Dreamer C12
Sunday, February 27, 2011
Chapter 12
Is This Real
Naguguluhan, nabigla, nagulat at nahulog sa malalim na pag-iisip – iyan ang magandang paraan para ilarawan ang saloobin nila Benz, Ken at Vince. Kapwa sila iisa ang laman ng isip at iisa ang bagay na gumugulo sa kanila. Isang katotohanan ang walang pasabing sumampal sa kanilang mukha. Mga bagay na kanilang naiisip, ang katotohanang si Emil ay kapatid ni Benz. Higit pa ay may hindi maipaliwanag na damdamin si Benz sa bagong tuklas na lihim. Sa balitang dala sa pagdating nang kanyang ama ay siya namang pagpanaw nang kanyang diwa na ngayon ay lumilipad sa kawalan. Ganito ang nasa isipan nila bago tuluyang pumasok sa loob para kuhanan ng dugo.
Pagkapasok ng tatlo ay nagkalakas ng loob si Choleng na lapitan si Tino.
“Choleng!” nangingiti at alangang bati ni Tino kay Choleng.
Isang malutong na sampal ang ipinambati ni Choleng kay Tino.
“Walanghiya ka!” agad na bulyaw ni Choleng. “Ang kapal ng mukha mong magpakita pa sa amin!” sumbat pa nito.
“Choleng.” tanging nasambit ni Tino.
“Iwanan mo na kami ng tuluyan. Huwag ka ng magpapakita pa.” naiiyak na wika ng ina ni Emil kasunod nito ang paghampas sa dibdib ni Tino.
Agad namang inawat ni Mando si Choleng sa ginagawa.
“Choleng, ano ba, tumigil ka na!” pigil ni Mando saka inilayo si Choleng mula kay Tino.
“Pasensiya ka na pare!” paumanhin ni Mando. “Hindi lang handa pa si Choleng na makita ka.” saad pa nito.
“Ayos lang ‘yun pare.” tila nakakaunawang wika ni Tino. “Kasalanan ko naman at kulang pa iyong ginawa niya sa lahat ng nagawa ko.” may pilit na ngiti pa nitong dagdag.
“Gagawa ako ng paraan para magkaayos kayo ni Choleng, hayaan na muna nating maging maayos ang lahat, lalo na si Emil.” tila pagpapakalma ni Mando sa kaibigan.
“Pero” biting wika ni Tino sabay tingin sa gawi ni Choleng “mapapatawad pa ba ako ni Choleng?” tanong ni Tino na tila walang kasiguraduhan.
“Pati ako pare galit sa’yo dahil iniwan mo sila Choleng at anak mo nang walang pasabi. Wala ka man lang paliwanag, basta biglaan ka na lang nawala. Hindi mo naman masisisi si Choleng para labis na masuklam sa’yo. Ilang araw at gabi ka niyang hinintay, umaasa na babalikan mo sila at tutupad ka sa pangako mo. Pero ilang buwan din ang lumilipas, nabalitaan na lang naming na pamilyado ka nap ala.” pagkukwento ni Mando.
“Hindi ko naman gusto iyon pare.” magpapaliwanag na saad ni Tino.
“Pakiramdam namin niloko mo lang kami. Tinulungan ka namin at naniwala sa pakilala mong isa kang witness at hinahabol ka ng sindikato. Kahit alam naming delikado kami, hindi kami nagdalawang-isip na tulungan ka, na patuluyin ka sa bahay. Naniwala kami sa lahat ng kwento mo, na wala kang asawa, mga anak. Naniwala kaming hindi ka nga pamilyado. Ang higit pa, hinayaan mo si Choleng na mahulog sa iyo. Hinayaan mo na magbunga ang pagmamahalan ninyo ni Choleng.” sabi pa ni Mando.
Nanatiling tahimik si Tino sa ginagawang pagbabalik ni Mando sa nakaraan.
“Alam mo naman kung anung hirap ang dinanas ni Choleng para sa pagmamahal niya sa’yo. Alam mo naman kung anung sakripisyo niya sa pagmamahal niya sa’yo. Ipinaglaban ka niya sa pamilya niya, ikaw ang pinili niya. Pinalayas siya sa bahay ng malamang buntis siya at ikaw ang ama. Ikaw ang ama na hindi mo man lang siya magawang pakasalan. Tinanggap ka niya kahit hindi ka niya lubusan na kakilala, tinanggap ka niya at naniwala sa mga kasinungalingang sinabi mo. Ang masakit lang, nagawa mo siyang paasahin, paasahin sa wala. Nakita ko kung papaano dinala ni Choleng ang lahat, ang bigat na nadarama niya, nakita ko kung papaano siya naghirap, nakita ko kung gaano nasayang ang buhay niya, ang buhay nila nang umalis ka.” si Mando ulit.
“Patawad pare!” paumanhin ni Tino na puno nang sinseridad.
“Nauunawaan kita pare, alam ko namang may dahilan ka.” saad pa ulit ni Mando. “Ang mahalaga ay bumalik ka.”
“Naduwag ako pare.” simula ni Tino ng kwento. “Ilang taon ko ding tiniis na itago sa tunay kong pamilya ang sekreto ko. Labing-limang taong lagi at laging si Choleng ang naiisip ko. Pinipilit kong isipin kung ano na ang itsura ng anak ko. Pero pare, nang magkalakas ako ng loob para ipagtapat sa kanilang lahat, wala na kayo sa Pulilan. Hinanap ko kayo at ipinagtanong, pero walang nakakaalam kung saan kayo pumunta. Mula nuon, bawat gabi umaaasa ako na kinabukasan ay kasama ko na ang mag-ina ko. Umaasa akong sa umagang darating ay bigla kong makakasalubong si Choleng at ang anak naming si Bien Emilio.
“Naunawaan ko pare.” tila pagpapakalma ni Mando kay Tino. “Hayaan mo at tutulungan kitang magpaliwanag kay Choleng at kay Emil.” saad pa nito. “Kahit masama din ang loob ko sa’yo, alam kong isang bagay ito na makakabuti sa inaanak kong si Emil.”
Ilang sandali pa at –
“Stable na po ang lagay ng pasyente.” pagbabalita ng doktor pagkalabas sa E.R.
“Salamat sa Diyos!” naibulalas ni Choleng.
“Pwede na po ba siyang makita?” tanong ni Tino.
“Hindi!” si Choleng na ang sumagot. “Kahit kailan, hindi mo pwedeng makita si Emil.” dugtong pa nito.
“Choleng!” awat ni Mando. “Nagsisimula ka na naman.” saad pa nito.
“Aba Mando! Kinakampihan mo pa iyang hayop na manloloko na iyan!” halos maiyak na wika ni Choleng na buong pait at sakit na inusal.
“Hindi naman sa ganuon Choleng. Iniisip ko lang naman ang ikakabuti ni Emil.” paliwanag ni Mando.
“Huwag na magpapakita iyang walanghiyang iyan!” sabi ni Choleng sabay duro kay Tino. “Iyon ang makakabuti sa anak ko.” turan ni Choleng na may diin sa “ko”.
“Choleng, hindi mo ba naisip na kailangan ng ama ni Emil?” tila pagtatanong ni Mando kay Choleng.
“Nabuhay si Emil ng walang amang kinamulatan, hayaan na nating isipin niyang patay na ang walang-hiya niyang ama.” sagot ni Choleng. “Sana Mando maunawaan mo ako.”
“Pero Choleng.” giit ni Mando.
“Pabayaan mo na ako sa desisyon ko Mando kung ayaw mong pati ikaw ay madamay.” pagbabanta ni Choleng.
“Hayaan mo na munang magpaliwanag si Tino.” pamimilit pa din ni Mando.
“Isa pa Mando!” madiing wika ni Choleng.
“Hayaan mo na Mando.” pigil ni Tino. “Wala na nga atang pag-asa na mapatawad mo ako. Pero sana kahit sandali makita ko ang anak ko.” buong sinseridad na wika ni Tino. “Hindi na kita pipilitin na makinig sa paliwanag ko, pero sana hayaan mo naman akong mahawakan ang mga kamay niya at mayakap siya.” tila pakiusap ni Tino.
Buong sinseridad na tiningnan ni Tino si Choleng sa mga mata nito at buong giting niyang ipinahiwatig ang pagsisisi at kagustuhang makita ang anak. Hinawakan niya ang kamay ni Choleng at saka muling nagsalita. – “Please Choleng, alam kong nagkamali ako at alam kong nararapat lang sa akin na magalit ka, na masuklam ka. Nababagay lang din sa akin na kamuhian mo ako at pagdamutan ng karapatan kay Emil. Pero sana naman kahit kaunting awa sa puso mo bigyan mo ako para kahit sandali ay makita, mahawakan at makasama ko ang anak kong matagal na nawalay sa akin.” pakiusap ni Tino.
Wari bang lumambot ang nagyeyelong batong puso ni Choleng sa ginawa na iyon ni Tino. Naramdam niya kung gaano ito nagsisisi at kung gaano nito kagustong makita si Emil. Naramdama niyang nangungulila din ito sa anak na iniwan at ang kagustuhang makabawi at makasama ito.
“Choleng pumayag ka na.” tila pakikiusap na din ni Mando.
“Kayong bahala.” hindi makatingin ng diretso si Choleng kay Tino at tanging ito lamang ang naisagot niya.
“Pa!” tawag kay Tino ni Benz buhat sa likuran.
“Benz anak!” bati nito.
“We need to talk privately pa!” wika ni Benz.
“Sure.” May pilit na ngiting sagot ni Tino.
Saka lumakad ang dalawa palayo sa pintuan ng E.R. at naiwan sina Choleng at Mando na nag-aabang pa din na makita si Emil.
“Choleng, hindi naman sa namamakeelam ako sa inyo.” simula ulit ni Mando sa usapan. “Pero sa tingin ko dapat malaman ni Emil ang katotohanan. Makakabuti para sa kanya ang ganito at ng hindi na siya mag-isip sa kung sino ang tatay niya.”
Tahimik lamang si Choleng ng mga oras na iyon.
“Sa tinagal-tagal na nakakausap ko si Emil, nararamdaman ko kung gaano niya kagusto ang magkaroon ng ama. Ramdam na ramdam ko kung gaano ang pangungulila niya para sa mga magulang. Isa lang ang inaasam ng anak mo Choleng, iyon ay ang magkaroon siya ng isang pamilya na makakasama niya.” saad pa ni Mando. “Hayaan mo na makilala ni Emil si Tino, at alam ko, wala siyang pagdadalawang-isip na tatanggapin ang ama niya.” wika pa nito.
Nagsimulang umagos ang luha mula sa mga mata ni Choleng. Batid niyang maging siya ay naging malaki ang pagkukulang kay Emil at wala siyang karapatang pigilan ang nais mangyari ni Tino na makita ito sapagkat maging siya ay malaki ang kasalanan sa anak. Magkasama man sila ay tila ba wala pa din itong magulang dahil sa pagtrato niya dito.
Sa kabilang banda naman ay narating ng mag-amang Benz at Tino ang dulo ng ospital na iyon. Nagsimula na ding bumalot ang dilim sa buong paligid at unti-unti nang nagliliwanag ang sikat ng buwan.
“Pa!” simula ni Benz. “Tell me the truth. Kapatid kop o ba talaga si Emil?” tanong ni Benz na nais nang kumawala ang mga luha.
“Yes son!” sagot ni Tino sa anak. “It is not my intention na lokohin kayo ng mommy mo.” dugtong pa nito.
“So, kapatid ko nga talaga si Emil.” halos buong sakit na nasambit ni Benz at ang mga pigil na luha ay unti-unti nang dumaloy mula sa kanyang mga mata.
“Anak, ganito kasi iyon.” simula ni Tinos a pagpapaliwanag.
“It’s enough pa!” awat ni Benz. “Nauunawaan ko. Sige na balikan mo na sila duon. Iwan mo na muna akong mag-isa.” pakiusap ni Benz sa ama.
Walang nagawa si Mang Tino kung hindi iwanan na muna si Benz at hayaan itong mag-isa. Hindi niya inaasahan ang ganitong sitwasyon.
Si Benz naman ay agad na hinanap ang kanyang kotse at mabilis na sumakay. Pinaharurot niya ito na wari bang siya lang ang tao sa kalsada. Naisn niyang mnakalayo muna sa lugar na iyon at mapag-isa sa isang lugar na pwedeng ilabas ang lahat ng sama ng loob niya.
Linuha niya ang lanayang cellphone at saka nag-dial –
“Hello! Guys pack-up muna tayo. Next week na natin i-shoot ang last scenes.” utos niya sa kausap na assistant director ng LD.
“Yes Direk!” sagot ng nasa kabilang linya saka nag-end call si Benz.
Hindi pa man nagtatagal ay inihinto na ni Benz ang sasakyan. Hindi niya alam kung saan siya napadpad. Hindi siya pamilyar sa parteng iyon ng Bulacan. Nababalot na ng dilim ang buong paligid subalit dahil sa sinag ng buwan ay naaaninagan niyang nasa gitna siya ng malawak na bukirin. Ang hanging dumadampi sa kanya ay kasing banayad ng musikang masarap pakinggan. Ang kakaibang amoy na sapat na para bigyang laya ang kanyang diwa upang makalipad at ang kakaibang pakiramdam na naidulot nuon sa kanya na sapat na para sandaling mawaglit sa isipan niya ang dinadalang alalahanin.
Naupo si Benz sa may gilid na bukiring iyon, tumanaw sa malayo na wari bang minamasdan ang buong kapaligiran. Pinanatag ang sarili at unti-unting pinikit ang mga mata. Maya-maya pa at –
“Benz?!” tawag ng isang lalaki sa nakaupong si Benz.
“Benz ika nga!” paninigurado nito.
Dahan-dahang iminulat ni Benz ang mga mata niya. Nagulat pa siya ng makita kung sino itong tumatawag sa kanya ngayon.
“Vaughn!” gulat niyang nasambit.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Vaughn.
“Naligaw lang!” sagot ni Benz. “Ikaw, anong ginagawa mo dito?” tanong ni Benz.
“Dinalaw ko lang ang lola ko.” sagot ni Vaughn. “Di ba sabi ko sa’yo dati na tiga-Bulacan ang Mama ko.” habol pa ni Vaughn saka umupo sa tabi ni Benz.
“Anong lugar nga pala to?” tanong ni Benz.
“Secret, walang clue.” sagot ni Vaughn. “Pupunta punta ka dito tapos hindi mo pala alam kung anong lugar ito.” sagot pa ng binata.
“Naligaw nga ako di’ba?” sarkastikong tugon ni Benz.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ulit ni Vaughn.
“Wala lang.” sagot ni Benz. “Gusto ko lang ng katahimikan.” dagdag pa ng binatang direktor.
“Umamin ka nga pare!” saad ni Vaughn. “May problema ka no!”
“Wala!” dagling sagot ni Benz.
“Lokohin daw ba ako!” sagot ni Vaughn. “Sa tagal na nating magkaibigan at magkasama, kilala na kita.” dagdag na turan pa nito.
Tanging ngiti lang ang sagot ni Benz saka tumingin sa mukha ni Vaughn. Kapwa sila nasisinagan ng buwan kung kaya’t nakikita nila ang anyo ng bawat isa. Sa oras na ito ay kita ni Benz ang sinseridad ni Vaughn at ang kagustuhan nitong makatulong sa kung anumang problema ang mayroon siya.
“Tama ako di’ba!” wika ni Vaughn na ngayon ay tumingin na din sa mukha ni Benz. “Kung gusto mo, pwede mo akong sabihan.” nakangiting saad ni Vaughn.
“Salamat pare!” wika ni Benz.
Naging tahimik ang pagitan ng dalawa pagkasagot ni Benz.
“Alam mo” simula ulit ni Benz “akala mo pag-ibig na, pero hindi pala pwede!”
Napatingin si Vaughn sa winikang iyon ni Benz. Naguluhan siya sa sinabing iyon ng kaibigan.
“Ang tangi ko lang namang gusto ay makasama siya habang-buhay, ang maprotektahan siya sa lahat ng maaaring makasakit sa kanya, ang maging tagapagtanggol niya, hindi ko naman alam na sa kabila ng lahat ng gusto kong mangyari ay wala kahit isa ang pwedeng matupad.” saad ni Benz saka nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga.
“Kung kailan ako binulungan ng puso ko na siya ang taong para sa akin saka naman ako sasampalin ng katotohanang hindi ko ata kayang matnggap.” at dahan-dahang kumawala ang mga pigil na luha sa pagdaloy mula sa mata ni Benz.
Inakbayan ni Vaughn si Benz at inilapit ito sa katawan niya. Hinagod hagod ang likuran na tila ba pinapanatag nito ang kalooban ng kaibigan.
“Bakit kung kailan handa na akong tanggapin na mahal ko na si Emil saka ko pa malalamang nakababatang kapatid ko pala siya!” buong tatag na pagtatapat ni Benz kay Vaughn.
Hindi man kilala ni Vaughn kung sino itong Emil na sinasabi ni Benz ay pinilit na lang niyang unawain ang kaibigan.
“Kapatid ko ang taong unti-unti ko nang minamahal. Kapatid ko pala ang taong ngayon ay nagpapatibok sa puso ko.” wika ni Benz. “Anong gagawin ko, hindi ko alam kung papaano ko sisismulang pigilan ang damdamin ko para sa kanya. Pare, paano? Tulungan mo naman ako. Akala ko si Emil na ang papalit kay Julian dito sa puso ko pero hindi din pala. Akala ko si Emil na ang sagot sa mga dasal ko pero hindi pa pala.” pakiusap ni Benz kay Vaughn.
“Pare!” simula ni Vaughn. “Malay mo pagmamahal lang pala bilang kapatid ang nararamdaman mo para sa kanya. Siguro nga kahit dati pa may nararamdaman ka na para kay Emil na iyon pero bilang kapatid o kaibigan lang pala. Hindi mo lang napansin iyon hanggang sa maghiwalay kayo ni Julian. Kaya mo siguro naisip na mahal mo siya dahil sa wala na nga kayo ni Julian. I mean is that, akala mo mas malalim na pagmamahal ang nararamdaman mo kasi nga si Emil ang nandiyan at hindi si Julian at nang mawala si Julian ay si Emil naman ang nakasama mo. Siguro, natural na may initial love ka para sa kapatid mo kaya mo nasabing mahal mo si Emil at nabigyan lang ng ibang kahulugan ng maghiwalay kayo ni Julian, pero come to think, kung alam mo bang kapatid mo si Emil iisipin mo na ganuon ang ibig sabihin ng pagmamahal mo sa kanay?”
“Pero paano mo ipapaliwanag na gusto ko siyang makasama habang-buhay, na gusto ko siyang protektahan na gusto ko siyang ipagtanggol?” giit na tanong ni Benz kay Vaughn.
“Hindi mo ba naisip pare na dahil sa magkapatid kayo, may karapatan kang makasama si Emil habang-buhay dahil iisa ang dugong dumadaloy sa inyo. Mas mapoprotektahan mo si Emil ngayon dahil ikaw na ang kuya niya. Mas magagampanan po ang tungkulin mong ipagtanggol si Emil dahil ikaw ang mas nakakatanda niyang kapatid. Mas mainam na sitwasyon ang mayroon kayo ngayon, isipin mo, magiging kayo nga at magagawa mo lahat iyan pero pag naghiwalay kayo sa tingin mo ba may karapatan ka pang pumapel sa ganyang posisyon?” tila pagpapakahulugan ni Vaughn para kay Benz.
Nanatiling tahimik si Benz sa wari ba ay nag-iisip nang pagkalalim-lalim.
“Oo, tama si Vaughn, dati ang tingin ko kay Emil ay nakakabatang kapatid ko. Alam ko na kahit dati pa ay iba na ang dating sa akin ni Emil. May kakaibang bulong na dito sa puso ko para sa kanya, hindi ko lang pinapansin dahil una ay humahanga ako sa kanya bilang tao. Madaming maling akala ang inisip ko dati. Madami akong binigyan nang maling interpretasyon at malamang ito na ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko. Tama si Vaughn, nabigyan lang naman nang kakaibang kahulugan itong pagmamahal ko sa kanya nang mawala sa akin si Julian, inakala ko lang na pagmamahal na itong nararamdaman ko at nakalimutan kong may pagmamahal din para sa kapatid at kaibigan. Tama si Vaughn, dahil sa ako ang kuya ni Emil mas magagampanan ko ang tungkuling nais kong gawin sa kanya.” bulong ni Benz sa sarili.
“Salamat pare!” pasasalamat ni Benz kay Vaughn. “Dahil sa mga sinabi mo alam ko na kung papaano sisimulang mag-move-on.” dagdag pa ni Benz.
“Walang anuman pare!” sagot ni Vaughn.
Sa ospital naman –
“Choleng!” gising ni Mando sa naidlip na si Choleng.
“Bakit?” naaalimpungatang wika ni Choleng.
“Si Emil!” sagot nito. “Si Emil umuungol.” wika pa ni Mando.
“Bilis tumawag ka na ng doktor!” sagot ni Choleng na muling bumalik ang diwa.
“Emil!” sambit ni Choleng saka hinagod ang noo ng anak.
“Choleng!” saad naman ni Tino pagkapasok ng kwarto. “Parating na ang doktor.” saad pa nito saka lumapit sa kanyang mag-ina.
Ilang sandal pa at –
“Ayos naman po ang lagay ni Emil. Kailangan lang niya ng kaunting pahinga at maayos na ang lahat. Wala ng dapat ipangamba, hindi naman ganuon kalala ang naging sitwasyon niya.” tila pagbabalita ng doktor.
“Kailan po kaya siya magigising?” tanong ni Tino.
“Sa nakikita kong recovery niya, siguro bukas baka magising na din siya.” sagot ng doktor saka iniwan sina Choleng, Mando at Tino.
Saglit na umuwi si Vince para kumuha ng ilang damit at magluto nang kakainin nila sa ospital samantalang si Ken naman ay saglit na iniwan si Emil para magwithdraw sa ATM niya para panggastos ni Emil at nang sa ganuon ay maipagbigay alam na sa Editor-in-Chief ng Metro Cosmo ang nangyari kay Emil.
“Choleng!” bati ni Tino kay Choleng pagkalabas ng doktor. “Patawarin mo sana ako!” paumanhin nito.
“Ayos na, pinapatawad na kita.” sagot ni Choleng. “Hindi din naman ako naging mabuting ina kay Emil kaya walang silbi kung magagalit ako sa’yo at wala din akong karapatang ipagdamot siya sa’yo.” tila pagsagot na ni Choleng sa lahat ng katanungan ni Tino.
“Salamat Choleng!” saka niyakap ni Tino si Choleng.
“Magandang gabi po!” bati ni Ken pagkabalik sa ospital.
“Tuloy ka Ken!” wika ni Aling Choleng.
Pagkapasok ay nagmano ang binatang artista sa nanay ni Emil na si Aling Choleng at sa ama nitong si Don Florentino at sa ninong nitong si Mang Mando.
“Hala, matulog ka na muna Choleng, kami na ang bahala kay Emil.” saad ni Mando.
“Magpahinga na po muna kayo.” singit ni Ken. “Ako na po muna ang bahalang magbantay kay Emil.”
“Salamat hijo!” wika ni Mang Tino. “Bakit ba masyadong concern mo kay Emil?” tanong pa ng matanda.
Nakaramdam naman ng kaba si Ken sa tanong na iyon ni Tino. “Mahal kop o kasi si Emil. Mahal na mahal!” nais isagot ni Ken subalit batid niyang hindi pa ito ang oras para sa katotohananh iyon.
“Mahalaga pong kaibigan si Emil para sa akin.” matipid na sagot ni Ken.
“Parang kamakailan lang ata kayo nagkakilala.” sagot naman ni Mang Mando na nagpapahayag ng pagtataka.
“Naging magkaklase na po kami ni Emil nuong grade 1 sa Central.” sagot ni Ken. “Lagi nga po kaming magkasama nun eh!” habol pa nito.
“Ahh!” tila may naalala si Mang Mando. “Ikaw yung madalas niyang ikwento na bestfriend daw niya.” saad pa nito.
“Biruin mo!” saad naman ni Mang Tino. “Matagal mo na palang kakilala ang anak ko!” dagdag pa nito.
Matagal nang magkakilala ang pamilya nila Ken at Benz. Ang tatay nila ay naging magkabarkada mula nuong high-school hanggang college. Si Direk Donald o Ronaldo, ang tatay ni Ken ay laking Bulacan at si Don Florentino o Florence o Tino, ang tatay ni Benz naman ay sa Laguna. Nagkakilala sa isang kilala at prehistisyosong unibersidad sa bansa bilang bahagi ng basketball team ng kanilang unibersidad. Duon nagsimula ang pagkakaibigan nilang dalawa na hanggang sa ngayon ay makikita. Kinuha ni Don Florentino si Direk Donald para maging Ninong nang kanyang anak na si Benz at ang asawa naman ni Don Florentino bilang Ninang ni Ken.
“Opo nga po Ninong!” sagot ni Ken saka kumuha ng upuan at umupo sa kabilang dulo ng higaan ni Emil.
“Saka nga po pala, nabayaran ko na po iyong bill ni Emil.” pagbabalita ni Ken.
“Nakakahiya naman sa’yo.” wika ni Aling Choleng.
“Hayaan mo na, malaki naman ang kinikita niyan.” sagot ni Mang Tino saka nag-iwan ng makahulugang mga ngiti.
“Hindi po!” tutol ni Ken. “Galing po iyan sa Metro-Cosmo.” pagsisinungaling ni Ken.
“Anong Metro-Cosmo?” tanong ni Aling Choleng.
“Duon na po kasi nagtatrabaho si Emil.” nakangiti nitong tugon.
“Siya!” awat ni Mando. “Matulog ka na Choleng at kami na ang bahal kay Emil.”
“Emil! Ipinapangako, sa oras na idilat mo iyang mga mata kakalabanin ko na ang mundo para sa’yo. Hindi ko na hahayaang may mangyaring masama sa’yo dahil hindi ko kaya ang mawala ka. Ako na ang magiging tagapagtanggol mo sa lahat ng oras at higit pa, kasalanan man ituring itong pagmamahal ko para sa’yo, papatunayan kong hindi naman nagkakamali ang puso ko at walang pagsisisi sa naging desisyon ko at sa pagpili ko sa’yo.” bulong ni Ken sa sarili saka hinawakan ng madiin ang kamay ni Emil at saka niya tinitigan ang maamo at mala-anghel nitong mukha. Wala siyang pakialam sa kung ano ang iisipin ng mga kasama niya sa kwartong iyon, mas mahalaga sa kanya ang maiparating kay Emil ang pagdamay niya at umaasa siyang nararamdaman ito ng binatang minamahal niya ng lubusan.
“Pa!” agad na bati ni Benz pagkabalik niya sa ospital at pagkapasok niya sa silid ni Emil.
“Benz, buti naman at dumating ka na.” bati ni Mang Tino.
“Kamusta na po si Emil.” tanong ni Benz.
Hindi maintindihan ni Benz kung ano ang mararamdaman niya ng mga oras na iyon. Hindi niya maipaliwanag ang damdaming bumabalot sa kanya sa nakikitang hawak ni Ken ang mga kamay ni Emil. Labis pa din ang kaguluhan na nararamdaman niya. Hindi niya magawang maipaliwanag kung ano ang unang mararamdaman, kung tuwa ba, sakit, pait o ligaya. Kilala niya si Ken kaya alam niyang nasa mabuting kalagayan si Emil kung si Ken ang makakatuluyan nito, subalit may Julian na hadlang sa kanila. May sakit at pait siyang nararamdaman dahil hindi siya handa sa ganuong uri ng rebelasyon at lalo pa ay papahilom pa lang ang puso niya mula sa sugat na iniwan ni Julian at muli namang nasugatn ng katotohanan. Maligaya siya dahil alam niyang sa pagiging kuya niya kay Emil ay habang-buhay niya itong maiingatan at maalagaan.
“Mabuti naman ang kapatid mo!” sagot ni Mang Tino.
Hindi naman magawang makatingin nang diretso ni Ken kay Benz. Hindi niya alam kung papaano pakikiharapan ang taong nakakaalam sa tunay niyang damdamin para kay Emil na nataong kapatid pa nito.
“Uhhh!” ungol ni Emil saka dumilat.
“Emil!” sambit ni Ken na siyang unang bumati kay Emil. “Gising na po si Emil.” pagbabalita pa ni Ken saka lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay nito.
Nagising na din si Choleng na naiidlip sa tabi ni Emil. “Anak!” naluluhang wika ni Choleng na puno ng kagalakan sa pagdilat ni Emil.
“Mando, nagising na si Emil!” pagbabalita naman ni Tino kay Mando na nasa labas ng silid na iyon ni Emil.
“Nasaan ako?” simulang tanong ni Emil.
“Anak!” wika ni Choleng saka niyakap si Emil.
“Nay!” naluluhang wika ni Emil na sa unang pagkakataon ay natawag siyang anak ng kanyang ina. Ang hinihintay niyang yakap mula dito ay ngayon niya nararanasan.
“Ken! Benz!” bati niya sa dalawa pang tao na nasa silid ding iyon.
“Don Florentino?” nagtatakang bati ni Emil nang makitang nasa silid din niya ang tatay ni Benz.
“Tatay anak!” sagot naman ng Don.
“Tatay?!” lalong naguluhang sagot ni Emil.
“Oo! Tatay!” paglilinaw pa ng Don. “Ako ang tatay mo! Anak kita Emil.” may luha nang kasiyahang sinambit ng Don.
“Oo anak!” singit ni Aling Choleng. “Siya nga ang tatay mo.”
“Tatay?!” tila paglilinaw pa din ni Emil. “Kayo po ang tatay ko?” nangingiti subalit may puwang nang panghihinayang kay Emil saka tumingin kay Benz.
“Oo Emil! Magkapatid tayo!” tila pagsagot ni Benz sa nais iparating ni Emil.
Nakikita ni Emil ang tinatagong pait sa mga mata ni Benz. Nararamdaman din niya ang lungkot na nadarama nito sa mga oras na iyon.
“Kuya mo ako Emil!” saad pa ulit ni Benz.
Ngiti lang ang sagot ni Emil sa tinurang iyon ni Benz. Sa katotohanan lang ay nabulag din siya sa maling akala. Muntikan na niyang mahalin si Benz nang higit pa sa kaibigan, sa palagay niya ay kung maaga siyang bumitiw sa pagmamahal niya kay Ken ay malamang na nahulog na siya kay Benz. Oo, may mga pagkakataong napapabilis ni Benz ang tibok ng puso niya, madaming beses na napahinto ng binata ang mundo niya, pero hindi niya iyon binigyan ng malalim na kahulugan. Para sa kanya ay isa lamang iyong simpleng paghanga para sa isang binatang pinangarap niyang tularan at isang paghanga na normal na sa buhay ng tao. Naguguluhan siya dati kung bakit ganuon na lamang ang nagiging sitwasyon niya kay Benz, subalit ngayon ay batid na niyang lukso iyon ng dugo para sa isang kuya na matagal niyang pinangarap na magkaroon.
“Heto na ang doktor!” wika ni Mando pagkapasok sa silid ni Emil. Nanatiling hawak ni Ken ang kamay ni Emil na tipong ayaw niya itong bitiwan.
Lumabas si Mang Mando nang mapansin niya ang pagdating nang anak na si Vince at ang muli nitong paglabas –
“Kainis!” mahinang usal ni Vince. “Kung makaasta iyong Ken na yon akala mo pag-aari na niya si Emil!” nagkukuyom ang damdaming wika ni Vince.
“May oras din yang Ken nay an sa akin!” wika ulit ni Vince.
“Vince! Anak!” tawag ni Mang Mando.
“Bakit po tay?” tanong ni Vince na panandaliang inisantabi ang inis kay Ken.
“May itatanong lang ako sa’yo.” sabi ni Mang Mando.
“Ano po iyon tay?” tanong ulit ni Vince.
“May gusto ka ba kay Emil?” diretsahang tanong ni Mang Mando sa anak.
Natigilan si Vince sa tanong na iyon ng ama niya – “Pppaaanoo ppo nninyyo nassabbi iyyann.” pautal-utal na tugon ni Vince.
“Anak! Kilala na kita!” saad ni Mang Mando. “Alam ko na halos lahat ng ibig sabihin nang bawat kilos mo.” dugtong pa nito. “At ang ginawa mong paglabas ngayon ay nangangahulugan ng pagseselos mo kay Ken at Emil.” paliwanag pa ng ama niya.
“Tay!” tanging nasambit ni Vince.
“Nauunawaan kita anak kung mahal mo na si Emil. Hindi din kita masisisi kung talagang si Emil nga ang laman ng puso mo.” tila pagpapagaan ng loob ni Mang Mando. “Huwag kang matakot sa akin kung ang dahilan mo ay si Emil ang nasa puso mo. Isa lang ang masasabi ko sa’yo anak, ang limitasyon ng puso ng tao ay pagnamatay na mismo ang tao pero hanggang buhay pa, titibok at titibok iyan kahit para kanino.” nakangiting saad ni Mang Mando. “Pero anak! Siguraduhin mo lang na kaya mong panindigan iyan dahil kung hindi, pinatunayan mong hambog lang ang naghahangad na kagay mo.” paalala pa ng ama niya.
“Salamat po tay!” sagot ni Vince.
Samantalang pagkalabas naman ng doktor –
“Kayo po ba talaga ang tatay ko?” tanong ni Emil.
“Patawad anak kung iniwan ko kayo.” paumanhin nito.
“Wala po kayong dapat ihingi ng tawad sa akin dahil ang nasaktan ay si nanay.” sagot ni Emil.
“Anak ko!” wika ni Choleng. “Patawarin mo din ako kung hindi ako naging nanay sa’yo.” paumanhin naman ni Choleng.
“Wala iyon nanay!” sagot ni Emil. “Alam naman ninyong mahal na mahal ko kayo.” nakangiti at masayang wika pa nito.
“Ayan Emil!” singit ni Benz na may pilit na ngiti. “Kuya mo pala ako! Kaya dapat ako ang masusunod.” wika pa nito.
“Sabi mo kuya!” pabirong sagot ni Emil saka nag-iwan ng isang nakakalokonh ngiti.
“Salamat Ken!” saad ni Emil at pasasalamat para kay Ken.
“Salamat Ken at hindi mo ako iniwan. Salamat Ken dahil naririto ka at sinamahan mo ako. Salamat Ken at inalagaan mo ako ngayon.” bulong ni Emil sa sarili.
“Emil, hindi na kita iiwanan!” mahinang usal ni Ken na tipong siya lang ang nakakarinig sa sinasabi niya.
Kapwa nila naalala ang nakaraan –
“Salamat ha Bien at sumama ka!” pasasalamat ni Ken kay Bien.
“May bayad kaya ang pagsama ko sa’yo.” pabirong tugon ni Bien.
“Aba loko ka!” wika ni Ken saka binatukan si Bien.
“Aray naman! Para binibiro ka lang!” wika ni Bien saka hawak sa batok niya.
“Basta Bien, sana lagi kang nasa tabi ko pag kailangan ko!” wika ni Ken.
“Oo naman Bestfriend!” sagot ni Bien saka hinawakan si Ken sa mga kamay.
“Ako kasi kahit na anong mangyari lagi akong narito para sa’yo!” wika ni Ken saka tinitigan sa mga mata si Emil. Mga mata nila ngayon ay nangungusap para sa isang batang pagmamahal at nangangako ng pagsasama ng walang hanggan.
Nangiti lang si Bien sa sinabing iyon ni Ken – “Ikaw talaga bestfriend nanloloko ka na naman!” sambit ni Bien saka tumuli sang nguso.
“Hindi ako nagbibiro Bien!” turan ni Ken na may pagtutol. Lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ni Bien at buong giting na inilapit ang mukha niya sa mukha nito.
Papalubog na ang araw at nasa gitna sila ng bukid. Nagniningning ang gintong bukirin na hudyat na malapit na ang anihan, ang mapulang sikat nang araw na tumatama sa kanilang dalawa na tila ba ay nilalamon sila nito at niyayakap. Ang pagsabay ng mga palay sa hihip ng hangin na gumagawa ng mumunting musika na wari ba ay umaawit nang kagalakan para sa batang pag-ibig na mayroon sina Ken at Bien. Ang tuyot na lupa at mga ibong lumilipad sa kalangitan maging ang mga tutubing nakaligid sa kanila ay tila ba mga piping saksi sa isang pangako na panghahawakan nila habang-buhay.
“Bien!” simula ulit ni Ken na lalong inilapit ang mukha at katawan sa mukha at katawan ni Bien. Mas hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ni Bien na tila ba ayaw na niya itong pakawalan pa. “Kahit na magunaw ang mundo hindi kita iiwan.” buong sinseridad na pangako ni Ken kay Bien.
“Ako din Ken!” nakangiting wika ni Bien. “Kahit na magunaw ang mundo hindi kita iiwan!” ganting pangako ni Bien kay Ken.
Saka umihip ang hangin na tumangay sa mga ipang nalaglag mula sa mga puno ng palay. Pumalibot ito sa dalawa na tila ba isinaboy nang kalikasan sa kanila tanda nang pakikisaya sa pangakong binitiwan nila. Kasunod niyon ay ang pagpatak ng ulan – unang ulan iyon na tanda nang pagwawakas ng tag-araw at papasok na ang tag-ulan. Ang ulang tila ba basbas nang kalangitan para sa kanilang dalawa at sa wlaang muwang at batang pag-ibig na taglay nila.
Naglaro sila sa gitna ng ulan, naghabulan at nagharutan –
Ang pangakong ito ang kanilang tutuparin ngayon.
Desidido si Ken para bigyang katuparan ang pangako niya kay Bien. Desidido si Ken na ipaglaban ang walang muwang nilang pag-ibig. Desidido si Ken na ipaglaban ang batang pag-ibig na muli at lagi niyang babalikan. Kung sa bata nilang pag-iisip ay naunawaan nilang walang masama sa pagmamahal niya kay Bien ano pa ngayon na mas may isip na siya ay karunungan para maunawaan ang damdamin niya para kay Emil. Umaasa si Ken n asana ay ganuon din ang laman ng isip ng ibang taong nakaligid sa kanila.
0 comments:
Post a Comment