Chapter 17 : In Love With Brando
Monday, February 14, 2011
by Joshx
----------o0O0o----------
IT WAS ONLY A DREAM no matter how vivid it is. Iyon agad ang pumasok sa isip ko nang naghahabol-hiningang nagmulat ng mga mata mula sa pagkakaupo ng nakasandal sa punong pinagkublian ko sa loob ng memorial park. Nakatulog pala ako sa pananatili sa ganoong posisyon kaninang makita ko sina Kuya Brando at Kuya Rhon na paaalis sakay ng kotseng puti. Butil-butil ang pawis sa noo at mukha dahil na rin sa kasagsagan ng init ng araw na sentro na mismo sa puno na naghuhudyat na alas-dose na ng tanghali.
Nagpunas ako ng pawis saka napapikit at nagdasal ng pasasalamat dahil panaginip lang pala ang pagkabaril ni Jimson kay Tiya Beng. Buti na lang at panaginip lang at hindi ko pa rin nagawang barilin si Jimson.
Habang papalapit naman ako sa puntod ay naisip kong hindi kaya ang panaginip ko ay isang babala? Isang premonisyon sa maaring maganap? Inilahad sa akin sa pamamagitan ng panaginip para mapaghandaan ko at hindi makagawa ng isang pagkakamali na pagsisisihan ko sa bandang huli?
Nakita ko ang pangalan ni Stephen James Ramirez sa lapida ng puntod. Confirmed nga na si Phen ang nakalibing doon. Pero medyo nag-isip ako sa pagkakita sa mga fresh flowers at nakasinding kandila. Ganoon na ganoon ang nasa aking panaginip. Dinismis ko ang pagkakapareha. Maaaring nagkataon lang.
Umusal ako ng maikling panalangin sa ikatatahimik ng kaluluwa niya.
“Nandito ka lang pala Utoy,” sabi ng tinig mula sa aking likuran na nakapagpahina sa aking mga tuhod.
Pumihit ako paharap sa kaniya, blangko ang mukha pero naninikip ang pakiramdam sa sama ng loob. Ang amoy ng peras at banilya ang pumuno sa hangin.
Malungkot ang mukha at alumpihit sa pagsasalita. “Nasabi sa akin ng katulong na may bumisita daw sa bahay at base sa deskripsiyon niya naisip ko na ikaw ang tinutukoy. Sabi pa niya na nasabi nyang nagpunta ako dito kaya naisip ko na baka sumunod ka.”
Naisip ko na buti na lang pala at iyong kasambahay ang inabutan ko, at least siya iyong tipo na basta magaling ka lang sa conversation, siguradong mai-encourage mo siyang i-divulge lahat ng nalalaman. Kung ang ina niya na katiwala sa bahay malamang wala akong malalaman sa kaniya. “Alam ko na ang lahat Kuya Brando.” Ibinaling ko ang tingin sa lapida. “Ang tungkol sa kaniya. Malinaw na sa akin ngayon ang lahat. Tama sila na nagbalik ka lang para maghiganti. Ang sama mo. Dapat ay nakinig na lang talaga ako kina Kuya Rhon at Tiya Beng. Sana’y hindi na ako nasaktan ng ganito.” Hindi ko na napigilan ang pag-iyak.
Napamaang naman siya sa sinabi ko. “Magpapaliwanag ako Rhett…”
“At ano pa ang ipapaliwanag mo? Hindi pa ba sapat ang nalaman ko at lahat ng nakita ko? Ano pa bang pwede mong sabihin para mabilog ang ulo ko?”
Para naman siyang nalilito na pinagtatagni-tagni muna ang mga sasabihin sa isip bago ito ilabas sa kaniyang bibig. Para na rin siguro maging kapani-paniwala sa akin.
Nang akma na niyang ibubuka ang bibig ay inunahan ko na siyang magsalita. “Tama na Kuya Brando, nagawa mo na ang gusto mo. Napaghiganti mo na si Phen. Nasaktan mo na rin ako. Sana lang hanggang sa akin na lang. Dahil ang ginawa mong ito sa akin, wala ng kasing-sakit. Nasaktan mo hindi lang ako kundi pati narin si Kuya Rhon at buong pamilya ko.”
“Kailangan kang makinig sa akin at sa sasabihin ko,” nakikiusap ang kaniyang mga mata. Sinubukan pang hawakan ang aking kamay na mabilis ko namang iniiwas.
“Tama na Kuya Brando,” determinado kong sabi. “Kung anoman ang iba pang balak mo kay Kuya Rhon, sana man lang huwag mo ng ituloy.”
Hindi ko na pinansin pa maging pagtawag niya nang patakbo akong umalis at nilampasan ang nakaparadang kotse niya sa sementadong daan. Natakot ako na ipagkanulo ako ng sariling damdamin kapag ikinulong niya ako sa kaniyang mga bisig at lumambot ang aking puso na basta na lang paniwalaan anomang kasinungalingang sasabihin niya.
