Chapter 1 : In Love With Brando
Friday, November 12, 2010
By: JoshX
“Rhett, tama na ‘yang pagdidilig mo, mag-aalas-sais na, maligo ka na at mag-aalmusal na kayo ng Kuya Rhon mo.”
Lumingon ako sa aking likuran. Nakatayo si Tiya Beng, treinta’y singko anyos na sa katabaan ay halos nasakop na ang kawadro ng harapang pintuan sa may terasa. Ang sinag ng papasikat na araw ay abot na sa kaniyang paanan. Nag-aanyaya ang ekspresyon ng mukha.“Susunod na po,” nakangiting sabi ko habang hawak sa kanang kamay ang isang tabo ng tubig. Tumalikod na si Tiya Beng. Ako naman ay bumalik sa pagdidilig sa mga nakapasong cactus na paborito kong tanim na nakahilera sa harapang bakod. Iba-ibang cactus na hindi ko alam ang mga pangalan basta nasa pamilya iyon ng cactus. May parang globo na puno ng tinik ang palibot, may isa naman malapad at may mga tuldok at sa bawat tuldok ang kung ilang tinik ang lumabas. Kagaya ng mga nauna, tsinek ko muna kung kailangan din ng dilig ang pang huling paso. Kumurot ako sa lupa isang pulgada mula sa ibabaw, ganap na itong tuyo. Ibinuhos ko ng marahan paikot sa paso ang tubig sa tabo saka tumigil nang makitang umagos na sa pinakailalim ng paso ang idinilig na tubig. Iyon kasi ang turo sa akin ni Kuya Brando nang malaman niya na halos dalawang beses sa isang araw kong diligan ang mga cactus. Kadalasan na ikinamamatay ng cactus ay sobrang tubig na nagpapabulok sa mga ugat nito’t katawan.
Si Kuya Brando ay kaeskuwela ng kapatid kong si Kuya Rhon. Kuya na rin ang tawag ko sa kaniya dahil palagi silang magkasama ni Kuya Rhon at parehong disinuwebe at nasa ika-apat na taon na sa kolehiyo. Sampung taon naman ang tanda nila sa akin. Si Kuya Rhon ay kumukuha ng Accountancy samantalang si Kuya Brando ay Electrical Engineering sa University of Batangas o mas popular na UB.
Matapos kong bulungan ang mga cactus ay pumasok na ako sa loob ng bahay. Bulong na lang pala ang ginagawa ko imbes na kausapin ko ang mga ito gaya ng narinig ko na nakakatulong ito sa paglusog at paglaki ng mga halaman. Napagalitan kasi ako minsang makita ako ni Kuya Rhon na kinakausap ko ang mga cactus. Para daw akong baliw.
Kalalabas lang ni Kuya Rhon mula sa banyo nang pumasok ako ng kusina. Ang pinto ng banyo ay nasa katapat ng mesa. Nakahubad pa at nakatapis lang ng tuwalya. Matangkad si kuya kumpara sa average height ng mga Pilipino, nasa 5’9” ito na sana ay maabot ko rin paglaki ko. Bagsak ang unat na itimang buhok na noo’y basa ng tubig. Nangungusap ang mga bilugang mata, matangos na ilong at mapula ang buong mga labi. Moreno ang kulay ng balat na bagay sa balingkinitan nitong katawan. Kahit hindi pa ito naggi-gym ay wala naman itong kataba-taba sa katawan. Guwapo si Kuya Rhon. Marami na ring babae ang humahabol sa kaniya pero sa mura kong edad ay hindi ko na inalam pa kung bakit wala ni isa sa mga babaeng nagkakandarapa sa kaniya ang pinalad na maging boyfriend siya. Kita ko ang kaniyang medyo malapad na balikat at likod na kumipot pababa sa beywang nang paakyat na ito ng hagdan papunta sa kaniyang kuwarto sa ikalawang palapag ng aming bahay.
Umakyat na rin ako sa aking silid na katapat ng kay Kuya Rhon. Bumaba rin ako pagkakuha ng damit at tumuloy sa banyo at mabilis na lumigo. Pagkabihis ng aking uniporme ay dumulog na sa hapag-kainan.
Rhon, gagabihin pala ako ng dating mamaya kaya ikaw munang bahala dito sa kapatid mo. Attend ako ng seminar sa Tagaytay,” sabi ni Tiya Beng. Nagtitinda kasi siya ng mga whitening at beauty products gaya ng sabon, lotion at iba pa.
“Sige po,” maiksing tugon ni Kuya Rhon saka bumaling sa akin. “O ikaw, bilisan mong kumain at baka ma-late pa tayo.”
“Okie Daddy,” sabi ko naman na imbes bilisan ay lalo ko pang binagalan ang pagsubo. Daddy ang tawag ko kay kuya kapag gusto ko siyang asarin. Paano’y daig pa ang isang ama kung umasta. Tuwang-tuwa naman ako pag naaasar ko siya. Sa isang banda, natural lang siguro na maging ganon si kuya Rhon dahil siya na rin ang tumayong ama sa akin nang mamatay ang daddy namin noong three years old ako at nang iwan kami ni mommy kay Tiya Beng pagkalipas ng dalawang taon.
“Tiya, ‘yan nga ho palang si Rhett ay nakipag-away daw dun sa mga kaklase niya nung makalawa.” Ganting pagsusumbong ni kuya.
Patay ako nito kay Tiya. Ito naman kasing si Kuya e, sumbungero.
Ayaw na ayaw kasi ni Tiya Beng na nakikipag-away kami. Ang lahat daw ng hindi pagkakasundo ay madadaan sa mabuting usapan ng hindi na kailangan pa ng dahas. Isa pa, siyempre nga naman ay ibinilin kami sa kaniya ni Mommy at anumang mangyari ay siya ang masisisi.
“Totoo ba ang sinabi ng kuya mo Rhett?” bigla ang pagseryoso ng mukha ni Tiya Beng.
“Hindi naman po,” tugon ko naman. Hindi naman talaga ako nakipag-away doon sa tatlong kaklase ko. Tinulungan ko lang naman si Harry nung binu-bully siya nung tatlo.
“Anong hindi,” nangunot ang noong sabi ni Kuya na nagalit at pinagmumukha ko siyang sinungaling. “Nasabi na sa akin ni Eunice kahapon nang makita ko siya habang hinhintay kita sa labas ng gate ng skul.”
Hay naku, napakadaldal talaga niyang kaklase kong si Eunice. Patay siya sa akin pag nakita ko siya mamaya sa skul.
Para naman akong nasukol sa sinabi ni kuya kaya naman bigla akong natameme.
Mula seryoso ay naging maamo ang ekspresyon ng mukha ni Tiya Beng. “Rhett, diba sa-“
Pinutol ko na ang sasabihin ni Tiya at mabilis kong itinuloy, “sabi ko sa’yo masama ang makipag-away. Ang lahat ay napag-uusapan nang hindi na kailangan pa ng dahas.”
“Iyon naman pala e. Memorize mo na e. Bakit ka pa nakipag-away?”
“Hindi naman talaga ako nakipag-away dun sa tatlo kong kaklase Tiya. Ganito kasi ‘yun. Nung makalawa nakita ko si Harry na binubully nung tatlo, magla-lunch breyk noon kasama ko si Eunice nang makita kong inaagaw nung isa ang lunch box ni Harry na bago ko pa man din malapitan ay nakalayo na yung tatlo. Nang lapitan ko si Harry ay kinuha ko yung lunch box niya na nalalag sa lupa at iaabot ko sana sa kaniya nang may sumipa nito sa kamay ko. Bumalik pala yung isa sa kanila na pinakamatangkad. Pagbagsak sa lupa ng lunch box, nabuksan ito at tumilapon ang naghalong sabog na kanin, ketchup at hotdog na baon ni Harry. Sa inis ko tumayo ako at humarap sa kaniya kahit mas matangkad pa siya sa akin. Wala naman sa isip ko ang makipagsuntukan. Papakiusapan ko lang sana na huwag naming pagtripan si Harry. Pero maangas talaga siya kaya muntik na talaga kaming magpang-abot kundi pa dumating yung titser namin na sinundo pala ni Eunice. Sinabihan ko nga si Harry nung sabay kaming mag-lunch na hindi siya dapat matakot at magpasindak sa mga bullies na ‘yun. Mali po ba ang ginawa ko”
Napailing naman si Tiya. “Hindi mali ang pagtulong mo kay Harry. Basta ayaw ko nang mababalitaan na mangyayari ulit ang ganito. Sa susunod makakarating na ito sa mommy mo,” may himig pagbabanta nitong sabi. “Bilisan mo na Rhett ang pagkain at male-late na kayo ni Rhon.”
Nang tingnan ko si Kuya Rhon ay nakangisi ito. Lalo tuloy akong nainis sa kaniya dahil bumaligtad ang mundo. Kanina na ako ang nang-aasar pero ngayon ako na ang inasar at tagumpay naman siyang maasar ako. Kaya para maiganti ulit ang sarili ko lalo ko pa talagang binagalan ang pagkain.
Nang mapansin iyon ni kuya Rhon ay tumalim ang pagkakatingin sa akin. “Sige at lalo mo pang bagalan at nang maiwan na kita.” Kung hindi pa siya binawalan ni Tiya Beng ay malamang nabatukan na niya ako.
Tapos ng kumain si Kuya Rhon nang may kumatok sa pinto. Si Kuya na ang nagpunta sa salas habang si Tiya Beng naman pumasok ng banyo para maligo. Kita ang sopa sa salas kapag nasa dining room ka. Narinig ko ang pagbukas ng pinto at pagpasok ng bisita.
Kahit hindi ko pa nakikita ay alam ko na kung sino siya. Amoy ko na naman ang pamilyar na pabangong gamit niya. Hindi ko alam kung anong brand ng pabango basta gustong-gusto ko. Amoy ng pinaghalong sariwang peras at banilya. Bigla ang kakaibang saya ang aking naramdaman lalo na nang pumasok ang bisita at pinaupo ni Kuya Rhon sa sopa. Hindi nga nagkamali ang pang-amoy ko, si Kuya Brando ang dumating.
Mas mataas si Kuya Brando kay kuya Rhon. Nasa 5’11” ang height nito. Noong unang makita ko si Kuya Brando ay napagkamalan ko siyang taga ibang bansa. Paano naman ay bukod nga sa matangkad ito ay maputi na mamula-mula ang balat. Yung maputi na lalaking-lalaki pa ring tingnan at hindi bading. Hindi naman siya nakasuot ng contact lens pero natural na light brown ang kaniyang mga matang palaging nakangiti kumpara sa atin na dark brown to black. Matangos ang ilong nito na bumagay sa mapula at may kanipisang labi. Hindi ko pa nakita ang katawan ni Kuya Brando dahil palagi itong nakauniporme na black slacks at puting polo na may logo ng UB sa kaliwang dibdib. Pero mas malaki iyon kaysa kay Kuya Rhon at sa tingin ko din ay mas matikas.
Umupo si Kuya Brando sa sopa at nang mapadako sa akin ang tingin ay ngumiti ito at lumabas ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin. Para naman akong natulala sa pagkatitig sa kaniya na sa edad kong nuwebe ay hindi ko alam kung bakit ganito ang epekto niya sa akin.
Napaaray naman ako ng batukan ni kuya Rhon. “Kuya naman, ang sakit noon,” reklamo ko sa kaniya.
“Para ka kasing natuka ng ahas diyan e. Hanggang ngayon hindi ka pa rin tapos kumain. Male-late na tayo.”
Nasa harap ko na rin pala si Kuya Brando nang hindi ko namalayan. “Bilisan mo na kasi Utoy,” nakikiusap na sabi niya sa akin. “Male-late na tayo pare-pareho. Tingnan mo,” sabay tingin sa kaniyang relo na parang ipinapakita sa akin. “Six-thirty na, alas-siyete lahat ang klase natin.”
Utoy. Yun ang tawag sa akin ni Kuya Brando na ibig sabihin ay batang kapatid o bunso. Iba naman ang dating sa akin pag tinatawag niya akong ganoon. Masaya na ewan.
Napahinuhod naman ako sa kaniya kaya bago pa ako ulit matulala sa pagkatitig na naman sa akin ni Kuya Brando ay tumayo na ako sa upuan at umakyat sa aking kuwarto. Bago ako lumabas ng bahay ay inabot naman sa akin ni Tiya Beng ang baon kong pera at inilagay ko iyon sa aking coin purse at saka ibinulsa.
Sa labas ng gate ko na inabutan sina kuya Rhon at kuya Brando. Nakatalikod at sabay na naglalakad. Ilang saglit lang ay nakita kong hinawakan ni Kuya Brando ang kamay ni Kuya Rhon. Parang iniiwas pa ni Kuya Rhon ang kamay pero mas malakas si Kuya Brando kaya nanatili silang magkahawak-kamay. Paminsan-minsan ay kusang bumibitaw si Kuya Brando kapag may mga nakakasalubong na ibang tao pgkuwa’y balik holding hands na naman. Dahil sa maliit pa ang aking mga hakbang, nahirapan tuloy akong abutan sila. Pansin ko naman na parang lalo nilang binilisan.
“Kuya, hintay naman!” halos pasigaw na ako nang mahigit dalawampung metro na ang layo nila sa akin.
Sabay naman silang lumingon sa akin. Bumitaw si Kuya Brando. “Tara na bunso,” tumangong sabi niya sa akin sabay lahad ng kanang kamay.
Patakbo naman akong lumapit at hinawakan ng kaliwang kamay ko ang nakalahad niyang kamay. Kinuha naman ng kanang kamay ko ang kaliwang kamay ni Kuya Rhon saka kami naglakad ng sabay-sabay habang nakapagitna ako sa kanilang dalawa. Ang lambot ng palad ni Kuya Brando at ang sarap hawakan. Lihim akong natuwa sa posisyon namin kaya hindi ko na tuloy napansin nang magtawanan silang dalawa.
Hanggang sa pagsakay namin ng dyip ay pumagitna pa rin ako sa kanila. Naiiling naman si Kuya Brando sa inaasta ako at parang natatawang ginulo ang buhok ko ng kaniyang kamay.
“Ano ba?” kunwari’y naiinis na sabi ko sa kaniya. Pakiramdam ko kasi ay kulang na lang at dadapuan na ng manok ang buhok ko para mangitlog. Langhap ko naman ang mabango niyang hininga pati na ang peras at banilya.
Napabunghalit ng tawa si Kuya Brando samantalang si Kuya Rhon ay parang maiinis na. “Umayos nga kayong dalawa,” saway sa amin ni Kuya Rhon.
“Nakakatuwa kang kasama,” sabi naman ni Kuya Brando sabay inayos ulit ang buhok ko ng kaniyang mga daliri.
Ilang saglit lang ay nasa harapan na ng UB Elementary Department ang dyip kaya kahit gusto ko pang tumagal ang pagtabi kay Kuya Brando ay napilitan na akong bumaba. Naiwan sila ni Kuya Rhon dahil kahit parehong UB ang pinapasukan namin, malayo naman ang pagitan ng Elementary Department na nasa M.H.Del Pilar St. at ang High School at College Department ay nasa may Hilltop naman kung saan sila papasok. Iyon ang routine naming tatlo tuwing school days.
Hindi ko alam pero ramdam kong bumigat ang mga paa ko sa paglakad patungong gate nang umalis na ang dyip na sinasakyan nina Kuya Brando. Madalas kong tanungin ang sarili ko kung bakit ganun ang epekto sa akin ni Kuya Brando. Pag nakita ko siya, ang saya-saya ko. Pag tumitig na sa akin para akong natutulala. Pag malapit siya sa akin bigla ang kaba ko. At pag kasama ko siya at biglang umalis ay para naman akong maiiyak. May kuya Rhon naman ako kaya malayo na iyon ay dahil sa naghahanap ako ng kalinga ng isang kuya. Nalilito na ako sa sarili ko dahil parang hindi naman ganito ang mga lalaking kaklase ko. Malimit na pinag-uusapan nila ay mga kaklase naming babae na sa akin naman’y ayos ding pag-usapan. Maliban na nga lang pala sa kaklase kong si Harry na dinig kong usapan ng mga ibang kaklase ko ay lalaki daw ang gustong pag-usapan. Si Harry ay mas maliit sa akin, malamyang kumilos at pag nagsalita ay parang boses babae kaya tinutukso siyang bakla. Bakla din kaya ako dahil gusto ko si kuya Brando?
Nakapasok na ako ng gate nang mamataan ko si Harry malapit sa isang bench. Nakatayo ito habang paharap naman sa kaniya si Jimson. Nasa may di kalayuan na bench naman sina Collin at Bino na parang nanunood lang. Sila ang mga kaklase ko na nag-bully kay Harry nung makalawa. Si Jimson ang iyong pinakamatangkad at malaki sa aming klase samantalang sina Collin at Bino naman ay halos kasinglaki at kasingkatawan ko lang. Silang tatlo ang maituturing na bullies sa aming klase. Halos lahat ng mga klasmeyts ko ay iniiwasang makaaway sila dahil na rin pag binangga mo siguradong hindi sila titigil hanggang hindi ka nagagantihan. Ako naman hanggat maari ay umiiwas na rin sa kanila dahil ayaw ko ng gulo.
Halos lahat na ng mga mag-aaral nang oras na iyon ay nasa kani-kaniyang silid-aralan na. Bukod sa mga guwardiya na nasa guard house naman at mga utility personnel gaya ng janitor na abala din sa sariling gawain.
Kita kong hawak na ni Jimson sa kaliwang kamay ang patpating si Harry sa kwelyo nito at nakaumang naman ang kanang kamao nitong akmang isusuntok na sa mukha.
Mabilis pa sa kidlat ang ginawa kong paglapit. “Tama na ‘yan!” sigaw ko kay Jimson. Pinilit kong maging buo ang aking tinig kahit ramdam ko ang biglaang kabog ng aking dibdib at panunuyo ng lalamunan.
Napigil ang pagsuntok sana ni Jimson sa mukha ni Harry na maputla pa sa suka. Nagpihit ito ng mukha at bumaling sa akin. Parang naiinis na matatawa ang ekspresyon ng mukha. “Ikaw na naman?”
Hindi ako umimik at nanatiling nakatitig sa kaniyang mga mata. Matagal na patlang bago ako nagsalita. “Bitiwan mo siya.”
“Bakla naman ito o pati ikaw bakla din? Dapat lang ang ganito sa kaniya at sa lahat ng kagaya niya.”
Nagpanting ang tenga ko sa sinabi Jimson. Hindi ko alam kung bakit parang napakasakit sa pandinig kahit iyon naman ay patungkol kay Harry at hindi sa akin. Dahan-dahan akong lumapit sa kanila na kuyom ang dalawang kamao.
Sinuntok ni Jimson si Harry sa tiyan. Sa sakit ay napangiwi ito at natumba sa lupa. Sinamantala ko naman iyon at buong pwersang pinakawalan ang isang malakas na suntok sa tagiliran ni Jimson. Bumalandra siya sa lupa. Tinulungan ko namang makatayo si Harry habang sa sulok ng aking mata ay kita ko ang paglapit nina Collin at Bino na nasa mukha ang galit.
Patay gulo na talaga ito. Siguradong sa principal’s office ang bagsak namin nito. Magagalit si Tiya Beng. Malalaman ni Mommy. Malalagot ako. Hindi pwede itong mangyari.
“Tara na,” sabi ko kay Harry na hawak pa rin ang tiyan. Nakita na rin niya ang palapit na sina Collin at Bino. Tumango ako sa kaniya na nakuha naman ang ibig kong sabihin kaya nagpumilit na tumayo upang kami ay makaalis na bago pa abutan ng dalawa.
Patakbo na kami nang bumalikwas si Jimson para hawakan ako at pigilan. Sa kanang bulsa ko siya napahawak. Hindi ko naman inaasahan na ang weakling na si Harry ay biglang matututong lumaban at binigyan ng malakas na sipa si Jimson na nang makabitaw sa akin ay natastas ang bulsa ng aking pantalon. At bago pa nakalapit sina Collin at Bino, nakalayo na kami kay Jimson. Para namang uusok na ang ilong at tenga sa galit ang tatlo.
Late kaming lima sa aming unang klase. Ilang minuto pa ang nagdaan bago humupa ang kaba sa aking dibdib. Hinintay ko naman na magsumbong alin man sa tatlo tungkol sa nangyari pero wala ni isa man ang nagsabi sa aming guro. Tumabi naman si Harry sa akin sa may bandang harapan habang nanatili naman sa pinakalikurang upuan sina Jimson, Collin at Bino na sa tuwing mapapatingin ako sa kanila ay galit pa rin na parang sinasabing,“Humanda ka, lintik lang ang walang ganti!”
Napansin din iyon ni Harry nang mapatingin din siya sa tatlo. Ramdam ko ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Kinuha ko ang aking papel at nagsulat para ipabasa sa kaniya, “Huwag kang mag-alala nandito naman ako. Kapag ipinakita mong natatakot ka sa kanila, matutuwa sila at lalo ka nilang tatakutin. Nagulat nga ako kanina nang sipain mo si Jimson.”
Para naman siyang maiiyak nang mabasa niya. Siguro’y kung wala lang ang titser namin na abala sa pagtuturo ng aralin, malamang ay tuluyan na siyang umiyak. Nagsulat din siya sa papel at inabot sa akin. “Salamat Rhett, salamat sa pagtatanggol mo sa akin. Dahil sa ‘yo kaya lumakas ang loob ko at kinaya ko. Hayaan mo mula ngayon hindi ko na sila pababayaang apihin ako ng basta-basta. Pasensiya na pati ikaw nadamay pa.”
“Ok lang iyon, friends naman tayo,” tugon ko sa kaniya sa papel din. Sa isang banda, medyo nag-aalala din ako sa nangyari. Kilala kasi ang mga bully boys na naresbak sa mga nakakaaway. May konting takot ding akong nararamdaman pero hindi ko iyon dapat ipakita kay Harry. Ayaw kong mawala pa ang nabuong tiwala na niya sa sarili. Gusto ko maging matapang siya kagaya ko para matigil na ang pang-aapi sa kaniya. Kung anoman ang pagkatao ni Harry, hindi iyon dapat maging basehan para apihin na lang siya ng ganoon.
Nasa ikatlong subject na kami nang mapansin kong nawawala ang coin purse ko. Patay andun pa naman ang baon kong pera. Tinignan ko sa kabilang bulsa. Wala. Sa bag ko, wala din. Sa upuan at sa ilalim nito, wala talaga. Saka ko naalala na natastas pala ang bulsa ko ni Jimson kanina. Malamang nahulog iyon nang hindi ko namalayan. Kinuha ko sa bag ang aking cell phone. Patay, one bar na lang ang charge. Nag-text ako kay Kuya Rhon. Ilang minuto din ang lumipas bago siya nag-reply, “Sige punta ako diyan ng alas-diyes.”
Breyktaym ng alas diyes nang lumabas ako ng silid aralan. Sinabihan ko si Harry na palaging sumama kina Eunice sa kantin para hindi siya gantihan ng mga bully boys. Gusto sana niyang sumama sa akin papunta sa main gate pero naisip ko na mas maganda kung mag-isa lang ako. Anu’t-anuman mabilis akong makakatakbo palayo sa tatlo kung kinakailangan.
Sampung minuto na akong naghihintay sa may guwardiya ay wala pa rin si Kuya Rhon. Itetext ko na sana siya nang mag-battery empty naman ang cell phone ko. Maya-maya nakita ko na sina Jimson, Collin at Bino papalapit sa kinatatayuan ko. Hindi naman sana ako dapat matakot kasi katabi ko naman ang guwardiya, ang problema nang malapit na sila sa akin, nawala namang bigla sa tabi ko si Mamang Guard. Kuya Rhon nasaan ka na?
Huli na para iwasan ko pa silang tatlo na dalawang metro ang layo sa akin. Kagaya kanina, naghanda na rin ako sa maaring mangyari. Tumigil sina Collin at Bino nang harangin sila ni Jimson na nagpatuloy sa paghakbang, ang mukha ay galit na galit na parang sinabing, “Walang makikialam, laban ko ito!”.
Hindi ako dapat magpasindak, hindi ko sila hahayaang takutin ako. Hindi ko ibibigay ang ikatutuwa nila.
“Sukol ka na. Hindi ka na makatakbo ngayon. Makikita mo ngayon ang napapala ng pakialamerong baklang gaya mo.” Nagbabantang sabi ni Jimson sa akin.
“Hindi ako bakla. Sige, lumapit ka,” tugon ko naman kahit ayaw ko sanang humantong pa sa ganito pero nandito na paninindigan ko na.
Pero imbes na humakbang papalapit si Jimson nakita ko ang biglang pagbabago ng ekspresyon ng kaniyang mukha. Mula sa galit ay napalitan ng pagkainis saka tumalikod at biglang umalis kasunod naman sina Collin at Bino.
Amoy peras at banilya!
“Kuya Brando!” halos pasigaw na ako nang nasa likod ko pala siya. Heaven sent ang dating niya sa akin.
“Sino ang mga ‘yun?” medyo naguguluhan niyang tanong.
“Mga kaklase ko.” Ang guwapo talaga ni Kuya Brando. Gustong-gusto ko ang mga mata niyang kulay brown na palaging nangungusap. At ang pula at manipis na labi na parang kaysarap halikan.
“Nag-aaway ba kayo?”
“Hindi po,” sabi ko naman sa kaniya. Natakot ako na baka mabanggit niya kay Kuya Rhon. Nasaan na nga pala si Kuya Rhon?
“Ako nga pala ang pinapunta ni Rhon,” parang nabasa niya ang tanong sa isip ko. “May make up class ang kuya mo kaya pinakisuyo na lang niya na ibigay ko sa’yo itong pera,” sabay abot sa akin.
“Wala ka pong pasok?”
“Absent muna ako sa mga susunod na subjects ko. Kailangan ko kasing pumunta ng Manila, may susunduin ako.”
Hindi ko na itinanong pa kung sino yung susunduin niya. Isa pa’y tapos na ang breyk taym namin at kailangan ko ng bumalik sa silid aralan.
“Kuya Brando salamat po,” sabi ko sa kaniya. Ramdam ko na naman ang pagbigat ng mga paa ko. Kung pwede nga lang sasama na ako sa ‘yo!
Nakailang hakbang na ako papalayo nang, “Utoy!” maluluwang ang pagkakangiting tawag niya sa akin. Lalo tuloy gumwapo ang tingin ko sa kaniya.
“Para sa ‘yo,” sabay abot niya ng plastic bag sa akin. “Binili ko ‘yan para sa’yo. Alam ko paborito mo ‘yan.”
Halos maiyak naman ako sa tuwa nang makita ko ang laman sa loob: French fries at pineapple juice. Hinila ko siya sa braso at yumuko siya. Bigla ko siyang hinalikan sa pisngi. “Salamat Kuya Brando, salamat talaga dito. Love na talaga kita!”
“Love naman din kita. Lahat naman ng love ni Rhon ay love ko rin. Basta kapag may mang-aaway sa’yo isumbong mo sa akin. Ako ang magtatanggol sa’yo,” sabi pa niya sabay ginulo ang buhok ko.
Imbes na mainis ay natawa na lang ako sa ginawa niya.
Pagbalik ko ng silid aralan ay wala pa ang aming guro. Pinagsaluhan namin nina Harry at Eunice ang bigay ni Kuya Brando. Hindi ko na binanggit pa kay Eunice ang pagkainis ko nang isumbong niya kay Kuya Rhon ang nangyari nung makalawa total totoo naman ‘yun.
Maghapon na magkasama kami nina Harry at Eunice at kung nasa labas ng silid aralan sinisiguro namin palaging malapit sa mga titser o sa guard para hindi kami malapitan ng mga bully boys. Hindi naman dahil sa naduduwag ako pero maganda na rin kasi ang naiwas sa gulo.
Sa tuwing mapapatingin ako kina Jimson, hindi pa rin nawawala ang galit sa mukha nito. Tingin ko nga ay lalong nadagdagan dahil sa naudlot na pagganti niya sa akin sa pagdating ni Kuya Brando kanina. Naging sukdulan pa ang galit niya nang sa pinakahuli naming klase ay nagkaroon ng graded recitation at ang hindi makasagot ay mananatiling nakatayo hanggang matapos ang klase.
“Jimson Landicho, answer the problem in the black board,” tawag sa kaniya ng aming guro sa matematika. Halos nagulat pa nga siya sa tawag dahil wala naman talaga sa aralin ang pokus niya. Kulang na lang ay undayan na ako ng saksak ng mga tingin niya nang mapadaan sa tabi ng aking upuan. Pero ilang minuto na siyang nakatayo sa harapan ng pisara hawak sa kanang kamay ang chalk ay wala pa rin siyang isinusulat na solusyon ng problema. Nagsisimula ng mag-ingay ang buong klase nang magsalita ulit ang aming guro,”Who can help Jimson?” nang walang magtaas, napilitan itong tumingin sa record book niya. Sa kamalasan ako pa ang tinawag, “Rhett Santillan.”
Tumayo ako at lumapit sa pisara. Kung wala siguro ang aming guro, malamang ay sinuntok na ako ni Jimson paglapit ko sa kaniya. Tiim-bagang siyang tumabi para magbigay daan sa akin. Palakpakan naman ang mga kaklase ko nang masagot ko ng tama lalo na sina Harry at Eunice. Halos kasabay kong bumalik sa upuan si Jimson.
“Jimson Landicho, stand up in front. You know the rules,” matigas ang pagkakasabi ng aming guro kay Jimson bago pa ito makabalik sa upuan. Wala naman siyang nagawa kundi sumunod. Nang tingnan ko siya parang lulunukin na niya ako sa sobrang galit kaya iniwasan ko na lang hanggang matapos ang klase.
Alas-kuwatro ng hapon ang uwian. Sinamantala namin nina Harry na sumabay sa aming guro hanggang sa may entrance gate. Doon na lang kami maghihintay ng sundo katabi ng guwardiya para makaiwas na rin sa maaring gawin ng mga bully boys. Alas-4:30 nang dumating ang sundong tricycle ni Harry. Pinilit niya akong sumabay sa kaniya pero sabi ko’y dadating naman si Kuya Rhon at baka hanapin ako kapag hindi inabutan. Alas-4:45 nang makita lumabas ng gate sina Jimson, Collin at Bino, siguro ay nainip na makahanap pa ng tiyempo para resbakan ako.
Kuya Rhon nasaan ka na? Bakit ang tagal mo? Battery empty na pa naman itong cellphone ko.
Alas-singko na wala pa rin si Kuya Rhon. Nagsisimula ng dumilim ang paligid. Naiinip na rin akong maghintay kaya pagpatak ng alas- 5:45 nilakasan ko na lang ang loob ko na umuwi ng mag-isa. Tutal isang oras na namang nakakauwi ang mga bully boys.
Nahirapan akong sumakay paglabas ng gate kaya minabuti ko ng maglakad habang napara ng jeep. Nang umabot na ako sa may kanto biglang lumitaw sina Collin at Bino at hinawakan ang magkabila kong kamay. Kinaladkad nila ako sa isang eskinita kung saan naghihintay si Jimson. Gusto ko mang humingi ng saklolo, wala naman akong makitang ibang tao maliban sa aming apat. Kahit anong pagpiglas ko ay hindi ko kayanin ang lakas nilang dalawa.
“Huli kang bakla ka!” galit na sabi ni Jimson. Mala-demonyo ang ngiti. Lumapit siya sa akin at binigyan ako ng tatlong malalakas na suntok sa tiyan. Kahit ramdam ko ang sakit, pinilit ko pa ring itago sa kanila. Pinanatiling blangko ang ekspresyon ng aking mukha.
“Matigas ka ha,” naiinis niyang sabi saka inulit ang tatlong suntok sa aking tiyan. Halos matumba na ako sa sakit kundi lang ako hawak nina Collin at Bino.
Nang parang balewala pa rin sa akin ang ginawa niya, isang malakas na suntok sa aking mukha ang pinawalan ni Jimson. Nabitawan ako nina Collin at Bino kaya ako napahandusay sa lupa. Nagdilim ang aking paningin at naramdaman ko ang init na gumuhit mula sa aking noo pababa sa ilong. Naamoy ko ang malansang amoy ng sarili kong dugo na palabas na tumulo sa aking ilong.
“Magtatanda ka na ngayon kung hindi mas higit pa diyan ang matitikman mong bakla ka!” boses ni Jimson.
Ilang sipa at tadyak pa ang ibinigay nila sa akin pero hindi pa rin ako umiyak o nagpakita ng takot. Ilang segundong namayani ang katahimikan.
Kuya Rhon nasaan ka? Tulungan mo ako!
Narinig ko ang papalapit na yabag sa akin. Binalikan nila ako. Bumalik sina Jimson, Collin at Bino.
“Tama na,” pabulong kong sabi nang maramdamang may mga bisig na kumarga sa akin.
Bago ako tuluyang nawalan ng ulirat narinig ko ang tinig, “Wag kang mag-alala, ligtas ka na, nandito na ako—”
itutuloy
2 comments:
i really hate bullies.
kaya mga bata wag tayo magpapaapi. :)
ay nako ganito na ba ang mga elementary kids dito, all boys school ako elem-hs dati, pero puro crush crush lang ata ang inaatupag nang mga studyante dun XD
Post a Comment