Dreamer C8
Saturday, February 19, 2011
Chapter 8
Let Me Heal the Pain
“What makes you deserving for the position?” tanong ni Mr. Ching, ang may-ari ng isang kilalang glossy magazine sa Pilipinas, kay Emil.
“My application form shows the reasons but what is important, I always dedicate myself fully and offer earnest effort and loyalty.” nakangiting sagot ni Emil sa tanong.
“Hindi ko alam ang kwento kung bakit mo iniwan ang Last Dance at Kanluran ng Pilipinas, pero kung pakakawalan ko pa ang isang writer na katulad mo, that will be the biggest mistake I will do.” saad ni Mr. Ching.
Napangiti naman si Emil sa sinabing ito ni Mr. Ching na sa wari niya ay alam na niya kung ano ang resulta ng pag-aaply na ginawa niya.
“Tanggap ka na, and to make this deal more formal magkakaroon tayo ng contract signing by next week and is effective for two years.” nakangiti na ding wika ni Mr. Ching.
“Thank you Sir.” wika naman ni Emil. “Promise, pagbubutihin ko po.” tila pangako ni Emil sa kausap.
“Aasahan ko ‘yan.” sagot ni Mr. Ching. “See you next week and please wait for our call sa schedule.” tila pamamaalam pa nito.
“Okay po.” maikling sagot ni Emil saka lumabas sa opisina ng Editor-in-Chief ng Metro-Cosmo.
“Yeeessss!” buong lakas na naibulalas ni Emil pagkalabas ng pintuan.
“Pagbubutihin ko na talaga ‘to.” sabi ni Emil sa sarili. “Wala na naman sigurong aberya dito.” patuloy pa niya.
Agad siyang umuwi sa bahay ng Ninong Mando niya dahil alam niyang makakasama sa nanay niya pag nakita siya nito. Higit pa ay naaawa siya sa sarili dahil sa tuwing hihilingin niya ang pagmamahal ng ina ay lagi siyang bigo at pinagtatabuyan nito. Para sa kanya, hanggang pangarap na lang ang kaya niyang gawin para sa pagmamahal ng ina.
Hinilig ni Emil ang katawan dahil sa pagod at nais niyang makapagpahinga at makatulog. Malapit na siyang mahimbing nang biglang tumunog ang cellphone niya. Nakalikha iyon ng ingay na sapat na para muling bumalik ang diwa niya mula sa pagkakatulog.
“Hello!” may inis at asar sa tinig niya. “Kung sino ka mang istorbo ka!” wika pa niya sa sarili.
“Hello Emil, naistorbo ba kita?” sagot ng nasa kabilang linya na may paghingi ng despensa.
“Ah, Eh, Hindi!” ang inis ni Emil ay napalitan ng saya at tuwa sa pagkakarinig sa pamilyar na tinig na iyon. “Kamusta ka na nga pala Ken?” tanong pa niya.
“Ayos naman ako. Ikaw ba? Balita ko wala ka na sa KNP.” sagot at tanong pa ni Ken kay Emil.
“Oo, may konting problema lang kasi. Ikaw ba, kamusta na?” balik na tanong ni Emil.
Naging mahaba pa ang usapan nilang dalawa subalit walang binanggit si Emil sa tunay na dahilan ng pag-alis niya sa KNP at kung saan siya ngayon magtatrabaho. Minabuti na lang niyang maging tikom ang bibig sa kung anumang kapalaran ang mangyayari sa kanya. Agad ding iginupo ng antok si Emil pagkatapos nilang mag-isap ni Ken.
“Emil, gising na!” gising ni Mang Mando kay Emil.
“Ninong kayo pala!” pupungas-pungas na bati ni Emil sa Ninong niya.
“Saka ka na matulog ulit pagkakain.” tila nag-aalalang wika ni Mang Mando para sa inaanak.
“Pasensiya na po ninong.” paumanhin naman ni Emil.
“Saan ka ba nanggaling at inumaga ka na ng uwi kanina tapos maaga ka pang gumising at umalis.” higit na kinabakasan ng pag-aalala si Mang Mando.
“Sinamahan ko lang po iyong dati naming direktor kagabi.” paliwanag ni Emil. “Saka naghanap naman po ako ng trabaho kanina.” dagdag pa nito.
“Sa susunod magpapasabi ka ng hindi ako nag-aalala. Sa akin ka ibinilin ng ama mo bago kayo iwanan, kaya dapat ituring mo na din akong ama.” tila may lungkot na bumakas sa mukha ni Mang Mando subalit nanatili pa din ang pag-aalala sa mukha nito para kay Emil.
“Sorry po talaga Ninong.” paumanhin ulit ni Emil. Hindi na din niya inusisa ang tungkol sa ama dahil mula pagkabata pa ay madami ng kwento ang ninong niya tungkol sa tatay niya. Wari bang kilala na niya ito batay sa mga kwento sa kanya.
Maya maya na nga ay nasa kusina na din si Emil at ang inabutan niya ang pamilya ng Ninong niya, ang asawa nito, ang panganay na anak na lalaki na mas matanda sa kanya ng dalawang taon at isang babaing mas bata naman sa kanya ng tatlong taon.
“Kain ka na Emil.” anyaya sa kanya ni Vince, ang panganay na anak ng Ninong niya.
“Salamat.” sagot ni Emil na may kabuntot na ngiti.
“Dito na lang kaya ikaw magbagong taon.” simula ulit ni Vince sa usapan nila ni Emil.
“Nakakahiya naman sa inyo.” sagot ni Emil sa mababang boses.
“Ano ka ba, siyempre hindi ka na iba sa amin.” tila sang-ayon ni Mang Mando sa tinuran ng anak niya.
“Kawawa naman po si nanay, mag-isa sa bahay.” tutol pa din niya.
“Ayos ka din kuya Emil, sinasaktan ka na nga ni Tita Choleng ayaw mo pa din iwanan.” bati naman ni Vanessa na may paghanga para sa kinakapatid.
“Kung hindi ko pa mamahalin ang nanay, sino na lang ang magmamahal sa kanya? Kahit sinasaktan ako nun, kahit ilang ulit pa, kakayanin ko.” sagot ni Emil.
“Hindi ka ba nagsasawa?” tila tanong pa ni Vanessa.
“Nagsasawa? Oo, minsan, pero mas matimbang pa din ang pagmamahal ko para sa kanya.” sagot ni Emil kasunod ang isang ngiti para itago ang umiiyak niyang puso.
“Tama na iyan Vanessa, ini-interview mo na naman ang kuya Emil mo.” awat ni Aling Mila, ang asawa ni Mang Mando na Ninang naman ni Emil.
“Para nagtatanong lang!” sagot ni Vanessa kasunod ang pagtulis ng nguso.
“Isama na lang din natin si Choleng dito.” tila suhestiyon ni Aling Mila.
“Naku Ninang, huwag na po.” tila pagtutol ni Emil. “Baka bagung-taon na bagong-taon mas malakas pa ang singhal at sigaw ni nanay kaysa sa mga paputok.” paliwanag pa ng binata.
“Sige na Emil, dito ka na lang.” wika ni Vince sabay hawak sa mga kamay ni Emil.
“Sorry talaga Vince.” paumanhin ni Emil at tila naalarma sa ginawa ni Vince kaya naman daling binawi ang mga kamay niya mula sa pagkakahawak ng kinakapatid.
“Hayaan mo, kakausapin ko ulit si Choleng para naman bumait sa’yo kahit paano.” sabi ni Mando.
Kinabukasan ay bisperas na ng bagong taon kaya naman hindi na nakapagtataka kung may samu’t saring ingay ka ng madidinig sa kalsada o sa ibang bahay. May nagkakantahan, nag-iinuman, at may nagpapaputok na kahit bawal. Nakisama si Emil sa umpukan ng mga kabataang nag-iinuman na may mga kabataan ding nagvivideoke lang. Karamihan kasi sa mga kabarkada niya ay nasa umpukang iyon maging ang kinakapatid niyang si Vince ay nakikitagay din sa mga ito.
“Yeah! Sweet child of mine.
Yeah – eh – eh! Sweet child of mine.”
Banat ng isang lasing na kumakanta.
“Pare, itagay mo lang ‘yan! Kulang ka lang sa tagay!” tila pang-aasar ni Vince sa kainuman niya.
“Tigil ka na! Ako naman!” wika pa ng isa sabay kuha sa microphone.
“Ano iyan pare? My Way?” tila puna ni Vince sabay ang nakakainsultong tawa na sinabayan ng iba pa nilang kainuman.
“I did it my way!” halos sabay-sabay nilang kanta.
“Noise pollution lang kayo eh!” bati ni Jona na barkada din nila at ang ex-girlfriend ni Vince na kaklase ni Emil sa high school.
“Aba ang ganda mo na!” bati ni Vince kay Jona.
“Ayiee!” sabay-sabay nilang tukso sa dalawa.
“Kami naman ni Emil!” suhestiyon pa ni Jona. “Duet naman kami.”
“Ayos ‘yun! Maganda at maririnig namin kayo ulit ni Kuya Emil.” sabi ni Vanessa.
“Sige ba! Tagal mo din namang nawala, kaya pawelcome na’to.” wika pa ni Emil.
“Hanggang Ngayon! Iyon na lang ang kantahin natin.” tila may pakiusap sa tinig ni Jona.
“Kabisado ko pa naman.” tila sang-ayon na wika ni Emil.
“Hanggang ngayon
Ikaw pa rin ang iniibig ko
Ikaw pa rin ang natatanging
Pangarap ko
Hindi ko na kayang mag-isa
Ikaw lamang
Hanggang ngayon.”
Nakatapos nang kumanta ang dalawa at nakatanggap sila ng masigabong palakpakan. Maging ang mga usisero may kumapal na pumalibot sa kanilang lahat.
“Galing talaga!” komento ni Vanessa.
“Siyempre naman!” sagot ni Jona samantalang ngiti lang ang sagot ni Emil sa mga papuri.
“Emil!” bati ulit ni Jona kay Emil. “May sinabi na ba sa’yo si Vince?” tanong pa nito.
“Si Kuya Vince? Ano naman yun?” tila nagulumihanang sagot ni Emil.
Isang makahulugang ngiti lang ang sagot ni Jona kay Emil.
“O ayan na pala si Vince.” bati pa ulit ni Jona saka tuluyang umalis.
“Galing naman ni Emil.” bati ni Vince sa kinakapatid.
“Salamat!” tanging nasambit ni Emil.
“Ah, Emil, nga pala may sasabihin ako sa’yo.” simula ni Vince na kita ang pag-iipon niya ng lakas ng loob para makapagsalita.
“Ano naman iyon?” wika ni Emil na tila nakaramdam ng kaba sa kung ano ba ang sasabihin sa kanya ng kinakapatid.
“Alam mo bang..” biglang naputol at naumid ang dila ni Vince at hindi niya magawang makapagsalita.
“Sandali lang!” pakli ni Emil nang biglang mag-ring ang cellphone niya.
Agad na sinagot ni Emil ang tawag. Si Mr. Ching ang tumawag at pinapabalik na siya makabagong taon para pumirma ng kontrata sa kanila. May katagalan din silang nag-usap kaya naman si napagpasyahan ni Vince na bumalik na lang ulit sa umpukan. Umuwi na din si Emil matapos ang tawag ni Mr. Ching at nang makitang nasa umpukan na ulit si Vince. Isinaisantabi muna ni Emil ang kung anumang sasabihin sa kanya ni Vince bagkus ay mas piniling paghandaan ang bagong trabahong darating sa kanya sa susunod na taon. Bago umuwi sa bahay ng Ninong niya ay nakuntento na muna siyang silipin ang kalagayan ng ina na pilit siyang itinataboy palayo. Masakit man ay tiniis niya ang lahat, anupat may bukas pa.
Bisperas ng bagong-taon, maagang naghanda ang pamilya ni Mang Mando para sa Medja Noche, tumulong din si Emil sa paghahanda at desidido siyang sa bahay niya sasalubungin ang 2011 kasama ang ina. Wala siyang pakialam sa masasakit na salita nito o sa bugbog na aabutin niya, mas mahalaga sa kanya na ito ang makasama sa pagsalubong sa bagong taon.
Alas-diyes ng gabi, pinuntahan na ni Emil ang ina sa bahay nila, may bitbit na handa galing sa Ninong Mando niya at mga pagkaing duon na din niya niluto. Gaya ng normal niyang inaabutan sa bahay, nakaupos ito sa may bintana at nagpapakalasing sa alak. Lakas loob na lumapit si Emil sa bahay nila. Pumasok sa loob na tila hindi siya nakita ng ina.
“Mano nga po nanay!” sabi ni Emil sabay abot sa kamay ng ina.
Imbes na iabot ni Aling Choleng ang kamay ay isang napakalutong na sampal ang ibnigay niya dito.
“Nandito ka na naman?” pagalit na anas ni Aling Choleng. “Punyeta ka, hindi mo ba naiintindihan na ayaw kitang makita.” sabay hagis ng bote ng alak kay Emil.
“Nay naman! Ang mahalin lang naman ninyo ako ang gusto kong mangyari.” tila pagmamakaawa ni Emil sa ina.
“Puwes, tigilan mo na! Kailanman hindi kita mamahalin!” sagot ni Aling Choleng.
“Bakit ba nanay? Ano ba ang kasalanan ko?” pigil sa pagluhang wika na patanong ni Emil.
“Kasalanan mo? Kasalanan mo kasi nabuhay ka pa!” sagot ni Choleng. “Pag namatay ka, ako na ang pinakamasayang tao sa mundo! Hayop ka!” singhal pa ng ginang.
“Nay naman! Kahit ba maliit na puwang sa puso mo wala ako?” at kumawala na ang mga luha mula sa mga mata ni Emil na anumang pigil niya ay hindi niya magawa.
“Wala at hindi magkakaroon kahit katiting kailanman!” madiin pang wika nito kay Emil. “Punyeta ka, wag ka ng umasa!” pahabol pa nito.
“Choleng, bagong taon na bagong taon naman.” nagkukumahog na pag-awat ni Mando kay Choleng.
“Mando, kung ayaw mong madamay dito wag mo akong pakialaman. Mas mabuti pa kung itapon mo na iyang hudas na iyan palayo dito.” tila nag-utos na wika ni Choleng kay Mando.
“Choleng!” madiing wika ni Mando kay Choleng sabay hawak sa dalawang balikat nito. “Walang kasalanan si Emil, walang kinalaman si Emil sa nakaraan mo. Hindi ikaw ang biktima! Si Emil ang totoong biktima! Kung may dapat mang sisihin dito..” tila biting turan ni Mando. “Ikaw!” madiiin niyang pagwawakas sabay bitaw sa balikat ni Choleng.
Naiwang nakatulala si Choleng sa mga sinabing iyon ni Mando. Bigla siyang napaisip sa mga sinabi nito ngunit mas nangibabaw pa din sa kanya ang galit at suklam kay Emil.
“Punyeta! Pag namatay lang iyang hudas na iyan saka ako sasaya!” sigaw na pahabol ni Choleng.
Samantalang agad na niyakap ni Vince si Emil at saka inilabas sa bahay.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Vince sa kinakapatid.
“Oo, ayos lang ako.” pilit na sagot ni Emil na kahit sa katotohanan ay gusto na niyang mamatay.
“Bakit ganyan ang itsura mo kung ayos ka lang?” tila tanong ni Vince.
“Panira ka naman ng moment!” wika ni Emil sa sarili. “Hindi tuloy ako makaiyak!”
“Wala naman akong galos o sugat di ba? Wala naman akong pasa.” napapangiting saad ni Emil.
Sabi mo at lalong higpit sa pagkakayakap ang ginawa ni Vince, walang pakialam sa mga matang nakatitig sa kanila ni Emil.
“Punyeta! Pag namatay lang iyang hudas na iyan saka ako sasaya!” nadinig ni Emil na sigaw ng kanyang nanay.
Dagling bumitaw si Emil sa yakap ni Vince at mabilis na tumakbo palayo. Hindi niya inakalang ganuon na lang ang pagkamuhi sa kanya ng ina at hinihiling nito ang kamatayan niya. Mabilis na pumara ng bus at ang nais niya ay makalayo sa lugar nila at huwag nang bumalik kahit kailan para lang sumaya ang kanyang ina. Hindi niya alam kung saan pupunta at walang ideya kung saan at papaano mabubuhay.
Sa kabilang bahagi ng Pilipinas naman ay balak ni Benz na makipag-ayos kay Julian bago magpalit ang taon kaya naman sinadya niya ito sa condominium unit nito.
“Julian, please can we talk?” tila pakiusap ni Benz kay Julian nang bisitahin niya ito sa condo unit.
“Sorry Benz, pero it’s over na di ba?” matigas na sagot ni Julian.
“Alam ko, mahal mo pa din ako Julian. Kahit ano gagawin ko bumalik ka lang ulit sa akin. I will do anything to make you mine again.” Pilit at giit ni Benz kay Julian.
“Ang kulit mo naman, sabing wala na, tapos na.” asar na wika ni Julian.
“Bakit Julian? Sino bang ipinagmamalaki mo ngayon?” tanong ni Benz kay Julian sabay lapit para sindakin ito.
“Madami akong pwedeng ipalit sa’yo. Iyong bibigyan ako ng tamang oras at hindi puro trabaho lang.” matapang na sagot ni Julian.
Agad na hinalikan ni Benz si Julian, tila ba isang baliw si Benz sa ginagawa niya ngayon. Wala sa katinuan at wala sa tamang pag-iisip.
“Kung hindi ka magigiging akin Julian hindi ka mapupunta sa iba.” tila nagiging marahas na si Benz sa mga oras na iyon.
“Gago ka Benz, tigilan mo na ako.” pagtutol ni Julian sa ginagawa ni Benz at buong lakas niya itong tinulak palayo sabay bigay dito ng isang malakas na suntok.
Napahandusay si Benz sa sahig.
“Sorry Julian.” tila natauhang paghingi ng despensa ni Benz.
“Get out!” tila utos ni Julian.
“Sorry Julian.” ulit ni Benz sa dispensa.
“Sabi ko, get out!” buong lakas na utos ni Julian kay Benz. “Pag hindi ka lumabas dito magpapatawag ako ng security.” tila pagbabanta ni Julian kay Benz.
“Julian, sorry talaga!” wika pa ulit ni Benz saka palapit na lumalakad papunta kay Julian.
“Isa!” simula ni Julian sa bilang.
“Julian!” pagmamakaawa ni Benz.
“Dalawa!” bilang ulit ni Julian. “Pag-umabot ng tatlo kita na lang tayo sa korte.” banta ulit ni Julian.
“Julian!” si Benz ulit.
“Dalawa!” pag-uulit ni Julian sa bilang.
“Babalik ako Julian, hindi ako susuko.” wika ni Benz at saka tuluyang lumabas sa unit ni Julian.
Pagkasakay ng kotse ay agad na pinaharurot at walang kasiguraduhan kung saan mapupunta. Napagdesisyunan niyang manuod ng New Year’s Countdown sa Mall of Asia para sandaling makalimot at saka siya uuwi sa condo at magpapakalunod sa alak. Binago na niya ang planong sa bahay nila kasama ang pamilya na sasalubungin ang bagong taon. tinext na niya ang mama niya at mga kapatid para hindi na siya asahan pa ng mga ito.
Sa isang sulok kung saan walang masyadong tao ay hindi niya inaasahan na makikita ang isang tao.
“Emil?” wika niya sabay hawak sa balikat nito.
“Direk, ikaw pala!” gulat na gulat si Emil.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Benz. “Bakit ka umiiyak?” kasunod pa nitong tanong. Umupo din ang binatang direktor sa tabi ni Emil at inakbayan pa niya ang scriptwriter.
Naging mabilis na naman ang tibok ng puso ni Emil sa sitwasyon nila ngayon. Ang kanilang ayos at ang kanilang posisyon. Sa wari niya ay may hatid na kakaibang damdamin ang presensiya ni Benz sa mga oras na iyon at may kakayahang baguhin ang kung anumang nadarama niya sa mga oras na iyon.
“Ako? Umiiyak? Hindi kaya.” pagsisinungaling ni Emil. “Ikaw, bakit ka nandito?” balik na tanong ni Emil kay Benz at pag-iiba na din sa usapan.
“Sige, ganito na lang.” tila may naisip na ideya si Benz. “Ikukwento ko kung bakit ako nandito pero dapat ikukwento mo din kung bakit ka nandito.” tila pangungundisyon ni Benz kay Emil.
“Hindi ako interesado.” malungkot ngunit sarkastikong tugon ni Emil sa sinabing iyon ni Benz.
“Hindi daw interesado oh.” kontra naman ni Benz na may tono ng pang-aasar.
“Di’yan ka na nga! Nanahimik ako dito guguluhin mo pa.” saad ni Emil sabay ang pagtayo nito.
“Dito ka lang.” wika ni Benz sabay hawak sa kamay ni Emil. “Please, samahan mo muna ako.” pakiusap pa ng binatang direktor.
Wari bang ang presensiya ni Benz ay lalo pang nagatungan sa pakiusap nito sa kanya. Sa pakiramdam ni Emil ay nawili na din siya sa tabi nito kung kayat imbes na umalis ay agad na bumalik si Emil sa pagkakaupo at muling tinabihan si Benz.
“Salamat!” tugon ni Benz na may lakip na isang simpatikong mga ngiti na sapat na para muling matunaw ang nagyeyelong si Emil. Hinubad niya ang suot na jacket at kanyang isinuot kay Emil na nuon ay manipis na t-shirt lang ang suot. Muli din niya itong inakbayan at mahigpit na hinawakan.
Wala mang malinaw na sagot mula kay Emil ay sinimulan na ni Benz ang pagkukwento sa kung ano ang nangyari sa kanila ni Julian. Detalyado na puno ng emosyon. Nang makatapos magkwento ni Benz ay mahabang pilitan pa bago ikuwento ni Emil ang kung ano ang nangyari sa kanya. Naluluha man si Emil subalit pakiramdam naman niya ay gumagaan ang pakiramdam at ang dala dala niya.
Makatapos magkwento ay agad na nagsalita si Benz.
“Gusto mo sa Condo ko muna tumira?” aya ni Benz kay Emil.
“Ha!?” tila hindi makapaniwala si Emil sa sinabing iyon ni Benz. “Nakakahiya naman, makikitira ako ng libre.” sagot ni Emil.
“Sinong may sabing libre kang titira dun?” tugon ni Benz.
“Wala akong pambayad kung hihingi ka ng renta.” sagot pa ulit ni Emil.
“Hindi ako hihingi ng renta sa’yo. Pagsisilbihan mo lang naman ako kapalit nang pagitra mo.” wika ni Benz na ngayon ay nakaramdam ng kakaibang ligaya dulot ng pagsasama nila ni Emil sa iisang bubong.
“May bahay naman akong uuwian kaya hindi ko na kailangan pang makitira.” tila may asar na sa tinig ni Emil na sa katotohanan lang ay gusto din niya ang ganuong set-up na magkasama sila ni Benz.
“May bahay ka nga ayaw ka namang patirahin nang nanay mo. Wag ka nang magdahilan, deal na yan.” wika ni Benz sabay hila kay Emil papunta sa kotse nito at agad na pinaandar papuntang condo unit niya.
0 comments:
Post a Comment