Chapter 6 : Ang Kuya Kong Crush ng Bayan,
Tuesday, November 16, 2010
By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
“Ok, tulog ka na bunso...” ang isinagot na lang niya sabay halik sa pisngi ko.
Naramdaman ko namang bumalikwas ng kama si Kuya Paul Jake at tinungo ang CR. Malakas ang kutob ko na doon niya itinuloy ang kagustuhang magpaparaos.
Lalo namang humanga ako sa ipinamalas na kabaitan ni Kuya Paul Jake sa maluwag niyang pagtanggap sa ginawa kong pagtanggi sa gusto niya. Naikumpara ko tuloy sa kanya si Kuya Rom na sobrang demanding at hindi pumapayag ng hindi na sagot.
Yun na ang huli kong natandaan.
Kinabukasan, maaga kaming bumalik sa accommodation. Kailangan pa kasi naming magligpit ng mga gamit upang pagkatapus ng pagkatapus kaagad ng awarding, diretso na kaming lahat sa bus para bumalik na sa aming lugar. Syempre, may bahid din ng lungkot dahil sobrang saya ko sa lugar na iyon, maraming nangyaring first time na karanasan, memorableng naramdaman, muntik pa akong malunod…at mas naging close kami ng mga ka-teammates ko, lalo na kina Kuya Rom at Kuya Paul Jake.
Nauna na palang dumating sa accommodation namin si Kuya Rom. Hindi ko lang alam kung anong oras ngunit noong makita niya kaming dalawa ni Kuya Paul Jake na nagsama, napansin kong biglang umasim ang mukha niya. Ewan ko kung ano ang nasa isip niya. Pero wala akong pakialam. Syempre, may galit ako sa ginawa niya. Ikaw ba naman ang bigla na lang iwanan ng walang ni ho ni ha. Dumating lang ang girlfriend niya, kusa na lang ba akong isinantabi na parang wala lang, hindi ako kilala, o hindi ako nag-iexist. Feeling ko tuloy isa akong tissue paper na pagkatapus ipahid ay kusa na lang itinapon sa basurahan. Ano iyon? Ang saklap kaya…
Nasa loob ng kwarto siya kung saan naka-assign ang team namin, nag-iisa lang dahil nasa mess hall na ang lahat naming mga kasamahan at tapos na rin silang magligpit ng kanilang gamit. Nagligpit siya ng mga gamit naming, kasama na iyong sa akin. Nakita kong nagmamadali niyang ipinasok sa bag ang mga damit at gamit, at ang mga basang damit ay itinabi sa isang plastic. Noong lumapit ako sa harap niya upang tingnan sa bag na hawak-hawak niya kung ang lahat ba ng gamit ko ay naipasok, pansin ko kaagad ang pagsimangot niya at pagdadabog.
“Wow! Siya pa itong may malakas ang loob na magdabog!” sigaw ng utak ko. “Ano kaya ang nakain nitong herodes na to?” habang nagkunyari akong hindi siya nakikita, nanatiling nakayuko lang, hinahalungkat ang loob ng bag. Hindi ko na rin pinansin ang pagdadabog niya. Noong masiguro kong nasa bag na ang lahat kong mga gamit, padabog ko ding hinablot ang isang t-shirt sa loob noon, hinubad ang suot kong damit na ginamit sa hotel sa gabing iyon at pagkatapus, isiniksik ito sa bag ng walang pasabi sabay walk out patungo sa pintuan upang dideretso na sa messhall at kakain.
Pansin ko ang pagkatulala niya, nakapamaywang, nakanganga ang bibig, hindi makapaniwala sa ginawa kong hindi pagpansin sa kanya, ang mga mata ay lumaki habang sinundan ako sa pag-walkout na para namang nakikinita kong sumisigaw ang utak niya ng, “Aba’t ang tarantadong to, hindi ako pinansin!”
Ewan ko ba. Sa tanang buhay ko, noon ko lang naranasan ang ganoong pakiramdam. Iyon bang na-excite akong makita siya uli pero dahil sa ginawa niya, galit naman ang nangingibabaw. At dahil sa alam ng utak ko na mali ang naramdaman ko, ang udyok naman nito sa akin ay dumestansya sa kanya. Tila may nag tug-of-war sa loob ng katauhan ko.
“Hoy!” sigaw niya noong mapansing dire-diretso lang ako at hindi siya pinansin.
Nilingon ko siya, matigas ang boses pansin ang galit ko. “Bakit?”
“Anong bakit? Di mo man lang ako kikibuin, wala man lang explanation kung saan ka nagpunta kagabi? Kung sino ang kasama mo? Kung saan ka natulog?”
“At bakit? Bakit ba ako kailangang magpaalam sa iyo kung saan ako pupunta? Ikaw ba nagpaalam sa akin? Kagabi ba noong nasa tuktuk ka ng kasarapan sa piling ng girlfriend mo, naalala mo ba ako? Tumawag ka ba o kahit nag-text man lang sa akin? Hindi mo ba alam? Masakit ang ginawa mo! Nasasaktan ako! Alam mo ba iyon?” sigaw ko.
Pansin ko ang pagkabigla niya sa narinig, hindi nakasagot agad. Ako man ay napatakip din sa bibig ko. “Shiit! Bakit ko ba nasabi iyon? Magduda ang kumag na to na may iba akong naramdaman sa kanya?”
Lumapit siya sa akin habang ako ay napasandal na lang sa gilid ng pintuan. Kinuwelyuhan niya ako at hinatak patungo sa storeroom ng mga gamit panlinis kung saan ay hindi kami makikita sa labas.
Wala akong nagawa kungdi ang magpaubaya.
“Anong sabi mo? Nasaktan ka?” ang pigil niyang sigaw habang patuloy pa rin ang paghawak niya sa kuwelyo ng damit ko, ang katawan ko ay halos nakalambitin na at ang mga mukha namin ay tila magdikit na rin. “Nagseselos ka ba? Ha?” ang patuloy niyang tanong.
Hindi ako nakasagot sa magkahalong kaba at hiya na nadarama.
Nahinto rin siya sa pagtatanong. Tahimik. Ngunit sa pagtahimik niyang iyon lalong kumabog ang dibdib ko. Tinitigan niya ang kabuuan ng mukha ko, mistulang pinag-aralan ang bawat detalye at anggulo nito, o binihasa ng maigi. Kitang-kita ko ang paggalaw ng mga mata niya at ang pagpupungay ng mga ito na mistulang nangungusap habang pinagmasdan ang mga mata ko, ang ilong, noo, buhok, bibig, baba, magkabilang pisngi, palipat-lipat... Feeling ko malulusaw na ako sa tila tumagos sa kaluluwa kong mga titig niya habang unti-unting inilapit ang mukha niya sa mukha ko at halos hahalikan na ako sa bibig.
Napako ako sa posisyong iyon, tila may bumara sa lalamunan. Pakiwari ko ay naalipin ako sa kung ano mang kapangyarihan mayroon ang mga titig niya. Nakakabighani ang mga titig ni Kuya Rom. Napakaganda ng kanyang mga mata.
Halos isang minuto niya akong tinitigan noong tila bigla akong nahimasmasan. “K-kuya, nasasaktan ako…” ang nasambit ko.
At binitiwan niya ako. “Sino ang kasama mo kagabi?” Ang tanong niya, bumakat na naman ang galit sa mukha niya.
“M-mga ka teammate po, nag bar Kuya…”
“Saan kayo natulog?” Ang mabilis niyang pag follow up.
“N-nag hotel po…”
“Sino ang kasama mo sa hotel?”
“S-si Kuya Paul Jake po…”
“Anong ginawa niya sa iyo? May nangyari ba?”
Sa pagkarinig ko sa tanong na iyon, mistulang gumapang naman ang galit sa kalamnan ko. “Anong akala mo kay Kuya Paul Jake? Kagaya mo?!” Ang padabog kong sagot sabay talikod at tinumbok ang pintuan, ramdam ang konting pagka-redeem ng aking dignidad.
“Hoy! Hoy! Hoy! Hintayin mo ko! Sabay na tayong kumain!” Sigaw niya habang hinahabol ako.
Sumabay nga sa akin sa pagkain si Kuya Rom. Ngunit kahit may naipalabas na akong sama ng loob sa kanya, mayroon pa rin akong kinikimkim na galit sa kanya sa loob-loob ko. Marahil ay naghintay lang ako ng sorry, or explanation sa ginawa niyang pag-iwan sa akin ng walang pasabi o pagpansin noong dumating ang girlfriend niya.
Noong mag-awarding na, nakalinyang nakatayo kaming mga athletes sa harap ng grandstand. Sinadya kong imbes na kay Kuya Rom tumabi, doon ako kay Kuya Paul Jake. Kahit kaway ng kaway siya sa akin upang doon ako tumabi sa kanya, hindi ko siya pinansin. “Buti nga sa iyo!” Sabi ko sa sarili.
Kahit noong nasa bus na kami, kay Kuya Paul Jake pa rin ako tumabi. Alam ko, nagtaka siya o kaya nainis, hindi ko lang alam. At wala na akong pakialam. Ang alam ko lang, nasaktan pa rin ako sa ginawa niya.
Sa parte naman ni Kuya Paul Jake, in fairness, tuwang-tuwa siya na sa kanya ako tumabi. Ramdam ko ang sigla niya, ang saya sa mukha. Kahit may tinatago akong hinanakit para kay Kuya Rom, nalimutan ko iyon sa piling ni Kuya Paul Jake. Kwentuhan kami, tawanan habang umaandar ang bus. Noong tiningnan ko Kuya Rom, nasa dulo ng bus siya, walang katabi at ang mukha ay parang biyernes santo. Ramdam kong malungkot siya. “Ah... na-miss siguro ang girlfriend niya” bulong ko naman sa sarili na lalo namang nagpabuhay sa kinikimkim kong galit.
May anim na oras din ang biyahe ng bus kaya di maiwasang makatulog. Naalimpungatan ko na lang na nakasandal pala ako kay Kuya Paul Jake, ang braso niya ay iniakbay sa balikat ko. Sweet.
Mag-aalas kwatro ng hapon, nakarating din ang bus sa lugar namin. Noong nagsibabaan na, dire-deretso na ako sa isang tricycle. “Bosing, diretso lang po, sa San Miguel Street.” Sabi ko sa driver.
Aarangkada na sana ang driver noong sa tabi ko ay bigla naman sumulpot si Kuya Romwel. “Ba’t nandito ka? Di ba sa kabilang rota naman ang boarding house mo?”
“Ihahatid kita!”
“At bakit?” ang mataray kong tanong.
“Anong bakit? Ayaw mo ba?”
“Bakit mo ako ihahatid, e, alam ko naman kung saan nakatirik ang bahay namin, hindi naman ako lampa o bulag, may pera naman akong pambayad sa tricycle. Bakit-bakit-bakiiit mo ako ihahatid?” pang-aasar ko pa.
“Hoy, inatake na naman ng mga uwang yang utak mo, ano? Nalimutan mo bang nandito sa bag mo ang mga gamit ko? Anong gusto mong gawin ko, kargahin ko sa mga bisig ko itong mga damit ko?”
Feeling pahiya naman ako sa narinig, hindi na magawang sumagot pa, sumimangot ang mukha.
“Usog doon!” utos niya noong hindi ko siya binigyan ng espasyo sa gilid ng tricycle.
“Bibilhan na lang kita ng plastic d’yan sa may tindahan o, at sa plastic mo ipasok iyang mga damit mo!” palusot ko.
“A ganoon! Sige, huwag mo akong papuntahin sa inyo at isusumbong kita na muntik ka nang malunod at mamatay sa ilog dahil sa katangahan mo! O, ano...?” pananakot niya, ang mga mata ay matulis na nakatitig sa akin.
Bigla naman akong kinabahan. “Waaah! Bina-blackmail mo ako ah!” Ang pagprotesta ko.
“Oo naman! Kaya usog doon!” utos uli niya.
Wala na akong magawa pa kungdi ang umusog palapit sa driver upang maka upo siya nang maayos.
Nakarating kami ng bahay at noong makapasok na sa loob, nandoon pala ang mama at papa ko. Nag-bless ako sa kanila at naupo sa sala. Nagbless din sa kanila si Kuya Romwel, at naupo din sa kabilang upuan paharap sa akin. Kinumusta siya ng mga magulang ko tungkol sa lakad namin, ang laro, at kung hindi ba raw ako nagpapasaway doon.
Inirapan ko naman si Kuya Romwel noong marinig ang tanong na iyon sa kanya. Hindi lang kasi sa court ang pagiging malapit ni Kuya Romwel sa akin. Kilala rin siya ng mga magulang ko. In fact, alam nila kung gaano ka-close si Kuya Rom sa akin; na ang turing nito sa akin ay isang baby brother at inaalagaan ako lalo na kung nasa ibang lugar ang team. Nag-iisang anak lang kasi ako sa pamilya at kitang-kita ng mga magulang ko kung gaano ako kasaya kapag kasama si Kuya Rom. Dahil dito, tunay na parte ng pamilya ang turing ng mga magulang ko sa kanya. Kaya kapag ganoong may lakad kami, kay Kuya Rom nila ako inihahabilin. At kapag bumibisita siya sa bahay, malaya itong dumideretso sa kwarto ko kapag nandoon ako. Kumbaga, ang kwarto ko ay kwarto na rin niya.
“Ah... OK naman po si Jason doon, behave naman po siya.” Sagot niya.
Sikreto ko naman siyang inismiran habang kinakausap ng mga magulang ko, paminsan-minsan ay ipinalabas pa ang dila. At dahil sa pagkainip na marami pa silang pinag-usapan na kung anu-anong issues na hindi naman kasali sa lakad namin, umakyat na ako sa kwarto ko. Pagkapasok na pagkapasok, dumeretso kaagad ako sa shower at naligo.
Ang kwarto ko ay may maliit na music corner. Alam kasi ng mga magulang ko na mahilig ako sa music at videoke kaya noong magrequest ako, binilhan nila ako ng malaking component set, ginawang sound-proof ang kwarto at pinalakihan pa ito upang i-accommodate ang isang corner para sa kantahan, o music jamming kapag may espesyal akong mga bisita.
Noong lumabas na ako ng shower, nagulat naman ako noong may malakas na music akong narinig mula sa component at may kumakanta... “Si Kuya Rom!” sigaw ng isip ko.
Nakatapis lang ng tuwalya, sinugod ko kaagad siya, pinatay ang volume, “Bakit ka nandito?”
“Dito ako matutulog. Nagpaalam na ako kay Tita at Tito.” Tawag niya sa mga magulang ko.
“Ah, oo naman, nagpaalam ka na pala sa kanila e...” Ang sarcastic kong tugon. Pero biglang bawi din at pinalaki ang mga mata, “Pero kwarto ko po ito! Bakit, nagpaalam ka na ba sa akin?”
“Awsss. Problema ba yan... Di magpaalam.” Ang sarcastic din niyang sagot. At inilapat niya ang dalawang kamay sa may dibdib niya, ang mukha ay umarteng nagmamakaawa, lumuluhod. “Dito na ako matulog, please...?” Ngunit sabay ding bawi noong hindi ako sumagot. Lumaki ang mga mata. “Ayaw mo? Sige, isusumbong na lang kita...” at tumayo ito patungong pintuanng kwarto.
Sa pagkabigla, sinugod ko siya at hinawakan ang kamay. "Kuya...! Katakot-takot na sermon mapapala ko, maga-grounded pa, baka di na pasalihin sa team!" pagmamakaawa ko naman.
"Ah... ganoon ba? Kawawa ka naman. E di sige..." sabay balik naman sa loob at tumbok sa music corner na parang wala lang nangyari.
Alam ko, talo ako sa sandata niyang blackmail. Kaya napako na lang ako sa kinatatayuan, ang mga mata ay inis na inis na nakatitig sa kanya.
“Halika sa tabi ko. Kantahin natin ang parehong paborito nating kanta.” Sambit niya sabay naman abot sa remote at pinalakasan ang volume.
(Itutuloy)
0 comments:
Post a Comment