Chapter 14 : In Love With Brando
Monday, February 14, 2011
By Joshx
----------o0O0o----------
Sinulit namin ni Kuya Brando ang buong maghapon, kumain kami sa isang sikat na restaurant na pwedeng magpaluto ng vegetarian food. Sa kainan na iyon malayang nakakapag-request si Kuya Brando, halimbawa ay huwag lagyan ng karne ang gulay na nasa menu, huwag gumamit ng mga meat flavored seasoning at animal oil at lard sa pagluluto. Masaya kaming kumain habang nagkukwentuhan ng mga sweet nothings. Sa hapon ay nag-stroll kami sa SM, nanood ng sine, naglaro saglit sa may arcade saka nagpunta sa plaza sa bayan na katapat ng police station. Umupo kami sa bench doon habang kumakain ng fries at juice na pinatake-out namin. So far, ito na yata ang pinakamasayang parte ng buhay ko. Ang sarap talaga ng feeling ng in love, nakaaadik. Alive na alive ang pakiramdam. Tama nga ang sabi nila: Love is life. And if you miss love, you miss life.
Kaya naman medyo nalungkot ako nang ihatid na ako ni Kuya Brando sa amin. Kasi nama’y ayaw ko na talagang matapos ang maghapon, ayaw ko na ring magkahiwalay pa kami. Kaya bago ako pumasok ng tuluyan sa gate, niyakap ko siya ng mahigpit na mahigpit. Niyakap naman niya ako, ramdam ko ang init sa kaniyang katawan at amoy ng peras at banilya.
Niluwagan ko ang aking pagkakayakap at tumingin sa mukha niya. “I love you,” sabi ko na punom-puno ng emosyon ang tinig.
Ginawaran niya ako ng masuyong halik sa mga labi saka nagbitaw ng nasisiyahang ngiti. “I love you too, Utoy.” Ramdam ko ang sinseridad sa kaniyang sinabi. “O, paano…marami pa namang pagkakataon…”
Ayaw ko pa rin sana siyang pakawalan pero tama siya, marami pa namang oras para sa amin. “Sige Kuya, text-text na lang tayo.”
Tumango siya ng marahan, pumasok sa kaniyang kotseng puti saka kumaway. Hatid-tanaw ko pa ang kotse niya habang paliit ito ng paliit hanggang mawala ng tuluyan sa aking paningin.
Pagpasok ko ng bahay ay sumalubong sa akin si Tiya Beng na bakas sa mukha ang pag-aalala. Humalik ako sa kaniyang pisngi bilang paggalang. Sa unang pagkakataon, nag-dalawang-isip akong ibahagi sa kaniya ang tuwa sa aking puso sa nangyari sa amin ni Kuya Brando. Alam ko naman kasing hindi siya papabor sa akin.
“Si Brando iyon,” nag-aalangan niyang sabi.
Tumango ako. “Mahal ako ni Kuya Brando, Tiya.”
“Nag-aalala ako sa iyo, anak. Ang sa akin lang naman, sana pag-isipan mong mabuti, sabi ko nga, baka ikaw ang singilin niya sa atraso ni Rhon.”
May maliit na parte na lang ng utak ko ang nag-iisip ng ganoong possibility. Mas malaki pa rin nito kasama ng puso ko ang nagsasabing mahal ako ni Kuya Brando at iyon ay hindi ko dapat pagdudahan.
“Aakyat na po ako para makapagpalit ng damit.” Iniwan ko si Tiya Beng na nasa mukha pa rin ang kawalan ng pag-asang mapabago pa niya ang pinaniniwalaan ko.
“WALA PA SI SIR BRANDO, maupo ka muna Rhett.”
Maluwang ang pagkakangiti ni Engr. Clyde nang pumasok ako sa opisina nila ni Kuya Brando. May ginagawa itong weekly report. Inokupa ko ang upuan sa may kaliwa ng mesa niya. Napakagaan ng pakiramdam ko sa muling pagbabalik sa site nang Lunes na iyon ng umaga. Hindi ko man kasabay pumasok si Harry ay masaya na rin ako dahil siya na ngayon ang sumusundo kay Eunice at sabay na sila sa pagpasok.
“Nauna kasi ako sa kaniya,” sabi ni Engr. Clyde na ang tinutukoy ay si Kuya Brando, ang atensiyon ay sa ginagawa pa rin. “Kailangan kasi itong progress repot na ito ngayon.”
Hinintay ko munang matapos ni Engr. Clyde ang ginagawa bago ako muling nagsalita. “Salamat po sa Notice at sa pagkain.”
Napatawa siya. “Hindi sa akin galing iyon. Iniutos lang ni Sir Brando.”
Alam ko na naman iyon pero nagpasalamat pa rin ako. “Nakaka-miss talaga dito. Ang saya ko at nandito na ulit ako.”
“Oo nga, kaya ayusin mo na ngayon, second chance mo na.”
“Kumusta naman ho kayo?”
“Mabuti naman.”
“Misis po ninyo kumusta?”
Tingin ko’y nabahiran ng lungkot si Engr. Clyde. Nag-alala naman akong bigla. “Pasensiya na ho, may nasabi yata akong hindi ninyo nagustuhan.”
Naiiling itong ngumiti. “Hindi, okay lang. Iyong nasabi ko sa iyo dati, hindi kami kasal pero matagal na din kaming nagsasama. Nitong huli, dumating na iyong papeles niya papuntang Canada. Nag-usap kami na mauuna na siya doon at susunod ako sakaling handa na akong magpakasal sa kaniya.”
Natahimik ako. Nangangapa ng sasabihin. Napakapersonal kasi ang nabuksan kong topic.
“Napagod na siguro siya sa kahihintay sa akin. Wala naman akong magawa, all I can offer to her is live with me.”
“May iba po ba?” Nagulat ako sa itinanong ko.
Nanahimik siya ng ilang saglit. “Mas okay na rin ang nangyari. Pareho naman naming alam na kailanman hindi siya magiging replica ng babaeng mahal ko kahit gaano man siya kawangis. I also realized, when you love someone, you love the whole person, just as he or she is, and not as you would like them to be.”
Sabagay kung mamahalin mo lang ang isang tao dahil ang nakikita mo sa kaniya ay ang iyong past and lost love, siguradong wala ring patutunguhan iyon.
OMG! Paano kung mahal pala ako ni Kuya Brando dahil si Kuya Rhon ang nakikita niya sa akin? Erase. Erase. Erase. Mahal ako ni Kuya Brando, walang duda.
Pagkaraan ng ilang segundong katahimikan, iniba ko ang usapan. “May gusto po sana akong itanong sa inyo tungkol kay Kuya Brando kung pwede.”
Iniisod niyang bahagya ang itim na keyboard sa kaniyang harapan saka tumingin sa akin na parang sinabing okay lang.
“Paano ho ba kayo nagkakilala ni Kuya Brando?” Kinabahan ako ng bahagya, marahil ay sa pag-asam na sagutin niya ang tanong.
Ilang patlang bago siya sumagot, “Sasagutin ko ang tanong mo dahil hindi na rin kita itinuring na iba sa akin. Sa totoo lang, magaan ang pakiramdam ko sa iyo at parang anak na rin ang turing ko sa iyo. Heto ang sagot: Bata pa lang kilala ko na si Sir Brando. Naging close nga lang siya sa akin nang tumira siya sa bahay ko sa Maynila, more than ten years ago na ngayon.”
Pakiramdam ko’y may ilaw na biglang sumindi sa aking isip. Kung ganoon, kaya ba siya nawala after ng break up dahil doon siya tumira kay Engr. Clyde? Posible.
“Naawa nga ako sa kaniya noon dahil walang-wala siya nang puntahan niya ako. Walang pera, pagkain, matutuluyan at ang dalang damit ay iyong suot lang niya nang dumating. Isinangla nga lang iyong relo niya kaya siya nakarating ng Maynila. Nagpapasalamat naman ako at sa akin siya nagpunta, at least hindi siya napariwara.”
“Lumayas ho ba siya sa kanila?”
“Hindi ko alam kung lumayas ba siya talaga, dahil ang alam ko sa boarding house naman siya nakatira at hindi sa malaking bahay. Siguro mas tamang sabihin na inilayo niya ang kaniyang sarili kay Chairman.”
OMG! Nagsisimula na naman ang mga revelations. This time si Kuya Brando naman.
“Bakit po?”
“Alam mo kasi, si Brando ay pamangkin ng asawa ni Chairman na inampon na lang nila nang mamatay sa car accident ang mga magulang nito.”
Napakunot-noo ako sa sinabi niya. Bigla ang lungkot na bumalot sa puso ko. Si Kuya Brando ampon? “Pero sabi niyo po dati, nag-iisang anak si Kuya Brando ni Chairman.”
Tumango siya. “Oo. Dahil inampon naman siya nina Chairman kaya ko nasabing anak. Isa pa, maganda naman ang trato kay Sir Brando ni Chairman. Nabago nga lang iyon nang mamatay ang asawa nito dahil sa breast kanser. Siguro dahil hindi naman talaga anak at wala na ang asawa na kahit papaano’y isang malaking factor ay medyo naging malayo na ang loob ni Chairman kay Brando. Hindi naman siya minaltrato pero hindi lang talaga sila ganoon ka-close. Kaya si Brando, kahit na hindi naman pinapaalis ni Chairman sa malaking bahay, ay nag-decide tumira sa boarding house. Magkaganoon man, patuloy pa rin ang suporta ni Chairman sa kaniya.”
Iyon pala ang dahilan kung bakit imbes sa malaking bahay na mas malapit sa UB ay nasa boarding house nakatira si Kuya Brando. “Pero di ba wala naman na siya sa malaking bahay, bakit kailangan pa niyang lumuwas ng Maynila?”tanong ko pa rin kahit ang nasa isip ko ay dahil iyon sa break up nila ni Kuya Rhon.
“Sabi niya sa akin noon, sobrang hiya na daw niya kay Chairman kaya siya lumuwas. Humanap siya ng trabaho dahil nang mga panahong iyon, hindi na rin siya kumukuha ng suporta kay Chairman. Nakahanap naman siya ng part-time job kaya itinuloy niya ang kurso na isang taon na lang ang kulang habang nagtatrabaho. Ayaw naman niyang tulungan ko siya sa lahat ng pangangailangan dahil baka sa akin naman daw siya mahiya.”
May punto si Kuya Brando pero, “Paano siya nakapagtrabaho sa kumpanya?”
“Nalaman ni Chairman na sa amin nakatira si Brando. Kahit ramdam kong there’s something going on between them, sinuportahan pa rin ni Chairman si Brando sa pamamagitan ko. Kontrolado nga lang dahil ang alam ni Sir Brando ay pera ko ang itinutulong ko sa kaniya. Mabait naman si Chairman at dahil sa sobrang pagmamahal niya sa kaniyang kabiyak, hindi pa rin niya magawang pabayaan si Brando na inihabilin sa kaniya bago ito pumanaw.
Nalaman din naman ni Brando ang tungkol sa pagtulong ni Chairman pero tapos na siya noon sa pag-aaral at nakapasa na ng board exam, naunawaan naman niya at nang alukin siya na magtrabaho sa kumpanya, tinanggap naman ni Brando sa kondisyon na hindi siya idedestino dito sa Batangas City.”
I see…kaya pala bigla na lang sumulpot ito. Kung iyon ay kundisyon niya, mas liliwanang ang panig na hindi siya nagbalik para maghiganti kay Kuya Rhon. “Bakit ayaw niya dito?”
Napangisi si Engr . Clyde. “Siguro ayaw na niyang maalala iyong mga nagdaan sa buhay niya.”
O iniiwasan din niyang magkrus ang landas nila ni Kuya Rhon dahil magiging masakit iyon sa kaniya. Bakit? Dahil hanggang ngayon si Kuya Rhon pa rin ang mahal niya?
“Pero nandito na siya ngayon,” giit ko.
“No choice na rin siya, isa pa naisip naman niyang hindi niya kailanman maiiwasan ang lugar na ito kaya, hinarap na lang niya anomang takot ang nasa loob niya.”
May naisip pa akong itanong, “Bakit kilala po ni Chairman si Kuya Rhon pati ako? Mukhang galit siya sa amin kaya itinago niya si Kuya Brando sa akin.”
“Ang totoo hindi ko alam. Baka naman dati pang kilala ni Chairman ang Kuya mo. Iyong galit siya sa ‘yo, natural na reaksiyon lang iyon dahil sa ikaw ang sinabi ni Miss Elizalde na may kasalanan sa pagkakuryente ni Sir Brando. Iyong itinago, hindi naman talaga ganoon ang nangyari.”
Medyo nagulat naman ako. “Pero sabi ninyo, pinalagyan pa ng dalawang guard ang kuwarto ni Kuya Brando noong nasa ospital…tapos hindi rin sabihin sa amin sa Information…tapos noong makalabas naman ng ospital, sa rest house naman sa Tagaytay dinala..”
Nagpapaumanhing mukha ang bumakas kay Engr. Clyde. “Patawarin mo ako Rhett kasi iyon ang sinabi ko sa iyo. Ayaw ko lang kasing magkita kayong muli ni Chairman, kasi siyempre galit iyon kaya pinakiusapan ko na rin iyong sa Information na huwag ibibigay kahit kanino ang numero ng silid. Tungkol sa rest house, si Chairman ang may suhestiyon noon na sa tingin ko nama’y akma lang na paligid para mabilis ang recuperation ni Sir Brando.”
“Tinanong ko kayo sa loob ng kotse—“
“Sasabihin ko naman talaga sa iyo na nasa rest house sa Tagaytay si Sir Brando, actually balak ko pa ngang dalhin ka doon, kaya lang nagpunta ka sa bahay at nagkita at nag-usap kayo ni Chairman. Nagatubili tuloy ako at natakot na baka malaman ni Chairman na dinala kita doon at magalit siya.”
Hay, nako! Pwede naman kayang palihim.
Para namang nabasa niya ang aking isip. “Sigurado namang makakarating kay Chairman kapag nagpunta ka dahil loyal ang katiwala doon na tumanda na sa pagsisilbi sa mga Ramirez. Pero inalagaan ko naman si Sir Brando para sa ‘yo. At nang maayos na siya, ikinuwento ko lahat ng nangyari pati na iyong ginawang termination sa OJT contract mo. Nagalit siya at nainis.”
Magtatanong pa sana ako kay Engr. Clyde nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Kuya Brando, kasunod nito si Eunso at sa likod sina Jimson at Vlad.
Pumasok kaming lahat sa loob ng opisina ni Kuya Brando. Magkatabi kami nina Eunso at Engr. Clyde, nakapagitna ako sa upuan sa harap ng mesa ni Kuya Brando. Nakaharap naman kami kina Jimson at Vlad na magkatabi rin.
Bakas ang kinikimkim na galit sa mukha ni Jimson samantalang si Vlad ay kabado na parang sa isang bibitayin.
“Gusto kong ipaalam sa inyong lahat na binabawi ng kumpanya ang termination ng OJT contract ni Rhett at simula ngayong araw na ito ay papasok na siyang muli.” Masayang pahayag ni Kuya Brando. Kumindat pa sa akin nang saglit kong tapunan ng tingin.
“Congrats!” masayang bati naman ni Eunso na pumihit paharap sa akin saka ako kinamayan.
Si Vlad ay halatang lumiwanag ang mukha sa narinig na parang nabawasan ng kung ilang pounds ang dinadala. Hindi na naman naging sorpresa iyon kay Engr. Clyde dahil matagal na niyang alam.
Si Jimson ang talagang affected. Ang kanina’y kinikimkim na galit ay humayag nang mamula ang mukha lalo na sa mga sumunod na sinabi ni Kuya Brando.
“Also effective today, Jimson and Vlad will be assigned in the Electrical Stock Room. They will be replaced by Eunso and Rhett in the generator room.”
Mukhang lahat naman ay natuwa sa re-shuffle na nangyari maliban kay Jimson na hindi na nakayanang itago ang galit at parang sa isang torong nakakita ng telang pula ay biglang tumayo ito sa upuan.
Tumingin siya kay Kuya Brando at halos pasigaw na sabi, “You cannot do this to me!”
Tingin ko nama’y nagpanting ang tenga ni Kuya Brando sa narinig. “I just did.”
“Makakarating ito kay Ninong,” pagbabanta niya.
Napabungisngis naman si Kuya Brando. “Huwag ka ng magpakapagod Mr. Landicho, alam na niya ang tungkol dito.”
Nang maramdaman yata ni Jimson na wala siyang laban ay biglang nagbaling ng tingin sa akin, ang mga mata ay nanlilisik. “Ikaw!” dinuro pa niya ako at hindi naman ako nagpatinag dahil expected ko na ang outburst ng kaniyang emosyon. Lumakad pa ito palapit ng pintuan saka tumigil. Tumingin ako kay Vlad, malamang hinihintay siya ni Jimson na sumunod. Tumingin siya sa direksiyon ni Jimson pagkuwa’y umiling at ngumiti sa akin. Nakita naman iyon ni Jimson paglingon nito na lalo niyang ikinagalit. Bago tuluyang lumabas ay muling nagsalita. “Araw mo ngayon Rhett Santillan, hintayin mo at katakutan ang pagdating ng araw ko.”
Kahit papaano’y nagdulot ng bahagyang takot ang bantang iyon ni Jimson. Alam ko namang hindi siya nagbibiro dahil ilang beses na niya iyong napatunayan sa akin. Pero sisiguraduhin kong sa susunod niyang atake, hindi na ako iiwas, hindi ko siya uurungan.
Natuwa talaga ako sa inasal ni Vlad. Tama ako, hindi talaga masama si Vlad. At least ngayon pinanindigan na niya ang kabutihan. Sa tuwa ko’y niyakap ko siya saglit, alam kong simula ngayon isa ng kaibigan si Vlad.
“Lumabas si Jimson ng gate,” sabi ni Kuya Brando matapos kausapin sa intercom ang gate guard. “Well, let’s get back to work. At the meantime, Eunso will have to look both generator room with Rhett and Stock Room with Vlad.”
Tuwang-tuwa ang lahat lalo na ako sa mga pangyayari. Naunang lumabas sila Engr. Clyde, Eunso at Vlad. Nang ako na lamang ang naiwan, “Kuya Brando, ask ko lang, alam na ba talaga ni Chairman ang tungkol dito?”
Lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa mga labi. “Hindi pa. Sinabi ko lang iyon kay Jimson para inisin siya. Iyon lang kasi ang pwede nating gawin habang hindi pa tayo nakakahanap ng ebidensiya para patunayan na siya ang may kagagawan ng nangyari sa akin. Pero mukhang hindi na natin kailangan pang patunayan dahil sa pag-walk out niya ngayon, pwede na iyong grounds para kasuhan siya ng gross insubordination which is punishable by termination of employment. Ako na ang bahala kay Chairman.”
“Baka magalit sa iyo si Chairman.”
Umiling siya. “Don’t worry I can manage. Ang galit ni Chairman wala sa akin iyon, ang mahalaga naayos na natin ang problema mo.”
“Okay,” natutuwang sabi ko. Ako naman ang humalik sa kaniya saka niyakap ng mahigpit. Hindi ko napigilang maiyak sa tuwa dahil at last nakabalik na ako sa site at naayos na ang problema. Kasama na rin ng pag-iyak ang mga nalaman ko kay Engr. Clyde tungkol sa pagkatao niya at sa mga pinagdaanan niyang hirap sa buhay.
Pasimple akong nagpahid ng luha para hindi niya makita bago ako tuluyang lumabas ng opisina.
SABAY NA SANA KAMING mag-lunch ni Kuya Brando nang magkaroon ito ng meeting sa main office. Papunta ako ng canteen nang mag-ring ang aking telepono. Pinindot ko ang answer key nang makita kong number ng OJT Coordinator ang nagregister sa screen.
“Mr. Santillan, we have received a notice from SJR a while ago. We are very happy to know about the recall of SJR regarding the termination of your contract. With this you’ll just have to make up the lost hours of your OJT so everything will get back to normal.”
Hindi maipaliwanag na kasiyahan ang pumuno sa aking puso. Parang hindi pa rin ako makapanilwala na nangyayari ang lahat ng ito. Ito na yata ang tinatawag na Good Karma. Hindi ko na namalayan na nasa loob na pala ako ng canteen. Pagkatapos makakuha ng pagkain ay nilibot ko ng tingin ang paligid. Halos puno ang mga mesa ng empleyado kaya naisipan ko na lang maki-share. Eksakto namang may bakante pang upuan sa mesang inookupa nina Eunice at Harry.
“Pwedeng maki-chair?”
Halos sabay nag-angat ng tingin ang dalawa. “Sure,” nakangiting sabi ni Eunice.
Napansin ko ang pagdudulot ni Eunice ng pagkain at tubig kay Harry. Naalala ko tuloy dati si Harry ang gumagawa noon sa akin. Ngayon iyong ginagawa ni Harry sa akin ay siya namang ginagawa ni Eunice sa kaniya.
“Nasaan si Sir Brando?” tanong naman ni Harry. Paano’y nabanggit ko kanina sa kaniya bago mag-alas-dose na sabay kaming kakain ni Kuya Brando. Naikwento ko na rin ang nangyari sa loob ng opisina at pag-walk out ni Jimson.
“May meeting kaya sasabay na lang ako sa inyo.”
Sa gitna ng kainan nagtanong ako kay Harry. “Sa bahay ka pa rin ba uuwi mamaya?”
Umiling siya.
Si Eunice ang sumagot, “Hindi na. Ngayon na ang simula ng napagkasunduan nila nina Mama at Papa na sa amin na siya matutulog. Akin na siya ngayon,” sinundan pa niya ng tawa.
“Kelan naman ang kasal?” kay Harry ako tumingin. Hindi ko pa kasi alam ang detalye ng napagkasunduan nila.
“Hindi pa ngayon,”tugon niya. “Pagkatapos pa ng graduation natin at board exam.”
Sumang-ayon naman si Eunice. “Oo, kasi baka mahirapan siya kapag ngayon na. Iyon din kasi ang kondisyon ko bago ko dinala si Harry sa bahay.”
“Ah, okay,” sabi ko saka nagpatuloy ulit kami sa pagkain.
Tapos na kaming kumain nang magpaalam si Eunice na pupuntang CR. Naiwan kaming dalawa ni Harry.
“Masaya ka ba?”
Ngumiti siya na ipinagtaka ko. Ewan ko pero ang ini-expect ko kasi ay malulungkot siya sa tanong ko pero mukhang iba.
“Very…masaya ako dahil napakabuti ni Eunice. Masaya ako dahil mahal na mahal niya ako. Masaya ako dahil sa unang pagkakataon, ako naman ang pinagsilbihan, ako naman ang binigyan ng atensiyon, ako naman ang nakaramdam ng pagmamahal at importansiya. Hindi ko na rin kailangang mamalimos ng pag-ibig dahil ibinibigay ito kusang loob. Sorry Rhett I have to say these things hindi dahil gusto kitang sumbatan. Sinasabi ko ito dahil ito ang nararamdaman ko ngayon. And I’m really blessed to have Eunice in my life.”
Naramdaman ko ang sinseridad sa kaniyang sinabi. Nakuha ko rin ang nararamdaman niya.
Karamihan nga naman sa mga relasyong M2M mabibilang mo ang successful talaga. Kadalasan puro sama ng loob ang dulot. Nandiyan iyong gawin mo nang lahat sa isang partner para maipadama mo kung gaano mo siya kamahal, na halos magpakababa ka na, halos ibigay mo na lahat ng meron ka, minsan nga para sa pamilya mo na ay ibibigay mo pa sa kaniya, magbulag-bulagan ka na rin sa lantarang pangangaliwa niya sa ‘yo. Tapos iiwan at iiwan ka pa rin niya. Maghahanap pa rin siya ng iba at iiwanan kang devastated, disoriented at durog ang pag-asa. Hanggang mapagod ka, hanggang maisip mong sumuko dahil kahit respeto sa sarili mo’y wala ng natira. Kaya may mga ibang gays at bisexual na sa gitna noo’y nakapag-isip na sumubok for a change at dahil doon ay bumaliktad ang mundo at sila naman ang nakaranas mahalin ngayon. Isang umaga nagising na lang sa realisayong nagmamahal na rin sila, mahal na rin nila ang taong hindi man pinangarap pero siya pa ngayong dahilan kung bakit nakakaramdam ng kakaibang saya at fulfilment sa buhay.
“TAPOS NA ANG MEETING PERO madami namang pinatatapos na mga report sa akin si Chairman, pasensiya ka na, hindi kita maihahatid. Love You.”
Text iyon ni Kuya Brando nang malapit ng uwian. Nasa main office pa rin siya. Hindi naman ako ganoon kababaw para magngitngit, okay lang sa akin iyon at naiintindihan ko tsaka may ‘love you’ naman sa huli.
Naisip ko sanang magsimula na ngayong mag-extend ng working hours para makabawi ng oras kaya lang may bibilhin nga pala ako sa SM kaya bukas na lang ako magsisimula. Hahanap ako ng gift para kay Kuya Brando bilang pasasalamat sa lahat ng ginawa niya at higit sa lahat sa ipinararamdam niyang pagmamahal sa akin.
Kalahati lang ng swing entrance door ang bukas at isang guard lang ang naka-station kaya nagkaroon ng pila sa mga pumapasok sa mall. Hindi naman ako nagmamadali kaya willing naman akong maghintay para makapasok.
Sa palinga-linga ko sa mga katabing kainan ng entrance door, napako ang tingin ko sa isang mesa na may nakaupong babae at lalaki. Nakaramdam ako ng kakaibang kaba sa aking dibdib nang makilala ko sila kahit medyo malayo ako sa kinaroroonan nila.
Gusto ko sanang sumingit na sa pila para makapasok kaagad at makompronta ko si Mommy kung bakit naroon siya at bakit kasama niya si Chairman pero nakahiyaan ko na.
Si Mommy at si Chairman, magkakilala sila? OMG! Si Chairman pa lang ang kauna-unahang lalaking nakita kong kasama ni Mommy. Ayokong isipin pero nagsusumiksik pa rin sa akin ang posibilidad na baka si Chairman ang lalaking bumisita sa amin ni Mommy noon at pinagselosan ni Daddy. Kung siya iyon ibig sabihin siya ang totoong Daddy ko? Sabihin man nating ampon si Kuya Brando kaya hindi naman kami magiging magkapatid kung sakali man pero iba pa rin ang kabang dulot sa akin nito.
Napapikit ako, ramdam ang panghihina ng mga tuhod. Lalapitan ko ba sila? Paano kung nago-overreact lang pala ako? Kakayanin ko ba ang pagkapahiya?
Sa daming tanong ang bumaha sa aking isip ay hindi ko tuloy napansin na in-overtake na pala ako ng ibang nakapila. Pagpasok ko tuloy sa loob ng mall at puntahan ang kainan ay hindi ko na sila inabutan.
Napaisip tuloy ako kung totoo ba ang nakita ko o isang halusinasyon lamang.
Akala ko ay iyong pagkakita ko kina Mommy at Chairman na magkasama ang tanging magpapagulat sa akin pero meron pa palang mas kagulatgulat akong madadatnan sa bahay pagkauwi ko matapos ang halos dalawang oras na paghahanap ng gift para kay Kuya Brando.
Pagpihit ko ng pinto ng bahay ay naka-lock ito. Akmang kakatok na ako nang marinig kong may nag-uusap sa loob. Ang unang narinig ko kahit hindi ka mawaan ang sinasabi ay boses ni Tiya Beng, tapos ay nagsalita din si Mommy, maya-maya ang narinig ko naman ay tinig ni Kuya Rhon.
Nandito na si Kuya Rhon. Bumalik na siya!
Excited naman akong bigla sa pagdating ni Kuya Rhon. Kaya imbes na kumatok ay dahan-dahan akong nagpunta sa may bintana. Balak ko ay bubulagain ko sila mula sa bintana na hindi ko na nagawa nang maagaw ang atensiyon ko ng kanilang pinag-uusapan.
Nakabihis na ng pambahay si Kuya Rhon maging si Tiya Beng. Si Mommy naman ay suot pa rin ang damit na nakita kong suot niya kaninang kasama si Chairman sa mall. Naka balandra pa rin sa sala ang mga maleta at nakakartong bagahe ni Kuya Rhon.
Nagsalita si Kuya Rhon na noo’y nakatayo. “Sinabi na rin naman ninyo ang katotohanan kay Rhett tungkol sa nangyari sa amin ni Brando bakit hindi ninyo pa nilubos-lubusan?”
“Hindi ko nga alam kung hanggang kelan ko kakayanin ito eh,” sabi naman ni Mommy na nakaupo sa sofa.
Mukha namang si Tiya Beng ang nasa hot seat. Wala itong imik na nakaupo sa kabilang dulo naman ng sofa.
“The truth will set us free. Kaya dapat ang sinabi ninyo kay Rhett ay iyong totoo tungkol sa kaniya at sa kaniyang ama,” sabi ni Kuya Rhon.
Itutuloy
0 comments:
Post a Comment