No Boundaries - C7
Tuesday, February 1, 2011
Muling Pagtatagpo ni Nicco at Andrei
Isang lingo na din mula ng magkakilala sila Nicco at Andrei. Hindi nadin malinaw para kay Nicco ang anyo ng binatang si Andrei. Kahit anong pilit ang gawin ni Nicco ay hindi nya mabuo ang larawan nito sa isipan. Tanging natatandaan na lamang niya ang ang kabog ng kanyang dibdib at panginignig ng kanyang kamay at binti nung mga panahong iyon. Maging ang ginawang paghalik nito sa kanya na unang beses niyang nalasap.
“Nicco, gumising ka na at tanghali na” pang-iistorbo ng isang pamilyar na tinig sa nahihimbing na si Nicco “bilisan mong kumilos at may pupuntahan tayo.”
“Kung makagising ka parang wala ng bukas” sagot ni Nicco at pagkagulat ng makita ang taong gumising sa kanya “Chad, ano ang ginagawa mo dito?”
“At kung matulog ka parang wala ng bukas” nakangiting sagot ni Chad “may pupuntahan nga tayo, pinagising ka na sa akin ni Mang Juancho para makalakad na tayo agad.”
Sa paglalakad ng dalawa papuntang bayan ay nagtanong ulit si Nicco “Saan ba talaga tayo pupunta? Ano naman ang gagawin natin dito sa kapitolyo? Niloloko mo lang ata ako eh.”
“Hindi kita niloloko. Panahon na para ipakita mo yung talentong matagal mo nang tinatago.” sagot ni Chad.
“Ano namang talent un?” tila nagtatakang tanong ni Nicco.
“Ang pag-awit. Lagi kitang naririnig na kumakanta sa inyo. Sayang naman ang talent kung hindi ipapakita sa marami. Baka mapanis yan.” nakangiting saad ni Chad.
“Di bali nang mapanis wag lang mapahiya.” pagkasabi nito ay biglang huminto ng may mapansin “sira ka ba, mamaya na pala ung contest eh.”
“Eh ano naman ngayon, kantahin mo ung lagi mong kinakanta sa kwarto mo” sagot ni Chad “ung No Boundaries. Ganda nga ng version mo eh.”
Matapos sabihin ito ay lumapit na si Chad sa nagsusulat ng mga kasali at ipinalista na si Nicco. “Miss, open pa po di ba kayo sa listing na sasali di ba? Pakilagay po Niccollo Emmanuelle Ray de Dios galing ng San Isidro.”
Huli na ng mapansin ni Nicco ang ginawa ng kaibigan kaya’t wala siyang nagawa kundi ang umayon na lang. “Naku Chad, pag ako napahiya mamaya hindi kita mapapatawad. Dahil sa ginawa mo, ikaw dapat ang maghanda ng lahat at ako’y walang alam sa ganyang mga bagay.”
“Ayaw mo nun, ikaw ang magdadala ng pangalan ng San Isidro, wag ka mag-alala, ung nanalo dati ay galing ng San Isidro at judge un ngayon. Sabi nga nya humanap ako ng representative natin eh. Sigurado ipapanalo ka nun.” pagkasabi ay tumawa nalang ito.
“Ayaw kong manalo sa pandaraya. Hindi pa naman ako siguro ganuong kasama na tao, sigurado akong hindi ako magiging maligaya kung alam kong inalis ko sa iba ang karapatang dapat ay sila ang may hawak pero nakuha ko dahil sa daya. Mas gusto ko na lang mapahiya kaysa naman makaapak ng ibang tao at magbigay ng inhustisya. Nakakahiya ang ganuon.” sambit ni Nicco na may kalungkutan.
“Ano ka ba, siyempre di mangyayari un na mananalo ka dahil sa daya. May tiwala ako na kaya mo talagang manalo. Alam mo, madami ang nagsasabing magaling ka talaga. Kung patuloy mong itatago yang talent na yan, dineprieve mo lang ang sarili mo para makuha ung tamang pagkilala sa husay mo sa isang bagay.” pagtutuwid ni Chad “ayos nga un diba, tatawagin ka nilang The Singing Priest of San Isidro.” dagdag pa nito na nakangiti.
Dumating na nga ang oras ng kompetisyon. Kitang – kita ni Nicco ang pagdagsa ng mga taga-San Isidro para suportahan siya. Pangpito siya sa mga kalahok, labis naman ang kaba niya ng marinig ang mga kasaling nag-eensayo sa backstage at ung mga nakatapos na. Nang sumilip siya para tingnan ang nasa labas laking gulat niya ng makita ang isang pamilyar na anyo na kasama ng mga hurado. Lalo siyang kinabahan at nangatog ang kanyang mga tuhod ng masiguradong ito ang pangahas na umangkin sa labi n’ya sa unang pagkakataon.
Matagal siya sa ganuong ayos ng lapitan siya nila Fr. Rex at ni Chad. “Malapit ka na iho, galingan mo.” sabi ni Fr. Rex.
“Mamumutla ka na oh, wala ka pa sa stage nyan. Isipin mo sa kwarto ka lang kumakanta, ang ang hawak mo suklay at nakatayo ka sa papag. Ganuon lang. Wag mo isiping madaming nanunuod sa’yo.” sabi naman ni Chad na may ngiti.
“Wag kang mag-alala, tutulungan ka ng Diyos para magawa mo ang lahat ng kaya mong ibigay tulad ng ibang kalahok.” sabi ni Fr. Rex.
“Salamat po” pagkawika nito ay naisip niya na –“oo nga pala, laging tumutulong ang Diyos sa lahat ng bagay. Nagbibigay ng suporta para sa lahat. Basta ibigay ko lang ang sarili ko at lahat ng kakayahan ko siya na ang bahala. Fair naman siya sa lahat, un nga lang nasa tao na kung paano gagamitin ang mga binigay sa kanila.”
Sa pag-iisip ng ganito ay bahagyang napanatag ang kalooban ni Nicco.
“Niks, ikaw na, bilisan mo” sabi ni Chad.
Sa kabilang banda naman, habang nakaupo si Andrei kasama ang ibang hurado ay nakaramdam siya ng kaba nang mabasa ang isang pamilyar na pangalan sa listahan ng mga kalahok. Iniisip niya kung ito ba ay si Nicco na nakilala niya o isang kapangalan. Kahit alam niyang ito ay ang kakilala niya, nagbibigay pa din siya ng duda sa knayang hinala. Kahit hindi pa nagsisimula ay nais na niyang makita ang pampitong kalahok at bawat kumakanta ay tila ba gusto niyang sabihing “next” para umabot sa pampitong kalahok. Gusto na rin niyang tumayo sa upuan at pumunta kung saan anduon ang mga kalahok. Lingid sa knayang kaalaman ay may mga matang nakatitig sa kanya na ganuon din ang nararamdaman. Hindi makapagconcentrate si Andrei dahil sa pagnanais na makita ang pampitong kalahok at lalo lumakas ang dagundong sa loob niya at bumilis ang tibok ng puso ng tinawag na ang kanina pa niya hinhintay.
Kahit may kaba at pagkabalisa kay Nicco dahil sa dami ng tao, lalo’t higit dahil sa mukhang dati’y pilit niyang inaalala ay nagawa pa din niya ang makakanta sa harap ng mga tao. Sa una’y kinakabahan ngunit ayaw niyang ipahalata. Inisip niyang nanaginip lamang siya nang sa ganuon ay mawala ang tensyong bumabalot sa kanya. Pinalagay niyang ang lahat ay imahinasyon na lalong nagbigay sa kanya ng lakas para lalong galingan. Iniisip niyang kumakanta siya para kay Andrei na nuon din ay nasa harapan niya.
Hindi alam ni Andrei ang nararamdaman. Napakalaking paghanga ang binigay sa umaawit sa harap niya. Tila ba nais niyang angkining ito ay kumakanta para lang sa kanya. Tila nais niyang paalisin ang lahat para siya lamang ang makadinig sa tinig ni Nicco. Pakiramdam niya ay silang dalawa na lang ang tao sa lugar na iyon. Unti-unti bumalik siya sa dating katauhan ng marinig ang palakpakan ng mga tao. Pagkarinig nito ay tumayo siya kasama ang ibang hurado na kita ang paghanga sa galing ng kalahok.
Nais ni Andrei na matapos na ang patimpalak ng sa ganuon ay malapitan na niya si Nicco. Habang si Nicco ay hindi alam kung uuwi nab a para maiwasan ang binata o hihintaying matapos ng makapag-usap sila. Pero mas nanaig ang pagnanasang sila ay muling magkausap.
Sa may di kalayuan ay nanduon din si Andrew para maghanap ng lead vocal sa bandang tinatatag niya. Hindi niya maintidihan ang sarili dahil sa pakiramdam niya na nais na niyang angkinin at tawaging sa kanya ang pamilyar na mukhang iyon. Tila ba nais niyang pagsisihan ang binulong dati ng isipan niyang ito ay manhid. Nais pa sana niyang manatili subalit inaya na sila ng mga kabarkada niyang umuwi dahil sa tingin nila ay nakita na nila ang bagong magiging miyembro ng banda niula at minabuting bukas na lamang ito kausapin. Ayaw man ng kalooban ni Andrew ay nilisan na nila ang lugar at ang pakiramdam niya ay tila ba iniwanan niya ang taong mahalaga sa kanya.
Di naglaon ay natapos na ang patimpalak at nagbunyi ang buong San Isidro dahil sa tagumpay ng kanilang manok. Sa kanilang pagsasaya sa backstage “Sabi ko na nga ba magaling ka talaga” payakap na pagbati ni Aling Neneng. Kasunod nito ay ang pagbati na din sa kanya ng mga kababaryo, kakilala, kanyang mga nakalaban, mga hurado, maging ang mga hindi nila kakilala na humanga sa likas na talento ni Nicco.
“Iyan si Nicco, hindi lang pang-akademiko, pang kantahan pa” pagbati ni Manong Rene.
Nahihiya man at namumula walang ibang nasabi si Nicco kundi “Salamat po.”
“Sa una’y gwapo sa tingin, matalino kung iyong susubukin, mabait kung kikilalanin, at nagayon bumibirit na din.” Pagkawika nito ni Rome ay tumawa ang lahat.
Sa di kalayuan ay nanduon at naghihintay ng tamang oras si Andrei para malapitan si Nicco. Sa kabilang banda ay hinhintay din ni Nicco na lapitan siya ni Andrei at pilit niyang hinahagilap ng mata kung nasaan ang binata. Kaya’t nang mag-aya ang mga kakabayan niya para umuwi na ay tumanggi ito at sinabing maya-maya na siya uuwi. Ganuon pa man ay sinamahan siya ni Chad hanggang sa makatapos na silang magligpit at kausapin ng iba’t ibang taong nagpapabatid ng paghanga.
Nang mapansin ni Andrei na wala ng nakapaligid kay Nicco kundi si Chad ay nilapitan na niya ito para batiin. “Congratulations! Perfect score ka sa lahat ng judges.”
“Salamat naman po” tanging nasambit ni Nicco na nihihiya.
“Sabi ko sa’yo pare, magaling to eh” pagmamalaki ni Chad.
“Tama ka pare, kita mo syanding ovation at nanalo na walang bad comments” pagsang-ayon ni Andrei “ano pauwi nab a kayo?” dugtong pa ng binata.
“Oo pare, magcocommute na nga lang kami wala kasi akong dalang sasakyan eh” sabi ni Chad.
“Pauwi na din ako, halika na sabay na kayo sa akin.” pag-anyaya ni Andrei.
“Sige ba pare!” si Chad.
Habang nasa sasakyan ay patuloy na nag-uusap ang magkaibigang Chad at Andrei. Sa likod na piniling sumakay ni Nicco dahil nahihiya it okay Andrei samantalang si Chad ang nasa harapan at si Andrei ang nagdidrive. Tawanan, kwentuhan, alaskahan ang pinag-uusapan ng dalawa. Sa isip-isip ni Nicco, ayos lang na hindi niya makausap si Andrei mahalaga nakita nya ulit ito. Habang patuloy sa pag-uusap ang dalawa tila nasaktan ang damdamin ni Nicco nang margining ang kwentuhan ng dalawa patungkol kat Steph at lalo siyang nalungkot nang malamang ito pala ay minamahal ni Andrei. Nais tumulo ng luha ng batang si Nicco pero pinigilan niya ang sarili.
Kahit masakit, pinipilit pa din niyang ngumiti pag nililingon siya ng kahit sino sa dalawa. Napagtanto niya na kahit ano ang gawin niya, hindi maaaring magsama ang parehong lalaki dahil ang lalaki ay para sa babae. Sinaway niya ang sarili sa pag-iyak dahil inisip niyang wala siyang karapatang masaktan dahil sa simula pa lang ay dapat alam na niya ang bawal.
Di nagtagal at nakarating na sila sa bayan. Ilang sandali pa ay binaba na ni Andrei si Nicco sa harap ng bahay nila samantalang si Chad ay sa kabilang kanto pa. Labis ang lungkot ni Nicco na dinaan na lang niya sa tulog. Wala sa bahay nila ang tatay niya, maging ang mga kapatid ay hindi naisipang dumalaw o kaya ay puntahan siya. Isa lang ang nasa isip niya, ang magpahinga at wag nang alalahanin pa ang lahat nang nangyari.
0 comments:
Post a Comment