STRATA presents: This I Promise You - Part 3

Thursday, February 24, 2011


B1 at B2

“Welcome to your new office my dear Russ!” masayang bati ni Ariel kay Russel pagkapasok nito kinabukasan.
“Ewan!” tanging sambit ni Russel sa bati ni Ariel.
“Tanggapin mo na kasing magsasama na tayo.” pagpapayo pa ni Ariel kay Russel.
Isang malalim na buntong-hininga na lang ang tinugon ni Russel sa binata. Wala siya sa kundisyon para makipag-asaran dito o kaya naman ay makipag-inisan man lang.
“Tahimik ka ata?” nag-aalalang tanong ni Ariel kay Russel ng mapansing tahimik ito buhat ng dumating kanina.
“Masama?” sarkastikong balik na tanong ni Russel.
“Hindi ba pwedeng maging makaibigan tayo?” tanong ni Ariel kay Russel.
“Hindi!” mariing tutol ni Russel.
“Bakit hindi?” tanong ni Ariel saka hinawakan sa dalawang balikat si Russel at hinarap sa kanya at hinuli ang mata nito. “Sabihin mo sa akin ngayon! Bakit hindi?” puno ng pag-aalalang tanong pa nito kay Russel na may mga matang animo’y nangunusap sa kaluluwa ng binata.
Sapat na ang titig na iyon ni Ariel para magpabaliw sa puso ni Russel. Ang isang damdaming sa simula pa lang ay pinapatay na niya, ngunit ano ba’t pilit na kumakawala sa kanya. Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit tila nawawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod at paangkin na sa binatang kaharap.

“Please Russel! Tell me!” pakiusap pa ni Ariel.
“Ah, eh, kasi, ano.” putul-putol na wika ni Russel na hindi alam kung paanong sasagutin ang tanong ni Ariel.
“Ano?” napuno nang pangambang tugon ulit ni Ariel.
“Ewan ko.” malumanay na sagot ni Russel.
“Ayaw mo ba sa akin talaga?” tanong ulit ni Ariel. “Please tell me Russ!” pagsusumamo pa ni Ariel.
“Hindi naman sa ganuon.” sambit ni Russel na naging mabilis na ang pagpintig ng kanyang puso.
“Then what?” pilit na tanong pa ni Ariel.
“This can’t be happening! Wake up Russel Punzalan!” panggigising ni Russel sa sariling malapit nang bumigay kay Ariel.
“I need to know!” giit pa ulit ni Ariel.
“Ayoko kasi sa mga low class individual!” biglang naibulalas ni Russel.
Biglang bitaw si Ariel kay Russel at kita sa mukha nito ang pagkadismaya.
“So, talagang mababa pala ang tingin mo sa akin.” may kalungkutang tugon ni Ariel.
Lalong hindi maunawaan ni Russel ang sarili kung bakit sobrang apektado siya sa naging reaksyon ni Ariel. Pakiramdam niya ay nasasaktan na din siya ngayon sa nakikita. Nais niyang yakapin ang binata at humingi ng kapatawaran dito ngunit pinigil niya ang sarili. Nabakasan na din ng kalungkutan ang anyo ni Russel.
Sa gitna ng nakakabinging katahimikan ay saka naman pumasok si Melissa sa opisina ng dalawa.
“Come on Russ!” masayang bati ni Melissa dito. “Lunch break na!” masaya pa nitong habol.
“Sandali lang.” matamlay na sagot ni Russel sa anyaya ng kaibigan.
“Sige, hintayin kita sa labas.” saad pa ni Melissa saka lumabas.
“Sir Ariel, lunch po muna ako.” paalam ni Russel dito na puno nang kalungkutan.
Isang matipid na ngiti lang ang tinugon ni Ariel dito. Ngiting may pait na pilit ginawang masaya para sagutin ang paalam ni Russel.
“Friend, L.Q. na naman kayo ni Sir Ariel.” bati ni Melissa kay Russel nang mapansin nito na matamlay ang kaibigan.
“Ang L.Q. may love, kami may hatred kaya hindi L.Q.!” sarkastikong paglilinaw ni Russel sa sinabi ni Melissa.
“Sige! Sabi mo!” sang-ayon ni Melissa. “Ano ba kasi ang nangyari?” nag-aalalang tanong ni Melissa dito.
“Huwag ka na lang magtanong!” sagot ni Russel.
“Alam mo friend, may napansin lang ako.” wika ulit ni Melissa pagkaupo nila sa cafeteria.
“Ano na naman iyon?” tanong ni Russel dito.
“Umamin ka nga sa akin Russ!” saad ni Melissa saka hinabol ang mga mata nito. “Alam kong beki ka at pinagkatiwala mo sa kin ang sikreto mong iyon, ngayon naman umamin ka nga! May gusto ka ba kay Sir Ariel?” tanong ni Melissa sa kaibigan.
“Asa bells!” tutol ni Russel. “Hindi ka ba kinikilabutan sa sinasabi mo Mel?” pagkontra pa din ng binata.
“Walang masam kung aamin ka.” pamimilit ni Melissa. “Ano tama ako?!” habol pa ulit nito.
“Sort of!” alangang sagot ni Russel.
“Sabi ko na nga ba eh!” biglang naisigaw ni Melissa.
“Tumahimik ka nga!” saway ni Russel dito nang mapansing nakatingin sa kanila lahat ng tao sa cafeteria.
“Kailan pa?” sabik na sabik na tanong ni Melissa.
“Kahapon lang ata!” sagot ni Russel. “Slight lang naman eh!” katwiran pa ni Russel.
“Kahit na slight lang, ganun na din ‘yon!” sabi pa ni Melissa dito.
“Huwag kang maingay, atin-atin lang naman!” pakiusap ni Russel sa kaibigan.
“Oo ba!” sagot ni Melissa. “Kilala mo naman ako!” pagpapanatag pa nito sa kaibigan.
“Salamat!” sagot ni Russel.
“Feeling ko friend, may gusto din sa’yo si Sir Ariel.” wika pa ulit ni Melissa.
“Sabi nga niya!” nadulas na wika ni Russel sa kaibigan.
“Talaga!?” bigla ulit naisigaw ni Melissa na ngayon naman ay napatayo sa upuan niya.
“Sabing tumahimik ka!” saway pa ulit ni Russel. “OA na ah!” asar na pahabol ni Russel.
“Sorry naman!” paumanhin ni Melissa. “Bakit hindi mo pa sinasagot?” tanong pa nito na halatang mas kinikilig siya kaysa kay Russel.
“Natatakot ako friend.” sagot ni Russel dito.
“Walang mararating iyang takot mo!” kontra ni Melissa sa sagot ni Russel.
“Paano mo naman nasabing walang mararating?” balik na tanong ni Russel dito.
“Iyang takot na ‘yan ang sisira sa mga pangarap mo sa buhay. Iyang takot na ‘yan ang patuloy na hahadlang para maging masaya ka.” sagot ni Melissa.
“Hindi naman sa ganuon!” paliwanag ni Russel. “Natatakot akong masaktan, na baka mamaya pinagtitripan lang niya ako. Baka mamaya papaasahin lang din niya ako.” paliwanag ni Russel.
“Saan ka dadalin niyang mga baka mo sa buhay?” balik na tanong ni Melissa. “Kung hindi mo kayang magtiwala sa iba, kung hindi kayang magtiwala niyang utak mo, hayaan mo namang magtiwala ang puso mo.” sagot ni Melissa. “Iyang utak mo lang naman ang nagsasabi ng mga baka nay an eh!” paliwanag pa ulit nito.
“Basta, mas maganda na iyong ganito.” sagot ni Russel saka nagbitaw ng isang malalim na bunotng-hininga.
“Paano na lang kung mali pala ang mga baka mo sa buhay?” makahulugang tanong ni Melissa.
“Wala na bang bagong payo?” pang-aasar ni Russel dito. “Luma na ‘yan friend eh!”
“Luma man, mapapakinabangan pa din!” sagot ni Melissa. “Isipin mo, ang pagtitiwala ng puso ang unang batayan nang pagmamahalan. Kung nasaktan ka kasi tama iyang mga pinapangambahan mo, at least walang nawala sa’yo! Kasi sinubukan mo at naging matapang kang harapin ang mga takot mo!” pagpapayo ulit ng dalaga.
“Pero friend, basta mahirap!” sagot ni Russel.
“Mahirap? Bakit nasubukan mo na ba?” tanong ni Melissa dito. “Think positive, don’t get so foolish that because of fears you will let your happiness and good opportunities to passed by.” habol pa nito.
“Mas natatakot ako sa maiinit na mata ng tao.” naging lalong seryoso si Russel.
“Who cares about them?” tugon ni Melissa. “Hangga’t wala kayong sinasaktan at inaapakang ibang tao, walang masama kung magsasama kayo! Oo mahirap na tanggapin para sa iba ang mga kagaya ninyo. Pero para saan pa at umiikot ang mundo?” makahulugang tanong at tila pagwawakas ni Melissa.
Namagitan ang katahimikan sa dalawa. Unti-unting napaisip si Russel sa mga sinabing ito ni Melissa.
“Fifteen minutes na lang at tapos na ang break time. Kain na tayo.” anyaya ni Melissa kay Russel na tumapos sa katahimikang namamayani sa kanila.
Walang Ariel na dinatnan si Russel sa opisina nila. Lumipas na ang isang oras subalit hindi pa din ito bumabalik, wala ni anino o bakas, kahit paramdam sa kanya ay wala. Nakaramdam ng pag-aalala si Russel sa naging aksyon na iyon ni Ariel. Hindi niya alam, ngunit sa tingin niya ay nagiging tama si Melissa, at ang sitwasyon na ito ngayon ang nakatulong sa kanya para mapagtantong dapat ay hayaan niyang makalipad ang damdaming pilit na tinatago.
Natapos ang araw at walang Ariel na dumaan sa opisina, walang bakas na iniwan kung saan ito nagtungo. Hindi din nagawa ni Russel na makapagtrabaho ng maayos, labis na pangamba kasi ang nararamdaman niya para sa binatang nagawan niya ng kasalanan na ngayon nga ay inuusig siya ng kanyang konsensiya.
Hanggang sa makauwi si Russel ay naangkin pa din ni Ariel ang isipan nito. Naging mailap ang antok para sa binata dahil lagi’t-laging si dumadaan sa utak niya si Ariel. Idinaan sa sulat ang laman ng isipan at ang paghingi ng tawad para kay Ariel na sapat na para ibsan ang pag-aalala sa binata.
Maagang pumasok si Russel kinabukasan, inilapag niya sa lamesa ni Ariel ang ginawang sulat at saka maingat na lumabas. Bumalik sa dating lamesa katabi ni Melissa sapagkat hindi niya alam kung paano papakitunguhan ang binatang gayong alam niya kung paano ito nasaktan.
“Bakit nandito ka?” tanong ni Melissa kay Russel.
“Dito na muna ako friend.” sagot ni Russel.
“Bakit nga?” pilit na tanong ni Melissa.
“Wag nang makulit! Basta dito muna ako.” sagot ni Ariel.
“Andiyan nab a si Sir Ariel? Pinalayas ka ba niya sa opisina?” pilit na kumukuha ng sagot si Melissa dito.
“Kay aga puro dakdak ang ginagawa ninyo!” pangaral ng isang tinig sa kanilang dalawa.
“Sorry Sir Ariel!” paumanhin ni Melissa pagkaharap kay Ariel.
“Patay na!” mahinang bulong ni Russel kay Melissa.
“Ikaw Russel! Sumunod ka sa akin!” mariing utos nito.
“Opo!” hindi makatinging diretsong sagot ni Russel dito.
“You’re forgiven!” simula ni Ariel pagkasok pa lang nila sa opisina nito.
“Sorry po talaga sir!” paumanhin ni Russel na nahihiya pa din sa binatang kaharap. “Ganun lang po talaga ako.” paliwanag pa nito.
“I said you’re forgiven! I am not asking for any explanation.” giit ni Ariel.
“Thank you Sir!” sagot ni Russel.
“Take this!” wika ni Ariel saka nag-abot ng isang paperbag kay Russel.
“Para saan po?” nagtatakang tanong ni Russel.
“Sign ng friendship natin!” sagot ni Ariel. “From now on, wala ng away.” saad ni Ariel saka nagbitaw ng simpatikong ngiti kay Russel.
“Opo Sir!” sagot ni Russel na pinilit tanggalin ang hiya.
“Remove mo na ang po at Sir, Ariel na lang.” sabi pa ni Ariel.
“Sige Ariel!” pormal pa ding sagot ni Russel.
“Hoping na magiging maganda ang working relationship natin!” sabi ulit ni Ariel saka lahad ng kamay kay Russel.
Isang matamis na ngiti langh ang sagot ni Russel dito na sa katotohanan lang ay sobrang Masaya dahil sa pagkakayos nila ni Ariel.

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP