Chapter 4 : In Love With Brando
Thursday, November 25, 2010
By JoshX
Mas mainit ang sikat ng araw nang umagang iyon kahit mag-aalas-sais pa lamang kumpara noong mga nagdaan. Isa na yata ito sa epekto ng tinatawag na climate change. Wala pang tatlong kilometro ang naaabot namin ni Harry sa pagja-jogging ay halos tumagaktak na ang aking pawis mula sa aking unat at bagsak na itimang buhok pababa sa aking mukha. Nag-sando na nga lang ako at jogging pants na kulay gray na may stripes na maroon pahaba sa magkabilang gilid.
“Kaya pa ba?” nakangiting tanong ni Harry na para bang minamaliit niya ang aking kakayahan. Medyo binagalan ang pagtakbo para umantabay sa akin. Ang guwapo nito sa suot na puting Hanes T-shirt na semi fit at UB jogging pants kagaya ng suot ko. Moreno ang balat na makinis at semi-kalbo ang gupit. Sa ganda ng katawan nito ngayon na alaga sa gym, height na 6’1”, matangos na ilong na bumagay sa may kanipisang mga labi at pair of expressive black eyes ay hindi mo aakalain na siya ang patpating si Harry na ipinagtanggol ko sa mga bullies na sina Jimson, Collin at Bino mahigit sampung taon na ngayon ang nakakaraan.
“Kaya pa.” nakangiting tugon ko. Maalat ang butil ng pawis na dumaloy sa aking labi. Kinuha ko ang lalayan ng aking t-shirt, iniangat at sandaling nagpunas ng mukha. Nakalimutan ko kasing magdala ng towel na pampunas. Napatingin tuloy si Harry sa lumitaw kong six pack abs at sa makinis kong balat na maputi kumpara sa kaniya. Medyo naalangan ako sa mga ganoong pagkakataon kaya, “Meron ka din niyan,” sabi ko na tinapik pa ng marahan ang kaniyang tiyan na ikinagulat naman niya. “Mas maganda pa ang pagkaukit.”
Napangiti naman siya. “Iyan ang gusto ko eh…at hindi lang naman ‘yan. Lahat ng ikaw.”
“Sira ka talaga, sabi ko sa iyo hindi tayo talo.” Bigla kong binilisan ang pacing ng pag-jogging ko.
“Iiwanan mo ba ako?” kunwa’y naiinis na tanong niya.
“Oo kung babagal-bagal ka.”
“Ganon.” Sabi niya pagkuwa’y patakbo na ang ginawa niya.
Binilisan ko din para sabayan siya. Pagkatapos malampasan ang sampung naggagandahang mga bahay sa aming subdivision ay unti-unti na rin kaming bumagal.
“Mamahalin mo rin ako...sometime later,” sabi niya na hindi pa rin pala nalilimutan ang topic kanina.
“Mahal naman kita. Pero alam mo na kung hanggang saan lang ‘yon.” Alam ko na memorize na niya ang sagot kong iyon dahil hindi na rin mabilang kung ilang ulit ko ng isinagot iyon sa kaniya.
“Gusto ko mas higit pa doon. At alam kong mangyayari din iyon.”
“Talaga lang?”
“Talaga. Darating din iyon.”
“In your dreams,” pabiro kong sabi kay Harry. “Balik na nga tayo,” yaya ko sa kaniya para makauwi na kami sa amin. Matagal na kasing sa amin nakatira si Harry.
Tumigil kami saglit para padaanin ang paparating na kotse pagkuwa’y nag U-turn na pabalik sa pagjo-jogging.
Naalala ko kung paano napatira sa amin si Harry.
Grade 5 na kami ni Harry nang mag komento ako tungkol sa ginagawa nila ng kaniyang Tiyuhin na nakababatang kapatid ng kaniyang ama. Ang daddy noon ni Harry ay halos ilang buwan pa lang na pumanaw.
“Parang ayaw ko ng ginagawa ninyo, sabi ng titser natin sa religion, masama daw pag-usapan sa edad natin ang tungkol sa sex. Kung masama ang pag-usapan di lalo na kung gagawin,” sabi ko sa kaniya. Nang mga panahong iyon kasi ay sobrang close na namin ni Harry. Palaging magkasama sa loob at sa labas ng klase, sa recess, sa paglalaro, paggawa ng assignments at maging sa lahat ng kalokohan.
Masasabi kong malakas talaga ang impluwensiya ko kay Harry dahil sa ang sinabi kong iyon ay naging daan para ayawan na niya ang pinapagawa sa kaniya ng Tiyuhin. Gabi ng pangalawang araw mula nang sabihin ko iyon napasugod sa amin si Harry, may mga pasa ang magkabilang pisngi.
“Rhett, tulungan mo ako…” iyon lang ang nasabi niya at tuluyan ng hinimatay.
Binuhat siya ni Kuya Rhon at dinala sa aking silid. Naghanda naman ng ice bag si Tiya Beng at marahang dinampian ang mga pasa nito sa pisngi. Nang mahimasmasan ay tinanong siya ni Kuya Rhon tungkol sa nangyari. Para naman akong na-guilty nang mag-umpisa siyang magkwento dahil naisip ko na nangyari ito dahil sa nasabi ko sa kaniya nung makalawa.
Sa pagitan ng iyak at hikbi nasabi niya, “Ayaw ko na po kasi sa gusto ni Tiyo… Lasing po siya nang dumating… Wala pa po si Mommy… Gusto niya gawin namin ulit…gusto niya gawin ko sa kaniya gaya dati. Pero ayaw ko na Rhett,” tumingin siya sa akin, nakakaawa ang kaniyang hitsura, namamaga ang mga pisnging halos mangitim na. “Ayaw ko na dahil nai-promise ko na sa sarili ko na hindi ko na gagawin dahil ayaw mo.”
“Ano bang ipinagagawa sa’yo na ayaw mo?” naguguluhang tanong ni Kuya Rhon.
Pakiramdam ko’y ngayon lang nag-sink in ng husto kay Harry kung gaano kaseryosong usapin ang kinasadlakan niya. Parang nahihiya na nandidiri na hindi magawang sagutin ng diretsahan si Kuya Rhon. Umiyak na lang siya ng umiyak.
Ako na ang nagkwento kina Kuya Rhon at Tiya Beng ng lahat.
“Diyos kong mahabagin!” sabi ni Tiya Beng na napaantanda pagkatapos kong magsalita at parang maiiyak na din na hinaplos sa buhok si Harry. “Walanghiya siya. Masahol pa siya sa hayop.”
“Kailangan natin itong mai-report sa pulis,” galit na sabi ni Kuya Rhon.
Iyon nga ang ginawa namin. Kahit gabing-gabi na ay nagfile pa rin kami ng complain sa police station. Pagkatapos kaming kunan ng statement nagsagawa na ng operasyon ang mga pulis. Pero wala ng dinatnan na Tiyuhin ni Harry ang mga pulis sa kanilang bahay. Wala pa rin ang Mommy niya. Lumabas sa pag-iimbestiga sa mga malalapit na kaibigan at kapitbahay na kalaguyo pala ng Mommy ni Harry ang Tiyuhin niya. Kaya nang hindi na muling nagpakita ang Mommy ni Harry, ipinagpalagay na kasama ito ng Tiyuhin niya na tumakas. Isa pang rebelasyon ang lumitaw mula sa mga kamag-anak na si Harry pala ay inampon lamang ng kaniyang Daddy dahil hindi sila magkaanak ng asawa nito na nakagisnang Mommy ni Harry.
Sa isang iglap, biglang nawalan ng pinagmulan si Harry. Wala din ni isa sa mga kamag-anakan ng Daddy niya ang gustong umampon sa kaniya. At dahil sa nangyari sa kaniya awtomatikong inilagay si Harry sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Sumailalim siya sa serye ng counselling para maka-cope siya ng maayos sa trauma na pinagdaanan niya at makapamuhay muli ng normal. Si Tiya Beng ang nagboluntaryo na tumayong guardian niya at pagkatapos maayos ang mga papeles, umuwi kaming kasama na si Harry.
“Buti na lang naipasa ko din yung written exam kahapon kahit mahirap.” Sabi ni Harry na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. Ang tinutukoy niya ay ang qualifying exam doon sa kumpanya kung saan kami ini-assign na mag- OJT.
“Kaya mo naman talagang ipasa iyon, madali naman,” sabi ko.
“Sa iyo madali siyempre candidate ka ba naman for Cum Laude, samantalang ako pasang-awang estudyante lang ng Electrical Engineering ng Unibersidad ng Batangas kaya mahirap.”
“O sige na, ako na ang Cum Laude at least naipasa mo yung qualifying exam. Sabi nga ni Sir last na daw kumpanya ito dito sa malapit na puwede nating pag-ojtihan at kung hindi tayo matatanggap siguradong lalayo na tayo.” Mas gusto ko kasi kung mas malapit lang ang company, siyempre mas madaling makakauwi.
“Salamat Rhett at pumayag ka na sabayan ako sa OJT.” Kaya kami late ng na-deploy ng skul dahil nagkaroon pa kasi ng incomplete si Harry dun sa isang subject at tinulungan ko pa sa paggawa ng requirements para makompleto at makakuha ng clearance for OJT. Dapat sana ay nauna na akong nag-OJT pero nakiusap siya sa akin na sumabay ako sa kaniya para daw iisang kumpanya ang papasukan namin. Maliit lang naman na pabor iyon na hinihingi niya at naisip ko na maganda rin naman na may kasama sa OJT na kakilala para hindi mahirap sa umpisa. Buti na lang pinayagan ako nung Coordinator namin sa skul na sumabay sa kaniya.
“Wala iyon. Basta mamaya yung final interview naman ang dapat nating ipasa para makapagsimula na tayo. Kapos na tayo sa oras kaya Do or Die na tayo sa SJR.” Ang tinutukoy ko ay ang kumpanyang SJR Construction Corporation kung saan kami mag-OJT. Ang SJR ang isa sa pinakamalaking construction firm sa bansa na ang head office ay nasa Makati at may satellite office dito sa Batangas City na siyang nagke-cater sa mga construction projects sa Southern Luzon. Sa kasalukuyan, ito ang nanalo sa bidding para sa pagtatayo ng isa sa mga sikat na shopping mall malapit sa Batangas Pier at nabalitaan ko sa ABS-CBN Southern Tagalog News Report na nakapag-ground breaking ceremony na noong last week pa.
Habang naliligo si Harry minabuti ko munang magpunta sa harapan ng bahay. Usual routine ko na iyon tuwing umaga. Hindi kumpleto ang araw ko kung hindi ko ito pupuntahan. Lalo na itong maganda ngayon, at hindi lang isa kundi marami na silang parang naglalakihang mga hotdog na kulay green. Nagpapasalamat din ako ng marami na nabuhay pa rin ang isang parte mula sa nagpira-piraso at wasak na katawan ng cactus na galing kay Kuya Brando na sinubukan kong itanim. Nang magkasuloy iyon ay minabuti ko nang itanim na diretso sa lupa. Sa ilang taon kong pag-aalaga, heto ngayon at mas matangkad pa sa akin sa taas kong 5’11”.
Ang pagkabuhay ng cactus na iyon ang nagpapaalala sa akin na nandiyan lang si Kuya Brando. Maaring sa tamang panahon magkikita kaming muli. Ang mahalaga mananatiling siya lamang ang lalaking aking itatangi. Mananatiling si Kuya Brando lang ang iibigin ko. Siya na rin ang dahilan kung bakit kahit na marami ang umaaligid sa akin mapa-babae man o lalaki pagtuntong namin ni Harry ng high school hanggang mag kolehiyo ay wala akong pinatulan isa man sa kanila. Kaya sa UB na rin ako nagpatuloy ng pag-aaral at Electrical Engineering din ang kursong kinuha ko gaya niya dahil kahit man lang doon ay maramdaman kong konektado pa rin ako kay Kuya Brando. Kaya nga sa bawat silid at bawat upuan palagi kong iniisip na minsan umupo din siya doon at pumasok sa silid na iyon.
Nanatiling si Kuya Brando lang ang laman ng isip ko. Dahil doon tuluyan ko na ring isinara ang puso ko sa iba, pati na rin kay Harry.
Hindi naman ako manhid para hindi ko maramdaman na mahal ako ni Harry. Maaring ang damdaming iyon ay nagsimula pa noong araw na ipagtanggol ko siya sa mga bully boys. Ang araw na iyon ang nagpabago sa kaniyang buong pagkatao. Ang araw na iyon na napansin kong parang sa akin na nagsimulang umikot ang mundo niya.
Naalala ko pa noong huling taon na namin ni Harry sa high school. Pagkatapos ng JS Prom ay nagkayayaan ang mga kaklase namin na uminom sa isang bar. Tinamaan na si Harry nang magyaya na akong umuwi. Ako naman ay medyo tipsy na rin kahit pa sabihing kinontrol ko ang pag-inom. Pagdating namin sa bahay ay umungot pa si Harry ng tig-isang bote ng beer. Pinaunlakan ko naman hanggang ang isa ay naging lima. Nang umakyat na kami ni Harry sa silid na noong mga panahong iyon ay magkasama pa kami, ay lasing na talaga siya at kung anu-ano na ang mga sinasabi.
Inalalayan ko siya hanggang makaupo kami sa gilid ng kama. Hindi ko na nakuhang buhayin pa ang ilaw pero medyo maliwanag naman dulot ng ilaw sa poste na tumatagos sa nakabukas naming bintana.
Nagulat ako ng hawakan niya ako sa magkabilang balikat saka niyakap ng mahigpit. Umiiyak na siya sa kalasingan. Makaraan ng ilang saglit niluwagan niya ang pagkakayakap at nakita ko na lang ang mukha niya sa harap ng mukha ko. Naisip ko na ang gusto niyang mangyari kaya nang ilalapat na niya ang kaniyang mga labi sa labi ko, umiwas ako saka marahan siyang itinulak palayo. Medyo natauhan siguro siya sa ginawa ko.
“Bakit Rhett?” paiyak na niyang tanong sa akin.
Naumid ang aking dila. Hindi ko alam ang isasagot sa kaniya. Gusto ko naman siyang maging masaya pero kung papayag ako sa gusto niya, dadayain ko lang ang aking sarili.
“Bakit ang layo palagi ng tingin mo. Bakit hindi mo ako makita. Nandito lang ako sa tabi mo pero bakit iba ang hanap mo? Ang sakit-sakit Rhett…abot-kamay lang kita pero napakalayo mo. Araw-araw akong naghihintay na mapansin mo pero hanggang ngayo’y bigo pa rin ako.”
Naiiyak na rin ako. Naaawa ako kay Harry. Sa dami na ng masasakit na pinagdaanan niya sa buhay, hanggang ngayon nagtitiis pa rin siya. Huminga muna ako ng malalim at nilunok ang bikig na namumuo sa aking lalamunan saka nagsalita. “Alam mo Harry na mahal kita pero hindi sa paraang gusto mo. Mahal kita bilang kapatid ko. Ayokong dayain ka, bigyan ka ng huwad ng pag-asa.”
Patawarin mo ako Harry, tanging si Kuya Brando lang ang isinisigaw ng puso ko.
Kinabukasan nagpasya akong sa kuwarto na ni Kuya Rhon mamalagi at maiwan si Harry sa kuwarto namin. Siguro’y naintindihan na rin naman ni Tiya Beng dahil wala siya kahit isang tanong kung bakit pagkatapos ng limang taong magkasama kami sa kuwarto ni Harry ay bigla na lang akong magdesisyon na humiwalay. Naging mahirap man kay Harry ang desisyon ko nang lumaon ay tinanggap na rin niya. Maganda na rin kasi ang ganoong setup na maglagay ako ng espasyo sa pagitan naming dalawa.
Nakahain na ang agahan nang matapos akong maligo at magbihis. Si Tiya Beng ay nakaupo na sa mesa pati na rin si Harry. Ako na lamang ang hinihintay nila.
Idinulot kaagad ni Harry sa akin ang kanin. Siya na ang naglagay sa aking plato ng kaya kong ubusin. Nilagyan niya rin ito ng itlog na sunny side up at skinless na longaniza. Yun palagi ang routine ni Harry tuwing kakain kami sa mahigit sampung taon naming magkasama. Ako muna ang uunahin niya at kapag may pagkain na ako saka pa lang siya kukuha ng kaniya saka kami sabay na kakain. Noong una’y ayaw ko pa ng ganoon pero nang lumaon ay nasanay na rin ako at sabi niya’y kahit man lang daw sa ganoong maliit na bagay mapagsisilbihan niya ako ay okay na sa kaniya at masaya na siya.
Habang kumakain ay naitanong ni Tiya Beng, “Kumusta naman yung lakad ninyo kahapon?”
“Okay naman po ‘Nay,” si Harry ang sumagot. Mula nang tumira siya sa amin naging Nanay na ang tawag niya kay Tiya Beng. “Pasado naman po kaming dalawa sa initial interview at mga exams.”
Tumingin ako kay Tiya Beng. Bakas na rin sa mukha ang pamumuo ng mga wrinkles at age spots at mataba pa rin. Mayroon na ring mga puting hibla ang buhok niyang hanggang balikat. Hindi na siya gaanong umaalis ngayon sa bahay hindi gaya dati na palaging nasa sales and marketing seminar. Naging dealer na kasi siya ng mga produktong pampaganda at marami na rin siyang sales agent at ayos naman ang kita doon sa nagiging komisyon niya.
“O, e kelan umpisa ninyo?”
“Last interview na po ngayong alas-nuwebe ng umaga, after noon baka mag-start din kami kaagad.”
“Aba, bilisan ninyo pala. Dapat sa ganyan ay maaga. Mabuti ng kayo ang naghihintay kesa naman kayo ang hintayin na usually kapag ganon hindi na kayo tatanggapin. Galingan ninyo ang pagsagot para matanggap kayo.”
“Opo,” Halos magkasabay naming sagot ni Harry.
Ilang minuto ding hinarap muna namin ang pagkain hanggang sa mapangiti si Tiya Beng sa naalalang sabihin. “Galing pala dito si Eunice kahapon, hinahanap ka Harry.”
“Uyy..I smell romance in the air!” panunukso kong sabi kay Harry. Alam ko kasi na malaki ang gusto ni Eunice sa kaniya. Baka nga nag-umpisa iyon noon ding makipagsuntukan si Harry sa mga bully boys para ipaghiganti ako.
“Maganda ang batang iyon at mabait pa,” sabi ni Tiya Beng saka idinugtong, “bagay kayo Harry,” saka sinabayan ng pinong tawa. Open naman kasi si Tiya Beng sa mga preferences namin. Wala din kaming itinatago sa kaniya. Sabagay wala din naman kaming ikukwento na mga anonymous sex at gay encounters dahil pareho naman kami ni Harry na puro bahay at eskwela lang. Ang maganda nga lang nakakakilos kami sa bahay ng walang iniisip na mangungutya sa amin dahil mismong si Tiya Beng ay tanggap kami.
“Nanay Beng naman…” sabi ni Harry saka pinuklan ako ng matalim na tingin. “Baka tamaan kami ng kidlat kapag naging kami ni Eunice.”
Nagkatawanan kaming tatlo.
Mula elementary naging kaklase din namin si Eunice noong high school. Ngayong college, school mate pa rin kami pero iba na nga lang ang course niya. Gradweyt na siya ng Psychology last school year. Alam kong may alam na rin siya sa mga pagkatao namin pero may mga babae nga sigurong kagaya niya na kahit alam na bisexual si Harry ay gusto pa rin niya ito. No wonder na marami ding bisexual ang nakakapag-asawa dahil marami ding babaeng open minded gaya ni Eunice.
“Ano daw ho palang pakay niya?” tanong ko.
“Hindi naman sinabi. Noong sabihin ko naman na nag-apply kayo sa SJR for OJT ayun nagpaalam na at babalik na lang daw. Hindi na rin naman siya bumalik kahapon.”
Nailigpit na ni Harry ang aming mga pinagkainan nang may maalala si Tiya Beng.
“Nagtext nga pala ang Kuya Rhon ninyo nangungumusta. Mag-online daw siya. Gusto niya kayong maka-chat. Sira pa rin ba laptop ninyo?”
“Sira pa rin po ‘Nay. Napasukan yata ng virus, Operating System not found po e,” si Harry.
“Sige po Tiya text niyo na lang si Kuya Rhon, mamayang alas-sais ng hapon sa kanila, alas-singko naman dito sa atin kami mag-online. Sa internet café sa may labasan na lang kami gagamit ng computer. Unahin po muna namin ang interview,” sabi ko.
Ang satellite office ng SJR Construction Corporation ay nasa ikalawang palapag ng dating sikat na sinehan sa may P.Torres St. na nirenovate para gawing commercial building. Isa iyon sa mga naunang sinehan sa bayan na na- bankrupt mula ng itayo ang mga sikat na malls na kinalauna’y nagpalabas na lamang ng mga malalaswang panoorin na karamihang parokyano ay puro lalaki at bakla.
Alas nuwebe ang schedule ng interview pero alas-otso kinse pa lang nasa may lobby ng kumpanya na kami ni Harry. Kinuha lang ng Secretary yata nung mag-iinterview sa amin ang mga pangalan naming ni Harry saka sinabihan na maghintay lang sa susunod na instruction galing sa kaniya pagkatapos ay tumungo sa may exit door ng lobby.
Mahirap pala ang mag-apply ng trabaho. Heto nga OJT pa lang kailangan na ring maghintay para ma-interview. Kung tutuusin sa ibang kumpanya naman ay hindi na dumadaan sa ganitong procedure ang mga OJT, pero iba kasi dito sa SJR dahil sabi sa amin ng OJT Coordinator sa skul, ang OJT daw dito ay parang empleyado na din kung ituring bukod pa sa may allowance ng matatangap.
Pareho na kaming kabado ni Harry nang pumatak ang eksaktong alas-nuwebe. Parehong di mapakali na patingin-tingin dun sa exit door at nag-eexpect na lumabas na yung Secretary kanina at tawagin kami para sa interview proper. Nang akmang bubukas ang pinto ay nagkatinginan kami ni Harry.
This is it!
Pero janitor ang lumabas na may dalang mop at walis tambo.
Nakuha nang humupa ang kaba namin ni Harry ay hindi pa rin lumalabas sa pinto ang Secretary. Halos mabilang na namin ang bawat tiktak ng orasan sa pinakagitna ng harapang dingding ng lobby ay wala pa rin.
Alas-diyes na wala pa rin. Nakakaramdam na kami ng gutom.
Para mawala ang aming pagkainip, kinuha ko ang cell phone ko at tinext ko si Harry. “Hi, mzta n?”
Kinuha niya sa bulsa ang kaniyang cell phone nang mag-ring ito. Nang makita ang text napangiti siya. Nagpipindot din siya para mag-reply.
“E2 nmuti n mata s khi2nty,” reply niya.
“Gnun dw tlg, svi nga Tya Beng, tactic dw un ng intrviewr pra mlaman f patient k.”
“Okie lng. No chois nman tau.”
Para kaming sira ni Harry na nagtetextan kahit magkatabi lang naman. Nagsasayang pati ng prepaid load. At kung saan-saang topic na napunta ang usapan namin sa text.
Alas onse. Wala pa rin ni anino ng Secretary.
Kinse minutes bago mag-alas-dose ng tanghali tinext ko si Harry. “eat muna tau, paalam tau dun s secrtary.”
Nag-reply siya. “cge.”
Magkasabay kaming tumayo pero bago pa kami nakahakbang lumabas ng pinto yung Secretary kanina. “Mr. Harry Escobio?”
Tinaas pa ni Harry ng bahagya ang kanang kamay. “Ako po Ma’am.”
“Follow me,” sabi nito sabay talikod at pumasok muli sa exit door.
Tinapik ko pa ng bahagya si Harry sa balikat saka sinabing, “Kaya mo ‘yan.”
Kinindatan naman niya ako bago siya tuluyang pumasok sa pinto. Kumakalam na ang sikmura ko nang bumalik ako sa pagkakaupo. Parang nakondisyon na kasi ang isip ko kanina na kakain na kami ni Harry tapos ay hindi naman natuloy.
Alas dose naglabasan ang mga empleyado sa opisina para mananghalian. Sinabihan ako nung Secretary na mag-lunch muna daw ako. Tumango lang ako sa kaniya pero hindi ako lumabas ng lobby. Hihintayin ko si Harry at sabay kaming kakain.
Nakabalik na ulit ang mga empleyado nang lumabas si Harry. Walang ngiti sa labi, sa tingin ko pa nga’y blangko ang ekspresyon ng mukha. Kasunod niya yung Secretary kanina at tinawag ang pangalan ko, “Mr. Rhett Santillan!”
“Ma’am ako po,” sabi ko naman.
“Balik ka na lang ng 2pm for your interview. Kumain ka muna,” sabi nung Secretary sabay talikod ni hindi man lang ako hinintay sumagot.
“Huwag na lang kaya tayo dun mag-OJT,” sabi ni Harry sa akin nang mailapag sa mesa ang mga inorder niya na kakainin namin.
“Bakit naman? Ano ba ang nangyari sa interview mo?”
Inalis niya sa tray ang yum burger, extra large fries at pineapple juice saka ibinigay sa akin. Ang kaniya naman ay burger steak with rice. “Pangit naman palang mag-OJT dun.”
“Salamat,” sabi ko pagkaabot niya ng ketsup na nakalagay sa maliit na plastic cup. “Paano mo naman nasabi na pangit?”
“Ha..A..E..” tugon niya habang binubuksan ang styro foam na takip ng pagkain niya. “Basta pangit.”
“Puwede ba naman ‘yun na sasabihin mong pangit ng wala ka man lang masabing dahilan?” Kumagat muna ako sa burger ko, ngumuya ng marahan saka uminom ng juice.
Nakatatlong subo siya bago nagsalita ulit. “Basta feeling ko lang hindi maganda. Bumalik na lang tayo pagkakain sa Coordinator natin, magpare-assign na lang tayo sa iba Rhett.”
“Ano ka ba. Hindi puwede iyon. Do or Die na nga tayo dito tapos ganun pa sasabihin mo.” Tumingin ako ng diretso sa mga mata niya. Pansin ko may itinatago siya sa akin. “Pag hindi ko sinipot ang interview, baka tumawag ang SJR sa skul at baka magalit pa sa akin ang Placement Office. Baka ma-black list pa ako at mawala pa ang aking tsansang maging Cum Laude.”
Napahinga si Harry ng malalim. Nagkibit-balikat. Marahil ay nakuha niya ang punto ko.
“Bagsak ka ba sa interview kaya ka nagkakaganyan?”
“Okay na ang interview ko. Kinamayan pa nga ako nung interviewer. Basta ramdam ko lang na hindi maganda. Bahala ka na nga.” Parang may konting pagkainis ang tinig niya.
“Kumain na nga muna tayo para makabalik ako bago pa mag-alas-dos.”
Bago mag-alas-dos nasa may lobby na kami ulit ni Harry. Ayaw pa rin niyang magkwento tungkol sa nangyaring interview sa kaniya. Kaya hindi ko na siya pinilit total malalaman ko rin iyon kapag ako naman ang isinalang sa interview.
Kagaya kaninang umaga ang alas-dos ay naging alas-tres na wala pa ring tawag mula dun sa Secretary.
Tiktak…tiktak…tiktak…tiktak…
Nakakabingi ang lakad ng orasan.
Haist! The aches and pains in job application. Okay lang, lahat naman nagdaan sa ganito. Iyong mapanis sa kahihintay at halos mamuti ang mga mata.
Alas-kuwatro na wala pa rin abiso.
Mag-aalas-singko na ng hapon nang kausapin ko si Harry. “Mauna ka na kaya dun sa net café, baka kasi maghintay si Kuya Rhon sa atin. Sigurado ako naka-online na yun ngayon.”
Nag-aatubili pa siyang sumagot. “Paano ka?”
“Susunod na lang ako.”
“Sabi ko na kasi sa ‘yo e, hindi maganda dito mag-OJT. Tingnan mo interview pa lang ang tagal na. Sabay na tayong umuwi, sabihin na lang natin dun sa Coordinator natin, hindi dumating yung nag-iinterview.”
Napailing naman ako sa sinabi niya. Alam kong may dahilan siya kaya ganun at malalaman ko rin kung bakit maya-maya. “Sige na Harry, baka magtampo pa sa atin si Kuya Rhon kapag hindi niya tayo nakitang naka-online. Basta susunod ako. Hintayin ninyo ako.”
“Okay.” Iyon lang at lumabas na rin siya ng lobby.
Mas nakakainip pala kapag mag-isa ka lang na naghihintay. Iba-iba pa nung nandito si Harry. Nang maglabasan na ang mga empleyado ng alas-singko para umuwi nagmistula ng sementeryo ang lobby sa sobrang tahimik. Kung hindi sana sound-proofed ang entrance door, maririnig pa sana kahit man lang yung nagdaraang mga sasakyan. Lalo tuloy lumakas ang tunog ng orasan.
Tiktak…tiktak…tiktak…
Nahihiya naman akong magtanong doon sa secretary kung wala pa ba yung interviewer kasi unethical iyon. Hintayin ko na lang na kung hindi na ako mainterview ngayon ay siya na mismo ang magsabi na bumalik na lang ako bukas.
Alas-singko y medya lumabas muli yung janitor kanina at nagbukas ng mga ilaw. At finally, saktong alas-sais lumabas yung Secretary. Sumunod ako sa kaniya sa pagpasok sa exit door ng lobby. Dumaan kami sa hallway patungo sa mga maraming mesa na bawat isa ay may mga computer monitor na puro bakante na. Itinuro niya sa akin na puntahan ko yung isang silid sa pinakadulo. Nagsisimula na akong kabahan. Sa katahimikan na ng paligid halos ramdam ko na ang sarili kong yabag sa sahig habang tinatahak ko ang silid patungo sa interviewer maging ang pagkabog ng aking dibdib.
Bukas naman ang pinto ng silid. Kakatok sana ako dito para ipaalam sa interviewer ang aking presensiya pero nag-atubili ako nang makita ko siyang nakatalikod sa kaniyang mesa paharap sa bintana habang nakaupo sa kaniyang swivel chair at may kausap sa wireless intercom.
Ang kabog ng dibdib ko kanina’y lalong lumakas, parang tinatambol na ngayon. Halo-halo ang pakiramdam ko nang marinig ang tinig na iyon. Ang pamilyar na amoy na kumalat sa buong silid. Naglakas-loob akong humakbang palapit. Napansin ko ang name tag sa ibabaw ng mesa ng interviewer:
BRANDO RAMIREZ
Electrical Project Engineer
itutuloy
0 comments:
Post a Comment