Chapter 16 : In Love With Brando

Monday, February 14, 2011

By Joshx
----------o0O0o----------

MAG-AALAS-DIYES NA NANG umaga nang magising ako kinabukasan. O mas tama yatang sabihing noon na lang ako nagdesisyon na bumangon sa kama dahil hindi naman talaga ako nakatulog sa buong magdamag. Napakahapdi tuloy ng mga mata kong hirap na imulat sa pagtama ng sikat ng araw na lampasan sa aking bintana.

Dala ko pa rin hanggang ngayon ang negative feelings mula kagabi. Hindi pa rin mawalawala ang sakit sa puso ko ng mga pangyayari. Napakabigat na yata ng eyebags ko sa kaiiyak at wala na rin ang composure ko sa sarili. Naging larawan tuloy ako ng devastation, hopelessness at walang direksiyon ang buhay.

Hindi ko rin alam kung saan ako huhugot ng lakas ng loob para ituloy pa ang buhay. Naisip ko ang aking OJT na dapat sana’y kanina ko pa napasukan o at least man lang ay nakapag-text ako kay Engr. Clyde na hindi makakapasok lalo na’t kababalik ko pa lang sa SJR.

Bigat na bigat ang katawan na inabot ko ang cell phone sa sidetable.

Shit! Battery empty. Malamang pagkatapos ng walang katapusang redial kagabi ay namatay na ito ng tuluyan. Itinabi ko na lang ulit at hindi ko na pinagaksayahan pa ng panahong i-charge tutal wala na naman akong ini-expect pang tatawag o magti-text sa akin. Imposibleng gawin pa iyon ni Kuya Brando. Not now na okay na sila ni Kuya Rhon.
Isinuklay ko lang ang aking kanang daliri sa aking buhok bago mabibigat ang mga paang lumabas ng silid. Nagpasya akong dumiretso sa silid ni Kuya Rhon dahil naroon pa kasi ang lahat ng mga damit at gamit ko na hindi ko na nagawang ilipat kagabi.

Kakatok sana ako sa pinto pero bukas na ito at wala si Kuya Rhon sa loob ng silid. Magaan ang utak at mabigat ang katawan na pinilit kong kumuha ng damit na ipapalit sa suot kong pajama.

Palabas na ako nang mapansin ang mga picture na nakakalat sa may sidetable. Hindi ko alam kung bakit parang may pwersang humihikayat sa akin na tingnan ang mga iyon. Tumingin muna ako sa labas at medyo nakiramdam kung may parating bago nilapitan ang mga larawan.

Mga pictures lahat ni Kuya Rhon, mga shots sa Korea, ang background ay sa kaniyang opisina, sa kaniyang bahay at sa mga magagandang tourist destination sa bansa. Lahat mukhang bagong kuha lang at ang size ay puro 3R maliban sa isang wallet size na medyo nanilaw na ang photopaper na pinagdebelopan at nakataob ito kaya iyong sort of dedication in handwriting ang una kong napansin.

May naalala tuloy ako bigla: ito kaya ang picture sa wallet noon ni Kuya Rhon na ayaw ipakita sa akin at nang at last ay nakita ko na ay napalitan na ito ng Tazmanian Devil? The same picture na nasa wallet at hawak ni Kuya Brando noong time na nagkakalabuan na sila? Picture ba iyon ni Phen?

Hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking kamay nang kunin ko ang picture at binasa ang dedication:


Rhon,

I finally found the love in you…

Phen


Ang date na nakalagay ay more than ten years ago na. Nang pihitin ko ang picture, half body shot iyon ni Kuya Rhon, iyong hitsura niya noong 19 yrs old pa lang siya at yakap niya mula sa likod ang isang lalaki na tingin ko ay mas bata sa kaniya ng dalawang taon na malamang ay si Phen. Kinunan sa isang disco house ang picture base na rin sa makikita sa background nito.

Guwapo nga si Phen at kakaiba talaga ang hatak ng appeal. Pero habang pinagmamasdan ko siya ay may naaalala akong kamukha ni Phen na nakita ko somewhere hindi lang matukoy ng mahilo-hilo ko pang isip dahil sa mga nangyari mula pa kahapon.

Ipinikit ko ang aking mga mata sa pag-asang luminaw at matagpuan sa pinaglagakan ng isip ko ang hinahanap kong lugar kung saan ko nakita si Phen. Pagkatapos ng ilang sandali, naalala ko na. Sa kabila ng pagod ay naalimpungatan ko na lang ang sariling mabilis na nagbibihis para puntahan ang lugar.


“PAKIHINTAY NA LANG PO si Engr. Clyde at palabas na.”

Nagtatakang sabi sa akin ng katulong habang mariin akong nakatitig sa half body shot picture nina Kuya Brando at ni James na ayon din sa katulong na kaharap ko ngayon, na nasa picture frame na nakapatong sa entertainment cabinet sa malaking bahay ng mga Ramirez kung saan ako dinala ng mga paa ko sa paghahanap sa kamukha ni Phen. Nilapitan ko pa ito saka itinabi ang hawak kong wallet size na picture.

No doubt, magkamukha si Phen at si James. May kaugnayan kaya sila o sadayang magkamukha lang? Kambal ba sila o iisang tao lamang?

Tinapunan ko ng nagtatanong na tingin ang katulong. Lumapit naman ito sa kinatatayuan ko saka napangiti nang makita ang hawak kong picture. “May picture po kayo ni Sir James?”

Bakit James ang tawag ng katulong kay Phen? Parang sigurado ito sa sinabi na binalewala ang posibilidad na magkamukha lang sila?

“James…?”

“Opo, ‘yang nasa picture frame at ‘yang nasa hawak ninyo parehong si Sir James. Pati iyang kasama niya parang namumukhaan ko rin,” siguradong-siguradong sabi ng katulong.

“Si Phen ito,” giit ko.

Parang clueless naman ito sa iniisip ko at may kainosentehan nang magsalitang muli. “Opo. Si Sir James—si Sir Stephen—at si Sir Phen ay iisa.”

Namilog ang mata ko at hindi halos makapaniwala sa narinig. “Ano?!”

“Opo. Ang full name po niya ay Stephen James Ramirez. Ang tawag po ni Sir Brando at kami ni Inay sa kaniya ay James. Iyong iba naman ay Stephen pero mas gusto niyang tawagin siya sa palayaw na Phen. Sa mga kaibigan niya lalo na iyong may espesyal na puwang sa kaniyang puso, ang gusto niya ay tawagin siyang Phen. Pero medyo nakalimutan ko na rin siya kundi lang dahil kay Inay na palaging ikinukwento siya sa akin tuwing nagtatanong ako. Sa katunayan initials po niya ang SJR sa pangalan ng kumpaniya nila.”

OMG! Ibig sabihin ang third party na si Phen ay kapatid ni Kuya Brando! Ang tunay na anak ni Chairman. At bakit hindi ko nga pala napagtuunan ng pansin na ang SJR sa SJR Construction Corporation ay Stephen James Ramirez!

Tumingin ako sa family portrait doon sa isa pang batang lalaki. “Si Phen din ba iyon?”

Tumango ang katulong.

“All I thought walang anak si Chairman at inampon nila si Kuya Brando. Sabi pa nga ni Engr. Clyde nag-iisang anak lang si Kuya Brando.”

“Meron po. Si James po ang tunay nilang anak. Baka ganoon lang ang nasabi ni Engr. Clyde kasi—“ Biglang nalungkot ang mukha nito sa naisip.

“Kasi ano?”

“Kasi matagal na pong patay si Sir James. Nagpatiwakal po siya sa paglunod sa sarili sa swimming pool sa labas. Kaya nga mula noon hindi na nilagyan pa iyon ng tubig. Kasama niya si Sir Brando pero hindi siya nakuhang sagipin sa pagkalunod.”

“Paanong hindi nasagip?”

“Nag-inuman po silang dalawa nang gabing iyon. May problema daw si Sir James, ayon kay Inay, brokenhearted daw – ,” napatingin siya sa hawak kong picture na parang pilit kinikilala si Kuya Rhon. Maya-maya ay muling nagsalita sabay turo kay Kuya Rhon. “Naaalala ko na siya. Siya iyong palaging nandito sa bahay at minsa’y dito pa nga natutulog, mga ilang araw pagkadating ni Sir James. Mga ilang lingo ko din nakikitang magkasama sila palagi ni Sir James hanggang dumating iyong panahon na dumalang ang pagpunta niya tapos wala na…hindi na siya nagpunta pa.”

“Si Kuya Rhon ito,” mahinang sabi ko.

“Oo nga. Naalala ko na. Pinakilala nga pala siya ni Sir James na si Sir Rhon. Siya ang tinutukoy ng Inay na nang-iwan kay Sir James. Kaya nang gabing iyon nag-inuman sila Sir James at Sir Brando tapos nalasing sila at nakatulog. Nang maalimpungatan si Sir Brando, nakita na lang niyang nakalutang si Sir James sa swimming pool at wala ng buhay.”

“Kaya pala ayaw na niya ang swimming,” mahina kong bulong sa sarili pero narinig pa rin ng katulong.

“Traumatic kasi ang pagkalunod ni Sir James sa kaniya.”

Kung ayaw na niya ng swimming at napilitan lang siyang sumama dati sa beach sa Nasugbu para bantayan ako ayon sa kaniya, ibig sabihin totoong may pagtingin siya sa akin. Napakahirap kayang gawin iyong bagay na maghaharap sa iyo sa traumatic experience mo dati. Pero binalewala niya ang takot dahil mahal niya ako. Mahal ako ni Kuya Brando. Naisip ko na baka hindi naman totoo na sila na ulit ni Kuya Rhon.

Kahit papaano’y lumilinaw na ngayon ang mga katanungan na matagal na namalagi sa aking isip. “Kailan siya nalunod?”

“Matagal na po. Eksaktong eleven years na po ngayong araw na ito.”

“Malamang naging malaking dagok iyon kay Kuya Brando,” sabi ko para patuloy na i-encourage ang katulong na magsiwalat ng nalalaman.

“Opo, lalo na’t nagbabakasyon lang dito si Sir James noon galing Amerika.” Tumingin ito sa picture frame. “Iyan nga po ay kuha nilang dalawa nang sunduin ni Sir Brando sa airport si Sir James.”

Biglang bumalik sa akin iyong pangyayari nang puntahan ako sa skul ni Kuya Brando dahil nawala ang coin purse ko at bigyan na rin ng french fries at juice, sabi niya pinakiusapan lang siya ni Kuya Rhon saka hindi naman siya papasok sa mga susunod niyang subjects dahil may susunduin siya sa Maynila. That means si Phen iyong sinundo niya noon at siya din ang kausap niya sa telepono noong kinagabihan na parang may lakad sila pero hindi niya ako maiwan at hindi rin makontak si Kuya Rhon.

“Pagkatapos nga ng pangyayaring iyon, isinisi ni Chairman na noo’y nasa Amerika kay Sir Brando ang pagkamatay ni Sir James. Hindi man lang daw kasi inalagaan ng maayos ni Sir Brando si Sir James at pinabayaan niya ito. Iyo ng nga lang daw sana ang pwede niyang gawin bilang pasasalamat sa pagkalinga sa kaniya ng mag-asawa tapos ay nabigo pa sila. Pagkatapos noon, hindi ko na nakita pang muli si Sir Brando. Sabi ni Inay, sa galit daw ni Chairman sinabihan daw niya si Sir Brando na huwag ng magpakitang muli sa kanya.”

Nagdudugtong-dugtong na ang mga rebelasyon. Ibig sabihin nito naging sobrang bitter nga si Kuya Brando at dahil alam ito ni Kuya Rhon kaya nila nasabi ni Tiya Beng na nagbalik talaga siya para ipaghiganti ang pagkamatay ni Phen.

Hindi kaya pumayag si Kuya Brando na makipagbalikan kay Kuya Rhon dahil mas masarap sa kaniyang pakiramdam na gantihan ngayon si Kuya Rhon pagkatapos niya akong saktan? Para nga namang hitting two birds in one stone. Nakapaghiganti na siya kay Kuya Rhon dahil nasaktan na ako at muli siyang gaganti this time kay Kuya Rhon mismo. Baka iyon ang motibo niya sa pakikipagbalikan niya kay Kuya Rhon ng ganoon lang kadali.

Nasapo ko ng aking kamay ang aking noo saka marahang hinilot. Para naman akong mahihilo sa kaiisip.

“Kadadating nga lang po ni Sir Brando galing ospital kani-kanina at umalis muli papunta sa sementeryo para dalawin si Sir James sa death anniversary nito.”

Hindi na rumehistro sa isip ko ang binanggit ng katulong na kagagaling lang ni Kuya Brando sa ospital. Pati na iyong tanong kung bakit siya galing doon o kung sinoman ang pinuntahan niya.

Hindi ko na hinintay lumabas si Engr. Clyde tutal hindi naman talaga siya ang pakay ko. Siya lang ang hinanap ko sa guwardiya para makapasok ako sa bahay ng mga Ramirez. Nagmamadali na akong umalis sa kagustuhan na puntahan si Kuya Brando sa memorial park na sinabi ng katulong. Kailangan ko talagang marinig ang side niya ng story.


WALA PANG TATLUMPUNG minuto narating ko na ang memorial park. Sa lawak nito, alam kong matatagalan bago ko mahanap si Kuya Brando. Naisipan kong maghanap ng kotseng puti at ilang saglit lang nakita ko na ang kotse niyang nakapark saka ko natanaw sa may di kalayuan si Kuya Brando na nakatayo sa harap ng isang puntod.

Mabilis ang ginawa kong paglakad sa gitna ng mainit na araw. Bago pa ako tuluyang makalapit, napahinto na ako nang makita kong may kasama pala siya. Maingat akong lumapit saka nagkubli ng sarili sa isang punong malapit sa kanila. Kaya pala hindi ko napansin kaagad ang kasama niya dahil nakatagilid sa akin si Kuya Brando at natatakpan niya ang kasama.

Kagaya kahapon, unti-unting nanariwa ang sugat sa aking puso nang masino ko ang kasama niya. Walang iba kundi si Kuya Rhon!

Ang lahat ng naipong lakas ko kanina papunta dito ay parang hinigop lahat ng punong kinasandalan ko. Napaiyak na lang ulit ako. Magkasama silang dalawa. Parang na-confirm ko na rin na totoo nga ang sinabi sa akin ni Kuya Rhon kagabi na sila na ulit. Nawala ng tuluyan ang maliit na pag-asa kong baka nagsisinungaling lang si Kuya Rhon. Na baka gawa-gawa lang niya ang kwento para iwasan ko si Kuya Brando ng tuluyan gaya ng gusto nilang mangyari ni Tiya Beng.

Kaya hindi na rin sagutin ni Kuya Brando ang mga tawag ko dahil pinili na rin niya ang manahimik. Ipinaubaya na lang niya ay Kuya Rhon ang pagsasabi sa akin tungkol sa kanilang pagkakabalikan.

Hindi na pala ako dapat nagpunta dito para kausapin si Kuya Brando at malinawan ang mga pangyayari. Malamang kaya sila magkasama ngayon para sabihin kay Phen na sila na ulit ni Kuya Rhon at baka humingi na rin ng kapatawaran sa sinapit nito.

Mula sa pagkakasandal sa puno ay padausdos na rin akong napaupo sa panghihina at panlulumo nang makita ko pa silang magkasabay na umalis. Si Kuya Brando ang nagda-drive ng kotse samantalang si Kuya Rhon ay katabi nito sa passenger’s seat.

Mukha ngang totoo ang kasabihan: Love is sweeter the second time around. Ganoon nga ba talaga iyon? O kailangan kong bigyan ng babala si Kuya Rhon sa posibleng motibo ni Kuya Brando sa pakikipagbalikan sa kaniya?

Hindi ko kayanin ang ihatid pa sila ng tingin palabas ng memorial park. Napatungo ako saka mariing nagpikit ng mga mata para pigilan ang aking luhang walang tigil sa pag-agos.

Ilang minuto akong nanatili sa ganoong posisyon hanggang makaipon akong muli ng lakas saka pinuntahan ang puntod na may mga bouquet of fresh flowers pa at kandilang nakasindi. Si Stephen James Ramirez nga ang nakalagak doon base na rin sa pangalan na naka-engrave sa marmol na lapida.

Umusal lang ako ng maiksing panalangin para sa ikatatahimik ng kaniyang kaluluwa bago ako tuluyang umalis.

Alas-dose na ng tanghali pero hindi pa rin ako makaramdam ng gutom.


BUKOD SA PARANG BLANGKO ang isip at mabigat ang katawan, may kakaiba pa akong nararamdaman habang naglalakad ako papalapit sa bahay namin. Masyadong strange ang feeling. Iyon tipong bigla ka na lang kakabahan at parang may mangyayaring hindi maganda. Sinabayan pa ang pakiramdam na iyon ng biglang pagkapal ng ulap sa kalangitan na tumabon sa kanina’y mainit na sikat ng araw.

Maya-maya lang nagsimula ng umambon na nagpabilis ng aking paglakad at nagwalis sa mga nagkalat na tao sa daan na nagkaniya-kaniyang takbuhan sa kanilang bahay.

Ang ambon ay lumakas at naging ulan, halos kasinlaki na ng piso ang patak sa lupa.

Finally, hinarap ko ang masamang mangyayaring iyon nang halos nasa harapan na ako ng gate ng aming bahay ay may narinig akong putok ng baril mula sa aking likuran. At an instant hindi ko iyon masyadong ininda kundi ko lang naramdaman ang pag-iinit ng aking balat sa itaas ng aking kaliwang balikat na dumugo nang madaplisan ng bala. Sa lakas ng ulan kumalat ang dugo sa suot kong tshirt at ang iba ay pumatak at kumalat sa tubig ulan na naipon sa inaapakan kong lupa.

Pumihit ako paharap sa pinanggalingan ng bala. Mga limang metro mula sa aking kinatatayuan, hawak ni Jimson ang baril. Bakas sa mukha niya ang pinaghalong galit at tuwa sa pagkatutok niya ng baril sa akin. Na-sense ko ang danger. Alam kong ito na ang sinasabi ni Vlad sa akin. This time sisiguruhin na ni Jimson na he’ll come out triumphant! And this time gaya ng sinabi ko na, hindi ko na siya uurungan.

“Baka naman gusto mo pang umiwas na naman this time.”

Napangisi ako ng nakakaloko. “Not this time my dear.”

Natawa siya. Firm na firm pa rin ang pagkakahawak niya ng baril. “I am glad that finally you’ve got your balls intact.”

“Yup. And I’m sad that you’ve lost yours now.”

Nakita ko ang pag-level up ng galit sa kaniyang mukha. Nagtagis din ang kaniyang mga bagang. Saka huminga at sinalat ng isang kamay ang harapan para imuwestrang naroon nga bago muling nagsalita. “Still here, never detached even a second.”

“Kung ganoon bakit kailangan pa ng baril? Kung matapang ka, you won’t need one.” Pangde-dare ko sa kaniya. Aminado kasi akong sa layo niya sa akin, wala talaga akong magagawang iba kundi ang hamunin siya ng suntukan. Kahit na nanghihina ako at nararamdaman ang pananakit ng sugat sa aking balikat.

Humakbang siya ng dalawa palapit. “You cannot fool me. Enough of this nonsense!”

Nawalan na ako ng pag-asang mapigilan ko pa siya. Bago ko ipinikit ang aking mga mata para harapin ang aking wakas, nakita ko ang paggalaw ng kaniyang hintuturong daliri sa gatilyo ng baril.

“Huwag!”

Narinig kong sigaw ng isang pamilyar na tinig para pigilan si Jimson. At sa isang iglap umalingawngaw ang putok ng baril sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Naramdaman ko rin ang pagbagsak ng katawan ng sumigaw na siyang umako sa bala na dapat ay sa akin.

Pagmulat ko ng mga mata nakita ko si Tiya Beng na nakahandusay sa lupa, mabilis na kumalat ang dugo sa suot na damit na nagmula sa pagitan ng dalawang didbdib kung saan tumama ang bala.

“Tiya Beng!” Halos pumalahaw na ako sa kalunos-lunos niyang katayuan. Niyakap ko siya saka kinausap. “Tiya Beng, huwag kang bibitiw….dadalhin kita sa ospital…mabubuhay ka!”

Kahit hirap ay nagpumlit naman si Tiya Beng na buksan ang mga mata para bigyan ako ng assurance na buhay pa siya.

“Kung pareho pa kayong aabot ng buhay sa ospital,” sambit naman ni Jimson na daig pa ang demonyo sa pagkakangiti. Humakbang pa ito palapit sa amin ni Tiya Beng saka tumigil mga dalawang metro ang layo.

Ramdam ko ang pag-akyat ng lahat ng dugo sa aking ulo. Maingat kong inilapag sa lupa si Tiya Beng pagkuwa’y tumayo ako para harapin si Jimson, ang bigat ng aking katawan ay hinati ko sa pagkakatayo sa aking dalawang paa. Hindi naman nawala sa pagkakatutok ang baril sa akin.

“Sige barilin mo na ako!” galit na galit kong hamon sa kaniya. Humakbang ako palapit para magkaroon ako ng pagkakataong sipain ang kaniyang hawak na baril. Naisip ko na isang side kick lang sa baril ay siguradong mabibitawan na niya ito. Kahit naman matagal na kaming hindi nagi-sparring ni Harry, hindi ko pa rin naman nakakalimutan ang taekwondong itinuro niya.

Itinutok niya sa mismong sentido ko ang baril. “Lumuhod ka! Luhod!”

Umiling ako. “Hindi ka Diyos para luhuran!”

“Yeah, I know but not until now. On your knees!” giit niya na lalong tinaasan ang boses.

Humakbang pa siya palapit. Mabilis ang ginawa kong pagkalkula kung aabot na ang sipa ko sa kaniya. Nang sa tingin ko’y kulang pa, lumapit pa ako ng kaunti saka nagkunwaring yuyuko para lumuhod ayon sa kagustuhan niya.

Sumilay naman sa kaniyang mga labi ang ngiti ng tagumpay. At iyon ang naging hudyat ko dahil iyon ang moment na mahina siya at hindi nag-iisip ng counter-attack. Mabilis kong itinaas sa ere ang aking kanang paa saka sinipa ang hawak na baril.

Nagulat siya sa pagsipa ko. Nabitawan niya ang baril at bumagsak sa may tabi mga ilang metro ang layo sa amin.

Hindi ko na siya hinayaang makabawi pa sa kabiglaanan. Ang sumunod na pinawalan kong malakas na sidekick ay diretso na sa kaniyang mukhan na nagpabagsak sa kaniya sa lupa at mabilis na nagpadugo sa kaniyang bibig at ilong.

Tinapunan ko ng tingin si Tiya Beng. Alam kong kailangan na niyang madala sa ospital sa lalong madaling panahon pero hindi ko kayang palampasin ang pagkakataong ito na harapin si Jimson at iparamdam sa kaniya lahat ng naramdaman ko sa mga ginawa niya sa akin. Kung konting oras lang ay alam kong manageable pa sa kaondisyon ngayon ni Tiya Beng.

Dinampot ko ang baril sa lupa. Nilapitan ko si Jimson, ang dugong sa bibig at ilong ay umagos na rin kasama ng patak ng ulan at kumalat sa lupa. Ako naman ngayon ang nagtutok sa kaniya ng baril.

“Lumuhod ka sa harapan ko!” buo ang loob na utos ko sa kaniya. Halos manginig na ang kalamnan ko sa galit. Lahat ng ginawa niyang kasalanan sa akin ay biglang nag-accumulate at na-refresh sa aking isip. Nagtagis ang aking mga bagang.

Kahit hirap ay nagpumilit bumalikwas si Jimson. Sa unang pagkakataon, nakita ko ring nabahiran ng takot ang kaniyang mukha. Hinintay ko siya hanggang magtiklop-tuhod siya sa aking harapan.

“Patawarin mo na ako Rhett,” pakiusap niya na halos manginig ang tinig. Pinagdikit pa nito ang kaniyang dalawang palad na parang sa isang batang ngayon pa lang natututong magdasal. Ang boses ay puno ng pagsisisi.

Tumawa ako ng malakas. Napakasarap ng pakiramdam. Itinutok ko sa kaniyang sentido ang baril. “Hindi ka lang sa akin nagkasala,” pahayag ko sa kaniya base sa mga sinabi sa akin ni Vlad.

“Oo, alam ko. Kung gusto mo iisa-isahin ko sila, hihingi ako ng tawad sa kanila. Maawa ka na Rhet, huwag mo akong patayin.” Bukod sa patak ng ulan, napansin ko ang pag-agos ng luha mula sa kaniyang mga mata.

Lihim akong napangiti at nagdiwang. Hindi naman pala matapang ang Jimson na ito, nagtatapang-tapangan lang.

Nang idiin ko ng mariin ang baril ay hindi na nakayanan pa ni Jimson ang hindi mapasigaw. “Rhett maawa ka, please!”

“Huwag Rhett! He’s not worth it!” sigaw naman ng isang tinig na hindi naman galing kay Tiya Beng pero kilalang-kilala ko rin.

Mga ilang metro mula sa amin, naroon si Engr. Clyde, basa ng ulan at hangos mula sa pagtakbo. Lalapit pa sana lalo sa akin nang makita si Tiya Beng na siya niyang nilapitan.

“Beng ikaw ba ‘yan?” parang kinikilala pa ni Engr. Clyde si Tiya Beng. Nang mapagtanto niya na ito nga, iniangat niya ang ulo nito saka sinalo sa kaniyang bisig at nahintakutang nagsalita. “Beng may tama ka…gumising ka Beng!”

Para namang nahimasmasan ng kaunti si Tiya Beng sa pagtawag sa kaniya. Pinilit nitong idilat ang mata. Halos pabulong na lang siyang nagsalita. “Clyde…”

Sa kabila ng galit ko at pahihiganti kay Jimson na nasa aking dibdib, hindi ko pa rin napigilan ang sarili kong magtaka. As far as I know, ngayon lang nakita ni Engr. Clyde si Tiya Beng…but basing from his reaction and hers, parang matagal na silang magkakilala!

Ibinalik ko ang pansin kay Jimson. Babarilin ko ba siya para matapos na ang lahat ng kasamaan niya o hayaan ko na lang siyang harapin sa batas ang lahat ng ginawa niya? Pero hindi ba dapat lang na sa akin siya magbayad?

Nagngangalit ang aking mga panga at determinado ang aking kamay na lalong idiniin ang baril sa noo ni Jimson saka inipon ang lakas ko at dinivert sa kanang hintuturo bilang paghahanda sa pagkalabit ng gatilyo na tatapos kay Jimson.

Ang sumunod ay ang malakas na pagpalahaw ni Jimson at pag-alingawngaw ng putok ng baril.

Itutuloy

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP