Chapter 1 : Catch Me, Irwin

Monday, February 28, 2011

by JoshX:


"Hanggang ngayon hindi ko pa rin lubos maisip na sinubukan mong nakawin ang mahiwagang Langis ng Konseho!"


Gustong mainis ni Irwin sa ilang-daang ulit na yatang sinabi sa kaniya ni Onyik ang mga salitang iyon. Naririndi na siya sa litanya nito tuwing dadalawin siya ng kaibigang isda sa kaniyang kulungang bato na pinaglalagyan sa mga kagaya niyang nagkasala sa batas ng karagatan. 

Ang kulungan ay may ilang butas na nagsisilbing pasukan na rin ng tubig dagat at kasyang daanan ng kulay silver at hugis tatsulok na katawan ni Onyik na kasing-lapad ng palad ni Irwin. Naglaho ang pintuan ng kulungan pagkatapos siyang ipasok sa loob ng mga sundalong syokoy ilang kabilugan ng buwan nangayon ang nakakaraan. Ang liwanag naman sa paligid ay nagmumula sa butas sa taas na hindi kayang akyatin para makatakas.

"Kailangan ko ang Langis ng Konseho na 'yon," sagot ni Irwin sa pagkakaupo niya sa bahaging iyon ng kulungan na maraming bato at angat sa tubig. Kalahati ng kaniyang buntot na may kaliskis na magkahalong itim at asul ay nakalubog sa tubig. Malapit naman sa dulo ng kaniyang buntot ay palutang-lutang si Onyik, ang mga malalaking mata nito na may silahis ng itim ay nakatitig sa kaniya.

Napakiwal si Onyik na lalong nagpalutang sa kulay dilaw sa dulo ng kulay silver nitong palikpik sa likuran. "Para ano? Para kapag ipinahid mo iyon sa iyong buntot ay magkaroon ka ng mga paa gaya ng sa mga mortal?"


Isinuklay ni Irwin ang isang kamay sa ilang hibla ng kaniyang mahabang buhok na nalaglag patakip sa kaniyang mata. "Alam mo namang matagal ko ng gusto ang maging gaya ng tao. Ayoko na dito sa Merlandia, hindi na ako nababagay dito."

Umiling naman ang isda. "O Diyos ng Karagatan! Kung nabubuhay lang ang mga magulang mo, siguradong babatukan ka ng mga iyon. Mapanganib ang mamuhay kasama ng mga tao."

Napangiti naman si Irwin. "Madali para sa akin ang makuhalubilo sa kanila. Sa kagaya kong malagyan lang ng paa siguradong hindi na nila ako mapagkakamalang isang sireno. Sa 'yo mapanganib dahil siguradong kakainin ka nila." Binigyang-diin pa niya ang huling sinabi.

Natakot namang bigla si Onyik at mabilis na nagtago sa batuhan. "Bahala ka, tingnan mo ang napala mo sa pagnanakaw ng langis..."

"Lumabas ka diyan duwag," natatawang sabi ni Irwin sa kaibigan. "Salita ko pa lang at wala pang totoong tao, halos mangatog na ang mga palikpik mo diyan."

Muling lumangoy si Onyik at bumalik sa pwesto kanina. "Ikaw kasi ang galing mong manakot."

"Matatakutin ka naman kasi kaya ang sarap mong asarin. Nasaan na kasi ang mga kasama mo? Sa lahat ng Silver moony, ikaw lang palagi ang gustong nag-iisa."

Nagpaikot-ikot si Onyik sa paglangoy. "Wala naman sila, tsaka ikaw naman ang gusto kong kasama. Ako kaya ang sidekick mo!"

"Paano ngayon, nakakulong na ako dito ng pang-habampanahon."

Lumapit si Onyik sa kaniyang buntot saka idinikit ang katawan nito sa kaniyang kaliskis. "Ikaw kasi, dapat hindi mo na tinangkang nakawin ang Langis ng Konseho, 'yan tuloy ipinakulong ka nila sa pagpapatibay na rin ni Haring Tritone."

Itinukod ni Irwin ang dalawang kamay sa magkabilang bato sa kaniyang tagiliran saka nag-ayos ng pagkakaupo. "Ang langis lang kasi ang pag-asa ko para maging mortal. Doon baka mahanap ko ang aking tunay na pag-ibig."

"Marami namang sirena ang nagkakagusto sa iyo dito sa Merlandia, bakit doon mo pa kailangan humanap ng pag-ibig?"

"Hindi naman kasi sirena ang gusto ko at wala namang kagaya kong sireno ang iibig sa akin. Bawal pati sa batas ng dagat ang gusto kong mangyari. Ang sireno ay para sa sirena. Hindi pwedeng ang sireno ay mag-asawa din ng isa pang sireno."

Saglit na katahimikan.

"Bakit sa lupa ba pwede ang gusto mong mangyari?"

"Oo naman," siguradong sagot ni Irwin.

Eksaheradong nagkikisay si Onyik na ikinatawa niya. "O Diyos ng Karagatan! Paano mo naman nasabi na pwede iyon gayong hindi ka pa naman nakakapunta doon?"

Saglit na natigilian si Irwin, tinantiya kung sasagutin ba niya ang kaibigang isda o hindi. Naisip niya na kahit sabihin niya dito, wala na rin namang magbabago kasi hinatulan na siya ng konseho ng habambuhay na pagkabilanggo. "May nakapagsabi sa akin na normal na daw ang ganoon sa lupa."

Halos hindi makapaniwala si Onyik. "Nakipag-usap ka sa isang mortal?"

Tumango si Irwin.

Halos panlakihan siya ng mata ni Onyik. "Kanino?"

"Kay Edrick."

Bigla na namang nagtago sa ilalim ng batuhan ang isda. Maya-maya ay nagsalita. "Huwag mong babanggitin ang pangalang iyan, baka marinig ka ng ibang kawal. Matagal ng ipinagbabawal bangitin ang pangalan ng mortal na iyan dito sa Merlandia."

"Pero siya talaga ang nakausap ko."

Dahan-dahang lumabas si Onyik saka ipinako ang isang suspetsosong tingin sa akin. "Hu-huwag mong sabihing ikaw ang tumulong sa taong iyon at kay Prinsesa Antalya na makatakas--"

Naisip ni Irwin, hindi man ngayon siguradong sa mga susunod na araw, malalaman din sa boung Merlandia ang ginawa niyang pagtulong kina Edrick at Prinsesa Antalya noon. "Oo Onyik, ako ang tumulong sa kanila para makatakas."

"O Diyos ng Karagatan! Pero bakit mo ginawa iyon? Alam mo namang ayaw ni Haring Tritone maging ng buong Konseho ng mga Kataw sa taong iyon. Ang isang prisesang kagaya ni Prinsesa Antalya ay hindi nababagay sa isang tao kundi sa isang lalaking kataw din."

Saglit na katahimikan.

"Gusto mo ba silang sundan kaya mo ba gustong makuha ang Langis ng Konseho?"

"Kasama na iyon Onyik. Isa pa kahit hindi ko ninakaw ang langis sigurado namang ikukulong pa rin nila ako dahil sa ginawa kong pagtulong para sila makatakas."

Nanatili lang ang pagkakatingin sa kaniya ng isda.

"Hindi ko kailanman pinagsisisihan ang ginawa kong iyon Onyik. Alam kong mahal nina Edrick at Prinsesa Antalya ang isa't-isa kaya walang dahilan para pigilan sila. Mangyari man iyon ulit, gagawin ko pa rin kung ano ang ginawa ko na. Bihagin mang muli ng mga kataw si Edrick, tutulungan ko pa rin siyang makatakas."

"Pero hindi na naman na iyon mangyayari."

Bigla tuloy kinabahan si Irwin sa sinabi ng isda. "A-anong ibig mong sabihin?"

Tumalikod si Onyik na parang nagsisi sa huling salitang binitawan.

"Onyik, may dapat ba akong malaman?"

Dahan-dahan itong pumihit paharap sa kaniya. "Pasensiya ka na Irwin, ang mga bagay na nangyayari sa labas ng kulungang ito ay hindi dapat makaabot sa iyo. Iyon ang kaakibat ng parusa sa isang bilanggong kagaya mo. Ang mawalan ng balita tungkol sa labas."

"Onyik..."

Mabilis na naman itong nagtago sa batuhan na nagiging ugali na niya nitong huli.

"Onyik, kaibigan mo ako di ba? Sabihin mo na sa akin. Pangako hindi ko ipagsasabi na sa iyo ko nalaman."

Lumabas na naman itong muli saka umiling pero sa tingin naman ni Irwin ay bibigay din. "Baka parusahan din ako ng Konseho ng mga Kataw kapag sumuway ako sa batas."

"Sige na Onyik, pangako walang ibang makakaalam."

Napilitan na ring magsalita si Onyik. "Dalawang kabilugan na ng buwan ngayon ang nakalilipas mula ng matagpuan sina Prinsesa Antalya at Ed-- ang tao--," hindi masabi ang pangalang Edrick dahil sa takot na baka marinig siya ng mga kawal na siyokoy.

"Anong nangyari sa kanila?"

"Natagpuan sila ng mga siyokoy na wala ng buhay."

Pakiramdam ni Irwin ay may bombang sumabog sa kaniyang harapan. Napailing siya. "Hindi totoo 'yan Onyik. Hindi sila pwedeng mamatay."

"Pero iyon talaga ang nangyari Irwin. Ang sabi-sabi mula sa konseho, pinatay daw sila ng mga piratang tao at itinapon sa dagat."

Parang manghihina si Irwin sa isiping wala na sina Edrick at Prinsesa Antalya. Nakakalungkot isipin na ang dalawang nilalang na naging malapit sa kaniyang puso at nakakaintindi sa kaniyang tunay na pagka-sireno ay kapwa pumanaw na.

"Huwag ka ng malungkot Irwin," alo naman ni Onyik sa kaniya. "ganoon lang talaga."

"Ang kanilang supling, nakita rin ba ng mga siyokoy?"

Umikot si Onyik. "Anong sinasabi mong supling?"

"Ang anak nina Edrick at Prinsesa Antalya ang tinutukoy ko?"

"Nagkaanak ang Prinsesa sa tao?"

"Oo, Onyik. Nang mawala si Prinsesa Antalya dito sa Merlandia ay sumama siya kay Edrick at nagkaanak sila sa lupa."

"Pero bakit hindi ko nakita ang batang sinasabi mo nang mahuli ng mga siyokoy ang dalawa?"

"Hindi nila kasama ang bata nang mahuli sila. Sinabi iyon sa akin ni Edrick kaya ganoon na lang ang kagustuhan kong makatakas sila dahil may anak silang naghihintay sa kanila sa lupa."

"Pero bukod sa kanilang dalawa, wala na akong nabalitaan na merong batang nakita din ang mga syokoy."

Naisip ni Irwin na sana ay hindi na lang nila kasama ang bata nang mamatay ang dalawa. O baka mas magandang kasama na lang nila ito para hindi mamuhay ng mag-isa kagaya ng nangyari sa kaniya? Siya na inalagaan ng ibang mga sirena nang mamatay ang kaniyang ama't ina. Siya na walang sariling pamilyang maituturing. At ngayon pati na si Prinsesa Antalya na naging malapit sa kaniya, naging kaibigan at palaging kasa-kasama ay wala na rin.

May rason pa nga ba para manatili siya sa Merlandia? Nakakalungkot nga lang dahil kahit gusto na niyang umalis sa kaharian ay wala naman siyang magawa dahil napaka-imposibleng makatakas siya sa kulungang ito.

"May parating!" bulalas ni Onyik at mabilis na namang itinago ang sarili sa ilalim ng batuhan.

Napatingin si Irwin sa patag na bahagi ng batuhan kung saan dating naroon ang bukasan ng pinto. Maya-maya lang ay may gumuhit na liwanag sa bato mula sa baba pataas at palibot sa korteng parihaba. 

Nang mawala ang liwanag ay tumalilis sa tabi ang bahagi ng bato saka lumitaw ang dalawang kawal na siyokoy na kabaligtaran niya ay kalahati ng katawan nito mula beywang pataas ay isda at pababa naman ay parang sa tao.

"Dadalhin ka namin sa Konseho," sabi ng isa sa kawal.

"Bakit?" mabilis ding tanong ni Irwin. "Anong kailangan nila sa akin?"

Lumapit ang dalawang siyokoy sa kaniya. Hinila siya ng isa mula sa batuhan pababa sa tubig.

"Sinong nasa Konseho?"

Hinawakan siya sa magkabilang braso ng dalawa saka iginiya palabas ng kulungan.

Nang hindi siya sagutin ng mga ito ay inulit niya ang tanong. "Ano bang gusto nila sa akin? Sino bang mga naroon?"

Sumagot ang kawal na nasa may kaliwa niya. "Nasa Konseho si Haring Tritone at ang lupon ng mga makapangyarihang kataw."

"Ano ang gusto nila? Hindi pa ba sapat na hinatulan nila ako ng habang buhay na pagkabilanggo?"

Umiling ang siyokoy sa kaniyang kanan. "Hindi namin alam pero, may naulinigan ako kanina na bibigyan ka daw ng isang misyon kapalit ng iyong kalayaan."


Itutuloy

2 comments:

taski,  March 4, 2011 at 4:27 AM  

hi sir josh, pwede ko po ba mlaman ung fb mu gusto po kita maging kaibigan. tsaka kailan po ipopost ung 2nd part ng catch me?

joshX March 4, 2011 at 4:42 PM  

@ taski, e2 ung fb ko:
joshX6969@gmail.com

thanks for reading...

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP