Tsinelas

Thursday, January 13, 2011

By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
blogstpot: http://michaelsshadesofblue.blogspot.com

-----------------------------------

Tawagin nyo lang ako sa pangalang Nestor. Dalawampung taong gulang at panganay sa walong magkakapatid na apat na lalaki at apat na babae. Simula noong mamatay ang tatay, ako na ang katuwang ng nanay sa paghahanap-buhay. Kung anu-anong trabaho ang pinasukan – kargador, pangongopra, pagiging laborer – lahat na mabibigat na trabaho. Kaya sa katawan ko bakat ang epekto sa hirap na mga gawain: matipunong dibdib at malalaking mga braso at hita. At sa tindig na 5’10, tangos ng ilong, at sabi nila, nangungusap na mga mata, di hamak na may maipagmamalaki din naman.

Iyan ang sabi lalo na ng mga babae. Pero, di ko na binigyang pansin pa ang mga ito. Para sa akin, ang mahalaga ay ang perang kikitain sa araw-araw at ang pagkaing mailalatag sa mesa. Di kagaya ng ibang kabataan na kapag nagkapera ayun, nasa inuman na, sa barkada, o sa pagdi-date. Pero ako, kapag may kaunting bakanteng oras, nagpapahinga lang sa bahay. Trabaho, trabaho, at trabaho pa. Iyan ang routine na nakasanayan ko. Noong mamatay kasi ang tatay, inihabilin nyang huwag pabayaan ang mga kapatid. Kaya sa edad kong iyon, kahit girlfriend, hindi pa ako nakaranas. At kahit may mga pagkakataong tinatanong ko sa sarili kung ano ang pakiramdam ng isang may kasintahan, hindi rin sumagi sa isip na maghahanap ako nito.

Noong makaipon ako ng kaunting halaga, nag-downpayment at hinulog-hulugan ko ang isang potpot, isang de-padyak na tricycle. Kahit may mga de-motor na tricycle na sa bayan namin, marami pa rin kasing commuters ang naghahanap nito dahil sa mura lang ang pamasahe dito. Kaya ito din iyong naisipan kong hanapbuhay. Maigi kasi kapag sarili kong sasakyan ang minamaneho dahil kontrolado ang sariling oras. Kahit may kabigatan pa ring trabaho ito ngunit kahit papaano naman, pag-aari ko at walang gastos sa gasolina. Sa kabila nito, hindi ko pa rin pinapabayaan ang pagsa-sideline sa pag-aakyat ng nyog, pangongopra, o paglalaborer. Halos araw at gabi akong nagtatrabaho, walang oras upang mag-isip para sa sariling luho o kaligayahan. Minsan naitatanong ko sa sarili kung normal pa ba ang takbo ng buhay ko. Pakiramdam ko kasi, wala akong sariling mundo, walang karapatang mag-enjoy sa buhay.

Araw iyon ng pagda-drive ko ng potpot. Mag-aalas-10 na ng umaga at tila napakadumal ng pasahero. Wala kasing pasok ang paaralan sa araw na iyon kaya wala din ang mga estudyante kong suki. Naisipan kong umuwi muna upang magmeryenda. Noong mapadaan ako sa harap ng isang bagong tayo pa lang at magarang bahay. Nakatayo lang ang babae doon, tila may hinihintay. Sa tingin ko, nasa edad 25 ito, mahaba ang buhok na halatang kinulayan; maputi, maganda, at higit sa lahat maganda ang katawan. Tiningnan ko sya. Ang pagkakaalam ko, ang tipo nya ay hindi sasakay sa isang potpot. Napatingin lang ako sa kanya dahil nagandahan ako sa kanya. Ngunit noong makalampas na ako ng bahagya at nilingon ko ulet, di ko inaasahang kakawayan niya ako.

Agad-agad din akong bumalik at pumara sa harap niya. Noong makasakay na, umarangkada na ako at dahil wala namang sinabi, tinumbok ko na lang ang bayan.

“A… e, san ko po kayo ihatid ma’am?” tanong ko noong makarating na kami ng bayan.

Tumingin lang sya sa akin, ngumiti tila nalito kung anong isasagot. “A… ano nga pala ang pangalan mo?”

“Nestor po ma’am. San po tayo?” tanong ko ulet.

“Tawagin mo na nga lang akong Jenny, di naman magkalayo ang agwat natin eh. Ganito nalang, Nestor, magkano ba ang kinikita ng isang potpot driver sa isang araw?”

Dahil sa pagkalito sa isinagot niya, ipinarada ko muna ang potpot sa gilid ng kalsada “Depende po iyan ma’am. May 300, may 200, at kung mamalasin di pa nakakaabot sa 50.”

“Ah… kung ganoon, bibigyan kita ng 400 at arkilahan ko itong potpot at serbisyo mo ng isang araw – ngayon na. Libre kain, at kung saan man ako magpunta sa araw na ito, nandoon ka rin, bodyguard. At wala pa iyan… kapag nag-enjoy ako sa iyo, mas malaki ang tip na ibibigay ko.”

Napakamot ako sa ulo, inisip iyong salitang mag-enjoy siya sa akin. Malaswa kasi ang dating noon sa utak ko. May mga pagkakataon kasing may mga baklang sumasakay sa akin at nagpaparamdam; ang iba ay nanliligaw pero di ko pinatulan. Kaya naisip ko na baka sex ang ibig nyang sabihin. Pag nagkataon, siguradong lagpak ako dahil sa wala pa nga akong karanasan.

“Eh, iyon pong mag-enjoy kayo sa akin… ano po ba iyon?” Di ko rin napigilan ang magtanong.

Napangiti sya. “E, di kapag napasaya mo ako sa mga kwentuhan naten, sa pagsama mo sa akin sa araw na ito. Basta… Sobrang lungkot ko kasi, Nestor.” Ang pag explain nya. “Atsaka, Jen na nga lang ang tawag mo sa akin at huwag mo na akong po-poin eh! Kakainis ka.” Biro nya. “O Ano, deal na ba?”

“A, e… sige po, este, Jen pala! Pero, kailangan ko pa bang magbihis? Dyahe itong suot ko eh, naka-shorts lang at tagpi-tagpi pa siya.”

“S-sige, pero rugged lang din dahil di naman party ang pupuntahan natin. Iikot-ikot lang tayo sa plaza, sa shrine, mamayang hapon sa beach…”

At sumaglit nga muna kami ni Jenny sa bahay ko. Ipinarada ko ang potpot sa harap at habang hinintay nya ako sa potpot, dali-dali naman akong naligo at nagpalit ng damit. Kahit naka-tsinelas lang, faded straight-cut maong naman ang suot kong pantalon, body-fit na puting t-shirt ang pang-itaas, bakat na bakat ang matipunong dibdib at maskuladong mga braso. Syempre, arugang-aruga din ang buhok na nilagyan pa ng langis. Pakiramdam ko noon lang ako sumigla ng ganoon, at ewan, di ko rin alam kung bakit masigasig akong magpa-pansin.

“Hayup ang porma! Poging-pogi!” sambit ni Jenny noong bumalik na ako sa potpot ko, kitang-kita sa mga mata nya ang paghanga.

“Hehe. Syempre, ang ganda-ganda yata ng amo ko!” sagot ko naman sa papuri nya.

“Hmmm! Bolero ka din pala!” sabay tawa. “Alam mo, Nestor, aayusan ka lang ng konti, tatalunin mo sa ganda ng porma at hitsura ang mga artista at modelo d’yan! Wala sila sa iyo eh, sa ganda ng tindig, katawan, mukha, wow! Napakaswerte ng girlfriend mo. At sigurado ako, proud na proud sya sa iyo.”

Nginitian ko na lang sya. Bulong ko na lang sa sarili, “Sana nga. At sana din meron …” at umarangkada na ako, di ko na sinagot pa ang sinabi nyang iyon.

“O, diretso tayo sa may floating barbecue-restaurant ha? Kain muna tayo” sabi ni Jenny.

“Simula na ba ng libre kain ko?” Ang naitanong ko, sabay tawa. Ewan ko din ba, pakiramdam ko napakagaan ng loob ko sa kanya, at ang saya-saya ko sa mga oras na iyon.

“Oo naman! Ikaw pa.” sagot nya, habang tumatawa.

Pangalawang beses ko palang makapasok sa restaurant na iyon. Ang una ay noong binyagan ng anak ng amo kong may-ari ng nyogang tinatrabaho ko. Nguint hindi ko na-enjoy iyon dahil sa ang mga kasama namin ay may kaya ding mga kaibigan ng amo ko. At hindi na nasundn pa iyon. Mahal kasi ang mga pagkain dito. Ang restaurant ay nakalutang sa dagat, presko ang hangin, at napakapayapa ng ambiance lalo na kapag ibinaling mo ang mga mata sa nakapaligid na dagat. At ang pinakagusto ko sa lahat, parang nasa bahay lang ako kumakain dahil sa kamayan. Di lang iyan, napakasarap pati ng barbecue nila na syang binabalik-balikan ng mga tao. Karamihan sa mga suki ng restaurant na iyon ay may mga kaya din; iyong iba ay mga dayong turista. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko, isa din ako sa mga may kayang kustomer. “Ganito pala ang buhay mayaman. Nae-enjoy ang sarap ng hangin, ng pagkain, walang pressure… masaya” bulong ko sa sarili.

Noong matapos kaming kumain, dumeretso kami sa plaza, at pagkatapos, sa shrine. Matagal na daw kasing hindi nabisita ni Jenny ang mga lugar na iyon simula noong mapunta sya ng Japan. May mga magagandang ala-ala daw kasi ang mga lugar na iyon sa kanya at gusto nyang sariwain ang mga iyon.

Alas kwatro na ng hapon noong marating namin ang beach resort. Iyon na raw ang pinaka huling lugar na pupuntahan namin. Hindi ko alam, pero ang totoo, may lungkot akong nadarama. Marahil ay dahil nabaitan ako sa kanya, naligayahan sa pagsama sa kanya. Marahil din ay nanghihinayang ako na baka iyon na ang huling pagkikita namin, at malapit nang matapos iyon. Tila may bahagi sa akin na sumisigaw na sana ay huwag munang matapos ang araw. Ewan, marahil ay natakot lang din ako na matatapos na ang pagpapakasarap ko at babalik na naman sa nakababagot na buhay, ang pagpapakahirap at ang pagbabanat ng buto.

Kumuha sya ng isang cottage para sa amin at nag-order ng pagkain at isang case ng beer. “M-mauubos ba natin iyan Jen?” Tanong ko, di makapaniwala sa dami niyang inorder.

“Kaya natin iyan, paunti-unti lang, paglipas ng oras, di na natin mamalayan ubos na pala iyan”, sagot naman nya.

Nag-inuman kami. Medyo tumalab na ng kaunti ang nainum namin noong naging seryoso na ang usapan.

“O nga pala. Bakit pala naisipan mong dito tayo mag-eestambay?”

“Isa kasi ito sa mga lugar na sobrang na-miss ko. Dito nangyari ang pinakamasayang ala-ala ko at ng boyfriend ko. Dito nagsimula ang pagmamahalan namin, at dito ko rin isinuko sa kanya ang pagkababae ko… Alam mo, ang saya-saya ko sa mga araw na iyon. Akala ko, hindi na matatapos ang lahat” sabi nyang kitang-kita ko ang pamumuo ng mga luha sa mata nya. Ramdam ko ang matinding kalungkutan at pangungulila nya.

“E… nasaan na ba ang boyfriend mo ngayon?”

“Wala na sya, nag-asawa na. Hiniwalayan nya ako noong magpunta akong Japan at nalaman nya na nakipag-live-in ako sa isang matandang hapon. Hindi daw nya masikmura ang naging karanasan ko. Noong magkita kami, nakita ko ang asawa nya at ang kalagayan nila. Kapos sa pera ngunit naiinggit pa rin ako dahil dama ko ang pagmamahalan at kaligayahan nila na…” huminto siya ng sandali at pinahid ang mga luha sa pisngi “…kabaligtaran naman sa kalagayan ko. May pera nga ako ngunit may malaking kulang naman; may kung anong hinahanap-hanap na hindi ko matagpu-tagpuan.”

Hindi ko lubos maunawaan ang naramdaman sa narinig, di alam kung paano ibsan ang naramdaman niyang kalungkutan. “E… ba’t ka pala napadpad ng Japan?” ang tanong ko na lang.

“Tulad mo, mahirap din lang kami. Nag-iisa lang akong anak at noong mamatay ang mga magulang ko, may nag-alok sa akin na magtrabaho ng Japan bilang entertainer. Nakapasok naman ako at iyon...”

Sa narinig, di ko maiwasang ikumpara ang sariling kalagayan na halos magpakamatay na sa hirap ng trabaho makamit lang ang kapiranggot na pera. Ang kaibahan lang ay hindi ko minsan inisip na gamitin ang katawan upang aangat ang kalagayan. “E… hanggang ngayon ba ay nagja-japan ka pa rin?”

“Hindi na. Ayoko nang bumalik pa doon. Bago mamatay ang ka-live-in kong hapon, pinatayuan niya ako ng bahay, iyon iyong kung saan kita pinara kanina? Nakapagpundar din ako ng maliit na parlor, nakabili ng palayan, isang sasakyan... Tama na iyon. Dito na ako sa atin.”

“Iyan naman pala eh… At least nagbagong-buhay ka na.”

“Halika, may ipapakita ako sa iyo” tumayo sya at hinawakan ang kamay ko, hinila patungo sa isang malaking puno ng kahoy na di kalayuan sa cottage. Umupo sya at hinukay ang parte sa may gilid ng puno hanggang sa umusli ang isang pirasong lumang tsinelas.

“Ano iyan?” Tanong ko, nalilito sa nakita.

“Ang puno ng kahoy na ito ay tinatawag naming ‘Denjen’ pinagdugtong na mga panaglan namin ng boyfriend ko. Dennis ang pangalan nya. Nagsumpaan kami na dito namin ilalagay ang tig-iisang kapareha ng tsinelas namin, kaliwang tsinelas sa kanya at kanan naman ang sa akin. Tingnan mo, tanging ang kanan nalang ang natira…” sabay hugot noon at pinagmasdan itong maigi. “Tila wala pa ring nagbago sa tsinelas ko…” dugtong nya.

Maya-maya, ibinaun nya muli ito sa buhangin.

“E nasan na iyong tsinelas ng boyfriend mo?”

“Noong maghiwalay kami, itinapon ko na ito sa dagat. Binigyang-laya, pinakawalan… Ewan kung saan na sya napadpad. Ang alam ko lang, masaya na sya…”

“Hindi ka pa ba nakalimot?”

Binitiwan nya ang malalim na buntong-hininga. “Gusto kong tanggapin pero nandito pa rin ang sakit eh. Pero sabi rin nila na tuluyan ko raw malimutan si Dennis kapag may nahanap na akong isang taong papalit sa kanya dito sa puso ko; ang taong… maglagay din ng isang tsinelas nya sa ilalim ng punong ito.”

Hindi na ako nakakibo. Kahit hindi ko pa naranasan ang umibig, ramdam sa puso ko ang lungkot na bumalot sa kanya.

“Huwag na nga nating pag-usapan iyan. Sobrang seryoso naman.” Ang bigla niyang paglihis sa usapan noong mapansing tinablan din ako sa malungkot niyang kwento. “Hoy! Nand’yan ka pa ba?” tanong nya.

“A, e… oo naman. Ano nga pala ulet iyong sinabi mo?”

“Hindi ka pala nakinig eh! Kakainis. Gwapo ka sana kaso bingi nga lang! Hmpt!”

“Hehehe! Ano nga iyon ulet Jen?” tanong ko, sabay lapit ng mukha ko sa mukha nya pagparamdam na gwapo nga ako.

“Oo na. Bingi ka! Wala na akong sinabi” ang sagot naman nyang tila nagmamaktol.

“Ay... pikon! Pikon! HAHAHAHAHA! Pikon!” pang-iinis ko na may pa-kanta kanta pa.

“Sige, kanta ka pa d’yan. Inisin mo pa ako at maligo ka ng buhangin, sige” pananakot nya.

“Pikon! Pikon!” ang lalo ko pang pang-inis, sabay hubad ng T-shirt at takbong palayo, inihagis iyon sa harapan ng cottage.

Sinugod nya ako. Nagbatuhan kami ng buhangin, naghabulan, tawanan hanggang sa mapagod at magkatabing nahiga sa buhanginan, kapos ang paghinga. Natahimik kaming pareho ng mga ilang minuto hanggang muling nag-kwentuhan at nauwi ang usapan sa girlfriend at sex.

“Na-experience mo na bang makipag-sex, Nestor?” tanong nya.

Feeling ko pulang-pula ang pisngi ko at tila nanlamig ang buo kong katawan sa di inaasahang tanong. Sa buong buhay ko, noon ko lang narinig ang tanong na iyon at sa isaang babae pa. “E…”

“Huwag ka nang mahiya. Ok lang sa akin. Natural lang na pinag-uusapan iyan sa mga kagaya nating nasa tamang edad na.”

“E…”

“Ano?” pangungulit niya.

“H-hindi pa eh. Ni hindi pa nga ako nakaranas ng girlfriend? Kahit halik di ko pa naranasan.”

“Talaga? Pero hindi ka naman bakla!”

“Hindi ah!” ang mabilis kong depensa. “Heto bang katawan na ito ay bakla?” sabay unat ng mga braso ko at ipinamukha iyon sa kanya.

Ewan kung ano ang pumasok sa isip nya at bigla nalang syang sumigaw. “Virgin ka pa? Hahaha! Hoy mga kapitbahay, virgin pa si Nes-uhhmmmp!”

Hindi nya na naituloy pa ang pagbigkas sa pangalan ko gawa ng bigla kong pagtakip sa bibig at pagdagan sa katawan nya sa sobrang hiyang naramdaman ko. Ini-lock ko din ang mga hita ko sa mga hita nya. Hindi siya makapalag.

Nasa ganoong ayos kami noong marahil ay dala ng matinding pagkapahiya sa pagkalalaki ko at pumasok na rin sa isip ang tanong nya sa akin tungkol sa sex, ang nasambit ko na lang ay, “Virgin pa nga ako at wala pang karanasan sa kahit paghalik. Pero kapag tinanggal ko ang kamay na to sa bibig mo at sisigaw ka pa rin, hahalikan na kita sa bibig kung iyan ang gusto mo upang mag-enjoy ka sa akin!”

Napansin ko na lang na bigla syang natulala. Hindi sya kumilos at kitang-kita ko ang galit sa mukha nya. Pumalag sya at walang imik na tumayo, patakbong tinungo ang cottage at naupo sa may hagdan.

Sumunod ako at naupo din sa tabi nya. “Jenny! Pasensya na! Patawarin mo ako Jenny! Di ko sinadyang saktan ka!” pagmamakaawang sabi ko.

“Hindi naman iyon Nestor e. Ang gusto ko lang sabihin na itong pagpapasama ko sa iyo ay hindi dahil sa may masama akong balak. Nag-japayuki man ako pero hindi ako ganyan ka cheap! Hindi ako nakikipaghalikan sa kung sinu-sino. Ang gusto ko lang ay mag-enjoy, ma experience ang mga bagay-bagay na hindi ko na-experience habang nasa abroad ako, at maibsan ang nadaramang sakit dito sa puso ko, kaya ako nagpasama sa iyo. Kung gusto ko ng sex, marami d’yan... at kung gusto mo ng pera, di mo kailangang gawin ang isang bagay na ayaw mo. Sabihin mo lang..” pag-explain nyang halos tutulo na ang luha.

“Jen, wala iyan sa isip ko, maniwala ka... Talagang biro ko lang iyon. Oo, aaminin ko na kaninang umaga noong nakipag-deal ka pa sakin, nag-isip ako nang masama sa bonus na sinabi mo. Ngunit noong magkasama na tayo, nagkwentuhan, nagbiruan, naramdaman ko ang sarap nang pakiramdam na merong taong pumapansin, nagmamalasakit, nakikipagkaibigan, at nagtiwala sa akin. Ngayon ko lang naranasan ang may nagbigay-halaga sa akin, Jenny... sa kabila ng pagiging ganito ko – na mahirap, driver lang ng potpot, walang pinag-aralan, ngunit tanggap ang pagiging ako. Hindi pinag-uusapan ang pera dito, kahit hindi mo ako bayaran sa potpot ko o sa oras ko, masaya na ako dahil nakilala ko ang isang babaeng katulad mo at naging kaibigan. Simula pa noong maliit ako, puro na lang kahirapan ang naranasan ko. Wala nga akong natatandaang masasayang alala. Kaya noong mag-kwento ka noong masasaya mong karanasan sa lugar na to, tahimik lang ako, nag-iisip dahil nainggit ako sa iyo. At nahiling ko sa sarili na sana mayroon din akong maging masayang alaala, at sana dito iyon... kasama ka.” paliwanag kong ramdam ang pagtagos ng luha. “Jen, simula noong maliit pa lang ako, nasasabak na ako sa mabibigat na trabaho... noong mamatay ang tatay ko, ako na ang bumubuhay sa pamilya ko. Wala na akong iniisip kundi problema sa pamilya, kapatid, at nalimutan ko na may sarili din pala akong buhay... at sa araw na to, naranasan ko ang madama ang sariling buhay na iyon, at napakasaya ko. Ramdam ko ang pagbigay halaga ng isang tao sakin, at ikaw ang tao na iyon... Pero kung hindi mo ako mapatawad, wala akong magawa.” At tuluyan na akong humagulgol na parang batang musmus.

Napaiyak na rin si Jenny. Niyakap niya ako, hinaplos ang likod at ulo. Niyakap ko din sya... “Pasensya ka na sa nasabi ko, sorry Nestor... So friends ulit?”

Nag-kamay kami, nagtawanan at nagpahid ng mga luha namin. “Para tayong mga baliw neto!” ang sabi ko habang tumayo at hinawakan ang isang kamay nya upang alalayan syang tumayo.

Maya-maya, umurder pa ulit sya ng kalahating case ng beer at nagkwentuhan ulit kami. Medyo lasing na kami noong bumalik na naman ang topic sa karanasan sa sex.

“Totoong wala ka pang karanasan, Nestor?

“Di ka ba naniniwala?”

“Kasi, sa gwapo mong iyan... kahit sa bakla, wala kang experience?”

“Meron ding mga nagparamdam. Kaso, ayokong pumatol. Ayaw ko kasing gumawa ng ganoon ng dahil sa pera. Kung gawin ko man, iyan ay dahil gusto ko, gusto ko iyong tao, at walang perang pinag-usapan. Sa tatay ko natututunan ang paninindigan. Hindi daw lahat ng bagay ay nadadaan sa pera. At ang pera ay pinaghirapan. Kaya noong sinabi mo na sabihin ko lang kung gusto ko ng pera, nasaktan ako. Parang sobrang napakaliit ng pagtingin mo sa pagkatao ko. Pero naiintindihan kita... Iba-iba naman kasi ang pananaw natin sa buhay” sabi ko.

“Sorry din sa nasabi ko ha? Ngayon ko lang na-realize na masakit pala talaga iyong nasabi ko.”

“Wala na sa akin iyon, Jenny... kalimutan na natin un. Ibang topic, please?” pabiro kong sabi.

“OK... balik na lang tayo sa sex story. Huwag kang magalit sa tanong na to, ha?”

“OK, shoot!”

“Ano ba ang type mo sa isang babae?”

Napangiti ako, halos hindi makasagot. “A… di ko alam e. Siguro, maganda, mabait. Pero sa tingin ko, kahit sino basta kapag nand’yan sya, titibok-tibok ang puso ko sa sobrang galak, hihinto ang galaw ng mundo at takbo ng oras… Higit sa lahat, dapat sya ang unang makahalikan ko, ang una kong makaniig.”

“Ganoon? Corny naman!” Ang sabi nyang sabay tawa. Napahinto sya ng sandali at nagsalita, may bahid nang lungkot ang mukha. “Ako ba, sa tingin mo mahirap mahalin?”

Tila may sibat na tumama sa puso ko sa tanong nyang iyon. Marahil ay awa, di ko lang alam. Tiningnan ko sya. “Sa ganda mong iyan…”

“Syempre, m-marumi ako… marami nang mga lalaki ang dumaan sa akin.”

“Pero di ba nagbago kana?”

Tumango lang sya, nahihiya.

Hindi na ako kumibo, binitiwan ang isang titig na puno ng pang-unawa. At ewan ko ba kung ano din ang sumagi sa isip ko noong bigla ko nalang nasabin sa kanyang, “Gusto ulitin natin iyong ginawa ko kanina sa iyo kung saan dinaganan kita at noong sisigaw ka na sanang virgin pa ako, tinakpan ko ang bibig mo at sinabing hahalikan kita kung sisigaw ka pa rin?”

Natawa siyang bigla. “Gusto mo, sige…”

Humiga sya sa papag at habang dinaganan ko sya at nagtagpo ang aming mga tingin, napangiti sya at sumigaw, “Mga kapitbahay, virgin pa si Nestor! Mga kapitbahay, virgin pa si Nestor!”

Tinitigan ko lang sya, hinayaang sumigaw nang sumigaw habang pinagmasdan ko naman ang mga malilit na detalye sa kanyang mukha, ang mga matang nangungusap, ang mga mapuputi at pangtay na mga ngipin, ang mga mapupulang labing nanghahalina.

Napahinto din sya sa kasisigaw noong mapansing wala akong reaksiyon at nanatiling nakatitig ako sa mukha nya. Tinitigan din nya ako. Nagkasalubong ang mga titig namin. Ngunit noong bigla kong binitiwan ang isang ngiti, sumigaw na naman sya, “Mga kapitbahay, virgin pa si Nes-ummmpppttttt!”

Di niya na ma-kumpletong bigkasin ang pangalan ko. Di ko napigilang ilapat ang mga labi ko sa mga labi nya. Ginantihan nya ang mga halik ko. Mapusok, nag-aalab ang mga damdamin. Pakiwari koy tumibok-tibok ang puso ko sa sobrang galak. At tila huminto ang galaw ng mundo at ang takbo ng oras… at tuluyan na rin naming inalis ang mga natitirang saplot ng aming mga katawan. Sa pagkakataong iyon, nangyari sa amin ang hindi ko inaasahang una kong karanasan.

Noong matapos na naming maipalabas ang bugso ng aming damdamin at humupa na ang init ng aming katawan, “Nestor, meron ka na ring ala-alang hindi mo malilimutan sa lugar na to, na babalik-balikan mo.”

“Alam ko, Jenny, alam ko. At isang napakagandang ala-alang hinding-hindi ko malimutan sa tanang buhay ko. At alam mo, may isang pinaka-importanteng tao na bigla na lang sumulpot sa buhay ko at nagpaligaya sa akin na syang pinaka-sentro sa napakagandang alaala na iyan...”

"Talaga? Sino?" tanong nyang pabiro, nag-iinosentehan.

Tinitigan ko sya at binitiwan ang nakakalokong ngiti. "Gusto mo halikan kita uli sa bibig?"

"Sisigaw muna ako na 'virgin ka pa...'" loko nya.

"Sorry, hindi na po ako virgin." sabay kindat.

"Hoy! Mga kapitbahay! Hindi na virgin si Nes – ummmppppphhhtttt!

Mag-aalauna na ng madaling araw noong inihatid ko na si Jenny sa bahay nya. Noong papadyakan ko na ang potpot at aarangkada na, may napansin sya. “Hey! Bakit iisa nalang iyang tsinelas mo? Nasaan na ang kaliwang kapares niyan?”

Ngumiti na lang ako. “Kilala mo si Nesjen?”

Nag-isip sya, nalito. “Nesjen? Sino iyon?”

“Iyong malaking puno malapit sa cottage na inarkila natin kanina?”

“B-bakit Nesjen? At anong kinalaman noon sa tsinelas mo?”

“Ibinaon ko na siya doon. Para may kasama na ang kanang tsinelas mo, at di na mag-iisa.” Ang casual kong pagkasabi habang sinimulang ko nang pumadyak.

Hindi sya sumagot.

“Ey… nand’yan ka pa ba?” tanong ko.

Wala pa ring sagot.

Noong silipin ko siya sa loob ng potpot, nakita kong pinapahid nya ang mga luhang dumadaloy sa pisngi niya. At alam ko, iyon ay mga luha ng kaligayahan…

(Wakas)

2 comments:

Jayson January 14, 2011 at 2:24 AM  

walang kupas ang galing mo MIke... Your experiences has sharpened your imagination.... more great works like this to come in the future.....

Myx January 31, 2011 at 12:51 AM  

This is epic! Ang galing tlga ni Kuya Mike!

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP