Chapter 12 : In Love With Brando

Thursday, February 10, 2011

by Joshx
----------o0O0o----------
 
Kinusot ko pa ng dalawang beses ang aking mga mata para siguruhin na hindi bunga ng imahinasyon ko ang presensiya ni Mommy. Pero nandito na nga siya, nagbalik na. Flesh and blood in front of me.
  
Mas maganda si Mommy sa personal kumpara sa imaheng madalang kong nakikita sa webcam. Ngayon ko napatunayan na sa kaniya namin namana ni Kuya Rhon ang aming buhok na unat, maitim at makintab. Pati ibang features ng mukha ay malaki talaga ang resemblance namin sa kaniya. Sa edad na forty nine, hindi maitatanggi ang taglay pa ring kagandahan kahit nakasuot lang ng pambahay na halatang malaki ang size sa kaniya.
  
Sa kabila ng pag-iyak ko sa nangyaring kamalasan sa maghapon, hindi ko napigilan na paglukob ng ibayong kasiyahan sa aking puso sa pagkakita sa kaniya. Kumawala ako kay Tiya Beng at yumakap ng mahigpit kay Mommy.
  
“Mommy, nandito ka na. Nagbalik ka na po.”

Naramdaman ko ang kapanatagan ng loob. Iba pala kapag yakap mo ang iyong tunay na ina, parang feeling mo secured na secured ka, na walang makakapanakit sa iyo. Muling dumaloy ang luha sa aking mga pisngi, pero sa pagkakataong ito ay luha ng kaligayahan.

May napansin lang akong kakaiba kay Mommy nang yakapin ko siya. Hindi siya gumanti ng yakap. Nanatiling nasa magkabilang gilid ang kaniyang mga kamay na sinadyang hayaan lang akong yakapin siya.

“Basa na ang damit ko.”

“Ay sorry po. Sobrang masaya lang po ako sa sorpresang pagdating niyo kaya hindi ko napigiling yakapin kayo.”

Iritado ang ekspresyon ng mukha nang tumingin siya sa akin, pagkuwa’y napalitan ng pagkainis nang may maalalang hindi ko mawari kung ano at nagsalita. “Nandito na ako kaninang magkausap kayo ni Beng. Disappointed ako sa ‘yo. Sabi ko na nga ba, hindi mo matutupad ang ipinangako mo sa akin.”

Napawi ang kaligayahang naramdaman ko kani-kanina lang at muli gusto ko na namang umiyak. Ang ini-expect ko kasi pagkatapos ng mahabang paghihintay sa pagdating niya ay yayakapin ako ng mahigpit, aaluin at sasabihin niyang, ‘Bunso, tahan na. Maaayos din natin iyang problema mo. May awa ang Diyos, tutulungan niya tayo.’ Pero dagdag pressure pa siya sa akin.

Huminga ako ng malalim saka nagsalita. “Sa kabila naman po ng nangyari, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Maaayos ko pa ang problemang ito.” May alas pa naman akong natitira: si Kuya Brando. Sana magising na siya para kagaya ng dati, ise-save niya ako sa kinsadlakang ito. Siya ang makakapagpatunay na totoo lahat ng sinabi ko. Siya din ang makakapagsabi na hindi live ang kawad dahil sinukatan pa naming dalawa bago siya gumawa. Sana magising na siya ngayon. Sana…

“Maniniwala lang ako kapag naayos mo na.”

Papatunayan ko po sa inyo na maayos ko pa ito, pero hindi ko na naisatinig.

“Problema na nga sa Korea, pagdating ko dito, problema pa rin.” Tumingin siya kay Tiya Beng. “May jet lag pa ako, kailangan ko ng magpahinga.” Saka siya tumalikod at tuluyang pumasok sa silid nila ni Tiya Beng.

Hindi ko na napigilan ang muling umiyak “Tiya, bakit ganoon si Mommy? Three years old lang ako nang iwanan niya tapos ngayon lang kami nagkita ulit, pero parang balewala lang ako sa kaniya?”

“Problemado lang siya kaya ganoon. Isinumbong kasi siya nung isa nilang kasamahan kaya na-deport siya instantly. Hindi na nga niya nagawang makauwi pa sa bahay nila ni Rhon, kasi idineretso na siya ng airpot ng mga pulis. Wala nga siyang kadala-dalang gamit at pera. Nagpahatid lang siya dito from the airport at ako pa ang nagbayad sa taxi niya. Iyong suot niya, damit ko iyon. Stressed lang iyon Rhett at pagod sa biyahe. Hayaan muna natin siyang magpahinga. Magbihis ka muna nang hindi ka magkasakit.”


ITINULOY KO NA SA pagligo ang pagkabasa ko ng ulan. Pagkabihis ay bumaba na ulit ako at nagtungo sa kusina. Nakapaghain na si Tiya Beng at naroon na rin si Harry. Kumain kaming tatlo na halos walang imikan. Hanggang matapos kami ay hindi lumabas si Mommy na nasa silid pa rin at nakatulog na pala ayon kay Tiya Beng.

Dalawang oras na akong nakahiga sa aking kama ay hindi pa rin ako makatulog. Hindi mawala-wala sa isip ko ang mga pangyayari. Kung ano ang gagawin ko at kung paano ko malulusutan ang problema. Naisipan kong bumaba sa aking silid at tinungo ang cactus sa harapan ng bahay na naiilawan ng malamlam na liwanag ng buwan.

Humarap ako sa cactus, hinawakan ang isang sanga nito saka mariing pumikit. “Kuya Brando, kung sa pamamagitan ng cactus na ito ay marinig mo ako, sana magising ka na. Sana gumaling ka na. Ikaw lang ang natitirang pag-asa ko. Tulungan mo ako. Sana maayos pa bago mahuli ang lahat.”

Matagal ako sa ganoong ayos hanggang sa makarinig ako ng mga kaluskos sa aking likuran. Pagbaling ko ay papalapit si Harry, ang semi-kalbong buhok ay naging prominente sa liwanang ng buwan, na kagaya ko’y naka-boxer shorts lang at sandong puti.

Tumabi siya sa akin. “Bakit gising ka pa?”

“Hindi ako makatulog. Nag-iisip ako ng solusyon sa problema ko. Nagpatong-patong na. Nadagdagan pa—si Mommy. Pero fight pa rin ako, patuloy akong lalaban.”

“Si Sir Brando, siya lang ang makakapagpatunay na wala kang kasalanan.”

Tumingin ako sa kaniya. “Naisip ko na rin iyan. Siya na lang talaga ang makakatulong sa akin. Ipinagdadasal ko nga na sana, gumaling na siya.”

“Sige, tutulungan na rin kita sa pagdadasal. Mabigat man sa dibdib ko ang hilingin kay Lord na gumaling ang lalaking karibal ko sa ‘yo, gagawin ko pa rin iyon alang-alang sa ‘yo. Bukas makikibalita ako sa kumpanya tungkol sa kalagayan niya.”

Niyakap ko si Harry. Yakap-kapatid. Yakap ng pasasalamat.

“Si Mommy hindi ko alam kung anong gagawin ko para maging maayos kami.”

“Kapag naayos mo ang problema mo sa kumpanya, chain reaction na rin iyon. Maibibigay mo na sa kaniya ang ipinangako mo. Maayos ang lahat.”

“Sana nga Harry. Sana nga.”

“At the meantime, bakit hindi mo kaya siya ipagluto bukas ng Korean food. Sabi nila ‘The best way to a man’s heart is his stomach’ baka aplikable na rin iyon sa babae. Sa tingin ko, mahihirapan pa siyang makapag-adjust sa pagkain natin sa umpisa kaya makabubuti kung maipagluluto mo siya.”

“Hindi ako marunong magluto ng Korean food.”

“Anong ginagawa ng internet?”

That’s a great idea. Napatango na lang ako na may kislap ang mga mata.


HINDI KO PA RIN NAPIGILAN ang lungkot nang makita ko si Harry kinaumagahan paalis papuntang site. Dinismis ko na lang ang negative feeling na naramdaman ko. Kinuha ko ang aking telepono saka nagtext kay Engr. Clyde. Mabilis naman siyang nag-reply at nalungkot na naman ako nang sabihin niyang unconscious pa rin hanggang ngayon si Kuya Brando.

Nakapagpaalam na ako kay Tiya Beng na nasa kusina nang maalala ko si Mommy. Magpapaalam pa rin pala ako sa kaniya. Pagdating ko sa silid, tulog pa rin si Mommy kaya minabuti kong huwag na siyang gisingin. Ipagbibilin ko na lang kay Tiya Beng.

Palabas na ako nang mamataan ang isang picture frame na nakapatong sa sidetable. Nilapitan ko iyon saka maingat na kinuha. Picture pala iyon ni Daddy na huli kong nakita ay narito pa si Kuya Rhon at nang makaalis siya ay ipinalagay yata iyon ni Mommy sa loob ng cabinet para hindi raw masira. Malamang muling inilabas ni Mommy kagabi.

Mahal na mahal talaga ni Mommy si Daddy, naiusal ko. Hinanap pa niya talaga ang picture nito bago matulog.

Guwapo si Daddy sa picture niyang iyon. Pero wala man lang kaming namana sa features niya. Medyo maputi kasi siya, pareho naman kaming moreno ni Kuya Rhon katulad ni Mommy na morena naman. Pero habang nakatitig ako sa larawang iyon, unti-unti kong nakikita na may similarities din pala iyong features ni Daddy kay Kuya Rhon, may hawig din. Pero ako kahit tagalan ko pa ang pagsipat sa larawan, talagang kay Mommy lang ako nakakuha. Mga features na nakuha ko na nakuha rin ni Kuya Rhon kaya magkahawig pa rin kami kung titingnan.

Nagulat naman ako nang biglang gumalaw si Mommy mula sa pagkakatihaya ay tumagilid pero nanatiling tulog pa rin. Maingat na ibinalik ko ang larawan sa sidetable saka ako lumabas ng silid.


“WOW, ANG SARAP NAMAN nito,” sabi ni Tiya Beng pagkatapos matikman ang iniluto kong Korean food: Ohjing-oe bulgogi (Grilled spicy squid) at Jjinmandu (Steamed dumpling). Bumili din ako ng isang maliit na garapon ng Kimchi.

Natuwa naman ako sa reaksiyon niya. Mukhang nakatsamba ako sa niluto. At least hindi nasayang ang pagre-research ko pa sa internet ng lulutuin at pagbili ng mga sangkap sa SM. Nagkaroon pa nga ng maliit na sugat ang aking kaliwang hintuturo nang mahiwa ng kutsilyo habang ginagayat ang mga sangkap. “Talaga? Sa tingin niyo magugustuhan ni Mommy?” excited kong tanong.

“Oo naman. Ako nga gusto ko eh. Siguradong approve sa kaniya ito. Tiyak matutuwa iyon.”

Kahit approved kay Tiya Beng, hindi pa rin nawawala ang aking kaba at lalo pa itong lumakas nang dumating na si Mommy galing sa pamimili ng kaniyang mga gamit sa mall.

Nakahain na ang hapunan nang dumulog sa hapag si Mommy. Hindi ako mapakali sa pagkakaupo sa kaba at excitement sa magiging comment niya.

Ngumiti siya kay Tiya Beng at umupo na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Mukha namang lumiwanag ang mukha niya sa nakitang pagkain.

Napangiti na rin ako ng lihim. Mariing nakamasid sa magiging ekpresyon ng kaniyang mukha.

Kumuha siya ng isang dumpling gamit ang chopsticks, isinawsaw saglit sa sauce saka tinikman.

Hindi pa siya nakakapagsalita nang tanungin siya ni Tiya Beng. “Masarap ba? Niluto iyan ni Rhett para sa ‘yo,” proud na proud pang sabi.

Hindi ko alam kung nagustuhan ba niya talaga o hindi, basta nang marinig niya ang pangalan ko, mula sa nasisiyahang mukha, nagbago ito na animo’y hindi maganda sa panlasa ang pagkain.

Inilagay ang chopsticks sa tabi ng plato, saka tumingin kay Tiya Beng. “Ayoko nito. Naaalala ko lang ang Korea. Naiinis lang ako lalo.”

Pumasok si Mommy sa kaniyang kuwarto at pagbalik ay may dalang canned meat. “Ito na lang ang uulamin ko.”

“Excuse me po,” paalam ko. Hindi ko na makayanan ang kakaibang lungkot na bumalot sa aking puso. Hindi man lang na-appreciate ni Mommy ang pagsisikap kong maipagluto siya. Kahit konting papuri lang sana ay sapat na iyon para sa akin. Tumayo ako at umakyat sa aking silid.

Inilock ko ang pinto, isinubsob sa kama ang aking mukha saka kontroladong umiyak para hindi marinig nina Tiya Beng at Mommy sa baba. Ang sama-sama pala sa pakiramdam ng ganito. Nag-exert na ako ng effort, pati pagluluto ko’y nag-level up na pero wala lang sa kaniya. Hindi tuwiran pero ipinamukha sa akin ni Mommy na mas gusto pa niya ang de-lata kaysa pinaghirapan kong iluto.

Tama nga ang kasabihan, ‘when it rains it pours’ nag-kasunod-sunod ang nga kamalasang dumating sa akin. Mga pangyayaring sinusubukan ang aking katatagan gaya na lang nitong pagtrato sa akin ni Mommy. Pero susuko na ba ako? Siyempre hindi. Never!

Napatigil saglit ang pag-iyak ko nang tumunog ang aking cell phone. May incoming message ako. Galing kay Engr. Clyde, “Rhett, nagising na si Sir Brando. He’s fine now. Pwede na raw siyang ilabas bukas ng hapon.”

Ang sama ng loob ko kay Mommy ay biglang napawi. Napalitan ito ng kaligayahan. OMG! Salamat po sa pagdinig mo sa dasal ko!

Tama din iyong kasabihan, ‘There’s sunshine after the rain!’


ALAS-DIYES NG UMAGA kinabukasan papasok na ako ng ospital. Buo na ang loob ko kagabi pa lang na puntahan si Kuya Brando. Kung hindi man sabihin sa akin sa Information kung nasaan ang kuwarto ni Kuya Brando, handa na akong isa-isahin ang bawat silid sa buong ospital. Siguro naman ay bago magtanghali ay makikita ko na iyon. Sabi naman ni Engr. Clyde ay sa hapon pa ilalabas si Kuya Brando.

Dumiretso muna ako sa Information. Naisip kong walang masama kung magtanong akong muli, malay natin madulas sila at sabihin iyong numero ng silid.

“Brando Ramirez?” tanong ng babae saka tumingin sa listahan sa kaniyang harapan. Nag-angat muli ng mukha saka nagsalita. “Nakalabas na kanina pang alas-otso.”

Bigla akong nanghinayang sa nalaman ko. Kung mas maaga lang sana ako’y baka naabutan ko pa. Laglag ang balikat at malungkot ang mukha nang lumabas ako ng ospital.

Dinayal ko ang numero ni Engr. Clyde. Recorded voice niya ang narinig ko, “Hi, this is Clyde. Sorry I can’t answer your call. Please leave a message after the tone so I can get back to you later. Thank you.”

Naisipan kong magtext kay Harry, “Nandiyan ba si Engr. Clyde?”

Replay niya, “Sabi dito, absent daw siya. Bakit?”

“Dito ako sa ospital, nakalabas na si Kuya Brando.”

“Baka si Engr. Clyde ang naglabas sa kaniya.”

Hindi ko na nireplayan si Harry. Naisip kong tumuloy na sa bahay nina Kuya Brando sa Nueva Villa.

Wala pang treinta minutos, nasa may tapat na ako ng gate.

“Si Engr. Clyde po?” bungad ko sa guwardiyang nagbukas ng maliit na gate.

Kagaya dati ay may tinawagan ulit ang guwardiya sa intercom bago ako pinapasok. Parang ni-replay ko lang muli ang nangyari unang punta ko dito mula pagpasok sa gate patungong terrace, paghanga sa garden na ni-landscaped gamit ang iba’t-ibang uri ng cactus, pagtataka sa swimming pool na wala pa ring tubig hanggang ngayon at sa pagpasok sa sala para makitang muli ang family portrait.

Ang kaibahan lang ngayon, mas matagal ako sa sala kaya nagkaroon pa ng mas mahabang oras para makita ang isa pang letrato sa picture frame kasukat ng bond paper na nakapatong sa itaas ng entertainment cabinet.

Picture iyon ni Kuya Brando, half body shot, mas bata lang ng kaunti ang hitsura niya sa picture kumpara ngayon. Katabi niya ang isang lalaki na sa tingin ko ay mga sixteen o seventeen years old lang. Guwapo at malakas ang appeal.

Sino kaya siya? Isa kaya siya sa mga binansagang ‘flavour of the month’?

Hindi ko namalayan nasa likuran ko na pala ang katulong na mukhang wala pa sigurong bente anyos, “Sir, pakihintay lang daw po,” sabi nito. Alam ko na ang tinutukoy niya ay si Engr. Clyde.

Ngumiti ako sa kaniya. “Alam mo ba kung sino siya?” Itinuro ko ang teenager na kasama ni Kuya Brando.

Nag-alinlangan pa itong sumagot sa akin na parang nananantiya kung okay lang na sagutin niya. “Anak po ako ng katiwala dito, sabi po ng inay siya daw po si James –“

Napatigil ang katulong nang makita na paparating na si Chairman. “S-sige po, maiwan ko na kayo.” Halos madapa sa mabilis na paglabas ng sala.

Sa tingin pa lang ni Chairman ay gusto ko ng bumuka ang nakabaldosang sahig at kainin na akong tuluyan. Iba talaga ang aura niya, parang nakakakaba. “Ang lakas naman ng loob mong tumuntong sa pamamahay ko.”

Kahit kabado, pinilit ko pa ring tumingin sa kaniya. “Gusto ko lang pong makita si Kuya Brando. Siya lang po kasi ang makakatulong sa –“

“Wala dito si Brando. Kung nandito man siya, hindi mo rin naman siya makikita.”

“Maawa na po kayo Chairman. Kailangan ko po siyang makita, kailangan ko po siyang makausap. Siya lang po ang makakapagsabi na wala akong kasalanan sa nangyari.”

Pansin ko ang pamumula ng mukha ni Chairman. “Sinasabi mo pa sa akin ngayon, gagamitin mong witness si Brando para pahindian ang pagkakamaling ginawa mo sa kaniya?”

“Wala naman po talaga akong kasalanan. Hindi po ako dapat na-terminate.”

Umiling si Chairman. “Pasalamat ka pa nga Mr. Santillan, iyon lang ang nangyari sa iyo. Pasalamat ka at mahina ang ebidensiya para patunayan ang theory na inilahad ni Mr. Landicho na planado mo ang nangyari para makaganti ka kay Brando. Kung hindi baka sa kulungan ang bagsak mo ngayon for attempted murder.”

Sumungaw ang galit sa loob ko. “Inosente po ako. Si Mr. Landicho po, siya ang may pakana ng lahat ng ito. Siya po ang may kasalanan.”

“Leave!”

Gusto ko nang lumuhod para payagan lang niya akong makita si Kuya Brando pero sa galit na bakas sa mukha niya, kahit siguro pagluhod ay hindi sapat para ipagkaloob niya ang aking hiling.

Nang hindi pa rin ako matinag sa kinatatayuan ko, “I said leave!” Halos pandilatan na ako ni Chairman.


NAGLALAKAD AKO palabas ng subdivision ay hindi mawala sa isip ko ang mga tanong na lalong nadagdagan. Ang lalaking kasama ni Kuya Brando sa picture ay si James. Sino naman si James? Kung wala doon si Kuya Brando nasaan kaya siya? Saan siya dinala ni Chairman? Wala pa ring tubig ang swimming pool. Sino ang isa pang batang lalaki sa family portrait?

Tumigil sa tabi ko ang isang dark green na kotse, half open ang windshield sa driver’s side. “Sakay na,” anyaya ni Engr. Clyde.

Nakangiti akong sumakay sa passenger seat saka bumaling sa kaniya.

Pinaandar ni Engr. Clyde ang kotse saka nagsimulang tahakin ang direksiyon palabas ng subdivision. “Naunahan ako sa paglabas ni Chairman, nang makita kita’y palabas ka na ng gate.”

“Gusto ko kasing makita si Kuya Brando, Engr. Siya lang ang makakatulong sa akin.”

Sa daan nakapako ang atensiyon niya, “Wala siya sa bahay Rhett. Kasama ako kaninang ilabas siya pero after noon iba na ang pinasama ni Chairman sa kaniya. Hindi ko rin alam kung saan siya dinala para magpagaling. Ipinayo kasi ng Doktor na magpahinga siya pinakakaunti ang isang buwan.”

“Baka naman po may nasabi sa inyo si Chairman? Sabihin niyo naman sa akin, parang awa niyo na.”

Umiling siya.

“Baka naman may rest house sila? Baka doon po dinala?”

Tumingin saglit sa akin si Engr. Clyde. “Alam ko may rest house sila, pero hindi lang isa iyon, marami silang rest house. Isa pa Rhett, kung alam ko din lang ngayon kung nasaan si Sir Brando, baka hindi ko rin sasabihin sa ‘yo. Sana maintindihan mo. Nasa mga Ramirez ang loyalty ko.”

Nanahimik na lang ako. Pakiramdam ko’y binawian na ako ng pag-asa na maayos ko pa ang lahat. Kung isang buwan mawawala si Kuya Brando, sobrang late na iyon para habulin ko pa ang OJT, kung sakali mang mabago niya ang desisyon at kung papanig pa sa akin ang lahat ng mga susunod na mangyayari.


SA KATATAGAN NG LOOB na gusto kong ipakita na hindi ako basta-basta susuko, naisipan kong magluto naman ng Fish Pochero kinagabihan na ayon kay Tiya Beng ay paborito ni Mommy.

Kahit alam ko na ang kahihinatnan, kinabahan pa rin ako nang makaupo na si Mommy sa hapag. Ipinagdasal ko pa rin na sana’y lumambot naman ang puso niya sa akin, kahit minsan lang. Kahit ngayon lang sana matuto siyang ma-appreciate ang gestures ko.

Kay Mommy lahat ang tingin namin nina Harry at Tiya Beng. Para naman itong nakaramdam nang magtanong, “Sino ang nagluto nito?” Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming tatlo, naghihintay ng sagot bago tikman ang ulam na nakahain.

Napag-usapan namin ni Tiya Beng na siya ang aako na nagluto, pero ilang segundo na’y hindi pa rin siya umiimik at nang tumingin ako sa kaniya’y sinenyasan na niya akong magsalita. “Ako po Mommy, gaya po kahapon, pinaghirapan ko iyang ihanda para sa inyo.” Hindi napigilan ang paggaralgal ng aking tinig sa mga pahuling salita.

Kagaya kahapon, tumayo siya sa kinauupuan saka kumuha na naman sa kaniyang silid ng canned meat. “Ayoko na ng ganitong ulam, ito na lang de-lata ang kainin ko.”

Aalis sana ako sa mesa pero pinigilan ako ni Tiya Beng. Kumain lang ako ng mabilis saka nagpaalam na aakyat na ng silid.

Napaupo ako sa gilid ng aking kama, matamang nag-iisip. Pagkatapos ng mahigit tatlumpung minuto ay bumaba ako at nagtungo sa silid ni Tiya Beng. Naabutan ko si Mommy na nagbabasa ng pocketbook.

Determinado ang tinig ko nang magsalita. “Kailangan ko po kayong makausap.”

Sa pagkakasandal sa headboard ng kama ay ibinaba niya ang binabasang libro at nag-angat ng tingin. “Anong kailangan mo?”

Anak ba talaga niya ako? Bakit wala man lang akong maramdaman kahit konting pagmamahal sa tono ng tanong niya?

Pakiramdam ko’y nagsisikip ang dibdib ko. “Ano ho bang problema ninyo sa akin? Bakit napakalamig ng trato ninyo?”

Muling itinaas ang libro na tumakip na sa kaniyang mukha saka nagsalita. “Ayoko ng drama. Gusto ko muna ng tahimik, gusto ko munang mapag-isa.”

Umupo ako sa may gilid ng kama. Pambabastos mang maituturing pero kinuha ko kay Mommy ang hawak na libro at ipinatong sa may sidetable. “Sagutin ninyo naman ako, gusto kong malaman kung ano ang problema ninyo sa akin.”

Nanatili siyang tahimik pero ramdam ko ang pagbabago ng mood niya. Parang sa isang bulkan na matagal na natulog at bigla na lamang sasabog anomang oras.

“Hindi ko alam Mommy kung ano ang kasalanan ko sa inyo. Sa totoo lang dapat ako pa nga ang magalit sa inyo sa pag-iwan ninyo sa akin noong three years old pa lang ako. Dapat magalit ako dahil mula pagkabata wala akong ina at umiiyak habang nakikita ko ang ibang bata na masaya sila at may ina silang umaaruga sa kanila. Dapat magalit ako dahil wala akong ina nang ma-bully ako at duguan ang ilong na iniligtas ng ibang tao. Dapat magalit ako dahil pinabayaan ninyo ako. Dapat magalit ako dahil sa sama ng loob na idinulot ninyo sa akin. At dapat magalit ako dahil kahit anong gawingkon paran to reach out, balewala lang sa inyo. Pero hindi ko magawa iyon, dahil sa kabila noon, mahal ko pa rin kayo.” Sa huling salita tumulo na ang luha sa aking pisngi.

“Iniwan kita dahil iyon ang naisip kong makabubuti sa’yo,” sabi ni Mommy pigil ang sariling ilabas ang nararamdaman.

“Hindi ko kayo maintindihan. Walang inang ginustong iwanan ang anak.”

“Nasasaktan ka ngayon at nagdaramdam. Ilang araw pa lang tayong magkasama, parang bibigay ka na. Kung hindi kita iniwan, kakayanin mo kaya ang ganito palagi sa loob ng labing-anim na taon?”

“Bakit Mommy, ganito ba ang trato mo sa akin kung sakali? Ano ba ang kasalanan ko sa ‘yo? Bakit ba galit kayo sa akin?”

Nang hindi na mapigilan ni Mommy ang kaniyang saloobin, tuluyan na siyang sumabog. “Nagagalit ako sa taong nagpa-deport sa akin. Nagagalit ako dahil nandito ako ngayon kahit wala na talaga akong balak pa na umuwi. Nagagalit ako dahil mukhang malabo akong makaalis kaagad pabalik ng Korea. Nagagalit ako dahil doon ay kailangan kong tiisin na makita ka palagi. Nagagalit ako sa tuwing makikita kita dahil naaalala ko ang nangyari.” Napahagulgol na si Mommy. Itinakip sa mukha ang kaniyang mga palad.

“A-ano pong nangyari?”

Inalis niya ang mga palad sa mukha saka humarap sa akin. “Sa tuwing makikita kita, naaalala ko ang Daddy mo. Mahal na mahal ko ang Daddy mo pero nawala siya sa akin. Ikaw ang dahilan kung bakit siya namatay!”

Para naman isang bombang sumabog ang rebelasyon ni Mommy. Hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya na ako ang dahilan ng pagkamatay ni Daddy. Wala naman akong matandaan na ginawa ko. Kahit nga mga nangyari noong three years old ako, wala akong matandaan.

Umiyak na ng umiyak si Mommy. Nawala ng tuluyan ang composure. Kaya minabuti kong iwanan muna siya sa kaniyang silid para makabawi. Alam kong hindi biro ang hinugot niyang lakas para balikan ang nakaraan at isiwalat sa akin.

Paglabas ko ng silid, nasa may pintuan pala si Tiya Beng na halatang narinig niya lahat ng pinag-usapan namin ni Mommy. Umiiyak akong yumakap sa kaniya. Iginiya naman niya ako patungong sala saka umupo kaming magkaharap.

Alam kong siya ang magtutuloy sa mga ibinulgar ni Mommy. Litong-lito ang aking isip at pagod na pagod ang aking kaluluwa na hinintay siyang ikumpisal ang kaniyang nalalaman.

“Makinig ka Rhett sa sasabihin ko…”

Itutuloy

2 comments:

jhengpot February 11, 2011 at 2:37 PM  

naaalala ko ang mama ko :( sana bumalik na din xa, from heaven...

Anonymous,  July 27, 2011 at 10:11 PM  

ang tatatay siguro ang nanganak kaya namatay ):

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP