Chapter 11 : In Love With Brando
Thursday, February 10, 2011
By Joshx
----------o0O0o----------
Kakaibang takot ang naramdaman ko nang mga oras na iyon. Pero naisip ko na hindi ako dapat magpadala sa emosyon dahil kailangan ng tulong ni Kuya Brando. The fastest possible time he will be given first aid, the better. Kaya naman mas mabilis pa yata ako kay Superman nang puntahan ko si Eunso para magpatulong.
Mabilis namang rumesponde si Eunso at nagtatakbo papunta kay Kuya Brando.
Ako naman ay nagmamadali ring dumaan sa loob ng generator room at dumiretso sa breaker. Naka-switch off pa rin ito at intact pati ang Tag. Wala ring katao-tao sa loob. Iyon kasi ang natandaan kong sabi sa Safety Orientation, kapag may nakuryente, immediately switch off the source of power. Kung naka-off pa rin naman ang breaker, paano naging live iyon para makuryente si Kuya Brando?
Mabilis rin akong lumabas sa generator room para sundan si Eunso. Pagdating ko sa kinaroroonan ni Kuya Brando, nakita ko siyang nakahandusay pa rin sa lupa, bukas mula kwelyo pababa sa dalawang butones ng suot na polo at sinadyang niluwagan ang sinturon.Meron na ring isa pang First Aider na mas nauna kay Eunso na ngayon ay nagbibigay sa kaniya ng CPR. Pinipilit marevive ang kaniyang heartbeat. Si Eunso naman ay nakaalalay sa kasamahan.
Takot na takot pa rin ako at animo’y malalagutan na ng hininga. OMG! Huwag mo pong pababayaan si Kuya Brando. Huwag mo po munang siyang kukunin sa akin Mahal na mahal ko po siya.
Hindi ko na namalayan ang pagpatak ng masaganang luha sa aking magkabilang pisngi pati na ang paghawak ni Harry sa aking magkabilang balikat mula sa aking likuran. Gusto ko ng sumigaw pero pinigilan ko ang aking sarili. Gusto kong maging matatag at sumampalataya na hihipan ni Lord si Kuya Brando para bumalik ang kaniyang paghinga.
Sa huling mouth-to-mouth at chest compressions, dininig ni Lord ang aking dalangin. Nakita ko ang pag-angat ng dibdib ni Kuya Brando saka pagbaba tanda ng humihinga na siya ulit. Tsinek din nung first aider ang pulso ni Kuya Brando ng limang segundo saka tumingin kay Eunso at sinabing may pulso na nga ito pero mahina ang tibok.
Naiyak naman ako lalo sa tuwa dahil at least humihinga na siya. Mas okay na iyong humihinga kahit mahina kaysa wala kahit katiting.
Maingat na inilipat nina Eunso at kasama niya si Kuya Brando sa stretcher saka isinakay sa dumating na ambulansiya na mabilis na binaybay ang daan patungong ospital.
Nagbigay lang ako ng statement doon sa isinagawang accident investigation noong Safety Officer bago kami sumunod sa ospital ni Harry.
Pakiramdam ko’y parang mawawala sa sarili sa kaiisip kung ano na kaya ang kalagayan ni Kuya Brando sa mga oras na ito. Okay na ba siya? Ligtas na kaya? Nag-normalize na kaya ang pulse rate niya? Hindi ko tuloy mapigilan ang sunod-sunod na patak ng luha ko habang kami’y nasa dyip.
“Hey, tama na ‘yan. Pagdating natin doon siguradong okay na si Sir,” pangongonsola ni Harry habang hawak ang aking kamay na walang pakialaman sa sasabihin ng mga kasakay namin.
Gusto ko siyang paniwalaan pero siyempre hindi maiaalis sa akin ang hindi mangamba ng sobra-sobra. Humawak ako ng mahigpit sa kamay niya para doon humugot ng lakas ng loob na paglabanan ang takot sa aking dibdib. “Sana nga okay siya Harry, sana nga.”
Naiyak na naman ako nang maalala ko na naman ang nangyari. “Walang supply iyon, sinukatan pa nga namin…hindi ko alam kung bakit biglang nagkaroon.”
“Sino bang huli mong nakita sa loob ng generator room?”
Biglang nag-flashback sa akin sina Jimson at Mr. Eewww na parang nagtatalo. OMG! Sila kaya ang nag-switch on ng breaker? Tumingin ako kay Harry at parang nakuha ko ang susunod niyang itatanong.
“Nasa loob ba ng room si Jimson? May kinalaman ba siya dito?”
Napailing ako. “Mahirap magbintang Harry, kahit nakita ko pa siyang naroon pero ano ang kasiguruhan natin na siya nga ang may kagagawan? Isa pa binalikan ko iyong breaker, naka-switch off pa rin at naroon pa rin ang Tag na inilagay ko mismo. Wala din siya sa loob nang pumasok ako.”
“Paano kung itinaas lang niya saglit saka ibinaba ulit at pagkatapos ay lumabas na siya ng room?”
Actually iyon din ang hinala ko at sa tingin ko’y iyon talaga ang nangyari. “Posible. Kaya niya pati ginawa iyon ay para ako ang makuryente pero sa kasamaang palad si Kuya Brando—“ gumaralgal na ang aking boses.
Inis na napailing si Harry sa isiping mahihirapan na naman kaming i-pin down si Jimson sa ginawa niya ngayon. Wala na naman kaming makakalap na malakas na ebidensiya. “Masahol pa talaga sa hayop ang lalaking iyon!”
Nanahimik muna ako. Sobrang pagod at stressed na ang nararamdaman ko. Parang sasabog din ang ulo ko sa kaiisip. Saka ko na muna iisipin ang tungkol kay Jimson, mas mahalagang si Kuya Brando ang pagtuunan ko ng atensiyon.
Si Engr. Clyde ang una kong nakita sa labas ng Emegency Room pagdating naming ng ospital. Nakaupo sa bench sa may gilid ng hallway. Tumabi kami ng upo ni Harry, ako ang nasa gitna.
“Kumusta na po si Kuya Brando?” Parang kakapusan ako ng hininga sa isasagot niya.
Malungkot ang kaniyang mukha at bakas ang pag-aalala. “Nasa loob pa siya. Hinihintay pa natin ang sasabihin ng Doktor.”
Bumalot ang katahimikan sa paligid na lalong nagpalakas sa tiktik ng orasan sa suot na wrist watch ni Engr. Clyde.
Minabuti ko munang magpunta ng chapel. Sa katahimikan ng kapilya, ramdam ko ang tibok ng puso ko sa kaba at takot. Tumingin ako sa poon saka nagdasal ng taimtim. “Lord ‘wag mo po munang kunin sa akin si Kuya Brando, maawa ka po sa kaniya at maawa ka rin po sa akin. Mahal na mahal ko po siya. Please…please.”
Mahigit sampung minuto akong nasa loob bago ako nagbalik ng emergency room. Naabutan ko si Yzah Elizalde na para na namang rarampa sa suot na designers dress na kulay maroon na tinernuhan ng mga dangling earrings at white-beaded necklace na tumakip na sa kaniyang leeg hanggang cleavage kasama ang isa pang lalaki na sa tantiya ko’y nasa late 40s ang edad nakasuot ng tuxedo na dark gray. Hindi maikakailang guwapo ito noong kabataan dahil malakas pa rin ang appeal nito ngayon kahit may mga mangilan-ngilang puting hibla ng buhok.
Mukhang kadadating lang nila. Nakatingin ang lalaki kay Harry na ngayon ay pareho na silang nakatayo ni Engr. Clyde. “Ikaw ba ang kasama ni Brando nang maganap ang aksidente?” May sense of authority ang boses nito, iyong tipong pag narinig mo ay hindi mo maiiwasan ang hindi magbigay galang.
Naalala ko na ang mukhang iyon, siya ang nasa larawan sa bahay nina Kuya Brando, ang father niya.
Napailing lang si Harry.
Napansin naman ako ni Yzah nang makalapit sa kanila. Bumakas ang galit sa mukha na animo’y pusang nakakita ng daga at handa nang salakayin. Itinuro niya ako. “Siya po Chairman. Siya ang sinabi sa akin ng mga tao sa site na kasama ni Brando.”
Halos sabay-sabay silang tumingin sa kinaroroonan ko.
Humakbang palapit sa akin si Chairman. Pansin ko ang pagtagis ng mga bagang. “Ikaw pala si Rhett Santillan ang younger brother ni Rhon Santillan.”
Kilala niya ako pati na si Kuya Rhon? Siyempre dahil kay Brando, sagot naman ng utak ko. “Opo, ako nga po,” magalang kong tugon.
Nagpatuloy siya. “Nagkita na rin tayo. I told him to stay away from you pero matigas talaga ang ulo niya. Nasaan na ang ipinangako niya? Look what is happening now. History repeating itself.”
Medyo naguluhan ako sa statement ng ama ni Kuya Brando. Anong ipinangako ni Kuya Brando? Anong ibig sabihin ng history repeating itself?
“Aksidente po ang nangyari, Sir.” Pinigilan ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. Ayokong magpakita ng kahinaan kay Chairman.
Halos manggalaiti naman sa galit si Yzah. “Aksidente na para sa ‘yo, pero nakay Brando ngayon ha? Ikaw ang may kasalanan sa nangyaring ito.”
Napakuyom ng kamao si Harry. “Walang kasalanan si Rhett sa nangyari.”
Nanahimik na lang ako para humupa ang tensiyon sa paligid.
Sinalo naman ako ni Engr. Clyde. “May mga tao na po tayo sa site na nag-iimbestiga sa nangyari, Chairman. Sigurado pong bukas mayroon na iyong resulta at ipapaalam na lang po sa inyo kaagad.”
“We’ll see,” sabi ni Chairman kay Engr. Clyde pagkuwa’y ibinalik ang tingin sa amin ni Harry. “For now, you two get out.”
Parehas kaming nagulat ni Harry at kapwa nainis. Pati ba ospital na ito’y pag-aari ni Chairman? Kung paalisin niya kami, parang nagtataboy lang ng mga hayop.
Napatingin sa amin si Engr. Clyde. Iyong tipo ng tingin na parang nakikiusap na umalis muna kami. Bigyan muna sila ng space para lumamig muna hanggang maging handa na ang bawat isa sa pagtanggap ng katuwiran.
Eksakto naman ang paglabas ng doctor sa emergency room. Lumapit si Yzah sa doctor at alalang-alala na nagtanong, “Kumusta na si Brando, Dok?”
“Sa ngayon ay ligtas na sa peligro ang pasyente. Unconsious pa nga lang siya at mahina pa rin ang heart beat. Ililipat muna siya sa ICU. May mga exams at tests ding kailangan i-perform para ma-evaluate ng husto ang kalagayan niya.”
“Gawin ninyo ang lahat ng paraan Doktor para gumaling si Brando,” sabi ni Chairman na mas pautos ang tono kaysa nakikiusap.
“Makakaasa po kayo,” magalang na tugon ng Doktor saka nagpaalam at umalis.
Nakahinga na ako ng maluwag. At least ligtas na si Kuya Brando.
Hinatak ni Harry ang isang kamay ko. “Tara na Rhett, bago pa tayo palayasin ulit.”
Tumango ako kay Engr. Clyde at kay Chairman bilang paggalang at pamamaalam na rin. Si Yzah ay hindi ko na pinansin hanggang makalabas kami ni Harry ng ospital.
GABI NA NANG itext sa akin ni Eunice ang cell phone number ni Engr. Clyde. Dali-dali akong nag-send ng message para kumustahin ang kalagayan ni Kuya Brando.
Mabilis naman ang naging reply. “Wala na siya sa ICU, nasa private room na. Negative naman lahat ng mga tests sa kaniya. Under medication pa rin. Hihintayin lang siyang magkamalay at baka makakalabas na rin.”
Gusto ko tuloy maiyak sa tuwa. “Pwede ba kaming dumalaw diyan Engr.?”
“Mas makabubuti mua Rhett kung hindi. Mahigpit kasi ang bilin ni Chairman na huwag magpapasok ng ibang tao maliban sa amin. Nilagyan pa ng dalawang guard para magbantay sa labas ng pinto.”
Bakit ganoon? Gusto ko pa naman sana na ako ang nasa tabi ni Kuya Brando ngayon at maging sa pagmulat niya gusto kong ako ang una niyang makita. Pero mukhang malabo iyong mangyari.
Labag man sa kalooban ni Harry ay napapayag ko pa rin siyang pumunta kami ng ospital. Nainis naman ako nang sa nurse’s station pa lang ay hindi na sabihin sa amin kung saang silid naroroon si Kuya Brando.
Gusto ko sana’y maghiwalay kami ni Harry para isa-isahin ang lahat ng silid sa buong ospital pero sinabihan niya ako, “Rhett, uwi na tayo. Bigyan muna natin ng privacy ang pamilya ni Sir Brando. Igalang muna natin ang kagustuhan nilang makapagsarili.”
KINAUMAGAHAN, NAPANSIN KO ang pagewang-gewang na truck mga isandaang metro ang layo patungo sa direksyon namin habang naglalakad kami ni Harry papasok sa gate ng construction site. May isang lalaki sa unahan namin mga ilang metro ang layo ang napatigil sa paglalakad na napansin kong kinuha ang kaniyang cell phone para sagutin ang kung sinoman ang tumatawag sa kaniya.
Hindi ko matantiya kung lasing ang driver o may hang-over ang driver ng truck o kaya’y nasiraan ng preno dahil after awhile, hindi na ito gumewang, bagkus ay dumiretso na ito ng pagragasa at ang unang tutumbukin ay ang lalaking nasa unahan namin. Aninag ko pa ang driver habang sumesenyas itong tumabi ang mga madadaanan. Hindi ko na nagawang sabihan si Harry bagkus ay itinulak ko na lang siya papunta sa rampa ng kalsada para makaiwas siya kung sakali mang dumiretso ng bulusok ang truck.
Instinctively, tumakbo ako palapit sa lalaki para iligtas siya. Halos dalawang segundo lang na nauna akong sunggaban siya mula sa likuran at magkasabay kaming bumagsak palayo at gumulong sa tabi ng kalsada bago siya hagipin ng truck.
Naging mabilis din si Harry na nang mahinuha ang ginawa ko ay nagpakatabi-tabi din sa kalsada hanggang ang truck ay bumangga sa pansamantalang bakod ng site na gawa sa yero.
Mabilis akong tumayo sa pagkakadagan sa kaniya. Iniabot ko ang kamay ko para tulungan siyang makabangon. Nalilito pa siya sa bilis ng pangyayari hanggang makita niya ang truck na sinagasa ang bakod. Delayed ang reaksiyon na takot na rumehistro sa mukha ng lalaki nang marealize niya na muntik na siyang mamatay.
Nagpunas siya ng dumi sa katawan, ibinalik sa pagkakabulsa ang cell phone saka tumingin sa akin. “Whoah! Muntik na ako doon ah. Kung hindi dahil sa ‘yo malamang nasagasaan na ako.” Napayakap pa siya sa akin sa tuwa.
Nagsimula namang dumami ang mga taong nag-uusisa sa nangyari na pumalibot sa truck. Lumabas din ang mga guwardiya sa gate para tingnan ang nangyari.
Nang masino ko ang lalaki, parang gusto kong magsisi. Naisip ko tuloy kung tama ba talagang iniligtas ko pa si Mr. Eewww o dapat ay pinabayaan ko na lang.
“Salamat Rhett.” Iniabot niya ang kamay sa akin.
Wala sana akong balak abutin iyon para makipag-kamay, kung hindi pa niya sinabi ang totoo niyang pangalan na nagpagulat sa akin.
“Ako nga pala si Vlad.”
What? Tama ba itong naririnig ko? Siya si Vlad, iyong lalaking tumawag ng tulong nang muntik na akong malunod sa pool sa Nasugbu?
Gusto kong makatiyak. Paano kung kapangalan lang pala, kakalimutan ko na lang basta na siya ang sidekick ni Jimson, accomplice sa lahat ng kasamang nangyari sa akin? “I-ikaw iyong humingi ng tulong sa pool?”
Nahihiya siyang tumango. “Ako iyon Rhett…”
Galit naman ang rumehistro sa mukha ni Harry nang makita niya si Mr. Eewww aka Vlad. “Ikaw?” Tumingin siya sa akin. “Useless naman pala ang ginawa mong pagsagip dito e, dapat hinayaan mo na lang masagasaan.” Umakto ito na uupakan si Vlad na mabilis ko namang pinigilan.
“Siya si Vlad?”
Natigilan si Harry nang maalala niya kung sino si Vlad. A moment of silence. “Bakit mo tinulungan si Rhett?”
Imbes na kay Harry, sa akin tumingin si Vlad. “Hindi kasi nakayanan ng kunsensiya ko na makita kang nalulunod kaya binalikan kita at humingi ako ng tulong. Hindi ako kasing sama na iniisip ninyo. Umalis din lang ako kaagad dahil natakot akong pagbalingan mo.”
“May natitira ka pa naman palang kabaitan pero bakit hanggang ngayon, kasa-ksama mo pa rin ang Jimson na iyon?”
“Mahirap ipaliwanag.”
“Try us,” sabi ko.
“Pinsan ko siya. Pamilya niya ang nagpaaral sa akin. Sa kanila ako nakatira at si Jimson ang nagpasok sa akin dito. Ngayon masisisi niyo ba ‘ko?” Tumingin siya kay Harry. “Kaya mo bang tukain ang kamay ng nagpapakain at nag-aalaga sa ‘yo?”
Natahimik si Harry na parang biglang nawala sa gitna namin. In a way naintindihan niya ang pakiramdam ni Vlad dahil kagaya rin niya si Vlad, ang pagkakaiba nga lang walang Jimson sa pamilya namin.
Nang ibaling niya ang tingin sa akin saka ako nagsalita. “Ibig bang sabihin, dahil doon ay kukunsintihin mo na lang ang mga kalokohan ni Jimson kahit may masasaktan na siyang iba? Nakita ko kayo sa loob ng generator room parang nagtatalo bago nakuryente si Kuya Brando.”
Hindi umimik si Vlad pero ang mukha ay parang sa isang batang nahuli sa aktong gumagawa ng kabulastugan.
Naghihintay pa rin ako ng sagot niya. “Alam naming may kinalaman ka sa nangyari. Kaya ba kayo nagtatalo ni Jimson dahil pinipigilan mo siyang gawin ang balak niyang i-switch on ang circuit breaker para makuryente ako?”
Umiling siya. “Pasensiya na Rhett, wala akong alam sa sinasabi mo.”
Napataas ang boses ni Harry. “Imposible Vlad, may alam ka. Kung hindi man ikaw mismo, accomplice ka.”
Nahihirapan ang loob na pinilit niyang magsalita. “Sorry talaga, wala akong alam.” Tumalikod siya sa amin at nang makailang hakbang saka lumingon. “Salamat sa pagliligtas mo sa akin. Maraming-maraming salamat,” sabi niya saka dumiretsong pasok sa gate.
Naiwan kami ni Harry sa labas hindi alam kung maaawa o magagalit kay Vlad. Pero naisip ko, konting tulak lang kay Vlad, ikakanta niya si Jimson. Kailangan lang mag-isip kung paano iyon mangyayari.
ISANG ORAS NA akong nagtatrabaho nang ipatawag ako ng Safety Officer o SO sa site. Pagdating ko sa Admin Office, nasa loob ng training room iyong SO, nagtaka naman ako kung bakit naroon din si Jimson at katabi niya si Vlad.
Wala si Eunice sa kaniyang mesa kaya dumiretso na ako sa loob at umupo sa may tapat nina Jimson at Vlad.
“Nandito tayo para pag-usapan ang ilang detalye tungkol sa aksidenteng nangyari kahapon ng umaga na nag resulta sa pagkakuryente kay Sir Brando, anak ng may-ari ng kumpanya,” panimula ng SO. “Kailangan nating makuha ang panig ng bawat isa para mai-klaro ang ibang detalye bago i-finalize ang report.”
Tumango lang ako. Si Jimson naman ay daig pa ang demonyo sa pagkakangiti samantalang si Vlad ay hindi makatingin sa akin, malikot ang mga mata at parang sobrang stressed.
Isinalaysay ng SO ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari base na rin sa ibinigay kong salaysay sa kaniya kahapon hanggang sa, “Sabi mo Mr. Santillan, ay ibinaba mo ang breaker at nilagyan mo ng Tag saka ka muling bumalik sa site at ibinigay ang Socket wrench kay Sir Brando bago ang insidente.”
“Ganoon nga po.”
“Pumunta ako sa generator room Mr. Santillan pagkatapos nating mag-usap pero wala akong nakitang Tag sa breaker at naka-switch on din ang breaker.”
“Imposible po,” kontra ko. “Nilagyan ko iyon ng Tag pagkatapos kong i-switch off.” Masama ang nararamdaman ko sa daloy ng usapan.
Iniabot ni Jimson sa SO ang isang logbook.
“Tsinek ko dito sa logbook para sa Tags pero wala ditong nakasulat na magpapatunay na naglagay ka ng Tag alinsunod sa Construction Safety Rules na nai-discuss sa ‘yo bago ka pa man magsimula sa trabaho.”
Iyon nga lang ang isang pagkakamali ko. Naglagay ako ng Tag pero iyong numero ng Tag ay nakalimutan kong isulat sa logbook.
“Pero nilagyan ko po iyon ng Tag, alam ko nakita nila.” Sina Jimson at Vlad ang tinutukoy ko.
“Wala akong nakitang Tag Mr. Santillan. May nakita ba kayo Mr. Landicho?”
Tumingin sa akin si Jimson. “Wala po Sir. Kung meron po, sana’y nalaman namin ni Vlad. Sana may nakita kaming nakasabit. Isa pa, nasa canteen po kami nang mangyari ang aksidente.” Ibinaling ang tingin kay Vlad. “Hindi ba Vlad nasa canteen tayo nang mga oras na iyon?”
Pinilit kong hagilapin ang mata ni Vlad para makiusap sana sa kaniya na magsabi ng totoo. Huwag niya akong ilaglag pero ano nga ba ang laban ko kay Jimson? Kung iniligtas ko man siya kanina, pwedeng sabihing quits lang kami sa pagkakaligtas din niya sa akin sa pool indirectly.
Mailap ang mata ni Vlad, matamang nag-iisip ng isasagot pagkuwa’y tumungo ng ulo at nagsalita. “Yes Sir, nasa canteen po kami.”
Patay na ako nito! Ako na nga ang biktima pero ang nangyari ako pa ang naging suspek. Grabe na ang nangyayaring ito. Sukdulan na ang kasamaan ni Jimson.
Nakangisi pa si Jimson. “Baka naman po halusinasyon na lamang ni Mr. Santillan ang sinasabi niya…o baka palusot na lamang dahil ang totoo nakalimutan niyang ibaba ang breaker. Hinayaan niya si Sir Bando na gumawa ng live ang kawad.”
Hindi ko na makayanan ang galit ko. Napatayo na ako saka dinuro siya. “Ikaw ang nagtaas ng breaker, alam ko ikaw. Hindi ko magagawa iyan kay Kuya Brando. Hinding-hindi.”
“Bakit? Dahil malaki ang pagkakagusto mo sa kaniya? Tapos nang magalit siya sa iyo sa pool sa Nasugbu at nagselos ka sa girlfriend niyang si Miss Yzah at naisip mong hindi siya magiging iyo ay napagplanuhan mo ang kunwari ay aksidente para makaganti sa kaniya?” Daig pa ni Jimson ang abogado sa tuloy-tuloy na pagsasalita.
“Hindi totoo ‘yan!” Lumapit na ako kay Jimson para sapakin siya. Naging mas mabilis nga lang ang pag-awat ng SO pati na ang biglang pagharang ni Vlad sa akin.
“Tama na iyan. Nandito tayo para mag-usap ng mahinahon.”
Bumalik akong muli sa pagkakaupo. Nawalan ng ng dugo ang mga daliri ko sa pagkakakuyom ng aking mga kamao. Doon ko inilabas ang lahat ng galit sa aking dibdib para kay Jimson. Pinigil ko din ang mapaiyak.
Not now na kaharap ko si Jimson. Matutuwa siya at makakaramdam ng sense of fulfilment kung sakali. I won’t give him the satisfaction he desired. Never!
PAGKATAPOS NG breaktime ng alas-tres ng hapon ay bumalik akong muli sa Admin Office, ipinapatawag daw ako ni Eunice. Naabutan ko siyang mag-isa lang sa opisina nakapatong sa mesa ang isang short folder na off-white.
Inokupa ko ang kaliwang upan sa tapat ng mesa niya. “Kumusta ka na?” pilit ang ngiting bungad ko sa kaniya.
“Okay naman.”
“Galit ka pa ba kay Harry?”
“Never akong nagalit kay Harry…siguro noong umaga lang pagkatapos ng nangyari. Pero saglit lang iyon, nawala din kaagad nang maalala ko ang mga ginawa namin.”
“So why are you running away?”
Umiling siya. “Wala akong tinatakbuhan. Kung hindi ko man siya o ikaw kinakausap these past days, iyon ay dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Nahihiya ako Rhett. Marami akong natutunan sa nangyari nang gabing. Una, hanggang salita lang pala talaga ako.” Pilit na binitawan ang isang ngiti saka nagpatuloy. “Magaling lang pala akong mag-provoke pero pag nandiyan na, takot din pala ako. Kung hindi ako lasing noon, baka walang nangyari. Dahil kahit gusto ko, malamang tinakbuhan ko pa rin si Harry. Pinalakas lang kasi ng alak ang loob ko ng todo at tama naman siya, pareho naming ginusto iyon.
Pangalawa, mahal na mahal ko si Harry. Sa pagmamahal na iyon, ayoko siyang pilitin na panindigan niya ako dahil lang sa nangyari. Paano na lang kung napilitan lang siya, magiging maligaya ba siya sa piling ko? Siguradong hindi. At kung hindi siya magiging maligaya hindi rin ako. I can’t stand having him with me and unhappy.
Pangatlo, malakas pala ang loob kong harapin ang ganitong problema. Naiisip ko dati paano kaya kung mangyari sa akin ang ganito? Ang lagi kong sagot, magpapakamatay na lang ako bago ko aaminin sa parents ko. Pero nang nandito na ako, iba naman ang ginawa ko, hinarap ko ng buong tapang sina Mommy at Daddy. Nasaktan nila ako, nagalit sila pero saglit lang naman iyon dahil kahit anong gawin nila, hindi ko sinabing si Harry ang gumawa sa akin noon. Kung bakit? Ayokong tugisin nila si Harry at saktan. Naiisip ko pa lang na pinipilit nila si Harry at nahihirapan siya sa paged-decide ay feeling ko namamatay na ako. Ako na lang ang saktan nila, ‘wag lang siya.” Pinahid niya ang pumatak na luha sa kaniyang pisngi.
Wow! Iyon lang ang masasabi ko. I really underestimated Eunice. She’s more than what you see of her. Hindi ko man alam kung katangahan nga bang maituturing ang kaniyang pinaniniwalaan, pero siya iyon eh, and I admire her for that.
Naisip ko, kung marami ang kagaya ni Eunice, marami sa mga gays at bisexuals na magkakapamilya sakaling dumating iyong panahon na maramdaman nilang restless at help less na sila sa kahahanap ng lalaking para sa kanila, i-admit na walang patutunguhan ang lalaki sa lalaking relasyon at susubukan ng gumawa ng sariling pamilya na sa mata ng sosyedad ay iyon lang ang tama.
Umiling siya na para i-klaro ang kaniyang pag-iisip. “Tama na nga at napapaiyak lang ako. Maya-maya ikaw naman ang iiyak diyan.”
Kinabahan ako sa sinabi niya. Bakit ako iiyak? Anong meron?
Huminga siya ng malalim, tumingin sa akin saka malungkot na nagsalita. “Ano bang nangyari Rhett, bakit nagkaganoon ang—“ hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Parang naisip niya na wala siya sa lugar ngayon bilang kaibigan ko.
Binuksan niya ang folder saka may inilabas na parang letter na triplicate. Para na siya ulit maiiyak nang muling magsalita. “Rhett, napakahirap sa akin na ako pa mismo ang magbigay nito sa ‘yo.” Iniabot niya ang letter.
Kinakabahan ako. Parang may clue na ako sa mangyayari. Binasa ko ang ibinigay niya na isa pa lang memo pirmado ng Project Manager. Nasa gitna pa lang ako ng memo, hirap na hirap na akong huminga. Bigla ang panlalamig ng aking mga talampakan, lamig na gumuhit paakyat sa aking katauhan. Kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ko. Inia-advance ko na ang sarili ko sa mga posibilidad na haharapin kong mga problema.
“Terminated ang OJT contract ko?” garalgal na ang aking tinig.
Hindi na rin napigilan ni Eunice ang maluha. “Kinasuhan ka ng gross negligence of duty that results to accident.”
“Pero hindi ito totoo!”
“Alam ko Rhett, hindi rin ako naniniwala pero iyon ang report ng SO. Nakalimutan mong sumunod sa Tag Out Procedure na isang klarong violation sa construction site rules and regulations.”
“Hanggang kalian na lang ako?” Hindi ko talaga mapigilan ang pagkabasag ng aking tinig. Daig ko pa ang basing sisiw na walang mapagsilungan sa gitna ng malakas na ulan at biglang nalugmok sa putikan.
“Last day mo na ito.”
Pagkatapos pirmahan ang dalawang kopya at kuhanin ang isa ay mabilis ko ng nilisan ang silid. Halo-halo ang nasa isip ko. Napakagulo. Bigla akong naging disoriented.
Dumiretso ako ng labas sa gate. Hindi ko na pinansin pa ang pagtawag ng guard na nagtatanong kung bakit undertime ako. Sumakay ako ng dyip nang hindi malinaw kung saan ako pupunta.
ISANG ORAS NA AKONG nakaupo sa bench ay wala pa ring matinong desisyon akong naiisip.
Hindi pala ganoon kaganda ang lugar na ito kapag ganitong hapon pa, bukod sa traffic na makikita sa may Calumpang bridge na nagdudulot ng ingay sa paligid ay marami ding mga dumaraan na nakakadistract para ka makapag-isip. Sa ingay hindi na rin maririnig ang agos ng tubig sa baba. Iba pa sa gabi gaya noong dalhin ako dito ni Kuya Brando at makaidlip ako sa kaniyang mga bisig.
Nag-ring ang aking telepono. Iyong coordinator namin sa UB ang tumatawag. Pinindot ko ang answer key.
“Hello, Mr. Santillan?” boses nung coordinator namin.
Halos mawalan na ako ng boses sa ini-expect kong sasabihin sa akin. “Ako nga po Sir.”
“We were informed by SJR’s admin on what happned. We are very much disappointed to hear that you are terminated. This is actually the first time in UB history that such things happen—“
Ibinaba ko na ang aking phone. Hindi ko na pinakinggan pa ang mga sumunod na sinabi.
Lampas alas-singko nang tumunog muli ang aking telepono. Si Harry ang nag-register sa screen. Naka-sampung missed calls na ito bago ko tuluyang sinagot.
“Hello nasaan ka?” May bahid pag-aalala ang tinig nito.
“Okay lang ako. Gusto ko lang mapag-isa. Huwag mo muna akong hanapin. Uuwi din ako pag medyo umayos-ayos na ang pakiramdam ko.”
“Ano bang nangyari?”
Napaluha na naman ako habang nagkukuwento ako sa kaniya. Galit na galit siya nang matapos ako.
“Sukdulan na talaga ang kasamaan ng Jimson na ‘yan.”
“Harry…?”
“Uhmmm?”
“Please ‘wag kang gagawa ng hindi maganda na pagsisihan natin pareho sa huli.”
“Pero ibang level na ito. Hindi ba katangahan na ito pag pinalampas pa rin natin?”
“May panahon para diyan Harry. Gaganti ako sa kaniya na hindi ko kinakailangang dungisan ang aking mga kamay. Hindi ko ito palalampasin Harry, ipinangangako ko, gagantihan ko si Jimson.”
“Paano?”
“Basta.”
“Magku-quit na rin ako. Ayoko nang mag OJT dito.”
“Huwag Harry, ako lang ang alam nilang may kasalanan. Ang kasalanan ko’y hindi mo kasalanan.”
“Paano ka?”
Napakabigat ng tanong ni Harry. Kahit ako’y walang maapuhap na isasagot. Paano nga ako? Terminated ako sa OJT. Ibig sabihin hindi ako makakagraduate. Ibig sabihin wala na akong pag-asa pang maging Cum Laude. Napahiya ko ang school. Hindi ko naabot ang expectation sa akin ni Kuya Rhon, ni Tiya Beng. Ang pinakamasakit, hindi ko maibibigay kay Mommy ang aking diploma at medalya na siya kong ipinangakong regalo sa kaniya.
Sa naisip ay umiyak na talaga ako ng umiyak. Iyon pa namang regalong iyon ang ini-expect ko na magpapaligaya kay Mommy. Magpapabago sa cold treatment niya sa akin. For once and for all, matuwa siya sa akin. Matanggap niya ako at ipagmalaki. Maramdaman kong kahit malayo siya, may ina pa rin ako na proud sa akin.
Pero wala na. Hindi ko na maibibigay sa kaniya iyon. Ang sakit sakit sa loob. Pinaghirapan ko iyon pero sa isang iglap nawala lahat. Parang nagpakahirap ako sa pagluluto ng sabaw at nang maluto, may kung sino na lang ang biglang dumating saka itinapon lahat sa lupa at wala man lang itinira.
“Rhett…nandiyan ka pa ba?”
Pinindot ko na ang end call.
Pagkalipas ng tatlumpung minuto, si Tiya Beng naman ang tumatawag. Sinagot ko din ang tawag saka ikinwento din lahat sa kaniya. Minsan pa’y binalikan ang mga pangyayaring napakahirap ikwento pero kailangan.
May kakaiba sa tinig ni Tiya Beng. “Brando Ramirez? Ang tinutukoy mo ba ay si Brando na kaibigan ng Kuya Rhon mo?”
“Opo.”
“Hindi ninyo nabanggit iyan sa akin ni Harry na ang Brando palang iyon ang may-ari sa pinago-OJTihan ninyo.” May bahid paghihimutok si Tiya Beng.
“Bakit po? May alam ba kayong dapat kong malaman?”
Ipinagtaka ko ang sumunod niyang sinabi. “Basta Rhett, kapag bumuti na siya, please stay away from him.”
“Hindi niyo pa sinasagot ang tanong ko.”
Matagal na pananahimik na parang matamang nag-isip saka muling nagsalita, “Hindi natin alam kung bakit siya nagbalik.Umuwi ka na Rhett, maaawa ka na sa akin. Baka mamatay ako sa kakaisip kung nasaan ka, anak.”
‘Anak.’ Pansamantalang nawala ang katanungan sa isip ko sa pagkakarinig ko ng salitang iyon. Napaiyak ako lalo sa salitang iyon. Buti pa si Tiya Beng, itinuring niya akong anak samantalang ang sarili kong ina, taltlong taon pa lang ako nang iwanan niya. Kahit anong gawin ko para mapalapit sa kaniya, wala pa rin. Pati nga sa online chat, palagi lang si Kuya Rhon ang nakakausap ko, kailangan pang pilitin ni Kuya para lang kahit saglit masulyapan ko siya. Para kahit papaano hindi siya tuluyang mabura sa aking alaala. Ganunpaman, magpapakita iyan pero si Tiya Beng naman ang hinahanap. Kuwentuhan ko man ng magagandang nangyayari sa akin at mga achievements ko sa skul, magpapakita lang siya ng kawalang interes pagkuway magpapaalam na.
Pero ganoon man si Mommy mahal ko pa rin siya. Naniniwala pa rin ako at umaasa na isang araw magiging maaayos kami. Ipagmamalaki rin niya ako. Pero ngayon hindi na ako sigurado kung maipagmamalaki pa rin niya ako sa mga nangyari.
Magtatakipsilim na nang mapagpasyahan kong umuwi. Bukod sa natural na dilim ay nagbabadya pa ang paparating na ulan. Naglalakad ako sa subdibisyon namin nang hindi na nagpapigil ang langit at tuluyan ng bumuhos ang malakas na ulan.
Nakatulong naman ang ulan para kahit papaano’y mapawi ang sakit na nararamdaman. Basang-basa ako nang dumating sa bahay. Pagbukas ko ng pinto saka sumalubong sa akin si Tiya Beng halos maiiyak at nakikiisa sa mga nangyari sa akin.
Niyakap ko siya ng mahigpit parang sa isang batang nawalan ng ina at nagsusumbong sa ina-inahan. Tumugon naman siya sa yakap ko, hindi na inalintana ang basang-basa kong damit.
Hindi ko na tuloy napansin na may isa pang tao sa paligid namin. Disgusto ang tinig at ang mukha ay nanlalait. “Ito ba ang isasalubong mo sa akin? Ang kapalpakan mo? Nasaan na ngayon ang diploma at medalyang ipinagyayabang mo?”
“M-mommy…”
Itutuloy
0 comments:
Post a Comment