Dreamer C19

Saturday, March 19, 2011

Chapter 19
Late and Regrets: Hope from Tragedies

“Emil!” gising ni Aling Choleng kay Emil. “Emil!” sabi pa ulit nito sabay yugyog sa anak.
“Bakit nay?” pupungas-pungas na tanong ni Emil sa ina.
“Bangon ka muna at may ipapakilala ako sa’yo.” masuyong pakiusap ni Aling Choleng sa anak.
“Sige po nay!” sagot ni Emil saka bumangon.
Wala ng tingin pa sa salamin o kaya naman aysuklay at ayos pa ng buhok na lumabas si Emil.
“Kuya Benz! Kuya Vaughn!” bati ni Emil sa dalawa na siyang una niyang nakita.
“Bunso, tara nga dito!” tila utos ni Benz sa kapatid niya.
“Wow naman!” bati ni Emil. “May bunso nang nalalaman!” pang-aasar nito sa bagong tawag sa kanya ng kanyang Kuya Benz.
Mula sa may pintuan ay may dalawang babaing pumasok sa kanilang bahay. Una niyang nakita ay ang matandang naka-wheel chair at matapos niyon ay ang isang babae namang kamukha ng kanyang nanay.
“Nay!” puno nang pagtatakang sambit ni Emil saka tumingin sa ina. “Sino po sila?” naguguluhang tanong po nito.
“Siya ang lola mo at siya naman ang Tita Cecilia mo, kakambal ko.” nakangiting sagot ni Choleng.
“Talaga nay?” masayang saad ni Emil na wari bang nakalimutan niya ang lahat ngdala niyang problema. “Paano kayo nagkita?” tanong pa nito.
“Pasalamat ka sa Kuya Benz mo at sa Kuya Vaughn mo!” sagot ni Aling Choleng.
Napapalatak pang lumapit si Emil sa kapatid at saka ito niyakap. “Salamat Kuya Benz!” pasasalamat pa ni Emil sa kapatid niya.
“Ayos lang ‘yun bunso!” nakangiting sagot ni Benz. “Sa Kuya Vaughn mo? Hindi ka ba magpapasalamat man lang?” tanong ni Benz.
“Siyempre, magpapasalamat din!” nakangiting tugon ni Emil.

“Tama lang!” saad ni Vaughn. “Pasalamat ka din sa pinsan mo!” wika pa nito.
“Pinsan?” muling naguluhang tanong ni Emil.
“Anak ko si Vaughn! Emil.” sagot ni Cecilia sa katanungang iyon ni Emil.
“Biruin mo, natulog lang ako, tapos paggising ko may tita, lola at pinsan na akong bigla.” biro pa ni Emil.
Nilapitan niya ang kanyang lola at saka ito niyakap ng mahigpit. Napaluha ang matanda dahil sa ginawang iyon ni Emil. Ramdam na ramdam niya kung gaano ito kasabik sa lola at ganuon din naman si Emil na ramdam kung gaano kagusto ng matanda ang makita ang apo niya kay Choleng.
Mahabang diskusyon ang naganap sa mag-ina ukol sa gagawing paglipat nila sa mansion ng mga Buenviaje. Ayaw niyang lisanin ang Malolos, subalit dala na din ng kagustuhang mapasaya ang ina at ang kanyang lola ay napapayag siya sa kundisyong hahayaan siyang bumalik-balik sa Malolos para bisitahin ang pamilya ng kanyang ninong Mando at mga kaibigan sa lugar na ‘yun. Matapos makapagpaalam ay agad na silang umalis at pumunta na sa datin niyang bayan.
Habang binabagtas ang daan ay muling nagbabalik kay Emil ang lahat ng alaala ng nakaraan. Ang kalsadang kani-kanina lang ay tinakbuhan niya, ngayon ay muli niyang dinadaanan. Ang bahay nila Ken kung saan din niya ito iniwan ay kanya ding nadaanan. Ang alaala ng kanilang pagkabata ay muling tumitimo sa kanyang isipan na nagdudulot ngayon sa kanya ng labis na pait at sakit. Pagpipigil sa mga luhang ngayon ay itinutulak palabas ng kanyang malungkot na nararamdaman.
“May problema ka?” tanong ni Benz sa kapatid ng mapansin nitong nalamukos ang mukha ni Emil.
“Wala! Wag mo na lang akong intindihin.” pagtanggi ni Emil.
“Sus! Umamin ka nga!” pamimilit pa ni Benz.
“Wala nga!” giit ni Emil.
“Magtatanong na lang ako sa iba kung ayaw mong sabihin!” may pagtatampo kay Benz.
“May ganun!” sagot ni Emil. “Good luck kung may makuha kang sagot!” saad ni Emil.
Namangha si Emil sa nakita, sa laki ng bahay, sa lawak ng hardin, sa mga bulaklak sa paligid na nakatanim, sa landscape nang buong kapaligiran, sa makaluma ngunit modernong arkitektura ng bahay, detalyado subalit simpleng disenyo ng bahay, elegante at hindi nakakasawang tingnan na bahay.
“Dito ba talaga tayo titira?” tanong ni Emil sa ina na waring nananaginip.
“Oo anak!” sagot ni Choleng.
“Duon ka sa dating kwarto ni Vaughn!” saad pa ni Cecilia.
“Pero Ma! Saan naman ako matutulog pag nandito ako?” tila tutol ni Vaughn.
“Hindi na ikaw ang bunso ng pamilya hijo, kaya si Emil na ang matutulog sa silid mo.” sabi pa ni Cecilia. “Ikaw, duon ka sa dating kwarto ng Kuya Glenn mo.” saad pa ng senyora.
“Ayoko nga dun!” kontra ni Vaughn. “Gusto ko dun sa dating kwarto ni Kuya Alex.” tila suhestiyon pa ni Vaughn.
“Ikaw ang bahala, basta ibigay mo kay Emil iyong kwarto mo ngayon.” sabi pa ni Cecilia.
Hindi na pinauwi pa ni Aling Choleng si Benz sa condo nito, duon na lang din niya ito piankiusapang matulog dala na din nang pag-aalala dahil sa masyado nang gabi at delikado na kung bibyahe pa ang binata. Pinili niyang makasama na lang si Vaughn sa kwarto kaysa sa bumukod pa at mas gusto naman talaga niyang mayakap buong magdamag ang taong nagtrali na sa kanyang puso.
Hindi naging mahimbing ang tulog ni Emil nang mga oras na iyon. Bukod sa hindi pa siya sanay sa bagong buhay na nagkaroon siya at naninibago pa ang katawan niya sa higaang nakahanda sa kanya ay labis pa din ang lungkot na mayroon sa puso niya. Lungkot na puno din nang pag-aalala. Pabiling-biling siya sa higaan nang may kumatok.
“Pasok!” saad ni Emil.
“Bunso!” bati ni Benz. “Natutulog ka na ba?” tanong pa nito.
“Hindi nga ako makatulog eh!” malambing na sagot ni Emil.
“Asus!” sabi ni Benz. “Umamin ka nga sa akin!” sabi ni Benz na tila inuutusan si Emil.
“Ano naman ang aaminin ko?” buong kaba niyang tanong.
“What happened?” tanong pa ni Benz.
Nanatiling tahimik lang si Emil.
“Para saan pa at naging kuya mo ako kung hindi mo naman sasabihin ang problema mo?” may tampo sa tinig ni Benz.
“Kuya.” malungkot na wika ni Emil saka tumingin sa mukha ng kuya niya.
“Pagtiwalaan mo ako!” buong sinseridad na giit ni Benz.
“Kuya!” naluluhang wika ni Emil. Wala nang pagdadalawang-isip na sinimulan ni Emil ang pagkukwento. Humantong na din sa punto na napaiyak ng tuluyan ang writer sa dibdib ng kanyang kuya na direktor.
“Kaya pala malungkot ka!” sabi naman ni Benz.
Napatango lang si Emil dahil hindi na din niya alam pa ang sasabihin.
“Ganito kasi ‘yan!” simula ni Benz sa pagpapayo para sa kapatid. “Ikaw ang nagpagulo sa lahat. Bakit ba iniisip mo na agad ang sasabihin ng ibang tao? Isipin mo na muna sana ang kaligayahan mo. Bakit ka kikilos para lang sa kaligayahan ng mga mata nila kung ang puso mo naman ay umiiyak? Bakit mo ipipilit ang social norms sa buhay mo? Sa oras na ipasok mo ang social norms of conservative na ‘yan sa buhay mo, tinatanggalan mo na ang sarili mo ng kalayaan para makapag-isip, kumilos at magsalita.” payo ni Emil sa kapatid. “Hell is other people!” mabigat pa nitong paratang. “Hell is other people in a sense na pinipilit mo na ang sarili mo para kumilos nang naaayon sa gusto nilang makita kahit na nga ba nahihirapan ka! Hell is other people who only see the evilness in you! Hell is other people who does harm to other people. Hell is other people who only see what they wanted to see.” paliwanag pa niya sa mabigat na paratang na ito.
“Nasaktan ako Emil!” simula ulit ni Benz. “Iniisip mong hindi kayo magtatagal dahil sa sitwasyon ninyo, para bang sinampal mo na ako sa mukha na hindi din kami magtatagal ni Vaughn, na maghihiwalay din kami, na iiwan din naming ang isa’t-isa.” sentimyento pa ni Benz. “Para bang tinanggap mo na wala talagang patutunguhan ang same sex relationship dahil sa ginagawa mo ngayon, para bang ipinapamukha mo na sa mundo na walang karapatang magmahal ang lalaki ng kapwa niya lalaki! Para bang ipinagdamot mo na din sa lahat nang nasa third sex ang magmahal nang kung sino man ang gusto nila.”
“Madaya ka Emil!” simula ulit ni Benz. “Madamot ka pa! Ipinagdadamot mo kay Ken ang pagmamahal mo para sa kanya at ang pagmamahal na dapat niyang makuha. Madaya ka kasi niloloko mo ang sarili mong makakalimutan mo ang laman ng puso mo at madaya ka kasi nilalamangan mo si Ken at tinatanggihan mo ang pag-ibig niya kahit gusto mo naman!” may paninisi pang turan ni Benz.
“Nasubukan mo na bang pumasok sa relasyong kinakatakutan mo at nasabi mong hindi nga kayo magtatagal?” tanong pa ni Benz. “Takot ba ang dahilan mo? Ang takot, nakakamatay at ang takot na yan ang magiging sanhi nang habang-buhay mong pagdurusa at panghihinayang. Bakit ka matatakot sa hindi mo pa alam kung pwede mo namang alamin kung ano ang kinakatakutan mo.”
“Sana mag-isip ka ng mabuti!” pagwawakas ni Benz saka tumayo sa higaan ni Emil.
“Ang paglaladlad ay isang habang-buhay na sakripisyo.” sagot naman ni Emil saka unti-unting dumaloy ang luha sa kanyang mga mata. “Panghabang-buhay na sakripisyo dahil sa oras na ipagsigawan ko sa buong mundo na bakla ako, habang-buhay na din nila akong kukutyain, ituturing na abnormal, lalapastanganin at ituturing na iba sa kanila. Masakit iyon para sa akin kuya Benz! Hindi mo ako kasing-tibay, mahina ako, mahinang-mahina na kahit kaligayahan ipagdadamot ko sa sarili ko.”
“Baluktot na katwiran ‘yan Emil!” may pagdadamdam sa himig ni Benz. “Pero ikaw, kung saan ka dadalin ng katwiran mo! Basta pag-isipan mo lahat ng ipinayo ko sa’yo!” saka tuluyang lumabas sa kwarto si Benz.
“Salamat kuya Benz!” sagot ni Emil bago tuluyang makalabas ang kapatid niyang si Benz.
Buong gabing pinaglaro ni Emil sa isipan ang lahat ng sinabi sa kanya ng kapatid at lahat ng agam-agam niya sa kasarian. Maagang nagising ang tila walang tulog na si Emil dahil kailangan niyang maging maaga sa opisina ni Mr. Ching sa Metro-Cosmo. Sumabay na din siya sa Kuya Benz niya na may bagong project at bagong kontratang pipirmahan. Malinaw na ang lahat para kay Emil ngayon at isang bagay na lang ang dapat niyang gawin, ang ayusin ang lahat ng bagay na nagawa niya. Hahanap lang siya ng tamang tiyempo at bubwelo muna ng maiigi bago simulan ang pagsasa-ayos ng lahat.
“Salamat Kuya!” pasalamat ni Emil sa kapatid pagkababa nito sa Metro-Cosmo.
“Good luck bunso!” tugon naman ni Benz saka kinindatan pa si Emil.
Dahan-dahang pumasok sa opisina ni Mr. Ching at maingat ding sinara ang pinto. Magalang na bumati at malumanay na lumapit sa lamesa nito.
“Dala mo na ba ang kwentong dapat na maisubmit mo ngayon?” tanong ni Mr. Ching.
“Of course Sir!” masayang sagot ni Emil. “Katatapos ko lang po kahapon ng umaga ng Sa Pagitan ng Tama at Mali at ipiprint po iyong article tungkol kay Ken, nasa CD po pareho iyong assigned articles ko. Kahapon lang po kasi natapos iyong interview ko sa kanya.” paumanhin pa ni Emil.
“Good job!” bati ni Mr. Ching sa bagong alagang writer. “Maaga ka sa deadline mo para sa article tungkol kay Ken. I’m impressed!” nakangiting saad ng Editor-in-Chief.
“Thank you Sir!” tugon ni Emil. “Mauna na po ako!” paalam pa ni Emil dito.
“Ingat ka!” paalala pa ni Mr. Ching.
“I will sir!” tugon ni Emil.
Nagmamadaling bumaba ng hagdan si Emil. Patakbo itong bumaba na tila ba may hinahabol. Habang pababa may nakabangga siyang isang lalaki.
“Aray!” sabi ng lalaki. “Mag-iingat ka kasi!” bulyaw pa nito.
“Sorry po!” paumanhin naman ni Emil saka tinulungang tumayo ang lalaki at tumulong pulutin ang mga gamit nitong nailaglag.
“Bien Emilio?” tanong ng lalaki nang mamukhaan ang nakabangga niya.
“Yes! Ako nga!” nagtatakang wika ni Emil.
“Ikaw nga ang hinahanap ko!” masayang saad ulit ng lalaki.
“Bakit?” tanong ni Emil.
“I’ll tell you later.” sagot nang lalaki. “Can you join me for breakfast ngayon?” aya pa ng lalaki.
“What reason?” pangungulit ni Emil.
“Don’t worry, business talk to.” sabi pa ng lalaki. “By the way I’m Jason Robles.” pakilala pa nito kay Emil.
Dala ng curiosity ay sinamahan niyang kumain si Jason.
“Well,” simula ni Jason. “I’m from the independent movie industry and my production team is interested with your Third Row, Third Line.” pagbabalita pa nito.
“Oh!” reaksyon ni Emil. “It surprises me a lot! Sure, no problem!” sagot ni Emil.
“Tiyak na matutuwa ang lahat dahil sa balita mo.” masayang tugon ni Jason dito. “Pero mas magiging masaya kami kung sasama ka sa team.” suhestiyon pa ni Jason.
“I’ll be glad, pero may existing contract pa ako sa Metro-Cosmo.” malungkot na wika ni Emil. “But, kakausapin ko si Mr. Ching, baka naman kasi exempted ang digital film sa contract namin.”
“I’ll wait for your positive response.” turan ni Jason saka ibinigay ang calling card niya kay Emil.
“Here’s mine!” saad naman ni Emil saka sinulat ang number niya sa papel at ibinigay kay Jason.
Itinuloy na nila ang pagkain at nang matapos nga ay naghiwalay din ang landas nila.
“Text text na lang!” sabi pa ni Jason bago tuluyang mahiwalay kay Emil.
Hindi pa man nakakasakay ng bus ay may nagtext na agad sa kanya.
“Bunzo, san kna? Pnapuwi tau ni pa sa laguna naun!” sabi ni Benz sa text.
“Hala! Punthn mo nlng po ako sa terminal.” reply ni Emil.
“I’l b der in 15mins.” sagot naman ni Benz.
“Hulong! I’l w8” reply ulit ni Emil.
“Lokong Benz ‘yun ah!” reklamo ni Emil. “Aba’y nakakalimang bus na ang nakakaalis wala pa din!”
“Sino ako bunso?” tanong ni Benz habang tinatakpan ang mga mata ni Emil.
“Loko mo!” simula ni Emil. “May iba pa bang tumatawag sa akin ng bunso?” balik na tanong pa ni Emil. “Kuya Benz siyempre.” wika pa nito.
“Galing naman!” sagot ni Benz saka inakbayan si Emil. “Tara na!” aya pa nito.
“Fifteen minutes pala ah!” asar na turan ni Emil. “Baka fifty minutes!” saad pa nito.
“Sorry naman!” sagot ni Benz. “Sa Pulilan pa kaya ako galing.” paliwanag pa nito.
“Bakit? Anong ginawa mo duon?” nagtatakang tanong pa ni Emil.
“Eto oh!” wika ni Benz saka binuksan ang pintuan ng kotse niya.
“Emil!” bati ni Aling Choleng. “Halika na!” aya pa nito.
“Aba si nanay!” ganting bati ni Emil. “Nagmumurang kamatis!” buyo pa nito.
“Ikaw na bata ka!” natatawang wika ni Aling Choleng. “Halika na at ng makilala mo ang pamilya ng tatay mo!” aya pa nito sa anak.
Malugod naman silang tinanggap nang pamilya ni Benz. Si Doña Cristina at Choleng na bagamat alangan sa simula ay nagkasundo din naman habang tumatagal. Nakilala din ni Emil ang dalawa pa niyang kapatid, isang Kuya at isang Ate na kapwa may asawa na at maging ang mga pamangkin niya. Masaya silang tinanggap ng mga ito dahil sa simula pa lang pagkabata ay sinabi na sa kanila ng kanilang ama na may kapatid nga sila sa labas.
“Hello!” sagot ni Emil sa tawag galing sa isang hindi rehistradong numero.
“Sino po sila?” tanong ni Emil dito.
“Jason ‘to. Iyong nakausap mo kanina!” sagot pa nito.
“Sorry, hindi ko pa kasi na-sasave yang number number mo.” paumanhin pa ni Emil.
“It’s not a big deal.” sagot ni Jason. “Ang big deal ay pumayag na si Mr. Ching para maging part ka ng production team.” pagbabalita pa ni Jason.
“Talaga?!” halos hindi makapaniwalang naibulalas ni Emil.
“Tawagan mo si Mr. Ching para mai-confirm mo.” sagot pa ni Jason. “Magsisimula na tayong maghanap ng cast and we decided to go in Baguio para magpa-audition.” balita pa ni Jason. “And we thought that it would be better and best if the original author will be part of the selection process.”
“Sure! Kailan ba ang simula?” tanong pa ni Emil.
“Three days from now!” sagot ni Jason.
“Sige, tatawagan ko lang si Mr. Ching and sasama ako sa audition.” balita pa ni Emil.
Nagkausap nga sina Mr. Ching at Emil ukol sa gagawin niyang pag-sama sa isang independent film production at tama nga si Jason dahil pinayagan siya ng Editor-in-Chief na maging bahagi nito. Ngayon nga ay ang araw ng alis niya papuntang Baguio at kasama niya ang Kuya Benz at Kuya Vaughn niya. Ang problema niya kay Ken ay aayusin niya pagkatapos ng nasabing audition.
“Bilisan naman ninyo!” pakiusap ni Emil sa kanyang mga kuya.
“Nagmamadali! May humahabol?” sarkastikong tanong ni Benz.
“At sumasagot ka na ngayon sa bunso mo?” ganting sagot ni Emil. “Hindi tayo ang hinahabol, tayo ang humahabol.”
“Itigil na nga ninyo iyan!” pag-gitna ni Vaughn sa dalawa. “Lalo tayong tatagal.”
“Si bunso kasi, masyadong atat!” nakangiting wika na ni Benz saka niyakap sa patalikod si Vaughn.
“Tumigil ka nga Benz baka makita tayo ng iba!” saway ni Vaughn sa kasintahan.
“Ano naman kung makita nila? May magagawa ba sila kung mahal natin ang isa’t-isa?” tanong pa ni Benz.
“Emil, pagsabihan mo nga itong kapatid mo!” kinikilig na saad ni Vaughn.
“Loko n’yo!” kontra ni Emil. “Halina na nga kayo at baka wala na tayong abutan dun!” aya pa ni Emil sa dalawa.
Tatlong oras at mahigit din silang nagbiyahe papunta sa Baguio. Si Benz ang drayber habang si Vaughn ay nakaupo sa harapan katabi, kaharutan at kalampungan ni Benz at si Emil naman ay nasa likuran at umidlip sandali para mabigyan ng sapat na oras ang dalawa para makapagsarili. Pagkadating sa Baguio ay agad nilang hinanap ang sinabing address ni Jason para sa audition at ang tutuluyan nila. Hindi din naging matagal dahil nakita nila agad ang hinahanap, ibinaba ang gamit sa tutuluyan nila at saka pumunta sa audition room. Nagulat si Emil dahil sa nakitang madami ang nakapila para mag-audition sa gagawin nilang independent film.
“Sakit sa bangs!” komento ni Emil sa unang nag-auditon.
“Yun na ‘yun?” sabi niya sa pangalawa.
“Anong kasunod?” sabi niya sa pangatlo.
“Ngumiti ka na lang hah!” sabi niya sa pang-apat.
“Pwede na!” sabi niya sa pang-lima. “Pwede nang janitor sa kwento.” dugtong pa niya.
Madalas na napapataas ng kilay at napapakunot ng noo si Emil sa mga pinaggagagawa ng mga nag-aaudition. Sa tuwing magbibigay naman siya ng komento ay laging nakangiti, kung kayat hindi mo talaga kayang unawain kung ano ang laman ng isip nito.
“Poker Face ka pala Emil!” sabi ni Jason kay Emil. “Mataas pa ang standards mo!” nakangiti pa nitong turan.
“Bakit naman?” tanong pa ni Jason kay Emil.
“Rejected lahat, pero nakangiti ka kung magbigay ng bad comments.” sagot ni Jason.
Sa katotohanan lang ay habang sinusulat ni Emil ang kwento nang Third Line, Third Row isang tao lang ang laman ng isip niya at sa tingin niya ay nakakaapekto ito ngayon sa ginagawa nilang audition dahil ang hinhanap niya ang ang katangian, hindi ng karakter sa kwento kung hindi ay ang katangian nang taong laman ng isip niya habang sinusulat ang istorya.
“First movie ko ‘to kaya dapat screened lahat.” masayang tugon ni Emil kay Jason. “Saka nakangiti lang naman ako para seryosohin nila iyong sasabihin ko.”
“Ewan ko sa’yo!” natatawang wika ni Jason na hindi makapaniwala sa nakikita niyang Emil. “Ayan na iyong kasunod.” sabi pa nito.
Matapos makapagperform ang gwapong-gwapo at machong-macho na nag-audition ay agad na nagbigay ng comment ang mga kasamahan ni Emil. Lahat nang sinabi ng mga ito ay puro magaganda at pawang papuri lang.
“Clarify ko lang po ah!” simula ni Emil sa komento niya. “Musical, Drama at Comedy po ang dating nitong kwento natin kaya nirerequest kayong kumanta, sumayaw, magpakakwela at umiyak.” paglilinaw pa nito. “I can say leading ka sa karera, but hindi ka pa pasok sa banga.” maikling komento ni Emil.
“Emil!” react ng mga kasamahan niya na nagpapa-audition.
“Sorry pero either sa dalawang lead roles natin hindi pasok.” sabi pa ni Emil.
“What do you want from me?” mayabang at sarkastikong banat ng nag-auditon. “Alam ko namang gusto mo lang akong ikama para matanggap sa role na ‘yan!” sabi pa nito.
Umakyat ang dugo ni Emil sa sinabing iyon ng lalaki. Hindi siya makapaniwalang mababa pala ang tingin sa kanya nito at naisip ang ganuong bagay.
“What do I want from you?” ulit ni Emil sa tanong ng lalaki saka ito tiningnan mula ulo hanggang paa. “Talent” madiing sagot ni Emil. “Kaso wala ka pala nun eh!” habol pa ni Emil.
Tila napahiya naman ang nag-audition dahil sa inasal niya sa harap ng mga ito at mas lalo siyang napahiya nang magsalita na si Emil.
“Hindi mo ako kasing baba!” sabi ulit ni Emil. “Lalong hindi ko kailangan ng callboy sa kwento na’to at sa pelikula na’to. Mas malinis pang maituturing ang mga callboy sa labas kung ihahambing sa’yo. Hindi ako katulad ng iba na after one-night stand pasok na sa role at huwag mo akong itutulad sa iba at hindi ako ang taong iniisip mo.” sabi pa ni Emil.
Nahihiyang lumakad palabas ang lalaki na sinabayan pa ng pagbubod. “Akala mo naman kung sinong magaling!” saad ng lalaki. Narinig ni Emil ang sinabing ito ng lalaki kaya naman sinabayan niya ng pagkanta ang paglabas ng lalaki.
Just go get in
I’m working it out
Please don’t give in
I’ll never let you down
And last we heard
We have second to breath
Just get coming around
What do you want from me?
What do you want from me?
What do you want from me?
Napahinto naman ang lalaki at natulala ang lahat nang nakarinig kay Emil. Matapos kumanta ay nagpalakpakan ang lahat.
Lalong napahiya sa sarili ang lalaki kung kayat bago lumabas ay humingi muna siya ng tawad kay Emil.
“Sorry!” mahinang paumanhin ng lalaki.
“Forgiven!” sagot ni Emil.
Nasa akto na ng paglabas ang lalaki nang muling magsalita si Emil.
“Mr. Josh de Guzman!” tawag ni Emil sa lalaki. “Wait for our call.” habol pa nito. “Pero sana hindi ka na callboy ah!”
Napangiti naman si Josh sa sinabing iyon ni Emil. “Salamat!” saad pa nito saka lumabas.
“Positive!” bati ni Jason kay Emil. “Ikaw na lang kaya ang gumanap?” suhestiyon pa nito.
“Oo nga!” sang-ayon pa ng iba.
“Joke ba ‘yun?” tanong ni Emil.
“Grabe ka!” reaksyon pa ni Jason. “Pinakitaan mo ng talent iyong bata na sa bandang huli tinanggap mo din!” sabi pa ni Jason.
“Sayang naman kasi!” may panghihinayang na wika ni Emil. “Maiimprove pa naman saka pwede naman siya kahit supporting role lang.” nakangiti pa nitong turan.
“Hindi ka nagalit?” tanong pa ni Jason.
“Professionalism!” sagot ni Emil. “Hindi dapat pinepersonal ang trabaho.” sagot pa nito.
“Sige, break na muna tayo!” sabi pa ni Jason. “Tanghali na, nagugutom na ako!” dugtong pa nito.
Habang nasa audition si Emil ay iyon namang paglalambingan nila Vaughn at Benz.
“Benz!” tawag ni Vaughn sa mahal niya. “Mamangka tayo!” aya pa nito.
“Huh!” reaksyon ni Benz. “Ayoko nga!” tangi pa ng binata.
“Sige na!” paglalambing pa ni Vaughn.
“Hindi pwede!” giit ni Benz.
“Ano naman ang gagawin natin dito eh sawa na ako kakapunta ng Baguio.” reklamo ni Vaughn.
“Tatanuran si bunso!” sagot ni Benz.
“Loko!” tugon ni Vaughn saka binatukan si Benz.
“Bakit ka ba namamatok!” reklamo ni Benz.
“Kung kay Emil mo sinabi ‘yan malamang mas matindi pa sa batok ang ginawa sa’yo nun!” sagot ni Vaughn. “Kay laki na nung tao tatanuran mo pa! Kaya lang naman pumayag ‘yun na sumama tayo kasi gusto niya magkasama tayo ngayon!” paliwanag pa ni Vaughn.
“Asus!” sabi ni Benz. “Tampo ka na niyan?” tanong pa nito.
“Ang Vaughn ko talaga!” wika pa ni Benz saka niyakap si Vaughn.
“Tumigil ka nga!” kinikilig na saway ni Vaughn na sa totoo lang ay gusto niya ang ginagawa ni Benz sa kanya.
“Kunwari pa ‘to!” sabi ni Benz na hindi kumakalas sa pagkakayahap. “If I know kinikilig ang tumbong mo!” saad pa ni Benz kasunod ang mahinang tawa.
“Hindi kaya!” tanggi ni Vaughn kahit na natumbok na ni Benz ang nararamdaman niya.
“Hindi daw oh!” kontra ni Benz. “Bakit namumula ka?” tanong pa nito.
“Wala! Malamig kasi dito!” tugon ni Vaughn. “Halika na nga!” saad ni Vaughn sabay hatak kay Benz patayo.
“Benz!” madiing tawag kay Benz ng isang baritono at pamilyar na tinig.
“Pa!” nanginginig na sagot ni Benz.
“Explain!” pigil ang galit na wika nito.
“I will pa!” inakyatan ng takot na tugon ni Benz.
Ganuon din naman si Vaughn na tila naipako na sa kinatatayuan sa nakitang ang papa ni Benz ang kaharap nila at galit na galit na animo’y papatay ng tao.
Sa kwartong tutuluyan nag-usap ang tatlo. Oo, galit na galit si Don Florentino at tama, nakita nga niya ang nangyayari sa dalawa.
“Pa!” simula ni Benz. “I love Vaughn!” saad pa ni Benz saka hinawakan sa kamay si Vaughn.
“Bitawan mo iyan Benz!” sigaw ng Don. “Nandidiri ako!” habol pa nito na kahit ayaw niyang sabihin ang mga huling kataga ay pinilit niyang maiusal iyon.
Waring nasampal nang isang milyong puro piso si Vaughn sa narinig niya mula sa ama ni Benz. Sa pakiramdam niya ay bibigay na ang mga tuhod niya at lalamunin na siya ng lupa dahil sa sinabing iyon ng Don.
“Kung nandidiri kayo, simulan na po ninyong masanay dahil hindi ko iiwan si Vaughn kung iyon ang sasabihin ninyo.” buong tapang na tugon ni Benz.
Nagkukuyom man ang damdamin ay pinigil niya ang sarili para hindi masaktan ang anak.
“Benz! Bakit mo nagawa ‘to?” tanong pa ng Don na kahit gigil na ay babakasan mo pa din ng pag-aalala.
“Alam ko pa na nag-aalala lang kayo para sa akin at kung pag-aalala man ‘yan ay magagawa ninyo akong unawain.” tila simula ng litanya ni Benz sa ama niya.
“Alam mo namang matalas ang dila ng mga tao sa mga ganyan. Matalim ang mga mata ng tao sa mga relasyong pinapasok ninyo.” buong simpatya at pag-aalalang turan ng Don.
“Wala kayong dapat alalahanin pa!” tila pagpapakalma ni Benz sa ama. “Kahit na gaano katalas at katalim, basta’t matibay kami at nagtitiwala, hindi nila kami kayang ibagsak.” paninigurado nito.
“Pero anak!” kontra pa sana ni Florentino.
“Pero pa! Hayaan naman po ninyong patunayan namin sa buong mundo na may karapatan din naman kaming lumigaya sa piling ng taong tunay naming mahal.” pakiusap pa ni Benz na pilit kinukuha ang simpatya ng ama.
Sa totoo lang ay hindi siya tutol sa desisyon ng anak, talagang nabigla lang siya sa nakita niya na hindi sinasadya. Nauunawaan din naman niya ang kalagayan nito kaya imbes na magalit ay inunawa na lang niya ang naging pasya ni Benz.
“Patunayan ninyo muna sa akin na mahal ninyo ang isa’t-isa para makuha ninyo ang basbas ko!” tila may paghamon pa sa tinig ng Don.
“Walang problema pa!” napangiting wika ni Benz.
Ang kaba ni Vaughn ay napalitan na ngayon ng hindi mapantayang ligaya dahil sa naging takbo ng pangyayari.
“Tay!” wika nang papasok na si Emil. “Anong ginagawa ninyo dito?” nagtatakang tanong pa ni Emil.
“Tiningnan ko lang iyong resthouse na pinapagawa ko at nakita ko ang kuya Benz mo kaya ako napadaan na din dito.” paliwanag naman ng Don.
“Ayos ah!” sagot ni Emil.
Nagka-usap pa sila kahit ilang minuto lang saka bumalik si Emil sa audition room para ituloy ang paghahanap nila sa magiging cast ng pelikulang gagawin. Nagpaalam na din ang Don at bumalik na nang Laguna at sina Benz at Vaughn naman ay namasyal nang masayang-masaya dahil sa wakas ay nabawasam ang tinik na nasa daan nila.
“Naman!” wika ni Emil. “Ratsada na tayo ah!” sabi pa nito.
“Hindi ko nga akalaing aabot ng fifty plus ang matatapos natin bago maghapunan.” may pagsang-ayon kay Jason.
“Sabi nila may naghihintay pa daw na mga applicants.” turan pa ni Emil.
“Yes, nasa twenty pa ata sila. Mga humabol.” sabi pa ni Jason. “Siya, magdinner kana para maaga tayong makapagresume.”
“Yes direk!” nakangiting wika ni Emil.
Mabilis lang na kumain si Emil at pagkatapos kumain ay napagdesisyunan niyang agad nang bumalik sa audition area. Sa paglalakad niya papunta sa audition room ay napansin niyang bukas ang kwartong halos katabi lang ng kwarto nilang magkakapatid. Hindi alam ni Emil na may kung anong bagay ang nagtulak sa kanya para alamin ang nasa loob niyon. Lakas loob niyang nilapitan ang pintuan at maingat na sinilip ang bukas na pintuan. Sa laki nang pagsisisi niya ay isang bagay ang hindi niya inaasahang makikita. Labis na pagkabigla ang nararamdaman ni Emil at ang masaya niyang aura ay unti-unti nang nilalamon ng kung anong kalungkutan, pait, sakit at hinagpis. Nag-uunahang tumulo ang luha sa mga mata niya na sa tingin niya ay mga dugong pumapatak. Nawalan na siya ng lakas para mabuhay sa kung ano ang nasisilayang ng mga mata niya at sa naririnig ng kanyang tainga. Si Ken! Oo si Ken ang nasa loob ng silid na iyon.
“Mahal na mahal kita!” masuyong bigkas ni Ken nang mga katagang iyon sabay haplos sa mukha ng isa pang lalaking kasama nito sa kwarto.
Sa pakiramdam ni Emil ay mawawalan na siya ng hininga nang mga oras na iyon. Pinagsukluban siya ng langit at lupa sa naririnig at nakikita.
Dahan-dahang inilapit ni Ken ang mga labi sa labi ng lalaking kasama nito.
Hindi na kaya pa ni Emil ang nakikita kaya naman bigla siyang tumakbo at ang pagtakbo niyang iyon ay nadulot ng isang mahinang ingay na sapat na para mapukaw ang atensiyon nila Ken.
Tumakbo ng mabilis na mabilis na animo’y may hukbong tinatakasan. Tumakbo ng mabilis na mablis na animo’y hinahabol ng kamatayan. Tiniis ang lamig at ginaw ng Baguio at ang romantic place na ito ay ngayong grievance yard ni Emil. Tumakbo na ang tanging nasa isip niya ay makalayo sa lugar at makalimutan ang kung ano mang nakita niya. Ang mabilis na takbo ay bumagal hanggang sa maging lakad. Dumatal siya sa minesview ay tumungo sa pinadulo duon. Nakikita niya ang ilaw ng mga kabahayan at ng mga sasakyan na sa wari niyia ay nakikiluksa din sa kanya dahil ang mga ilaw na ito ay mistulang mga patak nang luha na nagniningning.
Nanginginig sa lamig si Emil at sa sobrang lamig ay kaya nitong ibagsak ang resistensya ng binatang manunulat. Ang mahinang katawan ni Emil ay pilit na lumalaban sa panahong kayang papagyelohin ang luhat subalit hindi kayang igapos ang nagwawalang kalungklutang mayroon ang binata. Sa sobrang lamig ay kaya na nitong papagyelohin ang mga luha ni Emil ngunit hindi ang sakit na dala-dala nito ngayon.
“Ken! Bakit ang bilis!” mahinang anas ni Emil na puno ng galit, poot at sakit. “Bakit Ken?” saka napaupo dala na din ng sobrang panghihina at sa sobrang lamig na dala ng hanging amihan na humahampas sa siyudad ng Baguio.

2 comments:

Mars March 19, 2011 at 7:49 PM  

Wow ganda...

Baka shooting lang yun Emil...Sana bunuksan mo nlng ng tuluyan ung pinto para nice hahahha...

1st ba ako?...

Mars March 19, 2011 at 7:59 PM  

Wow ganda...

Baka shooting lang yun Emil...Sana bunuksan mo nlng ng tuluyan ung pinto para nice hahahha...

1st ba ako?...

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP