Dreamer C20

Tuesday, April 5, 2011

Chapter 20
What Comes After the Next?

Biglang napalingon sila Ken sa labas ng marinig ang kung anumang bagay na kumalansing na iyon. Nakaramdam ng kaba si Ken at hindi niya mawari kung bakit ganuon na lang ang naging panginginig niya.
“Sino ‘yan?” tanong ni Ken.
“Sir Ken!” bati kay Ken ng isang PA. “Simula na po ng last batch ng mag-aaudition.” balita pa nito.
“Salamat!” pasasalamat ni Ken.
Si Ken ang pinakahuling mag-aaudition ng gabing iyon. Kahit na sabihing sikat na siya at isang independent film ang sasamahan niya ay isang malaking bagay pa din ito para sa kanya lalo’t higit ay akda ito ng pinakamamahal niyang si Bien. Isang bagay ang mapasama siya dito nang sa ganuoon ay maging malapit na ulit sa kanya ang binatang manunulat.
“Ken!” gulat na bati ni Jason. “We are so proud na ang isang big star na kagaya mo ay naririto at mag-aaudition.” nakangiting saad pa nito.
“Nasaan si Emil?” simulang tanong ni Ken sa mga nanduon.
“Si Emil ba?” tila paninigurado pa ni Jason. “Nagtext, may emergency lang daw.” saad pa nito.
Nakaramdam ng kalungkutan si Ken sa balitang iyon ni Jason. Inaasahan niya ay muling makikita si Emil at pinaghandaan niya talaga ang audition na iyon, kaya naman kahit nasa kwarto ay todo ensayo siya sa mga linya at sa gagawin niyang monologue.
“Napulot ko nga po itong i.d. niya sa tapat ng pinto niyo.” pagbabalita naman ng P.A. na tumawag sa kanya. “Nagmamadali pa nga pong tumatakbo ng makita ko.” habol pa nito.
Nawala sa tamang ulirat ang isip ni Ken dahil sa sinabing iyon ng PA. Naramdaman niyang siya ang dahilan kung bakit hindi ito nakarating sa auditon at alam na alam niyang nakita nito ang ginawa niyang pag-eensayo kanina at ang ingay na pumutol sa practice nila ay gawa ng taong pinakamamahal.
“Sandali lang pala!” paalam ni Ken. “May nakalimutan lang ako.” saad pa nito saka tumakbo palabas ng audition room.
Tumakbo ng mabilis palabas ng hotel na iyon saka sumakay ng kotse niya. Pinaharurot ang sasakyan na animo’y isang kawatan na hinahabol ng mga pulis. Hindi man alam kung saan pupunta ay mas mahalagang makita niya si Emil kahit libutin niya ang buong Baguio.
“Emil! Saan ka ba nagsusuot?” mahinang usal ni Ken sa sarili.
“Emil bakla! Emil baboy!” tukso kay Emil ng mga kaklase niya.
“Ang taba-taba mo kasi, mukha ka tuloy baboy!” gatong naman ni Ken sa mga nang-iinis sa batang si Emil.
“Baboy! Baboy! Bakla! Bakla!” sigaw pa ng mga ito.
“Oo nga parang bakla si Emil.” lalong panggatong ni Ken sa tuksuhan.
“Isusumbong ko kayo kay ma’am!” sigaw ni Emil saka umiiyak na tumakbo palayo.
Nag-alala si Ken sa nangyaring iyon kaya naman hinabol niya ang kaibigan.
“Bien!” sigaw ni Ken. “Bien!”
Ilang minuto ding naghahanap si Ken subalit walang Bien siyang natagpuan. Wala ng pag-asa si Ken na makikita si Bien at magbabaka-sakaling bumalik na ito sa classroom nila. Habang pabalik ay may narinig siyang mahihinang hikbi. Naramdaman niyang si Bien iyon kaya naman hinanap niya kung saan mula ang ingay.
“Bien!” malungkot na wika ni Ken nang makita si Bien na nakatalungko at humihikbi. “Sorry na!” paumanhin pa ni Ken sa kaibigan.
“Sorryhin mo mukha mo!” pautal-utal na tugon ni Bien.
“Sorry na please!” pakiusap ni Ken. “Kasi naman ikaw eh!” tila sisi pa ni Ken. “Ayaw mo kasing aayusin iyang sarili mo. Ilang beses na kasi kitang pinagsasabihan na umayos ka pero hindi ka naman nakikinig sa akin.” paliwanag pa nito.
“Basta galit ako sa’yo.” sagot ni Bien.
“Sorry na!” giit ni Ken. “Hindi ko na uulitin!” may kasiguraduhan pa nitong saad.
“Talaga?” naniniguradong tanong ni Bien.
“Oo, basta aayusin mo na iyang sarili mo.” nakangiting sagot ni Ken.
Isang ideya ang pumasok sa kukote ni Ken dahil sa alaala ng nakaraan na iyon. Mabilis siyang nag-U-turn at tinahak ang daan pabalik sa hotel at ng madaan siya sa Minesview ay agad siyang huminto at pumasok duon.
Si Emil naman, kahit na giniginaw at nilalamig ay pinilit lumaban sa sama ng panahon. Ilang minuto o oras na din siyang nanduon at ang puso niya ay umaasa sa isang magandang bagay na pwedeng mangyari. Mula sa pagkakatalungko ay dahhhan-dahannn at maingat siyang tumayo. Nanginginig man dahil sa lamig ay buong lakas pa din siyang sumigaw.
“Mahal na mahal kita Ken!!” malakas na malakas niyang sigaw. Buong kalungkutan niyang pagpapahayag sa sariling damdamin saka muli tumulo ang mga luha.
Hindi pa man ay naramdaman na niyang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Isang pamilyar na yakap at pamilyar na init ng katawan na sapat na para talunin ang lamig na hatid ng Baguio. Naramdaman din ni Emil ang paghinga nito malapit sa may tainga niya na nagdulot sa kanya ng kiliti. Ang sakit sa puso niya ay tila ba natutunaw nang tagpong iyon at umaasa na mula ito sa taong nais niyang makasama habang-buhay. Hindi pa man ay wari bang may sinasabi ito na dinaanan sa pagkanta.
“Bakit ba may lungkot sa ‘yong mga mata?
Ako kaya’y ‘di nais makapiling sinta
Hindi mo ba pansin,ako sayo’y may pagtingin
Sana ang tinig ko’y iyong dinggin
Ako ngayo’y hindi mapalagay
Pagkat ang puso ko’y nalulumbay
Sana ay paka-ingatan mo ito
At tandaan mo ang isang pangako.
Pangako, hindi kita iiwan
Pangako, hindi ka pababayaan
Pangako hindi ka na mag-iisa
Pangakong magmula ngayon tayong dalawa
Ang magkasama.”
“Ken?!” naluluhang puno ng kaligayahan niyang paninigurado.
“Mahal na mahal kita Bien!” sagot ni Ken.
Agad namang humarap si Bien at lalong nakaramdam ng kaligayahan ang puso niya sa nakitang si Ken nga ito. Isinandig niya ang ulo sa malapad na dibdib ng mahal niyang si Ken at ang tibok ng puso nito ay nagsilbing musika na pumapawi sa nararamdaman niyang lumbay, sakit, pait at hirap.
Sapat na ang katahimikang iyon para magkaintindihan ang mga puso nilang nabigyan na ngayon ng laya at karapatang mag-sama. Ang lahat ay napawi at ang pangungulila ay nabigyan na ng kasagutan. Ang mahabang panahong paghihintay ni Ken para sa isang Bien ay nandito na at kapiling na niya at ang mahabang panahong paghihintay ni Bien sa pangako ni Ken ay nandito na at sisismulan ng tuparin.
Iniangat ni Bien ang ulo at tumitig sa mga mata ni Ken at nagsalita – “Salamat Ken dahil ang pagmamahal na akala ko ay pangarap na lang ay binigyan mo ngayon ng katuparan.” masaya ang puso at nakangiting turan ni Emil. “Ang pangarap na akala ko ay walang katuparan ngunit heto ka, Kenneth Cris at nagsilbing sagot sa matagal ko nang hinihiling.”
Sumagot lang si Ken ng ngiti, tumingin sa kalaliman ng gabi at tintigan ang mga bituing nasa langit at nagpahayag din ng pasasalamat kay Bien – “Ang gabing ito ang magtatakda para sa isang pangarap na mabibigyan ng katuparan.” saad ni Ken saka tumingin ulit kay Bien. “Ang pangarap na mahalin ang nag-iisang ikaw mo at ang mahalin ako ng bukod tanging Bien Emilio.
Ikinulong ni Ken si Bien sa mga bisig niyang ng mahigpit na mahigpit na sa wari ba ay wala ng bukas at ayaw na niyang pakawalan pa ang binata. Wala silang pakialam sa mga tanog nasa paligid nila at sa kung mayroon mang makakakita sa kanila. Ang pinakamahalaga sa kanila ngayon ay nabigyan nila ng laya ang mga puso para mapili ang tunay nitong nagugustuhan at ang pagkawala nila sa nakasanayan na ng mga taong walang tapang para harapin ang bagon hamon ng pagbabago.
Matapos ang tagpong iyon sa Baguio ay napapayag nila Jason na sina Ken at Emil ang gumanap sa Third Line, Third Row na gagawing pelikula. Agad din naman nilang inamin sa mga magulang ang tunay nilang nararamdaman at namamgitan sa kanila. Sa simula ay may pagtutol subalit dala na din ng natural na pagmamahal ng mga ito at ang pagiging bukas sa mga bagay ay napapayag nila sa kundisyong patunayan ang sarili na tunay at totoong pagmamahal ang nararamdaman nila at ang katapangan nila para ihayag sa buong mundo ang laman ng mga puso nila. Isang hamon na ikinasa sa kanila at kanila namang tinupad.
HULING BUWAN NG ENERO – naging malaking usapan sa buong bansa ang tungkol sa huling pahayag ni Ken na isinulat ni Emil.
“Isang tao na pinangakuan ko ng habang-buhay, ang taong nasa harap ko! Ang taong susulat, sumusulat at sumulat ng kwento ng buhay ko! Ang taong hawak ko ang mga kamay ngayon! Ang taong inaangkin ko at mamahalin habang-buhay! Ang taong nagngangalang Bien Emilio Buenviaje – Angeles ang habang-buhay na ititibok ng puso ni Kenneth Cris Nicolas – Saludar.”
Iyan ang nasa huling bahagi ng artikulong isinulat ni Emil na ngayon nga ay pinakamalaking balita sa buong bansa. Ang araw nga na ito ang unang araw para harapin ni Ken ang unang press conference and interview niya ukol sa kontrobersiyal na nailathala. Ngayon nga ay nakaharap silang dalawa sa mga press at hawak kamay nilang sinusuportahan ang isa’t-isa.
“Ken gaano katotoo ang nasa Metro-Cosmo?” simulang tanong ng isang press kay Ken.
Bago magsalita ay itinaas niya ang kamay kung saan ay hawak niya duon ang kamay ni Bien. “Kung ano ang nakikita ninyo, iyon na iyon.” maikli at nakangiti niyang sagot. “Please allow us to state our sentiments first before asking any questions.” pakiusap pa ni Ken.
Tumahimik ang lahat sa pahayag na iyon ni Ken.
“I, together with my long lost love Bien would like to thank you for attending this press conference. Hindi namin alam kung papaano sisimulan ang kwento o kung papaano magpapaliwanag sa inyo. Iniisip pa nga namin kung talaga bang kailangan pa naming magpaliwanag, but my Bien told me this (saka tumingin muna kay Bien bago magsalita), and I quote, it is necessary for us to explain ourselves in public. Una sa lahat, public figure ka, idolizes by many and follows by many. Kailangan nating malinis ang pangalan mo para maunawaan nila tayo. Aside form that, it is also our task to help people like us para ipaunawa sa mga tao na hindi kasalanan ang sitwasyon natin, na walang masama sa relasyon natin lalo na kung tunay naman ang nararamdaman natin na pagmamahal, end quote. I and Bien are happy with each other; feel satisfied and contented with the love we have and with what we can offer for each. Hindi naman masamang magmahal, hindi naman masamang umibig at lalong hindi masama ang sundin ang isinisigaw ng puso natin. Sa una, may takot, pero iba pala ang pakiramdam pag nakawala ka na sa takot mo. Ibang level of happiness ang mararanasan mo pag hinayaan mo lang ang puso mo. Mahal na mahal ko si Bien at ayokong masayang ang buhay ko na hindi ko siya makakasama. Isa lang ang hinihiling namin sa mga tao, understanding, sana naman maging mulat sila para sa mga uri ng taong kagaya namin, maging mulat sila sa katotohanang nagmamahal din kami at karapatan namin na sundin ang sigaw nang aming damdamin. Masakit at nasasaktan din kami sa mga kumukwestiyon, nagdududa, bumabatikos at minamaliit kami at sa pagsasama namin, tao din kami, nasasaktan, isa lang ang panawagan namin, na sana dumating ang araw na matututo kayong unawain kami.” maikling pahayag ni Ken sa hudyat na para si Emil naman ang maagsalita.
“We are victims!” simula naman ni Emil sa pagpapahayag ng saloobin. “Victims of this society, blinded by false faith and fate, victims of the world’s chained beliefs and shattered anonymity, we are victims not by chance or fate, but victims of unnecessary withholding to what should be left behind, we are victims of civilization’s concealed convictions and by humanity’s folded devotions. Sa wari ko ay madami pa din ang biktimang katulad namin at madami pa din silang takot humarap sa katotohana. Masakit, nahihirapan, natatakot, nasusugatan, nawawala sa katinuan, pinapatay ang sariling kaligayahan, pinapako ang sarili sa krus na gawa ng iba, itinatanggi ang sariling kalayaan, binubulag ang sariling mata, nagpapakabingi at ginagawang tanga ang sarili para lang sa nakakabaliw na paniniwalang kinagisnan at kinalakihan. That’s the feeling before I conceded myself to Ken. Those are feelings na sa tingin ko ay kinakaharap ng maraming kagaya namin na sa simula ay walang lakas ng loob at nawalan na ng tiwala sa salitang pagmamahal.” nakangiting pagwawakas ni Emil.
Matapos makapagsalita ay tumayo na sa upuan ang dalawa at mga kasamahan saka sila inalalayan para makalabas sa hall na iyon. Naiwan ang mga nanduon na walang imik at tahimik. Labis nilang naramdaman ang pagmamahalan ng dalawa at nakikisimpatya na din sila sa dinadanas ng mga ito, maging sa mga katulad nilang nagmamahal lang.
“Galing naman bunso!” naluluhang bati ni Benz sa kapatid na nakasalubong nito sa gilid nang stage.
“Siyempre Kuya! Para sa Ken ko.” sagot ni Emil na buong pagmamahal para kay Ken.
Bago pa man tuluyang makalabas ang grupo ni Ken ay tumanggap muna sila ng masigabong palakpakan mula sa press people. Naramdaman ng press ang sinseridad at ang panggaling ng bawat salita sa puso nila Ken at Bien. Naramdaman ng press kung gaano ang hirap na pinagdadaanan at pinagdaanan nila Ken at Bien. Nakuha nila Ken at Bien ang simpatya ng press dahil bukal sa puso ng mga ito ang mga sinabi nila na nanunuot sa bawat himaymay ng nakakarinig. Narinig din nila ang suporta mula sa mga ito.
“We will never leave you Ken!” sigaw ng isang press.
“Ken and Bien, asahan ninyo ang suporta namin.” sabi pa ng isa.
“Maraming salamat!” sigaw ng pasasalamat ni Ken.
LIMANG BUWAN na nadin ang nakakalipas at sa loob ng panahon na iyon ay hindi na lumalabas pa sa TV o kahit na anong pelikula at magazine si Ken. Nawala na din ang usapan tungkol sa buhay pag-ibig nito at naging tahimik na din ang buhay nila ni Bien. Tumupad si Ken sa usapan at sa lumang bahay nga ng mga Saludar sa Pulilan nanatili at tumira ang dalawa. Nanatili ang suporta sa kanila ng mga magulang at ng mga taong nakakaunawa. Umampon ng dalawang bata at ito ang itinuring na mga anak. Oo, may mga tampuhan, pero para saan ba ang paghihirap nila kung ang isang simpleng tampuhan lang ang sisira sa pagmamahalan nila. Si Ken ay sinisimulang maging isang mahusay na direktor katulad nang ama, ngunit higit pa ay naging isang matagumpay na businessman sa loob ng maikling panahon. Nanatiling writer si Bien sa Metro-Cosmo at sa maikling panahon na iyon ay kinilala nang ibang award-giving body ang mga literary piece niya na naisulat. Tulad dati, si Ken lang ang may karapatang tumawag na Bien sa mahal. Ang dapat na independent film na Third Line, Third Row at napalitan ng Pulang Langit na original story din ni Bien nuong nasa sekundarya. Silang dalawa ang napiling gumanap at ang pelikulang ito ngayon ang pinagkakaguluhan ng mga tao at nakakuha na ng mga citations dahil sa kakaibang tekstura at hagod ng kwento.
Si Benz at Vaughn, ang dalawang ito naman ay nanatiling matatag na nagsasama, masaya sa piling ng bawat isa at laging nagtitiwala at nagmamahal. Nakapagpundar ng sariling bahay at lupa at nakapagtayo ng sariling business. Tinaggap ng kanilang pamilya ang kapalarang mayroon sila at lubos na sumusuporta sa kanila. Nabigyan din ng pagkilala si Benz bilang isang direktor at ngayon nga ay siya ang direktor ng Pulang Langit na pinagbibidahan ng kapatid. Si Vaughn naman pinagbuti ang pamamahala sa theme park na kanilang pag-aari at sinisimulan ng ipatayo ang bagong theme park na ipinapagawa niya sa Bulacan. Tulad nila Ken at Emil ay nag-ampon din ang dalawa ng magiging mga anak nila. Salamat sa kalokohang dahilan ni Emil – “Mag-aampon kami ni Ken para makabawas sa mga ulilang kinalimutan na ng mga magulang nila.”
Si Vince naman ay muling nabuksan ang puso para kay Jona at labis na pagsisisi dahil hindi niya nagawang mapansin ito at naisaisantabi niya ang pagmamahal niya dito dati. Nasa proseso na ang dalawa ng ligawan dahil pakipot pa din si Jona, ngunit nasa balak na nila ang magpakasal pagsapit ng ika-tatlong taon.
Si Julian, oo, masyadong nasaktan sa nangyari, pero may isang tao siyang natagpuan na may kakayahang papaghilumin ang sakit na idinulot ni Benz. Papunta din sana siya ng Baguio para mag-audition subalit sa hindi sinasadyang pagkakataon ay nakabangga niya si Josh habang paakyat. Tama, si Josh ang mayabang na aroganteng nag-audition. Nakagaanan niya ng loob ang binata at sa ngayon ay nasa proseso na din ng ligawan.
Walang pangarap na imposible kung susubukan mong kumilos para makamit ito.

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP