Someone Like Rhon 8

Friday, April 15, 2011

"Nasaan na si Ignacio?"

Tumingin si Drigo sa tauhang si Mando saka bumaling kay Brix. Nakaupo ang dalawa sa harap ng mesang kinauupuan sa loob ng kaniyang opisina.

"Boss, iyang si Mando, binatukan pa si Ignacio ng baril," pagsusumbong ni Brix.

"Kung hindi ko ginawa iyon, siguradong hahantingin tayo noon," depensa naman ni Mando.

Parang nainis naman bigla si Drigo sa palitan ng salita ng dalawa at hindi pagsagot sa tanong niya. Napahampas sa ibabaw ng mesa ang kaniyang nakakuyom na kamao na nagpatahimik sa dalawa.

"Nasaan na ngayon si Ignacio?"

Si Mando ang sumagot, "Nasa basement na boss."

"Siguraduhin ninyong hindi siya makakatakas, kung hindi malalagot kayo sa akin."

Halatang kabado si Brix nang magsalita. "Hindi ho iyon makakawala Boss, mahigpit ang pagbabantay ng iba naming kasamahan sa basement."

Kuntentong tumango na si Drigo. "Sige makakaalis na kayo."

Biglang may naalala si Mando. "Boss Drigo, may iba pa nga palang hinahanap si Wainwright bukod sa nawawalang kapatid na si Prince Ernest."

Nagtatanong ang tingin ni Drigong humarap kay Mando. "Ano iyon?"

"Hindi 'Ano?' Boss, kundi 'Sino?'"

"Sino?"

"Lalaki po. Rhon Santillan ang pangalan."

Malisyosong napangiti si Drigo. Binabae talaga ang Wainwright na iyon. Imbes na babae ang hanapin ay lalaki ang gusto.

"Hanapin ninyo ang lalaking iyon," utos niya sa dalawa.

"Bakit Boss?" magkasabay na tanong ng dalawa.

"Basta hanapin ninyo. May pakiramdam akong magagamit natin siya para pumanig sa atin sa mga proyekto sa kampo si Wainwright"

"Lalaki iyon Boss. Bakit hindi na lang si Ligaya ang gumawa noon," clueless na sabi si Brix.

"Ginawa na ni Ligaya iyon pero wala pa rin. Baka hindi babae ang gusto ni Wainwright."

Namilog naman ang mata ni Brix, "Sa gwapong iyon at laki ng katawan at lakas ng hatak sa babae ay lalaki ang gusto niya?"

Natawa si Mando. "Bakla pala iyon?"

Napatango si Drigo. "Iyon ang palagay ko. Binabae lang ang hindi aangkin kay Ligaya."




"ANONG GINAGAWA MO sa lugar na ito?"

Napatingin akong muli kay Aling Soledad. Napintig pa rin ang sugat sa aking ulo. Patuloy sa pangangapa ng sasabihin.

"May natatandaan ka ba sa mga nangyari sa iyo?" tanong ulit nito na parang naisip na baka nagkaroon ako ng amnesia.

Napatango ako na nagpaliwanag ng mukha niya. Sasabihin ko ba ang totoo na suvivor ako ng isang plane crash? Na nakilala ko si Kenn at nanatili sa loob ng kweba sa buong magdamag? Na nahampas ako ng malakas na daloy ng tubig sa ilog kaya ako napadpad sa may tabi ng batis kung saan niya ako nakita?

Napatutop ako sa aking noo sa kalituhan. Nanatili namang tahimik si Aling Soledad, naghihintay lang ng aking sasabihin. Finally nagdecide na akong magsalita. "Kailan niyo po ba ako nakita?"

"Kaninang bago makatanghali."

Bigla kong napansin na wala pala akong suot na pang-itaas na damit, tanging ang pantalon lang na mukhang natuyo na rin sa tagal ng wala akong malay.

"Tinanggal ko iyong damit mo kasi napatakan ng dugo pero nalabhan ko rin, kukunin ko lang sa sampayan mamaya at pwede mo na ulit isuot."

Napatango lang ako sa kaniya. Napakabait ng babaeng ito para tulungan ang isang estrangherong katulad ko. Pagkatapos ng ilang segundong katahimikan ay muli akong nagsalita. "Anong araw po ba ngayon at anong petsa?"

Isang bahagi ng isip ko ang nanalangin na sana ay September 21 o 22, 2011 ang isagot niya. Na dito na lang ako napadpad pagkatapos ng plane crash. Pero may isang bahagi naman ng puso ang nanghihinayang dahil kung magkagayo'y maaaring isang panaginip lang si Kenn at ang mga nangyari sa amin. Isang masarap na panaginip.

Napakunot-noo si Aling Soledad, mariin akong tiningnan sa mukha bago tumugon. "Martes ngayon, ang petsa ay November 18, 1941."

Nalaglag ang aking balikat pero nagbunyi ang aking puso. This is it. Kailangan ko ng tanggapin na hindi ako nananaginip. Totoong nag-time travel nga ako pabalik sa panahong ito. Paano kaya ako makakabalik sa kasalukuyan kung wala namang time machine na naging daan ng pagpunta ko dito?

Napailing ako ng mariin sa kawalan ng kasagutan sa sariling tanong.

"Masakit pa ba ang ulo mo?" bakas sa mukha ni Aling Soledad ang pag-aalala.

"Bahagya po," tugon ko.

"Sige Rhon, mamaya mo na lang sagutin ang mga tanong ko, mukhang nahihilo ka pa bunsod ng mga nangyari. Sa ngayon, kailangan muna kitang dalhan ng makakain dito sa papag habang hindi pa ganap ang dilim." Tumalikod ito at humakbang palayo.

Ramdam ko naman na kaya kong tumayo at sobrang nakakahiya na para pagsilbihan pa ako at abusuhin ang kabaitan niya. "Sandali lang po..."

Huminto si Aling Soledad sa paghakbang saka lumingon sa akin. "Bakit Rhon?"

"Huwag na po, kaya ko na naman ang sarili ko. Sasama na lang po ako sa inyo."

"Sigurado kang kaya mo?"

"Opo. Saka para masagot ko na rin ang mga katanungan ninyo tungkol sa akin."

Tumango si Aling Soledad. "Sige, tara na sa kusina."

Gawa din sa kawayan ang mesa at mga bangko sa hapag-kainan. Maging ang dingding ng kusina. Buti na lang at babasagin ang mga plato at pilak ang mga kutsara't tinidor. I was expecting pa naman na kawayan din o bao ng niyog o gawa sa clay ang kakainan namin.

Mainit ang sinabawang isda na iniluto ni Aling Soledad. Pagkatapos ng ilang higop sa sabaw ay naramdaman kong naging magaan na ang aking pakiramdam at nagkalaman na rin ang isipan.

Habang kumakain ay ikinuwento ko sa kaniya ang mga nangyari mula sa paghampas ng tubig sa akin sa ilog pabalik sa pagkakakita sa akin ni Prince Kenn Wainwright. Hanggang doon muna sa parteng hindi ko pa kailangan sabihin na galing ako sa hinaharap.

"Wainwright ba ang binanggit mo?"

"Opo."

Sa liwanag ng gasera na nasa gitna ng mesa na nagsisilbing ilaw sa aming pagkain ay napansin ko ang biglang pagkapatda ni Aling Soledad. Waring nahulog sa malalim na pag-iisip.

"Kilala ninyo po ba si Kenn?"

Ilang saglit itong tahimik bago nagsalita. "May kilala kasi akong sundalong amerikano na Wainwright ang apelyido May anak din siyang lalaki na--" bigla itong natigilan sa sinasabi na parang may naisip na kung ano.

Nanatili akong tahimik. Gusto ko sanang malaman ang karugtong ng sasabihin niya pero naisip ko na baka may mahukay akong old memories. Isa pa, ngayon lang kami nagkakilala at napakabait pa niya sa ginawang pagtulong sa akin para usisain ko ang kaniyang buhay.

Nagpatuloy kami ng pagkain hanggang may naisipan akong itanong, "Kayo lang po bang mag-isa sa kubong ito?"

"Pag ganitong araw, ako lang. Pag araw ng linggo, dinadalaw ako ng isa kong pamangkin. Dinadalhan niya ako ng mga ibang kailangan ko dito."

"Saan ho ba nakatira ang pamangkin ninyo?"

"Sa may sentro ng nayon ng Angeles, mga ilang milya ang layo dito."

"Angeles City po?"

Napailing siya. "Hindi pa isang lungsod ang Angeles Rhon."

Naisip ko 1941 nga pala ngayon. Maaaring hindi pa nga ito ganap na lungsod sa panahong ito. Gusto ko pa sanang magtanong kung bakit dito siya sa medyo liblib na lugar na ito nakatira gayong may pamangkin naman pala ito sa Angeles City este Angeles Town. Pero baka masyado ko ng inaalam ang personal nitong buhay.

"Bakit ka nga ba nasa may malapit sa talampas nang matagpuan ka ni Kenn?"

Napatigil ako sa paghigop ng sabaw. Sasabihin ko ba sa kaniya ang totoo? Hindi kaya isipin ni Aling Soledad na nawawala na ako sa katinuan ng isip dahil sa sugat sa aking ulo?

Pinili ko na ring sabihin ang katotohanan.

Halos isang minuto niyang pinag-iisipan ang aking mga sinabi. Hindi ko naman ini-expect na paniwalaan niya ako. Ako man ang lumagay sa posisyon niya iisipin kong baliw lang ang maniniwala sa sinabi ko.

"Ano ang ginamit mo para matawid ang panahon?"

Hindi ko inaasahan na itatanong iyon ni Aling Soledad pero nagpasalamat na rin ako at naging bukas ang isip niya sa sinabi ko. "Hindi ko po alam. Gaya ng sinabi ko ang natatandaan ko lang ay sobrang bilis ang pagkakahagis sa akin ng sumabog na eroplano."

"Gusto kong paniwalaan ang sinabi mo Rhon. Sakaling paniwalaan ko iyan, tatanggapin ko na rin na totoo ang alamat tungkol sa medalyon na ulo ng kabayong may sungay."

Ako naman ang natigagal sa sinabi niya. "Ano pong tungkol doon?" Ibinuhos ko ang buong atensiyon ko sa sasabihin niya.

"May nakapagsabi sa akin tungkol sa alamat na iyon. Ang medalyon na ulo ng kabayong may sungay ay nahahati sa dalawang kwintas. Ang kanang bahagi ng ulo ng kabayo at ang kaliwa. Kapag naging isa ang dalawang kwintas ay maaaring gamitin iyon ng sinomang may hawak nito."

"Gamiting papaano po?"

"Ang sinomang may hawak noon ay may pagkakataong maglakbay sa habampanahon. Pabalik sa nagdaan o papunta sa hinaharap. Alinman ang naisin niya."

Bigla ang interes ko sa sinabi niya. "Ibig sabihin kapag napasakamay ko ang kwintas ay maari akong bumalik sa aking panahon?"

"Kung totoo ang alamat."

Napangiti ako. Nakapagpaluwag sa aking pakiramdam ang nalaman ko. 'Kung totoo ang alamat' pwede akong makabalik sa September 20, 2011.

"At kung totoo na naglakbay ka nga sa panahong ito," dugtong pa ni Aling Soledad.

Totoo namang nag-time travel ako kaya ano pa nga ba ang imposibleng maging totoo sa ngayon? Tsaka gusto ko ring paniwalaan na totoo ang alamat dahil iyon na lang naman ang pag-asa kong makaalis sa panahong ito.

"Nasaan po ang mga kwintas?"

Matamang nag-isip si Aling Soledad. Tinitimbang ang sarili kung sasabihin nya sa akin ang nalalaman.

"Hahanapin mo ba?"

Mabilis akong tumango. "Iyon lang po ang natitira kong pag-asa na pwede kong paghugutan ng lakas ng loob para mabuhay sa panahong ito."

Nakita ko ang kakaibang kislap sa kaniyang mga mata nang muling magsalita at sabihin sa akin ang nalalaman tungkol sa dalawang parte ng medalyon.

Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan sa narinig. Hanggang sa paghiga ko nang gabing iyon ay dala ko pa rin ang kasiyahang iyon sa aking dibdib.

May pag-asa pa akong makabalik sa panahon ko.

Maaga akong nagising kinabukasan. Nakatulong ng sobra ang mga dahong inilapat sa aking ulo na halos wala na akong maramdamang kirot sa sugat ko na hindi na mahahalata hapag natakpan ng buhok kong hanggang balikat.

"Magsalabat ka muna," alok ni Aling Soledad sa akin. Mas maaga pa rin siyang bumangaon na naabutan kong nagluluto sa may kusina. Nakasalang sa apoy ang palayok na sa takip ay sumisirit ang mainit na usok at butil-butil na tubig.

Kinuha ko ang salabat, napakabango nito. May anghang nang tikman ko pero nakatulong na rin sa sikmura kong nilalamig.

Marami sana akong gustog itanong pa kay Aling Soledad pero naisip kong sundin na lang ang kaniyang sinabi kagabi tungkol sa medalyon.

"Malayo pa ho ba dito ang Angeles Cit--. Nayon ng Angeles?"

Itinulak muna niya palapit sa apoy ang isang pirasong kahoy na mbilis ding nagningas bago lumingon sa akin. "Mga ilang milya din."

"Nilalakad niyo ho?"

Umiling siya. "Simula nang tumira ako dito ay hindi na ako nagpunta pa sa Angeles. Gaya ng nasabi ko ay ang pamangkin ko na lang ang nagpupunta dito."

Tumango ako. Gusto ko pa sanang mag-usisa kung bakit hindi na siya nagpupunta, kung may iniiwasan ba siya o kung ano pero pinili kong manahimik.

"Ang pamangkin po ninyo, nilalakad lang niya?"

"Nagbibisikleta siya tuwing pupunta rito."

"Dito ho sa kagubatan pwede siyang magbisikleta?"

Pigil ang pagngiti sa mga labi ni Aling Soledad. "Naku Rhon, hindi naman gubat ang buong paligid. May madadaanan naman na patag at kakasya ng makadaan ang bisikleta."

"Pwede niyo ho bang ituro sa akin ang daan?"
 
"Kailan mo ba balak umalis? Ayos na ba ang pakiramdam mo? Hindi na ba masakit ang sugat mo?"

"Hindi na po," sabi ko sabay turo sa parte ng aking ulo at mukhang noon lang nito napansin na tinanggal ko na ang benda. "Kaya ko na pong maglakad. Isa pa, hindi ako dapat mag-aksaya ng oras."

Napansin ko ang pagkawala ng ningning sa mga mata ni Aling Soledad. "Hindi kita pipigilan kung iyan ang iyong nais. Pero kumain ka muna ng agahan bago ka umalis. Bibigyan na rin kita ng direksiyon ng daan at makatutulong rin sa iyo na puntahan ang aking pamangkin na maari mong hingan ng tulong kung sakali."

"Sige po," natutuwang sabi ko.

Pagkalipas ng isang oras na preparasyon ay tuluyan na akong nagpaalam kay Aling Soledad. Isa siyang hulog ng langit sa akin.




PATULOY PA SA PAGKAWAY si Soledad habang abot-tanaw niya ang paalis na si Rhon. Nang mawala na ito sa kaniyang paningin ay pumasok na siyang muli sa kaniyang kubo.

Diretso siya ng pasok sa kaniyang silid. Tinungo ang lalagyan ng mga damit at kinuha ang isang maliit na jewelry box.

Hindi man siya naniniwala sa mga sinabi ng estrangherong lalaki tungkol sa galing ito sa panahon sa hinaharap ay wala na rin naman siyang pagpipilian. Nang sabihin sa kaniya ni Rhon ang bagay na iyon ay mabilis siyang nag-isip. Maaring si Rhon ang maging daan niya para makitang muli sina Prince Kenn Wainwright at Prince Ernest Wainwright.

Ngayong hindi na siya binalikan ni Ignacio gaya ng pangako nito na babalikan siya dapat kahapon ay si Rhon na lang ang nakikita niyang pag-asa para mahanap ang magkapatid.

Nasaan na nga ba si Ignacio? Bigla na lang itong sumulpot sa buhay niya gaya ni Rhon Santillan dalawang linggo na ngayon ang nakakaraan. Sa isang napakabait na lalaki at sobrang maginoo na gaya ni Ignacio, kahit sinong babaeng kagaya niya ay imposibleng hindi makadama ng paghanga at magigising na lang isang araw na higit pa sa paghanga kundi pag-ibig na pala. Pag-ibig na sinuklian din naman ng lalaki. Pinaramdam sa kaniya sa kanilang maikling panahong pagsasama.

Pinahid niya ang pumatak na luha sa kaniyang mga mata. Niloko nga lang ba siya ni Ignacio at pinaasa? Naninikip ang dibdib niya sa isiping iyon. Maghihintay pa rin siya sa pagbabalik ni Ignacio, gaano man iyon katagal, naniniwala siyang babalikan siya ng kaisa-isang lalaking minahal niya.

Kung hindi man bumalik si Ignacio na huwag naman sanang mangyari, may Rhon Santillan pa naman siyang pwedeng asahan. Kung sakali ay matutupad pa rin niya ang pangako sa namayapang kaibigang si Felicidad na muli niyang pagsasamahin ang mga anak nito na kapwa pinagbigayn nito ng kanan at kaliwang parte ng medalyon na ulo ng kabayong may sungay.

Mabuti na lang at nasabi sa kaniya ni Felicidad ang tungkol sa alamat. Isang alamat na hindi naman niya pinaniniwalaan. Isang alamat na magagamit pala niya para matunton ang magkapatid na Wainwright. Matunton sa pamamagitan ni Rhon Santillan.

Totoo man o hindi ang paglalakbay nito sa panahon, sa tingin niya kay Rhon ay siguradong hahanapin nito ang mga kwintas.

Binuksan ni Soledad ang jewelry box, kinuha niya ang isang kuwintas na tanging laman noon saka itanaas kapantay ng kaniyang mukha. Kumislap ang dulo ng hating sungay ng ulo ng kabayong pinakapalawit nito.

Iyon ang kaliwang bahagi ng medalyon na sinabi niya kay Rhon Santillan.




HALOS DALAWANG ORAS na akong naglalakbay sa daang itinuro ni Aling Soledad ay wala pa rin akong natatanaw na bahayan o highway man lamang.

Sobrang layo nga ng bahay ni Aling Soledad mula sa ilog na pinanggalingan ko kahapon ng umaga nang iwan ko sa kweba si Kenn.

Napabuntong-hininga ako nang maisip ko si Kenn. Nasaan na kaya siya ngayon? Ano kaya ang iniisip niya sa biglaan kong paglaho? Galit kaya siya sa akin?

Naalala ko ang masarap na gabing pinagsaluhan namin sa kweba. Ang aming pagtatalik habang nakaposas kami. Ang pagsabi niya sa akin ng 'I love you Rhon...I love you....' at ang pagtugon rin naman ng puso ko ng 'Oh My! I love this man!' Ang pagtulog namin ng magkatabi at ang pagbangon kong wala na ang posas na ibig sabihin ay pinagtiwalaan na niya ako at naniwala na siya sa mga sinabi ko sa kaniya. Hindi ko man aminin pero hindi siya nawala sa puso't-isipan ko. Sa ikli ng panahong pagkakilala at pagsasama namin ay aminado akong may puwang na sa puso ko si Kenn.

Mahirap mang paniwalaan pero alam kong mahal ko na siya. At isa siya sa kailangan kong makita bukod sa pamangkin ni Aling Soledad at sa mga kwintas.

Nananakit na ang aking mga tuhod at naubos ko na rin ang pinabaong tubig sa akin ni Aling Soledad nang sa wakas ay maabot ko na ang hangganan ng kagubatan. Bumungad sa akin ang patag na daan, na bagama't hindi sementado ay parang pag-asa na rin ang dulot nito sa akin.

Pero mukhang wala namang dadaang sasakyan na pwede kong pakiusapan kaya pagkatapos ng labinlimang minutong paghihintay at pamamahinga ay nagpasya na ulit akong maglakad. This time ang patag na daan na ang binaybay ko sa pag-asang may maligaw na sasakyan, kahit may kainitan dahil walang malapit na puno

Pagkaraan pa ng dalawang oras na paglalakad ay halos hirap na akong makahakbang. Tuyong-tuyo na rin ang aking lalamunan at parang sa nadehydrate na ang pakiramdam ko sa buong katawan. Lalo pang lumala nang mawalis lahat ang mga ulap sa kalangitan at kumalat na ang matinding init ng sikat ng araw.

Ramdam ko ang init na parang mga karayom na tumutusok sa aking balat. Pinili kong umapak sa damuhan dahil sobrang init na rin ang lupa sa daan. Tagaktak na ang pawis ko sa noo, mukha at pati na sa buong katawan. Para na akong mahi-heat stroke.

Hindi ako pwedeng sumuko. Kailangan kong makarating sa nayon. Ilang minuto na lang siguro ang nalalabing ilalakad ko, baka naman aabot na ako.

Pinilit kong ilakad ang aking nananakit na mga paa. Sobrang bigat na rin ng aking mga hakbang na lalong nagpapahina sa aking pakiramdam. Dama ko na din ang pagkatuyo ng aking bibig at hirap ng makaipon ng laway.

Oh My, mukhang hindi ko na talaga kakayanin pang maglakad. Nagsisimula ng manginig ang aking mga tuhod. Pero kung dito ako sa lugar na ito bibigay, baka wala man lang makakita sa akin at tumulong. Baka dito na magtapos ang aking buhay at maging pagkain ng mga ibon at ilang hayop ang aking katawan.

Kailangan ko pang maglakad palayo. Mas malapit sa nayon mas maganda. Mas malaki ang pagkakataon na mag-survive ako.

Pinilit kong inalala si Mommy. Kailangan ko siyang balikan sa 2011. Kailangan niya ako. Kaya kailangan kong makita ang mga kwintas.

Iyon ang isiniksik ko sa isip na nagpalakas sa akin sa sumunod na tatlumpung minutong paglalakad pa. Mayamaya lang ay inaatake na naman ako ng panghihina ng loob, ng kawalang pag-asa...na mukhang hindi ko na talaga kaya pa.

Si Kenn naman ang inisip ko at ang posibleng umusbong na magandang samahan sa pagitan namin. Nakaramdam akong muli ng lakas ng loob para magpatuloy.

Kailangan kong makita si Kenn, iyon ang sabi ko sa sarili ko habang patuloy ako sa paghakbang sa lalong papainit na sikat ng araw at pamamaltos ng aking mga paa. Hanggang nawala na sa aking isip kung ilang minuto na akong naglalakad at kung gaano na kalayo ang naabot ko. Focus na focus pa rin ako sa kaiisip na kailangan ako ni Kenn.

Nahihilo na ako. Halos iikot na ang aking paningin.

Pero hindi ako pwedeng bumitaw dahil kailangan ako ni Kenn.

Mahal ako ni Kenn.

Mahal ko si Kenn.

Pero kahit anong pilit kong isipin na malakas pa ako at kaya ko pa ay mismong katawan ko naman ang sumuko na. Tuluyan na akong nadapa sa sobrang sakit na ng aking katawan. Pero ang naiisip ko ay kailangan ko pa ring makalapit sa nayon.

Pinilit kong igapang ang aking katawan. Ramdam ko ang init ng damuhan na lampasan sa aking suot na damit. Ang mainit na singaw ng natutuyong damo na nanunuot sa aking ilong na nagpapalala ng aking pagkahilo.

Hindi ko na tuloy alam kung nanaginip lang ako ng gising nang saglit na pag-angat ng mukha na nakasubsob sa damuhan ay may makita akong isang pares ng sapatos na suot ng isang lalaking sa pagkakatayo ay naliliman ng anino nito ang aking mukha sa sikat ng araw.

"Sino ka? Bakit ka nandito?"

Nanlalabo na ang aking paningin kaya hindi ko na siya mamukhaan. Napakapit ako sa isa niyang sapatos.

"Rhon...Santillan...tu..tulungan mo ako."

Ramdam ko ang paghawak niya sa magkabila kong balikat saka pag-alalay na ako'y maitayo. "Rhon Santillan ba ang sabi mo?" nasa boses nito ang sobrang pagka-interes.

Tumango lang ako bago tuluyang umikot ang aking paligid.

1 comments:

royvan24 April 19, 2011 at 6:10 PM  

I LOVE IT! at sino ang nakakita ka rhon?

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP