Ang Buhay at ang Ibon
Sunday, May 8, 2011
By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
site: http://www.angbahaghari.com
------------------------------
Palagi kong nakikita ang dalawang ibon na iyon sa labas lang ng bintana ng aking kwarto. Hindi ko alam kung anong klaseng ibon ang mga iyon o anong pangalan ngunit may brown na kabuuang kulay ang mga ito, may matingkad na dilaw ang kanilang mga bibig, at kapag lumilipad, makikita ang tatlong stripes na puti sa gilid ng kanilang mga pakpak.
Ngunit ang nakapagbigay pansin sa akin ay ang pagiging palagi nilang magkasama na tila ang isa’t-isa ay hindi mabubuhay kapag nawala ang isa. Minsan nakikita kong mistula silang nag-uusap, minsan naman ay parang naghahalikan, o nagkikilitan sa kanilang mga tuka. Kapag nanginginain sa damuhan sa ilalim ng malaking kahoy na kanilang paboritong pahingahan, ang isa’t-isa ay nasa di kalayuan lang. Kapag lilipad naman, sabay din silang tutungo sa magkaparehong direksyon at lugar.
Halos kada alas tres ng hapon ay nandoon sila sa ilalim ng malaking punong kahoy na iyon na nasa kabila lang ng kalsada sa tapat ng aking bintana. At araw-araw sa ganoong oras din, lihim ko silang pinagmamasdan.
Isang araw, napansin kong isang ibon na lang ang naglalakad, palundag-lundag na nanginginain sa damuhan. Laking pagtataka ko kasi hindi naman ganoon ang palagi kong nakikita. Noong lumipad ito patungo sa isang sanga, nakita kong may pugad na pala sila at habang ang isang ibon ay naglimlim, ipinagdala naman ito ng pagkain ng isang ibon.
Namangha ako sa ipinamalas nilang galing. Kasi, una, bakit nagdala ng pagkain para sa naglimlim na ibon ang partner niya? Naisip din kaya ng ibon ito? May naramdamang awa din kaya ang isang ibon para sa naglimlim na partner niya? Pangalawa, hindi naman sila marunong mag-isip ngunit bakit alam nilang kailanganin nila ang pugad? Paano nila ginawa ang pugad? Bakit alam nilang limliman ang itlog upang maging inakay ang mga ito? Saan nila nalalaman ang mga ito? Ito ba ay talagang animal instinct lamang?
Inamin ko, nainggit ako sa kanila. Iyon bang sa pagbuo pa lang ng pugad nila na pareho nilang pinaghirapan, parang ang sarap ng feeling kung ang mahal mo ay ganoon din, pareho kayong maghirap sa isang bagay na para sa inyong dalawa o sa inyong magiging pamilya. At isa pa, habang ang isang ibon ay naghirap sa paglimlim, di natiis ng kapareha niya na pabayaan na lang siyang magugutom. Parang ang sweet naman.
“Bakit kaya hindi magawa ng ibang tao ang ginawa nila? Bakit sadyang may mga taong mapanlinlang, taksil, mapaglaro, manggagamit…?” ang tanong ko sa sarili sabay bitiw ng malalim na buntong hininga.
Oo, napakasimple ng buhay ng mga ibon at bagamat maituturing na mababa lang ang level ng kanilang utak, marunong din silang mag value sa kahalagahan ng bawat isa. Natanong ko tuloy sa sarili kung marunong din ba silang magmahal…
May mga nabasa kasi akong article tungkol sa lifetime partnership o pagka-monogamous ng ibang klaseng ibon; na once nakakita na sila ng partner, panghabambuhay na ito. May isang article din nga akong nabasa tungkol sa isang wild black swan na na-attract sa isang swan boat na pininturahan lang ng putting kulay ngunit mukhang isang swan talagang nakalutang sa lake ng isang recreation park. Bagamat ilang doble ang laki nito sa kanya, hindi na umaalis ang maitim na swan sa gilid ng bangka. May ilang buwan din iyon, hanggang sa isang araw ay nakahanap din siya ng sarili niyang partner na katulad niya na hindi na rin niya iniwanan pa.
At marami pa akong nabasa tungkol sa kung paano makikipagrelasyon ang mga ibon. Kaya, ilang beses ko na ring nasabi sa sarili na, “Sana ay naging ibon na lang ako. Nakakalipad, malayang napupuntahan ang mga lugar, at tapat pa. At bagamat hindi nito taglay ang katalinuhan ng tao, hindi rin kumplikado ang tinatamasa nilang buhay. Walang kung anu-anong iniisip, walang iniintindi, walang rules, walang pressure, walang selosan, walang awayan, walang tanong. Ano ba ang silbi ng katalinuhan kung sarado naman ang isip? Ano ba ang silbi ng pagiging tao kung ang isip naman ay mas mababaw pa kaysa hayop?”
Kaya, hindi ko maitatwa na nainggit ako sa dalawang ibon na iyon. Naikukumpara ko kasi ang sarili sa kanila, ang sariling mapait na karanasan na hindi ko nakita sa dalawang ibon.
Magda-dalawang taon na ang nakaraan, hindi pa rin ako makapag move-on sa naranasang sakit kung saan pinagtaksilan at hinudas ako ng aking mahal.
Si Lito. May tatlong taon din kaming nagsama. Kagaya ng ibang nagmamahalan, nagsumpaan kami na walang iwanan; na habambuhay kaming magsama. Mahal na mahal ko ang taong iyon. Alam niya kung gaano ko siya kamahal at na kaya kong gawin ang lahat maipamalas lang sa kanya ng pagmamahal ko. Marami nang pinagdaananan ang pag-ibig namin. Maraming plano sa buhay, at ang pinaka number one ay ang pagpunta namin sa ibang bansa upang doon na manirahan at magpakasal. Kaya nag-ipon kami para dito. At dahil sa di hamak na mas malaki ang sweldo ko kaysa kanya, halos pera ko na lahat ang naka-deposito sa bank account namin.
Ngunit isang araw, bigla akong nabulabog noong sumugod sa bahay ang isang babae at may dalang batang lalaki. Asawa daw siya ni Lito. May tatlong taon na daw silang kasal at ang bata ay anak nila. Ang buong akala daw niya ay nasa malayo ang trabaho ng kanyang asawa kung kaya’t isang beses isang buwan lang ito kung umuuwi. Ipinakita niya sa akin ang kanilang marriage certificate, ang birth certificate ng bata, at ang litrato noong ikinasal sila.
Pakiramdam ko, gumuho ang mundo ko kasama na ang lahat ng mga pangarap ko sa buhay. Ang masaklap pa, noong inusisa ko sa bangko ang laman ng joint savings account namin, wala na pala itong laman. Ginastos niya ang lahat sa pagpapatayo ng bahay para sa pamilya niya.
Syempre, wala na akong magagawa kundi ang bigyang-laya siya sa kabila ng matinding pagdaramdam ng puso ko. Ang alam ko, tuluyan na silang nagsama ng asawa niya.
Sobrang sakit. At dahil sa hindi mawala-walang sama ng loob, ilang beses din akong nagtangkang magpakamatay.
Lumipas ang isang taon at dumalaw si Lito sa akin, sa bahay kung saan kami dating nagsama. Masama ang balita niya. Sumama sa isang Amerikano ang asawa niya, pinalitan ang pangalan at nagpakasal ang dalawa sa Amerika. Huli na noong malaman niya ito. Ang naiwan na lang sa kanya ay ang kanilang apat na taong gulang na anak na kasama niya sa pagdalaw sa akin. Ang masaklap, wala siyang trabaho at may iniindang karamdaman – diabetis. Putol na ang kaliwa niyang paa dahil sa kumplikasyon nito.
Ito ang dahilan kung bakit siya iniwanan ng kanyang asawa. Noong hindi na kasi siya makapagtrabaho, ibinenta nito ang lahat ng mga ari-arian nila, kasama na ang bahay na nanggaling sa pera ko. Noong wala na siyang maibenta, nawala din ang asawa niya.
“Karma?” ang sarcastic kong sabi sa kanya. “May Diyos pala talaga, ano? May kabayaran pala talaga ang mga ginagawa nating kababuyan sa kapwa ano? Pero alam mo, Lito, kulang pa iyan eh. Dapat sana ay natodas ka na rin. Mabait pala talaga ang Diyos sa mga inaapi. Kasi, noong ilang beses akong naglaslas ng pulso ko, naagapan pa rin ako. Kaya pala hindi ako mamatay-matay dahil hindi naman pala worth na kitilin ko ang sariling buhay nang dahil lang sa walang kwentang tao. Look at you…”
Hindi na magawang sumagot ni tumingin ng deretso sa akin si Lito. Tahimik lang siyang nakayuko hanggang sa nakita kong dumaloy ang mga luha niya sa kanyang pisngi at ang mapagkumbabang nasambit ay, “P-patawarin mo ako, Bryan… alam ko kung gaano kasakit ang naramdaman mo sa ginawa kong panlinlang sa iyo…”
“Mabuti naman. Dahil alam mo, nandito pa sa puso ko ang matinding poot. At hindi kita mapapatawad hanggang buhay pa ako. Ngayon, kung nandito ka upang humingi ng tulong sa akin, pasensya na. Inubos mo na ang lahat ng pera ko. Wala na akong maibibigay pa para sa iyo.”
“K-kahit patawad na lang Bryan. Iyon na lang. Sana bago ako mamatay ay may kapatawaran galing sa puso mo. Ramdam ko na ang maraming kumplikasyon sa sakit ko. May high blood ako, malabo na ang paningin ko, at natatakot akong baka ang sunod na maapektuhan ay ang kidney ko na.”
“Ay… ganoon ba? Kawawa ka naman… Pero pasensya na po. Noong ako ay iniwan mo, nasaan ka? Sa panahon nga aking pagluluksa at sakit na naramdaman sa ginawa mong pagtraydor sa akin, anong ginawa mo? Ni hindi ka man lang dumalaw o nag text… Hindi ka nagpaliwanag, hindi kita naramdaman. Tapos ngayon, ang lakas ng loob mong mong magpunta dito? Sorry, wala akong kapatawarang ibibigay sa iyo. At huwag ka nang bumalik pa dito dahil kapag bumalik ka pa, iyang natitira mong paa ay ipakakagat ko sa aso ko!” Bulyaw ko.
Iyon lang. Walang imik na pilit na tumayo, hinawakan ang crutches niya at sa isang kamay, hila-hila ang anak niyang si Junjun na noon ay ipinakilala akong Tito Bryan.
May kirot din sa puso ang makita ko siyang ganoon. Nakakaawang tingnan lalo na noong bago tuluyang lumabas sila ng bahay, lumingon pa sa akin si Junjun, bakat sa mga mata ag pagkalito at bagamat puno itong kainosentehan, tumatak sa isip ko ang tingin niyang mistulang nagtatanong at naninisi, “Bakit puno ng galit ang puso mo para sa papa ko?”
Ngunit, sadyang matigas na ang puso ko. Paano, buong buhay ko, siya lang ang inibig ko, ibinigay ang lahat, at pagkatapos, iyon lang pala ang mangyayari. Siya rin naman ang dahilan kung bakit kasing tigas na ng bato ang damdmin ko e. At sa tingin ko naman ay dapat din niyang pagdusahan ang ginawa niyang panloloko sa akin. Iyon ang pinili niyang buhay, pwes, panindigan niya, at hayaan akong maghanap ng iba na karapat-dapat naman sa pagmamahal ko. “Sinira na nga niya ang mga pangarap ko, hanggang sa kasiraan ba ng buhay niya, idadamay pa niya ang buhay ko?” sabi ko sa sarili.
Iyon ang huling pagkikita namin, tatlong buwan na ang nakaraan.
Alas tres uli ng hapon at nandoon uli ako sa bintana, pinagmasdan ang dalawang ibon. Doon ko nadiskubre na sisiw na pala ang nilimlimang mga itlog nila. Naririnig ko ang mga munting iyak ng mga ito kapag pasulpot-sulpot sa pugad upang pakakainin sila ng mag-asawang ibon.
Habang enjoy ako sa pagtitingin sa kanila, nabigla naman ako sa sunod na pangyayari. Nahagip ng dumadaang sasakyan ang isang ibon habang lumilipad ito patungo sa kanyang pugad. Bumagsak ito sa damuhang parte sa ilalim ng puno, ang katawan ay nakadapa na sa damuhan at ang tanging gumagalaw ay ang ulo na lang nito.
Hindi ko alam ang gagawin sa nasaksihan; kung kukunin ko ba ito at gamutin o hayaan na lang doon. Ngunit napag-isip-isip ko na wild ang ibon na iyon at baka kapag pinilit kong gamutin, magpipiglas lang ito at lalong makasama pa.
At doon ako namngha at naantig ang damdamin noong makita ito ng partner niya. Lumapit ang partner niya at mistulang pinapalakas nito ang loob ng na injured na partner, nag-iingay na parang nagkukwento. Hindi ito umalis sa piling niya. At marahil ay noong marealize niyan hindi na talaga ito makalipad, saka niya ito iniwanan at noong bumalik, dala-dala sa kanyang bibig ay pagkain. Para akong maiyak sa hindi inaakalang makabagbag damdamin na eksena at sa ginawang pagtulong ng ibon sa partner niya.
Subalit, namatay din ang ibon.
Sa pagkakita niyang lugmok na ang kanyang kabiyak. Tinuka-tuka niya ang pakpak nito na pilit ipinabalik ang malay. Lumulundag-lundag paikot sa patay na katawan ng partner niya, patuloy ang pagtutuka dito hanggang sa marahil ay nawalan na ng pag-asa, huminto din ito bagamat patuloy pa rin siyang nag-iingay na mistulang humihiyaw sa sobrang galit at sama ng loob.
Maya-maya, lumipad siya patungo sa isang sanga at humapo doon. Nagpalipat-lipat ng puwesto, mistulang balisa, hindi mapakali o ni matanggap ang mga pangyayari.
Hindi ko lubos maisalarawan ang naramdamn. Alam ko, isang hayop lang siya ngunit dama ko pa rin ang tindi ng kanyang naranasan. Alam ko ang ang sakit na dulot nito dahil naranasan ko rin kung paano mawalan ng mahal sa buhay.
Maya-maya din lang, lumipad ito at bumalik na sa pugad, ipinagpatuloy ang pagpakain sa kanyang mga inakay. Naantig naman ang aking damdamin. Sa kabila ng nangyari, instinct ng kapakanan ng mga inakay niya pa rin ang nangunguna.
Bagamat nasaktan siya, ipinakita niyang hindi sapat ito upang magalit siya sa mundo; upang sirain niya ang buhay niya at ang buhay ng ibang umaasa sa kanya. Sobrang napa-“Wow!” ako. Isang munting hayop ang nagbukas ng mga mata ko na sa kabila ng sakit at hirap, nanatili siyang matatag at ipinagpatuloy ang buhay, at ang munting silbi niya sa iba pang buhay na umaasa sa kanya.
Doon ko napagtanto na kahit gaano man kaliit na buhay o bagay, may silbi ang lahat ng ito sa mundo.
Bigla kong naalala si Lito at ang paghingi niya ng tawad sa akin, at lalo na noong sumagi sa isip ang inosenteng mukha ni Junjun at ang titig niya na mistulang may ibinatong tanong na kumurot sa aking puso, “Bakit puno ng galit ang puso mo para kay papa…?”
Lampas alas sais ng gabi na iyon ngunit agad kong tinungo ang address kung saan sinabi ni Lito sa akin ang tinitirhan niyang lugar. Pinaharurot ko kaagad ang kotse
Lampas alas syete ng gabi noong matunton ko ang lugar na sinabi, isang squatter area pala ito. Tinahak ko ang makitid na eskinita at noong marating ko ang bahay niya. Madilim ito gawa nang wala daw silang kuryente at natutulog na rin daw ang mag-ama, sabi noong kapitbahay.
“Lito!” Sigaw ko.
Maya-maya, lumabas si Junjun… “Tito Ryan!” Sigaw niya sabay nagmano sa akin.
“O bakit hindi ka pa natulog?” tanong ko.
“Hindi kasi ako makatulog e.”
“Bakit?”
“Nagugutom ako. Sabi kasi ni papa, matulog na lang kami ngayong gabi kasi wala kaming pagkain. Bukas na lang daw maghanap si papa.”
Mistulang namang piniga ang puso ko sa narinig. Niyakap at kinarga ko sa aking mga bisig si Junjun. Habang karga-karga ko siya, hindi ko maiwasang hindi pumatak ang aking mga luha. “O.. e… dapat lang na hindi ka pa matulog dahil kakain tayo sa labas e!” Ang sambit ko.
“T-talaga Tito!” sigaw niya, ramdam sa boses niya ang sobrang kagalakan.
“Oo naman!”
Maya-maya lumabas naman si Lito, kitang-kita niya ang kasayahan namin ni Junjun.
Tinitigan niya ako. “N-napatawad mo na ako?”
Binitiwan ko ang ngiti bagamat dumadaloy pa rin sa pisngi ko ang mga luha. “Tinatanong pa ba iyan?” sagot ko sabay tawa.
At nagyakapan kaming tatlo. Iyon ang simula ng pagkabalikan namin ni Lito.
Ngayon, nagsama na uli kami, sa dati pa rin naming bahay. Masaya naman kami dahil may nadagdag na sa amin – si Junjun. At bagamat may karamdaman si Lito, may duktor namang regular na nagtse-check up sa kanya at regular din ang pag-imnum niya ng gamot na minimaintain.
Alam ko, natuto na rin si Lito sa mga aral niya sa buhay. At sa nangyari ba sa kanya… hindi na niya siguro kayang gawin pa ng pagtataksil sa akin. Pero kung sakaling magawa man niya uli iyon, hindi na ako patitinag pa. Isiniksik ko na lang sa aking utak na hindi sapat ang sama ng loob na danasin ko sa kamay ng ibang tao upang sirain ko ag buhay ko at ang buhay ng mga taong umaasa at nagmamahal sa akin.
Simple lang ang buhay; nasa tao na kung gawin niya itong kumplikado.
Hindi ko na nakita pang muli ang ibon at kanyang mga inakay sa kahoy na iyon sa tapat ng aking bintana. Ang tanging nakikita ko na lang ay ang kanilang pugad na nagsilbing ala-ala ko sa simpleng leksyon na natutunan ko sa buhay.
Saan man sila napadpad, alam kong nasa maayos silang kalagayan; dahil may magulang sila na bagamat naranasan ang pait, ay nanatiling matatag na ipingpatuloy ang kanyang buhay at ang pagtulong niya sa buhay ng mga umaasa sa kanya...
Wakas.
PS:
This story was inspired by this -
http://hubpages.com/hub/true-love-story-of-birds
0 comments:
Post a Comment