Nakasakay na ako ng tricycle sa tapat ng gate ng memorial park ay naaninaw kong nasa harap pa rin siya ng puntod ni Phen sapo ng dalawang kamay ang mukha habang ang araw ay nagkubli ng tuluyan sa kumakapal na ulap sa langit na nagbabadya ng malakas na ulan.
Pagpasok sa gate ng subdivision at halfway ng biyahe papunta sa kalsada namin, ay biglang tumirik ang tricycle. Ilang minuto ding pinilit paandarin ng driver pero mukhang malaki ang problema kaya napilitan na lang akong lakarin ang susunod pang kalahati. Maya-maya lang ay nagsimula ng umambon pagkuwa’y hindi na nakapagpigil pa ang langit at pinawalan na ang dinadalang ulan. Medyo nag-isip na naman ako dahil nagkataon na naman na umuulan kagaya sa panaginip ko.
OMG! Hindi kaya ang napanaginipan ko is now waiting to happen?
Nagtatakbo ako habang patuloy na palinga-linga sa buong kalsada sa takot na baka nasa paligid lang si Jimson. Sa totoo lang gusto ko na ring murahin ang sarili ko sa hindi makontrol na irrational fear na bumalot sa akin.
Nakarating naman ako hanggang sa tapat ng gate na wala pa ring Jimson na bumaril sa akin. Nakahinga ako ng maluwag. So panaginip lang pala talaga iyon at marahil ay nagkataon lang ang pag-ulan.
Sa isiping iyon ay naging kampante ang loob ko. Nakalock ang gate kaya napilitan akong tawagin si Tiya Beng para buksan. Ilang saglit lang ay lumabas ito na nakapayong. Minabuti nitong ang malaking gate na ang buksan para ako makapasok. Nagtaka naman ako nang ang pagkakangiti ay biglang nahalinhan ng takot.
“Rhett…!” sigaw niya na lalong natakot sa kung anoman ang nakita niya sa aking likuran. “Dapa!”
Instinctively, sinunod ko ang sabi niya bago ko pa marinig ang pagputok ng baril. Huli na nang marealize ko na nangyayari na ang aking panaginip nang makita kong bumagsak sa semento si Tiya Beng na duguan sa pagitan ng dalawang dibdib, ang mga mata’y nakapikit at sa pagkabitaw sa paying ay mabilis ding nabasa ng ulan ang suot na damit.
Mabilis ko siyang nilapitan, iniangat ang ulo at sinalo sa aking bisig. “Tiya Beng…!” Tumingala ako sa aking harapan at nakita si Jimson na hawak ang baril at nakatutok sa akin. Ang balang dapat sana ay akin ay tumama sa dibdib ni Tiya Beng nang padapain niya ako. Mabilis ding lumukob sa akin ang sobrang takot sa pagkatutok sa akin ni Jimson ng baril.
Nakita ko na ang eksenang ito sa aking panaginip. Ang kaibahan nga lamang, I was never afraid of Jimson and confronted him and outwit him in the process. But not now, this is real life and I feel my whole body was actually shaking, and cannot even utter a single word!
Mala-demonyo ang pagkakangiti ni Jimson. “Time is up! Bang!” malakas niyang sabi na medyo kinibot pa ang hawak na baril na kunwari ay pumutok. Humalakhak pa ito ng malakas na daig pa ang isang psychopath.
Unconciuosly, napahigpit ang yakap ko kay Tiya Beng na ramdam ko ang papahinang paghinga.
“Paalam Rhett Santillan!” sabi ni Jimson with a triumphant smile in his face.
Bago pa nakalabit ni Jimson ang gatilyo ng baril ay bigla itong nabuwal sa pagkakatayo. Lumitaw naman sa harapan namin si Engr. Clyde hawak ang isang may kalakihang bato na ipinampukpok niya sa nawalang malay na si Jimson.
Matagal-tagal akong nanatili sa state of shock. Bigla para akong na-detach sa mga nangyayari at naging piping saksi. Kinuha ni Engr. Clyde ang baril ni Jimson saka lumapit sa amin. Kagaya sa panaginip, rumehistro sa mukha nito ang pagkagulat nang makilala si Tiya Beng at kuhanin sa aking mga bisig. May mga sumunod pa siyang sinabi na hindi ko na mawawaan.
“Tayo na Rhett, kailangan na nating dalhin si Beng sa ospital!”pasigaw ang pagkakasabi ni Engr. Clyde sa harapan ko na nagpabawi sa aking kabiglaanan.
Sumunod ako sa kaniyang pagtakbo sa paghahanap ng masasakyan.
Nang lingunin ko si Jimson ay nagkamalay na ito. Nang mapansin kami na hindi pa nakakalayo ay nagmamadali itong nagtatakbo sa kabilang direksiyon. Dahil sa pagtakbo niya na sa amin pa rin nakapako ang tingin, hindi tuloy napansin ni Jimson ang isang paparating na kotse. Kitang-kita ko nang mabundol siya na sa lakas ng impact ay gumulong siya mula sa harapan, paitaas at nang bumagsak sa likuran ay ginulungan ang mismong ulo ng kasunod namang sasakyan. Dead on the spot si Jimson.
Nangilabot ako sa nangyari. Iba talagang humatol ang langit.
“NAITANONG MO SA AKIN dati kung may iba kaya hindi ko magawang pakasalan ang ka-live in ko ng matagal na panahon na hindi ko sinagot ‘di ba?”
Hindi ko ini-expect ang bubuksang topic ni Engr. Clyde habang pareho kaming nakaupong magkatabi sa upuan sa may hallway sa labas ng operating room kung saan nasa loob si Tiya Beng para tanggalin ang balang bumaon sa pagitan ng kaniyang dalawang dibdib. May bahid pa ng dugo ang suot niyang damit sa pagkakarga niya kay Tiya Beng.
Gusto ko sanang manahimik para gugulin ang oras sa pagdarasal na sana ay malampasan ni Tiya Beng ang krisis kahit na marami akong tanong sa aking isip. Pero dahil si Engr. Clyde na rin ang nagsimula, sa tingin ko’y mainam na ring malaman pa kung anoman ang naging ugnayan nila ni Tiya Beng.
Tumango ako sa kawalan ng sasabihin.
“Iyong iba na iyon ay si Beng. Nakilala ko at naging kaibigan. Siya ang babaeng minahal ko.”
Bigla akong nacurious sa pahayag niya. “Paano ho kayo nagkakilala ni Tiya?”
“Dahil na rin sa kapatid niya kaya ko sya nakilala. Ang totoo, una akong nagkagusto sa kapatid niya,” sinabi niya ang tunay na pangalan ni Mommy na ikinagulat ko.
“Si Mommy?”
Napakunot-noo siya pero nang maisip na pamangkin nga pala ako ni Tiya Beng and that means anak ako ng babaeng una niyang nagustuhan ay napatango na siya.
“Pero nalaman ko na may asawa na pala ang Mommy mo. Iyong Daddy mo na nasa Korea. Hindi ko alam kung paano nangyari basta nagising na lang ako isang umaga na hindi na ang Mommy mo ang gusto ko at ang Tiya Beng mo na nang mga panahong iyon ay nagkakalabuan na silang mag-asawa.”
“May asawa na rin noon si Tiya?”
Mapait ang kaniyang ngiti. “Oo. Your aunt is a battered wife. Sadista ang naging asawa niya. Hindi rin sila nagkaanak. Nakahinga lang siya ng maluwag nang pansamantalang ipadala ito ng kumpanyang pinapasukan sa ibang bansa. Salitan na ilang buwan na nasa ibang bansa ang asawa niya at ilang buwan na kasama niya. Doon ko siya noon nakilala, habang devastated at walang direksiyon ang buhay. Siguro iyon ang naging dahilan kung bakit naging malapit kami sa isa’t isa at nagkarelasyon.”
“Tapos po…” sabi ko nang medyo humaba na ang patlang sa pagitan namin.
“Bawal ang naging relasyon namin kaya hindi iyon nagtagal. Naputol ang ugnayan namin nang dumating ang kaniyang asawa. Gusto ko siyang ipaglaban pero siya mismo ang umayaw. Sinabi niya sa aking mahal pa rin niya ang asawa niya kahit alam kong ako ang mahal niya at natatakot lang siya sa maaring mangyari kung sakaling malaman nito ang tungkol sa amin.”
“Nalaman po ba ng asawa ni Tiya?”
May napansin akong nangingilid na luha sa kaniyang mga mata. “Hindi ko alam kung nalaman. Basta iniwanan nila ang tinutuluyang bahay sa Maynila at lumipat sa ibang lugar. Hinanap ko sila pero napatunayan ko na mas madaling hanapin ang nawawala kaysa nagtatago hanggang ako na rin mismo ang sumuko. Naisip ko na lang na darating din ang araw na kahit hindi ko sila hanapin, ay makikita ko pa rin. Hindi ko lang ini-expect na sa ganitong paraan ko siya muling makikita.”
Naputol ang pagsasalita ni Engr. Clyde nang dumating sina Mommy at Kuya Rhon. Kakatwa namang hinahanap pa rin ng mata ko si Kuya Brando, ini-expect na kasama ni Kuya Rhon.
Iba ang epekto sa akin na makita ko silang magkasama, gusto kong mainggit. Iba rin ang pakiramdam na makita ulit si Kuya Rhon. Gusto kong magalit sa kaniya pero sa kabila noon gusto ko rin siyang paalalahanan sa anomang balak gawin sa kaniya ni Kuya Brando.
“Rhett, anong nangyari kay Beng?” puno ng pag-aalala ang tinig. Nang makita si Engr. Clyde ay saglit na natigagal. “Clyde…?”
Isang marahang tango lang ang tugon nito sa kaniya.
Mabilisan kong iknuwento sa kanila ang mga nangyari. Dahil alam ko namang magkakilala sila kaya ipinakilalala ko na lang si Engr. Clyde kay Mommy bilang Supervisor ko sa OJT.
“Nandito rin kami kanina pero sa ibang floor. Pag-uwi namin saka na lang nalaman sa kapitbahay ang nangyari. Bumalik kami ulit dito,” sabi ni Kuya Rhon na wala namang particular na kinakausap.
Napaisip ako sa sinabi niyang nandito sila ni Mommy kanina pero hindi na ako nakapag-follow up ng tanong nang magsalita si Mommy na nakatingin kay Engr. Clyde.
“Bakit ka naman naroon at that time?” tanong ni Mommy. Isang tanong na sa dami na rin siguro ng iniisip ko ay ngayon ko na rin lang naisip ulit.
“Bago kasi iyon, tumawag si Vlad sa akin.” Ibinaling niya ang tingin sa akin. “Tinatawagan ka raw niya pero hindi ka makontak.”
Naalala ko na battery empty nga pala ako kaninang umagang paggising at hindi na rin ako nag-abala pang mag-charge.
Nagpatuloy siya. “Naisip naman ni Vlad na may inaasikaso din si Sir Brando kaya hindi na niya ito inabala bagkus ay ako na lang ang tinawagan niya. Nagpunta daw siya kina Jimson para kuhanin ang iba niyang gamit nang marinig niya na kinakausap ni Jimson sa sarili habang nakaharap sa salamin at may hawak na baril. Pupuntahan ka nga daw niya at papatayin. Kaya nang hindi rin kita makontak naisip kong mas mabilis kung puntahan kita. Minalas naman na pagpasok ko sa gate ng subdivision ay sumabog ang kanang gulong ng kotse ko kaya nagtatakbo na lang na tinungo ang bahay para mapaalalahanan ka. I realized I came just the right time para iligtas ko kayo kay Jimson.”
Tumingin ako kay Kuya Rhon na biglang nagbaba ng mukha. Hindi na inabala pa ni Vlad si Kuya Brando dahil inaasikaso nito ang pagkakabalikan nilang dalawa ni Kuya Rhon. Muli parang may mga na-uunahang punyal na tumarak sa aking puso.
Pinilit kong idismiss ang lungkot ng humaplos sa aking pagkatao. Ikinuwento ko na lang ang tungkol kay Jimson at Vlad kina Mommy at Kuya Rhon para maka-relate sila somehow.
Pinigilan ko ang sariling tanungin si Kuya Rhon tungkol kay Kuya Brando at maging ipaalam sa kaniya na nakita ko silang magkasama sa memorial park kaninang umaga.
Maya-maya lumabas na ang attending physician. Lumiwanag lahat ang mukha namin nang sabihin nitong ligtas na sa krisis si Tiya Beng. Kailangan na lamang nito ang masalinan ng dugo dahil sa dami ng lumabas sa kanya kanina.
MAHILI-HILO PA RIN ako ng bahagya pagkalipas ng ilang minuto matapos kuhanan ng dugo na ngayon ay isinasalin na kay Tiya Beng habang nakahiga sa hospital bed at nananatiling wala pa ring malay.
Kaaalis din lang ni Engr. Clyde na may pupuntahan lang daw saglit. Si Kuya Rhon ay lumabas din ng silid at tanging si Mommy lang ang naiwan kasama kong nagbabantay kay Tiya Beng.
Gusto ko sanang samantalahin ang pagkakataong iyon para kausapin si Mommy at itanong lahat ng gumugulo sa isipan ko pero hindi man lang niya ako pukulan ng tingin. Pinili ko na lang ang manahimik.
Mga ilang minuto pa ay nakaipon na ako ng lakas kaya napagpasiyahan kong magtungo sa canteen ng ospital pagkatapos magpaalam kay Mommy. Gusto kong bumili ng maiinom.
Paliko na ako sa pasilyo papuntang canteen nang matigilan ako sa nakita. Magkasama sina Kuya Rhon at Kuya Brando, papasok na ng pintuan ng canteen.
Nandito rin si Kuya Brando? Bakit hindi man lang siya nagpakita kanina? Palibhasa ay guilty kaya hindi makaharap sa akin, sa isip-isip ko.
Hindi ako makakilos sa kinatatayuan. Tingin ko’y biglang lumamlam ang mga ilaw sa buong ospital saka muling naghabulan ang pag-agos ng luha sa aking magkabilang pisngi.
Pinilit ko lang makabawi nang mapansin ko silang palabas na ulit ng canteen pagkaraan ng ilang minuto. Nagmadali akong bumalik sa silid ni Tiya Beng para hindi nila ako mapansin.
Imbes na si Mommy ay si Engr. Clyde na ang naabutan ko sa silid na nagbabantay kay Tiya Beng. Tumingin saglit sa akin saka pilit na ngumiti.
“Sana gumaling na siya agad. Sana magkamalay na. Gusto kong sa pagmulat niya ng mga mata, ako ang unang makita niya.” Puno ng emosyong sabi ni Engr. Clyde. Ramdam ko na mahal na mahal niya talaga si Tiya Beng dahil after all these years nanatili itong laman ng kaniyang puso at isip. “Marami din akong gustong malaman na alam kong siya lang ang tanging makakasagot.”
Ako rin may gusto rin akong itanong sa kaniya, sa isip ko lang.
“Ramdam kong hindi nalaglag ang anak naming na ipinagbubuntis niya gaya ng sinabi niya noon. Alam kong sinabi lang niya iyon dahil sa takot sa asawa niya. Malakas ang pakiramdam kong buhay ang anak namin.”
Namilog ang mga mata ko sa narinig. “May anak po kayo ni Tiya Beng?”.
Hindi na nakuhang sagutin pa ni Engr. Clyde ang tanong ko nang pumasok sa silid sina Mommy at Kuya Rhon.
“Si Rhon muna ang magbabantay kay Beng,” sabi ni Mommy sa amin ni Engr. Clyde. “Rhett, sumama muna kayo sa akin, pupunta tayo kay Chairman.”
Chairman? Nandito rin siya sa ospital?
Bakas naman ang pag-aalala sa mukha ni Engr. Clyde. “Bakit anong nangyari? Okay pa naman siya kaninang iwan ko bago magtungo dito?”
Nalilito naman ako sa naririnig. Si Engr. Clyde galing din doon? “Bakit?” Iyon na lang ang naitanong ko sa dami ng pwedeng itanong.
“Tayo na Rhett, saka ko na sasabihin sa iyo pagdating doon…hinihintay na tayo ni Chairman.”
Naalala ko ang nakita ko dati na magkasama sila ni Mommy sa isang kainan sa SM. Aaminin na ba nila ngayon na kaya sila magkasama ay dahil si Chairman ang kalaguyo ni Mommy na siyang nadatnan noon ni Daddy at nagresulta sa kamatayan nito? Sasabihin ba nito na siya ang ama ko? At biologically speaking magkapatid kami ni Phen?
Para na lang akong hipong nagpatangay sa agos na narating ang silid ni Chairman. Naabutan ko si Kuya Brando sa may gilid ng kama na parang katatapos lang makipagusap sa ama. Umalis ito at nagtungo sa visitor’s chair na naroon pagkakita sa amin. Lalay ang balikat at parang bigat na bigat ang pakiramdam.
Nilapitan namin si Chairman, nasa may kanan ko si Engr. Clyde samantalang si Mommy sa kaliwa.
Bukod sa oxygen ay may iba pang aparato ang nakadikit kay Chairman na nalaman kong inatake pala puso ayon na rin kay Engr. Clyde. Wala ang kakisigan at appeal na nakita ko sa kaniya dati sa mismong ospital na ito nang makuryente si Kuya Brando. Ang nakita ko ay isang nahihirapan na nilalang na tuluyan ng kinamkam ng karamdaman.
“Nandito na si Rhett,” sabi ni Mommy kay Chairman. Nagpilit itong magmulat saka sumenyas na tanggalin saglit ang oxygen sa bibig para siya makapagsalita na siya namang ginawa ni Engr. Clyde.
Iniabot sa akin ni Chairman ang kanang kamay na napilitan ko namang abutin. Pinisil niya ng bahagya ang kamay ko bago nagsalita. “Ikaw pala ang matagal na naming hinahanap. Patawarin mo ako Rhett na sa dalawang beses nating pagkikita ay magaspang na pakikitungo pa ang ipinakita ko sa iyo. Patawad dahil hindi ko alam.”
Para namang nalulon ko ang sariling dila na hindi alam kung ano ang sasabihin. Ano daw? Matagal na hinahanap? Patawad para saan?
Tumingin ako kay Mommy, naghahanap ng kasagutan. Puzzled expression naman ang nakita ko kay Engr. Clyde.
Nang hindi siya magsalita ay napilitan na akong magtanong kay Chairman mismo. “Kayo po ba ang totoong ama ko?”
“Anong ibig sabihin nito? Hindi ko maintindihan,” sabi naman ni Engr. Clyde. Halos pareho kami ng pakiramdam na alam pareho ni Chairman at ni Mommy ang pinag-uusapan pero kami ay hindi.
Kahit hirap ay nakuha pa rin niyang umiling saka ibinaling ang tingin kay Engr. Clyde. “Clyde…”
Awtomatiko ang sabi ni Engr. Clyde, parang hindi pinag-isipan. “Ano iyon Kuya?”
Napamulagat ako. Kuya? SiEngr. Clyde at Chairman magkapatid?
Nagsalitan ang tingin ko kay Engr. Clyde at Chairman sa mga sumunod na patlang.
Si Chairman ang unang bumasag ng katahimikan. “Clyde…si Rhett, siya ang matagal mo ng hinahanap. Siya ang anak ninyo ni Beng.”
Hindi ako halos makapaniwala sa narinig ko. Mga ilang segundong naging blangko ang isip ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o magagalit sa nalaman. Maya-maya lang ay umagos ang hindi mapigilang luha sa aking mga mata.
Finally nagsalita na rin si Mommy, tuluyang binasag na niya ang pananahimik. Kung bakit ay hindi ko alam. “Oo, Rhett…Clyde. Totoo ang sinabi ni Chairman.”
Naunahan ako sa pagtatanong ni Engr. Clyde. “P-paano nangyari iyon?”
Huminga muna ng malalim si Mommy bago muling nagsalita. “Pinilit itago ni Beng sa kaniyang asawa na noon ay nasa ibang bansa na buntis siya at ikaw ang ama. Naisip niya na mahihirapan siyang gawin iyon kung alam mong isinilang niya ang anak ninyo. Minahal ka ni Beng ng higit pa sa pagmamahal na inilaan niya sa kaniyang asawa kaya ayaw niyang umabot sa puntong malaman ng asawa ang inyong relasyon at kung ano ang gawin nito sa iyo. Kaya bago pa man mahalata ang kaniyang ipinagbubuntis ay minabuti na niyang iwasan ka at sabihin sa iyong nalaglag ang bata sa kaniyang sinapupunan. Buti na lang at nasa ibang bansa na ulit ang asawa niya nang naging pansinin na ang paglaki ng kaniyang tiyan.” Tumingin sa akin si Mommy. “Sa mismong araw ng kapanganakan mo Rhett nakatakdang dumating ang asawa ni Beng, buti na lang at na-delay pa ng tatlong araw pagkaluwal sa iyo.”
“At sa iyo niya ibinigay?”
Tumingin si Mommy ay Engr. Clyde saka maraahng tumango. “Wala siyang choice kundi ibigay sa akin. Ako din wala din choice kundi pumayag. Kapatid ko siya at kung anomang kasalanan ang nagawa niya, iyon ay dahil never siyang nakaramdam ng pagmamahal sa tunay na asawa. May responsibilidad din akong tulungan siya. Kaya pagpasok pa lang sa ospital ay pangalan ko na ang ginamit ni Beng. Ako ang lumitaw na nanganak sa ospital at si Rhett ay Santillan na ang ginamit na apelyido. At itinago ko rin siya sa iyo dahil alam kong magdududa ka kapag nakita mo si Rhett.”
“At pumayag na lang ng basta ang asawa mo?”
“Nasa Korea siya noon. Alam kong naniwala siya sa mga sinabi ko pero alam ko ding may maliit na bahagi ng isip niya ang may pagdududa. Hindi ko rin alam kung tama ang naging desisyon ko pero ang anggulo na lang na tiningnan ko ay iyong natulungan ko si Beng na itago si Rhett sa kaniyang asawa.”
Napailing-iling si Engr. Clyde saka nang may biglang naisip ay muling nagsalita. “Iyon ba ang dahilan kung bakit nagalit ka sa akin nang minsang puntahan kita para hanapin si Beng at halos magmakaawa ako sa iyo na hindi ko sinasadyang niyakap ka pa para sabihin mo lang sa akin kung nasaan si Beng? Na simula noon ay ayaw mo na akong kausapin?”
Para namang may sumariwang sugat sa puso ni Mommy. “Oo Clyde, iyon ang araw na pinagsisihan ko ang pagpayag na akuin si Rhett bilang anak ko,” – tumingin siya sa akin – ,”dahil iyon ang araw na nadatnan ako ng aking asawa na sorpresang umuwi. Sa nakita niya, nawala na lahat ng paliwanag ko na ikaw Rhett ay hindi ko anak. Ayaw na niyang maniwala na ikaw ay anak ni Beng. Ang sumiksik sa utak niya, nagtaksil ako at ikaw Clyde ang kalaguyo ko. Umalis siya ng bahay at nagpakalasing. Nabangga ang minamanehong kotse at namatay.” Kasabay ng huling salita ang pagpatak ng mga luha.
Totoo naman pala ang sinabi ni Tiya Beng sa akin na dahilan kung bakit galit sa akin si Mommy. Ang isang bagay na hindi lang totoo ay iyong si Mommy ang ina ko at ang namatay sa aksidente ay ang tunay kong ama. Naiintindihan ko na ngayon si Mommy.
Ako naman ang nagsalita. “Kung ganoon po, bakit inilihim niyo pa sa akin ang totoo? Hindi ba dapat pagkatapos noon o kahit man lang noong magkaisip ako ay sinabi na ninyo ni Tiya Beng ang totoo?”
Napailing si Mommy. Nagpahid saglit ng luha sa pisngi. “Nakiusap si Beng na ituloy na namin ang pagpapanggap habang nandito man lang ang asawa niya. Pumayag na rin ako dahil wala na ang asawa ko at hindi ko na maibabalik pa ang buhay niya. Ang siste ay matagal bago bumalik ang asawa niya sa ibang bansa.”
“At natakot na rin si Beng sa sinabi ko sa iyong pagbabanta na kapag nahanap ko ang anak ko ay kukunin ko ito sa kaniya?” tanong-konklusion ni Engr. Clyde sa sinabi ni Mommy.
Tumango si Mommy. “Oo, natakot si Beng na mawala sa kanya si Rhett kaya pinanindigan na lang niya ang pagpapanggap namin kahit noong mamatay ang asawa niya sa plane crash noong three years old ka Rhett,” sabay tingin sa akin. “Bago iyon ay lumipat na rin kami ng tirahan para mapalayo sa iyo Clyde at pagkatapos ng dalawang taon, nagpunta na rin ako ng Korea para hindi mo na ako masundan.”
“Dahil ba doon Mommy kaya ganoon na lang ang turing ninyo sa akin?”
May guilt feeling naman nang magsalita siya. “Partially yes. Totoo iyong sinasabi ko na nagagalit ako kapag nakikita kita kasi naaalala ko ang pagkakamali ko, naalala rin kita Clyde, naaalala ko rin ang nangyari noong gabing pinagkamalan tayo ng asawa ko na nagresulta sa pagkamatay niya. Pero aside from that, gusto ko ring ipitin si Beng para mapilitan siyang sabihin na sa iyo ang totoo. Sana maunawaan mo ako at sana huwag kang magagalit sa akin.”
Bakit naman ako magagalit? Noon ngang hindi ko pa alam ang lahat sa kabila ng trato niya ay mahal ko pa rin siya, ngayon pa kayang nalaman ko na? Sa isang banda ay may nagawa din siyang kabutihan sa akin mula pagkabata. Siyempre hindi natin alam kung anong pwedeng gawin ng isang sadistang lalaki sa anak ng asawa sa kaniyang kalaguyo di ba?
“Unfortunately Rhett, hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob hanggang dumating na ako” patuloy ni Mommy.
“Iyon ba ang dahilan kung bakit parang umiiwas kayo? At halos pagbawalan na rin ako ni Tiya Beng na kausapin ko kayo?”
“Oo Rhett, ayaw kasi ni Beng na pag kinompronta mo akong muli ay hindi ko na mapigilan ang sariling sabihin ang totoo. Pakiusap niya kasi na siya na ang magsasabi sa iyo ng personal. Sobrang pag-aalala nga niya nang malaman na nagkakamabutihan kayo ni Brando. Pinakiusapan pa niya si Rhon na umuwi.”
Hindi ko na ikinagulat na malaman iyon dahil expected ko na kaya biglang umuwi si Kuya Rhon.. “Iyong usapan ninyong tatlo ni Tiya Beng at Kuya Rhon nang gabing dumating si Kuya Rhon, alam kong totoo iyon.”
“Tama ka Rhett, totoo iyon. Bago ka umalis sa pagkakasilip sa bintana ay nakita na kita kaya pagkatok mo sinabi ko na sa kanilang narinig mo na ang huling pag-uusap naming habang nakasilip ka sa bintana, sa pakiusap ni Beng na huwag sa pagkakataong iyon sabihin sa iyo ay mabilis kaming nag-isip. Kunwari ay galing sa pagkakatulog si Rhon, si Beng naman ay maagang nagpahinga sa silid at ako naman, nagpunta ako sa likod bahay para ipakitang hindi pa ako dumadating.”
Napailing ako nang maalala ang level ng inis ko nang gabing iyon.
“Sana Rhett, mapatawad mo ang iyong ina. Sana intindihin mo na mahirap para sa kaniya ang isiwalat sa iyo ang katotohahan sa takot na mag-iba ang tingin mo sa kaniya at in the long run, malaman mo na rin Clyde ang katotohanan at kunin para ilayo si Rhett sa kaniya.”
Kinapa ko ang aking puso kung may galit ba ako kay Tiya este Mommy Beng. Hindi ko masigurado kung meron.
“Nakita ko kayo ni Chairman sa SM na magkausap…”
Kahit hirap pa rin magsalita, si Chairman ang sumagot sa akin. “Hindi ko inaasahan na makikita ko siya. Buti na lang pumayag siyang mag-usap kami at doon niya inamin na hindi ka nalaglag Rhett. Natuwa ako dahil buhay ka. Nagulat ako nang malaman kong ikaw. Nalungkot ako dahil pangit ang naging pagkikita natin.”
Napatango ako saka may naisip na itanong. “Paano naman po kayo naging magkapatid ni Engr. Clyde?”
Nag-alis ng bara sa lalamunan si Engr. Clyde. “Magkapatid kami sa ama ni Chairman. Binata na ako nang malaman ko ang totoo. Mabait ang lolo mo sa akin pati na rin si Kuya.”
“Pero bakit Chairman ang tawag mo sa kaniya?”
Natawa ng mahina si Engr. Clyde. “Nakasanayan ko na lang ng ganoon kaya maging kay Brando ay Sir din ang tawag ko. Isa pa, hindi naman mataas ang pinag-aralan ko at wala akong alam sa pagpapatakbo ng negosyo. Desisyon ko na rin na maging karaniwang empleyado lang ng SJR kahit na inaalok ako ni Kuya ng mas mataas na posisyon. Simple lang ako Rhett, hindi ko gaanong priority ang kayaman, ang importante lang sa akin ay si Beng. Kaya nang mawala siya ay nawalan na rin ako ng saya sa buhay at lalo na rin akong dumistansiya sa SJR.”
Sumabad naman si Chairman. “Kaya ipinag-utos ko noon ang paghahanap sa iyo para maging masaya itong si Clyde at muling bumalik sa akin. Pero simula nang mawala si Beng ay hindi ko na rin siya nakita not until –“
Dahil sa hirap magsalita si Chairman ay si Engr Clyde na ang nagpatuloy, “Malaman ni Kuya na ako ang kumupkop kay Brando nang umalis ito sa poder niya.”
“Bakit hindi ninyo nabanggit sa akin na hindi lang basta kakilala ninyo si Kuya Brando kundi pamangkin ninyo?”
Napangisi si Engr. Clyde. “Simple nga akong tao kaya kung anoman ang meron ako, hinihintay ko na lamang ang ibang tao na sila mismo ang makaalam noon kesa sa ipagmayabang ko pa. Isa pa, si Sir Brando ay hindi ko naman pamangkin biologically. Magkaganoon man, daig pa sa isang tunay na anak ang turing ko sa kaniya.”
“Hindi po ba Lavina kayo?” ang tinutukoy ko ay ang apelyido niya.
“Iyon kasi ang apelyido ng nanay ko na sinunod ko—hindi Ramirez.”
Sa ikalawang pagkakataon ay pinisil muli ni Chair—este Tito Chairman ang kamay kong hawak pa rin niya. “Pinapatawad mo na ba ako Rhett?”
Hindi ko alam kung normal ba ako na walang maramdamang galit para kay Tito Chairman. Pero sigurado ako na wala talaga at imbes na retaliation ay pagpapatwad ang naghahari sa puso ko. “Opo,” malakas na sabi ko saka ko siya niyakap sa pagkakahiga sa kama.
Tuwang-tuwa si Tito Chairman sa gesture kong iyon at nakita ko pa siyang naluha pagkatapos.
“Ako din pinapatawad mo na?” nakangiting tanong ni Mommy sa akin.
“Opo,” walang pag-aalinlangan kong tugon.
Niyakap ako ni Daddy Clyde, maluha-luhang ipinadama ang pagmamahal ng isang tunay na ama. “Anak, mahal na mahal kita. Kaytagal kong hinintay ang pagkakataong ito, at ngayong nandito na, hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya.”
Napaiyak na rin ako saka niyakap na rin si Daddy Clyde. “Ako din Dad, masayang-masaya ako.”
Inakay ako palabas ng kwarto ni Daddy Clyde. Nadaanan namin malapit sa pinto si Kuya Brando na nakangiti sa amin na biglang binawi nang tingnan ko siya ng may galit sa aking mukha.
Hindi ko alam ang iniisip niya pero masyadong mahalaga ang panahon ko ngayon para pag-aksayahan pa ng oras na isipin siya. Isa pa hindi naman niya ako iniisip na dahil sila na ulit ni Kuya Rhon.
Pagpasok namin ni Daddy Clyde sa silid ni Mommy Beng ay nagpaalam si Kuya Rhon na lalabas lang daw saglit. Kahit busy ang aking isip sa aking mga magulang, hindi pa rin nakaligtas sa aking puso ang sakit, siguradong kaya lumabas si Kuya Rhon ay para puntahan si Kuya Brando.
Pabayaan mo na sila, utos ng isip ko kahit taliwas naman sa sinasabi ng puso ko.
Pero sa isang banda, hindi man ako masaya sa buhay pagibig ko, masaya naman ako sa new-found family ko. Okay na iyon. Kontento na ako.
“Napatawad mo na ba siya anak?” tanong ni Daddy Clyde nang makita niyang tutok ako ng tingin kay Mommy Beng habang nakaupo sa gilid ng kama.
Saka ko naisip kung bakit wala akong nakuhang features sa kinilala kong Daddy dahil hindi naman pala talaga siya ang tunay kong ama. At ang features na pinagkamalan kong namana kay Mommy ay hindi naman pala sa kaniya kundi kay Mommy Beng na kung mapapansin ay magkamukha silang dalawa. Si Mommy Beng nga lang ay matabang version ng seksing si Mommy.
Kakatwa mang ituring ng ibang tao pero sa muling pagkapa ko ng aking damdamin ay puro pagpapatawad at pagmamahal lang ang natagpuan ko doon para sa aking tunay na ina na naging kasama ko at nag-alaga mula pagkabata hanggang sa aking paglaki. “Opo, napatawad ko na siya. Napatawad ko na si Mommy Beng kaya dapat magkamalay na siya.”
“Magkakamalay siya anak, gigisingin siya ng pagmamahal sa puso natin na para sa kaniya.”
Para namang naririnig kami ni Mommy Beng na iginalaw ang mga daliri sa kamay na malapit sa akin.
Sabay kaming nagkangitian ni Daddy Clyde.
Eksaktong apat na oras nang iwanan namin si Tito Chairman ay nalaman namin mula kay Mommy na finally bumitaw na siya. Pumanaw na ang tiyuhin kong kinilala ko sa ganoon kaikling panahon.
Tatapusin…
0 comments:
Post a Comment