Dreamer C10

Saturday, February 19, 2011

Chapter 10
Almost There

“Ah, Emil!” simula ni Benz habang nasa loob sila ng sasakyan.
“Bakit?” tanong ni Emil na may matipid na ngiti.
Matapos ang pagtatagpo nilang apat ay nag-aya nang umuwi si Benz. Hindi niya inaasahan na bigla na lang bubulaga sa harap niya si Julian at ang mas higit pa dito ay hindi niya alam kung papano ito ipapaliwanag kay Emil. May pangamba sa kanya na baka magbago ang pagtingin ng binatang scriptwriter sa kanya. Isa pa ay nasaktan din siya sa nakitang ang Julian na dating sa kanya ay napunta na sa iba. Nawala na din ang lahat ng pag-asa niya na magbabalik sa kanyang piling ang binata. Ayaw niyang masira ang relasyon ni Julian sa kinakapatid niyang si Ken at higit pa ay ayaw niyang masaktan si Ken kung mababawi niya si Julian dito. Hindi niya alam kung ano sa dalawang problema ang una niyang haharapin – ang pagpapaliwanag ba kay Emil ng katotohanan o ang tuluyang pagkalimot kay Julian.
Si Emil naman ay nasa gitna pa din ng pag-iisip sa kung ano ang nangyari kanina. Patuloy at paulit-ulit na umaalingawngaw sa kanyang diwa ang – “He is my newest buddy!” na sinabi ni Julian. Mga katagang mitsa kung bakit tila nawalan na ng gana ang puso niya para asahang may mapapala pa ang paghihintay niya kay Ken.
“Iyong sa nangyari kanina.” tila nahihiyang simula ni Benz kay Emil.
“Alam ko na ‘yun.” nakangiti pa ding sagot ni Emil.
“Ano kasi, hindi iyon tulad ng iniisip mo. I mean, please, magpapaliwanag muna ako.” nagkakanda-utal na wika ni Benz.

“Direk!” tila pagpapakalma ni Emil sa nabubulol ng direktor. “Matagal ko ng alam na lalaki si Julian.”
“Paano?” nagulat na tanong ni Benz sa hindi inaasahang sagot ni Emil.
“Remember the day I left LD? I mean, nung pinalayas mo ako sa LD?” simula ni Emil. “Actually, I was in the car habang nag-uusap kayo ni Julian. That time, I was looking for my phone and iyon nga, sumakay kayo sa loob ng van.”
“Huh?” naguguluhan man ay pinilit alalahanin ni Benz ang nangyari nun. “Baka naman sinundan mo lang kami?” may pilyong timbre sa tinig ni Benz.
“Hello! Kung sinundan ko kayo dapat kayo ang nauna sa van.” pambabara ni Emil kay Benz. “Ako kaya ang naunang sumakay sa van.” halos magsalubong ang kilay na pahabol pa ni Emil. “Pasalamat ka pa nga kasi hindi ko ipinagkalat.” pagkasabi ay biglang tumulis ang nguso nito.
“Okay! Wag ka nang magalit.” sabi pa din ni Benz. “Salamat for keeping my secret a secret.”
“Direk, hindi naman sa nanghihimasok ako sa buhay mo.” pag-iiba ni Emil sa usapan. “I guessed this is the time for you to move on.” suhestiyon nito. “I mean, learn to live without Julian and start a brand new life.” paglilinaw pa ng scriptwriter.
“Alam mo writer ka nga, magaling kang magpayo.” tila papuri ni Benz kay Emil. “Pero, sana alam mo ding mahirap gawin iyang sinasabi mo.” pagbaligtad niya sa sitwasyon.
“Mahirap pero magiging madali kung gugustuhin mo at sisikapin mo.” wika ni Emil.
“Sige na, kunin mo na mga gamit mo sa inyo.” pagmamaniobra ni Benz kay Emil. “Balak ko pa namang ilibre ka ng mga bagong damit, kaso tinamad na akong bigla.” may pilit na ngiting wika pa nito. “Here is the duplicate key ng unit. Baka mauna kang makauwi, gagabihin kasi ako.” pahabol pa ni Benz na tila may nais ipakahulugan. “Dun ka sa isang kwarto matulog, wag sa sala, baka kasi magkasakit ka pa.”
“Umuwi ka ng maaga.” tanging nasambit ni Emil, sa palagay kasi niya ay alam na niya kung saan ang lakad ni Benz. Bumaba na din ng sasakyan si Emil at umuwi sa kanila.
Sa Bulacan, sa bahay ng Ninong Mando ni Emil –
“Kuya Emil!?” masayang bati ni Vanessa sa kinakapatid na sa wari ba’y naninigurado kung si Emil nga ba iyon.
“Oi, wag kang masyadong maingay.” pabulong na wika ni Emil.
“Ikaw nga Kuya! Buti na lang at bumalik ka. Alam mo ba, napakalungkot ni Kuya Vince kagabi.” tila nadulas na wika ni Vanessa. “Ibig kong sabihin kami pa lang lahat malungkot.” pagbawi naman niya.
“Ako din naman malungkot kagabi.” saad ni Emil. “Hay naku Vince, kung hindi lang talaga kita kakilala, iisipin kong may gusto ka sa akin.” wika naman ni Emil sa sarili.
“Teka tatawagin ko lang si Kuya Vince saka sina tatay.” sambit ni Vanessa at saka tumakbo palabas ng bahay. “Tiyak na magugulat iyon sa itsura mo ngayon.”
“Kuya! Kuya!” tawag pa nito.
Samantalang agad na umupo si Emil sa may bintana kung saan ay kitang-kita niya ang kanilang mumunting kubo. Nakita din niya ang ina na masayang-masaya na tila ba ay ipinagdiriwang pa nito ang pagkawala niya. Labis na sakit ang unti-unting nararamdaman ni Emil sa mga oras na iyon. Hindi niya maikukubli pa sa sarili na talagang wala nang pakialam sa kaniya ang ina. Ibig niyang lumuha sa mga bagay na pumapasok sa isipan niya subalit labis din naman ang pagpipigil niya sa sarili dahil sa ayaw niyang madatnan nang kanyang ninong na umiiyak.
Sa kabilang bahagi naman ay –
“Kuyyaaaaa!” isang nakakabinging tawag ni Vanessa nang marating na nito ang tinatambayan ni Vince.
“Bakit na naman ba?” asar na wika ni Vince sa kapatid.
“May artista sa bahay.” masayang pagbabalita ni Vanessa kay Vince.
“Gago! Umayos ka nga!” sagot ni Vince.
“Isusumbong kita kay tatay, minura mo ako.” may pagtatampo pa sa tinig na wika ni Vanessa. “Para joke lang.”
“May pajoke-joke ka pa kasi!” agad na sagot ni Vince.
“Si Kuya Emil nasa bahay na!” saad ni Vanessa sa masiglang paraan.
Hindi na kinumpirma pa ni Vince kung totoo ang sinabi nang kapatid dahil agad na siyang tumakbo pauwi. “Emil! Sa wakas bumalik ka na! Masasabi ko na sa iyo lahat! Masasabi ko na sa iyo lahat-lahat.” wika niya sa sarili.
“Kuya! Wag excited! Hintayin mo ako!” habol ni Vanessa.
“Istorbo ka lang! Maiwan ka na lang.” walang lingon niyang sabi sa kapatid.
Pagkadating ni Vince sa bahay ay agad siyang pumasok, napangiti naman si Vince sa nakitang totoo ang sinasabi ni Vanessa. Ang malungkot niyang puso ay muling napasaya nang masilayan ng kanyang mga mata ang taong nais niyang makita. Nakatalikod ito sa kanya at sa wari niya ay nakatingin sa kabilang bahay – ang kanilang bahay.
“Emil!” mahinang usal ni Vince.
“Bakit?” agad na nagpahid ng luha si Emil at saka dahan-dahang lumingon. Pinintahan din niya ng mga ngiti ang labi upang pagtakpan ang sakit na muling nagbalik sa kanya.
Biglang napahinto si Vince sa nakita. “Emil! Ikaw ba talaga iyan?” wika ni Vince sa sarili. Namangha sa siya sa anyo ng Emil na nasa harap niya. Ang mapang-akit na mata ni Emil na mababakasan ng lungkot ay lalo at higit pang naging mapang-akit para sa kanya. Ang mga labi nitong ninais niyang maangkin ay heto’t higit siyang tinutukso upang ariin. Higit pang nadagdagan ang kakaibang aura ni Emil dahil sa bikas nito ngayon. Oo! Matagal nang may gusto si Vince sa kababatang kinakapatid. Ngayon ay nasisigurado na niyang mahal niya ito subalit wala siyang lakas ng loob para umamin at aminin kung gaano niya kagustong makasama ito habang-buhay. Sa una ay pilit niyang nilalabanan ang ganuong damdamin para kay Emil. Ang pagpigil sa damdaming iyon ay humantong sa panliligaw niya sa iba’t-ibang mga babae at pagkakaroon ng kabilaang girlfriends. Hindi naman siya nahihirapang makahanap ng mga syota dahil sa itsura nitong artistahin, may matangos na ilong, mga matang tila ba laging kumikislap, ang mga labing mapupula na tawag atensyon at higit pa ay ang morenong kulay na bumabagay sa matipunong katawan. Ang pinakahuli na nga niyang relasyon ay ang kay Jona na malapit na kaibigan ni Emil, ito ang nakapansin na si Vince ay may lihim na pagtingin at pagmamahal para kay Emil. Hindi naging sarado ang isipan ni Jona sa bagay na iyon kung kaya’t siya na ang naging tagapayo ni Vince para ilahad ang tunay na laman nang puso at ito na ang naging katapusan ng kanilang relasyon bilang magsyota.
“Hoi!” tila naiinip na sigaw ni Emil. “Hindi ba bagay sa akin?” tanong pa ni Emil.
Nagulat si Vince sa sigaw na iyon ni Emil. “May artista nga!” tanging naibulalas niya.
“Loko! Artista ka d’yan.” pagsalag ni Emil saka nilapitan si Vince.
“Ah, eh, kumain ka na ba?” naging aligagang tanong ni Vince sa kinakapatid.
“Kaya nga ako umuwi kasi nagugutom ako.” birong wika ni Emil.
“Kasi naman pinapauwi, hindi ka umuwi.” tila may pagtatampong wika ni Vince.
“Sorry naman!” sagot ni Emil. “Siyempre, para mamiss naman ninyo ako.” sagot pa nito.
“Iyan ang bagay sa’yo.” wika ni Vince sabay batok kay Emil na may kasamang nahinang tawa. “Kung alam mo lang Emil, lagi kitang namimiss at naaalala.” sa loob-loob ng binata.
“Di ba may sasabihin ka kagabi?” pagtatanong ni Emil kay Vince.
“Ako?!” muling bumilis ang pagtibok ng puso ni Vince nang maalalang may ipagtatapat ito kay Emil. “Wala!” maang na sagot ni Vince. “Hindi na tayo bagay Emil! Kahit nuon pa man ay hindi na talaga tayo bagay higit pa ngayon. Sa itsura mo, sa bikas mo? Siguradong madaming mas higit pa sa akin ang makikilala mo, ang magkakagusto sa’yo.” sa loob-loob ni Vince.
“Emil, hijo!” simulang bati ni Mang Mando.
“Ninong!” wika ni Emil sabay na pagmamano.
“Aba!” gulat na wika ni Mang Mando. “Anong ginawa mo sa sarili mo at ganyan ang itsura mo?” tanong pa nito.
“Ano po kasi ninong, basta mahabang kwento.” saad ni Emil.
Sa kabilang bahagi naman ng Pilipinas, matapos niyang ihatid sa sakayan ng bus si Emil ay agad siyang tumungo sa lugar kung saan sila nagkakilala ni Julian. Umupo siya sa upuan, sa eksaktong upuan kung saan tumawag ng pansin sa kanya ang lalaking nagpatibok ng kanyang puso. Unang lalaking minahal niya ng lubos at ang huling pag-ibig na akala niya ay hindi na matatapos ngunit ngayon ay malinaw na nabigyan ng tuldok.
“Benz?” tawag ng isang lalaki kay Benz at agad itong lumapit sa kinaroroonan ng binatang direktor.
“O Vaughn ikaw pala!” bati ni Benz sa binata. “Anong ginagawa mo dito?” tanong pa nito kay Vaughn.
“Adik ka ba? Sa amin kaya ‘tong theme park na ’to at ako din ang head dito.” sagot ni Vaughn. “Ikaw? Anong ginagawa mo dito?”
“Namamasyal para kumita naman kayo.” pagbibiro pa ni Benz.
“Sira!” saad ni Vaughn. “Sa tagal ba naman nating magkakilala lolokohin mo pa ako.”
Si Vaughn ay classmate ni Benz sa high school sa isang sikat at kilalang university sa bansa. Naging matalik na magkaibigan at magkabarkada. Si Vaughn din ang naging dahilan kung bakit sila nagkakilala ni Julian at iyon ay naganap ng minsang ayain siya ni Vaughn na sumama sa kanya sa theme park na pag-aari nila. Si Vaughn ang best friend ni Julian. Alam ni Benz na may bahid si Vaughn, alam at pansin niya nuong una pa lang na silahis ang kaibigan subalit tanggap niya lahat ng iyon. Sa una’y hindi niya maamin sa sariling mahal na niya si Julian kaya nga umabot pa ng pitong taon mula ng magkakilala sila bago maging sila. Si Vaughn ang tumulong sa kanya para tanggapin sa sarili na nagmamahal siya ng kapwa lalaki.
“Si Julian ba?” tanong ni Vaughn.
Nanatiling tahimik si Benz at walang imik.
“Tama ako si Julian nga!” naliwanagang saad ni Vaughn. “Ano naman ba ang nagyari?” tanong pa nito.
“Akala ko may pag-asa pa kami.” tila biting simula ni Benz. “Wala na pala talaga. Pare, napakadali niya akong palitan. Sobrang bilis, wala pang isang buwan may kapalit na ako.” mangiyak-ngiyak na tila pagsusumbong ni Benz.
Agad namang hinagod ni Vaughn ang likuran ni Benz na wari bang inaalo niya ang kaibigan.
“Masakit pa pare, kinakapatid ko ang ipinalit niya sa akin. Nakakagago nga, hindi ko kayang bawiin si Julian sa kanya kasi ayokong masaktan siya. Pero ako? Heto, hirap na hirap, hindi ko alam kung paano magsisimula.” si Benz ulit.
“Lahat na ng alam ko para maging masaya siya ginawa ko, pero dahil lang sa minsang nagkulang ako sa kanya nakipaghiwalay na siya sa akin at ipinagpalit na ako kaagad sa iba.” si Benz pa din. “Pare, sa isang taong tumatakbo ang relasyonn naming, kahit siya ang may kasalanan ako pa din ang humihingi ng sorry. Kahit na pride ko nilunok ko na para sa kanya, lahat ng gusto niya pinagbigyan ko. Lahat pare! Ginawa ko lahat!” tila panunumbat pa ni Benz.
“Pare, kung iniwan ka na niya, move on! There should always be a room for moving on. Kung iniwan ka niya at iiyak ka lang di’yan, you are making your life miserable. Talo ka ng dalawang beses, iniwanan ka na nga, umiiyak ka pa. Hindi iyon babalik sa’yo kung magmumukmok ka lang sa sulok at aatungal, iiyak, ngangawa. Walang mangyayaring maganda sa buhay mo kung ganyan ang gagawin mo. Learn to accept na hindi kayo para sa isa’t-isa.” tila habilin ni Vaughn kay Benz.
“Pare, mahal na mahal ko si Julian. Nag-iisa lang siya sa mundo.” giit pa din ni Benz.
“Tama! Nag-iisa lang si Julian sa mundo at hindi ka na magmamahal ng katulad ng pagmamahal mo sa kanya.” sang-ayon ni Vaughn. “Come to think of it! Bakit ka maghahanap ng kagaya ni Julian kung mayroon namang ibang tao na mas angat kaysa sa kanya. He is not the best in the world, maybe yes para sa’yo kasi mahal na mahal mo siya at talagang hindi ka makakakita ng mas higit sa kanya kung bubulagin ka pa din nang pagmamahal mo para sa kanya. Bakit ka magmamahal ng katulad ng pagmamahal mo sa kanya kung pwede ka namang higit na magmahal ng iba.” tutol naman ni Vaughn sa sariling inayunan.
Muling naging tahimik ang pagitan ng dalawa.
“Sige na pare alis na ako. May meeting pa ang mga staff ko and they need my presence.” paalam ni Vaughn sa binatang direktor.
“Salamat pare, salamat sa pagdamay.” pasalamat ni Benz.
“Welcome!” nakangiting sagot ni Vaughn. “Basta, be open for changes, malay mo nasa tabi-tabi lang pala ang hinahanap mo.” makahulugang wika ni Vaughn saka tuluyang iniwan ang kaibigan.
Nilibot pa ni Benz ang buong theme park at duon na nagpaabot ng dilim. Pagkagaling sa theme park ay sa isang bar siya dumiretso para muli ay magpakalunod sa alak. Walang hanggang pag-inom ang ginawa niya.
Sa unit naman niya ay maagang nakabalik si Emil at tulad nga ng inaasahan ay walang Benz na inabutan ang binatang scriptwriter.
“Nasaan na kaya iyong salbaheng emo na ‘yun?” naiinip at pag-aalala ni Emil para kay Benz.
Ilang oras din siyang nag-aabang sa pag-uwi ni Benz subalit nagdikit na ang araw ay wala pa din ni anino o tawag man lang mula dito. Ipinagluto ni Emil si Benz ng masarap na hapunan nang sa ganuon, kahit sandali ay mawala sana ang kalungkutang mula dito. Nagtyaga si Emil na hintayin ang direktor. Ang nais lang naman niya ay madamayan ito para kahit papaano ay mabawasan ang sakit na nadarama ng direktor. Inaantok man ay pinipigilan niyang makatulog para kung sakaling dumating si Benz ay siya na ang sasalubong. Inabot na ng umaga, pilit pa ding nilalabanan ni Emil ang antok, kahit na nga ba gusto ng bumigay ang buo niyang katawan ay may kung anung lakas na nagpapanatili sa kanyang nakabangon.
“Alas-tres na wala pa din!” nag-aalalang saad ni Emil. “Magkasama nga kami sa trabaho dati, wala naman akong number niya at magkasama nga kami sa bahay, hindi ko man lang nakuha ang number niya.” tila paninisi ni Emil sa sarili.
Pamaya-maya pa ay dumating na din sa wakas si Benz na langong-lango sa alak.
“Sobra ka naman kung makainom!” pambungad ni Emil saka inalalayang pumasok sa loob si Benz.
Nawala ang antok ni Emil ng mga oras na iyon. Bumalik ang sigla niya at inasikaso si Benz na ngayon nga azy diretso nang bumagsak at tila wala ng malay.
Pinunasan ni Emil ang buong katawan ni Benz, puno ng pag-aalala ang puso ni Emil para sa binatang direktor. Nagkaroon ito ng puwang sa puso niya at hindi niya namamalayang may isang damdaming unti-unti ng umuusbong sa kanya. Pinagtyagaan din niyang buhatin ang direktor papunta sa kwarto nito at duon niya pinalitan ang damit nito.
“Loko ka! Papakalasing ka hindi naman pala kaya!” nangingisi pang wika ni Emil.
Kinaumagahan –
“Anong ginagawa ng mokong na iyan dito?” nagtatakang simula ni Benz nang makita si Emil na natutulog kasama niya. Iyon nga lamang ay nakalupasay ito sa sahig at ang ulo lang ang nasa kama.
Nasa akto ng huhubarin ni Benz ang damit subalit –
“Ito ba ang suot ko kagabi?” nagtataka niyang tanong sa sarili saka napalingon kay Emil.
Napangiti siya sa kung anuman ang naiisip niyang nangyari nung gabi. Nagkaroon ng kakaibang ngiti sa kanyang mga labi sa isiping ang binatang kaharap niya ngayon ang may kagagawan ng lahat ng ipinagtataka niya. Ang tanging posibleng umasikaso sa kanya at nag-alaga sa kanya ng nakaraang gabi. Hindi maipaliwanag ni Benz kung bakit ganuon na lang ang ligayang nadarama niya at ang mumunting kiliti na nagiging dahilan para maging maganda at masaya ang kanyang umaga.
Maingat niyang binuhat si Emil at hiniga sa kama, inayos ang pagkakahiga at saka niya ito tinitigan. Patagilid din siyang humiga sa tabi nito at nanatiling nakapako ang kanyang paningin sa maamong mukha ni Emil. Dahan-dahan din niyang hinimas ang mga pisngi nito at pinadaanan ng mga daliri ang mga mata, labi at ilong ni Emil.
Mahina din siyang bumulong – “Baka nga tama si Vaughn, baka nasa tabi ko lang pala ang tunay kong kaligayahan pero hindi ko lang makita dahil binubulag ako ng pagmamahal ko kay Julian. Emil, ikaw na ba iyon? Pero hindi, hindi ko muna sasabihin hangga’t hindi pa ako sigurado. Ayokong masaktan ka pag sa bandang huli ay mali pala ako ng akala. Hindi mo din pwedeng malaman lalo’t higit nasa proseso ako ng moving-on.” nangingiting dugtong pa niya.
Habang nahihimbing naman sa pagkakatulog si Emil ay agad namang bumangon si Benz at lumabas sa kwarto. Tanghali na ng magising si Emil, tila walang pakialam at walang pagtatakang mababakas sa kanya ay agad siyang bumangon.
“Benz!” tawag ni Emil.
“Goedemiddag!” bati ni Benz kay Emil.
“Anung nangyayari sa’yo?” tanong ni Emil kay Benz at tila nagtataka siya sa nakikita.
“Ipinaghanda ka ng makakain.” masiglang tugon ni Benz.
“Teka sandali.” wika ni Emil saka lumapit kay Benz. “May sakit ka yata.” pagkasabi ay saka niya sinalat ang noo ng direktor.
Hinawakan naman ni Benz sa kamay si Emil saka iniupo. “Basta, maupo ka na lang at hintayin mo na ang lunch mo.”
Napangiti na lang si Emil sa ginagawa ngayon ni Benz sa kanya. May bahagi sa puso niya ang bumubulong subalit sa sobrang hina ay hindi pa niya maintindihan. “Kung sana lagi kang ganito, e di magkakasundo tayo.” wika ni Emil sa sarili.
“Ah Emil!” simula ni Benz sa usapan habang kumakain sila. “May gagawin ka ba ngayon?” tanong ni Benz kay Emil.
“Wala naman.” agad na sagot ni Emil. “Bakit?” tanong pa niya.
“Kasi di’ba hindi tayo natuloy kahapon.” si Benz ulit.
“Oo, ayos lang iyon.” sagot ni Emil.
“Ayain sana kita ulit.” saad ni Benz na may isang simpatikong ngiti.
“Sige ba.” walang pagdadalawang-isip na tugon ni Emil. “Basta ba hindi ka mang-iiwan.” tila pasaring na habol niya.
Isang nakakalokong ngiti lang ang sinagot ni Benz kay Emil.
“Sir Benz may delivery po para sa inyo.” sabi sa telepono ng isang staff kay Benz.
“Pakikyat na lang dito kung pwede.” sagot naman ni Benz.
Nagtataka man ay hinintay na lang ni Benz kung ano ang delivery niya. Hindi na nga nagtagal at dumating na ito sa unit niya at agad din namang binuksan.
Isang bote ng white wine ang laman ng package at may kasama pang note na ang laman ay –
“Thank you for the last night. I enjoyed you and Mark. Love Liz.”
Biglang napaisip si Benz sa kung ano ang nabasa. Ngunit higit pa ay ang pakukubli niya at paglamukos sa note na iyon dahil sa takot na mabasa ito ni Emil.
“Anung sabi sa note? Saka kanino galing.” usisa ni Emil.
“Wala ito.” kinakabahang sagot ni Benz dahil sa totoo lang ay hindi na malinaw sa kanya ang kung anumang nangyari nuong gabi.
“Hindi nga? Pabasa nga.” wika ni Emil saka tumayo at nilapitan si Benz.
“Wag na.” giit ni Benz na agad na lumayo.
“Para babasahin lang.” tila may tampo na sa tinig ni Emil.
Pilit na iniisip ni Benz kung sino iyong Mark at Liz na nakalagay sa note. Kahit na nga ba lasing na lasing siya ay alam pa din niya kung ano ang nagyayari sa kanya at kung sinu-sino ang kinakausap niya. Higit pa duon ay hindi siya para sa one-night stand lang o kaya naman ay sa mga hook-ups at wala pang nagyayaring ganuon sa buhay niya.
“Sa wakas nakuha ko din!” sigaw ni Emil ng mapasakamay niya ang note na nilamukos at tinapon ni Benz.
Biglang kinabahan si Benz sa nangyari. Mabilis niyang bawi kay Emil, subalit tumakbo ang binatang scriptwriter kung kaya’t hindi na niya ito naagaw pa.
“Thank you for the last night. I enjoyed you and Mark. Love Liz.” binasa ni Emil ang note sa simula ay malakas at mataas na tono subalit naging pababa na makikitaan ng pagkabigla hanggang sa matapos.
“Okay Emil please listen to me!” tila pagpapaliwanag at pakiusap ni Benz na pakinggan siya. “Hindi ko kilala kung sino si Liz o kung sino si Mark. Yeah, I have a friend named Mark pero hindi pa kami nagkikita almost a month na. Baka nagkamali lang ng address or ng unit address. Besides, hindi ko gawain ang one-night stand or hook ups.” may pagmamakaawa sa tinig ni Benz.
“Bakit ka nag-eexplain?” may pilit na ngiting tugon ni Emil. Sa katotohanan lang ay nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kirot dahil sa nabasa niya. Biglang sumakit ang kung anumang nasa puso niya. Naguguluhan siya, alam niyang wala siyang karapatan na makaramdam ng ganuon subalit ito ang dinidikta ngayon ng puso niya sa kanya.
“Please Emil, sana maniwala ka. Ayokong maiba ang tingin mo sa akin.” buong sinseridad na wika ni Benz at saka nito hinawakan sa mga kamay si Emil at tinitigan sa mga mata. “Please!” ulit pa niya.
Isang matipid na ngiti lamang ang sinagot ni Emilk kay Benz. Isang ngiti na lumalarawan sa pait na unti-unting bumabalot sa katauhan niya. Pinipilit niyang maniwala sa paliwanag ni Benz at pinipilit niya ang sariling intindihin kung ano ba ang nararamdaman niya.
“Bihis ka na ng makaalis na tayo.” aya pa ni Benz kay Emil.
Nanatiling walang imik si Emil sa loob ng sasakyan hanggang sa makarating sila sa mall.
“Hintayin mo ako dito magpapark lang ako.” wika ni Benz kay Emil na ibinaba niya sa entrance ng mall.
Tumingin si Emil sa itaas at napansin niya ang mga naglilinis ng salamin. Nawili siyang titigan ang mga ito hanggang sa –
“Tumabi ka!” aniya ng isang lalaki sabay yakap kay Emil palayo. Kasunod nito ay ang pagbagsak ng dalawang timba ng tubig at mga basahan.
Napapikit si Emil sa nangyari. Hindi niya inaasahan ang ganung bagay. Natakot? Oo, natakot siya. Mabilis ang naging tibok ng kanyang puso, halos ikamatay na niya ang nerbiyos dahil sa nangyari. Unti-unti niyang idinalat ang mga mata na lalong naging sanhi ng pagbilis ng tibok ng puso niya.
Ang lalaking nagligtas sa kanya ay ngayong nakapatong sa ibabaw niya habang nakayakap pa din. Nakatitig ito sa kanya at ang mga mata ay nakapako na sa kanyang mukha, nakangiti na tila ba may nais ipakahulugan.
“Ayos ka lang ba?” tanong ng lalaki kay Emil.
“Oo, ayos lang ako.” sagot ni Emil na napanatili ang posisyon nilang dalawa. “Salamat nga pala Ken.” dugtong pa nito.
Hindi maigalaw ni Emil ang sariling katawan dahil sa kakaibang kabang dinala sa kanya ng presensiya ni Ken. Sa wari niya ang matutunaw siya sa titig nito sa kanya at ang mga ngiting nagpapalutang sa kanya ngayon sa alapaap. Napahinto ng binatang aktor ang mundo niya na tila ba sila lang ang tao ngayon sa daigdig at walang ibang nakakakita sa kanila. Sa wari niya ay nais niyang manatili sila sa ganuong posisyon hanggang sa matapos na ang walang-hanggan. Ang pagkakadikit ng katawan nila ay nagbigay sa kanya ng kakaibang kuryente na unti-unting dumaloy sa buo niyang katawan na naging sanhi para ang takot na mararamdaman niya kanina ay mapalitan ng kakaibang saya at ligaya.
Hindi nila alintana na madaming tao ang ngayon ay nakatingin sa kanila dahil maging si Ken ay ayaw na matapos ang oras na iyon. Nais ng binatang artista na manatili sila sa ganuong ayos hanggang sa kanilang huling-hininga. Masaya siyang maramdaman ang init na mula sa katawan ni Emil at kakaibang kiliti din ang nararamdaman niya kapag tumatama sa mukha niya ang hanging lumalabas mula sa binatang scriptwriter.
Sa kabuuan ng pangyayari, hindi nila pansin na may isang taong nakamasid ngayon ay labis na nakakaramdam ng kirot sa nakikita.
“Sir ayos lang po ba kayo?” tanong ng guard sa dalawa.
“Ayos lang.” sagot ni Ken saka bumangon. Inalalayan din niya na makatayo si Emil.
“Dahan-dahan lang.” nag-aalalang wika pa ni Ken.
“Anong nangyari?” pambungad na tanong ni Benz sa dalawa na humahangos at humihingal pa.
“Wala, muntikan lang kasi na malaglagan si Emil ng timba.” sagot ni Ken.
“Wala tapos muntikan.” sarkastikong sagot ni Benz.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Benz kay Emil.
“Oo, salamat na lang at nailigtas ako ni Ken.” wika ni Emil na hindi magawang tingnan si Ken dahil sa hiya.
“Walang anuman.” sagot ni Ken.
“Salamat Ken.” pilit na pasalamat ni Benz kay Ken.
“Saan nga ba kayo pupunta?” tanong pa ni Ken.
“Ibibili ko sana ng gamit si Emil.” agad na sagot ni Benz.
“Pwede ba akong sumama?” tugon ni Ken na may pahabol pang mapanghamon at nakakagagong ngiti.
“Sure, bakit hindi.” sagot naman ni Benz na halatang napipilitan lang.
Hindi pa man sila tuluyang nakakapasok sa loob ng mall ay –
“May lakad nga pala ako ngayon.” tila naalala ni Ken.
“Ganuon ba? Sige unahin mo na iyon.” umaliwalas ang mukhang tugon ni Benz.
“Sige, mauna na ako at baka magalit na naman si papa sa akin.” paalam pa ni Ken sa dalawa at saka ito tuluyang umalis na.
“Buti naman ang wala ng asungot.” saad ni Benz sa sarili.
Matagal ding naglibot sina Emil at Benz sa loob ng mall. Nanatiling tahimik ang dalawa, walang imikan. Hanggang sa may pumasok na isang bagay sa kukote ni Benz.
“Tara sa bahay?” aya ni Benz kay Emil.
“Huh?!” naguguluhang sagot ni Emil.
“Papakilala kita kila papa.” saad pa ni Benz saka hinatak si Emil papalabas na mall.
Sa bahay nila Benz sa Laguna –
“Anak, wala ka man lang pasabi na uuwi ka pala.” tila gulat na bati ng mama ni Benz.
“Pasensiya na po hindi po ako nakadalaw kahapon. Kaya ngayon na lang po ako umuwi.” tila paumanhin pa nito.
“Ayos lang iyon, at least naalala mo pa ding umuwi.” nakangiting wika ng mama ni Benz.
“Aba ang kumag biglang naputulan ng sungay!” bulong na tila tukso ni Emil para kay Benz.
“Nga pala ma!” si Benz ulit. “Meet Bien Emilio Buenviaje.” nakangiting pakilala ni Benz kay Emil.
“Good evening po ma’am.” nahihiyang bati ni Emil sa mama nito.
“Nice to meet you Emil. Halina kayo at pumasok na kayo.” anyaya pa ng matanda sa dalawa.
Namangha si Emil sa ganda ng bahay nila Benz. Hindi niya inaasahan na mas maganda pa pala ang loob nito kaysa sa akala niya. Kung sa labas ay talagang namangha na siya dahil sa napakalaking istruktura at malawak na hardin na may private pool pa, mas kamangha-mangha pala pag nakapasok ka na mismo sa loob nito. Mga gamit na maayos na nakalagay at nakapwesto sa bawat lugar, mga makakapal na kurtina na nahahawi at ang mga tela ay halatang galing pa sa ibang bansa. Ang malawak na kabuuan ng bahay na kahit puno ng gamit at makikita mo pa din na maluwag. Ang isang malaki at malawak na hagdan paakyat sa ikalawang palapag at ang kapaligirang maituturing mong hari at reyna ang nakatira sa bahay na iyon. Lahat ng iyon ay kabaligtaran sa kung ano ang mayroon siya.
“I forgot to introduce myself. I’m Cristina, Cristina Tan-Angeles.” sabi pa ng mama ni Benz pagkapasok nila sa loob ng bahay nito.
“Nice to meet you ma’am.” magalang na wika ni Emil.
“Benz anak, buti at napadalaw ka!” wika ng isang baritonong tinig na pababa sa hagdan.
“Pa!” bati ni Benz.
“Akala ko ay nakalimutan mo na kami.” wika pa nito. Agad din namang nahagip ng paningin niya ang kasama ng anak kung kayat – “Sino naman iyang kasama mo?” nakangiti pa nitong tanong.
“Emil po!” pakilala ni Benz.
“Nice to meet you Emil.” agad na abot ng kamay ng Don pagkadating sa lugar nila.
“He is my father, Don Florentino Angeles.” pakilala naman ni Benz sa ama niya.
Ngiti lang ang tanging naisagot ni Emil. Pakiramdam niya ay nanliliit siya sa kung anuman ang nakikita ng kanyang mga mata.
“Benz Aaron, our dearest son. We missed you.” wika pa ng Don saka niyakap si Benz.
“Nakakainggit, kung sana kahit ganito ang nanay ko sa akin masaya na ako.” bulong naman ni Emil sa sarili na naging sanhi para muling tumamlay ang kanyang itsura.
“Is there any problem hijo?” agad na tanong ni Donya Cristina kay Emil nang mapansin nito ang lungkot na biglang bumakas sa mukha niya.
“Wala po!” maang na sagot ni Emil.
“Saan ka nga pala nakatira?” tanong ni Don Florentino.
“I’m from Bulacan, Malolos, Bulacan po.” sagot ni Emil.
“Well, I know people from Bulacan.” tila pagyayabang pa ng Don na tinugunan lang ng ngiti ni Emil.
Agad namang nakagaanan ng loob ng Don si Emil kung kayat hindi nakakapagtaka kung labis na naging matanong ito sa kanya.
Pagkakain ng hapunan ay agad ding nagpaalam ang dalawa. Kahit na pinilit sila na duon na matulog ay labis na tanggi ang ginawa ni Benz dahil iniisip din niya na hindi pa ganuong kakumportable si Emil sa bahay nila.

1 comments:

Myx February 21, 2011 at 5:58 PM  

Nice one Emray!!!
I love it!

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP