Chapter 18 : In Love With Brando - Ending

Monday, February 14, 2011

By Joshx

----------o0O0o---------

INILAPAG KO ANG basket ng beautifully arranged fresh flowers sa may taas ng lapida ni Tito Chairman saka sinindihan ang kandilang nakatirik. Medyo malamig pa ang simoy ng hangin at kalat pa rin ang hamog na marahang pinaglalaho ng papasikat na araw. Isang lingo na rin ang matuling lumipas mula nang mailibing si Tito Chairman.

Tumayo akong muli saka pumagitna kina Daddy Clyde at Mommy Beng.

“Napakabait pala niya Daddy,” sabi ko habang titig pa rin sa naka-engrave niyang pangalan in gold letters sa itim na marmol na lapida.

“Oo, Rhett. Kung sa iba lang, malamang hindi gagawin ang ginawa niya.”

Tumango ako ng marahan. “Oo nga, Daddy. Ako nga din ay nagulat nang basahin ng kaniyang Attorney ang last will and testament four days ago na nagsasabing lahat ng kaniyang properties ay ipinamamana sa iyo.”

“And he did that last changes in the will bago siya inatake nang malaman niyang buhay ka pa nang magkausap sila ng kinilala mong Mommy.”

Nalungkot ako sa isiping ang ipinamana lang kay Kuya Brando ay cash na nasa bangko na nagkakahalaga ng 300 million pesos. Sabagay malaking halaga na iyon pero siyempre kung titingnan ng marami dapat ay kay Kuya Brando ipinamana lahat ng ari-arian dahil legally adopted naman ito.

Kahit papaano nama’y tahimik lang na tinanggap ni Kuya Brando ang naging desisyon ni Tito Chairman habang binabasa ang last will. Ako naman ay nanatili sa aking stand na tuluyan na siyang layuan at hayaan ko na silang dalawa ni Kuya Rhon na pareho ko ng hindi nakakausap simula ng mamatay si Tito Chairman at mailibing. Hindi sa ayaw kong kausapin si Kuya Rhon, pero talagang nawalan na lang ako ng oras dahil sa mga sunod-sunod na pangyayari at mukhang pinili na ring niyang manahimik at huwag ng buksan pa ang tungkol sa kanila ni Kuya Brando na lalong nagpapasakit sa aking nararamdaman.

Si Kuya Brando naman ay nag-attempt na makausap ako noong panahon ng lamay na pilit kong iniiwasan. Maging si Daddy Clyde ay nagpasaring sa akin na at least man lang bigyan ko daw ng chance si Kuya Brando na i-explain ang side niya ng story. Pero hindi ko sila pinaunlakan dahil flooded kasi ang isip ko ng mga nangyari at hindi ko na kayang dagdagan pa ng mga paliwanag niya, hindi ko rin naman alam kung paano ko tatanggapin.

Hindi na rin naman naging mahirap sa akin totally ang iwasan si Kuya Brando dahil mula nang mamatay si Tito Chairman ay pinili nitong sa hotel na ito mamalagi habang kami naman ng aking pamilya ay nanatili sa malaking bahay.

Sumabad naman si Mommy Beng. “Higit pa naman doon ang dapat nating ipagpasalamat sa kaniya. Itong pagkakabuo ng ating pamilya, indirectly ay nakatulong siya.” Kahit nasa harap kami ng puntod ay hindi pa rin niya mapigilan ang saya sa mukha. Sa tinagal-tagal nga naman ng panahong paghihirap na pinagdaanan niya sa kaniyang unang asawa, at least happy ending pa rin ang kwento ng pamilya namin. Nawalis lahat ang agam-agam sa kaniyang isip nang makita niya kami ni Daddy Clyde na nagbabantay sa kaniya sa hospital bed nang magkaroon siya ng malay. Immediately sinabi ko sa kaniya na alam ko na ang lahat at wala na siyang dapat ipangamba dahil pinatatawad ko na siya. Imposible mang paniwalaan ng iba na napakabilis kong magpatawad pero iyon talaga ang nasa puso ko.

Katabi ng puntod ni Tito Chairman ay ang kay Phen na pinsan ko. Saglit kaming nanahimik para umusal ng panalangin para sa ikatatahimik ng kaluluwa nilang dalawa.

Maya-maya lang magkakasama na kaming sumakay ng kotse pauwi sa malaking bahay na siyang tinutuluyan na namin ngayon.



“SIR RHETT MAY TAWAG po kayo.”

Boses iyon ng katulong na nagpadisrupt sa aking pagkakaupo sa gilid ng swimming pool, ang mga paa ay natutuwang ikinakampay sa tubig. Sa unang araw ng pagtira naming magkakasama sa malaking bahay pagkalibing kay Tito Chairman ay pinalagyan na ng tubig ni Daddy Clyde ang pool sa hiling ko na rin. Naisip ko kasing sa paglalagay ng tubig sa pool ay hudyat na rin iyon ng pagtatapos sa isang mapait na kabanata sa buhay ng aming angkan.

Iniabot sa akin ng katulong ang wireless phone. “Hello…”

“Hi Rhett...” bungad ng nasa kabilang linya, ang boses ay pinilit na tumunog na friendly.

“Yes Miss Elizalde?” pormal kong tanong sa kaniya. Iba ang dating sa akin ng babaeng ito na simula pa lamang ay hindi ko na talaga nagustuhan. Ilang beses na itong tawag ng tawag na talaga namang nakakairita.

“Iimbitahan sana kitang mag-dinner tonight.”

OMG! Anong akala ng Yzah’ng ito? Easy to get ako? Kapal naman talaga ng mukha na matapos makipagkalas kuno(?) kay Kuya Brando nang malaman na hindi ito ang tagapagmana ng SJR ay heto naman at ako ang gustong puntiryahin. Ako naman ang gustong maging fiancĂ© niya.

Sa kabila ng inis ko, nagawa ko pa rin maging polite sa phone. “Sorry Miss Elizalde but I don’t have time to spare for a dinner.”

“Maybe tomorrow night?”

“Sorry—“

“How about the night after tomorrow,” pangungulit nito.

“My schedule is full,” sabi ko pa rin kahit nagngingitngit na ang loob ko sa inis.

“In that case, just give me a date when you will be free. Ako na lang ang mag fit in.”

Hindi ko na talaga kaya, “Sorry Miss Elizalde but I have to tell you this, hindi ako interesado sa iyo o sa kung anoman ang proposal mo. Not tonight, not tomorrow and not even in this lifetime.”

Mukha namang nasaktan siya sa sinabi ko kaya to redeem herself, “Akala mo ba gusto kita? Kung hindi lang dahil sa parents ko, I will not be talking to you now. You freak!”

Naramdaman ko ang biglang pag-akyat ng dugo sa aking ulo na pinilit ko namang kontrolin. “Okay, thank you for your time. Don’t dare to call me again. Have a nice day,” sabi ko saka pinindot ang button para sa end call.

Natawa na lang ako sa Yzah Elizade’ng iyon. Kakaiba talaga siya.

An hour later, dumating naman sina Harry at Eunice na inestima ko na rin sa nipa hut cottage na ipinabili ko kay Daddy at inilagay sa may tabi ng pool.

Ngayon ko na lang ulit nakita si Eunice dahil hindi siya kasama ni Harry noong pumunta sa lamay ni Tito Chairman. May pamahiin kasi ang pamilya nila na hindi pwedeng pumunta sa lamay o sa may namatay ang isang buntis dahil mahihirapan ito sa panganganak. Tingin ko’y medyo tumaba siya kumpara dati. Siya mismo ang nag-abot sa akin ng isang light green envelope nang magkaharap na kami sa mesang yari sa kawayan.

“Ano ito?” napapantastikuhan kong tanong sa mga mukha nilang parehong maluwang ang pagkakangiti.

“Buksan mo,” masayang sabi ni Harry na ngayon ay hindi na skin head na mukhang sinadya ng pahabain ang buhok na nasa 10mm na siguro ang haba.

Natuwa naman ako nang makitang invitation iyon sa nalalapit nilang kasal. “Akala ko ba Harry after pa nating makapag-board exam, bakit next month na agad?”

“Ganoon din naman iyon, magpapakasal din kami ni Eunice, kaya bakit patatagalin pa?” proud niyang sabi.

Si Eunice naman ang nagsalita. “Isa pa, ayaw kasi ni Harry na isilang ang anak namin nang hindi kami kasal.”

Nakangiting tumango naman si Harry bilang pagsang-ayon. “Siyempre kahit pa sabihing pwede na naman ngayon na isunod sa apelyido ko ang anak namin, lilitaw at lilitaw pa rin sa birth certificate niya na hindi kami kasal noong isilang siya. Ayoko naman na dumating iyong time na may isip na siya at magtanong kung bakit hindi kami kasal nang isilang siya at pagdudahan niya ang relasyon namin ng kaniyang ina.”

Wow! Ano pa nga ba ang masasabi ko sa paninindigan ni Harry kundi, “Approve na approve sa akin ang kasalang iyan!” Ini-scan ko ang laman ng invitation, “Ako ang Best Man?”

“Alangan namang ikaw ang Maid of Honor ko?” natatawang turan ni Eunice.

“Puwede ba?” masayang biro ko.

Halos pamulagatan ako ng mata ni Eunice. “Siyempre hindi pwede.”

Napatawa na rin kaming pareho ni Harry.

Umalis din sina Harry at Eunice pagkatapos makapananghalian. Matutulog muna sana ako sa aking silid nang sabihin ng katulong na dumating daw si Kuya Rhon at gusto daw akong makausap. Sinabihan ko na lang ang katulong na sa nipa hut ko na rin siya kakausapin.

Ibang Kuya Rhon ang humarap sa akin, walang mababanaag na saya sa kaniyang mukha at parang bigat na bigat ang katawan sa kung anoman ang bumabagabag sa kaniyang kalooban. Tingin ko nga’y medyo namayat ito pero naroon pa rin ang kakaibang appeal na dulot ng kaniyang long hair at goatee na bumagay sa moreno complexion nito at hunk pa ring tingnan. Parang talagang isang bida ng Mexican telenovela.

Umupo kami magkaharap sa loob ng cottage.

“Kumusta ka na?” iyon lang ang naisip kong itanong dahil muli na namang nanariwa sa akin ang sakit na naramdaman ko sa pagbabalikan nila ni Kuya Brando.

“Heto, restless at guilty,” maikling sagot niya pero ramdam ko ang emosyon na itinatago sa dibdib.

Bakit ganoon ang sagot niya? Hindi ba siya masaya sa piling ni Kuya Brando? Hindi ba’t for more than ten years ay inasam niya na magkabalikan silang dalawa? O baka naman nagkatotoo na ang iniisip ko dati na kaya nakipagbalikan si Kuya Brando sa kaniya ng ganoon kadali ay para pahirapan siya na karugtong pa rin ng original plan nito?

“Hindi ka na kasi dapat nakipagbalikan sa kaniya. Sinasaktan ka ba niya?”

Hindi niya sinagot ang tanong ko. Iba ang lumabas sa kaniyang bibig. “Babalik na ako ng Korea, Rhett. Gusto kong bago man lang umalis ay gumaan ang loob ko at maitama ang aking mga pagkakamali.”

Puzzled ako sa sinasabi niya. “Iiwan mo si Kuya Brando?”

Muli hindi na naman siya sumagot. Biglang tumingin sa kawalan saka malalim na nag-isip. Nang finally madetalye na sa isip ang sasabihin ay muling nagsalita. “Naaalala ko pa the first time I met Phen more than ten years ago. May emergency practice kami noon sa UB Chorale kaya’t hindi kita masusundo. Pinakiusapan ko si Brando na sunduin ka kahit alam kong mahihirapan siyang makabalik kaagad dahil susunduin naman niya sa airport ang kapatid niyang galing sa Amerika na si James. Pero pinilit pa rin niya dahil sa pagmamahal niya sa akin na ayaw akong biguin.”

May na-refresh sa utak ko sa mga pahayag ni Kuya Rhon. Ito iyong araw na sinuntok ako ni Jimson at naabutan ni Kuya Brando na nakahandusay sa kalsada.

Malungkot ang mukha na nagpatuloy si Kuya Rhon. “Buti pa noon, mahal na mahal ako ni Brando kahit hindi naman kasing-level ng pagmamahal niya ang pagmamahal ko sa kaniya. Siguro nga’y napilitan lang akong makipag-relasyon sa kaniya noon kaya that night, pagkatapos ng aming emergency practice ay nagkayayaan ang grupo na mag-bar. Sinadya kong hindi siya isama at hindi ko rin ipinaalam sa kaniya.”

Ayun, kaya pala nang magkamalay ako at nasa bahay na ay hindi alam ni Kuya Brando kung nasaan si Kuya Rhon.

“Doon ko nakilala si Phen sa bar. Unang kita pa lang ay iba na ang naramdaman kong atraksiyon sa kaniya. Magaan ang pakiramdam namin sa isa’t-isa. Hindi ko na nga naisip pa si Brando nang gabing iyon dahil kay Phen na pumuno ng gabi ko. Noon ngang may kausapin siya sa cell phone, instantly naramdaman ko agad ang selos at hindi ko rin alam kung ramdam din niya iyon dahil nag-explain siya at sinabing Kuya niya ang kausap sa phone na dapat daw ay kasama niya sa bar na iyon. Later ko na lang nalaman na ang Kuya pala niyang iyon na kausap niya ay walang iba kundi si Brando na sandali kong kinalimutan nang gabing iyon.”

Wala akong makapang pwedeng sabihin kaya nanahimik na lang ako at matamang nakinig sa mga sasabihin pa niya.

“Naging kami ni Phen na ang tawag sa kaniya ni Brando ay James. Nalaman ko lang na kapatid niya si Brando nang unang beses akong pumunta sa bahay na ito at makita ko ang picture nila ni Brando nang sunduin siya nito sa airport.”

Iyon din ang nakita kong picture na nakaframe at nakapatong sa entertainment cabinet.

“Nang maging kami ni Phen ay nagdesisyon akong makipagkalas sa kaniya. Nalaman din ni Brando na si Phen ang dahilan nang makita niya sa wallet ko ang picture naming dalawa na kinunan sa bar nang una kaming magkita. Naging masaya naman ako pero naging pansamantala lang dahil nang wala na kami ni Brando, saka ko naman naramdaman ang pangungulila ko sa kaniya.”

Napagtagni-tagni ko na rin naman ang mga sumunod nyang sinabi kaya, “At dahil doon kaya ka nakipagkalas naman kay Phen para balikan si Kuya Brando?”

Marahan siyang tumango. “Pero ayaw na niyang makipagbalikan sa akin. Ni ayaw na nga niya akong kausapin. Alam kong mahal pa rin niya ako pero ipinagparaya na lang niya ako sa kaniyang kapatid. Hindi ko naman magawang dayain ang sarili ko kaya hindi ko na binalikan pa si Phen. Hanggang isang umaga dumating si Brando na lasing na lasing at gusto akong makausap. Nakiusap siya na balikan ko na si Phen dahil sobrang depressed na ito mula nang iwan ko.”

“Pero hindi ka pumayag sa pakiusap niya?” tanong ko sa pagkaalala ko ng tagpong iyon.

Pinangingiliran na ng luha ang gilid ng mga mata ni Kuya Rhon. “Hindi naman kasi ganoon kadali ang hinihingi niya. Nagkamali ako ng desisyon sa buhay nang piliin ko si Phen at i-dump siya ng basta-basta. Isang pagkakamali na ayaw ko ng dagdagan pa sa pamamagitan ng pakikipagbalikan kay Phen at papaniwalain na mahal ko siya kahit ang Kuya Brando naman niya ang mahal ko.”

“Dahil ba doon kaya nagalit sa iyo si Kuya Brando?”

“Inisip kasi niya na pinaglaruan ko lang silang magkapatid, pinaniwalang mahal ko at later ay niloko. Ang pagkakamali ko lang, hindi ko nagawang aminin sa kaniya na kaya hindi ko mapagbibigyan ang hiling niya na balikan si Phen ay dahil siya ang mahal ko. At lalong pinalala ang sitwasyon ng pagpapatiwakal ni Phen sa paglunod sa sarili na nang mabalitaan ko ay naging dagok naman sa akin.”

Gusto kong lapitan si Kuya Rhon para aluin. “Iyon ba ang dahilan ng depression mo?” Naalala ko kasi ang sinabi ni Mommy Beng.

Tuluyan ng dumaloy ang luha sa kaniyang mga pisngi. “Oo Rhett, sa sobrang depressed ko napabayaan ko na ang aking pag-aaral. Muntik pa nga akong hindi makagradweyt.”

“Kaya ba siya nagbalik para maghiganti sa iyo at dahil wala ka ay ako ang pinagdiskitahan niya?” tanong kong naninikip ang dibdb.

Atubili namang sumagot sa Kuya Rhon.

Halos mag-crack na ang aking boses na nagpatuloy ako. “At ngayon kahit alam mong naghihiganti siya ay nakipagbalikan ka pa rin sa kaniya ng ganoon-ganoon na lang? Hindi mo ba naisip na baka parte pa rin ng paghihiganti niya ang pakikipagbalikan sa iyo? Kaya ngayon ikaw naman ang pinahihirapan niya?”

Nagulat ako nang mapailing si Kuya Rhon sa lahat ng tanong ko sa kaniya. “Nang mag-usap kami sa kaniyang opisina, sinabi ko sa kaniyang layuan ka at huwag kang idamay sa paghihiganti niya sa akin. Sinabi niya sa akin na kinalimutan na raw niya ang lahat ng nangyari at pinatatawad na raw niya ako. Siyempre hindi ko siya pinaniwalaan.”

Sa pagbabalik tanaw ko sa nangyari ay bigla na lang umagos ang luha ko. Parang kahit ilang araw na ang nakalilipas ay ganoon pa rin ang sakit na nararamdaman ko sa tuwing maaalala ang mga nangyari.

“Hanggang pakiusapan na niya akong umalis. Itinuro niya sa akin ang pinto palabas ng opisina. Kaya nang bumukas ang pinto halos nakatalikod na siya sa iyo. Sinamantala ko ang pagkakataon na iyon na bago mo pa kami mapansin ay bigla ko siyang niyakap at hinalikan sa mga labi. Nanlaban siya pero pinilit kong hindi siya makagalaw kahit man lamang habang naroon ka at nakatingin sa amin. Hindi kami nagkabalikan ni Brando, Rhett.”

Natigil naman sa pagpatak ang mga luha ko sa huling sinabi niya. Hindi daw sila nagkabalikan ni Kuya Brando. “I-ibig sabihin pinaniwala mo lang ako na naging kayo ulit kahit hindi?”

“Patawarin mo ako Rhett. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para layuan mo si Brando. Pero nagkamali ako dahil sa kagustuhan kong malayo ka para hindi masaktan ni Brando ay lalo pa kitang nasaktan sa ginawa ko.”

Saka ko na-realize na kung pinakinggan ko lang si Kuya Brando sa gusto niyang sabihin noong nasa sementeryo kami, malamang naipaliwanag niya kung bakit naging circumstantial ang mga sumunod na nangyari para paniwalaan ko ang kasinungalingan ni Kuya Rhon.

“Ito ang gusto kong itama Rhett bago ako bumalik ng Korea. Gusto ko ring hingin ang pagpapatawad mo.”

Hindi ko alam kung anong reaction ko sa ibinunyag niya. Gusto kong magalit, gusto kong mainis. Pero sa isang banda, kapakanan ko rin naman ang nasa isip niya nang gawin iyon. Hindi nga lang maganda ang ginamit niyang paraan. Ewan basta ang naisip ko lang ay si Kuya Brando. May mga bagay kaming dapat pag-usapan.

Sa kabila ng galit na nararamdaman ko ay nagawa ko pa ring yakapin ng mahigpit si Kuya Rhon. “Ingat ka sa Korea,” sabi ko sa kaniya. “Salamat din sa pagiging kuya mo sa akin all these years.”



SUMALUDO PA ANG guwardiya sa akin pagbaba ko mula sa passenger’s seat ng kotse pagkuwa’y lumapit. Pinahinto ko na muna kasi sa driver ang kotse bago pa tuluyang makapasok sa main gate ng construction site.

“Pumasok ba si Engr. Ramirez?” halos kapusan na ako ng hininga sa huling salita sa sobrang kaba at excitement na makitang muli si Kuya Brando.

Mabilis naman ang naging tugon nito. “Pumasok po kaninang alas-otso ng umaga Sir pero umalis din kaagad matapos kuhanin ang mga gamit niya sa kaniyang opisina.”

Napakunot-noo ako. “Bakit kinuha ang gamit?”

“Resigned na po kasi siya effective today.”

Natigilan ako sa sinabi ng guwardiya. Nag-echo sa akin ng paulit-ulit ang “Resigned na si Kuya Brando.” Bigla ang pagbalot ng panghihinayang sa aking puso. Akala ko pa naman ay makakausap ko na siya this time.

Nanghihina ang mga tuhod na pumasok na ako ulit sa kotse.

Kinuha ko ang aking cellphone para tawagan si Daddy Clyde.

“Hello…” masaya ang boses sa kabilang linya.

“Daddy…” hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pagtatanong kay Kuya Brando.

“O, Rhett, nasaan ka ba? Hinahanap ka ng Mommy mo, bigla ka na lang daw umalis?”

Finally naglakas-loob na akong magsalita. “Daddy, nandito ako sa site. Gusto ko sanang makausap si Kuya Brando pero resigned na pala siya.”

Ilang patlang bago sumagot si Daddy sa malungkot na tinig. “Oo, anak. Nag-resign na siya.”

“Saan daw ho siya pupunta?”pinigilan ko ang pag-crack ng aking boses.

“Wala siyang sinabi. Basta sabi niya magso-soul-searching muna daw siya. Gusto nga sana niyang puntahan ka para kahit man lang bago siya umalis ay makapag-usap kayo. But the last minute, he changed his mind. Baka daw kasi hindi ka pa handang pakinggan siya.”

Handa na akong makinig sa kaniya Dad, sa isip ko lang. “Ganoon po ba. Sige Dad, try kong puntahan siya sa hotel baka sakaling abutan ko pa.” Kaninang umaga pa siya umalis ng opisina at hapon na ngayon. Kahit slim ang chances na nandoon pa siya, I still have to try my luck.

Biglang sumaya ang tono ni Daddy Clyde. “Sige anak, bilisan mo na at harinawang abutan mo pa siya. Maganda iyong magkausap kayo at magkalinawan. Baka sakaling mapigilan mo pa siyang umalis sa kumpanya.”

Abot-abot ang dasal ko habang papunta kami sa hotel. Pero nawala na ng tuluyan ang gahibla kong pag-asa nang sabihin ng front-desk personnel na nakapag-check out na raw si Kuya Brando an hour ago.

Kung napaaga lang sana ako. Laylay-balikat at halos maiiyak na akong lumabas ulit ng hotel at bumalik sa kotse.

“Saan tayo Sir?” tanong sa akin ng family driver.

Saan nga ba? Pwede ba patungo kay Kuya Brando? Pero saan na nga ba siya naroroon? Saan ko ba siya hahanapin?

Sa kawalan ng direksiyon ay umibis ako sa kotse nang tumapat ito sa may daan patungong plaza. Sinabihan ko ang driver na mauna na sa bahay nang magtangka itong ihatid na lang daw ako sa pupuntahan ko.

Nilakad ko ang kahabaan ng daan na parang wala sa sarili. Pakiramdam ko’y solo ko ang mundo sa kabila ng karamihan ng taong naglalakad at nakakasalubong ko na ang iba’y nakakabanggaan ko na rin. Wala tiyak na patutunguhan ay nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad habang nag-iisip ng susunod na gagawin.

Hanggang dalhin ako ng mga paa ko sa breakwater ng Calumpang river. At dahil magdadapit-hapon na, mas marami na ngayong mga bata sa paligid na naglalaro. Traffic na rin sa Calumpang Bridge sa may kanang bahagi at sa ilalim naman ang agos ng tubig na natatakpan ng mga berdeng water lily.

Tinungo ko ang bench na inupuan namin ni Kuya Brando sa unang beses na pagpunta namin. Nakaramdam lalo ako ng panghihinayang nang wala si Kuya Brando doon na kahit kaunti ay idinalangin kong sana’y narooon siya at abutan ko. Kagaya ng mga romance stories na nababasa ko, pero mukhang wala na yata talagang happy ending na nakalaan para sa amin ni Kuya Brando.

Matagal akong umupo sa bench, patuloy ang pagbabalik-tanaw sa mga masasayang nangyari sa amin sa lugar na iyon hanggang sa maisipan kong maglakad-lakad at para balikan na rin ang kahabaan ng tinakbo ko habang hinahabol ko si Kuya Brando noong araw na nagpahayag kami ng damdamin sa isa’t-isa.

Hanggang makalapit ako sa bench na piping saksi sa aming pag-ibig. Mga ilang hakbang pa ay naaninag ko na na may nakaupong isang lalaki. Biglang kaba ang naramdaman ko sa aking dibdib. Sa isip ko ay nanulay ang pag-asa na sana ay si Kuya Brando ang nakaupong lalaki.

Nagmamadali akong lumapit at parang mapupugto ang hininga nang humarap ang lalaki sa akin saka nagsalita. “Nandito ka rin pala, Utoy.” Alumpihit ang lumatay na ngiti sa mukha.

Pakiramdam ko’y lumiwanag ang buong paligid na amoy peras at banilya. Ang saya ay bumalot sa aking dibdib. Halos maiyak ako sa muling pagtawag niya sa akin ng Utoy. Parang nalulon ko naman ang aking dila na hindi makahagilap ng sasabihin kaya umupo na lang ako sa kaniyang tabi, sinadyang lagyan ng puwang sa pagitan namin.

“Paalis na rin ako,” mapait ang tinig niyang sabi. “Gusto ko kasing puntahan muna ang lugar na ito bago ako tuluyang umalis.”

Pinilit kong tumingin sa mukha niya. “S-saan ka pupunta?” Huwag ka ng umalis Kuya Brando, huwag mo akong iwan.

“Hindi ko pa alam, baka sa Manila muna…basta malayo lang dito.”

Ouch! Gusto talaga niyang lumayo sa akin. Ang sayang nararamdaman ko ay napalitan ng lungkot. “A-akala ko’y hindi na kita makikita. Galing ako sa site—“

Pinilit niyang ngumiti. “Resigned na ako.”

Parang napakahirap sa akin ang magsalita. Kinakain pa rin ako ng aking pride na nasaktan. Pero last chance ko na ito na ipaalam sa kaniya na handa na ako. Kung hindi ko pa sasabihin ngayon, baka tuluyan na akong mawalan ng pagkakataon. Huminga ako ng malalim. “Gusto ko ng makinig sa sasabihin mo Kuya.”

Kita ko ang pagliwanag ng kaniyang mukha. “Saan mo gustong simulan ko ang pangungumpisal?” pagbibiro na niya.

Alam ko na naman ang tungkol sa pinsan kong si Phen kaya mas mabuti sigurong itanong ko na lang sa kaniya ang iba pang kailangan kong malaman. “After more than ten years nagbalik ka ba para maghiganti?”

Nagbaling ng tingin si Kuya Brando at ipinukol sa sementadong daan. “Iyan din ang ipinipilit sa akin ni Rhon nang kausapin niya ako the day after he arrived from Korea. Pero aaminin ko nang una kitang makita sa interview, lahat ng masasakit na nangyari sa buhay ko ay biglang nanariwa. Nang i-confirm mo sa akin na kapatid mo nga si Rhon, doon na nabuo sa isip ko ang maghiganti kay Rhon. At iyon ay gagawin ko sa pamamagitan mo.”

Para akong maiiyak dahil sa mismong bibig pa ngayon ni Kuya Brando ko naririnig na isa lang akong tauhan sa plano niya. “Parang ako lang si Phen noon—“

“Tama. Para lang ikaw si James noon na pinaglaruan niya, pinaibig saka iniwanang devastated. Kaya naisip ko kailangang siya naman ngayon ang makaramdam ng dinanas ko. Kung paiibigin kita at paglalaruan magiging amanos na lang kami.”

Ibinaling ko sa ilog ang aking paningin para kahit paano’y maitago ko sa kaniya ang pangingilid ng luha sa mga mata. Parang mga punyal na tumatarak sa aking dibdib ang mga sinasabi ni Kuya Brando. Oh, ang sakit. Ang sakit, sakit.

“Nang malaman ni Chairman na nag-o-OJT ka sa kumapanya namin at ikaw ang kapatid ni Rhon ay kinausap niya ako. May nakapagsabi rin kasi sa kaniya na nagiging malapit na tayo sa isa’t-isa. Sinabihan niya ako to stay away from you. Ayaw na raw niya kasing magkatotoo ang kasabihan na ‘History repeats itself’. Si Rhon noon pinaibig niya si James tapos biglang iniwan at dahil doon ay nagpatiwakal at nawala siya ng tuluyan sa amin. Tapos ako naman ngayon na baka daw mahulog ang loob ko sa iyo at kagaya ka rin ng Kuya mo na iiwanan ako at baka mawala din ako sa kaniya. I assured him na hindi iyon mangyayari at nangako ako sa kaniya na kaya kita nilalapitan ay para ipaghiganti ko ang sinapit ni James at wala ng iba pa.”

Take note, sabi ng puso ko, ‘ipaghiganti ko ang sinapit ni James at wala ng iba pa’ ibig sabihin hindi nga ako minahal ni Kuya Brando from the start. Lahat ng mga nangyari sa amin ay parte lang ng kaniyang paghihiganti.

Tuluyan ng umagos ang luha ko sa magkabilang pisngi.

“Puro galit ang nararamdaman ko kay Rhon. Walang araw sa aking buhay na hindi ko naiisip ang nangyari kay James. Ang pagpapatiwakal niya…” parang sa maiiyak ang boses ni Kuya Brando at mabigat sa kalooban ang mga sumunod na sinabi. “Sinamahan ko siyang mag-inom nang gabing iyon, gusto ko siyang damayan lalo na’t hindi ko nagawang pakiusapan si Rhon na balikan siya ng mga nagdaang araw. Nakarami kami ng ininom at nakatulog ako. Paggising ko nakita ko na lang siyang nakalutang sa pool. Sinaklolohan ko siya pero huli na ako ng gising dahil hindi ko na siya na-revive. Patay na si James.”

Matagal na katahimikan ang namagitan sa amin. Wala ni isa man ang gustong magsalita sa takot na ipakita sa isa’t-isa ang pag-iyak.

Maya-maya ay si Kuya Brando ang bumasag ng katahimikan. “Ang sakit talaga sa akin ng nangyari kay James kaya naging sobrang guilty ako sa aking sarili nang ang aking paghihiganti ay nauwi sa pagkahulog ko ng loob sa iyo.”

Bigla naman akong napa-Oh sa huling sinabi niya. Napamulagat ako at biglang binawi ang sarili sa sunod-sunod na pag-eemote. Tumingin ako sa kaniyang mga mata, bakas sa mukha ang pagtatanong sa kaniyang sinabi.

Marahang tumango si Kuya Brando. “Oo, Utoy. Nahulog na ako sa iyo the first time we met in the interview. Ayoko lang aminin sa sarili ko.”

WOW! Totoo ba talaga ito?

“Naaalala mo ba nang una nating punta dito? Nakatulog ka noon sa pagkakahilig sa dibdib ko. Nang magmulat ka, tinanong mo ako kung bakit ako umiiyak.”

Mataman ang pagkakatingin ko sa kaniya, ang kaligayahan ay unti-unting umuusbong sa aking puso.

“Hindi mo alam na sa kabila ng pangungumbinse ko sa sariling parte ka lang ng aking paghihiganti, ay iba naman ang sinasabi ng puso ko. Iyon ay ang mahal kita Rhett! At ang pag-ibig ko sa ‘yo ay isang maliwanag na pagtataksil kay James at pagsisinungaling sa ipinangako ko kay Chairman. Naiyak ako dahil napaka-komplikado ng lahat para sa atin. At nang gabing iyon, tanging puso ko lang ang sinunod ko.”

Hindi ko na mapigilan ang sariling hindi ngumiti sa rebelasyon ni Kuya Brando sa akin. Animoy nalulunod ako sa sobrang kaligayahan. Pero nanatili akong tahimik dahil gusto kong marinig ang magaganda niyang sinasabi.

“Takot na takot ako nang muntik ka ng malunod sa beach sa Nasugbu. Galit na galit ako sa sarili ko dahil pinabayaan kita. Hindi ko natupad ang sinabi ko sa iyo na kaya ako nagpilit na pumunta para bantayan ka. Kahit napakahirap para sa akin dahil sa naging trauma ko sa mga nangyari. Ayokong mangyari sa iyo ang nangyari kay James. Pero mapagbiro talaga ang tadhana dahil ganun rin ang nangyari, naiwan kita, naglasing ka at muntik ng malunod.”

“Uminom ako noon dahil iniwan mo ako at sumama ka kay Miss Elizalde.”

“Ginawa ko lang iyon dahil ayokong makarating kay Chairman sa pamamagitan ni Yzah na magkasama tayo at may namamagitan sa atin. Buti na lang hindi ka nalunod, kundi baka hindi ko na kakayanin at sumunod na rin ako.”

“Galit ka ba sa akin noon Kuya?” Naalala ko kasi ang ekspresyon ng mukha niya nang gabing iyon.

“Hindi sa iyo, Utoy. Sa sarili ko ako galit dahil muntik ka ng mawala sa akin sa kapabayaan ko.”

“Hindi ka pala galit, e bakit iniwan mo ako? Bakit ka umalis ng maaga?”

“Pasensiya ka na. Tumawag kasi si Chairman that night at may biglaang pinapatapos na report na kakailanganin niya first hour in the morning. Kinumusta naman kita kay Eunso at nang masiguro kong okay ka na saka lang ako umalis. Sinabi ko na lang kay Eunso na huwag sabihin sa iyo that I dropped by.”

“Si Kuya Rhon—“

“Pinatawad ko na si Rhon the day I admit to myself that I love you.”

“Pero hindi siya naniwala?”

“Hindi ko siya masisisi dahil kahit ako hindi ko din sukat akalain na I could forgive him that easy. Siguro kaya ganoon dahil kailangan kong palayain ang sarili ko sa pait ng kahapon para maharap ko ang mundo ng masaya at walang alinlangan na mahalin ka.”

“Sinabi niya sa akin na nagkabalikan kayo?”

Tumango si Kuya Brando. “Yes, I know dahil inamin niya rin sa akin iyan during the wake of Chairman. Doon ko napag-isip na kaya biglang naging ganoon na lang ang trato mo sa akin. Immediately I attempted to talk to you pero ayaw mo akong kausapin.”

“Bakit kasi noong kinagabihan na mag-usap kayo ni Kuya Rhon ay hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Gusto ko lang namang i-confirm sa iyo kung totoo ngang nagkabalikan kayo ni Kuya Rhon tapos ini-off mo pa ng tuluyan ang telepono.”

Napailing siya. “That night, inatake si Chairman. Ako ang nagsugod sa kaniya sa ospital. Sa pagmamadali ko, naiwan ko sa kuwarto ang cellphone na nag-battery empty na sa dami ng missed calls mo na nakita ko nang i-charge ko kinaumagahan pag-uwi ko. Pero tinawagan kita late night from the hospital pero hindi na kita makontak hanggang sa kinaumagahan.”

Naalala ko, nag-battery empty nga pala ang cellphone ko at kinaumagahan, hindi na ako nag-charge ulit dahil sa sama ng loob ko sa nangyari.

“Pinuntahan nga kita sa bahay ninyo pag-alis ko ng ospital pero wala ka naman kaya tumuloy na lang ako dito para magbihis bago dalawin ang puntod ni James.”

Ibig sabihin, nagkasalisi kami ni Kuya Brando. “Magkasama kayo ni Kuya Rhon sa pagdalaw sa sementeryo.”

Tumango siya. “Bago ako umalis sa ospital dumating si Rhon at ang Mommy mo, binisita si Chairman. Nabanggit ko sa kaniya na sasaglit nga ako sa puntod ni James pagkatapos kitang puntahan sa bahay dahil hindi nga kita makontak. Pagdating ko naman sa gate ng memorial park, naroon na si Rhon at naghihintay sa akin dahil hindi nga raw niya alam kung nasaan ang puntod.”

Napatango ako. “Pero magkasama kayong umalis?”

“For old time’s sake, I offered him na sumabay na sa akin palabas lalo na’t medyo mainit na noon ang araw. Nagpaunlak naman siya pero nang makalabas ng gate, umibis din siya at may pupuntahan pa raw.”

OMG! Iba talagang magbiro ang tadhana. Parang ang lahat ng nangyari ay swak na swak sa isat-isa para patuloy akong papaniwalain na nagkabalikan na nga sina Kuya Rhon at Kuya Brando. Pero lahat pala ay circumstantial lang dahil ang ikinukubli nito ay ang totoong pagmamahal sa akin ni Kuya Brando.

Natawa ako na hindi nakaligtas sa paningin ni Kuya Brando.

“What’s that for?”

Umiling ako patuloy pa rin sa pagkakangiti. “Nothing.”

Hindi siya kumbinsido sa sagot ko. “Ang totoo naisip ko lang na kung pinakinggan na kita sa paliwanag mo noong nasa sementeryo tayo, hindi na sana tayo umabot sa ganito.”

Tumayo siya sa aking harapan saka mabilis akong hinila na nagpatayo din sa akin, ang mga katawan namin ay halos magkadikit. Hinawakan niya ang magkabila kong balikat saka muling nagsalita. “That will serve a lesson. Kapag may hindi pagkakaunawaan, kaysa mag-jump-into-conclusion na lang basta, mas mainam ang pakinggan ang side ng bawat isa para malinawan anoman ang hindi pagkakaunawaan.”

Tumango ako na ang puso ay punom-puno ng kaligayahan. At last may happy ending pa rin pala para sa amin ni Kuya Brando.

Lumapit ang bibig niya sa bibig ko. Tinanggap ko ang halik na iyon na pinagsaluhan namin sa mga sumunod ng tatlong minuto. Sa sarap at tagal ng halik na iyon ay nagawa na nitong bumuhay ng natutulog na damdamin.

Kumalas lang sa pagkakahinang ang aming mga labi nang mapansin ang grupo ng mga batang lalaki na nakatingin na sa amin. Iba’t-iba ang reaksiyon nila sa pagkakita sa amin ni Kuya Brando. May mga nakangiti, may nandidiri at may dedma lang sa kanila ang nakita.

Maya-maya ay nagtakbuhan ang mga bata at may isang naiwan. Nanatili siyang nakatingin sa amin na parang natutuwa sa kaniyang nakikita pagkuwa’y pasipol-sipol na tumalikod, nakapameywang at pakembot-kembot na lumakad tungo sa direksyion ng mga kalaro.

Pareho na lang kaming nagkatawanan ni Kuya Brando.

May kinuha siya sa bulsa ng pantalon saka inabot sa akin.

“Regalo?”

Tumango siya. “Open it.”

Para na naman akong maiiyak sa tuwa nang buksan ko iyon at makita ang isang gold-plated na parker pen na may naka-engrave na Brando Love Rhett.

Saka niya inilabas sa bulsa ang isa pang parker pen. Iyon ang gift ko sa kaniya. “Nasa iyo?” nagtatakang tanong ko.

“Nakita ng guwardiya sa basurahan at dahil may nakalagay na ‘To Kuya Brando’ ay ibinigay niya sa akin nang makaalis na si Rhon ng opisina. Nang buksan ko nalaman kong galing sa iyo dahil sa engravings na Rhett Love Brando. Kaya naisip kong pagawan din kita, Brando Love Rhett naman.”

Yumakap ako sa kaniya ng mahigpit. “Salamat Kuya.”

“Tayo na Utoy.”

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya. “Saan Kuya?”

Niyakap niya ulit ako at ipinadama ang kaniyang kahandaan na gaya ng sa akin ay tuluyang binuhay ng torrid kiss.

Pabulong siyang nagsalita. “I love you Rhett Santillan.”

Bumulong din ako. “I love you too, Brando Ramirez.”

“Let’s go Rhett, I want to make love with you now.”

Napangiti ako saka medyo kinabahan. “You will be my first.”

Lalo siyang na-excite sa sinabi ko. “Don’t worry, I will be gentle.”

Mabibilis ang mga hakbang na iginiya niya ako patungo sa puting kotse.

“What’s the rush?” hindi ko mapigilang itanong habang natatawa sa pagmamadali niyang makasakay kami sa kotse.

Kumindat si Kuya Brando. “Every second counts.”


WAKAS

5 comments:

Chef Brye May 3, 2011 at 1:42 AM  

tingnan mo nga naman.
happy ending.
naalala ko tuloy ang aking masaklap na break up with my ex last night.
despite which, naniniwala pa rin ako na may happy ending sa aking multi-colored love life.
na isang araw, darating ang isang BRANDO RAMIREZ sa buhay ko. to the writer, good job! :DD

richie,  May 14, 2011 at 4:40 AM  

weeee napaka ganda,,,na remember ko ung ex bf ko.naging kami for 3 yrs...we faced a lot of stugls and still we love each other.pero nasasakal na ako sa knya and nagin so possessive sya...so nakipaghiwalay ako...

going back to the story,for the author, dude 2 thumbs up for you!

Anonymous,  May 22, 2011 at 1:31 AM  

i never read this kind of story this long, but here i am, read the story from chapter 1 to 18!

two thumbs up to the author...

marvinkal June 12, 2011 at 12:37 AM  

galing nmn..thumbs sa writer nito! daming twist but in the end happy ending pa rin!

ace.raven July 11, 2011 at 4:47 PM  

another great story. :) congrats!

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Yummy Athletes

Indie Boys

Models

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP