Chapter 5 : In Love With Brando
Thursday, November 25, 2010
By JoshX
Nang maramdaman ng interviewer ang aking presensiya ay pumihit siya paharap sa akin. Kinurot ko pa ng pino ang aking kanang hita para masiguro na hindi halusinasyon ko lamang ang nangyayari.
Nagpikit ako ng mata. Nagbilang. One…two...three...four…five. Natakot pa ako na baka sa muling pagdilat ko hindi pala siya. Kapangalan lang pala niya. Ibang tao pala. Lord sana po..sana po siya na talaga..sana siya talaga!
Pagmulat ko naroon pa rin siya sa harapan ko. Totoo nga ang nangyayari. He’s flesh and blood right in front of me! Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang kasiyahang nararamdaman ko nang mga oras na iyon. No exact words can describe it. Iyon ngang may bagay ka lang na hinahanap na ng matagal at nang hindi mo na ito hanapin ay kusa mo namang natagpuan ay sobrang saya mo na with matching pangiti-ngiti pa, heto pa kaya na for the last ten years at halos araw-araw kong naiisip ay bigla na lang lilitaw nang hindi ko inaasahan. Siguro heaven ang pakiramdam. Iyon na iyon parang nasa langit na ako.
Bigla ang pagkaumid ng dila ko. I’m running out of words to say. Sa sobrang saya parang mawawala na yata ako sa huwisyo. Ano ba dapat ang reaction ko? Bakit nga ba hindi ko napaghandaan ang ganito? Sana man lamang nakapag-rehearse ako ng sasabihin para hindi ganito na daig ko pa ang naiputan ng ibong adarna sa kinatatayuan at naging bato.
Ano nga ba? Hi, kumusta po? O kaya’y, Aqoh c Rhett, mzta pow? O kaya nama’y, kuya ako si Utoy, tanda mo pa ba? O mas maganda, Kuya malaki na ako, pwede na tayo. O kaya’y ganito na –
“I said take your seat!” may halong pagkainis na utos ni Kuya Brando. Tapos na pala siya sa kaniyang kausap sa telepono at naibaba na pala niya ang awditibo sa lalagyan nito.Kung ano-ano na kasi ang biglang naisip ko kaya hindi ko na namalayan na pangatlong utos na pala niya sa akin iyon.
Medyo nagulat naman ako sa tinig niyang iyon na bukod sa pormal ay punong-puno pa ng air of authority. Naisip ko na hindi na nga pala niya ako nakikilala. Ang nine years old na si Utoy nga pala ang kilala niya at hindi yung ako ngayon. Kaya wala akong ipinagkaiba dun sa mga ordinaryong applikante na kailangang maging alerto, smarte at puno ng confidence sa mga ganitong pagkakataon.
“Did you come here for the interview or will you just remain standing there and waste my time?” Mariin ang pagkakatingin sa akin ng mga brown eyes niyang iyon. Supladong-suplado ang dating.
Huminga ako ng malalim para bawiing muli ang aking composure. Hindi na niya talaga ako nakilala so no choice ako but to go with the flow of interview. “No Sir,” sabi ko na binigyang diin ang huling salita. Kunwari ay hindi ko muna siya kilala. Saka na ako magpapakilala sa kaniya bago matapos ang interview. “I came here and waited so long for this interview.”
Napakunot-noo siya habang ang mga siko ay nakapatong sa mesa at magkasalikop ang mga kamay. Bigla tuloy ang aking pagsisisi na isinama ko pa yung salitang ‘waited so long’ as if I’m trying to insinuate na ang tagal bago niya ako ipinatawag. Alam ko namang unethical iyon, naisip ko na kaya ganoon ay dahil sa iba ang treatment na ini-expect ko mula sa kaniya na gusto kong ikainis.
Sa dalawang magkaharap na upuan sa mesa niya, minabuti kong okupahin ang nasa may kaliwa. Napansin ko ang mga credentials ko sa ibabaw ng mesa niya. Kinuha niya ang aking resume. Habang ini-scan niya ang content nito nagkaroon ako ng pagkakataong masdan siya ng mabuti.
Pakiramdam ko ay bumalik ako ten years ago. Wala halos ipinagbago kay Kuya Brando. Kung meron man ay ang lalo siyang gumwapo. Tingin ko nga ay parang hindi siya tumatanda. Parang tumigil na ang pagtanda ng kaniyang mga body cells at nanatiling bata ang kaniyang hitsura. Walang mag-aakala na nasa bente-nuwebe anyos na ito ngayon. Siyang-siya pa rin si Kuya Brando pati ang pangangatawan ay hindi nagbago. Hindi lumaki at hindi rin pumayat. Nandoon pa rin ang kaputian ng balat na hindi bading tingnan, ang matangos na ilong at ang may kanipisan at mapupulang labi. Hindi siya talaga tumanda. Ano kaya ang beauty secret niya for staying and looking young? Maitanong nga at magaya din.
Sa kaniyang pagkakaupo, tantiya ko’y magkasingtangkad na kami ngayon, kapwa 5’11”. Kung sabay na ihahanay, maaring pagkamalan kaming hindi nagkakalayo ang agwat ng edad. Siya ay mukhang bente uno o bente dos lamang samantalang ako’y disi-nuwebe. Sa pangangatawan naman ay medyo mas malaki lang ng kaunti ang kaniya. Naisip ko, pweding-pwede, match na match. Hehehe.
“I guess, you like what you see,” sabi niya nang mapansin ang matagal kong pagtitig sa kaniya.
Pinamulahan ako ng mga pisngi sa kaniyang sinabi. Huling-huli kasi ako na nakatingin sa kaniya na para siyang isang bagay na mariing sinusuri kung aprubado ba sa standards ko ang aking nakikita. Nahihiyang nagyuko ako bahagya ng ulo.
Ilang segundo rin na ramdam ko ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya pero ipinagdadasal ko na sana maalala na niya ako para maging friendly naman ang atmosphere sa loob ng opisina niyang iyon na umaalingasaw ang amoy ng peras at banilya. Sana tawagin na niya akong Utoy…antagal ko nang hinihintay na marinig iyon sa kaniya.
Nagtaas ako ng tingin at nasalubong ng mga mata ko ang mata niyang kulay brown. Matagal kaming nagkatitigan hanggang sa siya ang unang nag-iba ng tingin, ibinaling papunta sa aking resume.
“Mr. Rhett Santillan, if you will be accepted here as an OJT, how will you be of help to us as much as we will be helping you?” nanatiling pormal ang pagkakasabi ni Kuya Brando.
Kung hindi siya si Kuya Brando, baka nasagot ko na siya ng: World Peace! Para naman kasing pang Q&A ng Miss Universe ang tono ng tanong. Hehehe.
Pero siyempre job interview ito kaya go with the flow. “Sir, I may not have the advanced technical know-how yet but I will ensure that what I have learned from our school especially in my Laboratory subjects, I will use as guide to perform any task that will be given to me. Also, I will be bounded by existing rules and policies of the company and followed it strictly.”
“So may mga electrical laboratory subjects pala kayo…” sabi niya na binitawan ang aking resume saka kinuha ang photocopy ng aking mga class cards na sadyang isinama ko sa mga ipinasang requirements.
“Yes, Sir.”
Ikaw din Kuya Brando meron. Iisang school tayo. Lahat ng subjects ko naging subjects mo. Yung iba mong professors, naging professor ko din. Mga classrooms mo naging classrooms ko rin. Lahat ng inapakan mong sahig naapakan ko din. Yun ang koneksiyon natin maliban sa cactus na ibinigay mo. Ano ba kuya, hindi mo pa rin ba ako naaalala?
“Quite impressive,” sabi niya nang makita ang mga grades ko.
Pinagbuti ko talaga ‘yan para sa ‘yo. Kinuha ko ang kursong ‘yan dahil ‘yan din ang kurso mo. Nag-aral akong mabuti para pag nagkita tayo maipagmamalaki mo ako Kuya. Hindi mo ba alam na kahit nawala ka ay sa’yo lamang umikot ang mundo ko? Kuya Brando ako si Utoy. Wala ka naman sigurong amnesia di ba? OMG baka nga meron na siya?
“Thank you Sir,” tugon ko. Sobrang tuwa na rin ako sa sinabi niyang iyon. At least nakita niya ang mga grades na pinaghirapan ko dahil sa kaniya.
Ang mga sumunod na palitan ng tanong at sagot ay may kinalaman sa mga OJT work na nasasagot ko naman ng base sa mga napag-aralan ko sa school. Tungkol sa mga motor, generator, electrical wiring, wiring calculations, installations and accessories. Meron din tungkol sa work attitude at sa Electrical Safety na din. Lahat ng iyon ay nasagot ko naman ng maayos. Isa nga lang ang napansin ko, nanatiling seryoso si Kuya Brando sa pakikitungo sa akin kulang na lang ipasok na siya sa ICU ng Batangas Regional Hospital!
Buti na nga lang at marami akong alam dahil nakaugalian ko na rin na bukod sa mga itinuturo sa amin sa eskwelahan, ang magbasa ng iba pang mga reference materials tungkol sa electrical engineering at installations. Baka kung hindi ako nakasagot ng tama, malamang pulutin ako sa kangkungan. Naguguluhan ako sa inaasta niya at kahit ayaw ko mang isipin pero ramdam kong parang may galit o kung anoman na tinatagong negatibong emosyon si Kuya Brando sa akin.
Malaki na talaga ang ipinagbago mo Kuya. Hindi nga sa pisikal na anyo mo ang pagbabago pero mas masakit sa akin na iyon ay sa pakikitungo mo. Hindi mo na nga talaga ako maalala Kuya Brando. Gayunpaman maghihintay ako na maalala mo rin ako.
Alas-sais kuwarenta y singko natapos ang interview. Nawalan na ako ng pag-asa pang may magbago pa na mas maganda sa unang reunion namin ni Kuya Brando.
“Close the door gently when you leave,” pahabol pa nitong sabi nang tumalikod na ako at tinungo ang pinto.
Nasa pinto na ako nang marinig ko siyang magsalita. “Wait, Mr. Santillan…”
Tumigil ako sa paglakad. Pumihit paharap sa kaniya, nagtatanong ang ekspresyon ng mukha. “Any other question Sir?”
Parang nagsecond thought pa siya sa itatanong. “How are you in any way connected to Rhon Santillan?”
Naalala mo na ako Kuya Brando. Yes! Yes! Yes!
“He’s my older brother, Sir.”
Ako si Utoy Kuya Brando! Ako si Utoy! Natatandaan mo na ba?
Tumango lamang si Kuya Brando saka sinabing, “You may go now.”
Laglag ang aking balikat na lumabas saka marahang inilapat ang pinto base na rin sa unang pakiusap niya. Para akong maiiyak sa kinahinatnan ng muling pagkikita naming iyon ni Kuya Brando.
WALA NAMAN si Harry sa pinagkasunduan naming internet café sa may labasan lang ng subdivision namin. Wala ring available na computer. Lahat ay may umookupa. Nasaan na kaya iyon?
Kinuha ko ang aking cellphone para itext siya. Bumigat ang aking pakiramdam mula kaninang lumabas ako sa opisina ni Kuya Brando. Wala sa hinagap ko na magiging ganoon lang ang unang reunion namin, parang wala lang sa kaniya. Kay tagal kong naghintay at umasa.
Gusto ko na sanang umuwi kaya lang siguradong magtataka si Kuya Rhon kapag hindi ako nakipag-chat sa kaniya. Tumunog ang aking cp. Binasa ko ang reply ni Harry: “d2 q s SM nag OL. w8 kt d2.” Gusto ko tuloy mainis kay Harry at lumayo pa ng pinuntahang cyber cafĂ©.
Sumakay ako ng dyip byaheng SM. Ang hirap talaga pag nasisiraan ng laptop, kailangan pa talagang lumabas para makapag-online lang. Na-corrupt yata ng virus yung Windows version na OS kaya ayun, ayaw ng mag-start. Palagi na lang Operating System not found ang nakalagay sa screen after each start. Hindi ko naman ma-instolan ng bago dahil nawala na yung original installer CD. Tamang-tama, mamaya pagkatapos naming mag-chat ni Kuya Rhon ay makabili ng installation CD.
Malapit na ang dyip na sinasakyan ko sa SM nang makita kong dumaan sa gilid namin ang isang bagong modelong kotse na kulay puti. Half open ang windshield sa may driver’s seat. Nang parehong tumigil ang kotse at ang dyip namin sa may traffic light, sa pamamagitan ng nakabukas na ilaw sa loob ng kotse ay nakita kong parang si Kuya Brando ang nagda-drive at may katabing babae. Bigla ang sasal ng dibdib ko nang makita ko siya. Para tuloy gusto ko ng bumaba sa dyip para puntahan siya. Hayyy...ano ba ito?
Nang mag-green na ang traffic light nauna nang umarangkada ang kotse ni Kuya Brando. Sinundan ko ng tingin ang kotse, kahit na medyo madilim na ang paligid, sa tulong naman ng mga high pressure sodium lights sa mga poste ay tinahak nito ang entrance ng parking area ng SM. Nabuhayan ako ng loob sa isiping posibleng magkita kami ulit ni Kuya Brando sa loob. Ang inis ko kay Harry ay biglang napalitan ng pasasalamat.
Palingon-lingon ako sa paligid mula pagpasok ko sa entrance ng SM hanggang pagpanhik sa escalator sa pagbabaka-sakaling makita ko si Kuya Brando. Pero nakarating na ako sa internet café, wala ni anino nito.
“Antagal mo,” may inis na sabi ni Harry pagkakita sa akin. Nasa may dulong cubicle siya nakapuwesto. Kita ko sa monitor ng computer ang dalawang webcam window. Kita ko si Kuya Rhon sa isa, at yung isa ay sa amin.
“Tagal kasi ng interview tapos hindi mo agad sinabi na dito ka nagpunta.”
Nagtype muna siya sa keyboard. “Mukhang nagkatagalan kayo ng interviewer, ah.”
May laman ang sinabi niya pero binalewala ko muna. Hinila ko yung upuan sa katabing cubicle at itinabi sa upuan ni Harry. Nagpalit muna kami ng posisyon ng pagkakaupo, inayos ko ang webcam hanggang ako na ang nasa viewing window.
“musta naman jan sa Korea kuya?”
Tumingin saglit sa camera niya si Kuya Rhon at ngumiti saka muling nag-type. “ok naman.”
Hindi kagaya ni Kuya Brando na halos ay hindi tumanda, si Kuya Rhon ay malaki ang ipinagbago. Mas gumwapo din naman ito kaysa dati kaya nga lang ay mas naging matured ang features niya. Yung boy-next-door type dati ay naging rugged pero neat pa ring tingnan. May goatee na naging estilo na niya yata na binagayan naman ng unat na itimang buhok nitong humaba na hanggang balikat.
“si mommy musta?”
“nasa work pa rin niya.”
“ba’t di siya sumama?”
“marami yatang ginagawa sa opisina nila.”
“miss ko na siya pati ikaw.”
Nakita ko siyang ngumiti. “miss rin kita…miss ka rin nun.”
Alam kong sa tingin lang niya iyon na miss din ako ni Mommy. Malaki ang kaibahan ng sa tingin lang at katotohanan. “sana nga.”
“sira microphone ko e,” pag-iiba niya ng topic.
“ah..kaya pala di pwede video call. Musta work?”
Nakita ko siyang huminga ng malalim saka nag-type. “ayun, madami at pagod lagi.”
“yung papeles, ok na?” ang tinutukoy ko ay ang inaasikaso niyang papeles para kay Mommy.
Medyo nalungkot ang ekspresyon ng mukha niya. “Malabo pa. Wala pa kaming makitang kakilala na mapagkakatiwalaan para maayos yung papel niya. Matagal na rin kasing TNT si Mommy dito, mahigit sixteen years na. Mahirap kasing magtiwala sa iba, baka isuplong lang si Mommy sa immigration at madeport pa.”
“Kung umuwi na lang kaya siya dito?” Mas gusto ko sana iyon. Three years old lang ako nang umalis siya. Kung hindi lang sa picture ay malamang matagal ko ng nakalimutan ang hitsura niya.
“Alam mo namang hindi kasali iyon sa options niya.”
Isang nakasimangot na smiley ang isinagot ko.
“Musta interview?”
Hindi ko alam kung hanggang saan na ang naikwento ni Harry kay Kuya Rhon tungkol sa interview. Sasabihin ko sana ang tungkol kay Kuya Brando pero pinili ko na lang huwag sabihin. Bahala na lang si Harry kung sinabi niya o hindi.
“Okay naman kuya. Mukha namang pasado.”
“That’s good. Sana makatapos kayo ng walang problema para makasunod na rin kayo dito sa Korea. Ihahanap ko kayo ng mapapasukan para magkasama-sama na rin tayo dito.”
“Oo nga. Ikaw kuya musta lovelife mo?”
Nag-angat ng mukha si Kuya Rhon para tumingin ng diretso sa video camera. Tiningnan ako ng matalim pagkuwa’y ngumiti at muling nag-type. “Zero.”
Natawa rin si Harry. Medyo inayos ang web cam para makita rin siya ni Kuya Rhon saka kinuha sa akin ang keyboard at nagtype. “Bakit kasi hindi ka maghanap Kuya?”
“Sira ka talaga, hindi ‘yan hinahanap. Kusa iyang dumadating nang hindi mo alam.”
Tama naman si Kuya Rhon, hindi hinahanap dahil kusang dumadating. Parang si Kuya Brando sa tinagal-tagal kong paghahanap sa kaniya hindi ko siya makita tapos bigla na lang bumulaga sa akin kanina. Hindi ko na nga mabilang kung ilang daang ulit akong nagpabalik-balik doon sa inupahan niyang boarding house para lang itanong baka sakaling naligaw siya o nakita lang ng mga boardmates niya. Kahit nga hanggang ngayon once in a while napunta ako doon para magtanong. Saan nga kaya siya nagtago at bigla na lang sumulpot ngayon?
“Siya pa rin ba Kuya?” tanong ni Harry saka tumingin sa akin. Alam kong si Kuya Brando ang tinutukoy niya. Alam kasi ni Harry ang tungkol kina Kuya Rhon at Kuya Brando. Bigla tuloy akong kinabahan. Paano kung all this time ay si Kuya Brando pa nga rin ang mahal ni Kuya Rhon? Na kaya pala wala akong nabalitaan na ibang guy o girl na na-link sa kaniya after ng break up nila ni Kuya Brando at maging nang makaalis siya papuntang Korea hanggang ngayon ay dahil hindi pa rin siya nakaka-move on sa nangyari sa kanila. Isang pangyayari na hanggang ngayon ay nananatiling lihim sa akin ang pinag-ugatan. Kaya ko bang ipagparaya si Kuya Brando if ever?
“Sira ka talaga… change topic nga tayo.”
Tatlong sunod-sunod na smiley ang nireply ni Harry kay Kuya Rhon.
NIYAYA KO si Harry na humanap ng instoler CD paglabas namin ng internet shop. Habang naglalakad kami sabi ko sa kaniya, “Alam ko na kung bakit ayaw mo ng mag-OJT tayo sa SJR.”
Napatigil siya sa paglakad. Tumingin sa akin ng diretso saka nagsalita. “Nakita mo na siya.”
Tumango ako.
Bigla ang paglungkot ng kaniyang mukha. “Masaya ka na. After so many years of searching, nandiyan na siya. Nakita mo na. Finally nagkita na kayo.”
Napabuntong-hininga lang ako nang maisip na hindi naman as expected ang nangyari sa aming pagkikita.
Hindi iyon nakatakas kay Harry, “Bakit? May nangyari bang hindi maganda?”
“Wala naman. Casual encounter lang. Para ngang hindi na niya ako naaalala.”
Hinawakan ni Harry ang aking kamay saka seryosong nagsalita. “Rhett, mahal kita, alam mo iyon. Nang makita ko si Brando, aaminin ko, kinabahan ako. Bigla akong nag-worry. Naisip ko kasi na noon ngang wala pa siya hindi ka na naging akin e di lalo na kung makita mo na siya, yung nandiyan na siya. Suntok na sa buwan ang mahalin mo pa ako.
Isa pang naisip ko, paano kung ayaw naman niya sa iyo, paano kung sasaktan ka lang niya? Paano kung lokohin ka niya? Paano kung paglalaruan ka lang niya? Parang hindi ko kaya ang makita ka sa ganoong sitwasyon. Ako na lang ang masaktan huwag lang ikaw tutal sanay naman akong nasasaktan.
Kaya sabihin mo mang makasarili ako, pero nang makita ko siya gusto ko nang lumabas ng opisina niya at hilahin ka palabas ng SJR. Pero hindi kasi pwede ang ganoon. Kailangan natin ang OJT na ito. At isa pa, kung nagbalik na nga siya, hanggang kailan kita maitatago sa kaniya? Ayoko din magalit ka sa akin dahil sa ililihim ko sa iyo na nakita ko siya gayung all these years, alam ko namang hinahanap mo siya.”
Off-guarded na naman ako sa mga sinabi ni Harry. Pinisil ko na lang ang kamay niyang nakahawak sa akin. “’Wag kang mag-alala Harry, kaya ko naman ang sarili ko.”
Tumango lang si Harry. “Okay, basta pramis mo sa akin wala kang ililihim sa kung anoman ang mangyayari sa inyo ni Brando.”
“Okay po. Pramis.”
Hindi na binitawan pa ni Harry ang aking kamay nang muli kaming maglakad. Pinilit kong kumawala sa kaniya pero dahil sa mas malakas siya sa akin ay wala akong nagawa.
“Pinagtitinginan na tayo,” halos pabulong kong sabi sa kaniya nang makita ang iba’t-ibang ekspresyon sa mukha ng mga nakakasalubong namin. Merong na-disgusto, merong natatawa, merong nangingiti at meron pa ngang sumigaw ng: “Ang sweet-sweet niyo naman! Lalanggamin na kayo niyan.” At meron pang, “Sayang naman ang dalawang iyon, ang po-pogi pa naman.”
“Maano, friends naman tayo.” Tugon niya na lalong hinigpitan ang hawak sa kamay ko.
“May friends ba na ganito tapos pareho pang lalaki?”
“Meron,” pagmamalaking sabi niya. “Tayo, bi-friends.”
Bumitaw lang siya nang nasa tapat na kami nung bilihan ng instoler CD. Ang binigay ng saleslady ay iyong latest version ng Windows installer. Sinabi ko sa saleslady na i-test install na para siguradong in good working condition ito at pumayag naman. Medyo matagal-tagal nga lang ang testing kaya nang maramdaman ko ang call of nature sinabi ko kay Harry, “Dito ka muna habang hinihintay matapos yung testing, punta lang ako ng CR. Naiihi na ako.”
“Sabay na kaya tayo,” sabi niya.
“Mamaya ka na. Hintayin mo na lang iyan.”
“Siguro may katagpo ka sa CR noh?” malisyoso pa itong ngumiti.
“Tange, at sino naman? Sige na at naiihi na talaga ako.”
Nasa may bandang dulo pa ng mga stalls ang pinakamalapit na CR. Pagpasok ko ay walang tao palibhasa ay malapit na ang closing time. Dali-dali kong tinungo ang isang urinal doon saka nagsimulang umihi. Ilang saglit lang narinig kong may nag-flush sa isang cubicle. Hindi pala ako nag-iisa. May iba pa pala akong kasama.
Dahil sa medyo malagkit na rin ang pakiramdam ko sa aking pisngi, naisipan kong maghilamos saglit. Hinubad ko muna ang aking suot na pang-itaas para hindi mabasa nang tubig. Nakita ko ang takaw-pansin na repleksiyon ko sa salamin. Mukhang hindi ko lang natapatan ang pangangatawan at kaguwapuhan ni Kuya Rhon noong kaedad niya ako, nahigitan ko pa. Yumuko ako sa may faucet at gamit ang mga palad ay umipon ng tubig saka marahang inihilamos sa aking mukha. Nasa ganoon ako nang maramdaman kong lumabas sa cubicle ang lalaki at nang lumapit sa may likuran ko ay gumuhit sa aking ilong ang amoy ng peras at banilya.
Nag-angat ako ng tingin. Kuya Brando ikaw pala! Sigaw ng isip ko pero ang talagang nasabi ko ay, “Si-sir kayo pala.” Ayan na naman, nauutal ako at parang tumigil sa paggalaw ang buong paligid at biglang tumahimik. Lumakas ang kalampag ng puso kong lalabas na yata sa aking dibdib. Tumayo na ako ng tuluyan at napatunayan kong magkasing-tangkad na nga kami ni Kuya Brando.
Tumingin siya sa aking repleksiyon sa salamin. Sa aking buhok na medyo nabasa, sa aking mukha at humagod pababa sa aking katawan kasabay ng pag-agos ng tubig na nanggaling sa aking mukha at leeg. Iba ang na-sense kong pagtingin niya, alam ko na may halong malisya. Pero hindi ako makaramdam ng kabastusan. Bakit kaya? Samantalang noong high school ako at early college, kapag may ganyang makatingin sa akin na bading o bi na parang kakainin na ako o magpakita ng motibo o kaya’y magparamdam ng tungkol sa sex ay halos masuntok ko na sa galit. Pero ngayong si Kuya Brando ay kakaiba, wala akong maramdamang galit o revulsion sa loob ko, para pa ngang I’m looking forward for something to happen. OMG, what’s happening to me!
“So you’re expecting somebody else, aren’t you?” may pagka-sarkastiko ang kaniyang tinig.
“Wa-wala po,” sabi ko saka huminga ng malalim.
Lumapit siya sa akin. Yung lapit na halos sumayad na sa hubad kong likuran ang kaniyang katawan. Ang malalim na paghinga niya ay ramdam ko na sa aking leeg at balikat. “Liar…”
Kita ko siyang nakatingin sa akin, ang kaniyang guwapong mukha ay nasa may kanang balikat ko na. Gusto ko nang isandal ang aking likuran sa kaniyang dibdib. Mabilis na ang daloy ng dugo sa aking mga ugat.
“I’m not lying to you…Sir…” halos paanas ko ng sabi dahil sa excitement na lumulukob na sa aking katauhan.
“Nakita ko kayo nung boyfriend mo na na-interview ko rin kanina. Holding hands pa kayo sa labas. Why didn’t he follow you for a quick…you know.”
Lalo pa niyang inilapit ang bibig niya sa aking punong tainga. Kakaibang kiliti tuloy ang naramdaman ko. Kung iba lang siya, nasuntok ko na siya. Pero si Kuya Brando siya kaya kahit may halong kabastusan na ang ibig niyang sabihin ay hindi ko pa rin kayang magalit sa kaniya.
“So, who’s Mr. Harry Escobio then…?”
“He’s only a friend,” sabi ko at tuluyan na akong napapikit nang maramdaman ko ang pagsayad ng labi niya sa aking tainga. Hinawakan na rin niya ang aking magkabilang balikat. Napakainit ng palad niya sa aking hubad na balat. Nag-build up na nang tuluyan ang sexual tension sa pagitan namin.
Pigil na ang aking paghinga sa paghihintay ng susunod na mangyayari nang biglang bumukas ang pintuan ng CR.
“Anong nangyayari dito?” galit na tanong ni Harry na nakatayo sa may kuwadro ng pintuan.
Itutuloy
1 comments:
may pinagmanahan talaga ^^
Post a Comment