Dreamer C5

Tuesday, February 15, 2011

Dreamer
Chapter 5
Ambiton, Rejection, Revenge

“Huh?!” biglang napaisip si Emil kung sino ang tumatawag sa kanya.
“Bakit ka umiiyak?” tanong nito sa kanya.
“Marcel?” gulat na tanong ni Emil.
“Hoy Emil, ikaw nga iyan.” masayang salubong ni Mae kay Emil.
“Di ba tape ninyo ngayon?” tanong ni Emil sa mga kaibigan.
“Dahil sa success nang Last Dance pinag-break ko muna sila ngayong araw.” singit nang isang pamilyar na tinig.
“Kayo po pala Direk Benz.” magalang na bati ni Emil kay Benz.
“Mae, halika na!” anyaya ni Marcel kay Mae.
“Pero?!” tila pagtutol ni Mae.
“May gagawin pa tayo.” wika ni Marcel sabay hatak kay Mae.
Naiwan nga sila Benz at Emil subalit tahimik ang pagitan nang dalawa.
“I’m sorry!” wika ni Benz sabay hawak sa kamay ni Emil.
Tila nagulong muli ang damdamin ni Emil. Ang asar niya para sa direktor ay napalitan nang kakaibang kaba, pagkabalisa at panginginig nang kalamnam. Iniangat niya ang mukha subalit para siyang matutunaw nang makitang nakatitig sa kanya si Benz at punung-puno nang sinseridad ang sinasabi nito at nanunuot sa kaloob-looban niya ang pinapahiwatig nang binatang direktor.
“I said, I’m sorry!” pag-ulit ni Benz sa sinabi niya na lalong diniinan ang pagkakahawak sa kamay ni Emil.
Naguguluhan din si Benz, hindi niya mawari kung bakit ba napakahalagang malaman niya ang isasagot ni Emil. Alam niyang mali na hawakan ito sa kamay subalit iba ang idinidikta nang puso niya. Imbes na bitawan ay lalong pagdiin pa ang ginawa niya sa kamay ni Emil.
“Pinapatawad mo na ba ako?” wika ulit ni Benz na patuloy na hinihintay ang positibong kasagutan ni Emil.
Naguguluhan si Emil, napahinto ni Benz ang mundo niya, napatigil nang binatang direktor ang takbo nang oras niya. Natulala niya sa ginawa nito sa kamay niya. Waring ayaw na niyang matapos ang sandaling iyon dahil unti-unti na niyang nagugustuhan. Naguguluhan si Emil, kung kanina ay nangungulila kay Ken, ngayon naman ay ligaya kay Benz ang nararamdaman niya.
“Please answer me!” pamimilit ni Benz na hindi bumibitiw sa pagkakatitig kay Emil.
Agad na binawi ni Emil ang tingin dahil sa tingin niya ay hindi siya makakatagal at bibigay siya sa titig na iyon ni Benz. Ayaw niyang pagsimulan nang malaking gulo ang isasagot niya dala nang labis na kaguluhan ang nararamdaman niya. Agad namang inawat ni Benz ang pagbawi nang tingin ni Emil. Dagli niyang hinawakan sa baba ang baguhang scriptwriter at maingat na iniharap sa kanya ang maamong mukha nito. Hindi naman makuhang tumingin nang diretso ni Emil dahil sa kakaibang kiliti na iyon na nararamdaman niya.
“Anak ka nang nanay mo!” tila naasar na si Benz sa hindi pagsagot ni Emil.
Nagulat naman si Emil sa biglang pagbabago nang reaksyon na iyon ni Benz. “Sabi ko na nga ba, ang mayabang at salbahe, mayabang at salbahe na talaga.” pasigaw na usal ni Emil saka biglang bawi sa kamay niya na hawak pa din ni Benz.
“Ikaw na nga itong pinapakiusapan, ayaw mo pang sumagot.” wika ni Benz na ayaw pakawalan ang mga kamay ni Emil.
“Ano ba Direk, bitiwan mo nga ang kamay ko!” pilit na paghila ni Emil sa kamay niya.
“Hindi ko bibitawan ito hanggang hindi ka sumasagot.” madiing wika ni Benz.
“Sisigaw ako pag hindi mo ako binitawan.” tila pagbabanta ni Emil. Bagamat hindi siya sanay sumuntok o makipag-away, mahina din siya kung ikukumpara kay Benz kaya ipinanakot na lang niya ang pagsigaw.
“Eh di sumigaw ka!” sagot ni Benz na tila naghahamon at may kasiguraduhang hindi iyon gagawin ni Emil.
“Tulong! Tulong! Tulong!” sigaw ni Emil. “Rape!” habol pa nito.
“Anak ka talaga nang nanay mo!” wika ni Benz sabay takip sa bibig ni Emil at kinaladkad ito papunta sa kotse niya.
“Tumahimik ka nga!” sabi ni Benz kay Emil na ngayon naman ay nakadagan siya dito magkalapit na magkalapit ang mga mukha.
Muling tumigil ang oras sa pagitan ng dalawa. Muling nagtama ang kanilang mga paningin at napako sa isa’t-isa. Dahang-dahang inilapit ni Benz ang mukha niya sa mukha ni Emil at nakahanda nang angkinin nang mga labi niya ang labi nang binatang scriptwriter nang –
“Direk!” sigaw nila Marcel mula sa malayo.
Nakahinga nang maluwag si Emil dahil ang bantang iyon ay hindi natuloy. Kung nagkataon ay unang halik niya iyon at sa taong saksakan pa nang yabang at salbahe na labis niyang kinaiinisan.
Naguguluhan at hindi maunawaan ni Benz ang sarili. Hindi niya alam kung bakit bigla niyang naisip na angkinin ang mga labi ni Emil. Isang pagpapasalamat na lang niya at dumating sina Marcel kung kayat naiwasan niyang gumawa nang isang pagkakamali.
“Nag-alala kasi kami sa inyo.” simula ni Marcel.
“Bigla kasi naming narinig na simigaw si Emil kaya pinuntahan namin kayo.” si Mae naman.
“Wala iyon.” sagot naman ni Emil. “Si Direk kasi makulit, ayaw bitiwan ang kamay ko kanina.” katwiran ni Emil.
“Paano naman kasi pinapakiusapan ka na, ayaw mo pang sumagot.” sagot naman nang iritableng si Benz.
“Naku, kung hindi lang talaga kayong parehong lalaki, iisipin kong gusto ninyo ang isa’t-isa.” tudyo naman ni Marcel.
Biglang napahinto ang dalawa – sina Emil at Benz. Umugong sa tainga nila ang sinabing iyon ni Marcel.
“Gusto? Ako may gusto kay Benz?” tanong ni Emil sa sarili na tila nasukol ang isang hindi napapansing damdamin.
“Hindi nga?” saad naman ni Benz sa sarili na katulad ni Emil ay tila nasukol din ang isang damdaming hindi niya pinagtutuunan nang pansin.
“Kung babae man ako, hindi ako magkakagusto sa isang mayabang at salbaheng kagaya ni Direk.” asar na wika ni Emil.
“Aba, at lalo naman ako! Paano ako magkakagusto sa isang tulad mong saksakan nang ummm.” ganti ni Benz kay Emil.
“Yabang mo talaga!” giit ni Emil na asar na asar na.
“Tama na iyan!” awat ni Marcel sa dalawa.
Bigla naming nagring ang cellphone ni Emil.
“Hello!” bati ni Emil sa kabilang linya.
“Emil! Si Ken naaksidente.” wika nang kausap niya sa kabilang linya.
“Hah?” gulat na wika ni Emil.
“Nabangga ang kotse niya. Nasa St. Luke’s siya ngayon.” wika pa nito.
“Sige po Tita Luz.” sagot ni Emil saka nag-end call.
“Una na ako. May pupuntahan pa ako.” wika ni Emil na bakas ang pag-aalala at pagkabalisa.
“Saan ka naman pupunta?” wika ni Benz na apektado na din sa reaksyon ni Emil.
“Diyan lang.” sagot naman ni Emil.
“Samahan na kita.” anyaya ni Benz kay Emil.
“Wag na!” at nagtapon nang ngiti si Emil para sa binatang direktor.
Puno nang pag-aalala ang puso ni Emil nang mga oras na iyon. Pag-aalala, pagkabalisa at higit pa ay ang gulong nasa kaibuturan niya. Sumakay siya nang taxi para maihatid siya sa St. Luke’s sa lalo’t pinakamadaling panahon. Pagkadating niya duon ay inabutan niya ang manager nito na siyang sumundo sa kaya sa hallway nang ospital at si Direk Donald.
“Good Afternoon Sir!” magalang na bati ni Emil.
“Good Afternoon Emil!” sagot ng Direktor. “Salamat at napadaan ka sa anak ko.” wika pa nito at nagbigay nang makahulugang ngiti.
“Anak?!” tila pagtataka sa tinig ni Emil. “Hindi po ba at si Ken ang nasa loob?” tanong nang nagugulumihanang si Emil.
“Anak ko si Ken.” malumanay at nag-aalalang sagot ni Direk Donald. Ibang-iba ito sa Direk Donald na kaharap niya nuong meeting at sa Direk Donald na kaharap niya ngayon. Amang nag-aalala para sa anak ang mas nakikita niya at hindi isang Propesyunal na direktor na nasa set.
“Ganuon po ba.” sagot ni Emil. “Kaya pala pamilyar sa akin ang itsura ni Direk Donald. Sabi ko na nga ba at nagkita na kami dati. Siya pala ang papa ni Ken.” wika ni Emil sa sarili.
Ilang sandali pa at lumabas na ang doktor.
“Kamusta na po Dok?” agad na tanong ni Direk Donald sa bagong labas na doktor.
“Ayos lang siya. Hindi naman seryoso ang nangyari sa kanya. Pasa lang at bali sa binti.” sagot nang doktor.
Tila nakahinga nang maluwag silang tatlong naghihintay sa resulta. Hindi pa man nagtatagal at dumating na din sila Mrs. Cordia na siyang nagbalita kay Emil nang nangyari.
Ang Ken na tulog niyang inabutan ay tulog pa din niyang iiwanan.
“Direk, mauna na po ako sa inyo.” paalam ni Emil sa direktor nila.
“Salamat sa dalaw.” nakangiting sagot nit okay Emil.
“Wala po iyon. Babalik na lang po ako bukas para makapagpahinga naman kayo.” sagot ni Emil.
Dadalawin na muna niya ang ina sa ospital bago tuluyang umuwi sa bahay. Nais na muna niyang masiguradong nasa maayos na kundisyon ang ina bago siya tuluyang makapagpahinga. Gising ang ina nang datnan niya sa ospital. Kausap ang kanyang Ninong Mando at ang iba pa nitong kumare at kaibigan.
“Mano po nay!” bati ni Emil sa ina.
Tila walang narinig si Aling Choleng at patuloy padin sa pakikipagkwnetuhan.
“Mano nga po!” sabi ulit ni Emil sabay abot sa kamay nang matanda.
“Lintek ka!” asar na wika ni Aling Choleng. “Sino ka ba at bakit ba tawag ka nang tawag sa akin nang nanay?” galit na turan nito.
“Nay!” wika ni Emil na labis na nasaktan.
“Wala akong anak!” wika ni Aling Choleng na may diin sa wala. “Maliwanag ba?”
“Choleng tigil na iyan.” awat ni Mando.
“Paalisin nga ninyo iyang hayop na iyan.” tila pag-uutos ni Choleng kay Mando.
“Choleng, kahit na anong gawin mo, anak mo pa din si Emil.” tila pagtatanggol ni Mando kay Emil.
“Putarakya! Wala nga akong anak!” giit ni Choleng.
Napa-iling na lang si Mando dahil alam niyang hindi talaga matatanggap ni Choleng ang anak nito.
“Sige na Emil, umuwi ka na muna at ako na ang bahala sa nanay mo.” nakangiting wika ni Mando na tila pinagagaan ang kalooban ni Emil.
“Salamat po Ninong!” sagot ni Emil.
Mag-isa na namang nasa bahay nila si Emil. Nakahiga sa kwarto at walang ganang kumain. Nakabukas ang bintana at dinadama ang malamig na hanging hudyat na nalalapit na ang kapaskuhan. Nakahiga at nakatingin sa itaas na walang hanggan ang kawawang si Emil. Nag-iisip nang malalim sa kung anumang bagay na gumugulo sa kanya. Tila kumakausap sa hindi nakikita at humihingi nang tulong at patnubay. Hindi niya makaya ang sakit, ang sakit na hindi ka kinikilalang anak nang nanay mo, ang sakit na hindi mo magawang maramdaman na may ina kang nagmamahal sa iyo. Unti-unting umagos ang mga luha mula sa mata ni Emil. Ayaw man niyang isipin ang sakit ay tila pilit nitong dinadalaw ang kanyang kaibuturan. Nasa gitna siya nang ganitong eksena nang mag-ring ang cellphone niya –
“Hello!” malumanay niyang bati.
“Salamat nga pala!” sagot nang nasa kabilang linya.
“Ken?!” tila sumigla niyang tanong nang mabosesan ang kausap at pinahid ang mga luha sa mata.
“Galing naman! Paano mo nahulaan?” tanong ni Ken kay Emil.
“Wala lang, gumamit lang ako nang instinct.” sagot ni Emil.
“Umiiyak ka ba?” tanong ni Ken na tila ramdam ang lungkot kay Emil.
“Hindi!” maang na sagot ni Emil. “Bakit naman ako iiyak?”
“Umamin ka nga, umiiyak ka.” pamimilit ni Ken kay Emil.
“Kulit, sabing hindi nga.” pagtatakip ni Emil.
“Pinagalitan ka na naman ba nang nanay mo?” nais sanang sabihin ni Ken subalit pinili niyang kontrolin ang sarili dahil masisira ang lahat nang plano niya.
“Sabi mo, edi wala!” tila hindi pa din kumbinsidong sagot ni Ken. “Nahihirapan ako Emil, gusto kitang puntahan para yakapin at aluin.” wika nang isang bahagi ni Ken.
“Kamusta ka na?” pag-iiba ni Emil sa usapan.
“Ayos na ako!” wika ni Ken. “Medyo kumikirot lang nang kaunti.” dugtong nang binata.
“Kaw kasi, hindi ka nag-iingat.” tila paninisi ni Emil kay Ken.
“Ako pa ang hindi nag-iingat.” sagot ni Ken. “Ikaw ang may kasalanan nito Emil, ayaw mo kasing tantanan ang isipan ko kaya ikaw ang laman lagi nito. Ikaw ang laman nito kanina kaya ako naaksidente.” mahinang usal ni Ken.
“Ano ka mo iyon?” tila narinig ni Emil ang mahinang usal ni Ken.
“Wala, may dumaang bubuyog kasi dito.” pangangatwiran ni Ken.
“Ah, akala ko kasi may sinasabi ka.” sagot ni Emil.
“Sabi ni Papa babalik ka daw dito bukas.” wika ni Ken.
“Oo, kawawa naman kasi ang Papa mo, walang kasalitang magbabantay.” sagot ni Emil.
“Agahan mo ah!” tila may pakiusap at lambing sa tinig ni Ken.
“Oo ba!” masayang sagot ni Emil.
May kahabaan din na nag-usap ang dalawa. Nahinto lang ito nang may dumating na nurse para asistehan si Ken sa iba pa nitong pangangailangan at i-check ang lagay nang binatang artista.
Kinaumagahan.
“Ninong, kamusta na po si Ken?” tanong ni Benz kay Direk Donald na nakasalubong niya sa hallway nang ospital.
“Malapit nang payagang makalabas.” sagot naman ni Direk Donald.
“Sinabi po sa akin ni Papa na naaksidente nga daw po si Ken kaya po dumaan muna ako dito bago pumunta nang taping.” wika ni Benz.
“Salamat hijo!” pasasalamat ni Direk Donald sa inaanak. “Ang Papa mo?” tanong pa nang direktor kay Benz.
“Mamaya na daw po siya dadaan.” nakangiting sagot ni Benz.
“Sige hijo, uuwi muna ako sa bahay para makapagpahinga nang maayos.” paalam ni Direk Donald kay Benz.
“Mag-iingat po kayo.” paalala ni Benz sa ninong niya.
Maingat na binuksan ni Benz ang pintuan para sorpresahin ang kinakapatid. Hindi pa man niya nabubuksan nang tuluyan ang pintuan ay may narinig na siyang halakhakan at mga pamilyar na tinig.
“Sira! Hindi ganyan!” wika nang isang tinig na alam niyang pagmamay-ari ni Ken.
“Hindi naman kaya!” sabi naman nang isa. “Makulit ka, sinabi ngang ganito.” habol pa nito.
Biglang napaisip si Benz kung sino ang nagmamay-ari nang isang tinig na sa tingin niya ay kakilala niya. Pinilit isipin at –
“Hindi naman siguro siya iyon. Paano naman sila magkakakilala.” wika ni Benz sa sarili at saka nilakihan ang bukas nang pinto.
“Sabi ko sa’yo!” malakas na sigaw ni Emil habang nasa likuran niya si Ken at animo ay nakayakap sa kanya ang binatang artista.
“Tyamba lang ‘yan.” sagot ni Ken kay Emil.
Nagulat si Benz sa nasaksihan. Hindi niya inaasahang tama ang hinala niya sa kung sinuman ang nagmamay-ari nang tinig na iyon. Higit pa ay hindi niya mawari kung ano ngayon ang nararamdaman niya sa nasaksihan nang dalawang mga mata.
“Ikaw pala Benz.” bati ni Ken.
Agad namang napatingin si Emil sa gawi nang pinto at nakaramdam na muli nang kaba nang makitang si Benz ang bisita ni Ken. “Direk, ikaw pala!” nahihiyang bati ni Emil.
“Maaggkakillala pala kaayoo.” putul-putol na wika ni Benz. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman, ayaw niya ang nakikita ngayon. Ayaw niyang makitang si Ken ay nasa likuran ni Emil at hawak nito ang mga kamay nang binatang scriptwriter. Tila ba nagkukuyom ang damdamin niya at nais niyang paghiwalayin ang dalawa.
Imbes na sagutin ni Ken ang tanong ni Benz ay – “Kumain ka na ba?” tanong nito.
Nakaramdam nang hiya si Emil nang napagtanto kung ano ang ayos nila Ken. Agad niyang inalis ang kamay sa pagkakahawak ni Ken at nasa akto nan nang pagbaba sa higaan nang binatang artista. Naramdaman naman ni Ken ang ginawang pagkilos ni Emil kung kayat bago pa man tuluyang makabitaw sa pagkakahawak ay mas lalo niyang hinigpitan at tila ba lalong ikinukulong sa tabi niya ang binatang scriptwriter. Sa pakiramdam ni Ken ay masaya siyang may ibang tao na nakakakita sa ganuong ayos nila ni Emil.
“Sige, nakakaabala ata ako sa inyo.” tila paalam ni Benz sa dalawa.
“Sandali lang Benz!” pag-awat ni Ken na bagamat naguguluhan sa naging reaksyon ni Benz ay may isang bagay siyang natuklasan at dapat alamin.
“Bakit?” maagap na tanong ni Benz.
“Dito ka muna! Kadarating mo lang, aalis kana kaagad.” mabilis na sagot ni Ken.
“Kamusta ka na?” tanong ni Benz kay Ken na sa katunayan ay mas interesado siyang malaman ang lagay ni Emil.
“Ikukuha ko muna si Direk nang makakain.” singit ni Emil sa dalawa sa usapan nang dalawa at tila paalam na din na bitawan na siya ni Ken.
“Easy lang Emil. Dalawang lalaki lang yan! Lalaki ka din!” wika ni Emil sa sarili na pinipilit alisin ang pagkailang sa presensiya ni Benz at ang bumabalik na kaba kay Ken.
Hindi din nagtagal at nagpaalam na si Benz. Si Emil naman ay umalis na din bago magtanghalian dahil kailangan siya sa network para sa konting pagbabago nang plano para sa Kanluran ng Pilipinas.
“Team!” simula ni Mrs. Cordia. “Dahil sa kailangan na nating magtape nang Kanluran ng Pilipinas para makaabot tayo sa premiere telecast sa third week nang December at sa nangyari kay Ken. We have no choice but to replace Ken with a new star.” pagbabalita pa nito sa buong grupo.
Nalungkot ang lahat sa balitang iyon. Ang inaakala nilang bigating line-up nang cast ay biglang mababago nang isang aksidente. Nanatiling tahimik naman si Emil sa balitang iyon. Sa katotohanan ay handa na siya sa ganitong balita subalit iba pa rin ang epekto pag naganap na at narinig mo na ang inaasahang tagpo.
“Don’t worry, si Dominic naman ang balak na ipapalit kay Ken.” tila pampalubag ng loob ni Mrs. Cordia. “Hindi man siya kasing sikat ni Ken, I’m sure, his star will be as bright as Ken’s because of KNP.” dugtong pa nito.
Hindi na naging mahaba pa ang usapan. Dumating din si Dominic sa meeting at naayos na ang lahat ng detalye. Dalawang araw na lang at sisimulan na nila ang taping ng KNP kaya naman kailangan nang matapos nang grupo nila Emil ang script nang tatlong episodes bago pa sumikat ang araw.
Nakakapagod man ay sulit pa din ang lahat ng hirap. Namimiss man ni Emil ang mga dating katrabaho ay wala na siyang magagawa dahil andito na siya at nagtatrabaho sa kalabang estasyon. Sa wakas, ikatlong linggo na nang Disyembre, unang araw na para i-ere ang KNP. Hindi pa din alam ni Emil kung anong oras ang timeslot nang soap at kung anung show ang makakatapat nito sa kabila. Ang alam lang niya ay ipapalit ito sa pang-alasdiyes nang gabing soap. Panatag siya na hindi makakatapat ng KNP niya ang LD ni Benz, Marcel at Mae dahil pang-alasnuwebe ito nang gabi. Ang makatapat ang dating trabaho ang pinakaiiwasan sa lahat ni Emil. Kinakabahan din ang buong team higit pa si Emil sa kung papaano tatanggapin nang mga manunuod ang KNP. Nag-aalalang baka lagapak ang ratings nito.
“Guys!” sigaw ni George. “Nine daw ang slot ng KNP.” pagbabalita pa nito.
“Ano? Nine?” tila hindi makapaniwalang wika ni Emil.
“Katapat natin ang LD.” komento pa ni Dominic.
“Tanong mo nga ulit.” tila pakiusap ni Emil kay George na garalgal ang tinig sanhi nang kaba.
“Wag kang kabahan. Sigurado namang panalo tayo sa ratings.” pangangalma ni Dominic kay Emil.
Walang imik o reaksyon si Emil sa sinabing iyon ni Dominic. Nangyari na ang pinakaiiwasan niya sa lahat. Nanatiling walang imik si Emil hanggang sa magsimula na ang KNP. Hindi niya lubos maisip na sa dalawang estasyon, magkatapat na pinalalabas ang parehong show na kasama siyang gumawa. Sigurado siyang ang ineere sa LD ay ang tape nila bago siya palayasin ni Benz at ang script na gawa niya ay aabot pa hanggang sa susunod na linggo. Matapos panuorin nang buong team ang premiere telecast nang KNP ay agad na tinawagan ni Ken si Emil para batiin. Nagsimula na din silang ituloy ang tape para sa mga advance episodes na gagawin nila.
“May good news ako sa inyo.” pagbabalita ni George sa buong team isang oras pagkatapos nilang panuorin ang telecast nang KNP.
Sa kabilang bahagi naman nang Pilipinas.
“We need to work hard. Nakahabol ang kalaban.” tila badtrip na balita ni Benz sa crew nang LD.
“Hindi lang nakahabol. Ibinagsak pa tayo.” komento pa ni Marcel.
“Kung hinayaan na lang kasi si Emil dito.” pahabol pa ni Mae.
“According sa ABC, LD got 16.9% at ang KNP naman ay 17.1%. Sa Quantar ay LD got 21% at KNP has 20.9%. The lowest rating na nakuha natin.” malungkot na saad pa nang nagbalita.
“Galing nang impact nang KNP ni Emil.” malakas na wika ni Marcel.
“Anong Emil at KNP?” tanong ni Benz.
“Si Emil po ang original author nang KNP. Sa palagay ko ay siya din ang tinutukoy nang kabilang estasyon na bago nilang writer.” sagot ni Marcel.
Sa sinabing iyon ni Marcel ay tila binuhusan nang malamig na tubig si Benz. Hindi niya inakalang si Emil pa ang makakatapat niya at ang tatapos sa pamamayagpag nang LD sa primetime.
Ilang linggo na ding naka-air ang KNP at kitang-kita na humahabol ito sa ratings. Ang paunti-unting pag-ungos sa LD ay naging mas malakihan ang lamang hanggang sa naging doble na. Iniwan na din ni Emil ang KNP, nag-resign siya dito dahil sa nagyaring pagtatapat nila sa LD. Sa tantiya niya ay may isang buwan din ang mga episodes na ginawa niya sa KNP. Ayaw na din naman niyang balikan ang LD dahil mas lalong kawalan nang propesyunalidad kung babalik pa siya. Kahit paano naman ay may naitabi siyang pera kaya tuloy pa din ang pagpapagamot nang kanyang ina.
Sa bahagi ng Pilipinas kung saan nag-uusap sina Benz at Julian –
“Please Julian, intindihin mo muna ako.” pakiusap ni Benz.
“Ano ba Benz, lagi na lang kitang iniintindi. Maawa ka naman sa akin, lagi na lang ba ako ang mag-aadjust para sa’yo?” giit ni Julian.
“Lagi naman akong bumabawi sa’yo di’ba? Tinutupad ko naman ang lahat nang pangako ko.” pangangatwiran pa ni Benz.
“Isa lang naman ang hinihiling ko sa’yo Benz. Kahit isang araw lang sa isang linggo ako naman ang asikasuhin mo.” tila pakiusap ni Julian.
“Julian.” malambing na wika ni Benz. “Alam mo naming kailangan kong magdoble kayod para sa LD.”
“LD! Lagi na lang LD!” wika ni Julian. “Magsama kayo ng LD mo!” galit na galit na wika ni Julian at padabog na sumakay nang kotse at mabilis na pinaharurot iyon.
Wala naman nagawa si Benz kung hindi habulin ito nang tanaw. Sinubukan niyang tawagan subalit turned-off ang cellphone nang binata. Hindi naman niya magawang puntahan sa bahay dahil call time na niya para sa taping ng LD.
“Magkakayos din kami.” pampalubag loob ni Benz sa sarili.

5 comments:

Myx February 15, 2011 at 7:31 PM  

@Emray: kelan ang kasunod nito? hehehe
another two thumbs up sayo ;)

Jayson February 16, 2011 at 1:45 AM  

indeeed....i have initially read the kanlurang pilipinas,... i will send you feedback by thur or fri night ...

Myx February 16, 2011 at 5:33 PM  

really?!! Meron tlgang "Kanlurang Pilipinas" kuya Jays?
San mkakahanap nun?
gusto kong mabasa...
Thank you

Jayson February 17, 2011 at 4:43 AM  

may plano daw si Emray dun...lets just wait kung kailan nya ipublish....hehehe...sa ngayon abangan nalang natin ang susunod na post ni Emil..

emray February 18, 2011 at 8:10 AM  

@MYX - salamat at two thumbs up.. hehehe..

sad to say, kagagawa ko lang ng kanluran ng pilipinas at overnight ko pong pinaglaanan ng oras iyon.. hahaha.. may epekto pa ng pagkabangag..

@kuya jayson - salamat po sa pagbabasa.. :-)

opo, may balak akong gawin duon eh,, kaya nga po hanggat maari laiitin ninyo ang pagkritik sa knp..

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP