Chapter 9 : In Love With Brando
Thursday, February 10, 2011
By Joshx
----------o0O0o----------
Expected ko pa naman pagkatapos ng gabing iyon ay magiging maayos na ang lahat sa amin ni Kuya Brando. Nag-level up na kumbaga ang aming relasyon kung meron man. Pero taliwas sa naisip ko dahil hindi ko siya nakita kinabukasan. Nagsend ako ng text messages sa kaniya pero hindi naman siya nag-reply. Nagtry na din akong tawagan siya pero ring lang ng ring ang telepono niya hanggang sa magregister sa screen ng cell phone ko ang No Answer.
Field work na ang ibinigay na assignment sa amin ni Engr. Clyde. Natuwa naman ako kahit papaano dahil maiiwasan muna namin pansamantala na makabangga si Jimson. Paminsan-minsa’y natatanaw ko si Kuya Brando sa malayo habang nagsu-supervise ng kaniyang mga tauhan. Nang minsang magkasalubong kami ay hindi man lang niya ako pinansin. Parang wala lang, parang hindi ako nage-exists.
Bakit kaya ganoon? May nagawa kaya akong mali? Hindi ko siya ma-gets. Ang hirap niyang ispelingin. Ang hirap pala ng ganitong sitwasyon. Hindi mo alam kung paano magre-react. Hindi mo alam kung paano at saan ka lulugar. Ang hirap-hirap sa loob. Gusto ko man siyang makausap, mukhang ayaw naman niya. Parang abot-kamay ko siya pero ang layo-layo niya. Hindi tuloy ako makapag-concentrate sa mga ipinagagawa sa amin ni Engr. Clyde.
“Mali ‘yan. Ano ka ba Rhett?” naiinis na sabi ni Harry sa akin.
Nang itsek ko ang ginagawa, muntik ko na palang napasabog ang metrong gagamitin ko sana sa pagsusukat ng boltahe sa inaayos naming saksakan. Nasa maling setting yung rotary selector. Imbes na nasa volts, nakalagay ito sa Resistance.
“Si Sir Brando ba ang dahilan kaya lumilipad ‘yang isip mo?”
Hindi ako umimik. Nahiya tuloy ako maging sa aking sarili. Napaka-basic lang noon pero bakit hindi ko napansin? Muntik na akong makasira ng tools na napakamahal pa naman. Parang sinampal ako bigla at na-realize na kaya ako nandito para mag-OJT, tapusin ng maayos ang OJT para maka-gradweyt. Para makuha ang Cum Laude. Dapat matuto akong ihiwalay ang personal na bagay sa aking trabaho. Kailangan ang focus ko pag nandito ako ay trabaho at isantabi muna ang tungkol kay Kuya Brando.
“Pasensiya na,” nahihiyang sabi ko kay Harry. “Salamat pala, nandiyan ka at nagpapaalala.”
“Focus kasi ang kailangan. Focus.”
“Tama ka Harry,” ayon ko saka muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
Naging mas maingat na ako nang mga sumunod na araw. Pinilit kong huwag munang isipin ang tungkol sa amin ni Kuya Brando habang nagtatrabaho. Naging mahirap lang lalo na tuwing makikita ko siya sa di kalayuan pero kinaya ko. May mga pagkakataon ding gusto ko siyang lapitan pero pinigilan ko ang aking sarili maging ang sadyain siya sa kaniyang opisina.
Lumipas ang dalawang linggong wala kaming naging komunikasyon o encounter man lang ni Kuya Brando. Pati ang pagsend ng text messages ay itinigil ko na at pagtawag sa kaniyang telepono. Para mas maging magaan para sa akin, inisip ko muna na kunwari ay kagaya lang noon na hindi ko pa siya ulit nami-meet. Kunwari ay nasa school lang kami at ang trabaho dito sa construction field ay bahagi lamang ng assignment sa aming laboratory subject. Pati si Jimson ay iniwasan naming makasagupa ni Harry.
Isang lunes ng umaga pagpasok namin ni Harry ay nilapitan ako ng isang Security Guard at pinapapunta raw ako sa opisina ni Kuya Brando. Napag-alaman namin sa ibang kasamahan na on-leave pala nang araw na iyon si Engr. Clyde kaya iyong sekyu ang lumapit sa akin.
Sa kabila ng aking pagtatampo kay Kuya Brando sa pag-dedma niya sa akin, hindi ko pa rin napigilan ang makaramdam ng excitement sa muling pagkikita namin. Isang excitement na mabilis ding mapalitan ng pagka-dismaya nang si Eunice naman ang abutan ko sa opisina niya.
“Uyyy, disappointed ang gwapo,” nanunuksong sabi nito. “Si Sir Brando ang ini-expect mo noh?”
Pinilit kong itago kay Eunice ang disappointment ko kaya kunwari’y naiinis ako. “Siya ba ang nagpatawag sa akin dito o ikaw lang para pag-tripan ako?”
“Abah, galit-galitan si gwapo. Tumigil ka nga diyan Rhett, hindi ako ang nagpatawag sa ‘yo at lalong hindi kita kayang pag-tripan, ikaw kaya ang kakuntsaba ko kay Harry, ikaw ang kasangga ko kaya hindi ko magagawa ‘yon sa ‘yo.” Pa-over acting pa niyang sabi. “Si Sir Brando ang nagpatawag sa ‘yo, hindi ka na nga lang niya nahintay kasi kailangan na niyang umattend sa meeting nila kaya ibinilin ka na lang sa akin.”
“Anong meron?” kunwa’y walang interes kong tanong sa kaniya.
“May naiwan yatang papeles kaya ipinapakuha sa bahay nila.”
“Bakit ako?” takang tanong ko. Sa totoo lang na-excite ako lalo sa isiping makikita ko na ang bahay ni Kuya Brando, malalaman ko na kung saan siya nakatira. Isa sa mga nakatagong misteryo ang mabubuklat at tuluyan ng mahahayag.
“’Yan nga din ang tanong ko, ‘bakit ikaw?’ Ang sagot: absent iyong messenger natin. Kaya walang ibang mauutusan kundi mga OJT. Dalawa lang naman kayo ni Harry at ikaw ang pinili ni Kuya Brando.”
Pagkatapos sabihin sa akin ni Eunice ang bilin ni Kuya Brando ay inihatid na ako ng service car ng construction site patungo sa bahay nila.
Ang ini-expect kong bahay na pupuntahan namin ay simple lang o kagaya ng sa amin o mas maganda ng kaunti. Kaya naman nagtaka ako nang pumasok sa Nueva Villa Subdivision ang sinasakyan kong kotse. Kilala kasi na puro mayayaman ang mga nakatira dito. Na-amaze lalo ako nang tumigil ito sa tapat ng isang malaki at magandang bahay.
Pagkapindot ko ng doorbell ay bumukas ang pedestrian gate at dumungaw ang isang guwardiya. Sinabi ko sa kaniya ang aking pakay, pumasok muli ito at nag-dial ng numero sa intercom. May kinausap saglit saka pinapasok na ako sa loob. Inihatid niya ako sa may terrace, umupo sa isang mamahaling couch na naroon saka sinabihang maghintay.
Kung ito ang bahay nila Kuya Brando, ibig sabihin mayaman pala siya. Nakakapagtaka naman na kung ito ang bahay nila, bakit kailangan pa niyang mag-boarding house dati? Mas malapit naman kaya ang subdivision na ito sa University of Batangas kumpara doon sa inuupahan niya. Kung masipag – sipag ka nga lang ay maaari na itong lakarin. At base sa napansin ko kaninang nasa labas, fully air conditioned ang mga kuwarto. Kung ganoon, bakit kailangan ni Kuya Brando magtiis doon sa boarding house niya na isang bentilador lang sa kisame ang pinagtitiyagaan ng walong katao sa isang kuwartong masikip at mainit? Hayyy! Akala ko pa nama’y mababawasan na ang tanong ko sa isip sa pagkaalam ng bahay nila pero napalitan naman ng ibang bakit.
Lalo akong humanga nang mabaling ang tingin ko sa hardin nila Kuya Brando. Grabe sa ganda. Kakaiba dahil ang hardin ay naka-landscape at imbes na mga ordinaryong halaman, ang ginamit dito ay iba’t-ibang uri ng cactus. At meron ding kagaya nung ibinigay niya sa akin na mataas na rin at halos dalawang metro na ang height. Gustong-gusto ko ang arrangement at kumbinasyon ng mga kulay. Gusto ko sanang lapitan pero nag-atubili ako at baka bawalan ako ng guard kaya nagkasya na lang ako sa kakatingin habang nakatayo sa may terrace.
Sa may bandang gilid naman ng magarbong bahay ay may napansin akong swimming pool na hugis gitara. Wala itong katubig-tubig. Sa tingin ko’y hindi naman siya tinanggalan ng tubig para linisin. Sa hitsura nito’y parang matagal na itong hindi ginagamit.
“Maraming taon na ‘yang walang tubig,” sabi ng pamilyar na tinig mula sa aking likuran.
“Engr. Clyde?” takang tanong ko. Bakit nandito siya?
Para namang natukoy nito ang gusto kong itanong sa kaniya. Tumango siya, “Dito ako tumutuloy kapag dito sa Southern Luzon ang project ko. Magkaibigan kami ni Sir Brando. Actually Brando nga lang ang gusto niyang itawag ko sa kaniya, ako nga lang itong makulit.”
Napatango na lang ako kahit marami pa ring tanong ang biglang pumuno sa aking isip. “Sira po ba ‘yan kaya walang tubig?” bumaling akong muli sa swimming pool.
“Inabutan ko na ‘yang walang tubig. Ayos pa ‘yan pati mga pipings pero hindi na lang ginamit?
“Bakit po?”
“Hindi ko rin masyadong alam ang kwento, at hindi rin naman ako nagtanong kay Sir Brando. Ang alam ko lang base na rin sa pagkakakwento nung katiwala dito, may aksidenteng nangyari daw diyan at mula noon hindi na ito nilagyan pa ng tubig at ginamit.”
Ano kayang aksidente iyon? Sayang naman ang swimming pool at hindi na ginagamit.
“Tara sa loob,” aya ni Engr. Clyde at sumunod ako sa kaniya papasok sa loob ng bahay.
“Sabi ho sa site naka-leave daw kayo?” naalala kong itanong.
“Oo. Pauwi ako ng Maynila. Birthday kasi ni Misis ngayon. Buti na nga lang inabutan mo pa ako, katatawag lang din ngayon ni Sir Brando. Sabi ko nga’y idadaan ko na lang sa kaniya iyong mga naiwan niyang papeles, sabi naman niya, on the way ka na daw. Wait lang Rhett kukunin ko lang, maupo ka muna diyan.”
Mas maganda ang loob ng bahay. Parang iyong mga bahay ng mayaman na ginagamit sa shooting ng mga teleserye. Mataas ang kisame at puro mamahalin ang mga kagamitan. Sa tingin ko nga’y iyong presyo ng sofa baka kalahati na ng presyo ng bahay namin.
Hindi naman ako umupo sa sofa nang makaalis si Engr. Clyde dahil napatingin ako sa isang family portrait na nakasabit sa dingding. Nilapitan ko para sipating maigi. Apat katao ang nasa larawan. Mag-asawa at dalawang batang lalaki. Mukhang don at donya ang mag-asawa base na rin sa ayos at postura. Isa naman sa batang lalaki ay hindi maipagkakailang si Kuya Brando. Hayyy, ang guwapo talaga niya kahit noong bata pa lang. Sino kaya iyong isa? Kapatid kaya siya ni Kuya Brando? Malamang dahil nasa family portrait siya.
“Heto na iyong mga papeles,” sabay abot sa akin ni Engr. Clyde.
Ang dami ko pa sanang gustong itanong kay Engr. Clyde gaya ng: Paano sila nagkakilala ni Kuya Brando at naging magkaibigan? Bakit dito siya pinatutuloy? Nasaan ang mga magulang ni Kuya Brando? Sino iyong isang bata sa larawan at nasaan siya? Pero naunahan ako ng hiya dahil kita kong nagmamadali din siyang makauwi sa kanila.
“Happy birthday na lang po sa misis ninyo,” nakangiting sabi ko kay Engr. Clyde bago ako sumakay ng kotse pabalik ng site.
Hindi ko rin nakita si Kuya Brando pagdating ko sa site. Nasa closed door meeting pa rin ito. Si Eunice na ang kumuha sa papeles at siya na rin daw ang mag-aabot kay Kuya Brando. Lalo akong nalungkot.
MIYERKULES NG HAPON bago umuwi ay ipinatawag kami ni Engr. Clyde. Naabutan namin siya sa labas ng opisina ni Kuya Brando.
“Gusto ko palang itanong sa inyo kung makakasama kayo sa Biyernes ng hapon sa Nasugbu,” sabi ni Engr. Clyde na ang tinutukoy niya ay Nasugbu, Batangas. Isa sa mga municipality ng lalawigan na kilala sa mga naggagandahang beach resorts.
“Ano hong meron?” tanong ni Harry.
“Birthday ng PM natin, overnight sa beach, wala ng gagastusin libre na lahat,” tugon niya. PM for Project Manager.
Excited na tumingin sa akin si Harry na parang kinukuha kung ano ang isasagot ko: kung sasama ba kami o hindi.
“Ano?” si Engr. Clyde.
“Kasama ho ba si Sir Brando?” naisipan kong itanong.
Umiling si Engr. Clyde. “Malamang sa hindi,” tugon nito na nagpasaya sa mukha ni Harry at nagpalungkot naman sa akin. “Okay lang ang outing kay Sir Brando na hiking, mountain climbing, picnic o kahit ano basta ‘wag lang swimming. Kaya lang swimming itong treat ni PM kaya sigurado akong hindi siya sasama. Isa pa hindi rin naman siya nag-iinom kaya nabo-bore lang siya sa swimming na hindi mawala-wala ang inuman.”
Bakit kaya ayaw ni Kuya Brando ng swimming? Alam ko nama’y marunong siyang maglangoy dahil naging PE nila ang swimming ni Kuya Rhon dati. May kinalaman kaya iyon sa swimming pool sa bahay nila na walang tubig?
“Sama na tayo,” masayang sabi ni Harry.
“Sige ho Sir, sasama kami.”
BIYERNES NG HAPON. Alas dos pa lang itinigil na ang trabaho sa constructon site para sa preparasyon sa pag-alis papuntang Nasugbu. Kami naman ni Harry ay handa na ang lahat ng gamit. Nakasilid lahat iyon sa malaking backpack na karga ni Harry. Ganoon naman kasi palagi si Harry, hindi lang sa pagkain lagi niya akong pinagsisilbihan, pati na rin sa gaya nito na gusto niya siya ang magdadala ng gamit namin. Ayaw daw niya akong nakikitang nabibigatan o nahihirapan.
May preparadong seating arrangement sa mga inarkilang bus na sasakyan patungong Nasugbu. Kinuha ko muna iyong backpack kay Harry para tingnan niya kung saang bus kami sasakay at kung anong seat number ang naka-reserve sa amin.
“Wala sa listahan ang mga pangalan natin,” sabi niya nang makabalik.
Napakunot-noo naman ako sa tinuran niya, “Bakit ganoon? Nag-confirm naman tayo kay Engr. Clyde na sasama tayo.”
“Puntahan kaya natin siya.”
“Mas mabuti pa,” sang-ayon ko. Kinuha ulit ni Harry sa akin ang backpack at kinarga sa likuran niya.
Sa may mga Admin at Accounting personnel namin naabutan si Engr. Clyde. Pasakay na nga siya ng kaniyang kotse nang makita kaming parating.
“Sir, wala ho kaming bus assignment,” mahinahong sabi ni Harry.
Napatutop ng noo si Engr. Clyde, “Naku, pasensiya na. Nakalimutan ko nga palang sabihin sa inyo na hindi kayo sa bus sasakay kaya wala kayo sa listahan.”
“Saan ho kami sasakay?” tanong ko.
Tumingin siya kay Harry. “Ikaw Harry, sasama ka sa sasakyang Van ng Admin. Puntahan mo na lang si Miss Alegre.”
“Ho?” napamaang si Harry sa narinig. Parang lumatay sa mukha niya ang pagkainis. Wala naman akong alam tungkol dito at ako man ay nabigla. Sana ay hindi plano ito ni Eunice para masarili niya si Harry, dahil pag nagkataon lalong maiinis lang sa kaniya si Harry.
“Magkahiwalay kami?” si Harry.
“Sa biyahe lang naman. May problema ba?”
Natahimik si Harry. Alangan nga namang sabihin niya kay Engr. Clyde na dahil lang sa hindi kami magkatabi sa biyahe ay hindi na kami sasama. Napakababaw na dahilan iyon sa mga hindi nakakaalam ng feelings ni Harry para sa akin na gaya ni Engr. Clyde.
“Wala po. Okay lang po.”
“Ako ho, saan sasakay?” tanong ko.
“Doon sa nakaparadang kotse,” sagot ni Engr. Clyde sa akin na nang tingnan ko ang itinuro ay ang putting kotse ni Kuya Brando.
“Kasama ko si Ku—Sir Brando?”
Tumango lang si Engr. Clyde. Bigla namang nabahiran ng lungkot at selos ang mukha ni Harry sa narinig.
“Alis na tayo,” yaya ni Engr. Clyde. Lahat naman ay nagsisakay na maliban sa aming dalawa ni Harry.
“Huwag na lang tayong sumama,” pakiusap ni Harry.
Naiintindihan ko siya. Alam ko ang nararamdaman niya. Kahit naman sino na ini-expect na katabi mo ang taong mahal mo sa biyahe tapos bigla na lang nagbago at ang masakit, magiging kasama mo ngayon ang isang babaeng nangungulit sa ‘yo kahit wala ka namang pagtingin at ang siste pa, ‘yong taong mahal mo, ang kasama niya ay ang taong alam mong mahal niya.
Hinawakan ko siya sa kamay at marahang pinisil. “Sa biyahe lang naman Harry. Let’s go and get over it.”
Mabigat ang mga paa ni Harry na tinungo ang van na sasakyan nila. Nakita kong magkatabi pa sila ni Eunice sa may bandang likuran ng sasakyan bago ako nagpunta sa kotse ni Kuya Brando para hintayin siya.
Nakaalis na ang lahat ng bus at mga van ay hindi pa rin lumalabas sa kaniyang opisina si Kuya Brando. Habang hinihintay ko ang paglabas niya ay lalo namang patindi ang naramramdaman kong kaba. Unang pagkakataon ko siyang makakasamang muli mula ng gabing nagpunta kami sa breakwater ng Calumpang River. Ngayon pa lang ay iniisip ko na kung ano ang magiging reaksiyon ko lalo na pag nagkasama kami sa loob ng kaniyang kotse.
Tatanungin ko ba siya kung bakit hindi siya nagre-reply sa text messages ko at maging sa mga tawag sa telepono? Am I in the right position to do so? Isang OJT, nagde-demand ng answer sa superior ng supervisor niya?
Pagkatapos ng tatlumpung minuto lumabas din si Kuya Brando. Para naman akong kikiligin nang makita ko siyang muli. Ang gwapo talaga niya sa suot ng puting t-shirt na may stripes na black at jeans na hapit sa kaniya.
“Tayo na,” sabi niya nang mapansing nakatayo lang ako sa may pintuan ng kotse at titig na titig sa kaniya.
Nahihiya naman akong sumakay sa kotse at umupo sa kaniyang tabi. Amoy peras at banilya ang hanging inilalabas ng aircon ng kotse na dumadampi sa aking mga pisngi. Kagaya noong lunes ng gabi, diretso lang ng pagda-drive si Kuya Brando at walang kaimik-imik. Tutok sa daan ang atensiyon. Hindi ako tuloy makahanap ng tiyempo kung kalian magsasalita. Kungkailan uumpisahan ang mga tanong na umaapaw na yata sa aking isip.
Dahil hindi siya nagsasalita, ibinaling ko na lang ang tingin ko sa dinaraanan naming tanawin. Sa pagkakasandal ko sa malambot na upuan, hindi ko napigilan ang antok at ako’y nakatulog.
Nang magising ako’y nakaparada na ang kotse sa isang gasolinahan na may mga fast food stores and restuarants. Wala sa driver’s seat si Kuya Brando. Pagtingin ko sa labas nakita ko siyang paparating at may mga dalang plastic bag na malamang ay itinake-out niya.
Pagpasok niya sa kotse, iniabot sa akin ang isang plastic na may lamang burger, fries at pineapple juice. Iyong isang plastic naman ay binuksan niya at inilabas doon ang isang gogo sandwhich at fresh salad sa Styro na itim.
“Kain muna tayo at mahaba pa ang biyahe,” at long last ay narinig ko rin siyang nagsalita.
Ngumiti ako sa kaniya bilang pasasalamat. Inuna kong kainin ang burger. Siya naman ay binuksan ng bahagya sa pagkakabilot ang gogo sandwhich saka tinanggal ang chicken fillet strips sa loob at pagkatapos kunin sa akin ang burger ko ay inilagay iyon sa loob nito saka muling iniabot sa akin.
Vegetarian si Kuya Brando? Isa siguro ito sa sikreto niya kaya parang hindi siya tumatanda.
Habang kinakain ko ang fries, siya naman ay nilalantakan ang fresh salad. Nauna siyang natapos samantalang ako’y isa-isang ninanamnam ang sarap ng fries na nilagyan ng ketsup.
“Akala ko Kuya hindi ka sasama?” naglakas loob kong tanong.
Kumuha siya ng wet wipes at nagpunas ng kaniyang kamay. Tumingin siya sa akin sabay ngiti, “Hindi nga kaya lang, sabi ni Clyde, kasama ka daw kaya pinilit kong sumama.”
Tinitigan ko ang mga kulay brown na mga matang iyon para sukatin kung gaano katotoo sa loob niya ang sinabi. Seryoso siya sa kaniyang sinabi. Gusto ko tuloy mapatalon sa tuwa.
“Bakit Kuya?” Gusto kong malaman sana kung bakit niya pinilit? Naidalangin ko na sana’y magiging pabor sa akin ang kaniyang isasagot.
“Gusto ko lang,” sabi niya na pinipigil ang ngiti sa mga labi.
“Bakit nga?” pangungulit ko naman. Malay mo mapaamin ko siyang bigla na love niya ako.
Kumuha siya ng isang stick ng fries at ketsup. Kinagat niya ang isang sulok ng pakete ng ketsup para buksan at ini-squeeze sa isang gilid ng fries. “Gusto kitang bantayan habang nasa beach ka.”
Wahhhh…nagsisimula na akong kiligin sa nagiging daloy ng usapan namin. Akala ko’y kakainin niya ang fries pero nagulat ako nang isubo niya iyon sa aking bibig na buong puso ko namang tinanggap. Ang sweet naman ni Kuya Brando!
“Bakit gusto mo akong bantayan?” Sige pa Rhett, push harder!
“Bakit ba ang kulit mo?”
“Bakit kasi ayaw mong sagutin?”
Isang pang try Rhett, isa pa. “Bakit nga Kuya? Tsaka bakit dito mo ako sa kotse mo pinasakay at – ” hindi ko na naituloy pa ang pangungulit nang bigla niyang hinalikan ang aking mga labi. Nasa halik ba niya ang sagot sa aking tanong?
“Bakit ba hindi mo ‘ko nirereplayan at yung tawag ko sa ‘yo hindi mo sinasagot?” tanong ko ulit pagkatapos maghiwalay ang aming mga labi.
Nanahimik lang siya. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya pero ramdam kong gusto niyang sagutin ang tanong pero may kung anong pumipigil sa kaniya.
“Masyado lang komplikado ang lahat. Pasensiya ka na.”
Clueless ako sa sinasabi niya. Anong komplikado? Paano naging komplikado?
Pagkaraan ng ilang minutong pananahimik ay naisipan kong itanong, “Bakit pala kasama sa van ng admin si Harry?”
Tumingin siya sa akin at kaswal na sumagot, “Gusto ko namang mapasaya si Miss Alegre kaya hindi ko na siya isinama dito sa kotse. Halata ko naman si Miss Alegre na die hard sa kaibigan mo. Noong humingi ako ng tulong para magawa ang laptop, imbes na ikaw ang ikwento, si Mr. Escobio ang ikinwento ng ikinwento sa akin.”
Natahimik ako at saglit na nag-isip. Hayyy, buti naman at hindi pala si Eunice ang dahilan. Pinagdudahan ko pa naman siya. I owe her an apology.
Iba pala ang naging dating kay Kuya Brando ng pananahimik ko nang muli siyang magsalita, “I guess you prefer to be with the young man on this trip rather than me.”
No! malakas na sigaw ng isip ko pero hindi ko na nakuhang sabihin nang paandarin niyang muli ang kotse at mabilis na patakbuhin.
Balik na naman kami sa pananahimik.
“WHAT TOOK YOU so long?” pambungad na tanong iyon ni Yzah Elizalde pagkababa ni Kuya Brando sa kotse. Maganda talaga si Yzah. Bagay sa kaniya ang suot na floral dress na akala mo’y rarampa sa stage ng isang fashion show.
Takipsilim na nang kami’y dumating. Nakababa na rin ako sa kotseng ipinarada namin sa parking area na naiilawan ng high pressure sodium lights sa nakapalibot na mga poste pero nanatili muna ako sa may gilid inaabangan ang gagawin ni Yzah.
Pakiramdam ko nama’y pinagsusugat ng isanlibong blade ang puso ko nang makita ko pa si Yzah na ipinulupot ang mga kamay sa batok ni Kuya Brando para hilahin ng bahagya sabay halik sa labi nito. Kita ko rin sa dulo ng mata ni Kuya Brando na nakatingin siya sa akin tapos ay sinuklian niya ng yakap si Yzah.
“Kumain pa kami,” tugon ni Kuya Brando nang at last ay pakawalan siya ni Yzah.
Nagtaas naman ng isang kilay si Yzah saka tinapunan ako ng tingin. Hindi ko alam ang iniisip niya pero isa lang ang sigurado ako, naiinis ako sa kaniya lalo na nang ismiran niya ako at parang pinaramdam na balewala lang ako nang mga oras na iyon.
“I miss you so much Baby. Tara na sa cottage, we have a lot of things to make up.”
Tumingin sa akin si Kuya Brando. “What’s the rush?”
Pinisil siya ni Yzah sa ilong saka kumindat ng pagkalandi-landi ang babae. “Every second counts,” tugon nito saka kinaladkad si Kuya Brando palayo sa akin.
Gustong mangilid ng mga luha ko pero huminga ako ng malalim para pigilan. Ang sakit pala ng ganito, kasama ko lang si Kuya Brando kanina, sinubuan pa niya ako ng fries, nag-kiss pa kami tapos sabi pa niya gusto niya akong bantayan, pero ngayon hinatak lang siya nung Yzah’ng iyon, nakalimutan na niya kung bakit siya nagpilit na sumama dito. Nakalimutan na ang bantayan ako. At iniwan pa akong mag-isa.
“Tayo na Rhett,” sabi ni Engr. Clyde na sa aking page-emote, hindi ko napansin na kanina pa pala siya sumalubong sa amin ni Kuya Brando. Nakuha na rin niya ang bag ni Kuya Brando sa likod ng kotse.
Pinilit kong ngumiti. “Nasaan na ho si Harry?”
“Naroon siya sa may dalampasigan.”
Magkasabay kaming pumasok sa gate ng resort. Dahil papagabi na, naiilawan na ng mga flood lights ang tabi ng dagat para maliwanag pa rin sa mga gustong mag-night swimming. Exclusive sa amin ang resort kaya puro mga construction workers na hindi ko man kilala sa pangalan, kilala ko naman lahat sa mukha ang makikita sa buong paligid. Kalat na ang mga tao palibhasa huli na kami ni Kuya Brando dumating. Meron sa labas ng mga cottage rooms at huts, meron sa animo’y pavilion na kinalalagyan ng mga pagkain, meron ding kumakanta sa videoke at meron ding nag-iinom sa tabi ng dagat nakapalibot sa sinigaang kahoy habang may naggigitara.
“Puntahan ko po muna si Harry,” paalam ko kay Engr. Clyde na tumango naman tanda ng pagpayag.
Nadaanan ko ang grupo ng mga construction worker na may sariling grupo na nag-iinom na rin. Naulinigan kong sabi nung isa, “Namputsa, sa ganda naman nung Yzah Elizalde’ng iyon, kahit ako mas gugustuhin ko ng magkulong sa cottage kesa dito sa labas.”
“Oo nga. Kung ako si Sir, patay sa akin iyon. Siguradong jingle lang ang pahinga niya,” sabad ng isa pa.
“’Langhiya kayo, huwag ninyo namang bastusin ang fiancée ni Sir Brando,” sabi ng pangatlo sabay bawi, “Sa akin kahit jingle, wala na.”
Tawanan ang lahat sa grupo. Tuwang-tuwa sila sa pinag-uusapan samantalang ako kulang na lang ay masunog na sa pag-iinit ang aking mga pisngi sa sobrang inis at selos.
Mabilis kong tinungo ang dalampasigan. Malayo pa lang ako’y nakita ko na si Harry nakaupo sa buhangin, nakasuot na lang siya ng shorts na panligo pero wala ng pang-itaas. Abot pa rin sa kinaroroonan niya ang ilaw ng flood lights na nagpakinang sa moreno niyang balat at semi-kalbong buhok.
Nang makalapit ako’y kita kong nilalagok niya ang hawak na beer. Sa tabi niya ay may anim na boteng wala ng laman na nakatumba sa buhangin at lima pang may takip pa ng tansan. Patuloy sa paghampas ang alon sa isa niyang paang nakaunat sa pagkakaupo. Umupo ako sa kaniyang tabi kahit hindi pa ko nakakabihis ng pampaligo.
“Mukhang nakarami ka na. Lasing ka na,” marahang sabi ko.
Hindi siya tumingin sa akin, nanatili sa paparating na alon nakapako ang kaniyang mga mata. “Maganda pala sa dalampasigan, habang nakikita mo ang alon, nare-relax ka. Nakakapag-isip ng maraming bagay. Nakakapag-reflect sa sarili.”
“Tama ka, idina-drive ka nito na mag-isip maigi, magdesisyon din ng tama,” ayon ko.
“At mas maganda kapag nag-iisa,” sabi pa ni Harry.
Nakuha ko ang gusto niyang mangyari. Gusto niyang iwanan ko muna siya. Pero nakainom na siya, lasing na. Paano kung makaisip siya ng hindi maganda?
Namayani ang katahimikan, tanging hampas lang ng alon ang aking naririnig. Hinihintay ko na sana’y magbago ang isip niya. Kahit hindi niya na lang ako kausapin basta pabayaan na lang niya akong samahan siya.
“Pakiusap Rhett, ibigay mo muna ang sandaling ito sa akin lang.”
Naiintindihan ko siya. Paano nga naman siya mag-iisip ng maayos kung nasa tabi naman niya ako. Mabigat ang loob kong tumayo saka lumakad palayo kay Harry.
Nakasalubong ko naman si Eunice.
“Rhett, nasaan si Harry?”
Itinuro ko sa kaniya saka sinabing, “Puntahan mo siya Eunice, kailangan ka niya. Huwag mo siyang iiwan. Medyo nakainom na siya.”
“Saan ka pupunta?”
“Magbibihis lang,” sabi ko na lang saka nagpatuloy sa paglakad.
Para akong maiiyak sa daloy ng mga pangyayari. Para tuloy gusto ko ng umuwi. Ngayon ko lang naramdaman kung gaano kalungkot mag-isa. Kaya pala may mga ibang tao na nagpapatiwakal kapag hindi nakayanan ang ganitong pakiramdam. Wala si Kuya Brando at busy sa fiancée niya at wala rin si Harry na itinaboy ako palayo at wala din si Eunice na kasama ni Harry.
Madaming nakahain na pagkain sa may Pavilion pero hindi ako makaramdam ng gutom. Hindi naman ako nag-iinom dahil aminado akong mahina ang tolerance ko sa alcohol. Pero kung isang bote lang siguro, bakit hindi ko subukan?
Lumapit ako dun sa mesa na itinakdang liquor station. Humingi ako ng isa pero tatlo agad na Colt 45 in can ang ibinigay sa akin. Pinili kong umupo sa mesa sa labas ng pavilion sa may bandang likuran at medyo malayo sa karamihan. Binuksan ko ang isang lata saka nilagok ng diretso. Iba pala ang lasa ng beer kapag ininom mo ng nage-emote ka kaysa normal ka. Mas masarap, parang walang sabit sa lalamunan lalo na’t malamig na malamig. Walang pait. O kaya hindi ko malasahan ang pait dahil mas mapait ang nararamdaman ko sa aking kalooban?
Nang maubos ko ang isa, lumukob agad sa akin ang init, kumalat sa lahat ng parte ng aking balat. Ramdam ko ang pamumula ng aking mukha lalo na ang mga pisngi. Nang mapatingin ako sa may Pavilion parang nakita ko si Kuya Brando at mukhang may hinahanap na kung ano o sino.
Siguradong si Yzah Elizalde ang hinahanap niya, sigaw ng utak ko. Binuksan ko ang pangalawang bote. Nilagok ang kalahati. Naroon pa rin si Kuya Brando, pumasok sa pavilion tapos ay lumabas, naglakad ng paikot at pumasok ulit.
Tatayo sana ako para puntahan na sana siya nang may isang lalaking tumayo sa aking harapan. Kahit tinamaan na ako ng alak, napagmasdan ko pa rin siya.
Guwapo. Moreno at matangkad. Iyon ang description ko sa kaniya. Semi-kalbo din ang buhok pero mas mahaba ng ilang milimetro kumpara sa buhok ni Harry na halos skin head na.
“May I join you?” tanong nito. Lalaking-lalaki ang boses.
Tumango lang ako sabay lagok ang natitirang kalahati ng Colt 45.
Umupo ang lalaki sa aking tabi. May dala itong de-boteng fruit soda. “Ikaw ba yung OJT?” tanong niya sa akin.
Mukha naman siyang mabait kaya iniabot ko ang aking kamay. “Ako nga. Rhett Santillan pare,” pakilala ko.
Ngumiti siya at inabot ang kamay ko. “Ako naman si Eunso Lee.”
“Unique name,” sabi ko.
Binuksan ko ulit ang pangatlong lata ng beer. Pero nag-lie low muna ako sa pagtungga. Sa pagitan ng usapan namin ay may itinitext siya sa kaniyang cell phone. May tama na talaga ako ng alak kaya ‘iyong mga pinagkwentuhan namin ni Eunso ay hindi na nakuhang rumehistro sa aking utak. Basta ang tanda ko lang isa si Eunso sa mga Certified First Aiders sa site. Isa siya sa mga binabanggit noong Safety Officer during the orientation na hihingan ng tulong kapag may naaksidente.
May itinitext ulit si Eunso nang magpaalam ako na magsi-CR muna. Tumango naman siya at sinabi pang hihintayin niya raw ako. Out of order ang malapit na CR sa pavilion kaya naghanap ako ng iba. May karatulang nakaturo na may CR na malapit sa swimming pool ng resort kaya iyon ang tinahak ko. Naglalakad ako sa may tabi ng swimming pool nang makita ko na naman si Kuya Brando na parang may hinahanap pa rin na hindi naman makita. Nagtago muna ako sa puno ng niyog nang makita ko siyang palapit sa kinaroroonan ko. Lumabas lang ako nang makalampas na siya at medyo malayo na. Isang pamilyar na mukha naman ang sumalubong sa akin.
“Mukhang solb ka na Rhett? Nasaan ang sidekick mo?” tanong ni Jimson. Kasama nito si Mr. Eewww na nakangiting-aso.
May inom ako kaya hindi ko kontrolado ang reflexes ko. Bago pa ako may magawang pagsisisihan ko sa bandang huli ay tumalikod na lang ako kina Jimson. At sa pagtalikod kong iyon, naramdaman ko na lang ang isang hampas sa aking likod. Na-out balance ako at sa pagkakatumba ay gumulong ako at nahulog ng diretso sa swimming pool.
Sa kakaibang sakit sa aking likod gawa ng paghampas ng kung anong matigas na bagay ay hindi ko magawang lumangoy pataas. Bigla ang pagpasok ng tubig sa aking bibig at maging sa aking ilong na mabilis na pinupuno ang aking lalamunan. Pinapalitan nito ang espasyong dadaanan ng hangin para ako makahinga. Kahit masakit ang aking katawan, nagpumilit pa rin akong makagalaw para kahit man lang sa ganoong paraan makalikha ako ng alon sa ibabaw ng tubig at makita ng kung sino mang pwedeng magligtas sa akin.
Nasa ganoon akong sitwasyon nang biglang nag-flashback ang nagdaan sa buhay ko.
Nasa gitna ako ng kalsada habang umuulan, umiiyak habang tinatawag ko si Kuya Brando...
Napalitan ng pangyayari kung saan buhat-buhat ako ni Kuya Brando, duguan ang aking ilong…
Pumalit iyong nasa CR ako ng SM nakapikit akong hinihintay halikan ni Kuya Brando na nasa likuran ko…
Pinalitan agad ng nasa may tabing ilog ako, nakakulong sa mga bisig ni Kuya Brando at marahang nakaidlip…
Pagkatapos noon ay wala na. Tuluyan na akong nilukob ng dilim.
Itutuloy
0 comments:
Post a Comment