Kahit Makailang Buhay - 2

Wednesday, June 29, 2011

By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
*************************************************

Ako si Xander at ito ang kwento ko:

Sa ospital na ako muling binalikan ng malay. Muntik na raw akong maubusan ng dugo. Kung naantala ng ilang minuto ang pagsugod nila sa akin sa ospital ay siguradong nalagutan na raw ako ng hininga dahil sa dami ng dugong nawala sa aking katawan.



Simula noon, hindi na ako hinayaan pa ng mga magulang ko na mag-isa, sa takot nilang gagawin ko muli ang pagpapatiwakal. Nag-hire sila ng yaya na palagi kong kasama at sa pagtulog naman, tinanggalan nila ng lock ang aking kwarto. Ipinasok din nila ako sa isang counselling session.



Sa tulong ng mga taong nagmamahal sa akin at sa counselling na rin, unti-unti kong natutunan na tanggapin ang pagkawala ni Jasmine, bagamat matagal, mahirap, at may sakit pa rin akong naramdaman sa bawat pagkakataong makita ko ang mga bagay-bagay na nagpapaalala sa akin sa kanya.



Marami din akong natututunan sa counselling. Tinuruan ako ng counselor na palawakin ang aking isip at ang aking puso. Tinuruan din akong tanggapin ang katotohanang sa mundong ito, may mga bagay-bagay na hindi natin kontrolado at na ang tanging magagawa lang natin ay taggapin ito ng maluwag sa dibdib dahil iyan ang laro at bahagi ng alituntunin sa buhay. Tinuruan din akong magpakatatag, pahalagahan ang buhay dahil may dahilan kung bakit ako isinilang sa mundo; kung bakit ko naranasan ang ganoong sakit, at kung bakit kailangan kong ipagpatuloy ang pagsuong sa mga hamon sa kabila ng lahat.



Ibinato din sa akin ang tanong kung naramdamn ko ba ang sakit na naramdaman ng papa at mama ko sa ginawa kong tangkang pagkitil sa aking buhay. Ipinaramdam sa akin ang kalagayan nila kung nagkataong nagtagumpay ako sa tangka ko at naiiwan sa aking mga magulang ang matinding pighati, kagaya ng naramdaman ko sa pagkawala ni Jasmine… Ipinaliwanag din nila sa akin na ang pagkawala ni Jasmine ay aksidente, at may dahilan, kumpara sa tangka kong pagpapakamatay na kagagawan ko, at walang ibang masisisi sa sakit na maidudulot nito sa mga taong nagmahal sa akin kundi ako.

Madaling sabihin. Madaling indindihin at sabihing napakaganda ng mga sinabi sa akin. Subalit sa kalagayan kong nawalan, mahirap pa rin ito. 

Dumaan ang walong taon. Nairaos ko ang aking pag-aaral at nakatapos din ng master’s degree. Sa edad na 23 years old, naging college professor ako sa mismong unibersidad kung saan kami nag-aral ni Jasmine.
Isang araw habang nasa loob ng isang grocery store ako, biglang may tumawag sa pangalan ko. “Si Xander ma! Siya yan o! Si Xander!” isang batang lalaking nagsisigaw.

Sa laki ng pagkagulat kong isinigaw ang aking pangalan, napahinto ako sa aking ginawang pamimili at napalingon sa kinaroroonan ng sigaw.

Nasa bungad na pala ang bata ng grocery store kinaladkad ng kanyang ina patungo sa kanilang kotse, tila nagmamadali na parang naiinis sa pagsisigaw ng bata.

Noong nakita ng batang nakatingin ako sa kanya, lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw. “Xanderrrrr!!! Xandeerrrrr!” sabay palag sa pagkahawak ng kanyang ina. 

Mistula akong napako sa aking kinatatayuan sa sobrang pagkamangha. Hindi ko rin kasi maintindihan ang sariling naramdaman noong nakita ko ang batang nasa 8 taon ang edad. Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ko. May excitement akong nadarama na hindi ko mawari; isang sundot ng saya na hindi maipaliwanag at biglang pumukaw sa aking katauhan. 

At ang tanging nagawa ko na lang ay ang pagmasdan siya habang nagpupumilit na makawala sa pagkahawak ng kanyang ina. 

Noong naka-alpas ang bata, nagtatakbo na ito patungo sa kinaroroonan ko. At noong nasa harap ko na siya, agad din itong yumakap sa akin ng walang pasabi, na parang kilalang-kilala niya ako. Nag-iiyak at pakiwari ko ay sabik na sabik. “Xander! Sabi ko nga ikaw! Na-miss kita e!” ang sambit ng bata.
Tulala, nanatili akong nakatayo at tiningnan siya. 

Ang mga mata niya ay mistulang nagmamakaawa habang patuloy na umagos ang kanyang mga luha. “Hindi mo na ako kilala?” ang tanong niya.

“Rovi!” ang sambit ng ina na sumunod sa kanya. Hinila niya ang kamay ng bata at humingi ng paumanhin sa akin, “Pasensya na po sa inyo. Ganito lang talaga ang anak ko. Kahit sino, napagkamalang kakilala.” Sabay hablot ng kamay ng bata at hinila ito patungo sa kanilang sasakyan; nagmamadalai, pansin ang pagka-inis niya sa anak.

Bagamat hinayaan ng bata na hatakin siya, pilit pa rin itong lumingon sa akin “Siya si Xander ma! Siya ang sinasabi ko! Maaaaaaa!!!” ang patuloy niyang pagsisigaw.

Hindi pa rin ako nakaimik. Sinundan ng mga mata ko ang kanilang paglayo hangagng sa makasakay na silang dalawa sa sasakyan at kitang-kita kong pinagalitan ng ina ang bata na nag-iiyak sa loob ng sasakyan.

Pakiramdam ko ay kinurot ang aking puso sa nasaksihan, hindi lang dahil sa pinagalitan ang bata ngunit dahil parang may biglang sumundot na hindi ko lubusang maipaliwanag na pagkaawa. 

Aaminin ko, ayoko talaga sa bata. Makukulit sila, magugulo… ngunit ang batang iyon ay may ibang dulot na kung ano sa akin. Marahil ay gawa lang din iyon ng aking pagkamangha at pagtatanong sa sarili kung bakit alam niya ang pangalan ko sa kabila ng noon pa lang kami nagkita. 

Noong pinaandar na ang sasakyan nila, may nag-udyok sa akin na habulin ko sila, kausapin ang bata at ang ina nito at itatanong kung paano nila ako nakilala.

Ngunit nangingibabaw sa akin ang hiya at pag-alinlangan na baka nagkataon lang din na may kamukha ako at kapangalan. Kaya napatawa na lang ako at napailing-iling, tumalikod at ipinagpatuloy ang pamimili ng mga groceries.

Iyon ang pinakaunang insidenteng hindi ko maiwaglit-waglit sa aking isipan tungkol sa batang si Rovi. Sa araw na iyon, umuwi akong may tanong sa aking isip.

Ngunit pilit kong kinalimutan ang insedenteng iyon.

Isang araw napadaan ako sa elementary building ng university. May kaibigan kasi akong nagturo sa elementary department, kasamahan ko sa fraternity at nasumpungan kong bisitahin siya.

Recess time iyon at inaya niya akong mag snack sa canteen ng school. Naki-pila kami kasama sa mga grade schoolers, umurder ng soft drinks at sandwich at pagkatapos, naupo sa isang bakanteng corner table.

Nasa ganoon kaming pag-uusap noong may biglang, “Can I sit here?”.

Napatingin ako kaagad sa pinanggalingan ng boses. At laking gulat ko noong tumambad sa aking paningnin ang batang si Rovi. Habang hawak-hawak ang tray ng kanyang pagkain, binitiwan niya ang isang ngiti.

Nabigla na naman ako, hindi makapaniwalang makikita ko muli ang batang hindi ko kilala ngunit alam ang aking pangalan.

Sinuklian ko ang kanyang ngiti ng isang ngiting-pilit.

“May I…?” ang giit niya sa akin.

“Rovi, I have a visitor here…” ang sambit ng kaibigan ko sa bata, pagpahiwatig na huwag niya kaming istorbohin.

“Sir… I just want to sit beside Alex po. Please...?” Ang magalang ngunit kyut na pagkasagot ng bata.
Napatingin sa akin si Justin, ang kaibigan ko. “M-magkakilala pala kayo?” ang tanong niya, bakas sa kanyang mga mata ang pagkagulat.

“A, e…” ang katagang lumabas sa aking bibig habang tiningnan ang bata, hinagilap sa kanyang mukha ang sagot sa tanong na iyon ni Justin. Hindi ko naman kasi alam kung paano siya sasagutin. Hindi ko kilala ang bata ngunit nakakaawa din kung i-disown ko siya. Litong-lito ang isip ko.

Ngunit doon na ako nataranta noong sumingit ang bata ng, “Magkakilala po kami ni Alex, Sir Justin. He’s my boyfriend po!”

“Hahahahaha!” ang biglang pagpakawala ni Justin ng isang malutong na tawa sa pagkarinig niya sa salitang “boyfriend”.

“Hindi po ako nagbibiro!” ang seryoso namang dagdag ng bata.

Sa sobrang pagkahiya, tinitigan ko ng matalim si Rovi na inilatag na ang tray sa mesa at umupo sa bakanteng silya na katabi ko. 

“Hoy… kutong-lupa, pasalamat ka’t bata ka pa! Kung nagkataong malaki ka lang, dila mo lang ang walang latay sa bugbog.”

Ngunit pinanindigan talaga ni Rovi ang kanyang sinabi. “Totoo naman ang sinabi ko e…”
Na lalo pang nagpalakas sa tawa ni Justin.

“Sige, magsalita ka pa at sasakalin na kita! Galit pa naman ako sa bata!”

“Totoo naman talaga ang sinabi ko e…” giit pa rin niya.

“Wait… wait… Ibig mong sabihin bro, hindi mo kilala itong si Rovi?”

“Paano ko makilala iyan? Wala kaming kamag-anak dito at tingnan mo ang hitsura, anak ng Amerikano yata sa sobrang pagka-tisoy.”

Tiningnan ni Justin si Rovi, naging seryoso na ang mukha. “Why are you making up this story, Rovi? It’s not good to tell lies, do you know that?”

“I’m not telling lies!” ang inis namang sagot ng bata.

“Then why did you say that you know Xander and he is your boyfriend?”

“Because that’s the truth!” ang pasigaw na sagot na ng bata.

“Hey! Hey! Hey!” ang pagsingit ko. “Never in my life have I dreamed of having a boyfriend, okay? And much less child boyfriend! Babae ang mahal ko, hindi batang lalaki!” ang inis kong bulyaw sa kanya.

“Hindi mo na ako kilala! Hindi mo na ako kilala!” ang sigaw ng bata na nag-iiyak na sabay talikod at takbo palayo, iniwanan ang hindi pa naubos niyang sandwich at softdrinks.

Pakiwari ko ay binagsakan kaming dalawa ni Justin ng isang malakas na bomba. Nagkatinginan kami at bakas sa tingin ni Justin sa akin ang malalim na katanungan.

“A-ano mo ba talaga si Rovi Bro?” ang tanong niyang may bahid na panghinala.

“Bro… huwag mo akong tingnan ng ganyan. Hindi ako bakla, at lalong hindi ako pedophile. Hindi ko kilala ang batang iyon. Read my lips bro – h-i-n-d-i- k-o- k-i-l-a-l-a- a-n-g- b-a-t-a-n-g- i-y-o-n…”

“Kung ganoon, bakit ka niya kilala? At ang pag-aasta pa niya ay parang close na talaga kayo sa isa’t-isa?”

“Abay malay ko ba sa batang iyon! Pareho tayo ng katanungan bro. Hindi ko rin talaga alam… Last week sa isang grocery store, nakita din ako niyan at bigla akong niyakap. Kung hindi pinigilan ng mama niya, baka hindi na ako tinantanan noon.”

“Tsk! Tsk! G-ganoon ba?” 

“Estudyante mo ba iyon? Hindi kaya may tama ang pag-iisip noon?”

“Ako ang adviser niya. At normal na bata naman sa klase. In fact, top one ko iyan. At sabi ng iba pang mga aguro, iyan din daw ang nagta-top sa mg subjects nila. Amerikano ang papa niyan at may dugong chinese ang ina. Kaya maputi, mestiso, at napakaguwapong bata…”

“Baka may lahing pagka-sinungaling?”

“Kung sinungaling, bakit tama naman ang pangalang alam niya sa iyo? At ano ang dahilan kung mag-imbento man siya ng ganyang klaseng kuwento?”

Napahinto ako. “Kausapin mo na nga lang. Baka may kamukha lang akong nakilala niya at pareho din ang pangalan namin.”

“Posible… Pero, di pa rin ako kumbinsido e. Granting na ibang tao nga ang nakita niya, bakit niya sasabihing boyfriend niya ito? Nakaranas na ba ang batang iyan ng… boyfriend?” sabay bitiw ng ngiti, hindi lang mabanggit-banggit ang tanong na, “Bakla ba ang batang iyon?”

Napangiti na rin ako. “Wala akong pakialam kung ano man ang naranasan niya basta kausapin mo at sabihin mo na hindi ako ang taong kung sino man ang hinayupak na iyon na pinagtitripan niya.”

“S-sige, sige.. kausapin ko mamaya.”

Alas 5 ng hapon, tapos na ang klase ko kaya deretso akong umuwi sa aking nirentahang flat na walking distance lang naman ang layo mula sa unibersidad na tinuturuan ko. Noong makarating na, dumeretso ako sa kuwarto, naligo, nagsuot ng pambahay at pagkatapos ibinagsak ang katawan sa kama at pinaandar ang TV. 

Nasa ganoon akong panonood ng palabas noong bigla na namang sumagi sa isip ko ang makulit na bata. Napabuntong hininga na lang ako. May awa din kasi akong nadarama, at may mga katanungang bumabagabag sa aking isip sa inasta niya at sa kung ano man ang motibo niya. 

Hinawi ko ang kurtina ng bintana sa gilid ng kama ko upang tiningnan ang kalsada. Ngunit laking gulat ko noong ang paningin ko ay natuon sa isang batang nakatayo sa harap mismo ng flat, nakatingin sa mismong bintana kung saan ako nakadungaw, hawak-hawak ng bata ang bakal na animoy mga nakatayong sibat na bakod. Naka-uniporme pa siya, at naka-kabit pa ang knapsack sa kanyang likod.

Akala ko ay nilalaro lang ako ng aking paningin sa kakaisip sa kanya. Ngunit noong inaninag ko itong mabuti, hindi nga ako nagkamali. Si Rovi nga. At nagmamanman sa akin.

Dali-dali akong lumabas ng kuwarto at tinumbok ang gate. “Hoy bata! Paano mo nalaman ang flat ko?” ang bulyaw ko.

“Sinundan kita kanina eh.”

“At bakit mo naman ako sinundan? Hindi mo ba alam na baka hinahanap ka na ng mga magulang mo? Gusto mo ba akong ipahamak?”

“Papasukin mo naman ako please… Hindi ako uuwi kapag hindi ka makikipag-usap sa akin.”

“At bakit naman kita papasukin? At bakit ako makikipag-usap sa iyo?”
Napahinto siya, ang mukha ay akmang iiyak. “Hindi mo na ba talaga ako natandaan? Nagbago ka na ba talaga?” at tuluyan nang tumulo ang kanyang mga luha. 

“Tangina. Ano ba ang dapat kong matandaan? At sino ka ba talaga? Huwag mo nga akong guluhin. Ang bata-bata mo pa andami mo nang kalokohan?”

“Hindi kita niloloko Xander, hindi. Papasukin mo ako please. Mag-usap tayo...”
At dahil sa awa ko na nag-iiyak siya at nagmukhang kaawa-awang nakatayo lang sa labas ng gate at nagmamakaawa pang pumasok, wala na akong nagawa kundi ang buksan ang gate.

“Hoy… hindi porket pinapasok kita, maniniwala na ako sa kung ano man ang raket mo ha? Ang galing mo ding magdrama ano? Paniwalang-paniwala ako sa iyo eh.”

Kitang-kita ko naman ang saya sa mukha ng bata noong binuksan ko na ang gate at pinapasok siya. 

Isinara ko ang gate at noong akmang tutungo na sana ako sa pintuan ng flat, hinawakan niya ang aking kamay. 
Ewan. Ngunit parang may koryenteng dumaloy sa aking katawan noong maglapat ang aming mga kamay. Hindi ako nakapalag. Napatingin ako sa kanya. 

Binitiwan niya ang isang ngiti. At pakiramdam ko ay nabighani ako sa ngiti niyang iyon. 
Napangiti na rin ako; ngiting hilaw nga lang. 

Sa pagkakita niya sa ngiti ko, lalong hinigpitan niya ang paghawak sa aking kamay. At naglakad na kami patungo sa loob ng bahay.

Pinaupo ko siya sa sofa.

Naupo na rin ako sa tabi niya, ang dalawang siko ko ay itinukod sa aking hita at ibinaling ang mukha ko sa kanya, hinintay ang pagsasalita niya.

Tahimik. Tinitigan lang niya ako.

“Ano???” tanong ko.

Hindi pa rin siya kumibo, nanatilking nakatitig sa akin.

“Huwag mo akong titigan ng ganyan, natatakot ako. Bakla ka ano?”

“Hindi ako bakla!”

“O e di ano ka? Bakit ganyan ka kung makatitig? Parang lalamunin mo na ako sa titig mo. Atsaka… dalian mo kung ano man iyang sasabihin mo dahil sigurado akong hinahanap ka na ng mga magulang mo.” Ang pasaring ko.

“E...”

“Ano ba ang gusto mong pag-usapan natin?” ang pasigaw ko nang sabi.

Hindi pa rin siya sumagot. Tinitigan pa rin ako, ang mga paa ay iginalaw-galaw na at ang bibig ay tila kinagat-kagat, nginiwi-ngiwi, nilalaro-laro habang ang mga tingin niya ay nagsusumamo.

Para akong namalikmata sa ginawa niyang iyon. Naalala ko kasi ang mannerism ni Jasmine. Ganoon na ganoon talaga kapag alam niyang nagagalit ako. Hindi kumikibo, ingiwi-ngiwi lang mga labi. At ang mannerism niyang iyon ang weakness ko. Kasi naku-kyutan ako kapag nakita ang nakabibighani niyang mga labing igagalaw-galaw niya at ang mukha ay nakakaawa. At maaalipin na ako niyan ng pagkaawa at ang sunod ko na mangyayari ay mag-sorry na ako o kaya ay hawakan ko ang kanyang panga at hahalikan ang kanyang mga labi. At marahil ay alam din ni Jasmine na kapag ganoon ang ginagawa niya, lalambot na ang puso ko at susuyuin siya. Iyon ang kanyang panlaban sa galit ko.

Ngunit, pilit na binura ko ang larawang iyon sa aking isip. Bigla kasi akong nalungkot, naalala na naman si Jasmine.

“Ano??? Hindi ka ba magsasalita?” ang bulyaw ko.

At nakita ko na naman ang pagbagsak ng mga luha niya. “Hindi mo na talaga ako kilala. Talagang nagbago ka na..” at humagulgol na.

Na lalo ko namang ikinalito. Nalungkot na nga ako sa naalalang pumanaw na katipan ko, at hayun, nagdrama pa ang batang iyon. Kaya nabulyawan ko na naman siya. “Ano ba talaga ang drama mo? Hindi kita maintindihan! Lintek na. Tahan na! Mamaya, makikita ka pa ng mga tao rito baka isipin nilang kung anu-ano ang pinaggagawa ko sa iyo!”

“Hindi ako nagda-drama! Hindi ako nagda-drama!” at tumakbo na palabas ng kuwarto, tuloy-tuloy sa labasan ng gate.

Sa gabing iyon, naturete na naman ang utak ko. Halos hindi ako makatulog sa kaiisip sa mga pinagsasabi ng bata.

Kinabukasan ng hapon, ako naman ang pinuntahan ni Justin sa department ko. Doon kami nag usap tungkol sa bata.

“There is something strange kay Rovi...” ang sabi kaagad sa akin ni Justin.

“Bakit?”

“Hold your breath, bro... huwag kang mabigla.”

“Ano nga iyan bro... huwag mo nga akong ibitin, putragis na...”

“Si Rovi ay ang namatay mong girlfriend na si Jasmine!”


(Itutuloy)

3 comments:

Ako_si_3rd June 29, 2011 at 8:06 PM  

sabi na nga ba... all the signs are there.. may bago nanaman akong paka-aabangan...

mabubuhay nanaman ang utak ko.. yehey!!!

Jayson June 30, 2011 at 3:34 AM  

yeah...Mike is really a good writer who can transform his emotions into a masterpiece....

Ako_si_3rd June 30, 2011 at 5:44 AM  

sinabi mo pa po.. talagang super galing po talga ni kuya... :)

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP