Chapter 22 to 23 : Ang Kuya Kong Crush ng Bayan
Thursday, December 2, 2010
By: Mikejuha
getmybox@hotmail.com
http://men4menphilippines.ning.com (Group: Kwentong Kanto Ni Kuya Mike)
------------------------------
Nagulat sila mama at papa sa pagsigaw ko, at pati na rin si Kris, kitang kita ko ang pagkagulat niya.
“Shut up Jason!” sigaw ni papa sa akin. “Konting respeto naman sa bisita natin!”
“Hindi naman iyan ang sinabi ni Kuya Romwel sa akin eh!” ang pangangatuwiran ko. “Nagtitext po sa akinsi Kuya at wala siyang sinabing ganoon!”
Ngunit hindi pinakinggan ni papa ang pangangatuwiran kong iyon. “Go to your room Jason! Now!” utos niya.
Sa inis, padabog akong umakyat sa kwarto ko at noong nasa loob na, agad kong tinawagan si Kuya Romwel. “Kuya, nandito si Kris, magpapakasal ka daw sa kanya?” and diretsahang tanong ko, mataas ang boses gawa ng aking pagka-inis.
“Hindi Tol… wala akong sinabing ganyan sa kanya. Maki-sakay ka nalang sa drama ni Kris, OK? Huwag kang mag-alala, di ako magpakasal sa kanya.”
“Promise Kuya ah…!” ang paniniguro ko.
“Promise iyan Tol. Walang kasalang magaganap.”
Tila lumambot naman ang aking puso sa narinig. At naging panatag ang loob ko sa pahayag niyang iyon. Kaya hinayaan ko na lang silang mag-usap kahit na ano pa ang pag-uusapan nila. Tutal, kahit ilang beses pa silang magplano at kahit gaano pa kaganda ang plano nila kung ang tao mismo na ikakasal daw ay ayaw naman pala, wala ding mangyari. “Sige… magplano kayo ng magplano dyan!” ang sabi ko na lang sa sarili.
Pagkatapos nilang mag-usap at nakaalis na si Kris, pumasok si mama sa kuwarto ko. Tinanong ko siya kung ano ang pinag-usapan nila.
“Hayun, sabi daw ni Romwel sa kanya na pakasalan siya. Pero hindi kami kumbinsido ng papa mo dahil wala namang desisyon si Romwel tungkol doon.”
Nagulat naman ako sa sinabi ni mama. “Paano nyo nalaman ma?”
“E… lagi namang nag-uusap si Romwel at papa mo.”
“G-ganoon ba ma? E… anong sabi ninyo doon sa babaeng iyon?”
“Wala. Sinabi lang namin na kung magpakasal nga sila ni Romwel, wala kamnig tutol. Basta... silang dalawa ni Romwel ang magdesisyon at magplano. Iyon lang.”
“Ay… bakit ninyo naman sinabing wala kayong tutol. E, baka maniwala ang babaeng iyon at hindi na lulubayan si Kuya Romwel”
“Ok lang iyon. Kung gugustuhin ba ni Romwel, e... Wala tayong magawa kasi nand’yan na iyan. Buntis na ang babae at dapat lang naman na paninidigan ito ni Romwel.”
May halong inis naman akong nadama sa sinabing iyon ni mama. “Ayoko ma... Sana tumutol ka. Nainis ako sa babaeng iyon. Sobrang epal. Atsaka, kung matino siyang babae, hindi siya nagpapabuntis no! Alam ko, siya itong habol nang habol kay Kuya Rom. At marahil ay plano din niyang magpabuntis upang masolo niya si Kuya Romwel. Kasama sa plano niya iyan!” sabi ko.
“Wala tayong magagawa. Nand’yan na iyan. Atsaka, baka kung ano naman ang gagawin niya sa bata kapag may masabi kaming hindi maganda…”
“Hmppptttt! If I know, gusto ni papa ang nangyari kasi magkakaroon na siya ng apo. Ganyan naman palagi iyang si papa eh.” ang pagmamaktol ko.
Napangiti na lang si mama. “Hayaan mo na. Nand’yan na iyan eh.” Ang sagot na lang niya.
Akala ko, iyon lang ang problema ko kay Kuya Rom, isang babae. Ngunit pagkatapos ng isang linggo, may bisita uli kami. At sa pagakakataong iyon, dalawang babae na.
Nasa sala uli sila at kausap na naman ng mga magulang ko. Kagaya nang dati, naki-usyoso na uli ako. At laking gulat ko noong mamukhaan silang dalawa. Sila din iyong dalawang babaeng estudyanteng sumisigaw sa pangalan kay Kuya Romwel sa airport. Ang masaklap, buntis din silang dalawa!
“Dalawa kayong binuntis ni Romwel? Magkasabay? At magkaklase at magkaibigan pa kayo kamo?” tanong ni papa halatang hindi makapaniwala sa nalaman.
“Opo. Kasi po, itong kaibigan ko ay ahas!” lingon naman niya sa kasama, tiningnan ng matulis halatang nanggigigil “Hindi ko po alam na pagkatapos palang magpaligaya ni Romwel sa kandungan ko, ito namang haliparot kong kaibigan ay pasikretong tinutukso na dumaan sa kwarto niya si Romwel at doon naman sila magpakasasa! Talipandas! Alam naman niyang boyfriend ko iyong tao eh!” lingon uli niya sa kasama, ang hitsura ay mistulang lalamunin na ng buo ang kaibigan sa galit habang ang kaibigan naman ay hindi makatingin-tingin ng diretso sa kanya.
Napansin ko naman ang pigil na pagtawa ni papa na tila proud na proud kay Kuya Rom, nakikinita kong ang bulong sa sarili ay, “Hayop talaga sa babae itong panganay ko!”
“Hay naku, bulong ko naman sa sarili. Kayong mga babae kayo, pareho kayong mga talipandas! Palibhsa, may mga matris kayo, inaabuso ninyo ito!”
Sa tingin ko ay napilitan lang ang magkaibigan na sabay na pupunta sa amin sa kabila ng nangyaring ahasan dahil sa hindi na nila makayanan ang bigat na pinapasan. At dahil pareho ang kanilang problema, nagdesisyon na lang na sabay nilang tanggapin ang kinahinatnan ng kanilang katangahan at kagagahan at magsanib-pwersa sa paghanap ng solusyon na maikalulutas dito.
“Ano pala ang mga panagalan ninyo?” tanong ni mama.
“Ako po si Edna” ang sagot noong nagpakilalang girlfriend ni Kuya Rom.
“Ako po si Nadine” sagot naman noong kasama.
“Ambabata pa ninyo! Ilang taon na ba kayo? Tanong uli ni Mama.
“Ako po ay 17” ang sagot naman noong Edna.
“Ako po ay 16” ang sagot naman noong Nadine.
Napatakip na lang si mama sa kanyang bibig. “A-alam na ba ng mga magulang ninyo ang nangyaring ito sa inyo ngayon?
“Hindi po. Nasa abroad pong pareho ang mga magulang ko, nagtatrabaho doon upang maitaguyod ang pag-aaral naming magkapatid. Nakatatandang kapatid ko lang po ang nandito at hindi pa po niya alam ang nangyaring ito sa akin gawa nang hindi na ako umuuwi simula noong napapansin na itong tyan ko.” Sagot ni Edna.
“Ako naman po, patay na ang mama, at ang papa ko naman po ay may iba nang pamilya. Tita ko na lang po ang nag-alaga sa akin. Wala po siyang asawa kaya itinuturing niya akong sariling anak. At hindi niya rin po alam ang nangyari sa akin dahil hindi na rin po ako umuuwi” sagot naman ni Nadine. “Sigurado ako, nag-aalala na siya ngayon.” Dugtong niya.
“Ganoon ba? So, ano ang plano ninyo ngayon?” ang tanong naman ni papa.
“Hindi po namin alam. Kaya po nagpunta kami dito nagbakasakaling matulungan po ninyo kami. Buo na po ang desisyon naming ipalaglag ang bata sa sinapupunan namin at manghingi sana kami ng tulong sa inyo para pambayad sa abortion… Mga estudyante pa lang po kami. At ngayon nga, dahil hindi na kami umuuwi sa amin, wala na po kaming allowance. Hindi namin alam kung ano ang gagawin” ang sabi ni Edna.
Napa-antada naman si mama. “Dyos na mahabagin!” ang nasambit sabay lingon kay papa, ang mga mata ay tila nakikiusap na tulungan silang dalawang huwag nang ituloy ang balak. “Bakit ninyo naisipan iyan?” Dugtong niya.
“Alam po kasi naming hindi kami pananagutan ni Romwel. Sa huli niyang text sa akin, nabanggit niya na may iba raw siyang mahal at huwag na daw akong umasa. Hindi na po siya nagrereply sa texts namin. Ayaw po naming masira ang aming buhay at ang aming kinabukasan. Kaya nakakahiya man, napadesisyonan naming dalawa na pumunta na lang po dito sa inyo upang humingi ng tulong.” dugtong niya sabay hagulgol.
Noong tiningnan ko si Nadine, nakita kong nagpapahid na rin ito ng luha.
Natulala kami nina mama at papa, hindi makapagsalita. Syempre, seryosong bagay ang magpaabort at nakakaawa din naman talaga ang kalagayan nila, bagamat may sayang dulot din sa puso ko ang narinig dahil syempre, sino pa ba ang tinutukoy ni Kuya Romwel na ibang mahal niya kungdi ako lang naman.
“Sigurado pong itatakwil ako ng mga magulang ko kapag nalaman nilang buntis ako. At kapag nakita ng kapatid kong lalaki ang kalagayan ko, baka po mapatay pa ako.” Dugtong ni Edna.
“Ako rin po, ayaw ko pang magkaanak. Ayaw ko pong darating sa puntong ihinto ng tita ko ang pagtustos niya sa pag-aaral ko. Naawa po ako sa tita ko. Mahirap lang po ang kalagayan namin at naninilbihan lang po siya bilang isang kasambahay, maitaguyod lang ang pag-aaral ko. Ako lang po ang inaasahan niyang mag-ahon sa kanya sa kahirapan.” Ang pahayag naman ni Nadine.
Nagtinginan uli ang mga magulang ko. Miustulang ang mga mata nila ay nag-uusap, naaawa sa kalagayan ng dalawang babae.
“Kung ang problema pala ninyo ay upang itago ang inyong pagbubuntis, pwes, huwag ninyong ipalaglag ang bata. Hintayin ninyong manganak kayo, at kami na ang bahalang kumupkop sa kanila. At kung gusto ninyong magtago muna habang hindi pa kayo nanganak, e di, dito muna kayo sa bahay. Welcome kayo dito. Dahil anak namin si Romwel, ituring na rin ninyong bahay ito. Higit pa d’yan, kami na ang magtustus ng mga pag-aaral ninyo pagkatapus ninyong manganak. Huwag ninyong kitilin ang buhay ng isang inosente. Malaking kasalanan ang kumitil ng buhay. Ang solusyon sa isang pagkakamali ay hindi ang paggawa ng isa pang pagkakamali.” Ang sambit ni papa.
“At isa pa, kung anak nga ni Romwel ang mga iyan, e, di apo namin sila. Kaya, wala kayong ikabahala na kami ang kukupkop sa mga bata. Kung ano man ang mga pagkukulang ni Romwel sa inyo, hayaan ninyong kami ang pupuno dito, sa pamamagitan ng pag-ampon sa mga bata at sa pagbigay sa kanila ng magandang buhay…”
“T-talaga po?” ang sambit ni Edna.
“Oo. Kaya huwag ninyong ipalaglag ang bata. Tutulungan namin kayo sa ano mang paraan na gusto ninyo.” Sagot naman ni papa.
Si iyon. Nagkasundo din silang huwag ipaabort ang mga ipinagbuntis nila kapalit sa tulong na ibibigay ng mga magulang ko, pagtira nila sa bahay hanggang sa sila ay manganak, allowances, at karapatang bumisita sa bahay at sa mga anak nila kung gugustuhin nila. At may malaking halagang matatanggap din sila na siyang magagamit nila sa kanilang pag-aaral o pagbabagong-buhay.
So, masaya ang lahat sa naging resulta ng kanilang pag-uusap. Napa-bilib tuloy ako sa angking galing ng papa ko sa pakikipag-negotiate. At syempre, ang angkin din na kabaitan ng mga magulang ko. Nasabi ko rin tuloy sa sarili na napakaswerte kong sila ang naging mga magulang ko.
Tinawagan ko kaagad si Kuya at ibinalita ang tungkol sa kasunduan ng mga magulang namin at sa dalawang babae. Natuwa naman siya, at tawa ng tawa.
“Kuya ha, hindi ka na nakonsyensya. Grabe ka rin ano? Naka-tatlo ka na ah! Baka bukas o makalawa, may iba pang pupunta dito at mga buntis din. Ilan ba talaga silang lahat?”
“Hindi ko na binilang tol…” ang maikling sagot niya.
“Weeeh. Seryoso nga Kuya! Kakainis ka!”
“Natandaan mo noong may isang buwan din tayong pinagbawalang magkita, magsama o maski magtext man lang? At ang sabi pa ni papa ay gusto niyang magka-apo kaya ayaw niya sa relasyon natin? Pwes, nagwala ako. Pinagbigyan ko siya. Apo lang naman pala ang gusto niya eh…”
“Ganoon? Para kang naglalaro lang?”
“Hindi naman sa naglalaro. Med’yo nainis, napikon, na-challenge, na-praning, nalasing, nagalit sa sarili... halo-halo na tol.”
“Ganoon talaga? At bakit ka naman nagalit sa sarili?” ang tanong ko, medyo naintriga sa salitang narinig na nagalit siya sa sarili.
“Nagalit, kasi... di ko kayang kontrolin ang sarili e. Lalaki ako, tapos, ikaw ang mahal ko. Gusto kong tumikim ng babae ngunit bagamat ayaw kong kong masaktan ka, gusto naman ng papa natin na magkaapo. Gusto kong magkaroon ng pamilya at anak ngunit hindi naman tayo pwedeng magpakasal at kung magpakasal man, hindi tayo pwedeng magkaroon ng anak. Gusto kong makapiling ka ngunit maraming bawal... Wala, sobrang tuliro ko lang sa mga panahon na iyon.”
Mistula namang may sumundot sa aking puso sa narinig at biglang nalungkot. Ang akala ko kasi, ako lang ang nahirapan sa kalagayan namin, pati rin pala siya. Parang gusto ko na tuloy sabihin sa kanya na kung sakalaing darating man ang panahon na mahanap na niya ang isang babae at gusto niyang pakasalan ito ay ibigay ko sa kanya ang kalayaan. “Hayaan mo na Kuya. Ang importante, mahal mo ako at mahal din kita.” Ang nasambit ko na lang.
“Mahal din kita tol.” Ang sagot niya. “O, siya, ano naman ang reaksyon nila mama at lalo na si papa ngayong may tatlo na siyang hihintaying apo?” pag-divert niya sa usapan, marahil ayaw niyang mapunta na naman kami sa iyakan.
“Ah! Anlaki kaya ng ngiti! Masayang-masaya at buong maghapon ay walang ginawa kungdi ang magplano sa pagbili at pag-ayos sa mga gamt ng bata, sa kwarto ng mga bata, sa mga yayang kukunin... At ipapa-ultrasound na kaagaad sila bukas. Di na raw niya mahintay pa na ilabas ang mga baby bago nya malaman kung lalaki ba ang mga ito o babae. At kapag daw lalaki, may bonus daw iyong nanay.”
“Waaaahhhhh! Wala ba raw bunos para sa nag-iisang ama ng mga bata?” patawa niya.
“Hmpppt! Ganyan ka. Palibhasa, mas love ka ni papa kaysa sa akin!”
“Eto naman o, nagselos kaagad. Hayaan mo na. Mas love ka naman ni mama at lalong mas love kita!”
“Hehe!” ang naisagot ko na lang.
“Grabe pala talaga ang pagnanais ni papa na magkaroon na ng apo no? Kahit sa anong paraan?” pag-divert niya sa usapan.
“Oo, adik na adik, parang nanalo ng jackpot sa lotto.”
Tawanan.
“Uwi ka na Kuya. Pwede ka na yatang umuwi e. Sa tingin ko di na magagalit si papa sa atin…”
“Hindi pa pwede. Ayokong ma-complicate ang sitwasyon. Kapag umuwi ako, baka magkagulo ang tatlo... lalo na nandiyan nakatira sa atin ang dalawa.” Napahinto siya “E... tatlo pa nga lang ba sila?” sabay tawa ng malakas.
“Kuya ha...? Magsabi ka ng totoo. Ilan ba talaga sila? Naiinis na ako!” Ang pag-ulit ko sa naunang tanong.
“Di ko nga alam tol e. Siguro hindi lang sampu iyong naka-sex kong mga babae sa halos isang buwan na pagpalaboy-laboy ko sa mga bar. Karamihan sa kanila ay mga tagahanga kong estudyante din na nagkataong nagbabar. Naglalalasing kasi ako noon sa sama ng loob dahil hindi nga kita makausap man lang. At sa challenge ko sa sarili na buntisin ang mga babae para kay papa, kaya iyon. May ilang dayong babae din pala akong nadale, tol. Hindi ako sure kung taga saan. Hindi ko na tinanong. Basta nakapagparaos na ako, tapos.”
“Waaahhh!!!” ang sigaw ko. “Baka may aids ka na!”
“Malinis ito, tol. Nagpamedical na ako dito. Ipinamedical ako ni Shane.”
“Bakit ayaw mong umuwi?”
“Kasi, kapag umuwi ako, baka igigiit nila na magpakasal ako sa isa sa kanila. Magugulo na naman ang setup. Gusto mo ba iyon?”
“Syempre, hindi ah…” ang sagot ko. Syempre, may punto din si Kuya. Baka imbes na tanggap na ng dalawang babae na hindi sila pakakaslan ni Kuya Rom, baka biglang bumaliktad ang mga utak nila.
“Kaya dito muna ako. Ipaubaya ko na lang muna sa iyo ang pag-alaga hanggang sa manganak ang dalawang baboy natin d’yan” sabi niya, sabay tawa, pagpahiwatig sa dalawang babaeng nabuntis niya na titira sa amin.
Iyon ang takbo ng usapan namin ni Kuya. Ewan ko, hindi ko rin maintindihan ang sarili. Alam kong mali ang mga ginagawa niya ngunit tila hindi ko naramdaman na mali ito. Lahat ng ginagawa niya ay sumasang-aayon ako. Marahil ay wala lang akong choice o baka ito ang sinasabi nilang “Love is blind..?” o iyong sinasabing “Kapag nagmahal ka daw ngunit hindi ka nabubuwang, ay hindi ka pa raw nagmahal ng tunay.”
Siguro nga nagmahal na ako ng tunay. Buang na buang na ako kay kay Kuya Rom eh. Hindi ko na alam ang kaibahan ng tama sa mali. Imagine, iyong mga babae na iyon, nasasaktan din sila. At kagaya ko, ang kasalanan lang nila ay nagmahal din sila - sa taong mahal ko rin. Kung ganoong hindi naman pala sila kayang pakasalan ni Kuya Rom e di sana, hindi na lang niya pinatulan ang mga ito kahit na sasabihing tuliro ang takbo ng utak niya sa panahong iyon. Hindi iyon excuse, bagamat may kasalanan din ang mga babae kung bakit sila pumayag na makikipag sex at mabuntisan. Pero sa isang banda, paano rin naman kung sa nangyari ay may pakasalan sa kanila si Kuya Rom? E di ako naman ang masasaktan at magdusa?
Hay naku... Ganyan ba talaga ang pag-ibig? Kailangang may magsakripisyo? Kailangang may masasagasaan? Kailangang may masasaktan?
Kinabukasan, nagpunta kami kaagad sa pinakamalapit na ospital upang mapa-check up ang dalawang babaeng nabuntis ni Kuya Rom at upang mapa-ultrasound na rin. Sinabi ko rin ito kay Kuya Rom na excited na ring malaman kung lalaki ba o babae ang mga baby niya. Siyempre, gusto rin daw niya sana ay lalaki. At nagpustahan pa kami. Ang hula ko ay kung hindi isang babae at isang lalaki, dalawang babae samantalang ang kay Kuya naman ay dalawang lalaki. Syempre, gusto ni papa ang mga lalaki rin kaya ito na rin ang hula niya.
Dumating ang resulta ng ultrasound at laking pagkamangha naming lahat. Walang tumama sa hula naming dalawa ni Kuya...
(Itutuloy)
----------------------------------------------------
Kambal na parehong lalaki at isang babae ang resulta ng ultrasound. Kaya tatlo kaagad ang anak ni Kuya Rom. Sa kay Edna, ang nagpakilalang girlfriend ni Kuya Rom ang babae, at kay Nadine naman ang kambal.
“Walang hiya talaga ang babaeng ito! Inagaw na nga sa akin si Romwel, at ngayon, pati ba naman sa pagbubuntis agaw-eksena ka pa rin? Epal!” ang sambit ni Edna. Alam kasi niyang ang inaasam-asam na apo ni papa ay lalaki talaga at may bonus pang sinasabi sa kung sino man sa kanila ang makapagbigay nito sa kanya.
“Ate ha… hindi ko na kaya ang pang-aapi mo. Dati, gusto mong ipalaglag ang baby mo ngunit ngayon, gusto mo na ng kambal. E, hindi ko naman ginusto ang mabuntis at magkaroon ng kambal eh. Kung pwede nga lang sanang ilipat itong mga bata sa tiyan ko d’yan sa tiyan mo, papayag ako. Gusto kong manahimik, makauwi na sa Tita ko. Nag-alala na siya sa akin ngayon. Iyan ang mahalaga sa akin! Hindi ang bonus o ano pa man!” ang may pagka-irita namang sagot ni Nadine.
“Hmpt! if I know…” ang pigil na sambit na lang ni Edna ramdam ang pagkapahiya.
Iyan ang banatan ng dalawa. Natatawa na lang kami ni mama.
At dahil sa nalamang resulta, hindi magkamayaw sa tuwa si papa dahil may instant na dalawang apong lalaki na kaagad siya. Si mama naman ay natuwa na rin dahil sa wakas ay maranasan na rin daw niya ang mag-alaga ng babaeng apo.
Ngunit ako? Hindi ko lubos maintindihan ang naramdaman. May saya din itong dulot dahil magkakaroon na ako ng mga pamangkin at tatlo pa kaagad. Isa pa, sumiksik din sa isip na dahil sa inaasahang mga apo, maaari ding mangyaring lalambot na ang puso ni papa at pabayaan na lang niya ang relasyon namin ni Kuya Romwel.
Ngunit ang pagkakaraoon ng mga anak ni Kuya Rom ay may dala ding kirot sa puso ko dahil sa syempre, kung sa akin lang nanggaling sana ang mga bata ay mas kumpleto na sana ang buhay ko. Imagine, magkaanak ako kay Kuya Romwel. “Sarap mangarap talaga!” ang nasabi ko na lang sa sarili.
So, iyon ang arrangement namin. Sa bahay namin nakatira pansamantala sina Edna at Nadine. At maayos naman ang pakikitungo ng dalawa sa amin bagamat may patagong iringan at inggitan pa rin sila sa isa’t-isa. Sabagay, hindi naman ganoon kalala. Kasi, kahit babae ang magiging anak ni Edna, ipinangako din naman ni papa sa kanya na bibigyan pa rin ito ng pabuya sa maayos na pag-aalaga niya sa sarili habang nagbubtis. Sa totoo lang, buhay reyna din sila sa bahay. May sariling mga nurse at ang yaya para sa mga bata ay nagsimula na ring manilbihan at sa kanila nakatutuk.
Lumipas ang dalawang buwan at nanaganak din ang dalawang babae. Unang nanganak si Nadine at makaraan ang isang linggo, si Edna naman. Parehong malulusog ang mga bata nila. Maganda ang babae, matangos ang ilong, mahahaba ang pilik-mata, kuhang-kuha ang mga ito kay Kua Rom. Ngunit ang pinakapaborito ko sa lahat ay ang kamabal na kahiwig na kahawigni Kuya Rom. Ang ku-kyut ng mga ito, at mistulang kino-clone kay Kuya Romwel.
Tinawagan ko kaagad si Kuya Romwel na tuwang-tuwa naman. “Ok pala ang pagkagawa ko tol?” ang pabiro niyang sabi.
“Oo! At magaling ka. Magaling ka naman sa lahat ng bagay eh.”
“O… e kung magaling, bakit parang sarcastic ang tono ng salta mo?”
“Wala… naiinggit lang ako sa kanila. Naanakan mo sila smantalang ako…” ang pagparinig ko, hindi na itinuloy pa ang sasaihin.
“Huwag ka nang malungkot. Ito naman o… Syempre, kung pwede nga lang sana. E… di naka-ilang anak na sana tayo, di ba?” Sabi niya sabay tawa ng malakas. “Atsaka, oo, nabigyan nga nila ako ng anak pero hindi ko naman sila mahal. Ganoon din. At least ikaw, iyong-iyo ang puso ko”
Nahimasmasan naman ako sa sinabing iyon ni Kuya Rom. Feeling kinilig ba. “I love you,. Kuya!” ang naisagot ko na lang.
“I love you too, bunso!”
Napag-alaman din naming nanganak na rin si Kris. Noong biisita namin siya sa ospital, nalaman naming babae din ang anak niya. Maganda din ito, malusog. Syempre, magandang babae si Kris, at pangmodelo di lang ang katawan kungdi pati na ang hugis ng mukha. At ang mga features na nakuha ng bata ay sa kanya lahat. Tila wala man lang ni kaunting nakuhang hawig kay Kuya. Nag-usap sila ng mga magulang ko ngunit hindi na lang nila ipinaalam na may iba pang nabuntis si Kuya.
Tinwagan ko din si Kuya at inierport sa kanya ang lahat. “Kuya, hindi tumalab ang bagsik ng iyong kamandag sa girlfriend mong epal. Lahat ng feature ng mukha ay sa kanya, sinolo niyang lahat.” Ang panggagatong ko.
“E, di mabuti... OK lang iyon.” Ang sagot naman ni Kuya na tila wala lang sa kanya.
“At, kuya… nag-iilusyon pa rin pala siyang magpaksal ka daw sa kanya sa pag-uwi mo dito?”
Ngunit tawa lang ang isinukli ni Kuya.
Nakalipas ang ilang araw, aalis na sina Edna at Nadine sa bahay namin upang uuwi na sa kani-kanilang mga tahanan. Lahat ay plantsado na para sa kanilang pagbabagong-buhay. Naipasok na sa mga bank accounts nila ang mga “tulong” na ipinangako sa kanila ni papa at masayng-masaya naman sila sa arrangement na kapag maisipan nilang bisitahin ang mga bata, bukas ang bahay namin para sa kanila sa amo mang oras. Syempre, kahit Iglesias ang mga batang iniluwal nila, sila pa rin ang nanay na hahanap-hanapin ng kanilang mga anak balang araw.
Malaki ang pasasalamat nila sa mga magulang ko dahil kung hindi sa kanila ay siguradong natuloy ang plano nilang pagpapaabort. At kung nangyari iyon, siguradong habambuhay nilang pagsisisihan ito at hindi sila patatahimikin ng kanilang mga konsyensya. At hindi lang iyan, malaki din ang pasasalamat nila sa kabutihang ipinamalas ng mga magulang ko at sa tulong na ipinagkaloob sa kanila, sapat upang makapagsimula silang muli at maipagpatuloy ang ano mang plano nila sa buhay.
Kinarga-karga na nila ang kanilang mga anak at hinahalik-halikan upang makapagpaalam na noong biglang may nag doorbell. Noong buksan ng pinto ang katulong, namangha kaming lahat sa nakitang pumasok na bisita. Si Kris at karga-karga din niya ang kanyang anak.
“Waaaahhhh!” Sigaw ng utak ko. “Eksenang bukingan na!”
Kitang-kita ko sa mukha ni Kris ang pagkamangha sa nasaksihang dalawang babaeng may karga-karga ding mga bata.. Dahan dahan itong pumasok na tila hinuhulaan sa kanyang isip kung sino ang mga babaeng iyon at kaninong anak ang mga bata. Syempre, obvious naman na hindi kay papa iyon at lalong hindi sa akin.
Napansin ni papa ito at agad siyang sumingit. “Ah… Kris, this is Edna, at ang baby girl niyang si Baby Sarah Mae Iglesias” turo kay Edna at ng kanyang baby, “At ito naman si Nadine at ang dalawang kambal niyang mga baby boys na sina Baby Romwel, Iglesias Jr. at Baby Romwel Iglesias III!” ang pag-introduce ni papa kay Nadine at sa mga baby, hindi itinago ang matinding kagalakan sa pagkakaroon ng dalawang apong lalaki.
Napatakip naman si Kris sa kanyang bibig. “Tatlo kaming sabay na inanakan ni Romwel?”
“Ganoon na nga!” Ang pagsingit naman ni Edna na ang tono ay palaban, ipinamukha kay Kris na may karapatan siya kay Kuya Rom. “Ngunit ako ang original na girlfriend niya.”
Nagreact naman kaagad si Kris. “Hoy! Hoy! Hoy! Ako ang girlfriend ni Romwel simula noon pa at matagal na kaming magkasintahan!” sabay lingon sa akin, “Di ba Jason?”
Ngunit dahil sa inis ko pa rin kay Kris noong una ko pa lang itong nakita sa isang athletic meet at mga sumunod na date nila ni Kuya na hindi niya ako pinapansin at initsa-pwera pa ako ni Kuya kapag nand’yan siya, ang isinagot ko na lang sa kanya ay, “Malay ko sa inyo!”
“Ate… umalis na tayo dito at ayaw ko ng gulo. Dapat happy na tayo sa naging kinahitnan sa atin. Kung pakasalan siya ni Romwel, hayaan mo na siya, ibigay mo na sa kanya si Romwel ng buong-buo.”
“Ikaw…” lingon naman ni Edna kay Nadine, “…palibahasa nakisawsaw ka lang sa boyfriend ng may boyfriend, kaya ganyan na lang kadali ang paggive-up mo kay Romwel. Hindi ako papayag na makasal si Romwel sa babaeng ito no!” ang mataray na sabi ni Edna.
Nasa ganoon kainit ang diskusyon ng tatlong babae noong pumagitna na si papa. “Mga hija, pabayaan na lang nating si Romwel ang gumawa ng desisyon, ano? Hintayin natin ang pagbalik niya. Kapag nakabalik na si Romwel, ipaubaya natin sa kanya ang lahat.” Ang sabi ni papa.
Sa pagkarinig sa sinabi, may kaunting kaba naman akong naramdaman. Syempre, baka igigiit na naman ni papa na magpakasal si Kuya Rom sa isa sa kanila. Hindi ko kayang makitang maikasal si Kuya Rom sa isang babae at pbayaan na lang ako. Hindi ko kakayanin pa kapag hindi ko siya makapiling.
“Pasensya na po. Ngunit hindi ako papayag na hindi ako pakasalan ni Romwel! Kapag hindi ako pinakasalan ni Romwel, magkikita na lang kami sa korte! Papanagutin ko siya sa ginawa niya sa akin!” and sigaw ni Kris sabay walkout karga-karga ang kanyang anak. Palibhasa si Kris ay may kaya din sa buhay kaya hindi ito takot na habulin si Kuya Rom.
“Maghabol ka sa tambol mayor! Itsura nito!” sigaw din ni Edna sa papalayong si Kris. “Buti na lang nag-walkout dahil kung hindi, papatulan ko talaga ang babaeng iyon. Anong akala niya sa sarili niya, siya lang ang may angking ganda? Hmpt!” Dugtong pa niya.
Hindi na magawang makaimik pa ni papa.
“Taray pala talaga ng babaeng iyon!” ang sigaw ko na lang sa sarili.
At maya-maya lang, tuluyan nang nagpaalam sina Edna at Nadine. Ma-drama din ang eksenang iyon dahil kahit sa maiksing panahon, nakapiling din nila ang mga anak nila at naranasan ang maging “ina” kahit panandalian lamang. Iyon siguro ang pinakamatinding sakit na naranasan nila dahil sa gustuhin man nilang dalhin ang mga bata, hindi naman nila kaya iton buhayin at masisira pa ang reputasyon nila at maaaring hindi din matanggap ng pamilya nila.
Sabagay, wala naman talagang mawawala sa kanila sa pagpaubaya nila sa mga bata sa amin dahil hindi naman namin itatago ang mga bata at walang hahadlang sa kanila kung bibisitahin nila ang mga itokahit ano mang oras.
Kaya muli, solo na naman naming pamilya ang bahay, bagamat may tatlong nadagdag na rito. “Hayyyyy! Pwede na akong pumanaw” ang sambit ni papa. “Nand’yan si Romwel na mapagkakatiwalaan natin, may mga apo na tayo, panatag na ang kalooban ko. Wala na akong mahihiling pa.”
Hindi na ako kumibo sa sinabing iyon ni papa. Kung hindi ko lang mahal at hindi kami nagmamahalan ni Kuya Rom ay talagang magseselos ako sa sinabing iyon ni papa. Kasi palagi na lang si Kuya Rom ang bukambibig ni papa, sa kanya ang lahat ng paghanga, tiwala… lahat Romwel. Hinatyin natin si Romwel, sabihin natin ito kay Romwel, hayaan na lang nating si Romwel ang magdesisyon niyan, si Romwel na ang gumawa niyan, nasaan ba si Romwel? bakit hindi nyo sinabi ito kay Romwel? Nagawa kaya ni romwel ang ipinapagawa ko? Para bang wala lang, hindi ako nag-iexist.
Pero sa isang banda, totoo naman din kasi. Kung ako ay panatag ang loob at feeling secure kapag nand’yan si Kuya Rom, ganoon din si papa, kaming lahat. Mapagkatiwalaan kasi si Kuya, masipag, at magaling dumeskarte. Kaya simula noong inampon siya ng pamilya namin, parang siya na itong sinasabi nilang “rock” at bayani ng pamilya namin. At syempre pa, hindi matatawaran ang ibinigay niyang kasayahan sa mga magulang ko sa pagbibigay niya ng mga apo sa kanila.
Kaya balik na naman kami sa dating setup sa bahay, maliban sa ano pa nga ba, naging mas masaya at inspired ang aking mga magulang sa pagkakaroon ng tatlong apo na siyang nagbigay-buhay sa tahanan namin. Minsan pa nga, dinadala nila ang mga ito sa opisina, ipinagmamalaki talaga sa mga empleyado ang mga apo nila, lalo na ang kambal.
At kung gaano kasaya ang mga magulang ko sa pagkakaroon ng mga supling sa bahay, ganoon din ako. At lalo na sa kambal. Feeling ko kasi, ako ang nanay nila – bunga ng pagmamahalan namin ni Kuya Romwel. Nangarap ba. Tuwang-tuwa ako sa kanila, sumasaya ang araw ko sa kanila. Nakikita ko kasi si Kuya Romwel sa mga bata; sa mga ngiti nila, sa mga tawa, sa mga hitsura nila.
Ang buong akala ko, tuloy na ang kaligayahan kong iyon. Ngunit isang araw na inaasahan na namin ang pagdating na ni Kuya Romwel, may dala naman itong masamang balita sa akin.
Noong una, excited na excited ako na darating na siya. Subalit, sa last minute bago ang flight niya, may natanggap akong text. Hindi daw siya natuloy sa pagsakay sa eroplano. Walang sinabing dahilan, walang explanations. Ayaw magsalita kung bakit.
Tinawagan ko siya at inalam ang dahilan. Ngunit ang sagot niya lang ay, “Tol… si Shane na ang magpaliwanag pagdating niya d’yan. Nakasakay na siya sa eroplano, antayin mo na lang, ok?”
May naramdaman naman akong pagkainis noong marinig ang sagot niyang iyon. “Bakit ba kailangang si Shane pa ang magsabi? Sabihin mo na sa akin Kuya… Di ako mapakali nito!” ang pangungulit ko sa kanya.
“Kay Shane na lang Tol, ok?” ang tugon niya. “O sya… may urgent pa akong aasikasuhin dito kaya bye na muna ha? I love you! Mwah! Mwah!” Dugtong niya.
At iyon na ang huling salitang narinig ko sa kanya.
Wala na kaong magawa pa. Hindi ko na naman maiwasang hindi kabahan sa inasta ni Kuya. Syempre, hindi ko maintindihan kung bakit ayaw niyang sabihin ang tunay na dahilan nang hindi niya pagtuloy na umuwi at kung bakit kailangang si Shane pa ang magbunyag nito sa akin. “Bakit ba? Napakahirap bang sabihin kung bakit? Hindi naman siguro ako ganyan ka bobo upang hindi maintindihan ang kung ano man ang sasabihin niya.” pagmamaktol ko.
Dumating nga si Shane. Dumeretso siya sa bahay galing ng airport. Tinanong ko kaagad siya kung bakit hidi nakasama si Kuya Rom sa kanya.
“A… e… N-nanganak kasi ang kapatid kong babae, Jason…” ang sagot ni Shane.
“Ano? Nanganak?” ang tanong ko, ang boses ay tumaas sa pagkalito, hindi maintindihan ang ibig sabihin. “At ano naman ang kinalaman ni Kuya Rom sa pagpanganak ng kapatid mong babae?”
Tahimik. Hindi nakasagot si Shane, hindi makatingin sa akin ng deresto at mistulang nag-aalangan sa kanyang isasagot.
“Ano Shane?! Sagutin mo ang tanong kooooooooo!!!” bulyaw ko sa hindi kaagad pagtugon ni Shane sa aking tanong.
(Itutuloy)
0 comments:
Post a Comment