STRATA presents: Bulong ng Kahapon 3

Friday, July 29, 2011

STRATA presents
BULONG NG KAHAPON

PART 3 – Ang Gitna

“Bakit malungkot ka na naman?” tanong ni Arman kay Mercedes.
“Sa tingin mo ba ay ganuong kadali kalimutan ang lahat?” balik na tanong ni Mercedes sa kaibigan.
“Mercedes.” tugon ni Arman na muling binagabag nang kanyang kunsensya.
“Arman! Hanggang ngayon ay nanunuot sa aking kaibuturan ang sakit. Sa bawat umaga ay hindi ko mapigiling pumatak ang aking luha dahil naaalala ko ang apat tatlong taong pinagsamahan namin ni Phillip.” tugon ni Mercedes.
“Ngunit Mercedes, isang buwan na ang lumilipas nang magkahiwalay kayo ni Phillip. Pinabayaan mo na ang iyong sarili, dapat ay isipin mo naman ang kapakanan mo, ang makakabuti sa iyo.” pagpapayo pa ni Arman. “Pumanhin Mercedes, dahil sa akin ay nararanasan mo ito.” bulong ni Arman sa sarili.
“Mahirap kalimutan Arman! Madali lang sa iyo ang sabihin iyan dahil hindi mo nararamdaman ang sakit na mayroon ako. Madali lang sa iyon iyan dahil hindi ikaw ang iniwan. Papaano ko kakalimutan ang lahat kung sa loob ng tatlong taon ay sa kanya ko inilaan ang buhay ko? Kung si Phillip na ang aking naging buhay?” sagot ni Mercedes. “Alam mo bang maging si itay ay nalulungkot dahil sa kinahinatnan nang pagsinta ko kay Phillip? Patuloy nila akong tinatanong kung anung dahilan daw.” dagdag pa ng dalaga.
“Mercedes, lalo akong inuusig nang aking kunsensya. Lalo mo akong pinapahirapan, higit mong pinapabigat ang aking nararamdaman. Hindi ko magawang maging masaya dahil sa wakas ay kasama ko na si Phillip at dahil binigiyan mo ako ng dahilan para makadama nang pagkabalisa.” bulong ni Arman sa sarili. “Ngunit Mercedes, alalahanin mong mayroon ka ding sariling buhay bago dumating sa piling mo si Phillip.” paliwanag ni Arman.
“Batid ko ang nais mong ipahiwatig Arman!” sagot ni Mercedes. “Hindi ganuon kadaling kalimutan ang lahat.”
“Mercedes…” nabanggit ni Arman. “Patawarin mo ako Mercedes nang dahil sa akin ikaw ay nagbabata ng hirap.” pahayag ng damdamin ni Arman.
“Sige na! Ako’y mauuna na!” wika ni Mercedes saka tumayo.
“Sandali!” awat ni Arman.
“Ano ang iyong dahilan?” tanong ni Mercedes.
“Matagal ko nang nais ibigay sa iyo ito.” wika ni Arman saka may kinuha sa kanyang lamesa.
“Ano ito?” tanong ni Mercedes.
“Plaka iyan na binubuo ng mga paborito nating awitin sa probinsya.” nakangiti nitong tugon. “Dalawang taon ko na iyang nabili sa may Quiapo at nais ibigay sa iyo subalit lagi kong nakakalimutan dahil lagi kang nagmamadaling umalis.” paliwanag pa ng binata.
“Naririto ba ang paboriton kong kanta sa opera?” tanong ni Mercedes.
“Oo!” sagot ni Arman. “Kasama diyan ang paborito mong Granada at O Sole Mio na una mong napakinggan sa mga nagtatanghal nuong unang beses tayong tumuntong ng Maynila.” saad pa nito.
“Salamat Arman!” pasasalamat ni Mercedes saka niyakap ang binata. “Hindi ka pa din nagbabago.” wika pa ng dalaga.
Totoo naman, dalawang taon na iyong nakatago sa kanyang lamesa hindi dahil nakakaligtaan niya, bagkus ay nahihiya siyang iabot sa dalaga. May lihim kasi siyang pagtingin dito mula pa nuong pumasok sila sa mataas na paaralan ngunit hindi niya magawang ipagtapat dala ng karuwagan. Hindi din niya nagawang ibigay iyon kay Mercedes dahil nuong araw na binili niya iyon ay ang parehong araw na nagtapat sa kanya si Phillip nang tunay nitong damdamin para sa kanya. Alam niya sa puso niya na may pagtangi din siya sa lalaking iyon subalit dala nang mas mabigat na takot ay ayaw niyang ipaalam kahit na kanino.

Sa buong akala kasi ni Arman ay hanggang kaibigan lang ang pagtingin sa kanya ni Phillip ngunit nang minsang magkayayaang uminom sila ng serbesang gawa sa kopra ay duon naibulalas ni Phillip ang lahat. Humahanap lang pala ng tamang tyempo ang binata para ipaalam sa kanya ang tunay nitong saloobin.
“Alam mo Arman, may nais sana akong sabihin sa iyon.” simula ni Phillip.
“Ano iyon?” tanong ni Arman.
“Alam mo ba iyong salitang mi amor?” tanong ni Phillip.
“Malamang dahil pinag-aaralan natin iyon.” sagot ni Arman. “My love pa nga ang pagsasalin niyon sa Ingles at aking mahal sa tagalong.” paliwanag pa nito.
“Mainam kung magkagayon.” sagot ni Phillip na may kakaibang ngiti. “Hindi ka na mahihirapang unawain ang sasabihin ko.” dugtong pa nito.
“Ano ba ang nais mong sabihin?” tanong ni Arman. “Ustedes amor Senyora Mercedes?” dugtong pa nito.
“No!”mariing tutol ni Phillip. “Vuestras mi amor!” walang prenong turan ni Phillip.
Biglang natigilan sa pag-inom ng serbesa si Arman at biglang naitapon ang laman nang kanyang bibig.
“Isang nakakatuwang biro.” pahayag pa niya.
“Iyon ay katotohanan.” tutol ni Phillip. “Mahal kita ng higit pa kay Mercedes at nauna pa kay Mercedes.” simula naman ng binata sa pagpapaliwanag.
“Papaanong?” tanong ni Arman.
“Sa simula pa lang ay napapintig mo na ang aking puso ngunit dala nang aking takot ay pinili kong ilihim at makipaglapit sa iyo bilang kaibigan. Nabihag din ako ni Mercedes, minamahal ko ang binibini at pinilit ko ding ibaling lahat sa kanya ang aking pagtingin subalit labis akong nahihirapan dahil kahit anung gawin ko ay pangalawa lamang si Mercedes sa puso ko.” kwento ni Phillip. “Alam mo bang kahit na anung supil ang aking gawin ay pilit na ikaw pa din ang sumisiksik? Ganuon pala kalalim ang pagtingin ko sa iyo.”
“Ngunit Phillip…” may himig nang pagtutil kay Arman.
“Hindi ko naman ninanais na suklian mo ang nararamdaman ko para sa iyo, ang ibig ko lamang ay ipabatid sa iyo ang tunay kong damdamin nang sa ganuon ay makahinga na ako nang maluwag.” saad ni Phillip. “Kung ako’y iyong lalayuan may buong giliw kong tatanggapin dahil iyon ang kapalit ng aking kahangalan, subalit ipangako mo sa aking hindi mo papabayaan ang iyong sarili." pakiusap pa ni Phillip.
“Alam mo Phillip, alam mong hindi tama! Bakit pinili mo pa na ako ang iyong mahalin?” tanong ni Arman.
“Dahil ang puso ko ang namimili sa taong kanyang iibigin. Ang puso ko na hindi nakakakita subalit nakakadama ang may kayang mamili kung kanino ito titibok. ang puso kong walang utak ang siyang namili nang aking iibigin. Marahil ay tanga nga ang puso, subalit ang puso lamang ang nakakabatid kung ano ang tama at mali sa pag-ibig.” sagot ni Phillip.
“Phillip! Hindi pa huli ang lahat, sabihin mong nagbibiro ka, na lasing ka lang.” pamimilit ni Arman.
“Oo lasing ako kaya may lakas ako ng loob para sabihin sa’yo kung gaano kita minamahal, tinatangi at iniibig.” lahad ni Phillip. “Sabihin mo sa akin Arman, ano ba ang nadarama mo para sa akin?” tanong pa ng binata saka tinitigan si Arman.
“Kaibigan!” sagot ni Arman na hindi magawang makipaglaban sa titig na iyon ni Phillip.
“Kaibigan?” pag-uulit ni Phillip. “Kaibigan lang?” tanong pa nito.
“Oo!” sagot ni Arman.
“Hindi na hihigit pa duon?” tanong pa ni Phillip.
“Oo Phillip! May pagtangi din ako sa iyo, at may pagmamahal ngunit batid kong mali ang damdamin ko, mali ang dikta nang puso ko.” sagot ni Arman.
Walang anu-ano ay inangkin na ni Phillip ang mga labi ni Arman.
“Sabihin mo ngayong nagkakamali pa din ang puso mo.” wika ni Phillip.
“Phillip, natatakot ako!” sagot ni Arman.
“Wala kang dapat katakutan Arman! Wala dahil ako na mismo ang nagsasabi sa iyo na habang kaya nating panindigan, lagi tayong nasa tama.” sagot ni Phillip.
“Pero Phillip, alam kong mali…” tutol pa sana ni Arman.
“Pag tinanggap mo nang mali ay magiging mali na talaga!” sagot ni Phillip.
“Hindi mo maiaalis sa akin ang pag-aagam-agam” turan ni Arman.
“Ngayon ay simulan mo na at asahan mong tutulungan kita.” pahayag ni Phillip.
Itong pangyayari na ito ang nasa isipan ni Arman nang katukin siya ni Phillip sa kanyang silid.
“Arman! Halika na at baybayin natin ang kahabaan ng Lawa ng Maynila.” aya ni Phillip kay Arman.
“Bakit naman sa malayo pa tayo mamamasyal?” tanong ni Arman.
“Balita kasi na may bagong bukas duon na pasyalan at kainan. Gusto kong puntahan kasama ka.” sagot ni Phillip.
“Anung pasyalan na naman iyan? Ikaw Phillip, kung maglabas ka nang salapi ay akal mo ganuon na lang kadali magkaruon niyon.” puna ni Arman.
“Pinagsisikapan ko namang makuha ito mula sa pagtulong ko kay Papa sa kanyang negosyo, sa pakikipagkalakal niya sa mga dayong nagnanais nagtayo ng pagkakakitaan.” tugon ni Phillip.
“Kung iyan ba naman ay iyong iniimpok, malamang na madami ka nang salapi ngayon.” sagot ni Arman.
“Ayos lang iyon. Nakikita ko naman kung saan napupunta ang bawat paggasta ko.” may ngiting tugon ni Phillip.
Habang binabaybay nila ang kahabaan ng Lawa ng Maynila –
“Alam mo Phillip, labis pa din akong binabagabag nang aking nagawa kay Mercedes.” turan ni Arman.
“Nandirito tayo upang magsaya at hindi upang muling pag-usapan si Mercedes.” mariing tutol ni Phillip.
“Ngunit hindi mo maiaalis sa akin ang ganito ang maramdaman dahil araw-araw kaming nagkikita at araw-araw kong nakikita ang kapanglawan nang kanyang mga mata.” sagot ni Arman.
“Arman! Patatagin mo ang loob mo dahil ako’y nangangamba na iyan ang maging kahinaan mo para ipagpatuloy ang pagsasama natin.” pahayag ni Phillip.
“Pinipilit ko namang maging matatag at matibay, ngunit hindi mo kayang alisin sa akin ang ganuong damdamin.” turan ni Arman.
“Basta! Huwag kang bibitiw!” pakiusap ni Phillip kay Arman saka nito tinitigan ang binata sa mga mata.
Dama ni Arman ang sinseridad ni Phillip kaya naman ay napatango na lang din siya para sang-ayunan ang sinabi ni Phillip.

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP