabok sa mga mesa ng mga taong naka-opisina, dumi sa mga kubetang ginagamit, stock up sa mga tangke ng dumi ng tao… lahat ng mga gawaing marurumi at di kayang sikmurahin ng mga ordinaryong tao. Ngunit ganoon pa man, ipanagmamalaki ni Mang Ondoy ito. “Kami lang ang kayang gumawa ng mga maruruming trabahong ganito. At ito ang bumuhay sa aking ma-ina.” sabi nya, sabay bitiw ng isang malutong na tawa.
Matulunging tao din si Mang Ondoy. Marami akong naririnig na mga kwento ng taong natulungan nya. Kahit huling pera nya na lang ang nasa bulsa kapag may mas nangangailangan nito, kusa nya itong ibibigay. At kapag may pakisuyo ang mga kapwa trabahante, ginagawan kaaagad nya ang mga ito ng aksyon. Kaya mataas ang respeto ng mga kasamahan nya sa trabaho. Masipag, matulungin, maaasahan.
At hindi lang yan ang napansin ko sa kanya; napakamasayahing tao din ni Mang Ondoy. Yun bang sa kabila ng katayuan nya at sa klase ng trabaho, kitang-kita sa mukha nya ang pagkakontento sa buhay. Tila wala syang problema; nakangiti palagi, kinikibo kahit sinong makasalubong. Iyon bang heto malungkot ka tapos nakita mo siyang nakangiti, tatawagin nya ang pangalan mo sabay pangungumusta sa mga bagay-bagay, hihinto ng sandali at bibiruin ka. “Musta Jerome! Mukhang malungkot na naman ang binatang kaibigan ko ah!” Nakakahawa ang saya sa mukha nya, at ang sarap ng pakiramdam na may pumansin.
Yan ang mga katangiang hinahangaan ko sa kanya. “Sana, ganyan din ako. Sana, malutas na ang mga problema ko sa buhay at magiging masayahin na rin ako” ang sambit ko sa sarili.
Isang araw, nakaupo lang ako sa may recreation center, malungkot, malalim ang iniisip. Lumapit si Mang Ondoy at tumabi, tinapik ang balikat ko. “O, bakit malungkot na naman ang kaibigan ko? Pwede kayang mai-share naman sa akin ang kalungkutan mo para kahit papano, luluwag yang dibdib mo.”
“Wala po kayong maitutulong sa akin, Mang Ondoy…” ang malabnaw kong sagot.
“Malay mo… Kung sa pag-ibig yan, e baka matulungan kita? Sino? Sino ba ang babaeng yan” biro nya sabay tawa.
Napatawa na rin ako.
“Hayan... iyan ang dapat. Ampogi kapag tumawa eh, sinasayang ang kapogian…”
Di pa rin ako umimik.
“E, di sige… kung ayaw mong magkuwento. Pero tandaan mo palagi, nandito lang ako, handang makinig. At tandaan mo rin na ang lahat ng mga problema ay may kalutasan. Kung hindi man natin nalulutas ito, siguradong may dahilan, na ang tanging nasa taas lamang ang siyang nakakaalam. Alam mo, minsan tayo lang din ang gumawa o dumagdag sa mga problema natin eh, di lang natin napapansin ito dahil sa marahil ay pansariling kaligayahan lang ang iniisip natin o kaya, nalilito tayo sa kung anong landas ang tatahakin sa buhay. Bata ka pa, mag-enjoy ka. Darating din ang mga bagay na magpapasaya sa buhay mo.”
Di ko masyadong naintindihan ang mga sinasabi ni Mang Ondoy. Tinitingnan ko lang syang bakas sa mga mata ang napakalalim na mga katanungan.
“Hey… hindi ko masasagot ang mga katanungan mo kapag di ka nagsasalita. Magsalita ka. Hindi man ako si superman o anghel para matulungan ka sa gusto mong maging sa buhay, sisiguraduhin ko na maibsan yang bigat na dinadala mo dyan sa puso mo. Kasi, kapag ang kinikimkim na problema ay naibahagi sa isang taong pinagkakatiwalaan, may kahati ka na sa pagdadala nito. Hindi na ito magiging kasing bigat.” sabay naman akbay nya sa akin. “O… pinagkakatiwalaan mo ba ako?”
Tumango lang ako. At ewan, sa narinig nyang salita ay tila bull’s eye itong tumama sa puso ko. At hindi ko na napigilan ang humagulgol, hindi alintana ang iba pang mga tao sa recreation center.
Alam kong naramdaman ni Mang Ondoy ang bigat ng saloobin ko. Tinapik-tapik nya ang likod ko “Ok lang ang umiyak, Jerome… Kung gusto mo, doon tayo sa likod ng center, may maliit akong kubo doon. Doon ko nilalagay ang mga gamit ko sa trabaho at may maliit din akong garden doon. Baka gusto mong doon tayo mag-usap para walang istorbo.” ang mungkahi niya.
At tinungo nga namin ang munting kubo nya at noong makaupo na sa may kawayang bangko. Parang naging pipi naman ako, di alam kung panu magsimula.
Maya-maya, “Bakit kaya ang ibang mga bata ay kumpleto ang mga magulang samantalang ako… tapos, ang mama ko naman ay palagi na lang akong pinagdidiskitahan, kesyo daw pabigat lang ako sa kanya, wala nang ginawang tama…?” ang nasabi ko, ramdam ang pagdaloy na naman ng mga luha ko sa pisngi. “Sana, kagaya na lang ang buhay ko sa inyo. Napaka-simple, masaya, at kuntento…”
Napabuntong hininga si Mang Ondoy. “Alam mo Jerome, ang pagiging masaya at pagiging kuntento sa buhay ay hindi nakakamit ng isang tao sa kadahilanang wala syang problema. Lahat ng tao ay may problema. Habang buhay tayo, di nawawala ang problema dahil ito ang nagpapatibay sa atin; ito rin ang nakakapagbigay ng halaga sa sarili at sa buhay mo. Ako, akala mo ba wala akong problema? Meron din, syempre, kagaya ng mga babayarang utang, mga pangangailangan sa araw-araw, pagkain, eskuwela ng mga bata. Ngunit pinili kong maging masaya. Yan ay dahil iyan ang gusto ko; dahil gusto kong patunayan sa sarili at sa mga tao na kahit ganito lang ako, kaya ko pa ring maging masaya at makontento sa buhay. Di ba napakasaya ng naramdaman kapag nakita mo ang isang taong Masaya din? Ganyan ako, gusto ko, masaya lagi, at masaya ang mga tao, lalo na ang mga kaibigan ko at mga mahal a buhay.”
Napatingin ako sa kanya, di makapaniwala sa narinig. “G-ganoon ba po iyon?”
“Oo. At tungkol sa paghihiwalay ng mga magulang mo… Ganito nalang. Naitanong mo na ba sa sarili na may mga bata ding isa lang ang magulang? Na may mga batang walang ama o kaya, walang ina? At meron ding mga batang malayo sa kanilang mga magulang? At ang iba, ay di alam kung sino ang mga magulang nila? At meron namang iba na wala ng mga magulang…”
Napailing ako. Tila natauhan. “Oo nga pala ano?” bulong ko sa sarili.
“At may iba namang mga bata na kahit kumpleto ang mga magulang, masakitin, bulag, pipi, o di makalakad. Ang mas matindi ay iyong wala na ngang mga magulang, may kapansanan pa. Nakita mo ba ang ibang mga kabataan dito sa center? Marami sa kanila ay hindi naranasan kung ano ang pakiramdam kapag may magulang na gumagabay, nagmamahal, o kahit pumupuna…”
Napatingin ako sa kanya.
“Napansin mo ba si Aida, iyong batang lumpo na naka-wheelcahir? Walang mga magulang iyan. Iniwan lang iyan sa harap nitong center. Pero nakita mo naman, palangiti, sumasali sa mga aktibidad sa center, masipag mag-aral at hindi mo maririnig iyan na nagrereklamo. Pinilit niyang maging normal ang lahat, katulad ng ibang normal na mga batang mayroong mga pangarap sa buhay. At alam mo ba kung ano ang pangarap niya kapag nakatapos ng pag-aaral?” Tanong niya sa akin. “Ang maging duktor. Kasi, gusto daw niyang makatulong sa mga may sakit at mga katulad niyang hindi makakalakad.” Ang sagot niya sa sariling tanong. “Ikaw ba ay may pangarap?” Dugtong niya.
Hindi ako makasagot. Mistulang nabusalan ang bibig ko. Parang may bumatok sa ulo ko at biglang natauhan. Noon lang kasi sumagi ang seryosong tanong na iyon para sa akin. Dati-rati kasi, wala akong pakialam sa pangarap at kung ano ang mangyari sa buhay ko, bahala na. Dahil walang pumasok sa utak ko, napayuko na lang ako.
“Maswerte ka pa rin, Jerome dahil nandyan pa ang mga magulang mo, kilala mo sila, at normal kang bata.” Napahinto sya ng sandali. “Alam mo, may sasabihin din ako sa iyo. Isinilang akong walang nakilalang ama. Biktima kasi ang ina ko ng panggagahasa noong dalaga pa at hindi nya kilala ang mga gumawa noon sa kanya. Ngunit ganoon pa man, sinikap ng nanay ko ang mag-isang buhayin ako, ang maghanap ng pantustos ng pag-aaral ko. Tumatanggap sya ng labada, naging katulong, at kung-anu-ano pang trabaho maitawid lang ang mga pangangailangan namin.
Ngunit noong third year high school na sana ako, naging barumbado ako. Siguro dahil walang amang gumabay sa akin. Hindi na ako pumapasok ng paaralan, puro barkada at lakwatsa ang inaatupag. Minsan hindi umuuwi ng bahay, nandoon lang sa mga barkada, nakikipag inuman. Pero sobrang napakabait ng nanay ko. Kahit ako ganoon, hindi ako ni isang beses na sinigawan, o pinagalitan. Bagkus, umiiyak na lang itong halos magmakaawa na sa akin na pagbutihin ang pag-aaral at importante daw ito para sa kinabukasan ko. Alam ko kong gaano ako kamahal ng nanay ko. Ngunit hindi ko binigyang halaga ang mga payo niya. Ang nasa isip ko lang ay puro tungkol sa sarili, puro reklamo, puro tanong kung bakit ganoon kami kahirap, bakit hindi kami kagaya ng ibang pamilya, kung bakit wala akong tatay… Isang araw, nung umuwi ako ng bahay, nadatnan ko nalang ang mga kapitbahay na nagkagulo sa bahay namin. Namatay ang nanay ko, nagsusuka ng dugo. May sakit pala sya at hindi niya ipinaalam, sinasarili nya lang ang problema. Marahil ay inisip din nya na wala naman talaga akong maitutulong. Doon ko na-realize ang sobrang kamalian ko, ang pagdagdag ko sa mga paghihirap nya, at ang pagbaliwala ko sa mga payo nya sa akin. At ang masaklap pa, hindi na rin ako nakatapos ng pag-aaral. Kaya ganito ang trabaho ko ngayon.”
Sobrang naantig ako sa kwento ni Mang Ondoy na tila napako ako sa kinauupuan, hindi makapagsalita.
“Ngunit alam mo ba kung anong bagay ang sobrang pinagsisihan ko?” tanong nya, tiningnan ako.
“A-ano po yon?”
“Na noong buhay pa sya, hindi ko man lang nasabi sa kanyang mahal na mahal ko sya, at hindi ko naipadama sa kanya iyon. Nagsisisi ako kung bakit hindi ko nakita ang paghihirap nya upang sana kahit papano, maibsan ko ang mga hinagpis at mga sakit na naranasan nya sa buhay. Doon ko na rin naramdaman ang sobrang awa sa kanya. Imagine, na-rape sya, di man lang nya nagawang mahanapan ng hustisya ang pang-aabusong ginawa sa kanya. Tiniis nya ang lahat ng iyon. Oo, nagkaanak sya ngunit di rin ako naging mabuting anak, bagkus nakadagdag-pasakit pa sa kanya. Hanggang sa kamatayan nya, puro paghihirap ang naranasan nya. Kaya sa ibabaw ng puntod ng mama ko, ipinangako kong magbago at maging mabuting tao ako…”
Huminto sya ng sandali. Binitiwan ang pilit na ngiti. Kitang kita ko ang mga luhang dumaloy sa pisngi nya at pinahid niya ang mga ito.
“Kaya ikaw… mahalin mo ang mga magulang mo. Lalo na ang Inay mo. Nag-iisa sya, at pasan-pasan ang mabigat na problema. Isipin mo palagi na sa gabi-gabing umiiyak siya, walang nakikinig sa mga hinaing niya. Ikaw na lang sana ang natirang katuwang niya sa buhay. Ngunit nasaan ka, nandito at walang ibang ginawa kungdi ang sisihin ang sarili, ang mga tao… Sigurado ako, naghahanap siya sa iyo ngayon, at dagdag sa problema pa niya ang paghahanap sa iyo. Kung ako ikaw, babalikan ko sya at hindi lang ipadama sa kanyang mahal na mahal ko sya kungdi sabihin ko rin itong paulit-ulit.”
Hindi ko lubos maisalarawan ang tunay na naramdaman. Biglang sumiksik sa isipan ang inay ko. Ang pag-iwan ng itay sa amin, at ang kinimkim na paghihirap nya. At may nabuo akong desisyon.
Kinaumagahan, nagpaalam ako kay Mang Ondoy na uuwi na. Tuwang-tuwa naman sya. Niyakap ko sya. “Salamat po, Mang Ondoy sa pagmulat nyo sa aking isipan. Tunay kang kaibigan”
Ngumiti sya, “Sige, lakad na at magpakabait ka…”
Noong marating ko ang bahay namin, iba na ang nakatira dito. Umalis na rin pala ang inay ko doon gawa ng wala ng maibigay na upa.
Agad kong pinuntahan ang probinsya ng Lola ko. Noong dumating ako doon, laking gulat ng Lola noong makita ako. “Jerome! ang laki-laki mo na!” sambit nya.
Kinuha ko ang isang kamay nya at nagmano. “San po si Inay, Lola?” ang tanong ko kaagad.
“Ayan sa kwarto, may sakit…”
Bigla naman akong kinabahan at kumaripas patungong kwarto, natakot na baka may nangyari sa kanya.
Nagising na pala si Inay noong marinig na sambit ng Lola ang pangalan ko, at nakaupo na sa higaan, akmang tatayo na sana. “Jerome! Huhuhuhu! Jerome!” ang sigaw nya kaagad sabay yakap ng mahihigpit sa akin.
“Niyakap ko rin sya ng kasinghigpit. Hinayaang pumatak ang mga luha ko sa balikat nya.
“Patawad anak, patawarin mo ako sa palagi kong pagtatalak sa iyo. Pangako ko sa iyo, hindi ko na ulit gagaw-“
Hindi na makapagsalita pa ni Inay gawa ng pag takip ng kamay ko sa bibig nya. “Ma… mahal na mahal kita. Simula ngayon, di na kita iiwan pa. At pangako, nandyan ako palagi sa tabi mo. Tutulungan kitang labanan ang mga pagsubok na darating sa buhay natin. Ipakita natin kay itay na kahit wala sya, kaya nating suongin ang lahat ng problemang dadagok sa atin; na kaya nating malampasan ang mga ito… Atsaka ma, gusto ko simula ngayon, tayong dalawa ang bubuo ng mga pangarap natin sa buhay...”
Hindi na nakaimik pa ni Inay. Binitiwan nya ang isang ngiting-pilit, pinapahid ng isang kamay ang mga luhang umaagos sa kanyang mga pisngi. Alam ko na ang mga luhang iyon ay luha ng kaligayahan.
Muli kong niyakap si Inay. Isang yakap na nagpahiwatig na hinding-hindi ko na siya muling iiwan pa...
(Wakas)
Read more...