Chapter 3 : In Love With Brando

Thursday, November 25, 2010

By JoshX


Iyon na yata ang pinakamahabang Sabado sa buhay ko. Dahil ramdam ko ang unti-unting pagkatuyo ng tubig ulan sa suot kong damit habang nakaupong naghihintay sa labas ng gate sa pagbabalik ni Kuya Brando. Umalis si Kuya Rhon na pinilit din naman akong papasukin sa loob para magpalit ng damit pero galit ako sa kaniya kaya hindi ko siya pinansin, hindi ko alam kung saan siya nagpunta. Si Tiya Beng ay nasa out of town din.
  
Napakabagal pala talaga ng lakad ng orasan kapag may hinihintay ka samantalang sobrang bilis naman kapag natatakot ka o ayaw mong dumating. Pero kapag sinukat mo parehas lang naman talaga ang tiktak nito, nasa paraan lang kung paano mo gagamitin ng tama. Kaya tama ba ang ginagawa kong pagmumukmok? Alam kong mali pero ito yata ang mas gusto ko munang gawin sa ngayon.
  
Magtatakipsilim na nang unti-unti kong naramdaman ang pagdampi ng malamig na hangin sa aking mukha. Para akong mangangatal na hindi ko mawari samantalang mainit naman sa loob ng aking katawan. Nanghihina din ako dahil na rin siguro sa wala pang laman ang aking sikmura simula kaninang umaga.
  
Kuya Brando bumalik ka na please…
  
Saglit akong nakatulog at hindi ko alam kung totoo na o isa lamang panaginip na nakita ko si Kuya Brando papalapit sa kinauupuan ko. Binuhat niya ako at ikinulong sa kaniyang mga bisig.
  
Salamat Kuya nagbalik ka.
  
“Utoy, inaapoy ka ng lagnat,” may bahid pag-aalala ang kaniyang tinig.
  
Pinilit kong imulat ang aking mga mata. Totoo nga na nandito siya. Niyakap ko siya saka mahinang umiyak.
  
“Nasaan na ba si Rhon?
  
“Wala sila Kuya, ako lang mag-isa dito.”
  
“Anong ginagawa mo dito sa labas?”
  
“Hinihintay kita. Sabi mo hindi mo ako iiwan. Nag-pramis ka.” Gusto kong magtampo pero hindi na, ang mahalaga naman nandito na siya. Bumalik na siya.
  
Dinala niya ako sa aking silid at inihiga sa kama. Pinalitan niya ang damit kong nabasa ng ulan. Lalo namang patindi ng patindi ang init na naramdaman ko sa loob ng aking katawan. Pinainom niya ako ng gamot. Halos hindi ko na rin mawari ang mga sumunod pang nangyari. Ala-otso na ng gabi nang mahimasmasan ako, may mamasa-masang bimpo nakapatong sa aking noo. May kakaibang haplos sa aking puso nang makita kong nakadukmo sa may gilid ng kama si Kuya Brando. Nakatulugan na yata ang pagbabantay sa akin. Wala na ang lagnat ko. Hinimas ko siya sa buhok na nagpagising sa kaniya. Nag-angat siya ng mukha saka pilit na ngumiti.
  
“Okay ka na ba?”
   
“Opo Kuya. Kaya lang nagugutom na ako.”
  
Lumabas siya ng aking silid at pagkatapos ng ilang minuto ay nagbalik siya na may dalang mainit na sopas sa isang mangkok. Sinubuan niya ako at pagkatapos ay pinainom ng tubig.
  
“Wala pa rin ang kuya mo,” may lungkot ang kaniyang tinig.
   
“Umalis din siya kanina. Hindi ko rin alam kung saan nagpunta. Kuya sana magka ayos na kayo ni Kuya Rhon.” Iyon lang ang tanging hiling ko at sana naman ay pagbigyan niya.
   
“Kaya nga ako nagbalik para kausapin siya. Tinatawagan ko siya sa cell phone niya pero hindi niya sinasagot.”
  
“Kuya tabihan mo muna ako habang wala pa si Kuya Rhon.”
  
“Sige, habang hinihintay ko siya.”
  
Nang magising ako kinaumagahan wala na si Kuya Brando sa aking tabi. Paglabas ko ng aking silid narinig ko ang boses niya sa may silid ni Kuya Rhon na ngayon ay bukas ang pinto. Dumating na siguro si Kuya Rhon at malamang nag-uusap na sila. Sana nama’y tuluyan na nilang malutas anoman ang problema nila.
   
Sumilip ako sa pintuan. Nakita ko si Kuya Brando na nakatayo sa harapan ni Kuya Rhon na nakaupo naman sa gilid ng kama, titig na titig sa hawak niyang wallet ni Kuya Rhon at bakas na naman sa mukha ang kalungkutan. “Madami namang iba,” narinig kong sabi niya kay Kuya Rhon.
  
“Hindi ko talaga alam Brando. Hindi ko sinadya ang nangyari, basta ganun na lang. Basta nangyari na lang…tapos gumising ako isang umaga, hindi na ikaw ang unang naisip ko…sa mga pagkakataong wala akong ginagawa, hindi na rin ikaw ang naaalala ko. Saka ko napagtanto na kaya pala ganoon kasi mahal ko na pala siya. Sorry Brando.”
  
Nakita ko si Kuya Brando na ibinigay ang wallet kay Kuya Rhon. Laylay ang balikat at walang lingon-likod na umalis.
  
Sori Kuya Brando, naiusal ko nang dumaan siya sa harap ko, ako na lang ang hihingi ng tawad sa ‘yo para kay Kuya Rhon.
  
Nang mga sumunod na araw wala ng Kuya Brando akong nakita. Kami na lang ni Kuya Rhon sa pagpasok sa umaga at sa hapon ay si Tiya Beng naman ang sumusundo sa akin tuwing may mga lakad pa si kuya. Malaki ang adjustment sa akin dahil nasanay na akong nandiyan palagi si Kuya Brando. Gusto ko man siyang puntahan sa may Hilltop hindi ko naman magawa paglabas dahil puno ng mga subjects ang oras ko maging ang puntahan siya sa kaniyang boarding house.
  
Napansin ko rin ang mga pagbabago kay Kuya Rhon. Mula nung huli silang mag-usap ni Kuya Brando mas lalo itong naging masayahin. Sa tuwing tatanungin ko naman siya tungkol sa nangyari sa kanila ayaw naman niyang pag-usapan. Palagi na rin siyang gabing-gabi kung umuwi at minsan nga ay hindi na umuuwi ng bahay. Magte-text lang yan kay Tiya Beng o sa akin na mag sleep over sa kaklase. Duda naman ako sa rason niya dahil ang hinala ko may kinalaman iyon sa pinagawayan nila ni Kuya Brando o baka nga iyon ‘yung nasa picture sa wallet niya.
  
Minsan ko na din sinubukan na tingnan ang wallet niya pero bago ko pa iyon nabuksan nahuli na ako ni Kuya Rhon. Nang sumunod na tangkain kong buksan, picture na ni Tazmanian Devil na nakadila ang naroon.
  
Kapag nami-miss ko naman si Kuya Brando, pupuntahan ko lang ang ibinigay niya sa akin na cactus na inihilera ko kasama ng iba pang cactus. Mas lumaki na siya ngayon kumpara sa dati. Kapag naroon ako, kakausapin ko iyon at kukuwentuhan na parang iyon na rin si Kuya Brando. Pagkatapos noon gagaan na ang pakiramdam ko. Sa kaniya ko rin sinasabi ang saloobin ko pati na ang mga kaguluhan na nangyayari na wala naman akong magawa kundi ang magmasid na lang. Kahit wala siyang maisagot tungkol sa mga totoong nangyari kina Kuya Rhon at Brando ay okay na rin sa akin. At least alam ko namang hindi talaga niya kaya kesa naman kay Kuya Rhon na sinasadyang ilihim ang lahat sa akin.
   
Akala ko nama’y tuloy-tuloy na ang pagiging masayahin ni Kuya Rhon. Hindi pa nga ako nakakabawi sa mga pagbabago sa paligid ko dulot nilang dalawa ni Kuya Brando, heto na naman at may pagbabago na naman kay Kuya Rhon pagkaraan pa ng ilang linggo. Palagi ko na naman siyang kasabay sa umaga maging sa hapon. Nagkukulong sa kuwarto at palaging tahimik. Pati mga tawag niya sa cell phone ina-abort niya saka papatayin na ng tuluyan ang unit.
  
Minsan nahuli ko siyang umiiyak na nakaupo sa sala habang may hawak na larawan. Hindi niya ako napansin na lumapit galing sa kaniyang likuran. Malamang iyon yung nasa wallet niya dati. Narinig ko pa ngang sabi niya sa larawan, “I love you.”
  
Nang tingnan ko namang maigi ang larawan, nagtaka ako kasi si Kuya Brando naman ang naroon. Para nga siyang artista doon sa suot niyang green na t-shirt. Lalo naman akong naguluhan. Kung mahal pala niya si Kuya Brando bakit niya hiniwalayan?
  
Umupo ako sa tabi ni Kuya Rhon. Pinahid naman niya ang luha sa kaniyang pisngi nang mapansin ang aking presensiya. Naisatinig ko ang tanong.“Mahal mo pala si Kuya Brando bakit mo siya pinaalis Kuya?”
  
Hindi siya umimik.
  
“Makipagbalikan ka na lang Kuya, sigurado ako tatanggapin ka no’n.” Sana naman makinig siya sa akin. Sana naman pumayag na siya para bumalik na ang lahat sa dati. Sana..Sana…
  
“Sinubukan ko na pero ayaw na niya sa akin. Ni ayaw na nga niya akong kausapin”
  
Nagulantang ako sa sagot niyang iyon. Parang ang hirap paniwalaan na si Kuya Brando na lumuhod pa sa kaniya para hindi sila magkawalaan ay ayaw naman ngayong makipagbalikan sa kaniya. “Bakit?”
  
“Kumplikado na kasi ang sitwasyon.”
   
“Paliwanag mo naman Kuya Rhon para maintindihan ko,” nakikiusap na ako sa kaniya.
  
Umiling lang siya. “Hindi mo rin maiintindihan,” sabi niya saka tumayo sa sopa at umakyat sa kaniyang silid.
  
Gusto ko nang isigaw kay Kuya Rhon, Talagang hindi ko maiintindihan dahil ayaw mong ipaliwanag! Kailangan kong makausap si Kuya Brando para linawin sa kaniya ang lahat.
  
Hindi ko na rin naman nagawang kausapin si Kuya Brando nang mga sumunod na araw maging nang sumunod na linggo dahil naging busy kami sa mga activities sa school. Nakapasok ng muli si Harry pagkatapos ng dalawang linggong suspensiyon. Naging normal na ulit sa amin maliban lang kina Collin at Bino na biglang nag-lie low sa pambu-bully mula nang hindi na bumalik pa si Jimson pagkatapos ng suspensiyon. Wala na kasi ang tumatayong pinuno nila na balita namin ay inilipat sa ibang eskwelahan ng mga magulang dahil na rin bukod sa nangyari sa kanila ni Harry ay madami din ang mga reklamo sa kaniya ng iba pang mag-aaral at magulang ng mga ito.
  
Mahigit isang buwan ang lumipas bago ko muling nakita si Kuya Brando. Nasa labas siya ng gate namin isang umaga at lasing na lasing. Kakaibang Kuya Brando ang nakita ko, bukod sa namayat ito at halatang bumagsak ang katawan ay medyo mahaba din ang buhok. Pero hindi maikakailang guwapo pa rin siya habang tinitingnan ko mula sa bintana ng aking silid.
  
“Rhon, lumabas ka diyan mag-usap tayo!” sigaw nito.
  
Ano ‘yun? Sabi ni Kuya Rhon ayaw daw siyang kausapin pero bakit ngayon halos mag-eskandalo na ito sa tapat namin?
  
Nakita kong lumabas ng gate si Kuya Rhon. “Huwag kang mag-eskandalo dito,” sabi niya kay Brando. Hinawakan niya ito sa braso at ipinasok sa gate. Dahil nga sa kalasingan halos matumba na ito nang hilahin ni Kuya Rhon. Pagkasara ng gate hinarap siya ni Kuya Rhon.
  
“Ano bang problema mo?” naiinis na tanong ni Kuya Rhon.
  
May mga sinabi si Kuya Brando na hindi ko mawawaan at ang naging malinaw lang ay yung pahuli na, “…nagmamakaawa ako sa iyo, kung maari bumalik ka na,” agos na ang luha nito sa magkabilang pisngi.
  
“Hindi ganon kadali ang hinihingi mo. Pasensiya na hindi ko kaya,” matigas ang boses ni Kuya Rhon.
  
Tama ba ang naririnig ko? Pinababalik na siya ni Kuya Brando pero ayaw naman ngayon ni Kuya Rhon.
  
Ilang minuto din na nanatiling tahimik and paligid hanggang sa tumalikod na si Kuya Rhon para pumasok sa bahay namin. Nagmamadali naman akong bumaba mula sa aking silid. Pagbaba ko ng hagdan nakita ko si Kuya Rhon na parang nanghihinang napasandal sa nakapinid naming pinto. Umiiyak habang sinasabing, “Mahal na mahal kita Brando, patawarin mo ako.”
  
Nang harapin ko siya ay mabilis na nagpunas ng luha at umakyat sa hagdan. Binuksan ko naman ang pinto para habulin si Kuya Brando. Lumabas ako ng gate papuntang kalsada, nakita ko pa siyang naglalakad papalayo.
  
“Kuya Brando, hintay!” patakbo kong sigaw sa kaniya. Pero hindi siya lumingon hanggang makasakay na ng dyip at tuluyang nawala sa aking paningin.
  
Napaiyak na lamang ako dahil ramdam ko na ito na ang huling pagkakataon na makikita ko siya. Lalong lumakas ang pag-iyak ko nang pagpasok muli sa gate ay nakita ko ang cactus na ibinigay niya sa akin. Nalaglag ito sa hilerang kinalalagyan, bumagsak sa semento, nabasag at nagkapira-piraso ang paso at sumambulat ang lupang kinatatamnan. Ang nakapanghihinayang ay wasak din ang mismong katawan ng cactus.
  
Nakakalungkot naman, nawala na nga si Kuya Brando, nasira pa ang tanging alaalang galing sa kaniya.
  
itutuloy

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP