Chapter 10 : In Love With Brando
Thursday, February 10, 2011
By Joshx
----------o0O0o----------
Mula sa bumabalot na dilim ay nagliwanag. Ibang klaseng liwanag. Sobrang nakakasilaw. Saka biglang naulinigan ko ang mga tawag. Nagpalingon-lingon ako pero hindi ko makita kung saan nanggagaling ang mga tinig. Hindi ko man mawawaan ang mga sinasabi nila, pero ramdam kong ang mga tinig na iyon ay animo’y mga pwersang humahatak sa akin patungo sa kung saan. Ang pwersa ay mas lumakas, mas tumindi, pilit kong nilabanan pero wala naman akong makapitan kaya wala akong nagawa kung hindi ang magpatangay sa pwersa ng mga tinig hanggang maramdaman ko ang kakaibang sakit na unti-unting kumakalat sa aking baga. Sa pagkalat ay may kung anong namuo saka naramdaman ko na lamang na pwersahang lumabas sa aking bibig.
Napaubo ako sa sobrang sakit ng pagluwa ko ng tubig. Saka nagkaroon ng mukha ang mga tinig kanina. Galing sa mga taong nakapalibot sa aking pagkakahiga sa tiles sa tabi ng swimming pool na nang makita akong nagkamalay na ay nagpalakpakan pa ang iba.
“Are you okay?” tanong ni Eunso na nasa may bandang kanan ko at nakaluhod paharap sa aking dibdib. Ang kaliwang palad na nakasalikop ang mga daliri sa nakapatong na kanang kamay ay nasa aking kaliwang dibdib. Halos katatapos pa lang niyang magbigay ng chest compressions sa akin.
Tuliro naman ang aking isip. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Nagpumilit akong tumagilid nang maramdaman ko na naman ang pagluwa ko ng tubig. Saka nagbalik sa akin ang mga pangyayari.
“Okay ka na ba?” ulit na tanong ni Eunso nang bumalik ako sa pagkakahiga.
Napansin ko na hindi basa ang suot ni Eunso. Ibig sabihin hindi siya ang nagligtas sa akin. Siya lang ang nagbigay ng CPR sa akin, kung gayon eh sino ang aking tagapagligtas?
Nang ilibot ko ang paningin, saka ko napansin ang basang-basang si Kuya Brando, nakatayo sa may bandang kaliwa ko. Kahit nananakit pa rin ang aking likod ay pinilit kong magsalita, “Okay na ‘ko.”
Pero iba ang ekpresyon ng mukha ni Kuya Brando. Kahit alam kong na-relieve siya sa pagka-revive sa akin ni Eunso, ay bakas pa rin dito ang sobrang inis at galit. Nang maiupo ako ni Eunso, saka ko pa siya narinig magsalita, “Iinom-inom kasi hindi naman kaya tapos ay maliligo pa ng lasing. Buti na lang nakita ka ni Vlad, kung hindi siguradong paglalamayan ka na mamaya.” Patuloy sa pagpatak ang tubig sa suot niyang shorts.
Paano nalaman ni Kuya Brando na nag-inom ako ng alak? Psychic ba siya?
Mas masakit pa sa pakiramdam ko ang epekto ng comment niya kaysa sa muntikanan ko ng pagkalunod. Gusto ko sanang isigaw sa kaniya na siya ang dahilan kung bakit ako uminom. Sa sobrang selos ko kaya ko nagawa iyon. Gusto ko rin sabihin sa kaniya na wala akong balak maligo sa pool. Gusto kong magsumbong na sa ikalawang pagkakataon may nagtangka na naman ng buhay ko. At gusto ko ring sabihin sa kaniya na salamat sa pagliligtas niya ulit sa buhay ko.
Bakit hindi man lamang niya itinanong sa akin kung anong nangyari? Nag-jump into conclusion na siya na sinadya ko lang talaga na maligo ng nakainom.
Sino naman si Vlad na nakakita pala sa akin kaya na-save ako ni Kuya Brando?
Hindi ko na napigilan ang pangingilid ng luha ko. Buti na lang at hindi iyon gaanong napansin dahil gabi na at basa rin naman ang aking mukha ng tubig. Nagpikit ako ng mga mata. Gusto ko sanang lamunin na lang ako ng lupa nang oras na iyon. Nahihiya ako sa mga tao sa paligid. Naiinis ako kay Kuya Brando. Galit ako kay Jimson pati na sa alalay niyang si Mr. Eewww.
“Ano ba talagang nangyari?” tanong ni Eunso nang imulat kong muli ang aking mga mata.
Sasabihin ko na sana ang tungkol kay Jimson nang biglang may umagaw ng eksena.
“I’ve been looking for you, nandito ka lang pala,” boses ni Yzah Elizalde na yumakap mula sa likuran ni Kuya Brando. Nag-angat ng kilay nang makita akong nakaupo sa semento habang inaalalayan ni Eunso. Umismid muli, “Tara na, balik na tayo sa kuwarto,” pag-aaya pa niya kay Kuya Brando. “Nagsasayang lang tayo ng oras dito.”
Halos magluwaan naman ang mga mata ng ibang mga naroroon sa kakatingin kay Yzah na naka-two piece lang ang suot. Si Kuya Brando naman ay nakatingin sa akin at hindi ko alam kung naghihintay ba ng isasagot ko sa tanong ni Eunso o kung ano.
Umiling lang ako at muling pumikit. Ano pa ba ang silbi ng sasabihin ko? Paniwala na si Kuya Brando na uminom ako ng sobra saka naligo sa pool kaya muntik ng malunod. Sa pagkakapikit na iyon ay hindi ko na tuloy napansin ang biglang pagkalas pala ni Kuya Brando sa pagkakayakap ni Yzah saka mabilis na umalis. Nagtatakbo rin naman ang babae na humabol sa kaniya.
“Tutulungan kita Rhett,” pagkuway narinig kong sabi ni Eunso nang akalain niya ay masama pa rin ang aking pakiramdam dahil sa ginawa kong pagpikit at pananahimik. Saka isa-isang binanggit ni Eunso ang steps ng kaniyang gagawin at nagbibilang pa ito ng hanggang tatlo bago mag-execute hanggang makarga na niya ako sa kaniyang mga bisig. Ganoon pala ang mga First Aiders, lahat ng steps ay sinsabi para well informed ang nire-rescue sa susunod na mangyayari.
“MAGREKLAMO TAYO Rhett, hindi pwedeng manahimik na lang,” nagalit na rin si Eunso nang ikwento ko sa kaniya ang mga nangyari.
Nakahiga ako noon sa isa sa mga kama sa kanilang silid kung saan niya ako dinala. Pinahiram na rin muna niya ako ng damit na pampalit. Nakaupo naman siya sa gilid ng katabing kama. Ang mga damit ko kasi ay nasa backpack namin ni Harry. Wala naman daw doon sa assigned room namin si Harry. Nasaan na nga kaya iyon? Muntik na nga akong mamatay ay wala pa rin siyang kaalam-alam hanggang ngayon. “Naisip ko huwag na lang.”
“Bakit naman? Bida ka ba ng telenovela na kahit anong gawing kasamaan ng mga kontrabida ay hindi man lamang lumalaban at sa bandang huli ay nagpapatawad pa?”
“Hindi naman,” tugon ko at pilit na ngumiti sa pagjo-joke niya. “Naisip ko kasi baka wala namang maniwala sa akin. Isipin mo na lang, may inom ako. Medyo may tama. Oo nga’t nakasalubong ko sila Jimson pero nakatalikod naman ako nang mangyari ang paghampas sa likod ko. Hindi ko sila mismong nakita. Pwedeng iba. Pwedeng hindi sila. Pwedeng isipin ng iba na halusinasyon ko lamang iyon dahil lasing ako at wala naman talagang pumalo sa akin. Wala pating korte ang maniniwala sa akin at sa mga sasabihin kong puro circumstantial evidences lang.”
Napatango si Eunso nang makuha ang punto ko. Ako man ay tuluyan na ring napaniwala ang aking sarili sa aking sinabi.
Naisip ko na lang na may hangganan din ang kasamaan ni Jimson.
“Sino pala si Vlad?” naisipan kong itanong. Siyempre gusto ko ding malaman kung sino ang isa sa mga taong pinagkakautangan ko ng loob. Kung hindi dahil sa kaniya baka nga tuluyan na akong nalunod.
“Kilala mo ‘yun sa mukha, baka hindi mo lang kilala sa pangalan.”
Totoo naman na marami nga sa mga construction workers ang kilala ko lang sa mukha.
“Nakita daw niya na may nalulunod sa swimming pool kaya humingi siya ng saklolo sa mga tao sa malapit. Hindi yata marunong lumangoy iyon tao kaya ganoon. Magkasalubong na kami noon ni Sir Brando nang marinig namin ang sigaw ni Vlad. Sa narinig muling tumalikod si Sir saka nagmamadaling tumalon sa pool. Ako nama’y sumunod sa kaniya.
Nagulat pa nga siya nang ikaw pala ang nalulunod. Inilapag ka niya sa sahig at medyo nag-atubili siyang magbigay ng first aid dahil kasama niya ako. Kaya nagbigay siya ng daan at ako na ang nagbigay sa’yo ng mouth to mouth at chest compressions.”
“Gusto kong makita si Vlad para makapagpasalamat na din.”
“Hayaan mo, ituturo ko siya sa ‘yo pag nakita ko.”
Kahit paano’y na-relived naman ako at natuwa na si Kuya Brando pala talaga ang nagligtas sa akin. Halos pabulong ko lang nasabi, “Galit si Kuya Brando sa akin.”
Malakas pala ang pandinig ni Eunso, “Hindi galit sa ‘yo si Sir. Nag-alala lang. Kung nakita mo lang siya kung gaano siya naging kadisturbed at nagmukhang devastated habang binibigyan kita ng CPR, tiyak maawa ka rin sa kaniya. Para bang ang nangyari sa ‘yo ay gusto niyang isisi sa sarili at kagagawan niya na hindi naman.”
May haplos na namang tuwa sa aking puso ang rebelasyon na iyon ni Eunso. Saka siya nagpatuloy, “Bago nga iyong pangyayari, hinahanap ka niya sa may tabing dagat.”
Hmmmm. Bakit naman niya ako hahanapin, eh di ba iniwan nga niya ako at sumama sa Yzah’ng iyon?
“Nang masalubong ko siya, tinanong ka niya sa akin. Buti na lang kilala naman kita sa mukha dahil nakita na kita dati.”
“Saan?” sabad ko.
“Sa canteen noong first day mo. Kasama ko sina Sir Brando at Engr. Clyde, nakita kita sa kabilang table kasama mo ‘iyong isa pang OJT saka si Miss Alegre.”
“Ah, okay,” sabi ko. Natatandaan ko na iyong sinasabi niya.
Nagpatuloy pa siya, “Sabi ko nga ‘iyong kasama mo at hindi ikaw ang nakita ko sa dalampasigan kasama ni Miss Alegre. Nang puntahan namin, sila pa ring dalawa ang naroroon kaya nagpatulong na lang siya sa akin para hanapin ka. At para mas mabilis, naghiwalay kami ng paghahanap sa ‘yo.”
Kaya pala… “Si Ku—Sir Brando ang itinitext mo habang magkausap tayo?”
Marahang tango ang isinagot niya. “Sabi ko nga’y nakita na kita. Unfortunately nakorner siya ulit ni Miss Elizalde kaya nag-reply siya to keep an eye on you. Nang dumating siya, wala ka naman at hindi ka na bumalik kaya hinanap ka na naman namin ulit.”
“Ano bang kailangan niya sa akin at bakit niya ako hinhanap?”
Ngumiti siya ng nakakaloko. “Simple lang. Tinamaan yata sa ‘yo.”
Kahit tuwang-tuwa ako sa narinig, medyo napakunot-noo pa rin ako kay Eunso. “Parang kilalang-kilala mo si Sir Brando,” sabi ko sa kaniya.
“Hindi naman, nakasama ko lang siya sa isang project sa Quezon City dati. Tapos ngayon ulit sa Batangas City. Open naman siya sa mga tao niyang medyo close sa kaniya.”
“Bakit mo naman nasabing tinamaan siya?” tanong ko na nakahiyaan ko pang idugtong ang ‘sa akin’. Gusto ko na tuloy kiligin sa kung anomang isasagot ni Eunso.
“Basta, ramdam ko. Simula nang makilala ko ‘yan, sa dinami-daming lalaki at babaeng naghahabol sa kaniya, sa ‘yo lang siya naging ganito ka-apektado. Basing from his reactions a while ago, I would say, he’s starting to fall for you.”
Hayyy, parang biglang humaba ang hair ko. Mas mahaba pa ng kay Rapunzel.
Totoo kaya ang sinasabi ni Eunso o hindi? Parang mas gusto ko namang paniwalaan na totoo nga.
Bias ka! kontra na naman ng isang bahagi ng utak ko.
“So totoo na may mga flavour of the month?”
“Partly true partly myth. Sabi ko nga maraming naghahabol sa kaniya. Kung patulan man niya iyon, desisyon niya iyon at ginusto din nila. Hindi naman siya namimilit at alam kong hindi na niya kailangang mamilit. Sa hitsura pa lang, daig pa sa kakisigan at kaguwapuhan ang ibang artista. At kaya naman partly myth dahil kahit ako noong bago pa kami nagkakilala, binansagan din akong flavour of the month. Siyempre hindi totoo iyon.”
“Si Yzah…sila ba?”
“Sabi-sabi. Wala pa naman si Miss Elizalde noong nakasama ko si Sir sa QC project kaya hindi ko masasabi sa’yo kung sila nga o hindi.”
DOON NA RIN ako nakatulog sa silid nina Eunso. Paggising ko kinaumahagan, mag-isa na lang ako sa silid. Malamang nagsisipagligo na sa dagat ang karamihan kasama na si Eunso.
Lumabas ako ng silid at kahit na medyo hilo pa ako ng kaunti sa hang-over ng ininom kong beer kagabi, hindi ko maiwasang mamangha sa ganda ng beach. Puting-puti ang malinis na buhangin na hinahampas ng mapipinong alon. Kulay blue green naman ang tubig sa malapit at nagiging matingkad na asul habang papalayo. At sa pinagsalubungan ng dagat at ng langit ay ang papasikat na araw na unti-unting nagbibigay ng liwanag sa halos walang ulap na kalangitan. Halos lahat ng mga kasamahan namin ay naliligo na sa dagat, may ilan lamang na nasa mga cottages, kumakain at nagkukuwentuhan at mayroon ding kumakanta pa rin ng non-stop sa videoke.
Nasaan na kaya si Harry? Ano na kayang nangyari sa kaniya? Gusto ko na tuloy magtampo sa kaniya.
“Rhett…Rhett..!”
Si Engr. Clyde pala ang tumatawag sa akin. Nakaupo siyang mag-isa sa malapit na cottage, umiinom sa hawak na tasa. Nilapitan ko.
“Kumusta ka na?” tanong niya nang makiupo na rin ako sa cottage. Kapeng barako ang iniinom pala niya at sa mesa ay naroon sa may plato niya ang suman na tinanggalan na ng balat at binuhusan ng syrup na parang coco jam na malabnaw.
“Okay na po,” tugon ko sa kanya. Nakikuha na rin ako ng kape at tinikman na rin ang suman. Naramdaman ko kasi ang sobrang gutom. Hindi na nga pala ako nakakain kagabi.
“Nakaalis na si Sir Brando kaninang alas-kwatro,” sabi niya kahit hindi ko naman tinatanong.
Nalungot akong bigla. Ang masarap na kape ay parang biglang nawalan ng lasa. Hindi ko na tuloy magagawa ang balak kong kausapin siya at humingi ng paumanhin sa nangyari kagabi. Tumango lang ako.
“Nakulitan yata kay Miss Elizalde,” sabi niya na ang mukha ay parang sa matatawa.
“Baka ho dahil sa nagalit siya sa akin.”
“Hindi iyon. Hindi siya galit sa ‘yo. Nag-alala pa siguro. Sobrang nag-alala.”
Pareho sila ng sinasabi ni Eunso.
“Kasama ho niya si Miss Elizalde?”
“Hindi. Pero umalis na rin siya, humabol yata,” tugon ni Engr. Clyde saka tumitig maigi sa aking mga mata. Parang may inaaninag na reaksiyon galing sa akin. Nang wala siyang mabakas na anoman sa akin ay nagpatuloy, “Ex-girlfriend lang iyon ni Sir.”
Wow! Hanggang ngayon dire-diretso pa rin ang mga pasabog. Ang dami ko ng nalaman mula pa kagabi kay Eunso at tuloy pa rin pala hanggang ngayon. Bumalik ang sarap ng kape at lalong tumamis ang syrup sa suman.
“Bakit ho ganoon siya kung makalingkis kay Sir Brando?” Pinilit kong tanggalin ang selos sa tono ng pagkakatanong ko.
“She wants to win him back.”
“Bakit ho?”
“Simple. Iyon ang gusto ng mga magulang ni Miss Elizalde.”
“Gusto nila si Sir Brando? Hindi ba nila alam na bisexual siya?”
Humigop muna ng kape si Engr. Clyde saka ibinaba sa mesa ang tasa. “Alam nila, alam din ng anak nila. Pero sa mga mayayaman, hindi naman importante ang ganoon. Isa pa si Yzah, may mga lover din naman ‘yan even noong sila pa ni Sir Brando. At kung sila man ang magkatuluyan, siguradong hindi naman iyon titigil sa panlalalaki. Kaya balewala sa kaniya even sa parents niya kung bisexual man o gay o straight si Sir Brando. Ang mahalaga matuloy ang merging ng SJR Construction Corporation at ng Global Construction Corporation na company nila.”
“Merging?” nahihiwagaan kong tanong.
“Oo. Merging ng SJR at Global.”
Hindi ko pa rin makuha. Ano bang kinalaman ni Kuya Brando sa merging na iyon?
“Hindi mo ba alam na si Sir Brando ang nag-iisang anak ng may-ari ng SJR Construction Corporation? Sila ang may-ari ng SJR. Iyon ay SJ Ramirez Construction Corporation.”
Iyon na yata ang pinakamalaking pasabog na narinig ko. Si Kuya Brando na inakala kong mahirap o nasa middle class ay isa pa lang mayaman. At hindi lang basta mayaman, kung hindi sobrang yaman!
PAPASOK NA AKO sa silid namin ni Harry ay parang umaalingawngaw pa rin sa akin ang sinabi ni Engr. Clyde. Si Kuya Brando ay nag-iisang anak ng may-ari ng kumpanya. Marami man ang mga tanong na nasagot pero marami pa rin ang natitira.
Kung siya ay nag-iisang anak, sino iyong isang batang nasa larawan sa sala ng bahay nila? Bakit siya nagtiis sa boarding house gayong sobrang yaman naman nito? Ang dami pang tanong na kailan kaya masasagot?
Ang silid namin ni Harry ay replica din ng silid nina Eunso. Kakatok sana ako sa pinto nang maisipan kong pihitin muna ang door knob. Baka kasi tulog pa si Harry dahil hindi ko siya namataan kanina sa mga naliligo sa beach. Isa pa kung gising na iyon, imposible namang hindi niya ako puntahan at alamin ang nangyari kagabi. Eksakto namang hindi nakalock ang pinto kaya nabuksan ko ito ng dahan-dahan.
Nakakailang hakbang pa lang ako pagpasok sa silid nang biglang matigilan. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa nakita ko. Matutuwa ba ako? Maiinis? Magagalit? Magwo-worry? Papalakpak ba? Sisigaw ng Yes! Sisigaw ng Oh No! Kukunin ko ba ang kamay niya at sasabihing ‘Congratulations!’, O mapapa-Eewww! O sisigaw ng Yuckkk!
Finally alam ko na ang dahilan kung bakit wala si Harry kagabi nang atakihin ako nina Jimson, kung bakit wala pa rin siya habang nasa ilalim ako ng tubig at nalulunod. Kung bakit wala pa rin siya nang ako ay ma-revive ni Eunso at dalhin sa kanilang kuwarto. At bakit nandito pa rin siya sa silid na ito kahit lahat kami ay gising na.
Nagkalat ang basyo ng bote ng beer sa sahig. Ang kobrekama ay gusot-gusot. Nakahiga ng patihaya si Harry sa kama. Walang suot na t-shirt kaya kitang-kita ang nilikok na dibdib at mga pandesal sa tiyan. Ang kanang kamay niya ay nasa may gilid habang ang kaliwa ay nakapatong sa taas ng semi-kalbo niyang ulo. Ang ganda niyang pagmasdan habang natutulog o mas tamang sabihin ang sarap niyang pagmasdan lalo na’t wala rin siyang suot na brief. Kitang-kitang ang flawless niyang morenong balat at mapapahanga ka dahil pantay-pantay ang kulay niya all-over his body. Unlike other men na may maputi na parte ng balat, may maitim na bahagi tapos may kayumanggi.
Kahit wala siyang brief, hindi pa rin lumitaw ang kaniyang ari dahil natatakpan ito ng kaliwang hita ng kaniyang katabi na nakahilig din ang ulo sa kaliwa niyang dibdib. Hubo’t hubad din ang kaniyang katabi maliban sa isang parte ng puting kumot na naitakip sa may balakang nito na napansin kong may mga patak pa ng sariwang dugo.
Nanatili lang akong nakatingin sa kanila nang magmulat si Harry. Dahil ako ang una niyang nakita, nginitian niya ako. Itinulis ko naman ang nguso ko para ituro sa kaniya ang katabi.
Daig pa ni Harry ang nakakita ng multo nang makita niya ang sarili. Hubo’t-hubad silang pareho ng katabi. Sa bigla niyang paggalaw para umupo at kumuha ng anomang pwedeng itakip sa kaniyang katawan ay nagising na rin ang katabi niya. Mas grabe ang reaksiyon nito kesa kay Harry. Halos mawalan na ito ng dugo sa mukha. Umupo rin ito saka nagmamadaling itinakip sa kaniyang kahubdan ang puting kumot na nakatakip kanina sa kaniyang pang-upo. Eksakto naman na sa pagitan ng magkabila niyang dibdib tumakip ang parte ng kumot na may patak ng dugo.
Si Harry naman ay tuluyan ng umupo pasandal sa may headboard.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman nang marinig ko silang nagsalita.
“Anong nangyari, bakit nandito ka?” tanong ni Harry.
“Anong ginawa mo sa akin? Walanghiya ka!” halos maiiyak na si Eunice saka iniangat ang kumot para tingnan ang sarili. Nang maka-cope up na siya sa kinasadlakang kalagayan, halos mag-histerya na siya lalo na nang makita ang dugo sa kumot na naggaling sa kaniyang iniingat-ingatang hiyas. “Bakit ganito? Bakit mo ako pinagsamantalahan?”
“Pinagsamantalahan? Ano ka ba Eunice, ako nga rin, hindi ko alam kung paano ako nakarating dito at kasama pa kita,” sabi ni Harry saka sinalo ang mga pagkabog ng isang kamay ni Eunice sa kaniya habang hawak ng isa ang kumot na nakatakip sa katawan. “Ang tanda ko lang, nasa dalampasigan ako, dumating ka Rhett…itinaboy kita palayo,” patuloy niya saka saglit na tumingin sa akin at muling ibinaling ang tingin kay Eunice. “Lumapit ka Eunice, uminom ka rin tapos…” tinutop niya ang noo na parang pilit inaalala ang mga nangyari pero pananakit lang at pagkahilo ang naramdaman niya. Hanggang sa may naalala siyang mga mumunting detalye… “tapos naligo tayo sa dagat…uminom tayo ulit..itinuloy natin dito sa silid ang pag-inom…” biglang nahintakutan ang mukha niya sa sumunod na naalala. “May nangyari nga sa atin Eunice…pero hindi kita pnilit…pareho nating ginusto.” Laylay balikat siyang itinungo ang ulo.
Para namang lumiwanag din kay Eunice ang nangyari sa sinabing iyon ni Harry. “Paano ito Harry, nakuha mo na ako. Hindi na ako virgin, ikaw na ang nakauna sa akin.” Walang tigil ang pagluha ni Eunice.
Sumabad na ako sa usapan nila. “Iiwanan ko muna kayo, kailangan ninyong mag-usap. Pakilinis na rin ang kalat pagkatapos.”
NANG SUMUNOD NA linggo ay hindi pa rin ako nagkaroon ng pagkakataon na mag-sori kay Kuya Brando. Wala kasi siya sa site sabi ni Engr. Clyde at nasa main office daw ito sa Manila at mananatili doon ng ilang araw. May mahalagang meeting yata sa Chairman ng kumpanya na siya ring tatay niya. Hindi ko na siya itinext o tinawagan dahil gusto ko personal ko siyang makausap.
Tuluyan ng naging malamig ang pakikitungo sa akin ni Harry. Umiiwas pati ito na pag-usapan namin ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Eunice sa outing. Maging si Eunice ay nanahimik din. Pati mga text ko at tawag sa kaniya ay hindi niya sinasagot. Hindi ko rin siya matiyempuhan sa canteen at palaging mas maaga siyang umuwi kesa sa amin ni Harry.
Pati si Tiya Beng ay napansin ang biglang pagbabago ni Harry. Sa gabi lagi itong nauunang matapos sa pagkain ng hapunan at didiretso na agad ng kaniyang silid. Wala na ang nakaugalian naming kwentuhan ng kahit ano bilang bonding time naming tatlo.
“May problema ba kayo ni Harry?” tanong ni Tiya Beng.
Saglit akong natigilan sa pagsubo. Matamang nag-isip kung sasabihin ko ba o hindi. Umiling na lang ako.
“Kung wala, baka may problema siya sa OJT ninyo?”
“Wala po,” sabi ko dahil iyon naman ang totoo.
“E bakit ganoon siya lately? Ibang-iba kaysa dati.”
Hindi ako makatingin ng diretso sa mga mata ni Tiya Beng dahil baka mahuli niya akong may inililihim sa kaniya. “Hindi ko po alam. Baka napapagod lang masyado sa trabaho sa OJT namin. Napapasama kasi siya palagi sa mga nagtatrabaho sa labas at medyo mabibigat ang ginagawa.”
Ayokong pangunahan si Harry. Hihintayin ko na lang na siya mismo ang magsabi kay Tiya Beng.
Pinuntahan ko si Harry sa silid niya kinagabihan. Nakahiga siyang patihaya, walang suot na pang-itaas at natatakpan ng kumot hanggang baywang. Umupo ako sa gilid ng kama.
“Kumusta ka na? Nag-aalala na sa iyo si Tiya Beng,” marahan kong tanong.
“Okay lang ako. Pasensiya na hindi man lang kita nasaklolohan nung nasa beach tayo.”
“Walang problema iyon. Okay naman ako.”
Ibinaling niya ang tingin sa akin, “May kinalaman ba si Jimson sa nangyari?”
Medyo kinabahan ako sa tanong niya. Hindi ko alam kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo. Sa huli naisip kong baka ipaghiganti niya ako kagaya noong bata pa kami kapag sinabi ko ang totoo. “Wala.”
Napatango siya saka ibinaling ang tingin sa may bintana.
“Kumusta kayo ni Eunice,” lakas-loob kong tanong.
“Hindi pa kami nakakapag-usap mula nang umagang maghiwalay kami. Pareho naman naming ginusto ang nangyari,” may lungkot ang kaniyang tinig.
“Pananagutan mo ba siya?”
“Oo,” maiksi niyang tugon.
“Kahit hindi mo siya mahal?”
“Hindi na mahalaga iyon. Kung hihilingin niya sa akin iyon, iyon ang ibibigay ko sa kaniya. Hindi na pinag-uusapan dito kung mahal ko siya o hindi. Usapin na ito ng prinsipyo at paninindigan. Bisexual man ako o tayo, hindi ibig sabihin noon na hindi na natin kaya ang magpakalalaki at tatakas na lang tayo. Hindi ko tatalikuran ang responsibilidad ko sa kaniya.”
Napahanga ako ni Harry sa kaniyang mga sinabi.
LUNES NG SUMUNOD na linggo ay hiwalay pa rin kami ni Harry ng assignment sa trabaho. Napasama siya sa pagbe-bend ng mga RSC pipes na siyang paglalagyan ng mga kawad ng kuryente. Ako naman ay parang sa general electrical works. Parang naging support ako sa mga nangangailangan ng supply ng kuryente para sa mga tools o equipment na ginagamit sa trabaho ng mga manggagawa.
May isang welder ang lumapit sa akin para humingi ng supply para sa kaniyang welding machine. Nakahanap ako ng pinakamalapit na pwedeng pagsaksakan pero mga limang metro ang layo. Hindi aabot ang welding machine at kakailanganin ko ng extension wire. Nagpunta ako sa may electrical stock room na katabi ng generator room kung saan nakaimbak ang mga electrical supplies namin.
“Rhett, anong kailangan mo?” bungad ni Eunso nang makita ko.
“Dito ka pala?” nakangiting sabi ko sa kaniya.
“Oo, matagal na. Hehehe.”
“Meron ba tayong kable diyan mga anim o pitong metro ang haba? Gagamitin ko lang na extension sa pang-supply sa welding machine.”
May kinuha siyang kable at pagkatapos makapirma doon sa iniabot niyang form ay ibinigay na niya sa akin ang kable na naka-rolyo at nakabalot pa ng plastic na manipis.
Paglabas ko ng stock room at pagdaan sa generator room ay napansin kong wala si Jimson sa loob. Sa kaniya ko kasi ire-request ang pagbababa ng breaker para tuluyan ng mawalan ng supply iyong breaker na pagkakabitan ko ng welding machine.
Napagpasiyahan kong ako na lang ang magbababa. Nagsuot muna ako ng earplug bago ako pumasok saka binuklat iyong mga electrical diagram doon. Natukoy ko naman kung saang circuit breaker sa loob ng generator kumuha ng supply iyong breaker na nasa labas. Ibinaba ko iyong lever sa pinakagitna ng breaker saka kumuha ng TAG, sinulatan ko ng Do Not Switch On at finilapan ko iyong iba pang data saka isinabit doon sa mismong breaker. Para siguradong wala na talagang boltahe, kinuha ko ang metro saka sinukatan ang magkabilang kawad sa ibaba ng breaker. Zero volts AC ang nakuha ko, ibig sabihin wala ng boltahe.
Pagkalabas ko ng Generator room nasalubong ko si Jimson kasama na naman ang sidekick niyang si Mr. Eewww. Pero this time, wala na ang ngising-aso kay Mr. Eewww. Basta iba na ang ekspresyon ng mukha niya, para na siyang demonyong natanggalan ng sungay at nilagyan na ng halo kapalit ng dati niyang sungay. Demonyong anghel, parang ganoon. Hehehe.
Nagbalik sa aking isipan ang ginawa ni Jimson na muntik ko ng ikamatay. Bigla ang pagsulak ng galit sa aking dibdib. Pero I have come this far na nakontrol ko ang sarili ko. Lahat ng pagtitimpi ko mawawalan ng saysay kapag pinatulan ko siya ngayon. Sa tingin ko nama’y hindi kaduwagan ang umiwas sa kaniya kaya iyon ang ginawa ko.
Sa kabila ng paglihis ko ng dadaanan, sinadya pa rin niyang harangan ako. Si Mr. Eeww naman ay nanatili lang sa kinatatauan kanina. Nagbago na ba si Mr. Eewww? Dapat sana nasa likuran na rin siya ni Jimson ngayon.
“Not so fast Rhett,” nanunudyong sabi ni Jimson. “You’re always running away from me.”
Tumingin ako ng diretso sa mga mata niya. Pilit ipinaramdam ang galit sa aking dibdib. “I’m not running away. Umiiwas lang ako sa gulo.”
“Makakaiwas lang tayo sa gulo kung isa sa atin mawala dito. Dahil natahimik naman talaga dito until you two came,” matigas ang pagkakasabi niya.
“Sorry Jimson, pero hindi ako o si Harry ang mawawala dito. We need this OJT badly. I suggest just bear with the situation while we’re here.”
Gumuhit ang galit sa kaniyang mukha. “We’ll see. Siyam man ang buhay ng isang pusa ay nauubos din at finally namamatay din.”
Gusto ko ng matakot sa sinabi niya pero nagpakatatag ako. “Alam ko na ikaw ang pumalo sa likuran ko noong outing.”
Nang-iinis ang kaniyang pagngiti. “Ang alam ko’y tinalikuran mo kami. Paano mo nalaman na ako nga ang punalo sa ‘yo?”
“Wala akong pruweba ngayon, pero pag nagkaroon ako ng ebidensiya, humanda ka.”
“I’m scared…” sabi niya na kunwari ay natatakot siya sa sinabi ko pero nang-iinis naman talaga.
“You should be. So get out of my way.”
“Accident happens all the time,” muling paalala ni Jimson bago siya tumabi para ako makadaan.
Kung wala lang kami sa loob ng site, baka ipinalo ko na din sa pagmumukha niya ang dala kong kable. Nang tingnan ko naman si Mr. Eewww, hindi ko alam kung tama ang tingin ko pero parang ayaw niya sa ginagawa ni Jimson. Para pa ngang sympathetic pa siya sa akin.
Nakalimutan ko na tuloy sabihin kay Jimson ang breaker na ibinaba ko. Pero meron naman iyong TAG at marunong naman siyang magbasa kaya malalaman na rin niya sometime later.
Binilisan ko ang paglakad dahil baka mainip na iyong welder at magreklamo na kay Engr. Clyde. Pagdating ko doon ay muli kong sinukatan ang dalawang kable sa taas naman ngayon ng breaker dahil iyon iyong galing sa loob ng generator room na sinukatan ko rin kanina. Zero volts pa rin ang nasukat ko.
Tinulungan naman ako ni Mamang Welder sa laying ng kable mula sa breaker papunta doon sa welding machine niya. Idinugtong ko muna iyong kable sa welding machine niya saka ako nagpunta doon sa may circuit breaker para i-tap naman ang kabilang dulo ng kable sa ilalim ng breaker.
Pagkatapos kong maikabit ay bumalik ulit ako sa generator room para itaas na ulit ang breaker na pinanggalingan nung ginagawa ko at tanggalin ang Tag. Pagbalik ko ay itinaas ko na ang breaker na pinagkabitan ko saka sinenyasan si Mamang Welder na i-try switch on ang welding machine at subukan. Pagkatapos ng ilang segundo, sumenyas siya na wala pa rin daw supply. Ayaw pa ring gumana ng welding machine.
Kinuha ko ang metro at nagsukat. May supply na 220 volts sa taas ng breaker iyong galing sa generator room pero wala sa baba na papuntang welding machine. Pinagmasdan kong maigi ang breaker, napansin kong parang luwag ang isang tornilyo para mahigpitan ang kable sa taas.
Bumalik ako sa generator room para ibaba ulit ang breaker at isabit iyong Tag.
Sa pagmamadali kong lumabas, hindi ko na napansin si Jimson na nakatayo malapit sa generator, nakangiti na daig pa ang demonyo at nangingislap ang mata sa iniisip habang si Mr. Eewww naman ay kabadong-kabado sa tuwing maiisip ang susunod na mangyayari…
Pagbalik ko sa site, sinukatan ko ulit iyong taas ng breaker. Zero volts pa rin.
Kumuha ako ng screwdriver saka ko sinimulang higpitan ang tornilyo. Nahirapan ako sa paghigpit, ayaw umikot ng tornilyo mapa-clockwise o counter-clockwise man ang direksiyon ng pagpihit ko. Dahil sa may kataasan na ang araw at medyo mainit na ang paligid ay ramdam ko ang pamumuo ng aking pawis sa aking katawan at pag-agos sa aking balat. Tumagaktak na rin ang pawis ko mula ulo at noo pababa sa aking mukha. Sa tingin ko’y naghinang na yata iyong tornilyo sa terminal block o maaaring lose thread na.
“Hirap na hirap ka diyan,” sabi ng pamilyar na tinig mula sa aking likuran.
Pumihit ako patalikod. Naamoy ko ang peras at banilya sa hangin. Bigla tuloy akong na-consious sa hitsura ko. Pawisan pa naman ako. “Kuya Brando…”
Tumabi siya sa akin saka sinipat ang tornilyo sa breaker. Kakaiba naman ang pakiramdam ko sa pagkakadaiti ng braso ko sa braso niya. Parang mahuhulog ang puso ko sa lupa. Tuwang-tuwa ako na hindi maipaliwanag sa muling pagkakita ko sa kaniya. Nawala sa kasalukuyang ginagawa ang aking isip. Nagbalik doon sa beach sa Nasugbu, sa mga rebelasyon ni Eunso at ni Engr. Clyde. Parang gusto ko nang mag-sorry sa kaniya sa nangyari at itanong na rin kung totoo nga ang lahat ng mga sinabi nina Eunso at Engr. Clyde. Pero pinigilan ko ang aking sarili. May panahon para sa mga tanong ko. Baka pati mainip na si Mamang Welder sa kahihintay ng supply.
“Lose thread na yata,” sabi niya na bahagyang ngumiti kaya tuluyan ng nalaglag sa lupa ang puso ko saka nagpatalbog –talbog. Kinuha niya sa akin ang screwdriver saka sinubukan ding pihitin ang tornilyo pero ayaw talaga. “Kumuha ka ng socket wrench, subukan natin baka makuha pa.”
Iniwan ko siya sa may harap ng circuit breaker para pumunta ulit sa stock room at humiram ng socket wrench kay Eunso. Pagkabigay ni Eunso ay lumabas na rin ako ng stock room. Nadaanan ko naman sina Jimson at Mr. Eewww na nasa loob ng generator room na parang nagtatalo. Nakita pa nga ako ni Jimson na hawak ang socket wrench. Hindi ko na naman sila pinansin sa pagmamadali kong balikan si Kuya Brando.
“Kuya, heto na,” sabi ko sa kaniya sabay abot nang pumihit siya para tumingin sa akin.
Kung kanina’y bahagya lang ang ngiti niya, ngayon ay mas maluwang na. Hayyy, in love talaga ako sa Kuya Brando ko. Ang guwapo talaga niya. Parang laging bagong paligo.
Kinuha niya ang socket wrench sa akin saka muling humarap sa breaker. Nagpunta naman ako sa may gilid, halos dalawang talampakan ang layo sa kaniya para tingnan ang kaniyang gagawin.
“Wait Kuya, sukatan muna natin ulit,” sabi ko saka kinuha iyong metro habang iyong dalawang test leads sa mukhang stick ay iniabot ko sa kaniya.
Idinikit niya ang test leads sa magkabilang kable sa taas ng circuit breaker saka tumingin sa screen ng hawak kong metro. “Zero,” sabi niya.
Maganda na iyong sigurado, sabi ko naman sa isip ko kahit alam kong wala na talagang boltahe iyon dahil sa ilang beses ko ng nasukatan. Kinuha ko na ulit sa kaniya ang test leads.
Hawak niya sa dalawang kamay ang socket wrench nang itutok niya ito sa butas. Nang nasa tapat na ito ng butas, itinulak niya pababa ang tip ng wrench papasok at padikit sa tornilyo.
Sa isang kisapmata, nakita ko ang biglang pag-spark ng butas na pinasukan ng wrench. Mula doon ay lumabas ang usok. Wala pang kalahating segundo, nakita ko si Kuya Brando na biglang nakabitaw sa socket wrench at napahandusay sa lupa. Unconsious at mukhang hindi na humihinga.
Saka nag-sink in sa akin ang nangyari: nakuryente si Kuya Brando.
Itutuloy
0 comments:
Post a Comment