Chapter 13 : In Love With Brando
Monday, February 14, 2011
By Joshx
----------o0O0o---------
“ANG SASABIHIN KO SA IYO ay batay lang din sa nalalaman ng mga kapitbahay noong mga panahong iyon. Two months old ka pa lang Rhett nang mangyari ito. Ang Daddy mo ay nasa trabaho – wala noon ang Kuya Rhon mo at nasa camping ng Boy Scout sa eskwelahan. Kayo lang ng Mommy mo ang naiwan. May isang lalaki na nagpunta dito. Ayokong paniwalaan dahil alam kong mahal na mahal ng Mommy mo ang Daddy mo, pero ayon sa usap-usapan, ang lalaki daw na iyon ay kalaguyo ng Mommy mo. Umuwi ang Daddy mo at nahuli niya ang dalawa na magkayakap. Nagalit ang Daddy mo, umalis siya ng bahay. Nagpakalasing siya saka nagmaneho at nabangga ang kotse niya sa isang poste ng Meralco. Dead on the spot siya.”
“Sino ang lalaking iyon Tiya? Kilala mo ba siya? May nakakakilala ba sa kaniya?”
Umiling si Tiya Beng bilang tugon.
“Kung totoo iyon Tiya, bakit sa akin ibubunton ni Mommy ang nangyari samantalang siya naman pala itong nangaliwa?” Nakaramdam ako ng galit kay Mommy at pagkahabag naman para kay Daddy. Pakiramdam ko’y panaginip lang ang nangyayaring ito. Lahat ng sinabi ni Mommy maging itong pagsisiwalat ni Tiya Beng sa akin.
“Isa din iyon sa naging palaisipan sa akin nang mga panahong iyon Rhett. Bakit ikaw ang sinisisi? Hindi ko na kasi naitanong iyon sa Mommy mo dahil pagkatapos ilibing ng Daddy mo, overly depressed siya. Pinagamot pa nga namin siya sa Psychiatrist at nang gumaling na, hindi na ako nagtanong pa tungkol sa bagay na iyon sa takot na bumalik ulit siya sa dati.” Naluha din si Tiya Beng sa pagbabalik-tanaw niya sa nakaraan.
“Hindi po ba unfair sa ‘kin iyon Tiya? Ano po ba ang magagawa ng two-month old na baby kagaya ko para pagbalingan niya ng sisi sa pagkamatay ni Daddy?”
Malungkot ang mukhang umiling siya. “Alam kong unfair iyon Rhett kung hanggang doon mo lang siya titingnan. Alam kong may mas malalim pang dahilan at napatunayan kong tama ako dahil nang nandito na ako sa inyo habang ipinapagamot ang Mommy mo ay may natuklasan ako tungkol sa Daddy mo: Naaksidente pala siya sa pinapasukan niya nang tamaan ang kaniyang kaliwang hita na malapit sa kanyang ari ng isang makina doon. Dahil sa aksidenteng iyon, hindi na siya maaaring magkaanak pa.”
Napaisip akong bigla. “I-ibig pong sabihin, hindi ako tunay na anak ni Daddy?”
OMG! Let this be only a dream. Please.
Atubili si Tiya Beng sa sasabihin. Matagal na nag-isip saka huminga ng malalim bago nagsalita, ang tinig ay sa maiiyak na. “Tiningnan ko ang petsa kung kailan siya naaksidente saka ko ikinumpara sa petsa ng kapanganakan mo. Mahirap man tanggapin Rhett, lumalabas na baog na ang Daddy mo nang ipagbuntis ka ng Mommy mo.”
I’m only dreaming! This can’t be real. It can’t be. Pumikit ako ng mariin saka kinurot ng pino ang sarili. Nagbilang ng tatlo saka nagmulat. Saka ko napagtanto, totoo pala ang mga nangyayari dahil wala naman ako sa kama ko, naroon pa rin ako sa sofa kaharap pa rin si Tiya Beng. Hindi ko mai-explain ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Parang gusto kong magtatakbo at magsisigaw para kahit man lang sa ganoong paraan ay mapawi ang sakit na nasa puso ko.
Nanghihina akong napasandal sa upuan, hindi ko na alam ang iisipin ko. “Ibig sabihin posibleng ang lalaking iyon ang ama ko? Sino siya? Nasaan siya?”
“Ang Mommy mo lang ang makapagsasabi kung sino siya.”
Nag-ipon ako ng lakas para tumayo. “Kung gayon kailangan kong kausapin si Mommy. She owe me an explanation. Karapatan kong malaman ang katotohanan.”
Napaluha na ng tuluyan si Tiya Beng. “Rhett, pwede bang ‘wag muna ngayon? Kita mo naman nang iwan mo siya kani-kanina, iyak na lang ng iyak. Ako na ang nakikiusap sa ‘yo. Ayoko lang kasing mag-breakdown siya ulit at bumalik sa pagka-depressed. Katulad mo, mabigat din ang pinagdadaanan ng Mommy mo kahit ngayon.”
Nakakaawa nga din ang hitsura ni Mommy kaninang iwanan ko. Dahil doon ay napaiyak na lang ako. I feel so hopeless and restless. Lahat ng tanong ko ay lubhang mahirap ihanap ng kasagutan. “Sige po Tiya Beng, magiging gentle po ako sa pakikipag-usap kay Mommy next time. Promise.”
Nagpahid siya ng luhang dumaloy sa pisngi. “Salamat anak at naintindihan mo.”
Ilang saglit na namayani ang katahimikan. Ako na ang unang nagsalita nang maalala kong itanong, “Bakit naman po hiningi ninyo sa akin na layuan ko si Kuya Brando?”
Matagal na nag-isip si Tiya Beng na wari’y binabalikan sa alaala ang kung anoman ang isasagot niya sa akin. “Gaya ng nasabi ko na Rhett, hindi natin alam kung bakit siya nagbalik. Malay mo gusto niyang paghigantihan si Rhon at dahil nasa Korea ang kuya mo, maniningil na lang siya sa pamamagitan mo.”
Napapikit ako sa biglang pagpitik ng aking sentido. Parang lahat ng mga nalalaman ko’y pilit nilalabanan ng isip ko. “Naghihiganti? Bakit po?”
“Nang mga panahong hindi ko na nakikita si Brando sa bahay, tinanong ko si Rhon, sabi niya sa akin magkagalit daw sila ni Brando.”
Nalilito pa rin akong nagtanong, “Bakit daw po sila nagkagalit?”
“Hindi lingid sa kaalaman ko ang naging relasyon nilang dalawa. Alam kong higit pa iyon sa magkaibigan o magkapatid. Naintindihan ko sila kung paanong naiintindihan ko kayo ni Harry. Pero sabi nga, sa isang relasyon mas malimit na mas higit ang pagmamahal ng isa kaysa sa isa pang kapartner. Sa kaso nina Rhon at Brando, alam kong mas mahal ni Brando si Rhon.”
May naramdaman akong kirot sa aking dibdib dulot ng huling sinabi ni Tiya Beng. ‘Mas mahal ni Brando si Rhon.’
“At sa lahat ng relasyon gaano man katatag ay palagi na lang susubukan ng kapalaran. Nasa nagmamahalan na lang kung paano ma-overcome iyon at pag-usapan anomang maging problema para hindi masira ng tuluyan ang pagsasama at mai-save ang relationship lalo na if it’s worth saving. Ang pagsubok na iyon ay dumating nang makilala ng Kuya mo ang isang lalaki sa katauhan ni Phen. Sa ilang beses na pagkikita nila ni Phen, naramdaman ni Rhon na mahal niya ito na humantong sa pakikipagkalas niya kay Brando.”
So si Phen pala ang third party. Siya pala ang dahilan ng hiwalayan.
“Hiwalayan na masyadong naapektuhan si Brando. Pero hindi lahat ay sinabi sa akin ni Rhon. Alam kong may iba pang detalye na siya lang at si Brando ang nakakaalam. Kaya naman sa tingin ko iyong pakikipaghiwalay niya ang sinasabi ni Rhon na malaking atraso niya na ikinasira ng buhay ni Brando.”
“Ikinasira?” Mukha namang maayos ang estado ni Kuya Brando ngayon? Engineer pa rin naman at ayos naman ang position niya sa kumpanya nila.
Tumango si Tiya Beng saka nagptuloy, “Iyon ang sabi ni Rhon, halos ikasira na daw ng buhay ni Brando ang naging atraso niya. Palagay ko ay iyon ang dahilan, unless may iba pa na inilihim sa akin ni Rhon at sila lang ni Brando ang nakakaalam.”
May iba pa nga kaya? Pwede rin namang makasira talaga kay Kuya Brando iyon depende na rin sa magiging pagtanggap niya. Pero sa tingin ko nga’y maayos naman ang buhay niya ngayon.
Bigla tuloy bumalik sa alaala ko ang pagluhod pa noon ni Kuya Brando bigyan lang ng isa pang chance ni Kuya Rhon ang relasyon nila. Pero buo na ang desisyon ni Kuya Rhon na tapusin na ang lahat sa kanila. Hinabol ko pa nga noon si Kuya Brando hanggang sa labas ng kalsada sa gitna ng malakas na ulan.
“Na-meet niyo po ba si Phen? Mas deserving ba siya kaysa kay Kuya Brando?”
“Hindi siya dinala dito ni Rhon, sa pangalan ko lang siya kilala.”
Kaya pala hindi ko rin siya kilala dahil hindi siya nagpunta dito sa bahay. Tama dahil ng mga panahong iyon, halos palaging gabi na kung umuwi si Kuya Rhon o kaya’y nagi-sleep over ito sa mga kaklase. Malamang si Phen iyon at hindi talagang kaklase ang pinupuntahan niya.
Umiling si Tiya Beng na ipinagtaka ko. Tumingin ulit sa akin saka muling nagsalita. “Pero mapagbiro talaga ang tadhana. Minsan may mga nararamdaman kang akala mo ay iyon na ang totoo pero hindi naman pala. Karamihan din sa mga bagay o tao sa paligid natin, nare-realize lang natin na mahalaga kapag wala na sa atin. Iyon ang naranasan ng Kuya Rhon mo. Nang sila na ni Phen, saka niya na-realize na huwad lang pala ang nararamdaman niya para kay Phen at ang totoo ay si Brando pala ang talagang mahal niya.”
Naalala ko ulit iyong mga panahong wala na sila ni Kuya Brando ay naging masayahin si Kuya Rhon pero hindi naman nagtagal. Malamang doon na niya narealize na mahal pa rin niya si Kuya Brando. Kaya nahuli ko siya noon na umiiyak habang nakaupo sa sala hawak ang larawan ni Kuya Brando at naga-I love you pa.
“Nagtangka siyang hanapin si Brando pero hindi raw niya matagpuan. Hanggang noong bago siya umalis papuntang Korea, hinahanap pa rin niya si Brando. Hindi raw gagaan ang buhay niya hangga’t hindi siya napapatawad ni Brando sa nagawa niya. Alam ko totoo ang kaniyang sinabi dahil hanggang ngayon pagkatapos ng sampung taon, hindi pa rin siya naka-move on. Mahal na mahal pa rin ni Rhon si Brando.”
Idiniin ko ang aking mga daliri sa aking noo saka iginalaw ng paikot na parang nagmamasahe. Palala ng palala ang nararamdaman kong pananakit dulot ng pagpintig ng mga iilang ugat sa aking ulo. Tahimik na si Tiya Beng pero parang alunignig na paulit-ulit ko pa ring naririnig: ‘Mahal na mahal pa rin ni Rhon si Brando.’
Tingnan mo nga naman, ang tagal na nasa isipan ko ang mga tanong na si Tiya Beng pala ang makakasagot. Sabagay sa loob naman din ng mahigit sampung taon, hindi ko rin naman naitanong kay Tiya Beng ang tungkol kina Kuya Rhon at Kuya Brando. Ipinagpalagay ko kasi na clueless din siya sa nangyari kagaya ko.
“Kaya Rhett, baka ikaw ang singilin niya.”
Posibleng naniningil nga si Kuya Brando. Pero pwede namang hindi. Pwede namang nagbago na siya at wala na sa kaniya ang mga nangyari. Posibleng mahal niya ako gaya ng mga sinabi sa akin ni Eunso. Ramdam ko iyon sa mga halik niya sa akin.
“Pakiusap Rhett, kahit hindi na para sa amin, para na lang sa kaligtasan mo, layuan mo si Brando.”
Buong ulo ko na ngayon ang napintig ang mga ugat. Pinilit ko pa ring magsalita. “Si Kuya Brando lang ang makakatulong sa akin sa problemang ito. Siya lang.”
Hindi na ako nakapagpaalam kay Tiya Beng nang umakyat ako ng silid at inihiga sa kama ang pagod na katawan. Hindi ko na makayanan ang pananakit ng ulo ko na animo’y nag-overload na ito sa sobrang dami na mga data na biglang pumasok hanggang mag-automatic shutdown na ito.
PARANG HINDI NA AKO nage-exists kay Mommy nang mga sumunod na araw kaya hindi ko tuloy malaman kung kailan siya maaari ng kausapin. Hindi ko rin makontak si Engr. Clyde kaya nawalan na ako ng balita kay Kuya Brando. Nabanggit din sa akin ni Harry na wala si Engr. Clyde sa kumpanya, hindi rin pumapasok mula pa noong makuryente si Kuya Brando.
Ang mga araw ay naipon at naging mga lingo. Habang tumatagal, nawawalan na ako ng pag-asang ma-revert pa ang desisyon ng SJR – ang makabalik ako sa OJT at makahabol sa oras para maka-graduate pa rin.
Ang tatag ng loob ko ay parang kandilang unti-unting nauubos. Lungkot na lungkot ako sa tuwing makikita ko si Harry na papasok sa umaga at uuwi sa hapon galing sa kumpanya. Buti na nga lang patuloy pa rin akong pinalalakas ni Harry, patuloy na binibigyan ng pag-asa na pasasaan ba’t maayos din daw ang lahat.
Kay Harry ako humugot ng lakas para hindi ako mabitag ng depression. Ayoko din kasing mag-alala si Tiya Beng sa akin sa makikita niya kung sakali. Para malibang kahit papaano, tinulungan ko na lang si Tiya Beng sa pag-aayos ng kaniyang mga paninda.
Isang hapon, wala pang isang oras na dumating si Harry ay hindi inaasahang dumating si Eunice. Hindi ko pa nga siya agad nakilala dahil sa laki ng ibinagsak ng katawan niya at namumutla.
Inalalayan ko siya sa pagpasok maging sa pag-upo sa sofa. Bigla ang pag-aalala ko sa kaniya. “Anong nangyari sa ‘yo Eunice? May problema ka ba?”
Malungkot ang kaniyang mukha. “Pasensiya ka na Rhett, alam kong ikaw lang ang pwede kong hingan ng payo ngayon—“
Hindi na naituloy pa ni Eunice ang sasabihin nang biglang dumuwal siya na kumalat sa sahig. Nagmadali akong kumuha ng tubig sa tabo saka iniabot sa kaniya at maliit na palanggana na inilatag ko naman sa sahig. Inihahaplos ko pa ang aking palad sa kaniyang likuran habang salitan ang pagduwal at pagmumog niya.
Nang maigahan na siya ng isusuka, nagpunas siya ng mukha sa dalang panyo pagkuwa’y may dinukot sa bulsa at iniabot sa akin.
Pregnancy kit iyon na may malinaw na dalawang guhit. “Buntis ka?” halos mamilog ang mata ko. Nagulat ako sa umpisa pero mabilis din iyong napalitan ng tuwa nang tumango siya bilang tugon sa akin. “Magiging tatay na si Harry. Yes!”
Ang kanina’y malungkot na mukha ay bahagyang nagliwanag. “Sana Rhett, ganyan din ang reaksiyon ni Harry, pag natuwa siya, ako na siguro ang happiest woman alive.”
Hinawakan ko siya sa isang siko. Excited pa rin akong malaman ni Harry na buntis siya. “Tara, nasa taas si Harry, akyatin natin.”
Tuloy-tuloy kami ni Eunice na pumasok sa silid ni Harry na naabutan naming nakahiga sa kama, nakatihaya na ang mga mata ay nakatitig sa kisame.
Hindi maitago sa ekpresyon ng mukha ko ang kaligayahan. “May kailangan kayong pag-usapan ni Eunice, Daddy Harry.” Binigyang diin ko pa ang salitang daddy na ipinagtaka niya.
Kinindatan ko naman si Eunice bilang approval sign saka maingat na inilapat ang pinto pagkalabas ko ng silid.
MAG-ISA LANG AKONG naiwan sa bahay isang araw ng Biyernes. Maliban sa todo pag-aalaga sa aking Cactus, naging usual routine ko na rin ang maglinis ng bahay pagkatapos kumain ng agahan.
At dahil ako lang mag-isa, wala pang alas-nuwebe tapos na akong maglinis. Para akong tanga na naupo sa gilid ng sofa habang natutuwang pinagmamasdan ang aking nilinis. Ang sarap kaya ng ganoong feeling unlike kung may kasama kang iba sa bahay na hindi ka pa tapos mag-imis ay may bagong kalat na naman. Nasa ganoon akong sitwasyon nang may narinig akong kumakatok sa pinto.
Nagpunas ako ng pawis bago binuksan ang pinto.
“Delivery po,” nakangiting bungad ng delivery man. Cute ang mokong. Hehehe.
Hindi ko alam pero parang bigla akong pinahiran ng excitement sa buong katawan nang maaninag ko ang laman ng plastic bag pagkaabot sa akin ni Kuyang cute pagkatapos kong pirmahan ang resibo.
OMG! Sana galing kay Kuya Brando. Iyon ang naiusal ko kahit sa isang bahagi ng utak ko nagsusumiksik pa rin ang pangamba na baka tama si Tiya Beng na nagbalik si Kuya Brando para maghiganti sa pamamagitan ko.
Nagmamadali akong pumasok sa loob ng bahay, dumiretso sa kusina at sa may mesa ko inilabas sa plastic bag ang French fries at pineapple juice. Nang kunin ko ang pinakamahabang fries sa pulang lalagyan para kainin ay may sumamang papel na nakarolyo ng maigi.
Pagka-unroll binasa ko ang nakasulat:
“You are expected to come on site this coming Monday. We have to clear things out. – Engr. Clyde”
Nakaramdam man ako ng bahagyang lungkot dahil hindi galing kay Kuya Brando, iba pa rin ang dating sa akin ng note. ‘Clear things out’ ibig sabihin posibleng naniniwala na sila sa akin? Posible ding maayos na ang gusot na kinasangkutan ko? Ngayon pa lang ay excited na akong dumating ang araw ng lunes.
NAKAGAWIAN KO NA mula nang hindi na ako pumapasok sa OJT ang pumunta sa riverside ng Calumpang sa umaga basta may pagkakataon ako. Kaya kanina pagkatapos na itabi ko ang note galing kay Engr. Clyde ay tumuloy na ako dito baon ko ang fries at juice.
Gaya ng dati may kaingayan ang paligid dahil sa mga sasakyang nagdaraan. Idagdag pa ang mga taong dumadaan din na papasok sa kani-kaniyang mga trabaho at mga batang naghahabulan at naglalaro sa papainit na pang-umagang araw.
Umupo ako sa bench na inupuan namin noon ni Kuya Brando na ngayon ay bahagyang nalililiman ng mga puno sa may likuran. Kahit man lang sa ganoong paraan ay may koneksiyon pa rin ako sa kaniya.
Naubos ko na ang fries at nangalahati na ang juice nang may maramdaman akong tumabi sa akin sa may kaliwa. Hindi ko agad napansin dahil sa abala ako sa pagtingin sa mga batang naglalaro sa may bandang kanan ko. Kahit hindi ko pa siya nakikita ay natiyak ko nang siya iyon nang halos balutin ng amoy ng peras at banilya ang aming paligid.
“K-kuya Brando…” hindi ako makapaniwala na katabi ko siya. Lalo siyang gumwapo sa suot na uniporme na pang-site kahit pansin ang bahagyang pamamayat.
Maluwang ang kaniyang pagkakangiti at ang mga matang kulay brown ay nangingislap. “Rhett…”
Kasabay ng bigla kong pagyakap sa kaniya ay ang pagkatunaw ng anomang alinlangan sa aking puso’t isipan. Sa kasalukuyan ay ibinasura ko muna kung totoo man o hindi ang palagay ni Tiya Beng na nandito siya para maghiganti. Ang natira lamang ay ang katotohanang mahal ko siya at wala ng iba pa.
Kung gaano kahigpit ang yakap ko’y halos doble naman ng ginawa niya na halos mahirapan na akong huminga. Wala na kaming pakialam pa sa mga tao sa paligid – mga nagdaraan at nakamasid sa amin na halata ang pagkadisgusto at panlalait sa mukha. Sa mga bisig niya naramdaman ko ang kapanatagan ng loob at saya na nag-uumapaw sa aking puso. Saka ko pilit pinigilan ang pamumuo ng mga luha sa aking mga mata. Matagal kami sa ganoong puwesto bago kami kumawala sa isa’t-isa pagkatapos niya akong gawaran ng isang masuyong halik sa labi.
“Kuya Brando okay ka na,” tuwang-tuwang sabi ko.
Tumango siya. “Oo, nalampasan ko na rin ang nangyari.”
“Wala akong kasalanan sa nangya—“
“Alam ko. Naikwento na sa akin ni Clyde lahat ng nangyari pati na ang tungkol sa ‘yo.”
“Si Jimson, siya ang may pakana ng lahat. Ako ang target talaga niyang makuryenta.”
“Hayaan mo. Hahanap tayo ng ebidensiya para panagutan niya ang nangyari.”
Iba ang dating sa akin ng sinabi niya: parang isang pader na hindi magiba si Jimson. “Dapat masisante na siya,” hindi maitago ang galit sa aking tinig.
“Alam nating hindi ganoon kadali iyon, but we’ll find a way. Hindi niya matatakasan ang ginawa niya kahit na inaanak pa siya ni Chairman,” paniniguro ni Kuya Brando.
Kaya pala, biglang naisip ko. Kaya pala nasabi niya kay Chairman ang theory niya na planado ko ang aksidenre at bigyan ng motibo na ginawa ko iyon dahil sa galit at selos ko kay Kuya Brando. Hay! Kelan ba magwawakas ang kasamaan ni Jimson?
Hinawakan ko ang isang kamay ni Kuya Brando. “Pasensiya ka na, hindi kita naalagaan pagkatapos ng aksidente. Gustong-gusto ko man hindi ko pa rin nagawa. Itinago ka kasi ni Chairman sa akin.”
“Nag-usap kayo ni Chairman?”
“Oo, kuya. Noong nasa ER ka pa.” Gusto ko sanang idugtong na may nasabi si Chairman tungkol sa sinabihan siyang ‘to stay away from me’, at may ‘ipinangako’ siya at meron pang ‘history repeating itself’ pero nawalan ako ng lakas ng loob banggitin iyon.
Medyo nagbago ang timpla ng mukha niya na parang may biglang naisip. Napatingin sa umaagos na tubig sa baba ng breakwater saka muling nagsalita, “Sa resthouse na namin sa Tagaytay ako nagkamalay. Ikaw ang unang hinanap ko pero wala ka. Iyong katiwala lang namin ang naroon at si Clyde na hindi na rin pumasok sa site at siyang umalalay sa akin habang nagpapagaling.”
“Nag-try akong kontakin ang mga telepono ninyo ni Engr. Clyde.”
“Walang signal sa resthouse. Iyon ang parte ng Tagaytay na on-going ang improvement at kasalukuyang tinatayuan ng cell site. Sa rest house naman, may problema ang landline.”
“Kaya pala,”nakakaunawang pahayag ko. “Pero ayos lang iyon Kuya, ang mahalaga you’re back. Okay na okay ka na.”
Napatingin siya sa carton ng fries at plastic cup. “Dito mo na pala kinain?”
Bakit parang alam niya ang tungkol sa fries at juice? “Ah, ito ba? Padala ito ni Engr. Clyde.”
Tumawa siya ng bahagya. “Ako ang nagpadala niyan. Nauna lang kasing pumasok si Clyde sa site kaya napag-utusan kong magpa-deliver sa ‘yo. Sinabihan ko ding lagyan ng note. Nalaman ko kanina na hindi pala niya inilagay sa note iyong hintayin mo ako sa inyo at pupuntahan kita. Hindi tuloy kita inabutan sa inyo.”
Ramdam ko ang paghaba ng buhok ko ng tatlong sentimetro. “Paano mo nalamang nandito ako Kuya?”
“Hindi pwedeng kasama mo si Mr. Escobio dahil nasa site siya. Tinawagan ko siya, sabi nga niya’y mag-isa ka lang daw naiwan sa bahay kanina. Kaya naitanong ko sa sarili, saan kaya pwedeng pumunta si Rhett Santillan? Malamang pupunta siya sa isang lugar na mapapanatag siya, isang lugar na importante sa kaniya, isang lugar na kahit umakyat pa siya sa nakakandadong gate, okay lang basta mapuntahan lang niya.”
Natawa na rin ako sa huling binanggit niya. Hindi pa rin pala nalilimutan ni Kuya Brando ang ginawa kong pag-akyat sa gate nang unang gabing sumama ako sa kaniya. Pag-ibig nga naman, di bale ng umakyat sa gate at lumundag masunod ka lamang. Hehehe.
Nagbalik ang kasiglahan sa mukha niya. Inakbayan niya ako at hinila palapit sa kaniya. “Muntik na ako…”
Napasandig ang pisngi ko sa collar bone niya. “Oo, kuya. Muntik ka nang kunin sa akin ni Lord.”
Hinigpitan niya ang yakap. “Muntik na akong mawalan ng pagkakataong masabi sa iyo ito.”
Ang alin? Mabilis namang tanong ng aking isip.
Nag-angat ako ng mukha. “Iyon bang sinasabi ni Eunso sa akin?”
“Anong sinasabi sa ‘yo ni Eunso?” giit niya.
Pinakawalan ko ang isang nanunuksong ngiti. “Sabi kasi ni Eunso, you’re starting to fall for me.”
Napapantastikuhan siyang tumingin sa akin. “Nag-uusap kayo ni Mr. Lee ng tungkol sa akin?”
“Hindi naman Kuya, nabanggit lang niya noong nasa beach pagkatapos niya akong i-rescue.”
Napangisi siya. “Gusto mong malaman ang sagot?”
Pakiramdam ko’y excited pa talaga ako sa lahat ng excited. Para tuloy akong asong nakatingala habang iwinawagayway ang buntot na naghihintay hagisan ng buto ng kaniyang amo. “Oo, Kuya.” Bilis umamin kana. Magsalita ka na.
Binitawan niya ako, tumawa at nagsimulang tumakbo. “Habulin mo muna ako, pag nahuli mo ako saka ko sasabihin!”
Kaasar! Tama nga ang sinabi sa amin ng dati naming teacher ni Harry sa Psycho. Kahit hindi na bata ang isang tao, may mga instances pa rin na lalabas ang pagkabata at pagiging playful. Sige na nga bata na rin muna ako. Sakyan ko na lang siya sa pagiging bata niya kahit ngayon lang bawal ang kill joy.
Tumakbo na rin ako para habulin siya. “Kuya Brando!”
Masarap nga palang bumalik sa pagkabata kahit paminsan-minsan lang. Sa pagitan ng pagtakbo ay lumilingon si Kuya Brando na patuloy sa pagtawa para siguruhing malayo ang distansiya ko sa kaniya. Kapag binilisan ko ang takbo ay lalo niyang bibilisan at pag nagbagal ako’y ganoon din ang ginagawa niya.
Ilang benches na ang nalampasan namin sa kahabaan na iyon ng riverside nang kunwari ay hapong-hapo na ako. “Kuya Brando naman, bagalan mo ang takbo para mahabol kita!”
Natatawang binagalan nga niya ang pacing ng takbo hanggang sa makaagapay na ako sa kaniya.
“Mahina ka pala sa takbuhan,” pahayag niya.
Bigla namang niyakap ko siya mula sa likuran na nagpahinto sa amin. “Nahuli na kita Kuya. Kailangan mo nang sagutin ang tanong ko.”
“Ang daya mo Utoy,”sabi niya pero hindi naman nagtangkang kumawala sa pagkakayakap ko sa kaniya.
“Paulit ng sinabi mo Kuya.”
“Ang daya mo!”
“Hindi iyon…”
“Alin ba?” nakukulitan niyang tanong.
Gusto ko ng matawa. “Iyong huling salita.”
“Utoy?”
Tumango ako. Tuwang-tuwa. Tinawag na niya ulit akong Utoy. Gusto kong maluha. Sa tagal kong inasam ang ganito. Mas maligaya pala ako sa aktuwal kumpara doon sa naiisip ko lang.
“Iyon ang tawag mo sa akin noon, naaalala mo pa pala.”
“Oo naman Utoy,” masayang tugon niya. “Hindi ko naman iyon nakalimutan. Ako lang naman yata ang nakalimutan mo.”
“Hindi totoo iyan,” biglang napalakas ang aking tinig. “I swear, never kang nawala sa isip ko Kuya Brando.”
Akala ko nama’y nagbago ang isip niya at gustong kumawala kaya hinigpitan ko lalo ang yakap nang pumihit siya paharap sa akin. Dahil doon pareho kaming napatimbuwang sa lupa.
Nagpagpag kami ng dumi sa damit saka umupong magkatabi sa malapit na bench. Parehong humihingal at nagsisimulang mamuo ang pawis sa katawan.
“Ano Kuya, aminin mo na,” nakangiting hamon ko sa kaniya.
Nagkukunwari pa siyang hindi alam ang tinutukoy ko. “Ang alin Utoy?”
Kainis! Ayaw pa kasing umamin! Pero natuwa pa rin ako at narinig ko na naman ang magic word ‘Utoy.’ Daig pa noon ang isang magandang musika sa aking pandinig.
Nanahimik ako saglit hanggang maramdaman ko na lamang ang paghawak niya sa magkabila kong balikat at pinihit paharap sa kaniya. Tinitigan niya akong diretso sa mga mata. “I’m not starting to fall for you…iyon ang totoo Utoy.”
Feeling ko nama’y nagbabadya ng bumagsak ang mga ulap sa langit. “A-akala ko—“
Hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi saka masuyong kinamkam ang aking mga labi. Bakit ganoon, sabi niya, he’s not starting to fall for me pero iba naman ang nararamdaman ko sa halik niya sa akin? Sandaling na wipe-out lahat ng bagay sa paligid namin sa sarap ng pakiramdam ng pag-iisa ng aming mga labi. Gaya ng dati, pareho kaming naghahabol ng hininga nang lubayan niya ang aking bibig.
Maliwanag ang mukha niya nang magsalita, “Maging komplikado man ang ngayon at ang bukas dahil sa kahapon, wala na akong pakialam pa. Ang mahalaga alam kong may isang ugat dito sa puso ko na walang tigil na tumitibok para sa ‘yo.”
Napamaang ako sa sinabi niya. Ramdam ang paggapang ng kasiyahan sa aking puso.
“I’m not starting to fall for you because I’m done with it. I’m already in love with you.”
Naiiyak na ako tuwa sa pag-amin niya. “Mahal na mahal din kita Kuya Brando. Hindi lang ngayon dahil kahapon pa’y minahal na kita at alam kong mamahalin pa rin kita hanggang bukas.”
Minsan pa’y niyakap niya ako ng mahigpit. Ramdam na ramdam ko ang katapatan sa kaniyang mga sinabi. Nang tugunin ko ang yakap niya, alam kong kailangan ko nang ihanda ang sarili ko na masaktan kung sakali mang tama si Tiya Beng sa kaniyang palagay. Kailangan ko nang sumugal para kahit na matalo, maranasan ko pa rin ang magmahal at ang mahalin ni Kuya Brando.
Itutuloy
0 comments:
Post a Comment