No Boundaries - C9
Tuesday, February 1, 2011
Kabiguan ni Nicco
“Good morning idol Niks” bati ni Chad sa bagong gising na kaibigan “pinapasabi ni tatay mo aalis lang daw sya sandali. Babalik din naman daw.”
“Sana’y na ko lagi naman kasing ganuon yun. Bakit ba kay aga andito ka” sabi ni Nicco “ahh, dadalin mo ulit ako sa kapahamakan ano.”
“Hindi ah, mangangamusta lang sana.” sagot ni Chad na ngingiti-ngiti “saka may dadalaw sa iyo ngayon.”
“Sino? Mga kapatid kong di nakakaalala?” sabay tawa ng mahina pagkasabi.
Alam ni Richard Raymond Cruz o Chad ang tungkol sa kwento ng pamilya ni Nicco at sa lihim na sama ng loob sa mga ito. Si Chad na ang maituturing na best friend ni Nicco. Kaso lubhang malihim si Nicco kaya ¼ lang ang alam ni Chad sa mga kwentong ito.
“Dalawang linggo na mula ng graduation natin ni wala isa sa kanila ang nagpakita” sabi ni Nicco na tila ba may halong pagsusumbong.
“Baka naman busy? Intindihin mo na lang”
“Busy? Hindi din siguro. Lagi ko nga silang iniintindi. Pinipilit ko silang intindihin. Pero hanggang kailan? Pinipilit ko silang intindihin, pero ako? Kailan ba nila ako sinubukang intindihin. Ayaw nga nila ako pakinggan, intindihin pa kaya?” pasasaad ni Nicco na tila labis ang pagdaramdam.
“Nicco” tanging nasambit ni Chad, alam niyang mas kailangan ng kaibigan ang tagapakinig kaysa sa isang kausap.
“Minsan nga kahit hindi ko alam kung ano ang dapat kong intindihin, iniintidi ko pa din. Sasabihin pa nilang ako ang hindi nakakaunawa. Paano ko sila mauunawaan kung ayaw nilang sabihin o magsalita ng tapat at tunay nilang nararamdaman. Hindi ako manghuhula para malaman ang tunay nilang nararamdaman. Wala akong kakayahang basahin ang puso at isipan nila. Tao lang ako, hindi ako Diyos para magawa ko iyon. Saka ako? Kailan ba nila tinanong ang nararamdaman ko? Lagi bang sila na lang ng sila? Bawal ba akong magsalita, bawal ba akong alalahanin? Hindi sila nakikinig pag ako na ang nagsasalita.” kita na ang kalungkutan kay Nicco habang inuusal anbg mga katagang iyon.
Nabalot ng katahimikan ang buong bahay hanggang sa unti-unting pumatak ang mga luha ni Nicco dala ng kimkim na sama ng loob sa kanyang pamilya. Muli siyang nagsalita. “Pinipilit ko naman eh, kaso kahit ako, hindi ako perpekto, hindi ko maiwasang magdamdam sa kanila, hindi ko maiwasang sisihin sila dahil sa mga bagay na ginawa nila. Hilig nilang suungin ang mga bagay bagay at magdesisyon ng madalian. Hindi na nila iniisip ang maaring kalabasan. Hindi na sila kumokonsulta sa ibang tao. Akala ba nila sila lang ang nasasaktan sa sinasapit nila? Pati ako, nasasaktan din ako para sa kanila” panandalian ay namayani ulit ang katahimikan “Lagi na lang ako ang mali, pinipilit kong makisama kahit alam kong hindi nila kaya ang makisama. Hanggang kailan na ako lang ng ako? Dapat makaramdam din sila ng hiya para matutunan nila ang pakikisama.”
“Nicco, pakatatag ka. Alam ko, kaya mo yan.” pag-alo ni Chad.
“Alam mo tol, madaming bagay sa mundo ang hindi natin kayang maintindihan. Pinipilit kong magpakabuti pero ang mga taong nakapaligid na din sa atin ang nag-aaya sa atin sa masama. Kahit hindi nila alam pero ganuon ang nagaganap. Tipong kahit pamilya mo nalilimutan mo ng pamilya mo dahil sa sobrang pagsasakripisyong ginagawa mo.” At isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Nicco. “hindi naman bawal magsakripisyo, basta ba alam mo deserving ka sa hirap na iyon at deserving ang taong iyon sa pagsasakripisyo na ginagawa mo.”
“Nicco, di ba at ikaw na din ang nagsabi na paghugutan natin ng lakas ating nakaraan lalo na ung mga hindi magandang nangyayari?”
“Oo tol, un na nga ung ginagawa ko. Kita mo, hanggang ngayon hindi ako sumusuko. Pero iba pa din ung may mapagsasabihan ka ng lahat ng nararamdaman mo. Iba na yung mayroong ibang nakakaalam sa kabiguan mo.”
“Salamat tol sa tiwala, paano na yan pag nasa seminaryo ka na? Sino ang pagsasabihan mo niyan?” tila nagpapatawang tanong ni Chad kay Nicco.
“Ah yun ba? Sino ba may sabing iyon nga ang pangarap ko? Siguro, dahil sa mula pagkabata iyon na ang pinapangarap sa akin natutunan ko ng gawing parte ng buhay ko na iyon ang pangarapin. Sa totoo lang kahit hindi mo pangarap, madali mo ng matututunang gawin nadin iyon na pangarap mo. Kaso ikaw na mismo ang babago sa pagkatao mo. Iba ng pagkatao ang dadalin mo. Masyadong kumplikado at mahirap para sa isang taong maging katuparan sa pangarap ng iba” sambit ni Nicco.
“Kita mo, dahil sa pangarap nilang magpari ako pati puso ko inilalayo ko sa kaligayahan. Iniiwasan ko ang taong talagang mahal ko.” Panandaliang natahimik ang kapaligiran “si Sandra, pinilit kong baliwalain kahit sinasabi ng puso ko tas ngayon si Andr—“ biglang napahinto si Nicco sa sasabihing iyon.
“Sino tol? Si Andrei ba ang tinutukoy mo?” tanong ni Chad.
“Ah wala un tol, nahihibang lang ako” pagbawi ni Nicco.
Kahit nararamdaman ni Chad ang katotohanan ay pinilit na lang niyang binalewala. “Pare, nasaan na ang Niccong matibay na kakilala ko? Ang Niccong magaling magpayo? Ang Niccong pantas? Wag kang bibigay Niks.” Pag-iiba ni Chad sa usapan.
“Salamat tol at pinapakinggan mo na naman ako.” ramdam ni chad ang pasasalamat ni Nicco “buti at nandito ka” namayani ulit ang katahimikan “sa totoo lang hindi ako bumibitiw sa prinsipyo ko sa buhay. Alam ko sa bandang huli, may magandang magaganap. Ako pa optimistic ata si ako. Puno ng magagandang pangarap.” nakangiting saad ni Nicco.
“Wala naman diba masama sa pangangarap. Sa katunayan, isa yan sa magpapatibay sa atin bilang tao. Mapapanatili nyan na matibay tayo at patuloy na lumalaban. Pero bawal mangarap ang nawalan na ng pag-asa. Kaakibat lagi ng pangangarap ang pag-asang makakamit ito. Wala ng silbi ang pangangarap kung sa simula ay sinusuko na natin ang sarili natin sa pagkatalo. Sinasayang lang natin ang oras natin sa pangangarap na wala namang pag-asa sa ating mga puso.” tila ba nabubuhayan ulit ng pag-asang sinambit ni Nicco.
“Tama ka tol, yan ang Niccong kilala ko, lumalaban.” nakangiting wika ni Chad.
“Kahit puro kabiguan ang danasin ko, alam ko dito sa puso ko, nararamdaman ko, may bahagi pa ding nagpapasaya sa akin. Kahit gaano kapait ang kapalaran ko alam ko may puwang pa rin sa matamis na tagumpay.” Kailangan ko lang hanapin sa puso ko kung saan ang mumunting puwang na iyon para sa kaligayahan. Dahil lang sa maling pagkilos ng tao ang kalungkutan ng bawat isa kaya naman tao din mismo ang makakapagbigay ng kaligayahan sa sarili nila.” kahit ramdam ang kalungkutan ay pinipilit ngumiti ni Nicco para ipakitang matatag siya. “sadyang madami bagay lang sa mundo ang hindi natin makukuha kailanman.”
“Tama ka tol” sambit ni Chad “tama lang talagang tawagin kitang idol Niks.”
Lingid sa kaalaman ng dalawa ay mayroong isang tao na labis din nasasaktan habang nakikinig sa pagkukwento ni Nicco. Kanina pa nakakubli sa gilid ng pinto si Andrei at hindi na tinagkang pumasok ng marinig ang tinig ni Nicco na para bang nahihirapan. Pinipigilan niya ang sarili para lumapit dahil alam niyang titigil sa pagkukwento ang binatang kanyang kinahuhumalingan. Interesado siyang malaman kung ano ba ang pinagdadaanan nito kaya’t nanatili siya sa may gilid at nakikinig. Nakaramdam siya ng higit na lungkot na marinig ang pangalang Sandra na minamahal na labis ni Nicco, subalit labis at kakaibang tuwa ang naramdaman niyang sabihin ni Nicco ang pangalan niya, bagamat hindi natuloy ay sigurado siyang pangalan niya iyon. Di nagtagal, hindi na makatiis pa si Andrei kayat nagpakita na ito sa dalawa.
“Magandang araw sa inyo” pagbati ni Andrei sa dalawa na labis na ikinagulat ni Nicco “mukang seryoso ata ang pinag-uusapan ninyo.”
“Kanina ka pa ba diyan?” tanong ni Chad
“Anong ginagawa mo dito?” mariing tinig ni Nicco “Magsosorry ka ba sa ginawa mo sa akin kahapon?.”
Naguguluhang lumapit si Andrei kay Nicco “Ano yun Nicco? Anung ginawa ko sa’yo?”
“Matapos mo akong ipahiya kahapon nagpapanggap ka na namang mabait ka sa akin?” saad ni Nicco.
“Wala akong alam sa sinasabi mo? Pwede wag mo akong pagbinatangan sa hindi ko naman gingawa sa iyo.” pakiusap ni Andrei sa mahinahong tinig.
“Teka sandali, ano ba ang nangyayari dito?” pag-awat ni Chad sa dalawa “Nicco ano yang sinasabi mo?”
“Kahapon pagkatapos ng misa, hindi ko naman sinasadya na nabunggo kita pinagsungitan nyo na ako ng barkada mo” paliwanag ni Nicco “tinawag nyo pa nga akong stupido, bulag at sinabihan mo akong tanga.” dugtong pa niya.
“Hindi ako iyon at hinding hindi ko gagawin iyon. Muka man akong suplado pero hindi ko ugaling mamahiya ng tao lalo na sa isang kaibigan na gaya mo.” sagot ni Andrei “baka iyon ung kakambal kong si Andrew.”
“Wala na, nagawa mo na, aminin mo na lang kasi.” pagpipilit ni Nicco “may Andrew ka pang nalalaman diyan.”
“Sandali lang” hinawakan ni Chad si Andrei palabas “pare ako na muna ang bahala dito. Kagagaling lang sa pagemote ni Nicco. Pangako, pagbalik mo ayos na ang lahat.”
“Sige pare, salamat. Sana maayos mo.” Sabi ni Andrei “I trust you pare.”
Pagkaalis ni Andrei ay natahimik na muli ang bahay “Alam mo Niks, sana pinagpaliwanag mo muna si Andrei” isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Chad “may kakambal naman talaga siya”
“Wag ka ng magpaliwanag, alam ko mali iyong ginawa ko. Pinangunahan ako ng emosyon ko, pero mahalaga narealize ko na mali ako. Pwede ko pang itama ang pagkakamali ko. Hayaan mo sa susunod na magkita kami kakausapin ko siya. Sana nga lang hindi siya galit sa akin.” nakangiting wika ni Nicco.
0 comments:
Post a Comment