Chapter 16 : Task Force Enigma: Rovi Yuno

Wednesday, December 8, 2010

By: Dalisay
E-mail: angelpaulhilary28@yahoo.com
Blog: http://dalisaynapusoatkaluluwa.blogspot.com
Other details: I was taken by the most amazing man in the world. Kenneth Nicdao.


"Wala tayong dapat na aksayahing panahon Perse. Mahirap ng malaman nilang nawala ang ambush team na nakatoka sa gubat." si Rovi sa kanilang team leader sa misyon na pasukin ang kuta ni Park Gyul Ho.

"Tama ka pare. Pero anong plano ang sinasabi mo kanina? Sa report mo ay mukhang iisa lang ang naiisip mong paraan para pasukin ang factory, tama ba?" seryosong sabi ni Perse sa kanya sabay bugha ng hinithit na sigarilyo.

"Oo. Magpapanggap tayo bilang ang mismong ambush team." tumatangong sabi niya.

"Paano gagawin iyon? Imposibleng hindi kilala ang mga nakasagupa mo ng mga tauhan doon."

"Base sa observation ko, mukhang per team ang mga taong nagbabantay. Sa layo ng mga gate sa isa't-isa, hindi imposibleng sabihin na hindi sila halos magkakakilala. At ang ambush team na nakasagupa ko ay may takip sa mga mukha. Pwede nating gayahin ang mismong hitsura nila at pumasok sa kuta na iyon ng hindi napapansin."

"Sige, gagawin natin yan, pero paano natin gagawan ng paraan ang ikalawang gate? Pati na rin ang mismong factory na may automatic lock?" si Perse na diskumpiyado pa rin sa kaniyang plano.


"Wala bang sinabi sa'yo si Rick? Sa mga oras na ito, malamang ay naisagawa na niya ang plano." napapailing niyang wika ng maalala ang balak na gawin ng kaibigan.

"Anong plano?" kunot-noong tanong ni Perse.

"Lilipad siya."

"Lilipad?"

"Tatalon siya sa isang eroplano pare. Yung jump suit na dinesenyo ni Jerick ng katulad ng sa isang squirrel ang gagamitin niya pagkakalas niya sa parachute. Timing ang kailangan natin. Isang sabay na atake mula sa taas at sa ibaba."

"Walang-hiya! Siguradong masaya ito!" natatawang sabi Perse sabay high five sa kanya.

"Sinabi mo pa. I-radyo mo na si Rick. Nasa ere na yun malamang."

Tumalima ito at inayos ang static ng communication line. Ilang saglit pa ay nakakuha sila ng malinaw na sigla mula kay Rick. Medyo maingay gawa ng hangin sa paligid.

"Pare! Langya ka! Nag-a-ala Batman ka diyan ha." si Perse.

Tumawa ito. "'Tol, pumasok na kayo. Siguradong hahanapin na ang mga nakasagupa ni Rovi kanina. Walang tao dito sa lalandingan ko. Okay na ang pwesto." medyo garalgal ang tinig nito gawa ng nasa ere ito.

"Sige 'tol. Nakaisip na rin kami ng paraan. Kapag nakapasok na kami, sila Anipse na at Takeshi ang susunod sa atin. Kailangang magawan mo ng paraan na mapasukan ng bug ang kanilang surveillance system para ma-hack ito ng mas madali ni Jerick. Kanina pa naloloko ang mokong sa pag-crack ng security code ng buong hideout. Mukhang matinik ang anti-hacking security system ng buong lugar." mahabang paliwanag ni Perse.

"Sige 'tol. Raradyohan ko na lang kayo kapag nasa rooftop na ako." paalam ng tinyente.

"Sige."

"Okay. Men. Move!" sigaw ni Perse.

"Yes sir!


Binalikan nila Rovi ang lugar kung saan nakasagupa niya ang ambush team ng talipandas na Koreano. Naroroon din ang grupo ni Jerick na busy sa laptop nito at nasa loob ng isa pang van na gamit nila papunta doon.

Nakahanda na rin ang disguise nilang gagamitin na mula rin sa mga nakalaban niya. Kailangan lang nila ng suot nitong mga jacket at takip sa mukha. Pare-parehas naman silang mga naka-itim kaya tama na ang mga iyon para sa kanila.

Tinapik niya ang busy-busyhan na si Jerick. "'Tol! Anong balita?"

"Sa radyo at tv?"

"Ungas!"

"Same to you." saka ito natawa sa sariling kalokohan.

"Hindi nga. Nasa itaas na si Rick. Papasok na rin kami any moment."

"Okay yan. Pero dalhin ninyo yung mga mini-time bomb ko." sinenyasan nito ang isa sa mga kasama nila at may inabot na mga malilit na tila lighter.

"Ayos to ah." aniyang napapangiti.

"Ako pa." sabay turo nito sa sarili.

"Oo na." naiiling na sang-ayon niya.

"Siyanga pala, Perse! Nakalapag na si Rick." imporma ni Jerick.

"Talaga? Sige. Men. Get your ass ready. We're moving in five minutes." seryosong pahayag ni Perse.

Mabilis silang kumilos. Isinuot ang disguise at isinukbit ang mga armas na gagamitin. Kinuha rin nila ang mga M-16 rifle na gamit ng nakasagupa niya kanina at ang ilang flash bomb, tear-gas, mini-bombs at ilang kunai, combat knife at butterfly knives.

Parang may iisang isip na nagtanguan sila at kumilos palabas ng gubat para pumasok sa gate na pakay nila nang tawagin sila ni Jerick.

"Mga hunghang. Iyong bug at mic nakalimutan niyo. Paano kayo malalaman ang instructions ko kapag na-hack ko na?"

Napakamot sa ulo ang ilan sa kanila saka mabilis na kinuha ang mga bugging device at mic. Nang all set na talaga sila ay lumarga na sila para lumapit sa bukana. Ang siste ay raradyo sila kung pwedeng magpalit ng poste at kailangan nilang magre-group.

Nagpanggap siya bilang yung sniper na naka-poste kanina saka sila kumilos ng kumpirmahin na ng kausap nila sa radyo na may papalit na sa "kanila".

"Okay men. Alerto lang. Move." si Perse.

Mabagal ang kilos nila pero sigurado. Kailangan na din na tutok sila sa mga posibleng mangyari katulad ng pagkabuko sa cover nila. Natanaw nila ang gate at sinalubong sila ng limang tao doon. Katulad ng hinala ni Rovi, nakipagtanguan lang sila dito at saka sila pinatuloy. Disimulado at pasikretong inilaglag niya ang isa sa mga mini-bomb na mukhang lighter.

"Santos! Lighter mo." tawag sa kanya ng isang tauhan ni Gyul Ho.

"Ah salamat. Pero wala ng laman yan 'tol."

"Ganoon ba?" Nagkibit balikat ito at saka itinapon ang inakalang bomba sa malapit na basurahan sa mismong gate.

Napansin din niya ang simpleng pag-iitsa ni Perse at ng tatlo pang kasamahan sa mga dala rin ng mga itong mini-bombs. Para sumabog iyon ay kailangan lang nilang kausapin si Jerick na nakikinig lang sa kanila mula sa bug na nakakabit sa kanila.

Ang misyon, makarating sa ikalawang gate at malapit na sila doon. Pagkatapos, magbabagsak pa sila ulit ng ilang mini-bombs saka gagawan ng paraan na madisarmahan ang mga naroroon. Malapit na sila ng mapansin nila ang bulungan ng ilang nakaposte sa ikalawang gate. Duda siya sa ekspresyon ng mga ito kaya nagsalita siya ng mahina sa mic para kay Perse. Good thing na nakatakip sila ng mukha.

"Pasabugin na natin. Mukhang bistado na tayo. Trap ito pare."

"Mukha nga. Okay. Jerick, men, on three. One. Two. Three." sabi ni Perse sabay kalabit ng gatilyo ng M-16 na dala-dala. Kasabay rin nun ang pagsabog ng sabay-sabay ng mga bombang naitapon na nilang lahat.

Naghiwa-hiwalay silang lima na nakapasok sa loob. Sa kabiglaanan ng mga tauhan ng Koreano ay nawalan ang mga ito ng pagkakattaon na gumanti ng putok. Bawat lumabas na kalaban ay pinapuputukan nila. Napansin niya ang bukas na bintana ng isang gusali na kinaroroonan niya. May nauulinigan siyang mga tao sa loob. Kinuha niya an gisang flash bomb at inihagis iyon doon saka nagpaputok.

Sa sala-salabat na balang pinakakawalan nila ay imposible na para sa kalaban ang makaganti agad. Kahit ang nasa unahang gate na tinatanaw niya sa kalayuan ay itinumba na rin ng mga kasamahan nila.

"Perse, nasaan ka pare?" sigaw niya sa habang nagpapaputok. Ang mga lumalapit or malapit lang sa kanya ay nakakatikim ng suntok o dika sipa saka niya pinapaputukan.

"Tang-ina pare! Na-miss mo agad ako?" nakakalokong sabi nito na halatang nag-eenjoy din sa sagupaan nila.

"Ulol!" tumatawa rin niyang sabi.

Magsasalita pa sana siya ng maagaw ang atensiyon niya ng malakas na pagsabog mula sa itaas ng mismong building na pinasok ni Rick. Mukhang ito ang may pakana nun. Mahilig din ang mokong sa grand entrance.

"Agaw-eksena ang lolo mo!" sigaw niya kay Perse na ang tinutukoy ay si Rick.

"Oo nga. Ang tinyenteng eksenadora!" banat pa nito.

Natawa silang pareho at muntikan ng hindi maka-iwas sa mga bala ng marinig nila ang biglang pagsasalita ni Rick sa linya nila.

"Mga ungas! Naririnig ko kayo."

Paiwas siyang tumalon sa isang kalaban na dadaluhungin siya. Wala na kasi siyang bala kaya kailangan niyang gamitin ang kwarenta y singko niya.

"Kamusta Tinyente?" nangiinis niyang sabi in between shooting every one on his way.

Maingay na maingay ang paligid sa bawat pagsabog. Unti-unting pumapasok na sa loob ng building ang mga kalaban at ang steel gate ay nagsasara na. Napapalatak siya ng wala sa oras.

"Rick. Pasara na ang gate. Ano bang ginagawa mo diyan?" sabi niya habang pinapatamaan ng bala ang mga kumag na nag-aatrasan.

"Naglalaba! Baliw ka ba? May sarili rin akong laban dito. At saka ikinakabit ko ang pang-hack ni Jerick." naasar na sabi nito. Narinig pa niyang nagmura ito at nagpaputok ng sunod-sunod.

"Bilisan mo diyan. Kailangan na makapasok kami."

"Sigurado yun. Sige na."

Natuon na rin ang atensiyon niya sa kung paano sosolusyunan na makapasok kahit nakasara na ang mga gate.

Pinagbabaril niya ang nasa bukana ng building. Ganoon din si Perse na mula sa kung saan ay nagmamadaling lumapit sa kanya.

"Pare, mukhang hirap si Rick sa taas." aniya rito.

"Ang hirap buksan niyan tol. Kung magagawan ng paraan ni Jerick na ma-hack ang system niyan ay pwede niya iyang buksan. Pero siguro may iba pang pwedeng pasukan diyan." sagot ni Perse.

Nilinga nila ang paligid. Tama ito. Imposibleng iyong mga gate lang ang tanging pwedeng pasukan doon. Ang pagingit ng sementong tinamaan ng bakal ay hudyat na nakasara na ito ng lubusan. Walang paraan para daanan ang mga bintana dahil maging ang mga ito ay nakasarado na rin. Automatic ang lock na iyon at ang command ay mula sa computer.

Nagpasya silang maghiwalay ni Perse para maghanap ng ibang mapapasukan. Dumating na rin ang tatlong kasama nila pati na rin sila Anipse at Takeshi na nagsilbing back-up nila. Nagkanya-kanya silang hanap ng pwedeng pasukan ng sumigaw si Perse na halos ikabingi niya.

"Tang-ina pare! Ang lakas ng boses mo." reklamo niya.

"Huwag ka ng magreklamo. May nakita akong pwedeng pasukan. Dito kayo sa likod ng building. Bilis!" excited na sabi nito.

"Talaga?"

"Oo nga."

Tinanguan niya ang mga kasama at pinuntahan na si Perse.


"Pare, kailangan ko talagang makita ka. Hinahanap ka ng mga tauhan ni Kring. Mabuti na lang at naitago ko na nag pamilya ko. Nasaan ka ba?"

Nagmamakaawa ang boses na iyon ni Monday. Naitakas niya ang cellphone ng tulog na bantay nilang pulis. Nag-aalala siya ng sabihin sa kanya ng kamakailan ni Sarhento Jerick na nawawala ang pamilya ni Monday na binalak iligtas ng mga ito.

Nagi-guilty siya ng husto. Pero hindi tumutugma ang sinabi ni Jerick na ang pamilya ni Monday ay kinuha ng mga armadong tao.

"Akala ko ba pare eh nakuha ng mga tauhan ni Kring ang pamilya mo?"

"Muntikan na silang matangay pare. Nakaagaw lang kami ng atensiyon kaya nakatakas kami."

"Ganoon ba? Buti naman. Saan ba kayo nagtatago?"

"Sa isang kaibigan pâre." maagap na sagot ni Monday.

"Narito ako sa isang safehouse sa Batangas pare. Duda ko sa Calatagan ito. Pero di ko alam ang eksaktong lugar." pag-iimporma niya.

"Pwede ba ako diyan pare at ang pamilya ko? Mas maganda kung ang pulis may hawak sa amin. Walang-hiya ang Kring na iyon 'tol. Gusto ka na palang idispatsa nun."

"Itatanong ko tol. Kokontakin ulit kita kapag nagkaroon ng pagkakataon. Try ko bukas." pagpapaalam niya na rito.

"Sandali lang 'tol. Wala ka ba talagang kinuha kay Kring?" tanong ni Monday.

"Wala 'tol. Yung nasa aking epektos, nasa mga pulis na."

"Ganoon ba? Buti at walang nangyaring masama sa Tiya mo."

"Oo nga eh."

"Oh sige 'tol. Okay na." paalam nito.

"Anong okay na?" nagtataka niyang tanong.

"Ang ibig kong sabihin, okay na kami rito nila Misis. Sige, tawag ka na lang ulit." nagmamadaling paalam nito. Pero bago nito binaba ang linya ay narinig niya ang pag-bell ng isang bagay. Nagkibit balikat na lang siya dahil di rin niya kayang tukuyin kung ano iyon.

Nagmamadali siyang bumalik sa loob ng bahay at pasikretong isinauli ang cellphone pagkatapos mabura ang call register ni Monday.

Nananakit ang ulong lumabas ulit siya at pinag-isipan ng husto ang nangyayaring kaguluhan sa buhay niya ng dahil lang sa pagnanais na yumaman.

Wala siyang magawa kung hindi ang mapabugha ng malalim na hininga.


Itutuloy...

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP