No Boundaries - C11

Tuesday, February 1, 2011

Pagpasok sa Banal na Buhay ni Nicco

Mahigit isang buwan na din buhat ng magkita sila Andrew at Nicco ay labis pa din ang pagsisisi ni Andrew sa kanyang nagawa. Pinanghihinayangan din niya ang pagkakataon para makilala ang lalaking biglang nagpagulo at nagpakabagabag sa kalooban niya. Kahit ano mang paghahanap ang gawin niya kay Nicco ay hindi niya ito matagpuan kahit na sa simbahan ay lagi niya itong hindi naabutan.
Sa kabilang banda, higit na din sa isang buwan ng huling magkita sila Andrei at Nicco. Ang huling pagkikitang nagkaroon ng alitan sa pagitan ng dalawa. Nais mang hanapin ni Nicco si Andrei ay hindi niya alam kuing saan ito hahanapin maging si Chad ay hindi nadin nakikita pa si Andrei sa San Isidro.
Ganun pa man, si Andrei ay patuloy na umaasa na sila ay magkikita na muli ni Nicco at magkakaayos. Labis ang pangambang naiwan kay Andrei dahil sa naganap sa pagitan nila ni Nicco. Hindi ito mapanatag sa isiping galit sa kanya si Nicco. Hindi naman niya magawang umuwi sa San Isidro para makipagkita kay Nicco dahil inaasikaso niya ang kanyang mga papel para sa pag-aaral sa Maynila. Higit isang buwan din siyang nanatili duon dahil pinapuntahan ng papa niya ang kanilang mga kamag-anak para bumisita at mangamusta.
Sabado ng makauwi si Andrei sa San Isidro ay nais niyang makita agad si Nicco, ngunit pinagpasyahan niyang magsimba muna sa bayan bago puntahan ang binata sa kanilang bahay. Hindi malaman ni Andrei ang nararamdaman dahil sa palagay niya ay muli na namang kumakabog ang kanyang dibidib sa hindi maipaliwanag na dahilan. Habang nasa upuan ay naririnig ni Andrei ang mga taong may iisang bulung-bulungan.
“Mapalad ang San Isidro dahil bibiyayaan na tayo ng Panginoon ng kababayang pari.” usal ng isang ale.
“Tama ka mare!” sang-ayon ng isa pa.
Samantala, si Nicco naman ang naatasang magserve sa misang iyon, sapagkat kinabukasan ay papasok na siya sa seminaryo at ang misang ito ay inaalay ng San Isidro para sa kanyang maluwalhating pagtahak sa banal na buhay. Sa likod ng simbahan kung saan manggagaling ang pari ay madami na ang bumabati kay Nicco dahil sa gagawin nito.

Sa pagsisimula ng misa ay biglang lumundag ang puso ni Andrei ng makitang si Nicco ang sacristan ng gabing iyo. Sa isip – isip ng binata “Sa wakas, pinagtatagpo tayo ng tadhana, hindi ko na kailangang lumayo pa.” Nauupo si Andrei sa pinakaharap kung kayat madali siyang makikita.
Habang nasa taas ng altar ay agad na napansin ni Nicco ang binatang si Andrei na nauupo sa harap. Nagsimula ng kumabog ang kanyang puso ng mapansing lagi itong nakatingin sa kanya. Hindi malaman ni Nicco ang gagawin kung kayat binigyan niya ito ng ngiti. Lingid sa kaalaman ni Nicco na ang ngiting iyon ay nagpapula kay Andrei at sapat na para lalo siyang kasabikan ng binata.
Ang kasiyahan ng dalawang binata ay tila nabalot ng lungkot ng maalala ang katotohanang dapat nilang harapin.
“Mga kababayan ko, ipagdasal natin si Niccollo Emmanuelle Ray de Dios sa kanyang gagawing pagtahak sa banal na buhay.” sabi ni Fr. Rex “bigyan natin siya ng masigabong palakpakan”
Tila nawasak ang mundo ni Andrei sa nakitang iyon. Tila nais niyang umiyak sa pakiramdam niya ay iiwan siya ng taong mahal niya. Nang hindi na niya makaya pa, nagpasya si Andrei na lumabas ng simbahan. Gustuhin man niyang umalis na ng tuluyan ay hindi niya ginawa sapagkat mas nais niyang makausap ang binata at kahit sa huling pagkakataon ay makita ang mga ngiti nito para maalala sa araw-araw.
Napalitan ng lungkot ang nasa damadamin ni Nicco nang mapagtantong dahil sa desisyong iyon ay hindi niya makikita ulit pa si Andrei. Sa isiping iyon ay tila nadurog ang puso niya lalo na ng makitang lumabas ang binata sa simbahan. Pakiramdam niya ay iniwan siya ng isang taong tangay ang puso niya. Gayun pa man, masaya siya dahil kahit sa huling sandali na iyon ay nakita niya ang lalaking nagbigay sa kanya ng kakaibang pakiramdam, subalit umaasa siyang sila ay magkakausap.
Hinintay ni Andrei si Nicco na lumabas sa sakristiya, nais niya talaga itong makausap, hinintay niyang lumabas ito mula sa lugar na iyon at kahit gaano pa katagal ay hihintayin niya ito. Samantala sa loob ay naghanda ng isang salu-salo para kay Nicco at bilang pasasalamat na din sa Panginoon. Kulang isang oras na din ang lumilipas ng lumabas si Nicco.
“Nicco” sambit ng isang pamilyar na tinig “kamusta ka na?” at unti-unting nagpakita ang may-ari ng tinig na iyon.
“Andrei” tila naliligayahang nasabi ni Nicco “ayos naman ako, ikaw? Akala ko umalis ka na?”
“Usap muna tayo gusto mo?” may halong pakiusap sa tinig ni Andrei.
“Sige ba, hintayin mo ako dito at magpapaalam na ako kila Fr. Rex” masayang sagot ni Nicco.
Sa may gilid ng simbahan nag-usap ang dalawa, malayo sa daanan ng tao at sigurado ang katahimikan. Matagal ding tahimik sa pagitan ng dalawa. Sapat na ang magkasama sila para bigyan sila ng kaligayahan. “Andrei..” pagbasag ni Nicco sa katahimikan “sorry nung nakaraang araw ah” dugtong nito “alam ko mali ako, dapat pinagpaliwanag kita.”
“Ah, wala iyon. Mahalaga ngayon hindi ka na galit at maari mo ng malaman na malinis ang puso ko sa kasalanang iyon.” sagot ni Andrei pagkawika ay natahimik ulit ang pagitan ng dalawa.
“Magpapari ka pala” untag ni Andrei “bakit hindi mo sinabi sa akin?”
“Hindi ka naman kasi nagtatanong eh”
“Hindi mo ba alam na nasakt..” hindi na naituloy pa ni Andrei “wala kalimutan mo na.” dahil sa kadiliman ay hindi nakita ni Nicco ang pagtulo ng luha sa mga mata ng binatang si Andrei “mag-iingat ka dun ah at sana magkita pa tayo sa susunod.”
Alam ni Nicco ang kalungkutan ni Andrei “Salamat sa pag-aalala, at sisiguraduhin kong magkikita pa tayo. Gagawa ako ng paraan” nakangiti ngunit malungkot ang tinig ni Nicco “hindi ako papayag na hindi kita makita muli” dugtong ng isip ni Nicco.
Sabi naman ng isip ni Andrei “kay bilis mong dumating sa buhay ko, ngayon iiwan mo ako. Pero sige, sapat ng sabihin mong magkikita pa tayo para bigyan mo ako ng pag-asa. Tulad nga ng sinabi mo, hanapin sa puso ang mumunting bahagi ng pag-asa at sa sinabi mong iyan binigyan mo na ako ng pag-asa.”
“Sige tol, uwi na tayo” aya ni Nicco – kahit kabaliktaran ang nasa isip niya, dahil ang totoo ay nais niya itong makasama pa kahit habang-buhay.
“Sige una ka na” may hinhintay pa ako – “Nicco wag mo akong iwan, ikaw lang ang gusto kong makasama kahit habang-buhay” sigaw ng isip ni Andrei.
Nilisan na ni Nicco ang lugar. Lingid sa kaalaman nila ay mayroon palang isang taong kanina pa sila pinakikinggan. Pagkaalis ni Nicco ay agad itong bumati kay Andrei “Kamusta ka na pare, sabi ko na nga ba, malaki ang tama mo kay Fr. Nicco eh” may pagbibiro sa tinig nito.
“Chad, ikaw pala iyan” agad na inayos ni Andrei ang sarili.
“Pare, ito lang masasabi ko sa’yo. Kung gusto mo talaga si Niks pag-isipan mong mabuti at pag sigurado ka na hilahin mo na siya pabalik sa iyo. Sabi nga niya, mahirap gumawa ng bagay na hindi mo pinag-iisipan dahil sa simpleng aksyon mo, pwede mong gawing kumplikado ang lahat kung mali pala ang hinala at akala mo.” Pagpapayo ni Chad.
“Salamat pare, pakiramdam ko mahal ko na siya” sagot ni Andrei “sige tawagin na nila akong bakla, kutyain, pero hindi ko pwedeng pigilan ang damdaming gustong kumawala.”
“Alam ko may nararamdaman din siya para sa’yo, pero dahil sa mga bagy bagay, hindi niya magawang pakawalan ang damdaming iyon.” pag-alo ni Chad “ikaw, ikaw lang ang makaktulong para kumawala din ang ganuong damdamin”
“Ako?” Pagtatanong ni Andrei.
“Oo pare, dahil ikaw ang damdaming gusto niyang pakawalan.” Sagot ni Chad.
“Sige pare, uwi na tayo. Pag-isipan mong mabuti. Wag kang mawawalan ng pag-asa. Sa puso mo, laging may nakalaan para sa tagumpay at kaligayahan.” Pag-aya ni Chad.
“Nicco fever ba ang San Isidro? Niccong Nicco ka kung mag-isip ah” may ngiting nasabi ni Andrei dahil na din gumaan ang loob niya sa sinabi ng kaibigan.
“Ikaw ba naman ang laging kasama nun eh, tingnan ko lang kung di ka mahawa.” Tumatawang sagot ni Chad.
Pagkauwi sa bahay ay naging mahimbing ang tulog ni Andrei samantalang hindi mapanatag si Nicco. Dahil dito ay muli niyang kinausap ang Diyos para sa kapanatagan at hindi nga naglaon ay nakatulog siya ng mahimbing at magaan ang pakiramdam.

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP