Chapter 8 : In Love With Brando
Thursday, February 10, 2011
by: Joshx
-----o0O0o-----
Halos mapanganga ako sa tinuran niya. Totoo ba ang narinig ko? Si Kuya Brando engaged to be married sa babaeng ito? Kaytagal akong naghintay kay Kuya Brando tapos ngayong nakita ko na siya ulit at nahalikan pa for the first time, may bigla na lamang lilitaw na aangkin sa kaniya! OMG! Kakayanin ko ba ito?
Tiningnan ko siya ng diretso sa mga mata. Pilit inaaninaw kung nagsasabi ba siya ng totoo. Pero wala akong mabakas sa mga matang iyon maging sa ekspresyon ng magandang mukha. Saka ko biglang naalala na kaya pala she looks familiar ay dahil siya nga pala iyong babaeng kasama ni Kuya Brando sa puting kotse sa SM last week.
Gusto kong manlumo sa naisip. Siya nga iyong babaeng iyon. Hindi ako nagkakamali. Siya iyon. So malaki ang posibilidad na nagsasabi siya ng totoo. Gusto ko tuloy maiyak nang maramdaman ko ang animo’y isanlibong karayom na itinusok sa aking dibdib.
“Tell him I just dropped by,” sabi nitong may ngiti sa labi saka walang lingon-likod na umalis.
“DITO BA NANGGALING si Yzah Elizalde?” halos hindi makapaniwalang tanong ni Eunice sa akin. Kapapasok lang nila sa opisina ni Kuya Brando kasama si Harry na kagaya ko’y nagulat din sa tanong.
“Kilala mo siya?” balik-tanong ko sa kaniya habang isinisilid ko ang laptop ni Kuya Brando sa black cotton case nito.
“Magtatanungan na lang ba kayong dalawa diyan?” sabad ni Harry.
Tumingin sa akin si Eunice tapos kay Harry saka sinabi, “Palibhasa ay hindi kayo nanonood ng TV kaya hindi ninyo siya kilala. Si Yzah Elizalde ay naging isa sa contestant ng isang reality show five months ago. Hindi nga lang siya ang tinanghal na winner. Sikat na sikat siya sa fashion world dito sa atin.”
Okay fine, sabi naman ng utak ko. Hindi ako makaramdam ng paghanga, bagkus ay pagkainis. Inis nga ba o selos? Ewan. Wala naman siyang ginawang hindi maganda sa akin para ikainis ko kaya malamang selos nga itong nararamdaman ko.
“Dito nga ba siya galing?” muling tanong ni Eunice.
“Oo, at hinahanap si Ku— Sir Brando, ” tugon ko.
“Talaga, hindi man lang nakapagpa-autograph,” may himig panghihinayang si Eunice. “Ano daw kailangan niya kay Sir Brando?”
“Walang sinabi, nagpakilala lang naman na fiancée daw siya ni Sir.”
“What?” halos mamilog pa ang mga mata ni Eunice.
“Talaga?” pakli naman ni Harry. “That’s good news,” sabi pa niya na lalong ikinainis ko. Napansin naman ni Harry ang pagbabago ng ekspresyon ko kaya bigla na rin siyang tumahimik.
“Naku, paano ba ‘yan Rhett, may kaagaw kana kay Sir.” Sabi ni Eunice.
Sabagay kahit saang anggulo naman tingnan kapag babae na ang karibal palagi namang wala nang magagawa unless mahal ka talaga ng mahal mo. Pero sa akin, mahal ba ako ni Kuya Brando? Oo nga’t nag-kiss kami kanina, pero iyon na ba iyon? Pwede na bang pagbasihan iyon na mahal niya ako kahit na pagkatapos ng masarap na halik na iyon ay wala man lamang siyang sinabi ng kahit ano? Kung kami na ba? May relasyon na ba kami? Mahirap naman mag-assume ng ganoon dahil siyempre iba pa rin iyong sinabi mismo na mahal niya ako o kahit man lang may pagtingin siya sa akin.
“Hindi bale, mas maganda ka sa Yzah Elizalde na iyon,” pagbibiro pa ni Eunice para pasiglahin ako.
“Tange,” sabi ko sa kaniya, “Guwapo ako hindi maganda.” Kahit naman kasi aminado akong bisexual, uneasy pa rin ako kapag tinatawag na maganda. Iyong iba siguro preferred nila iyon, pero sa akin kahit pabiro ayoko. Pananaw ko lang naman iyon at hindi ako against sa mga kalahi kong gustong tawaging maganda.
“Tayo na ngang umalis,” yaya ni Harry. Lampas na kasing alas-singko ng hapon. Tumingin siya sa akin. “Tulungan na natin itong si Eunice sa anomang bibilhin niya sa SM para maaga na rin tayong makauwi.”
“Nagpapahintay si Kuya Brando,” sabi ko. Pagtingin ko kay Harry ay medyo dumilim ang mukha sa selos.
“Past 5PM na ah, tapos na ang oras mo kaya pwede nang umuwi,” sabi ni Harry.
“Hindi ka pa ba tapos?” si Eunice.
“Tapos na, naayos ko na itong laptop,” tugon ko sabay turo sa laptop na isinilid ko sa case nito.
“Iyon naman pala, tara na,” yaya ni Harry.
“Mauna na lang kaya kayo, baka kasi magalit iyon kapag hindi niya ako inabutan.”
“Nagpapahintay ba talaga o ikaw lang itong gustong maghintay?”
Hindi ko nagustuhan iyong tono ng pananalita ni Harry, pero inintindi ko pa rin. Kung ako man ang nasa katayuan niya, malaki din ang posibilidad na ganoon ang iasta ko. Kaya minabuti ko na lang huwag pansinin.
“Kasalanan ko,” sabi ni Eunice.
Nagtatanong naman ang mukha kong tumingin sa kaniya.
“Kanina kasi nagpapatawag ng mag-aayos ng laptop si Sir, tumawag ako sa main office, absent daw yung computer technician namin kaya nabanggit ko sa kanya na may alam ka sa pag-aayos ng computer.”
Iyon pala ang sagot kung bakit nalaman ni Kuya Brando. Si Eunice pala ang salarin.
“Lumuwang pa nga ang pagkakangiti niya nang sabihin kong marunong ka. Tapos iyon pinatawag si Engr. Clyde para puntahan ka. Sorry Rhett, hindi ko naman kasi alam na magtatagal ka.”
Bakit naman luluwang ang ngiti niya? Para saan ‘yon?
“Ikaw pala ang maysala,” pabirong sabi ni Harry kay Eunice. “At dahil diyan, mag-isa kang pumunta ng mall. Iyan ang parusang ihahatol ko sa ‘yo. Hihintayin na lang kita Rhett.”
“Wala namang ganyanan…Pumayag na kayo kaninang sasamahan niyo ako, wala ng bawian iyon.”
“Ganito na lang,” mungkahi ko sa kanila, “Mauna na lang kayo sa SM. Susunod na lang ako.”
Abot-tainga naman ang ngiti ni Eunice na humawak sa kanang braso ni Harry. “Oo nga Harry, mauna na tayo sa SM. Hintayin na lang natin si Rhett doon.” Nag-angat pa siya ng mukha para tumitig sa mukha ni Harry.
Lihim naman akong natawa. Nagpapa-cute na naman itong si Eunice.
Tumingin naman sa akin si Harry na parang nagpapatulong. Pero imbes na tulungan ko’y itinulak ko pa siya palapit kay Eunice. “Sige na, una na kayo.”
No choice na si Harry kaya nagpatangay na lamang nang itulak ko silang palabas ng opisina, ayaw pa ring bumitaw sa braso niya si Eunice.
Tuwang-tuwa naman si Eunice sa ginawa ko at palihim na kumindat pa sa akin bago tuluyang umalis.
Masasarili nga naman niya si Harry. Go go girl!
AN HOUR LATER, wala pa rin si Kuya Brando. Pero wala naman akong maramdamang pagkainis kahit siguro abutan pa ako ng magdamag sa paghihintay dahil siyempre si Kuya Brando ang hinihintay ko. May mga tanong ako sa aking isip tungkol sa status namin pagkatapos ng unang halik at kung totoo ba ang sinabi ni Yzah Elizalde, mga tanong na hindi rin ako sigurado kung kaya kong itanong sa kaniya pagdating.
Paano kung hindi ko magustuhan ang isasagot ni Kuya Brando? May kasabihan nga na ‘What you don’t know won’t hurt you’, hindi kaya mas maganda na lang muna ang ganoon?
Narinig ko ang marahang katok sa pinto. Nang buksan ko ang pinto, isang delivery man ang nasa labas. Nagtaka naman ako at para daw sa akin iyon. Pagkatanggap ko ng pagkain ay inilapag ko yon sa mesita saka inilabas sa plastic bag. Extra large french fries, large na pineapple juice at burger. Eksakto pa namang kumakalam na ang aking sikmura sa gutom. Kinuha ko ang aking cell phone at nag-text, “Harry…tnx.”
Mabilis naman itong nag-reply, “tnx 4 wat?”
Ibig sabihin hindi pala sina Harry at Eunice ang nagpadala ng pagkain. Eh sino?
Sobrang saya naman ang naramdaman ko nang maisip ang posibilidad na si Kuya Brando ang nagpa-deliver. Wow, wow, wow at isa pang wow! Siya nga kaya? O baka naman nagkamali lang yung delivery man. Pero pangalan ko talaga ang nasa resibo.
“tnx 4 wat?” ulit ni Harry.
“4 being a frend 2me,” palusot ko na lang sa kaniya.
Kung si Kuya Brando nga ang nagpadala, nakakakilig naman ang gesture niyang ito sa akin. Ibig bang sabihin nito’y sa papaganda na ang realasyon namin sa isa’t-isa? Relasyon? Bakit meron ba noon? Pangongontra naman ng utak ko.
Naalala ko pa noong huli akong dalhan ni Kuya Brando ng fries at juice sa school. Iyon ‘yung pinakiusapan siya ni Kuya Rhon na iabot sa akin ang pera dahil nawala ang coin purse ko. Kahit papunta noon si Kuya Brando sa Maynila, ay inuna pa rin niya ako. Tapos noong papalayo na ako, tinawag niya akong ‘Utoy’. Nami-miss ko na talaga ang ganoong pagtawag niya sa akin. Para kasing very close ako sa kaniya, iyon bang parang walang pader na nakaharang sa pagitan namin. Ang luwang ng ngiti niya at sobrang guwapo nang iabot niya sa akin ang isang plastic bag sabay sabing ‘Binili ko ‘yan para sa’yo. Alam ko paborito mo ‘yan.’ Halos maiyak naman ako sa tuwa nang makita ko ang laman sa loob: French fries at pineapple juice. Hinila ko pa nga siya sa braso noon at nang yumuko siya, bigla ko siyang hinalikan sa pisngi. ‘Salamat Kuya Brando, salamat talaga dito. Love na talaga kita!’ sabi ko pa. ‘Love naman din kita. Lahat naman ng love ni Rhon ay love ko rin. Basta kapag may mang-aaway sa’yo isumbong mo sa akin. Ako ang magtatanggol sa’yo’ iyon ang tugon niya sabay ginulo ang buhok ko. At imbes na mainis ay natawa na lang ako sa ginawa niya.
Ang sarap balikan ng kahapon, lalo na yung masasaya at yung tungkol sa kaniya.
Sampung minuto na ang nagdaan pero hindi ko pa rin sinimulang kainin ang pagkain. Nagda-dalawang isip ako dahil baka hindi naman si Kuya Brando ang nagpadala noon. Baka wrong delivery. Kinuha ko ang cell phone ko saka huminga ng malalim at nagsimulang mag-type, “tnx sa fud, Sir. ;-)”
Kinakabahan ako habang naghihintay ng reply galing kay Kuya Brando.
Limang minuto na walang reply.
Sampung minuto, wala pa rin.
Labinlima, wala talaga.
Natutunaw na ang yelo sa pineapple juice. Pakunat na ang French fries at lumamig na ang burger ay wala pa rin. Nagpasya akong lantakan na ito. Kung wrong delivery man, babayaran ko na lang kung sakali. Gutom na ako eh.
Alas-siyete y medya na nang magtext ako ulit kina Harry at Eunice. “Harry, wala pa si Kuya Brando, ihatid mo na si Eunice sa kanila. Uuwi na lang akong mag-isa maya-maya.”
“Okay, ihahatid ko lang si Eunice. Hintayin mo ako diyan at susunduin kita.”
“Huwag na, kaya ko namang umuwi ng mag-isa.”
“Basta. Maganda nang nandiyan ako. Baka kung ano pang gawin sa ‘yo ni Sir Brando.”
Anong gagawin sa akin ang sinasabi niya? “Okay,” reply ko to end the conversation.
Pero muling tumunog ang phone ko. Nang basahin ko ang message, “Rhett, thanks for being nice. Binigyan mo ako ng pagkakataong masolo ko siya. Bwahahaha!” Galing kay Eunice.
Natawa ako at nag-reply, “anong iskor na? naka-first base ka ba?” as if siya itong lalaki at si Harry ang babae.
“Negative, masyado kasing pakipot itong kaibigan mo.”
“Mahina ka pala, mabagal ka pa sa pagong. Hehehe.”
“Ganun? Hamunin ba…sige mamaya makakatikim ito sa akin ng first kiss. Bwahahaha!”
“Go Girl! Goodluck!” Natatawa na natutuwa talaga ako kay Eunice. Alam ko namang hanggang text lang iyon at hindi niya kayang gawin. Matinong babae pa rin naman si Eunice, hanggang pangungulit lang naman kay Harry ang kaya niya. Baka nga kung kunwaring patulan siya ni Harry, baka magtatakbo rin iyong palayo sa takot.
ANG LAHAT NG gusto kong itanong kay Kuya Brando ay nawalang lahat nang wala man lamang katok sa pinto ay pumasok siya ng opisina. Parang nalulon ko yata ang dila ko nang makita ko siya. Ang amoy ng peras at banilya ang umalingasaw na muli sa boung paligid. Kahit maghapon na siyang nagtrabaho, mukhang fresh at nananatiling neat looking pa rin si Kuya Brando, iyon bang parang laging bagong paligo. Tumingin siya saglit sa akin saka dumiretso ng upo sa kaniyang mesa.
Tumayo ako sa aking pagkakaupo sa sofa saka lumapit sa kaniya. Buti na lang at naimis ko na ang pinagkainan bago pa siya dumating.
“O-okay na ‘yan Ku—Sir,” sabi ko. Hindi man lang siya tumingin sa akin. Inilabas niya sa case ang laptop, binuksan saka pinindot ang power ON button.
Bakit ganoon? Iba-iba na kanina after the kiss, magaan na ang atmosphere lalo na nang dampian niya ulit ako ng last kiss bago siya umalis. Bakit ngayon parang balik na naman sa dati? Kagaya noong interview sa akin. Ano iyong kanina na parang okay na kami? Wala ba talaga ibig sabihin iyong kiss? Wala lang, ganun lang? Ako lang ba ang nagbibigay ng iba pang pakahulugan samantalang sa kaniya, it’s just a plain and simple kiss. Bahagi lang ng init ng katawan niya.
Naisip ko tuloy kung ilan na kayang kagaya ko ang nahalikan niya isang segundo at sa susunod na segundo, balewala lang? Posibleng marami na kung ibabatay na rin sa tanong ni Yzah Elizalde na ako daw ba ang flavour of the month. Ibig sabihin iba-iba ang lalaki ni Kuya Brando at malamang ay hindi na mabilang. Malamang marami din siyang fling at napakasakit isipin kung isa pala ako sa mga iyon.
Para tuloy bigla akong napagod ng sobra-sobra. Nawala ako sa kundisyon. Iyong feeling na parang nawalan ng pag-asa at direksiyon. Parang ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.
“Okay, now it’s working.” Sabi niya na tutok pa rin ang atensiyon sa laptop nang masiguro na ayos na nga ito at magagamit na niya sa paggawa ng nakabinbing trabaho niya.
Wala man lang bang ‘thank you’?
“I’ll go ahead Sir,” paalam ko. Kailangan ko ng makalabas. Namumuo na ang luha sa gilid ng aking mga mata. Baka pag nagtagal pa ako kahit ilang segundo, hindi ko na malalabanan pa ang pagdaloy nito sa aking pisngi. Ayoko namang makita niya akong umiiyak. Baka tanungin niya ako kung bakit. Alangan namang sabihin ko dahil sa kaniya. Kung pagtawanan niya ako e ‘di lalong nasaktan ako, ‘ika nga ‘Adding insult to injury.’
Hindi ko na siya hinintay pang sumagot, tumalikod na ako at mabilis na lumabas ng pinto. Dinig ko pa ang tawag niya sa akin pagkasara ko ng pinto, “Wait, Mr. Santillan…”
Gusto ng puso kong buksan muli ang pintuan para alamin kung bakit niya ako tinawag pero mas nanaig ang sabi ng utak kong umalis na lamang. Ilang hakbang palayo hindi ko na napigilan ang mga luha kong naghabulan sa pagdaloy sa aking mga pisngi.
“ANONG GINAWA niya sa ‘yo, sinaktan ka ba niya?” pambungad na tanong ni Harry nang masalubong ko siyang naghihintay sa labas ng gate ng construction site. “Bakit ka umiiyak, anong ginawa niya sa ‘yo Rhett, sabihin mo.”
Medyo nakapukaw sa atensiyon ng guwardiya sa gate ang malakas niyang boses kaya nagmamadali ko siyang nilapitan, hinawakan sa isang braso saka iginiya palayo sa gate. “Wala. Wala siyang ginawa,” paniniguro ko sa kaniya.
“Bakit ka umiiyak, sabihin mo ang totoo. Papasukin ko iyang Brandong ‘yan sa loob nang makatikim siya sa akin,” galit pa rin siya at medyo duda sa sinabi ko.
“Mag-relax ka nga,” sinadya kong itaas ang tono ko para matahimik siya. “Walang ginawa sa akin si Kuya Brando na anoman. Napuwing lang ako paglabas ng pinto kaya ganito.”
“Sige, pagtakpan mo siya kung gusto mo,” sabi niya na ang tono ay parang sa isang sundalong natalo sa labanan. “Ang sa akin lang, huwag ko lang malalaman na sinaktan ka niya, dahil kapag nangyari iyon…hahanapin ko siya saan man siya magtago.”
“Masyado kang madrama, para na tuloy telenovela ang nangyayari sa atin. Tayo na ngang umuwi,” pagbabago ko ng topic. Kapag kasi ganoon na ang tono ni Harry, iba na ang pakiramdam ko, parang may takot na sa loob ko na baka nga totohanin niya ang sinasabi. Ano na lang ang mangyayari sa kaniya kung sakali? Mapapayagan ko bang saktan niya si Kuya Brando?
LAMPAS ALAS-ONSE na ng gabi ay hindi pa rin ako dalawin ng antok. Tulog na si Tiya Beng dahil sa malalakas na pagharok mula sa kaniyang silid. Naiisip ko si Harry na alam kong tulog na rin sa kabilang kuwarto. Simula nang magkita kami ulit ni Kuya Brando, may ilang pagbabago na sa aming dalawa. Ramdam ko na parang biglang nagkaroon ng pader sa pagitan namin.
Dati-rati’y kwentuhan pa kami niyan bago matulog sa gabi. Kahit na anong topic. Anything under the sun. Pero lately lagi na lang siyang nauunang umakyat sa silid para matulog. Nami-miss ko na tuloy ang dating Harry.
Naisip ko din si Yzah Elizalde. Kung totoo ngang fiancée siya ni Kuya Brando, ibig sabihin ay kinukunsinti niya si Kuya na manlalaki? Kung ganoon, hindi lang pala nag-iisa sa Eunice sa mundong ito at baka marami pang katulad nila. Maganda si Yzah at hindi maitatatwang perfect match sila ni Kuya Brando. Malamang mayaman din ang babaeng iyon, kita naman sa ganda ng kutis at postura. Pero bakit kaya si Kuya Brando na isang bisexual ang ginusto niya samantalang napakarami namang straight guys na mayaman pa na pwede? Sabagay guwapo naman kasi talaga itong si Kuya Brando kahit hindi mayaman. Ako nga bata pa lang umibig na sa kaniya.
Hindi ba talaga mayaman si Kuya Brando? Ewan. Parang ngayon ko lang naisip na napakakonti pala ng nalalaman ko tungkol sa kaniya. Siya si Kuya Brando, ex ni Kuya Rhon, nagbo-board noong mga panahong okay pa sila ni Kuya Rhon at nag-aaral sa UB. Umalis sa boarding house nang maghiwalay sila ni Kuya. Muling nagbalik after ten years, isa ng electrical project engineer. Father? Hindi ko kilala. Mother? Ewan. Permanent address? Hindi ko rin alam. May kapatid? Hindi ko na matandaan. Pabango? Hindi ko alam ang brand, basta gusto ko kasi amoy peras at banilya.
Ibig sabihin madami pa pala akong dapat malaman tungkol sa kaniya. Isa pa palang misteryo si Kuya Brando. Sabagay ang rason nga ng hiwalayan nila ni Kuya Rhon ay isa pa ring misteryo. Si Kuya Rhon naman, ayaw na niyang balikan pa ang nakaraan. Ayaw na niyang pag-usapan.
Nakaidlip na ako ng halos limang minuto nang tumunog ang aking cell phone. Sino kaya ang magte-text sa ganitong malapit na ang hatinggabi? Tiningnan ko kung sino.
1 message
Kua Brando
11:45:23 pm
OMG! May nag-text! Si Kuya Brando may text! Pakiramdam ko tuloy ay biglang nahulog sa kama ang puso ko at nagpagulong-gulong sa sahig. Bigla akong na-excite. Halos mangatal pa ang daliri ko nang pindutin ang keypad para basahin.
“Come with me.”
Nagmamadali akong nagpunta sa may bintana, sumilip ng palihim. Nakita ko sa may kalsada sa harapan namin nakaparada ang puting kotse ni Kuya Brando. Nasa baba nga siya? Ano kayang kailangan niya?
Pagbalik ko sa kama, naglalaban ang aking puso at isip. Bulong ng isip ko na huwag bumaba at tama na ang nangyari kanina. Anoman ang kailangan niya, bukas na lang at huwag ngayon na dis-oras na ng gabi. Isa pa tulog na si Tiya Beng at never in my life na lumabas ako ng bahay na hindi man lang nagpaalam sa kaniya lalo na’t gabi pa. Sigaw naman ng puso ko, opportunity knocks only once grab it!
At sa labanang isip at puso, ang huli ang nanaig.
Isang body fit na collared shirt na kulay red na may stripes na black at black denim jeans ang isinuot ko saka pumasok sa kuwarto ni Tiya Beng. Mahimbing ang tulog niya kaya halos ibulong ko na sa hangin ang pagpapaalam ko.
Sa may kusina na ako dumaan at inilapat ko lang ang pinto pero iniwan ko na siyang hindi nakasusi para pagbalik doon na rin ako dadaan. Pagdating ko naman sa gate, nakapadlock nga pala ito at na kay Tiya Beng ang susi.
Patay, ano ngayon ang gagawin ko?
Puso na rin ang nagbulong sa akin. Inakyat ko ang gate saka tumalon sa labas. OMG! Never in my imagination na magagawa ko pala ang ganito. Ganito pala ang nagagawa ng pag-ibig!
“Sakay na,” sabi ni Kuya Brando mula sa half-open na windshield nang makita akong nakalapit na sa kaniya.
Binaybay namin ang kalsada palabas ng subdivision, saka kumaliwa papuntang plaza. Kakaunti na ang mga sasakyang kasabay namin dahil alas-dose na.
Nanatiling tahimik si Kuya Brando habang nagda-drive. Manaka-naka’y nahuhuli ko siya sa head mirror na nakatingin sa akin at biglang ibabalik sa kalsada ang tingin. Hindi rin naman ako makapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Kinakabahan pati ako na baka kapag nagtanong ako’y bigla siyang magalit sa akin. Baka magbago ang mood niya at ibalik niya ako sa bahay. Anoman ang maging trip niya ngayon, sasakyan ko na lang. Sigurado naman akong hindi niya ako ipapahamak.
Sa pamamagitan ng mga ilaw ng dinadanan naming poste na lampasan sa windshield ng kotse, nagawa kong pagmasdan si Kuya Brando. Bagay na bagay sa kaniya ang suot na de-kwelyong tshirt na kulay puti na medyo fit sa katawan at jeans na dark blue. Nadaanan namin ang mga grupo ng kabataang babae at lalaki sa may Highway, ang iba’y mga pawang estudyante na naghahanap ng customer na pipikap sa kanila. May mga bugaw pa ngang napara sa amin para makipag-negotiate na hindi naman pinapansin ni Kuya Brando. Binaybay pa namin ang kahabaan ng Highway at kumaliwa nang makarating sa dulo sa may simbahan. Dumiretso ito ng tawid sa tulay ng Calumpang at bumagal nang makarating sa isang bar katabi na ng SM.
Nakakapagtaka na kahit lunes ay puno ang bar. Nang mapansin iyon ni Kuya Brando tahimik pa rin itong pinaandar muli ang kotse at tinahak namin ang kalsada papuntang Balagtas. At halos lahat ng puntahan namin ay puno ng tao.
“Kuya saan tayo?” sabi ko na hindi na nakatiis sa pananahimik niya habang nagmamaneho.
“May alam ka pwedeng puntahan?” sagot-tanong niya sa akin.
Nakangiti akong umiling sa kaniya. Wala naman akong maisagot dahil hindi pa naman ako nag-bar kahit minsan. SM lang ang pinupuntahan namin ni Harry at ngayon pa nga lang ako nakalabas sa bahay ng ganitong disoras ng gabi.
“Kung sa Lipa City okay sa ‘yo?”
Ala-una na ng madaling araw. Kung mabilis magmaneho si Kuya Brando kakayanin ng trenta minutos ang papuntang Lipa at trenta minutos din pabalik. Ibig sabihin alas-tres o alas-kuwatro na ako makakauwi. Kung 4am, by that time, gising na si Tiya Beng at siguradong huli ako sa ginawa kong pagpuslit.
“Malayo Kuya, pwede bang sa malapit na lang…o kaya’y kahit huwag na lang tayong mag-bar. Kahit saan na lang yung tahimik at presko,” sabi ko.
“Sure ka?”
“Yup.”
Binalikan namin ulit ang daan kanina pero ngayon bago pa kami makarating sa simbahan, tumigil na ang kotse sa may tapat ng 7-Eleven bago ang City Hall. Bumaba na rin ako kahit pa sinabihan ako ni Kuya Brando na hintayin na lang siya.
Halos lahat naman ng daanan ni Kuya Brando ay napapalingon sa kaniya. Paano naman’y kita-kita ang kaguwapuhan niya sa maliwanag na ilaw sa loob ng convenience store. Pati na yung babae sa cashier ay halos kiligin sa pagpapa-cute sa kaniya. Proud naman ako na ako ang kasama niya.
Nagtaka naman ako na imbes na alak ang kunin niya ay flavoured green tea sa plastic bottle ang kinuha niya at potato chips.
“Alak gusto mo?” tanong niya sa akin.
Umiling ako. Hindi naman kasi talaga ako umiinom unless may okasyon at nakorner na ako. Pero sinisiguro kong konti lang dahil madali akong malasing.
Dinoble na lang niya ang bilang ng green tea saka binayaran sa counter. Palabas na kami nang maulinigan ko ang dalawang kahera na nag-uusap. “Ang popogi naman ng dalawang iyon, mga artistahin ang dating,” sabi ng isa.
“Baka nga artista ang mga iyon,” kinikilig na sabi naman ng isa.
Mula sa pagkakaparada, kumaliwa kami sa Panganiban Street saka dumiretso hanggang makarating kami sa may dulo. Pinatay ni Kuya Brando ang makina ng kotse saka kinuha ang plastic bag ng pinamili sa 7-Eleven. Bumaba na rin ako. May mga tahol ng aso nanggagaling sa mga kabahayan doon.
Ilang hakbang lang nasa gilid na kami ng breakwater. Umupo kami sa bench na naroroon mga isang metro ang layo sa gilid. Nasa pagitan namin ang plastic bag. Kita ko sa may bandang kanan ang tulay ng Calumpang na dinaanan namin kanina. Wala na halos dumadaang mga sasakyan kaya sa katahimikan mas nangibabaw na ang tunog ng umaagos na tubig sa baba, sa ilog ng Calumpang. Wala na ring ibang taong dumadaan kaya naging solo namin ang riverside. Medyo maliwanang din ang kalangitan sa nagkikislapang mga bituin at eksaktong full moon ng gabing iyon.
Matagal ko ng nakikita ang lugar na ito noon pa pero hindi ko akalaing ganito pala kaganda rito sa gabi. Napaka romantic ng lugar. Feeling ko sarili namin ni Kuya Brando ang paligid. At sa kailaliman ng gabi, tanging kami na lang dalawa ang gising.
Binuksan ni Kuya Brando ang dalawang bote ng green tea saka iniabot sa akin ang isa. Binuksan ko naman ang isang potato chips. Nilagok ni Kuya Brando ang sa kaniya habang nakatitig sa umaagos na tubig.
Naalala ko ang maraming bagay na gusto kong itanong sa kaniya. Sisimulan ko na ba? Ito na ba ang oras para makilala ko siya ng tuluyan? Unmask the mystery and unfold his real identity?
Ininom ko na rin ang sa akin saka dumampot ng ilang potato chips. Hindi ko alam kung ano ang iniisip ni Kuya Brando ngayon. Kung bakit niya ako dinala dito ay hindi ko rin alam. Wala pa rin siyang imik kahit na nang alukin siya ng potato chips ay kumuha rin lang ito saka bumalik ang tingin sa agos ng tubig.
Hinayaan ko na lang siya sa trip niya. Sa taong nagmamahal na kagaya ko, enough na nga siguro ang ganito basta kasama ko siya. Kahit hindi kami nag-uusap, nagkakaintindihan na rin kami.
Ubos na ang green tea. Ubos na rin ang potato chips. Patuloy pa rin sa pag-agos ang tubig sa ilog.
Kinuha ni Kuya Brando ang mga basyong plastic bottle pati na ang wrapper ng potato chips at isinilid muli sa plastic bag. Tumayo siya at nagtungo sa pinakamalapit na trash can na may nakalagay na tag na PLASTIC saka itinapon doon.
Pagbalik niya ay umupo sa aking tabi, sa may kaliwa ko, wala ng plastic bag pang nakapagitan sa amin. Nagsimula na namang tumalbog-talbog ang puso ko. Kahit kaiinom ko lang ay ramdam ko ang biglang panunuyo ng aking lalamunan. Nang maamoy ko ang pabango niya ay lalong bumilis ang agos ng dugo ko sa aking mga ugat.
Inakbayan niya ako ng kaniyang kanang kamay. Hinapit papalapit sa kaniya. Napahilig ang aking ulo at ang pisngi ko’y lumapat sa kaniyang dibdib. Hinawakan naman ng kaliwang kamay niya ang kamay kong nangangatal na sa excitement. Ginagap ko naman ang kaniyang kamay, inilagay sa pagitan ng dalawa kong palad.
Sa gitna ng karimlan, narinig ko ang tibok ng kaniyang puso. Halos kasingbilis ng sa akin. Hindi ako makapagsalita. Nanatili din siyang tahimik.
Tumunog ang aking cell phone, may nagtext. Hindi ko pinansin. Ayaw kong kumawala sa pagkakaakbay niya sa akin. Ayaw kong bitawan ang kamay niyang ikinulong ko sa akin. Ayaw kong masira ang moment na ito dahil baka hindi na maulit.
“May message ka,” halos pabulong na sabi ni Kuya Brando.
Hawak ng kaliwang kamay ko ang sa kaniya, napilitan akong kunin ang aking cell phone sa kanang bulsa. Binasa ko ang message mula pala kay Kuya Brando, “your welcome.”
Ipinakita ko iyon sa kaniya, “Para saan ito Kuya?”
“Kanina pa ‘yan, ngayon lang pala dumating.”
“Bakit?”
“Reply ko ‘yan nung magtext ka ng ‘tnx sa fud, Sir. ;-)’”
Bigla naman ang pagbulusok ng kaligayahan sa aking dibdib. Si Kuya Brando nga ang nagpadala sa akin ng fries at pineapple juice. “Hindi mo pa rin pala nakakalimutan Kuya.”
Hindi siya tumugon. Hinigpitan lang niya ang paghapit sa akin sa kaniyang dibdib na parang nanggigigil saka pinisil ang kamay kong nakahawak sa kamay niya.
Pakiramdam ko’y nalulunod na ako sa kaligayahan ng mga oras na iyon. Naidalangin kong sana’y hindi na matapos ang ganito. Ngayon ko rin lang naranasan muli ang maramdamang safe ako, na walang makakapanakit sa akin, ngayong halos matunaw na ako sa kaniyang yakap at pagkahilig sa kaniyang dibdib.
Nang maalala ko ang mga tanong na gumugulo kanina sa aking isip ay humugot ako ng malalim na hininga saka nag-angat ng mukha. “Kuya Brando, marami sana akong gustong malaman, mga bagay na gustong itanong --,” hindi ko na naituloy nang itakip niya ang kaliwang hintuturo sa aking bibig para patahimikin ako.
“Kung anoman ang meron tayo ngayon, i-enjoy na lang natin. Kung masaya man tayong pareho, lasapin na lang natin while it lasts. Hindi na mahalaga pa ang ibang mga bagay, ang mahalaga kasama mo ako at kasama kita,” sabi niya saka pinalitan ang kaniyang daliri ng kaniyang mga labing muling kinamkam ang mga labi kong naghihintay ng kaniyang halik.
At kagaya kanina, naging maalab ang kaniyang mga halik, naging mainit at mapangamkam. Nakatutunaw ng agam-agam sa aking pag-iisip. Nakapagpapalimot ng mga tanong at ang naiiwan ay tanging paniniwala na ang lahat sa aming dalawa ay maayos, walang problema at walang dapat ipangamba.
Hindi man sabihin ng kaniyang bibig, ipinagkakanulo naman siya ng kaniyang mga halik, ramdam kong mahal niya ako at mahal na mahal ko naman siya.
At pagkatapos ng makalagot-hiningang pagkakahinang ng aming mga labi, inihilig kong muli ang aking pisngi sa kaniyang dibdib. Sa ilalim ng maliwanang na buwan at nakapagpapahinahon na agos ng tubig sa ilog ay tuluyan akong nakaidlip.
Nang magmulat ako ng mga mata at iangat ang mukha, nakita ko si Kuya Brando na nakatingin sa akin at may mga luhang dumaloy sa kaniyang magkabilang pisngi.
“Bakit ka umiiyak Kuya?” nahihiwagaang tanong ko.
Umiling lang siya bilang tugon sa akin. Nagpahid ng luha saka nagyayang umuwi.
Tears of joy ba iyon? Sana…
Kagaya kanina, muli akong umakyat sa gate saka tumalon papasok ng bakuran habang nakatingin sa akin si Kuya Brando. Inilapit niya sa grills ang kaniyang labi na ginawaran ko naman ng isang masuyong halik.
Inihatid ko pa ng tanaw ang kaniyang puting kotse hanggang mawala ito sa aking paningin.
Sa nag-uumapaw na saya na aking nararamdaman hindi ko na tuloy napansin ang halos maiiyak na si Harry na nakadungaw pala sa bintana ng kaniyang kuwarto mula pa kaninang pagdating namin.
Sa loob ng mahigit sampung taon, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito kasaya at nakatulog ng may ngiti sa mga labi.
Itutuloy
2 comments:
i was listening to MYMP's Tamis ng Unang Halik habang binabasa ung last part. grabe. kaiyak. :|
ang sweet naman nilang dalawa, parang may naalala tuloy ako ):
Post a Comment