Daglat Presents: TEE LA OK III - part 2
Saturday, December 17, 2011
SORRY GUYS FOR THE LONG WAIT! Hindi ko kasi nahawakan itong PC ko since nung huling post ko eh kaya ngayon iyong kasunod.. :-)
may sagot din po pala ako sa mga comment ninyo ah.. thank you for reading TLO.. Sana matapos ko din iyong E TEE NA NEEM.. hahahaha
nota benin: hindi ko sigurado kung ang mapopost eh iyong word format ko ah.. sorry kung medyo magulo..
Ikalawang Bahagi: /ee-ka-la-wang/ - /ba-ha-gee/
Titik B, Bilang 2
“Handa ka pa rin bang tanggapin si Gabby kung malalaman mong ang lolo niya ang dahilan kung bakit namatay ang lolo mo?” simula ni Mrs. Fabregas.
Kita ang pagkagulat kay Harold ng mga sandaling iyon. Oo, hindi niya nakita ang lolo niya, pero kung may anung sumingit para magngitngit ang damdamin niya sa narinig. Umiral pa din ang pananalaytay ng dugo sa kanya ng mga oras na iyon.
“You heard it right darling! Nang panahong iyon, nagtalo ang lolo mo at ang papa dahil sa kumpanya. Ang lolo mo naman kasi, masyadong mabait na gustong bahaginan ng shares ang mga matagal ng empleyado at salary increase ang mga trabrahador. Nagkaruon ng konting pagtatalu-talo. Sinabi pa nga ng lolo mo, kung hindi daw papayag si papa sa usapan nila, mag-quit ito at babawiin lahat ng shares niya and will do legal actions. He’s just 20% percent of the total company at inambon lang iyon ng papa sa lolo mo. Of course, galit na galit si papa!” simula ng kwento ng ginang. “Mang-aagaw na ang lolo mo tapos ngayon aariin pa niiya ang 20% ng kumpanya. He called his secretary to do the job. Pinasundan ni papa ang lolo mo and the plan is to ambush him. Pero ano ba at nakagawa ng madaling paraan ang papa, pinaalis niya ang break control sa kotse ng lolo mo para magmukhang aksidente ang lahat.” nakangisi at walang pagsisising wika ng ginang. “Gabby was there habang kausap ni papa ang secretary niya and alam kong at sigurado akong alam iyon lahat ni Gabby.” kwento pa ulit ng ginang.
“Kaya pala ng makita niya si lolo nabigla siya.” nasabi ni Harold na may pigil na luha dahil kaharap niya ang pumaslang sa lolo niyang hindi niya nasilayan.
“Oh! Alam na pala ni Gabby ang lahat! I pity you darling! Malamang itutulad ka lang din nuon sa lolo mo. Gusto mo bang maulit ang nakaraan? Apo laban sa apo? Hindi na ako magtataka kung gagamitin ka lang din ni Gabby at malay mo, one of these days itapon ka din niyang parang basura.” mapang-hamong wika ng ginang.
“May dahilan si Gabby kaya niya nilihim ang lahat sa akin! Alam ko na his love is pure kaya hindi niyia kayang gawin ang sinasabi ninyo.” sagot ni Harold na bagamat na-babrainwash na ay patuloy pa din ang pagtitiwala kay Gabby.
“What if malaman mong ang pagkamatay ng nanay mo ay kagagawan din ng pamilya niya?” tanong ng ginang.
“Ano pong ibig ninyong sabihin?” nangagatal na tanong ni Harold.
“Hindi naman talaga namatay ang nanay mo dahil sa sakit niya. Honestly, it’s curable; pero si papa may naisip na paraan dahil nuong panahon na iyon, nalaman na ng nanay mo ang lahat ng nangyari. She had all the evidences she needed, pero mas maagap si papa! She told the doctor na nataong family friend to put some, just a little chemical na untraceable to poison your mother’s blood.” kwento pa ng ginang.
Natigilan si Harold, hindi niya alam kung papaano magsasalita. Naumid ang dila niya, nawala ang lakas ng loob niya. Gumuho ang mundo niya! Ang lalaking pinakamamahal ay apo ng taong pumatay sa kanyang mga mahal sa buhay.
“Kung balak mong magsuplong, prepare lots of money kasi kayang baliktarin ng pera ko ang sitwasyon at malamang na ikaw pa ang makulong.” pagbabanta pa ng ginang.
“Mama ka nga talaga ni Gabby!” napangiting komento ni Harold.
Ito ang laman ng isip ni Harold habang naglalakad patungo sa daang hindi niya alam kung saan papunta. Naluluha at mabigat ang dibdib dahil sa kaganapang biglang sumampal sa kanya. Hindi siya handa at lalong hindi siya magiging handa sa ganitong uri ng rebelasyon.
“Gabby! Sana ay makita ko pa ang daan pabalik sa’yo. Sana ay makita ko pa ang dahilan para balikan ka.” bulong ni Harold sa hangin.
Sa gitna ng paglalakad ay biglang kinutuban si Harold – biglang napahinto at sandaling nakiramdam. Sigurado siya, may nagmamatyag sa kanya at sinusundan siya – kanina ay akala niyang wrong impressions lang dahil sa laman ng isip niya ang usapan nila ng mama ni Gabby, ngayon ay nasisigurado niyang sinusundan siya.
Binilisan niya ang lakad dahil alam niyang hindi iyon si Gabby o kung sinumang kakilala niya. Ramdam niyang hindi ganuon ang aura ni Gabby para matakot siya nang ganuon at isa lang si Gabby kung ikukumpara sa mga matang pakiramdam niyang kanina pa siya pinapanuod.
Ang mabilis na lakad ay naging takbo at duon na nagsimula ang isa pang mas maaksyon na habulan. Sumuot si Harold sa mga magkakapatong na tosang para magtago at saka nag-isip nang plano kung papaano makakatakas.
“Shitness all the way! Sino ba itong mga ito!” bulong ni Harold sa sarili. “Don’t tell me makakauna pa ito sa puri ko kaysa kay Gabby! The hell! Papaano na!” maya-maya pa at – “got it!” tila may nagliwanag sa isip ni Harold saka tumakbo palabas ng tosang.
Binilisan ang takbo saka madaling tinumbok ang highway. Sa kamalasan ay madalang ang mga sasakyan at sa tingin niya ay liblib na bahagi iyon ng Maynila. Walang nagawa si Harold kung hindi wlaang-lingong tumakbo – palayo sa tahimik na lugar na iyon at pilit tinutumbok ang mataong lugar.
Sa kamamadali ay hindi niya napansing may nakaabang na sa kanya sa harap at dito siya nabunggo. Ang laki ng katawan ng mama ay nakapagpatumba sa kanya.
“Gullible!” nausal ni Harold saka tumingin sa nakabangga.
Naka-civilian ang lalaki, malaki ang katawan, bigotilyo at sa tantya niya ay nasa 6ft. isang tipikal na itsura ng isang sundalo. Walang pagdadalawang-isip na tumayo si Harold para tumakbo ngunit sa kamalasan ay madali siya nitong nahawakan sa buhok.
Pumalag si Harold! Kampay dito, kampay duon, suntok dito, suntok duon! Ngunit malakas ang lalaki, isang wasiwas lang sa kanya ay bumagsak siya kaagad sa dibdib nang isa pang lalaki. Matapos nuon ay naramdaman na lang niyang binuslaan siya sa bibig at pinagtutulungang isilid sa tila sako. Patuloy sa pagpalag si Harold at tila mga demonyong sinuntok siya sa sikmura ng isa pang lalaki. Hindi niya makita ang mga mukha nito, pero sigurado siya, walang laban ang kanyang lakas kung ikukumpara sa mga ito.
Hindi nawalan ng pag-asa si Harold, kaya naman patuloy itong lumalaban at pumapalag. Isang hampas sa ulo na lang ang naramdaman niya. Kaiba sa dinanas niya sa mob, mas malakas, mas may pwersa at mas may lakas. Pumanaw na ang ulirat ni Harold at agad na bumigay ang katawan niya, nawalan ng malay ngunit nakakaramdam pa sa paligid.
“Katapusan ko na ba?” tanong ni Harold sa sarili.
Samantalang si Gabby naman ay hindi mapanatag ng mga ora na iyon. Nakailang dial na din siya sa cellphone pero walang Harold na sumasagot. Ring lang ng ring hanggang sa tila nagsawa na ata at out of coverage area na kaagad. Hindi din nagawang makatulog ni Gabby ng gabing iyon, gawa na nga ng puno siya nang pag-aalala para kay Harold, pangamba at kaba. Hindi niya maipaliwanag, pero sa tingin niya ay na sa malaking kapahamakan si Harold. Walang kaalam-alam ang binata na tama ang kutob niya.
Kinabukasan –
“Joel, pupunta muna ako ng Tarlac.” paalam ni Gabby kay Joel.
“Bakit Sir?” tanong ni Joel.
“Dadalawin ko lang si Harold.” sagot ni Gabby.
“Hindi pa po kayo nakakatulog.” sagot ni Joel na tila ba natakot.
“It’s alright. Huwag mo lang sabihin kay mama kung saan ako pumunta.” sagot ni Gabby saka lumakad palayo.
Sa Tarlac –
“Where’s Harold?” tanong ni Gabby kay Luis na siyang sumalubong sa kanya.
“Di ba kasama mo?” balik na tanong ni Lusi.
“Hindi siya umuwi kagabi?” bumakas ang pag-aalalang tanong ni Gabby.
“Kung umuwi man siya kagabi sana alam ko!” sagot ni Luis. “Kagagaling ko lang sa bahay at walang tao.” habol pa nito.
“Well, thanks!” sagot ni Gabby saka tinawid ang kalsada papunta sa bahay ni Harold.
Gamit ang susi niyang binigay ni Harold ay binuksan ang naka-lock na pintuan. Unang pinuntahan ang kwarto nila ngunit hindi man lang nagulo ang ayos nito buhat ng umalis siya kahapon.
“Saan kaya nagsuot si Harold?” nag-alalang tanong ni Gabby na lalong nagpatindi sa kaba niiya.
Humanap si Gabby ng kahit na ano para makapagturo sa kanya kung nasaan si Harold subalit bigo ang binata.
“Kamusta ang sales kahapon?” tanong ni Gabby kay Luis.
“As usual, mas may hatak pag gabi. Getting larger na ang mga grupong pumupunta sa atin. Kahapon may nag-request na bisitahin ang bahay pero wala naman si Harold or ikaw para mag-assist. Willing daw siya magbayad ng kahit magkano just to see the whole house.” balita pa ni Luis.
“Bakit hindi mo i-nassist?” tanong ni Gabby.
“Walang iniwang susi sa akin.” sagot ni Luis. “Saka ayos na ding hindi nakapag-tour iyong manong kasi mukhang hindi gagawa ng mabuti.” komento pa nito.
“Paano mo naman nasabing hindi gagawa ng mabuti?” tanong ni Gabby.
“Sa itsura pa lang nakakatakot na. Tipong goons ang itsura.” sagot ni Luis. “Naka-camouflage na pants tapos black shirt, malaki ang katawan saka semi-kalbo.” paglalarawan pa ni Luis.
Nakaramdam ng kutob si Gabby base sa ginawang paglalarawan na iyon ni Luis.
“Hindi naman kaya napaano na si Harold?” tanong ni Gabby sa sarili. “No! Harold needs space and iyon ang dahilan ng pagkawala niya.” pilit na pinakakalma ni Gabby ang sarili kahit na nga ba sa loob niya ay may mga pagdududa na.
“I need to go now!” paalam ni Gabby kay Luis.
“So early.” komento ni Luis.
“Wala pa kasi akong tulog and I need to take some rest.” komento ni Gabby. “I’m in-charge to my mother’s this evening.”
“D’yan ka na lang matulog saka ka na bumalik sa mama mo.” suhestiyon ni Luis. “Malay mo umuwi na si Harold.” saad pa nito.
“Brilliant!” napangiting turan ni Gabby at natuwa sa ideyang makikita na niya si Harold.
“Don’t worry about the restaurant! Kami na ang bahala muna.” saad ni Luis saka nagbigay ng ngiti kay Gabby.
“Thanks dude!” sabi ni Gabby saka muling lumakad papunta sa bahay ni Harold.
Sa higaan ay amoy na amoy pa niya si Harold, ang katawan nito, ang mabangong pawis na kumapit sa higaan at ang amoy ng buhok nitong nasa unan. May pag-aalala man ay pilit niyang pinakalma ang sarili sa pamamagitan ng simpleng kaligayahang naibibigay ng mga bagay na iyon. Itinakip din niya ang kumot sa katawan at sa pakiramdam niya ay yakap iyon ni Harold. May luhang unti-unting pumatak sa mata ng binata nang isiping malayo si Harold sa kanya at hindi niya alam kung babalik pa ito o hindi na.
Isang linggo na ang lumilipas –
“Luis! Hindi pa din ba umuuwi si Harold?” tanong ni Gabby kay Luis mula sa kabilang linya.
“Sorry Gabby pero hindi pa din eh.” sagot ni Luis.
“Are you sure?” tanong ni Gabby.
“Oo naman!” sagot ni Luis.
“Baka naman sabi ni Harold huwag mong sabihing nandyan na siya.” kontra ni Gabby.
“Alam mo namang ayokong may away kayo di ba?” sagot ni Luis.
“Sorry!” paumanhin ni Gabby saka pinindot ang end call.
“One week na walang paramdam? Hindi na contemplation iyon! Nag-iinarte na lang si Harold.” bulong ni Gabby sa hangin habang muling dumidial.
“Good afternoon, is this Sean?” tanong ni Gabby sa kausap sa kabilang linya.
“Yes, speaking.” sagot ni Sean.
“Do you know where’s Harold?” tanong ni Gabby.
“May I know who’s in the line?” tanong ni Sean sa kausap.
“Gabby! Gabby Fabregas.” sagot ni Gabby.
“Ikaw lang pala yan!” sagot ni Sean. “Tatawagan ka na nga din namin para itanong kung alam mo kung nasaan si Harold.”
“Meaning, wala din si Harold sa inyo.” sagot ni Gabby.
“Oo! Akala nga namin kasama mo eh.” sagot ni Sean. “One week nang hindi ma-contact, tapos kahit sino sa mga kakilala naming kakilala niya hindi din alam kung nasaan siya. Inactive ang Facebook na impossibleng mangyari at hindi din matawagan. Nag-aalala na nga kami kay Harold.” saad pa ni Sean.
“Same here!” sagot ni Gabby. “Thank you for answering. Matamlay na tugon ni Gabby saka pipindutin n asana ang end call nang –
“Wait Gabby! May ibabalita ata si Kenneth.” awat ni Sean matapos ay pinaghintay si Gabby sa kabilang linya.
Matapos ang ilang minuto at –
“Gabby! We’re not sure pero pumunta ka na lang dito sa headquarters namin.” sabi ni Sean.
Mabilis pa sa ipu-ipong kumilos at gumayak si Gabby papunta kay Sean at umaasa siyang makikita na niyang muli si Harold.
“So, where’s Harold?” tanong ni Gabby kay Sean at Kenneth.
“Sa kotse na lang tayo mag-usap. Sa ngayon, kailangan nating bumiyahe papuntang Nueva ecija.” sagot ni Kenneth.
“Why?” nagtatakang tanong ni Gabby.
“Basta Gabby! Sa kotse na lang.” sagot ni Sean.
Agad na ngang bumiyahe ang mga ito papuntang Nueva Ecija at –
“Now that we’re on our way, can you please tell me what happened to Harold.” irita at kinakabahang pamimilit ni Gabby.
“Alam mo na naman di bang aktibista si Harold.” simula ni Kenneth na may pigil na emosyon. “Kasama sa pagiging aktibista niya ang lahat ng banta ng panganib, sa military, sa mga pulis, sa mga mayayaman, sa gobyerno at hindi maiiwasang…” itutuloy pa sana ni Kenneth ng –
“Please be direct to the point!” may kaba man ay pilit niyang itinago iyon sa galit niyang pananalita.
“May nakitang sunog na katawan sa Nueva Ecija at ang initial description ay tumutukoy lahat kay Harold.” sagot ni Kenneth na pilit pinapatatag ang katawan.
“So, pinapunta ninyo ako para lang maging driver ninyo? Malamang hindi si Harold iyon.” sagot ni Gabby na bagamat lalong tumindi ang kaba ay pilit niyang itinatanggi na si Harold iyon.
“Madalas mangyari sa buhay namin ito Gabby! Mga desaparacidos kung tawagin sa amin ang kasong ito, political killings, mga aktibistang pinapaslang, iyong iba makikita lang after couple of years, iyong iba hindi na talaga kahit kailan. Wala kasing hustisya at bulag ang human rights sa mga katulad naming lumalaban sa gobyerno. Akala ng iba basta lang kami nag-iingay, pero hindi nila alam na ang bawat ingay namin, malaki ang patama sa mga nakaupo at buhay namin ang nakasalalay dahil mamaya, sa isang iglap, bigla kaming mawala at sa susunod na makita ay malamig ng bangkay. Kay Harold, iba pa din ang nakakasigurado.” paliwanag ni Kenneth. “Pero kung ayaw mong sumama, ibaba mo na kami ni Sean at hahanap na lang kami ng masasakyan.” suhestiyon pa ni Kenneth.
Ayaw sanang isipin ni Gabby na si Harold iyon, pero paano kung si Harold nga. Kaya mabilis niyang pinatakbo ang sasakyan at hagibis niya itong pinalipad sa kalsada. Sabik na ang puso niya kay Harold pero ayaw niyang isang malamig na bangkay itong aabutan. Halu-halong emosyon ang naglalaro sa kaibuturan ni Gabby, ayaw niyang umiyak, ayaw niyang ipakitang naniniwala siya, ayaw niyang sabihing tinatanggap na niya ang ideyang patay na si Harold.
Wala, napalambot na ni Harold ang puso niya kaya naman kahit na anung pagtatago ng saloobin ay agad siyang pinagtaksilan ng mga luha sa kanyang mga mata.
“Harold! Akala ko ba hintayin ka? Pero bakit? Bakit ngayon, binigo mo akong babalik ka?” katanungan ni Gabby sa sarili.
Puno ng kalungkutan, pag-aalala at pangamba, iyan ang mababanaag sa mga mata ni Gabby. Hindi niya alam kung papaanong tatanggapin kung si Harold man nga iyong katawang iyon.
Ilang oras din silang bumiyahe at sa wakas ay nakarating na din sila sa laboratoryong sumuri sa bangkay –
Hindi magawang titigan ni Gabby ang bangkay na nasa harap. Mahirap nang i-identify iyon dahil sunog na sunog na at halos puro buto na lang ang nakikita. May pigil na luha ang nais kumawala sa kanya, ngunit ayaw tanggapin ng puso niyang si Harold nga ang kaharap. Iba ang damdaming nasa puso niya, kaiba sa damdmaing ang tunay na Harold lang ang may kakayahang magparamdam sa kanya.
“Doc, kamusta na po ang initial findings?” tanong ni Kenneth sa doctor.
“May nakita kaming mga bagay sa kanya na pwedeng magamit to identify the body. Iyong sa ngipin niya at bone structure.” sagot ng doctor.
“Yes dok! Kapareho nga po ang ngipin at bone structure ng hinahanap namin, pero pwede po bang makita namin iyong bagay na nakakabit sa kanya.” pakiusap ni Kenneth.
“Ito ang singsing na nakuha naman sa left ring finger niya.” pakita ng doctor sa singsing.
“Wala naman akong maalalang nagsusuot si Harold ng singsing.” komento ni Sean.
Biglang napalingon si Gabby sa sinabing iyon ng doctor, singsing. Maaari kayang iyon na ang hinihintay niyang ebidensya para makumbinsi siyang si Harold nga ang kaharap.
Nangingilid ang luhang kinuha ni Gabby ang singsing –
“Yeah! This is Harold’s” putol-putol na kumpirmasyon ni Gabby.
Nagsimula na ding kumawala ang mga luha kina Sean at Kenneth sa kumpirmasyong iyon ni Gabby –
“Papaano namang magkkaruon ng ganyan si Harold?” tutol ni Kenneth na bagamat may duda ay tila nasampal dahil sa kumpirmasyon ni Gabby.
“I am the one who gave him this ring.” tila patay na sagot ni Gabby, walang emosyon, tanging mga luha lang ang nagsasabi ng nararamdaman nito.
“Madaming may ganyang singsing.” kontra ni Kenneth na hinawakan pa sa kwelyo si Gabby.
“No! Ako sa si Harold lang ang may ganyan!” sagot ni Gabby saka pakita sa kapares na singsing sa kamay niya.
Lalong napadalas ang mga luha sa mata ni Sean. Walang pagdadalawang-isip na niyakap si Harold.
“Harold! Bakit ba ikaw pa! Pwede namang ako na lang ang magkaganya pero bakit ikaw pa?” tanong ni Sean sa bangkay ni Harold. “Shit naman Rold! Wala na akong ka-buddy, sino na lang ang sasaluhan ko ng pukpok ng mga pulis ngayon? Wala nang pipitik sa ilong ko, wala ng magsasabing, sabi nga ng kung sinumang Pontio Pilatong iyan! Wala nang tatanga-tangang papahuli sa papabugbog sa mga pulis, wala ng tatakas sa patak-patak system natin.” mga pag-alala ni Sean kay Harold. “Hoy gago! Bakit ka kasi nagpahuli? Akala ko ba mabilis kang tumakbo at magaling kang tumnakas? Ang yabang-yabang mo pa na hindi ka maabutan pag habulan na. At akala ko ba matalino ka? Kaya mong mabilis na makaisip na plano? Bakit nabobo ka at madali kang nahuli? Wala ka pala eh! Hanggang yabang ka lang pala eh.” paninisi pa ni Sean kay Harold.
“Nakita din ito sa may di-kalayuan sa bangkay.” sabi ulit ng doctor saka binigay ang nakita nilang kwintas dito.
“Si Harold nga!” saad ni Sean nang makita ang family pendant ni Harold.
Hindi magawang lapitan ni Kenneth ang bangkay ni Harold. Pakiramdam niya ay pinipilipitan ang puso niya ngayong kaharap si Harold – walang malay, walang buhay, isa nang bangkay. Isang malakas na suntok ang binigay ni Kenneth sa pader ng laboratoryo. Ang isa ay nasundan ng isa at ng isa pa kasabay ng mga luhang nasa mata. Pagpapahiwatig ng emosyong nararamdaman niya at nag-babadya sa isang paghihiganting binubuo sa isipan.
Samantalang si Gabby naman ay kinuha ang pendant at singsing, nilapitan ang bangkay, buo ang loob na tinitigan at inalala ang mga sandaling kasama ang binata. Sapat na ang katahimikan niya para malaman kung gaano siya nasaktan sa pagkawala ni Harold. May mga pigil na luhang pilit na kumakawala sa mga mata, may mga hikbi ng pangungulila, may mga mapapait na ngiting pilit binitawan. Ang puso ni Gabby ay tila ba ginapusan ng mga tinik, ng chicken wire, ng electric wire na may milyong boltahe. Buhay na patay ang pakiramdam ni Gabby, oo, buhay ang katawang lupa niya subalit piñata na naman ang puso niya. Buhay na buhay siya, pero pumanaw na ang diwa niya, ang damdamin niya, tinangay lahat ni Harold ang katinuan niya. “Sana, niyakap na kita ng mahigpit, hinalikan sa mga labi at sinabihan na kita kung gaano kita kamahal nung huling beses kitang nakita. Sana hindi ako naduwag nuon kung alam ko lang na iyon na ang huli nating pagkikita.” bulong ni Gabby sa sarili. “Mali pala! Sana hindi na ako pumayag na umalis ka, sana hindi kita hinayaang mawlaay sa akin, sana hindi nangyari ang lahat ng ito.” pagbawi ni Gabby.
“Doc, gaano pa po katagal i-aautopsy ang katawan ni Harold?” tanong in Kenneth sa doctor.
“Sa sobrang pagkasunog ng katawan niya, matatagalan pa tayo. Hindi din ganun ka-advance ang equipments namin dito.” sagot ng doctor.
“Prepare all the documents doc. Iuuwi na namin si Harold sa Tarlac.” wari ba isang hari n utos ni Gabby sa doctor.
“Hindi pa pwede, may procedure kaming sinusunod at may isa pang pamilya na pupunta dito para tingnan ang bangkay.” katwiran ng doctor.
“Tell the family that the body was identified.” sagot ni Gabby. “Tell them that the ring and pendant justified the identification. Parehas iyon na unique kay Harold.” habol pa ng binata.
“Hindi dok! Ituloy po ninyo ang autopsy sa katawan.” tutol ni Kenneth. “Gusto kop o talagang masiguradong si Harold yan!” paliwanag pa nito.
“Aren’t you pity Harold’s body? Imbes na mabigyan na natin siya ng maayos na pamamahinga, ipapalapirot mo pa ang katawan niya. Imbes na matahimik na ang katawan niya, ibubuyanyang mo pa.” kontra ni Gabby. “Have a little mercy for Harold! Four years niya kayong sinamahan at nakibaka para sa bayan. Apat na taon niyang ginagawa ang sarili niyang hukay para sa kamatayan n’ya ngayon.” paliwanag ni Gabby.
“Tama siya Kenneth!” sang-ayon ni Sean na sa wakas ay nakapagsalita na. “Papagpahingahin na natin si Harold Kenneth. Alam kong masakit pa ang katawan niya kaya naman hayaan na nating makapagpahinga.” paliwanag pa nito.
Muling pumatak ang luha ni Kenneth. “Kung alam ko lang na ganito sana itinago na lang namin si Harold sa headquarters.” sisi pa nito sa sarili.
“It’s not your fault!” pang-aamo ni Sean saka niyakap si Kenneth. “Walang may gustong mangyari ito kay Harold.”
“Doc, iuuwi na namin si Harold sa Tarlac.” muling pamimilit ni Gabby sa doctor na sinagot naman ng tango.
Sa Tarlac –
“Oh! Ano ito?” asar na usisa ni Luis sa humintong funeral service.
“Sir! Napag-utusan lang po kami.” sagot ng isa saka isa-isang binaba ang mga gamit.
“Wala naman kaming patay dito ah.” kontra ni Luis subalit tila hindi siya naririnig ng lalaki. Unti-unti nang nakaramdam ng kaba si Luis dahil tila siguradong-sigurado ang mga nagbababa ng gamit na tama ang bahay na hinintuan.
“Let them do their jod Luis.” malungkot na sabi ng tinig mula sa kotseng huminto.
“Gabby?” alinlangang tanong ni Luis. “May ano ba Gabby? Bagong promo ba ng Restaurant? Matagal pa ang Halloween di ba, saka hindi uso ngayon ang ganyan.” sunud-sunod na tanong ni Luis.
Walang sinagot si Gabby sa mga tanong at kumpirmasyon ni Luis – “Luis, I want you to meet Sean and Kenneth. They are Harold’s friends.” pakilala ni Gabby sa dalawa.
“Kenneth and Sean, he’s Luis, he serves as Harold’s older brother.” pakilala naman ni Gabby kay Luis.
“Nice meeting you!” wika ni Luis sabay abot sa kamay ng dalawa. “Nasaan si Harold?” tanong pa ng binata.
Nanatiling tahimik lang ang tatlo.
“Nasaan ka ko si Harold?” ulit na tanong ni Luis na lalong kinutuban sa kung sino ang laman ng ataul. “Don’t tell me na si Harold nga iyon?” nanginginig na tanong ni Luis.
Tango lang ang sagot ni Gabby na may kasamang tahimik na pagluha.
“Is this some sort of a joke?” nangangatal na tanong ni Luis.
“Sana nga!” sagot ni Sean.
“Pero totoo!” sagot naman ni Kenneth.
Mabilis na tinakbo ni Luis ang kabaong at pinipilit na pinapabuksan iyon sa mga bumubuhat.
“Sean, here’s the key! Buksan mo na ang pinto para maipasok na lahat ng gamit.” utos ni Gabby kay Sean. “Luis! Huwag mo nang pabuksan or else you will be dismayed.” sabi naman ni Gabby kay Luis saka inaya si Kenneth na sundan na si Sean.
“Hindi!” tutol ni Luis saka pinipilit na buksan ang kabaong.
“Buksan na nga ninyo.” utos naman ni Gabby.
Natulala si Luis sa nakitang sunog na katawan ni Harold. Hindi pa sana siya maniniwalang si Harold iyon kung hindi lang dahil sa kwintas nitong siya lang ay mayroon at sa singsing na nakita niyang suot nito lagi. Natahimik at hindi maigalaw ang buong katawan. Nanginginig, naluluha, umaapaw ang kalungkutan. “Harold? Ito na ang kinatatakutan ko. Akala sasamahan mo na ako pero bakit iniwan mo din ako kaagad? Ang daya mo naman, hindi ka marunong maghintay. Ang damot mo naman, sandali mo lang pinadama sa akin ang sayang makasama ka. Ang tanga mo naman! Namatay kang hindi mo alam na mahal kita.” bulong ni Lusi sa sarili na may matitipid at tahimik na pagluha.
Naikwento na nila kay Luis ang lahat ng opinion nila sa kamatayan ni Harold at naging napakaskit niyon para sa binata. Kinagabihan ng unang lamay –
“Bukas?!” tila may pagtutol na tanong ni Luis.
“Yeah! Bukas na natin ililibing si Harold. We’d talked about it and Sean and Kenneth agreed with my decision.” sagot ni Gabby.
“Sino ka ba sa buhay ni Harold para magdesisyon?” tanong ni Luis kay Gabby.
Iniangat lang ni Gabby ang daliri kung saan suot niya ang kaparehong singsing na gaya ng kay Harold. Natahimik na lang si Luis dahil alam na niya ang sagot sa katanungan.
“Maawa ka naman kay Harold kung patatagalin pa natin ang libing niya. Tinganan mo naman ang katawan niya, halatang matinding hirap ang pinagdaanan, tapos patatagalin pa nating expose.” katwiran ni Sean.
“Pero paano iyong iba niyang kakilala at kaibigan dito?” tanong ni Luis.
“We had informed them, kaya nga madami na ang nakadalaw mula kanina.” sagot ni Gabby na may pilit na mga ngiti.
“Iyong mga kaklase niya sa Manila?” tanong pa ni Luis.
“Malapit na din sila, kakatext lang sa akin.” sagot ni Sean.
“Pati ang ibang kasama, malapit na din daw sila.” singit naman ni Kenneth.
“Kaya pala kakaiba ang kaba ko nung may gustong mag-tour sa bahay.” simula ni Luis.
“Ano kamo?” pag-uulit ni Kenneth.
“Last time, nuong huli kong makita si Harold at lumuwas ng Maynila, may lalaking nagpupumilit na pumasok sa bahay na’to. Magbabayad daw siya kahit magkano makapasok lang. Kaso wala namang susi kaya hindi nakapasok.” sagot ni Luis. “Akala ko nga hindi gagawa ng mabuti, kasi ang bikas at itsura nakakatakot talaga. Ngayon, na-realize ko, mas mukha nga siyang sundalo.” kwento pa nito.
“Nasa list na talaga nila si Harold.” sagot ni Kenneth. “Talagang kasama na sa listahan nila si Harold kaya naman may nagmamanman na.” dagdag pa nito.
“Pero bakit si Harold?” tanong ni Sean. “Hindi mas expose tayo kaysa sa kanya?” tanong pa nito.
“Iyon nga din ang pinagtataka ko, kasi kung tutuusin, mas delikado tayo kaysa kay Harold.” komento pa ni Kenneth.
“Magandang gabi po!” bati mula sa pinto na nagpahinto sa usapan nila.
“Martin! Ikaw pala.” simulang bati ni Gabby. “Mr. Gutierrez!” bati naman niya sa kasama ni Martin.
“Magkakilala kayo?” tanong ni Martin.
“Business partner kami.” si Fierro na ang sumagot.
Kasunod namang dumating nila Martin ang iba pang mga kaklase ni Harold, mga kabarkada ang mga kasamahan sa organisasyon. Walang natulog buong magdamag, naging maingay ang burol ni Harold. Tulad nang nakasanayan na sa probinsya ay may nag-aalay ng dasal kay Harold, mga nagrorosaryo, gumagawa ng kung anu-anong seremonya, mga pagtatangi at kung anu-ano pang tradisyon. Sa pagbubukang-liwayway ay ang grupo naman nila Kenneth ang nagsagawa ng parangal para kay Harold.
“Mga kasama! Gamitin nating halimbawa si Harold sa ating layuning palayain ang bayan. Huwag tayong susuko at bibitiw sa ating ipinaglalaban. Huwag nating biguin si Harold na katulad natin ay umaasang papasikatin ang araw sa kanluran, na umaasang patuloy pa ding mag-aalab ang ating damdamin para sa hinihintay na pagpula ng kalangitan. Malaking kawalan si Harold sa samahan, malaking bahagi nang ating mga katauhan ang mananatiling kapiling niya, marami siyang pangarap na kailangan nating bigyang nang katuparan. Natatangi si Harold mga kasama, dahil siya ay ang halimbawa ng may tunay na tapang at lakas, walang takot at handang ialay ang buhay para sa inaasam na kalayaan ng bayan. Huwag nating biguin si Harold na minsan nating nakasamang nangarap para sa malayang inang bayan!” emosyonal na pahayag ni Kenneth habang pinangungunahan ang seremonya ni Harold.
“Harold! Kami’y kasama mong naniniwala na may pag-asang mabago pa ang hugis ng lipunan. Kami’y naniniwala na hanggang sa mga oras na ito ay hindi ka bumitiw sa ating ipinaglalaban. Kami’y umaasa at humingi sa iyo ng patnubay para an gating mabuting hangarin ay mabigyan ng katuparan.” pagwawakas naman ni Sean na siyang naging ka-buddy ni Harold sa loob ng apat na taon.
Salitan sila Luis, Kenneth at Sean na nakatayo sa paanan ng ataul samantalang si Gabby ay hindi iniwan ang pwesto niya sa ulunan nito. ang restaurant naman ang nagpapakain sa mga bisita at kasamang umiistima ng bisita ang mga kabarkada, kaibigan at kaklase sa Maynila. Kinaumagahan ay lalong dumagsa ang tao kila Harold. Dumating ang mga nakasama nito sa iba’t-ibang mass integration at paglilibot sa mga mahihirap na lugar. Lahat sila ay may pabaong mensahe para kay Harold. Lahat ay emosyonal at umiiyak sa paglisan ng isang mabuting kaibigan. Wala nang mapaglagyan ang mga tao, animo’y isang artista si Harold na bagamat nakasara ang ataul ay napakahaba ng nakapila at nagnanais na makayakap sa ataul ng binata at makapag-alay ng dasal sa kanyang labi.
“Kuya Harold!” simula ng isang bata. “Naaalala mo pa po ba ako? Ako po si Rainier, ako po iyong madalas ninyong bigyan nang pagkain sa riles. Namimiss na po kita, kasi wala nang kumakausap sa akin, wala na ding nakikipaglaro ng habulan. Di po ba sabi mo gusto mong makilala sina Mama at Papa ko? Heto po dinala ko sila dito para makilala mo. Sige na kuya Harold, bangon ka muna d’yan! Sabi kasi ni Kuya Sean, iyong lagi mong kasama at nagdala sa amin dito natutulog ka lang daw. Huwag ka daw naming gigisingin kasi maiistorbo ka. Ang ingay ingay kaya nila kasi umiiyak sila sa harap mo. Kaya nga ako ayokong umiyak kasi baka magalit ka. Pero kuya Harold, pag punta mo ulit sa Maynila bisitahin mo kami dun ah.” pagwawakas nang bata saka hinalikan ang gilid ng ataul ni Harold.
Rinig na rinig ni Gabby ang mga sinabing iyon ng bata. Hindi niya alam pero dahil sa mga taong nakasalamuha ni Harold ay mas nakilala niya ang katipan. Nakilala niya ang Harold na hindi niya magagawang makilala sa loob lang ng isang buwan nilang pagsasama.
“Gabby! May parating pa daw na kasunod.” pagbabalita ni Sean kay Gabby. “Kahit kasi limitahan lang namin iyong pwedeng sumakay sa truck eh nakikigitgit sila para makita si Harold. I mean, nakikipag-away para lang makapunta dito.” dagdag pa ni Sean.
“Sige, I’ll take the expenses. Isama lahat ng gustong sumama.” sagot ni Gabby.
“Dapat pala sa Manila muna natin dinala kahapon si Harold.” suhestiyon ni Sean.
“Wala na! Saka mahihirapan pa si Harold sa byahe.” sagot ni Gabby.
“Idol, salamat sa’yo kasi hindi na ako addict sa solvent ngayon.” sabi naman ng isang binata. “Buti na lang pala at hindi mo ako tinigilan dati at kinulit para lumubay na sa solvent. Alam mo, idol talaga kita, kasi iyong iba iniiwasan kami, nilalayuan, pero ikaw hindi. Umaakbay ka pa sa amin tapos nakikipagkwentuhan ka pa. Idol, di ba may promise ako sa’yo dati? Sabi ko maghahanap ako ng matinong trabaho para hindi na ako magsosolvent? Idol, tinupad ko na iyon. Janitor na ako ng City Hall, tapos nagsisimula na din akong mag-aral ng high school. Idol kasi kita eh, iba pala ang feeling nang pumapasok sa school tapos naka-uniform. Buti na lang talaga idol hindi ka nandiri sa akin dati. Hindi ka natakot, idol, bakit isang kagaya mo pa ang namatay? Pwede namang iyong nandiri sa amin ang mamatay di ba? Bakit ikaw pa? Kawawa naman iyong ibang kailangan pa ng tulong mo, hindi ka na nila makikilala.” at humulagpos na ang pigil na luha sa binata skaa niyakap ang ataul ni Harold.
“Boss! Tama na iyan!” sabi naman ng nasa likod ng binata saka ito niyakap din na tila pinapakalma at pinapapanatag.
Ilang tao din ang nagdaan, pare-pareho ng nasasabi tungkol kay Harold, puro kabutihan, alaala, masasayang sandali, kabaitan ng binata at kung anu-ano pa. may isang umagaw ng atensyon kay Gabby, isang lalaki na naka-long sleeves, slacks at leather shoes. Madami din ang dumaang ganuon sa harap niya na nakapila, pero ang nakatawag sa kanya ng pansin ay ang sinabi nito tungkol kay Harold.
“Tol! Salamat sa payo mo sa akin! Walang madaling paraan sa taong wala ng pag-asa, nagamit ko iyon sa buhay ko at heto, tama ka! Hindi ko kailangang magbenta ng katawan ko para kumita. Alam mo bang nakakita din ako ng trabaho, naging factory worker muna ako tapos ngayon supervisor na ng maliit na kumpanya, ayos lang kahit maliit ang sahod, mas masaya naman ako. Akala ko talaga dati katawan ko ang habol mo kaya nga todo giling ako sa harap mo na nakabrief lang. Sinabi mo pa nga nuon na hindi ko kailangang gawin iyon sabay abot ng twalya kinulit pa din kita, kasi trip din kita. Pero hanga ako sa’yo, nakaresist ka sa akin! You affected me so much. Ipinakita mo sa akin na hindi lahat ng bagay sa madaling paraan nakukuha, dapat pinaghihirapan pero dapat masaya ka. Nalungkot nga ako nang malaman kong patay ka na. ayoko ngang maniwala pero iyong mga kasamahan ko dati, kinonfirm na patay ka na nga daw, ayun, napabyahe ako agad. Nag-file agad ako ng leave of absence kasi, gusto ko, kahit sa huling pagkakataon, makapagpasalamat ako sa’yo.” at bumigay na ang lalaki at napaiyak ito. “Alam ko ayaw mong umiyak ako, kasi gusto mo malakas ang lahat, matibay at matatag, pero sorry tol! Hindi ko kaya! Hindi ko kayang sa muli nating pagkikita, sa pagkakataong makakapagpasamalat na ako sa’yo, hindi mo na ako naririnig at nakikita. Salamat talaga!” sabi pa ng lalaki at biglang umalis sa harap ng ataul ni Harold.
“Ito ba ang sinasabing respeto ni Harold? Respetong hindi nabibili pero kusang binibigay? Harold! Ngayon ko napatunayang mas mayaman ka pa kung ihahambing sa akin. Sa dami nang nagmamahal sa’yo, walang-wala ako na pera ko lang ang mahal nila at ginagalang nila. Sorry Harold dahil ngayon ko lang naintindihan ang sinasabi mo dati. Bakit kailangan mo pang mamatay? Salamat kasi kahit na sa huling pagkakataon, nililiwanagan mo ako sa tunay na kulay ng buhay. Salamat din Harold, kasi hindi ang pera ko ang tinaggap mo, kung hindi ako, kahit gaano ako kasama, minahal mo pa din ako. Salamat Harold, dahil tulad nila na nakapila, tinulungan mo din akong magbagong-buhay. Salamat Harold! Kasi pumayag kang maging Prince Charming ko at ipinakilala mo ako sa mundo mong makatao.” muling napaiyak si Gabby.
Kinahapunan –
“Ikaw, Harold Mark ay kapiling na nang ating Dakilang Maylikha, naging makabuluhan nag iyong buhay sa lupa at ngayon ay aming ipinapanalangin ang iyong matiwasay na paglalakbay sa kabilang ibayo ng buhay. Sa ngalan ng Ama, ng Anak, ng Espiritu Santo. Amen!” pagbababasbas ng pari.
Isa-isang nag-alay ng bulaklak ang mga taong malalapit kay Harold, at kasunod niyon ay mga lupang itinabon. Matagal din bago nabawasan ng tao sa sementeryo kung hindi pa umulan ay malamang hindi pa din mahulugang karayom. Madami ang tunay na nakidalamhati, madami ang nakiramay at nakisimpatya.
“Sige na! Susunod na lang ako.” sabi ni Gabby kay Sean na inaaya na siyang umuwi.
“Sigurado ka ba? Umuwi ka din agad, kailangan mo na ding magpahinga.” sabi pa nito.
“Sandali lang ako, sige na, pagod din kayo kaya magpahingan na muna kayo.” sabi pa ni Gabby.
“Sige!” sagot ni Sean na batid na kailangan ng oras ni Gabby para kausapin pa si Harold.
Maya-maya pa at –
“Harold! Alam ko, matatagalan bago maghilom ang sugat sa puso ko, pero sana tandaan mo at bauunin mo kung gaano kita kamahal ikaw lang ang nag-iisang dahilan ng pagtibok ng puso ko. Ikaw lang ang bukod tangi kong mamahalin at pag-aalayan ng buong pag-ibig. Asahan mo din Harold, kakayanin ko ang bawat araw na hindi kita kasama. Kakayanin ko ang bawat araw na hindi kita nakikita. Para sa’yo, lalaban ako.” pangako ni Gabby na pinipilit nang ngumit kahit na sa katotohanan ay puro pa din sakit ang kanyang nararamdaman. “Asahan mo, pagbabayarin ko ang gumawa sa’yo nito. Pagdudusahin ko ang naglayo sa iyo sa akin. Sisiguraduhin kong pagsisisihan niyang piñata ka niya.” turan pa ni Gabby.
0 comments:
Post a Comment