STRATA presents: Bulong ng Kahapon 1

Thursday, July 28, 2011

STRATA presents

BULONG NG KAHAPON

PART 1 – Ang Simula

Tag-araw ng taong 1940, patapos na ang buwan ng Mayo at ilang araw na lang ay magsisimula na ang unang araw ng pasukan. Masayang nagbakasyon si Phillip sa probinsya nang kanyang kaibigang si Arman nang nang kanyang kasintahang si Mercedes. Nakilala ni Phillip si Mercedes dahil kay Arman na kanya namang kaklase at matalik na kaibigan –

“Phillip!” simula ni Arman sa sasabihin. “Hindi na kayang dalin nang aking kunsensya ang ginagawa natin.” dugtong pa ng binata. “Sa tuwing masisilayan ko si Mercedes ay inuusig ako ng aking damdamin dahil sa ginagawa nating kalapastanganan.” paliwanag pa nito.

“Ngunit Arman…” tututol pa sana si Phillip nang muling magsalita si Arman.

“Hindi ko na nagagawang matulog ng mahimbing sa gabi dahil sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay ang lihm nating pagsasama ang aking naaalala. Hindi ko na magawang mahimbing dahil lagi at laging binabagabag ako sa mabilis na pagbalik ng karma. Hindi ko magawang makatulog nang maayos sa gabi dahil hindi ko lubos maisip na nakagawa ako ng kapangahasang makakasakit sa aking pinakamatalik na kaibigan.” muling pagpapaliwanag ni Arman.

“Unawain mo naman ako Arman! Labis-labis ang pagtangi ko sa iyo, ang pagmamahal ko para sa iyo. Huwag mo naman sanang baliwalain lahat ng pagtinging iniuukol ko para sa iyo.” pakikiusap naman ni Phillip. “Ayaw kong mawala ka sa akin sapagkat labis na kalungkutan ang idudulot nuon sa aking damdamin.” habol pa nito.

“Unawain mo din sana ako Phillip! Tila tinatarakan nang balisong ang aking puso sa tuwing makikita kong masaya si Mercedes, habang nakangiti at maligaya niyang sinasalaysay kung gaano ka niya iniirog, kung gaano ka niya kamahal.” paliwanag ulit ni Arman. “Ngunit higit pa ang sakit nararamdaman ko sa tuwing ilalahad niya ang mga bagay na ginagawa mo sa kanya.” dugtong pa nito.

“Arman, handa akong iwanan si Mercedes at ikaw ang piliin ko. Handa akong ipakilala ka sa buong mundo, handa akong ipaglaban ka, ang kaligayahan, ang buhay ko.” sagot ni Phillip saka hinawakan sa mga kamay si Arman.

“Kahit isumpa ka ng pamilya mo? Kahit itakwil ka ni Senyor Fabregas?” tanong ni Arman.

“Oo!” sinserong sagot ni Phillip.

“Natatakot ako.” pahayag ni Arman.

“Ano ang dahilan nang pagkatakot mo?” nag-aalalang tanong ni Phillip kay Arman saka hinaplos ang mukha nito.

“Natatakot ako Phillip sa lahat ng maaaring mangyari.” tugon ni Arman. “Hindi ko alam ngunit sa pakiramdam ko ay mali ang tinatahak nang pagmamahalan natin.” komento pa nito.

“Akala mo lang iyon Arman, dahil ang totoo sinusunod lamang natin ang musikang ibinibigay sa atin ng ating mga puso.” sagot ni Phillip.

“Phillip.” tanging naisagot ni Arman.

“Oo Arman, ako ang bahala sa lahat.” paniniyak ni Phillip kay Arman saka niya niyakap ang binata.

Kinahapunan –

“Nandito lamang pala kayo.” bati ni Mercedes sa dalawa nang makita niya ito sa ilog.

“Ah, kararating lang din naman namin dito. Kanina ay naglibot kami sa plaza at tumingin-tingin na din nang maaring dalhin sa Maynila sapagkat nalalapit na naman ang pasukan natin.” sagot ni Arman.

“Nagpasama na din kasi ako kay Arman para mamili ng pasalubong kay Papa.” singit naman ni Phillip.

“Bakit naman hindi ninyo ako sinama?” may himig nang pagtatampo kay Mercedes saka kumapit sa bisig ni Phillip.

“Hindi ko na kasi nais pang ikaw ay abalahin. Alam ko namang matapos ang bakasyon ay matatagalan ka na bago muling makauwi.” katwiran ni Phillip.

“Alam ninyo, kung hindi ko lamang kayo kilala nang lubusan ay iisipin kong may pagtangi kayo sa isa’t-isa.” pahayag ni Mercedes.

“Papaano mo naman iiyon nanasabi?” utal na tanong ni Arman.

“Sa ikinikilos ninyo ay tila ba mas magkatipan kayo ni Phillip kung ihahambing sa akin.” sagot ni Mercedes. “Kung hindi ko lang talaga batid na malalim ang naging samahan ninyo ay iyon nga ang iisipin ko.” dugtong pa ng dalaga.

“Halina kayo at tayo at itigil na iyang usapang iyan.” pag-awat naman ni Phillip.

Lalong inusig na kanyang kunsensya si Arman sa mga narinig kay Mercedes. Lalo niyang ginustong itigil na nang tuluyan ang namamagitang ugnayan sa kanila ni Phillip, ugnayang higit pa sa pagiging magkaibigan.

Sa bahay nila Arman –

“Ayoko na Phillip!” pahayag ni Arman. “Hindi ko na talaga kaya.” dugtong pa nito.

“Bakit Arman?” tanong ni Phillip.

“Hindi mo na dapat pang tanungin kung bakit sapagkat ilang beses ko na bang sinasabi ang sagot sa iyo.” turan ni Arman.

“Kung ito ay tungkol na naman kay Mercedes, huwag kang mag-aalala, gagawa na ako nang paraan.” sabi ni Phillip.

“Hindi ka ba nakukunsensya?” tanong ni Arman. “Nililinlang natin si Mercedes, niloloko at sa tingin ko ay pinaglalaruan.” paliwanag pa ng binata.

“Pagbalik natin ng Maynila, makikipag-hiwalay na ako sa kanya.” sagot ni Phillip.

“Bakit hindi pa ngayon?” tanong ni Arman. “Dahil ba natatakot kang sugurin ng kanyang ama?” kasunod na tanong ni Arman.

Nanatiling tahimik si Phillip –

“Alam mo naman kung gaano ka kamahal ni Mercedes, alam mo naman kung hanggang saan ang pagtangi niya sa iyo at inaasahan niyang ikaw ang maghahatid sa kanya sa dambana.” wika ulit ni Arman.

“Hindi ko naman inaasahang mas mamahalin kita kaysa sa kanya. Hindi ko naman inaasahang ang damdamin ko para sa iyo ay mas matimbang sa nararamdaman ko para sa kanya. Oo, sininta ko siya subalit higit ang naging pagtingin ko sa iyo.” paliwanag ni Phillip.

“Paano kung tanungin ka niya kung bakit ka makikipagkalas? Ano ang sasabihin mo? Ano ang idadahilan mo?” balik na tanong ni Arman.

Nanatiling tahimik si Phillip humugot nang isang malalim na buntong-hininga saka – “hindi ko ipagkakait sa kanya ang totoong dahilan.” sagot nito.

“Hah?” nagulat na ekspresyon ni Arman.

“Bakit? Anung masama? Huwag mo sa aking sabihing naduduwag ka?” tanong ni Phillip.

“Hindi naman sa ganuon, subalit naisip mo nab a kung ano ang kahihinatnan pag sinabi mo iyon?” balik na tanong ni Arman na hindi makapaniwala sa sinabi ni Phillip.

“Wala akong pakialam sa kung ano ang mangyayari dahil mas mahalaga sa akin ang makasama ka. Ayokong mawalay ka sa akin, ayokong magkalayo tayo, hindi ko kakayanin ang oras na dumating iyon.” tugon ni Phillip. “Kung nais mo ay ipagsisigawan ko pa sa buong daigdig ang pag-irog ko sa iyo.” habol pa ng binata.

“Phillip…” biting turan ni Arman.

“Wala akong pakialam sa pangungutya ng iba, handa akong ipaglaban ka sa harap ng madla.” turan ni Phillip saka hinaplos ang mukha ni Arman.

“Bahala na!” tugon ni Arman na may mga ngiting puno ng pangamba at alalahanin.

“Asahan mo, kung kailangan kong gumawa ng bagong mundo ay gagawin ko para lang makapiling kita.” wika pa ni Phillip saka hinalikan sa noo si Arman.

Mabilis na lumipas ang bakasyon at heto, bibiyahe na sila pa-Maynila dahil kinabukasan ay simula na nang unang araw ng kanilang klase. Huling taon na nila sa kolehiyo at talaga namang pahirapan ang makakuha ng diploma, kung gaano kahirap ang mag-aral ay doble pa nuon ang makatanggap ng minimithing diploma. Iilan lang ang may kakayahang makapag-aral dahil tanging mayayaman at iilang may kaya sa buhay lamang ang nagagawang papag-aralin ang kanilang mga anak.

Sa unang araw ng klase –

“Bakit Phillip?” umiiyak na tanong ni Mercedes kay Phillip, dinig na dinig ni Arman ang usapan nang dalawa mula sa punong pinagtataguan.

“Ipagpaumanhin mo Mercedes.” paumanhin ni Phillip kay Mercedes. “Hindi ko na talaga magagawang ipagpatuloy pa ang namamagitan sa atin.” paliwanag pa nito.

“Bakit nga Phillip? Ano ba ang dahilan? Ano ba ang naging pagkakamali ko? Ano ba ang naging pagkukulang ko?” sunud-sunod na tanong ni Mercedes.

“Wala kang pagkukulang, wala kang pagkakamali, ako ang may kasalanan.” turan ni Phillip.

“Ipaliwanag mo sa akin Phillip! Bakit mo ako iiwanan?” pamimilit ng dalaga.

“Hindi ko maaaring sabihin.” maikling tugon ni Phillip.

“Masakit Phillip! Napakasakit!” wika ng dalaga saka humakbang palayo sa binata.

Hindi alam ni Arman kung ano ang gagawin; kung lalapitan ba si Phillip, o hahabulin si Mercedes o mananatili sa pagkukubli sa likod ng puno.

“Alam ko Arman na nandiyan ka!” wika ni Phillip ilang minuto pagkaalis ni Mercedes.

“Bakit mo sinaktan si Mercedes?” simulang tanong ni Arman.

“Dahil kailangan kong gawin Arman!” sagot ni Phillip.

“Hindi mo na inisip kung ano ang maaari niyang maramdaman.” tugon ni Arman.

“Sa simula lamang iyon dahil darating din ang takdang oras para mawala ang sakit.” sagot ni Phillip.

“Paano mo nasigurado?” tanong ni Arman.

“Alam kong makakakita din siya ng lalaking para sa kanya at nababagay sa kanya.” sagot ni Phillip.

“Sana nga Phillip dahil hindi ko kayang makitang nasasaktan si Mercedes.” tugon ni Phillip.

“Huwag na nating alalahanin muna si Mercedes! Sa ngayon, mas mahalagang malaman mong malaya na ako at maaari na nating ipagpatuloy ang damdamin natin sa isa’t-isa.” saad ni Phillip.

“Hindi ko ata kayang maging masaya dahil alam kong nakasakit ako ng ibang tao.” tugon ni Arman.

“Isipin mo na lang Arman, kung hindi ko gagawin iyon habang-buhay tayong magtatago.” pahayag ni Phillip.

“Wala ding pinag-iba dahil ang sitwasyon natin ay habang-buhay din tayong magkukubli sa mata ng ibang-tao.” sagot ni Arman.

“Arman! Mahalaga kung gaano kita kamahal.” sagot ni Phillip saka niyakap si Arman.

“Phillip!” tugon ni Arman saka niyakap din si Phillip.

2 comments:

Joseph July 28, 2011 at 3:01 AM  

ang writer na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ko bina balik balikan ang blog na ito.....

thanks Emil sa mga stories mo!

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP