Chapter 15 : In Love With Brando

Monday, February 14, 2011

By Joshx
--------o0O0o----------

Sa kabila ng excitement ko na makita si Kuya Rhon sa kaniyang pagdating, hindi ko maiwasan ang galit na nanulay sa aking dibdib. Pakiramdam ko’y parang isang kapapasok lang sa loob ng sinehan sa gitna ng palabas na hindi nasaksihan o nadinig ang mga unang eksena. Ang masakit pa ay ako ang pinag-uusapan. Isang paksa na dapat pala’y matagal ko ng alam pero bakit kailangan ilihim sa akin. Ano kaya ang tungkol doon?


Nagpasya akong bumalik na sa may pintuan kaya hindi ko na tuloy napansin na nakita pala ako ni Mommy na nakasilip sa bintana.

Kabadong-kabado ako nang kumatok ng tuloy-tuloy sa pintuan. Kabado dahil sa napipintong katotohanan na dapat ko nang malaman. Ang pagkatok ko ay nilakasan ko pa lalo nang wala pa ring nagbubukas sa pinto after a while bagkus ay puro mga nagmamadaling mga galaw ang dinig ko sa loob.

“Buksan ninyo ang pinto!”

Nanahimik sa loob at ilang saglit pa’y may narinig na akong mga yabag palapit saka ang marahang pagpihit ng door knob at tuluyang pagbukas ng pinto.

Inihanda ko na ang sarili ko sa komprontasyong mangyayari kaya nagulat talaga ako nang makita ang mumukat-mukat na si Kuya Rhon na parang bagong gising ang suot ay iyong nakita ko sa kaniya sa bintana. Nasa loob pa rin ang mga bagahe pero wala sina Mommy at Tiya Beng na nakaupo sa sofa kanina.

Mula sa isang inaantok na reaksiyon ay biglang nagliwanag ang mukha at parang nawalang bigla ang antok ni Kuya Rhon pagkakita sa akin. “Rhett!” Natutuwang sabi niya saka niyakap ako ng mahigpit.

Hindi naman ako aagad nakabawi sa kabiglaanan dahil sa bumungad sa akin. Ano ito? Am I just imagining things?

Bumitaw siya sa akin. “Tara sa loob.” Inakbayan niya ako papasok saka inilapat muli ang pinto.

Nakaupo na kami sa sofa ay hindi pa rin ako makaimik. Napansin niya iyonkaya nagtanong, “O, nandito na ako, hindi ka ba masayang makita ako? Akala ko pa naman nami-miss mo ako.”

Pinilit kong ngumiti. Tumingin sa mga mata niya sa pagbabakasakaling may maaninaw akong katotohanan tungkol sa nakita ko kanina. 

Lalong gumwapo si Kuya Rhon. Bumagay sa kaniya ang itim na mahabang buhok na hanggang balikat na kahit mahaba ay malinis pa rin siyang tingnan at mukhang lalaking-lalaki. Well-developed na ang mga muscles niya sa chest pababa. Unlike Kuya Brando na mukhang hindi tumanda, si Kuya Rhon ay nag-matured ang hitsura pero okay pa rin dahil mas bata naman siyang tingnan sa edad niyang bente nueve. Tingin ko’y medyo pumuti ang kaniyang morenong balat. Maganda rin ang impact ng goatee niya sa kaniyang overall looks. Para tuloy siyang isang bida sa isang Mexican telenovela.

“Masaya naman ako Kuya tsaka namiss naman talaga kita,” sabi ko na lang nang wala akong makitang hint na ang nakita ko ay isang pagkukubli lamang. “Nasaan pala sina Mommy at Tiya Beng?”

Nakita ko ang pag-aalangan sa mukha ni Kuya Rhon. “Ah…si Tiya Beng nasa kaniyang silid. Nagpapahinga na, medyo napagod yata sa maghapon pati na sa kaniyang pag-asikaso kanina sa sorpresa kong pagdating four hours ago.. Si ano naman…si Mommy naman…wala pa. Hindi pa siya dumadating mula kanina daw umalis siya sabi ni Tiya Beng.”

Iba ang feeling ko sa pagsagot ni Kuya Rhon. Naisip ko tuloy na may itinatago talaga siya. “Nakita ko kayong tatlo kanina na nag-uusap bago pa man ako kumatok sa pinto.”

Nangunot ang noo niya. “P-paano mangyayari ‘yon e, wala pa nga si Mommy saka nasa silid niya si Tiya Beng. Ako naman nahiga muna ako sa silid mo habang hinihintay ka. Nakaidlip nga lang ako at naalimpungatan sa pagkatok mo sa pinto.”

Tumayo ako sa pagkakaupo saka dumiretso sa silid nina Mommy. Si Tiya Beng nga lang ang nasa loob, nakahiga sa kaniyang kama at humaharok ng mahina. Hindi ako kumbinsido pero kung iyon talaga ang ipipilit ni Kuya Rhon at iaakto ni Tiya Beng, wala naman talaga akong magagawa kundi tanggapin iyon.

Nawala tuloy ako sa kundisyon kaya kahit anong gawing pagpapatawa ni Kuya Rhon, balewala lang sa akin. Pati na nang iabot niya sa akin ang kaniyang pasalubong na isang Apple iPAD, kinuha ko na lang iyon ng basta. Hindi na niya ako pinilit na maging masaya marahil ay nababasa niya ang aking nararamdaman. Marami pa kaming napagkwentuhan tungkol sa kaniya at tungkol sa amin nina Tiya Beng at Mommy pati na rin iyong mga nangyari kay Harry. Natuwa naman siya sa kinahinatnan ni Harry. Ikinuwento din niya ang tungkol sa kaniyang naging buhay sa Korea pero napansin kong wala siyang binanggit tungkol sa kaniyang love affair na mukhang wala talaga. Napaisip tuloy ako na tama ang sinabi ni Tiya Beng na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya naka-move on kay Kuya Brando.

Magkasabay kaming kumain at nang makatapos ay umakyat na kami sa aking silid na dating kaniya. Binuksan ko ang bintana at hinayaang pumasok ang malamig na panggabing hangin. Pagharap ko’y nakaupo na siya sa gilid ng kama saka parang alumpihit na nagtanong sa akin.

“Bakit Kuya, anong meron?” Kinabahan din ako sa naisip kong pwede niyang itanong.

Mukhang tama ako ng hinala nang magsalita si Kuya Rhon pagkatapos lunukin ang bikig na bumara sa lalamunan. “Nasabi na sa akin kanina ni Tiya Beng ang tungkol sa inyo ni—Brando.”

Ewan ko pero parang bumalik ang inis ko kanina. “Hindi ko maiaalis sa iyo kung hindi ka agree sa relasyon namin ngayon.”

“Don’t get me wrong Rhett. Hindi sa ayaw ko sa relasyon ninyo ni Brando dahil sa kadahilanang mahal ko pa rin siya o gusto kong balikan siya o gusto kong maging akin siyang muli. Nag-aalala lang ako sa iyo Rhett. Gaya rin ng pag-aalala sa iyo ni Tiya Beng. Alam ko namang alam mo na at nasabi na sa iyo ni Tiya Beng ang tungkol sa nangyari sa amin ni Brando noon. Ang hiling ko lang naman, try to consider the possibility na posibleng naghihiganti lang siya sa akin and you are part of his master plan.”

Ayokong marinig ang mga sinasabi niya kaya naglagay ako ng invisible earplug sa dalawa kong tainga. Mahal ako ni Kuya Brando, iyon ang pilit kong isinisiksik sa aking isip at puso.

“Umuwi ka ba Kuya para dito?”

Napatango siya. “Isa na iyon. Gusto kong bigyan ka ng babala. Gusto kong imulat ka sa realidad. Hindi ka mahal ni Brando…ginagamit ka lang niya sa paghihiganti sa akin.”

Ayoko ng pakinggan si Kuya Rhon kahit sa isang sulok ng isip ko naroon ang maliit na bahagi na nagsasabing possible ngang ganoon. Isipin pa na pagkatapos ng mga nangyari sa kanila lumayo si Kuya Brando. Somehow naging independent at nahirapan sa naging estado sa buhay. Iyon na nga yata ang sinasabing muntik ng ikasira niya at buti na lang may isang Engr. Clyde na tumulong sa kaniya sa saddest and lowest part of his life.

Napabuntong-hininga ako. Akala ko pa nama’y magiging advantage ko ang pagdating ni Kuya Rhon pero hindi pala. Nakakapanlumong isipin na mag-isa na naman ako. Wala na si Harry at masaya na siya kay Eunice. Si Tiya Beng at Kuya Rhon, against sa relasyon ko kay Kuya Brando. Si Mommy, lalong wala akong simpatiyang maaasahan sa kaniya.

Sabagay, parte na ng umibig ang masaktan. Nagdesisyon na rin naman ako na anoman ang mangyari, totoo man o hindi ang sinasabi nila, handa na akong harapin ang lahat. Sa pagsugal kong ito, isasama ko na ang buong puso at buhay ko. Kung totoo man na iyon ang plano ni Kuya Brando, tatanggapin ko na lang kahit man lang sa ganoong paraan ay maging masaya siya at maibsan ang galit na matagal ng nanirahan sa kaniyang kalooban.

Handa na ako. Kahit puso ko pa ang singilin ni Kuya Brando.

Nag-uumpisa ng mangilid ang luha sa aking mga mata. Bago pa iyon tuluyang pumatak at makita ni Kuya Rhon ay nagpaalam na ako sa kaniya. “Dito ka na sa dati mong silid matulog Kuya, doon na lang ako sa kuwarto ni Harry.” Lumabas ako ng silid na hindi man lang siya hinintay na makapagsalita pa saka marahang isinara ang pinto ng silid.

Tumuloy ako sa dati kong silid at humiga sa kama. Narinig ko ang paglabas ni Kuya Rhon sa kaniyang silid at muling pagbaba sa sala. Kung ano-ano naman ang pumapasok sa isipan ko, mga naglalabang dahilan at kaniya-kaniyang punto sa totoong rason ni Kuya Brando.

Nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ng sala saka ang boses ni Mommy at Kuya Rhon, dali-dali akong lumabas ng silid saka dumungaw mula sa may hagdan. Nakita ko nga si Mommy at masayang kausap ni Kuya Rhon. Suot pa rin nito ang damit kaninang makita ko siya sa SM na kasama si Chairman at kaninang magka-usap silang tatlo nina Kuya Rhon at Tiya Beng. 

Saan kaya siya galing? Umalis pa talaga siya para ipakitang walang pag-uusap na naabutan ko sa pagitan nilang tatlo kanina? Hay naku, nakakainis.

Bigla naman ang inggit na lumukob sa puso ko. Ibang-iba talaga ang mood ni Mommy kapag si Kuya Rhon ang kaharap, masayang-masaya at parang walang problema. Kabaligtaran talaga pag ako ang kaharap gaya ngayon nang mapansin niya ako sa dulo ng hagdan ay bigla na lang itong tumayo saka tumingin sa akin at nagsalita. “Bukas na lang tayo ulit magkwentuhan Rhon, gusto ko ng magpahinga.” Medyo nilakasan pa niya sapat para marinig ko saka lumakad patungong silid nila ni Tiya Beng. Alam kong hindi halusinasyon lang ang narinig kong usapan nila kanina. Alam kong malalaman ko rin iyan sometime later.

Umiiwas ba si Mommy sa mga tanong ko? Ano kaya iyong sinasabi niyang hindi niya alam kung hanggang kelan niya kakayanin?

Nagpasya na akong magbalik ng silid bago pa man ako makita ni Kuya Rhon. Ilang minuto lang ang nakalipas, narinig ko na rin siyang pumasok sa kaniyang silid. Maya-maya lang, tulog na ang lahat maliban sa akin.

Saka ko naalalang kunin ang aking cell phone. Twenty three missed calls ang naka-register galing kay Kuya Brando. Para akong hinubaran ng lahat ng negative feelings. Na-overwhelm akong bigla kaya tinext ko siya. “Kuya bakit ka natawag.”

Mabilis din ang reply niya. “Wala lang…miss na kita eh. Call kita?”

Gusto kong kiligin. Akala ko’y hindi niya kayang mag-text ng ganito. “Si Kuya parang bata. Text na lang baka magising iyong mga kasama ko.”

“Okay. Bakit ayaw mo ba Utoy?”

“Hindi po…Gustong-gusto ko nga.” Gusto ko na ngang pumalakpak.

“Anong ginagawa mo?”

“Heto tutulog na.” Naisip ko sanang sabihin sa kaniya ang pagdating ni Kuya Rhon pero nag-atubili ako. Sa isang banda, natatakot ako sa magiging reaksiyon niya.

“Maya-maya.”

“Bakit?”

“Dumungaw ka muna sa bintana.”

“Saang bintana?”

“Diyan sa silid mo.”

Biglang napuno ng excitement ang aking puso. Gusto ko na tuloy bumaba nang pagdungaw ko sa bintana, nasa may tapat ng gate ang kotseng puti ni Kuya Brando, patay-sindi ang headlights nito. “Ba’t ka nandito?

“Namiss na nga kita. Gusto ko sanang bumawi sa hindi ko paghatid sa iyo kanina pauwi.”

“Okay lang iyon. Naiintindihan ko naman basta trabaho.”

“Bababa ka?”

Hindi na ako nag-reply. Kinuha ko lang ang jacket kong puti dahil malamig na talaga ang simoy ng hangin sa baba. Pababa na ako ng hagdan nang masalubong ko si Kuya Rhon na nakapajama at may dalang isang basong tubig.

“Saan ka pupunta?

Napatigil ako sa pagkakahuli niya sa akin. Dahil ayaw ko namang malaman niya na nasa labas si Kuya Brando, nagdahilan na lang ako na iinom din sa kusina. Kaya imbes na lumabas ay dumiretso ako sa ref at napilitang uminom.

Mukha namang nakakaramdam siya na lalabas ako ng bahay dahil pagbalik ko sa sala naroon pa rin siya sa baitang ng hagdan kung saan ko iniwan at mukhang naghihintay sa akin.

Shit! Dismayadong naiusal ko. Wala na akong nagawa kundi umakyat ulit ng hagdan, lampasan si Kuya Rhon at walang lingon-likod na pumasok na ulit ng silid. Feeling ko ay si Juliet na pinipigilan makausap at makasama ang aking Romeo na si Kuya Brando.

Kinuha ko ulit ang cell phone, may text na si Kuya Brando. “Nasaan ka na?”

Nireplayan ko. “Nandito pa sa room. Kuya sorry hindi ako makakalabas…”

“Okay lang.” Sinundan ng malungkot na smiley.

“Bukas na lang,” text ko sa kaniya.

“Sige Utoy, sunduin na lang kita bukas ng umaga.”

Naisip ko naman na baka makita siya ni Tiya Beng o ni Kuya Rhon. Siyempre kahit papaano, ayaw ko din namang ipakita sa kanila ng lantaran. Alam ko na ngang hindi sila pabor, ipapamukha ko pa sa kanila. Saka na lang siguro kapag nagbago na ang stand nila tungkol kay Kuya Brando. “Huwag na po Kuya.”

“Bakit?!”

“Basta. Sa SJR na lang tayo magkita bukas.” Bukas ko na rin ibibigay sa kaniya ang gift kong binili sa SM kanina.

“Sige, kung iyan ang gusto mo.”

“Goodnight Kuya Brando…iloveyou!”

“Nytnyt Utoy…loveyou2!”


KINABUKASAN NAGING busy ako sa mga trabaho sa generator room. Nakakapanibago pero at least kasama ko si Eunso na siyang nag-guide sa akin sa lahat ng dapat gawin. 

Nag-tender pala ng irrevocable resignation si Jimson kahapon din, sabi ni Vlad na dapat ay kasama niya nang makita ko siya sa Stock Room. Hindi ko alam kung ikatutuwa ko ang pagre-resign ni Jimson pero okay na rin ang ganoon sa ikatatahimik ng lahat. 

Kakaibang aura ni Vlad ng araw na iyon. Masaya at friendly ang dating na para bang biglang nilubayan ng multong matagal ng panahong kinatakutan.

“Kumusta na?”

Ngumiti siya ng maluwang. “Heto, okay na. Umalis na ako kagabi kina Jimson.”

“Pasensiya na, dahil sa akin nadamay ka.”

Umiling siya. “Wala iyon. Mas okay nga ako ngayon na tama at patas ang ginagawa ko. I am my own man.”

Nabawasan naman ang guilty feeling ko sa sinabi niya. “Saan ka ngayon?”

“Nag-offer si Eunso na sa kanila muna ako tumuloy kagabi habang hindi pa ako nakakahanap ng matitirhan.”

“Talaga?”

“Oo.”

Pagkabigay ng winidro kong machine part sa Stock Room ay nagpaalam na ako kay Vlad. Bago ako makalabas ng silid ay nagsalita siyang muli na ikinalingon ko.

“Rhett, mag-iingat ka. Hindi basta-basta patatalo si Jimson.”

“Bakit ba kasi siya galit na galit sa amin ni Harry?”

“Minsan nga hindi ko rin siya maintindihan. Palagi na lang sa ibang tao niya isinisisi ang mga nangyayari sa kaniya na kung tutuusin ay resulta rin naman ng kabalbalan niya. Hindi lang naman ikaw ang pinagbuntunan niya ng galit. May iba pa. Ang pagkakaiba lang, sa ‘yo lang siya laging palpak. Kaya sa tuwing may gagawin siya at hindi tagumpay, lalo lang siyang nacha-challenge. At alam kong ang nangyari kahapon ay ikinaapoy niya sa galit. Kaya alam kong sa ngayon, naghahanda na si Jimson sa susunod na gagawin niya laban sa iyo.”

Nagbalik tuloy sa akin lahat ng mga ginawa niya: Ang pangbu-bully niya kay Harry nong bata pa kami, ang panununtok niya sa akin na nagpadugo sa ilong ko at pagkawala ng malay, ang paghamapas niya sa likod ko’t muntik ng pagkalunod sa swimming pool sa Nasugbu at ang pagkakuryente ni Kuya Brando na dapat sana ay ako. 

“Gawin niya ang gusto niya. Hindi ko na siya uurungan this time.” Buo ang loob na sabi ko kay Vlad na mukhang ikinatuwa niya.


KAHIT PAPAANO, naging maayos naman ang lahat sa unang kalahati ng ikalawang araw ko sa bagong work assignment. Magkatext naman kami ni Kuya Brando at nagpa-deliver pa nga siya ng lunch na sabay naming kinain sa kaniyang opisina. Konting kulitan at tuksuhan sa pagitan namin hanggang mag-ring ulit ang bell, hudyat na ala-una na ng hapon. Back to work na lahat ng empleyado.

Mabilis lang din lumipas ang apat na oras. Alas-singko na ng hapon nang kunin ko sa locker room ang binili kong gift kay Kuya Brando. Kinakabahan ako sa sobrang excitement sa magiging reaction niya at naiusal na sana magustuhan niya ang regalo ko. Kahit simple lang sana ma-appreciate niya. Nahirapan talaga akong maghanap ng pwedeng mairegalo dahil mukha kasing meron na siya lahat ng naiisip ko.

Pakanta-kanta pa ako habang nasa daan patungong opisina niya. Nasalubong ko pa si Engr. Clyde galing sa opisina at papunta na sa kotse niyang nasa parking area.

“Si Kuya Brando po?”

Mukhang hindi niya ako ini-expect na makita that time. Sa ekspresyon niya parang gusto niyang bumalik at unahan akong makarating sa opisina.

“Bakit po?”

“Ah..E..wala naman. Nandiyan si Sir Brando sa loob. Hintayin mo na lang lumabas.”

Hindi na niya ako hinintay pang magsalita ulit. Tumalikod na ito at tumuloy sa kaniyang kotse.

Nagtataka man sa inasal ni Engr. Clyde, napailing na lang ako saka nagpatuloy sa pagkanta hanggang makarating sa pinto ng opisina. 

Sabi ni Engr. Clyde hintayin ko na lang daw siyang lumabas pero ilang minuto na ako sa labas ng pintuan ay wala pa rin siya. Isa pa, gusto ko rin naman siyang sorpresahin kaya minabuti kong pumasok na. Hindi na ako kumatok para sana talagang sorpresa ang pagpunta ko sabay abot ng gift. Pero kabaligtaran ang nangyari dahil ako ang nasorpresa pagbukas ko ng pinto.

Medyo patagilid ang pagkakatalikod sa akin ni Kuya Brando kaya hindi niya ako napansin maging ang pagbukas ng pinto. Nakayakap naman sa kaniya si Kuya Rhon habang magkalapat ang kanilang mga labi. Tingin ko’y mga ex-lovers na binigyan ng second chances ang bawat isa.

Napako ako sa aking kinatatayuan. Hindi ko na napansin ang masaganang luhang kusang dumaloy sa magkabila kong pisngi. Pakiramdam ko’y dinukot ang puso ko at inilagay sa gilingan at nagka-durog-durog. Akala ko’y kaya ko ang ganoong scenario na makitang magkasama sina Kuya Brando at Kuya Rhon pero hindi pala dahil napakasakit. Ubod ng sakit. Para akong malalagutan ng hininga at mabubuwal sa sama ng loob.

Naisip kong lusubin sila at ipaalam na huli ko sila sa aktong pagtataksil sa akin pero nanghihina ako. Isa pa sinasabi rin ng utak ko na sila naman talagang dalawa ang original lovers at saling pusa lang ako.

Pinilit kong makagalaw at nang makaipon ng lakas ay lumabas ako ng pintuan. Hindi ko na rin napansin ang pagkakatingin sa akin ni Kuya Rhon.

Sa unang basurahan na nakita ko palabas ng gate itinapon ang gift ko para kay Kuya Brando. Sa tingin ko’y hindi na niya kailangan ang isang gold plated na Parker Pen na may naka-engrave na: Rhett Love Brando.


HINDI PA RIN MATIGIL ANG pag-iyak ko hanggang kinagabihan. Wala akong ganang kumain at mabigat na mabigat ang aking katawan kaya pagdating ko’y nagkulong na lang ako sa aking silid. Isa pa, ayaw ko ding makita ni Tiya Beng o ni Mommy na umiiyak ako.

Kahit may isang bahagi ng isip ko ang nagsasabi na kausapin ko muna si Kuya Brando tungkol sa nakita ko bago ako mag jump-into-conclusion ay mas malaki naman ang bahagi na nagsasabing sapat na ang nakita ko at hindi na kailangan pang patunayan na pinagtaksilan niya ako. Isa pa kung hindi siya guilty bakit hanggang ngayon wala pa ring tawag o text akong natatanggap galing sa kaniya? Bakit siya nananahimik? Is Silence Means Yes?

Malalim na ang gabi nang marinig ko ang mahihinang katok at pagtawag ni Kuya Rhon. Hindi ko pinansin hanggang sa lumakas ang pagkatok niya at pagtawag sa akin. Napilitan tuloy akong buksan ang pinto pagkatapos pahirin ang luha sa aking mga pisngi na dagli ding napalitan ng namuong luha sa mga mata ko.

Dumiretso ako sa aking kama saka muling humiga ng patagilid at patalikod kay Kuya Rhon sa pagkakaupo sa gilid ng kama.

“Alam kong nakita mo kami ni Brando kanina,” sabi niya na bahagyang ikinagulat ko.

Hindi ako nagsalita dahil hindi ko pa kaya dahil siguradong magka-crack na agad ang boses ko pag pinilit ko.

Nagpatuloy si Kuya Rhon. “Nakita kita nang bumukas ang pinto habang magkahalikan kami sa kaniyang opisina.”

Para tuloy isang sineng ni-replay ulit sa isip ko ang nasaksihan ko kanina. Pero ngayon mas malaki ang impact sa akin dahil si Kuya Rhon pa mismo ang nagpaalala sa akin. Tuluyan na akong napahikbi sa sama ng loob.

“Sorry Rhett, ayaw kong saktan ka and I know it’s hard but I really have to tell you this. Maganda na sa akin mo na malaman kesa naman sa ibang tao pa.” sabi niya saka saglit na nanahimik. Narinig ko ang paghugot niya ng malalim na buntonghininga bago muling nagpatuloy. “Finally after more than ten years, nag-usap kami ni Brando. We have settled our misunderstandings and both of us agreed to give ourselves another chance to love. Kami na ulit Rhett.”

Lalong nanikip ang dibdib ko sa rebelasyon ni Kuya Rhon. Daig ko pa ang nasabugan ng bomba. Sa pagitan ng pag-iyak, nagawa ko pa ring makiusap sa kaniya, “I need to be alone, Kuya. Please iwanan mo muna ako.”

Naramdaman ko ang bigat ng mga yabag ni Kuya Rhon habang palabas siya ng silid. Nang muling lumapat ang pinto, hindi ko na napigilan ang sarili kong umiyak ng malakas para maibsan ang sakit sa puso ko.

Akala ko sa magiging paghihiganti ni Kuya Brando ako masasaktan na siya kong pinaghandaan. Ang siste, iba ang nangyari. Nagkabalikan sila ni Kuya Rhon at lalong mas masakit sa akin.

Pero ganoon ba talaga kabilis iyon? Na sa isang iglap magkasundo na sila at sa susunod ay sila na ulit? Totoo ba ang sinabi ni Kuya Rhon?

Nagpunas ako ng luha at sipon na rin bago ko inabot ang aking cell phone sa sidetable. Idinayal ko ang number ni Kuya Brando. Gusto ko siyang makausap. Tama lang na pakinggan ko ang isang maliit na bahagi ng isip ko na pakinggan muna ang side niya.

Nag-ring naman ang cell phone niya. Walang sumasagot. Pangalawa, pangatlo, pang-apat , pang-lima ay wala pa ring sumasagot.

Kuya Brando, bakit hindi mo sinasagot? Please sagutin mo naman. Kailangan natin mag-usap.

Hanggang sa hindi ko na mabilang ang dial attempts na ginawa ko ay wala pa ring Kuya Brando na sumasagot sa kabilang linya.

Totoo ba ang sinasabi ni Kuya Rhon kaya ayaw niyang sagutin ang call? Guilty ba siya at nahihiyang kausapin ako? Wala ba siyang lakas ng loob na sabihin sa akin ng diretso na wala na kami dahil sila na ulit ni Kuya Rhon na talaga namang mahal niya at hindi nawala sa puso’t isip niya all these years?

Siguro nga’y totoo ang lahat ng ito dahil sa muling pag-dial ko ng numero ni Kuya Brando, tuluyan na niyang ini-off ang kaniyang telepono.

Itutuloy

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP