No Boundaries - C1

Sunday, January 23, 2011

Chapter I 
"Si Nicco"

Malakas ang hangin, tipong nagagalit ang kalangitan sa lakas ng kulog at kidlat, bawat patak ng ulan ay para bang mga batong nagkakalaglag sa mga bubungan. Sa ganiton pagkakataon, may isang malakas na iyak ng bata ang naririnig. Iyak na animo ay nakikisabay sa bagsik ng panahon. “Uhaaaaa… Uhaaa.. Uhaa.. Uhaaaaaaa”
“Lena, lalaki ang anak mo. Salamat sa Diyos at naisilang mo ng maayos ang bata.” Sabi ng matandang kumadrona.
“Nicco, Nicco ang gusto kong ipangalan sa bata. Mahal ikaw na ang bahala sa anak natin.” – at sa pagkabigkas nito, naibigay na ni Lena ang kanyang huling hininga. Ang iyak ng bata ngayon’y sinabayan pa ng hiyaw ng kalungkutan ng isang asawa sa pagkawala ng isang buhay. “Lenaaaaaaaaaaaaaaa... Gumising ka Lena. Wag mo kaming iwan.”

PAGKALIPAS NG LABING LIMANG TAON


Lumaking matalino, mabait at may takot sa Diyos si Nicco. Maganda ang tikas, maputi, may katangusan ang ilong, tama ang katawan, may biloy sa pisngi, mapungay ang mata na tila may kalungkutan, may katangkaran, mapamaraan sa buhay at higit sa lahat ginagigiliwan ng marami. Ito na ang araw ng pagtatapos ni Nicco sa High School at kasalukuyang natapos na ang programa para sa pagtatapos.

“Astig ka Nicco, sabi ko na nga ba ikaw ang Batch Valedictorian eh.”


“Wala akong nasabi, tama si Rome, astig ka talaga tol. Matalino na, mabait pa, talentado na nga, gwapo pa, artistahin talaga.” Dugtong ni Chad
“Ano ba, hindi totoo yun. Saka walang ganyanan mga tol, tsamba lang to.” Sagot ni Nicco kasabay ng mahinang tawa at matipid na ngiti.
“Oh, ayan na si Sandra” sabi ni Rome “ano sasagutin mo na ba.” Kasabay ang nakakalokong tawa.
“Mga sira, mabait lang talaga sa akin yung tao, kayo talaga malisyoso kayo. Wala akong balak makipagsyota, magpapari ata ako.” Sagot ni Nicco.
“Ke gwapo mong yan magpapari ka. Sayang ang lahi nyo.” Sabat naman ni Chad.
“Hindi yan, sabi kasi ni tatay yun daw ang gusto ni nanay kapag nagkaanak sila ng lalaki eh.” Sagot ni Nicco “Alam nyo na, yun din kasi ang hilig at gusto ko.”
Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay dumating na ang tatay ni Nicco para ayain siyang umuwi. Matapos nito ay nagpaalam na sila sa isa’t-isa at unti-unti na din nawalan ng tao sa lugar na pinagdausan ng programa. Sa bahay nila Nicco samantalang nag-uusap silang mag-ama ay dumating si Fr. Rex na kura paroko sa kanilang simbahan kung saan siya ay naglilingkod bilang isang sacristan.
“Magandang gabi po father.” At kasabay ang pagmamano ni Nicco. “Ano po ang sadya ninyo?”
“Magandang gabi po father. Tuloy po kayo, Nicco kaw na bahala kay father papasok lang ako sa kwarto.” Sabi ni Mang Juancho. “Sige po itay.” Sagot ni Nicco.
“Ah iho, binabati kita. Tunay ngang pinagpapala ka ng Diyos. Narinig ko ung speech mo kanina, ang ganda ah. Talaga ngang napakayabong na ng kaisipan mo.” Pambungad ni Fr. Rex.
“Ah, salamat po father. Hindi naman po siguro tama na ako lang ang sabihan ng pinagpapala, kung tutuusin lahat naman po tayo ay pinagpapala, nasa pagdadala lang po ng tao yan kung paano gagamitin at isasabuhay.” Nakangiting saad ni Nicco.
“Tama ka iho. Pero mabalik ako, nagustuhan ko ung sinabi mong this is the best possible world.” Talagang nakakapagbigay ng pag-asa sa mga tao. Kahanga-hanga na sa gulang mong yan ay nagagawa mong mag-isip ng ganoon.”
“Ah yun po ba father. Naisip ko lang po kasi na saan mundo pa ba pwedeng manirahan ang mga tao? Wala ng mundong pwedeng tirahan kundi dito. May hangin, may puno, may mga halaman, may tubig. Kahit na nga po ba sabihin nating unti-unti ng nauubos at napapabayaan eh ito lang ang tanging mundong mayroon ng mga ganun. Saka nasa tao naman po kung paano un aalagaan. Siguro nga po, madaming kasamaan sa mundo. Pero sa paniniwala ko, ung dami ng kasamaan ay tatlong beses na mas madami ang kabutihan. Ang problema lamang po ay kailangan pa nating hanapin un at tayo mismo ang dapat makatagpo. Kung walang kasamaan hindi po natin magagawang maramdaman kung ano ang kabutihan. Hindi natin mararamdaman ang kaligayahan matapos ng kabutihan kung walang kasamaan. Kung sa kabilang buhay, hindi naman tayo sigurado kung saan tayo madadako di po ba. Kung sakali mang paladin tayo at diretso sa langit, hindi ko na po maituturing na mundo un, kasi kasama na po natin ang Diyos nun.”
“Hay, sabagay may punto ka iho. Siya nga pala, ikaw ang isasama ko bukas para sa baccalaureate mass ng Colegio de San Isidro. Umaga yun, pumunta ka na lang ng simbahan hintayin mo na lang ako dun. Sige iho, aalis na ako, si manang Conching mo kasi nagpapatulong pa sa akin.”
“Sige po father mag-iingat po kayo wag masyado papakapagod.”

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP