Chapter 6 : In Love With Brando

Friday, January 7, 2011

By: JoshX
***********************************

“Here comes your knight in shining armor, oh dear damsel in distress,” may halong pagkainis na sabi ni Kuya Brando na ang tinutukoy ay si Harry. Binitawan niya ang magkabila kong balikat saka humakbang palayo sa akin. Nanatiling nakatayo sa may likuran ko habang nakatitig pa rin kay Harry.
  
Si Harry naman ay palipat-lipat ang tingin kay Kuya Brando at sa akin. Hawak sa isang kamay ang CD. Parang naghihintay ng sagot sa tanong niya.
  
Ako naman ay gulat pa din sa paglitaw ni Harry sa pintuan. Masyado kasi akong na-carried away sa sitwasyon kaya ang tanging focus ko lang ay ang ina-anticipate ko na mangyayari sana…malapit na sana…andoon na…napurnada pa. Kaya naman kagaya ni Kuya Brando medyo nainis din ako kay Harry.
  
“Anong nangyayari? Naghihilamos lang ako,” defensive kong sabi kay Harry sa medyo mataas na tinig.
  
Tumingin muli sa akin si Kuya Brando saka pabulong na sinabi, “I better go. See you.” Humakbang na ito papuntang pintuan.
  
Sinundan ko siya ng tingin. Kita ko si Harry na nakaharang pa rin sa pintuan nakatingin sa papalapit na si Kuya Brando. Kinabahan tuloy ako na baka sila magpang-abot. Naka-chin up naman si Kuya Brando at saka tumigil sa harapan ni Harry.
  
Ilang Segundo silang nagkatitigan hanggang si Harry na mismo ang nagbigay ng daan para makalabas ng tuluyan si Kuya Brando.
  
Kinuha ko ang aking panyo saka nagpunas ng mukha, leeg pati na ang tubig na umagos sa aking katawan. Lumapit naman sa aking tabi si Harry habang isinusuot ko ang aking t-shirt.
 
“Kaya pala gusto mo mag-isa ka lang mag-CR, kaya pala ayaw mong sabay na tayo, dahil pala magkikita kayo dito,” sabi ni Harry nang maisuot ko na ang aking damit. Parang mababasag na ang tinig.
 
“Hindi ko naman alam na nandito siya,” mabilis na tugon ko. Iyon naman kasi talaga ang totoo.
  
“Nag-pramis ka pa kanina na hindi ka maglilihim…wala pa yung isang oras.” Garalgal na parang maiiyak na siya.
  
Bigla naman akong naawa sa kaniya. “Hindi ko pa naman sinira ang pramis ko sa ‘yo kanina. Nagkataon lang talaga na nandito pala siya noong pumasok ako.”
 
Hindi siya umimik. Marahil ay naisip niya na wala din naman siyang magagawa kung hindi tanggapin na lamang ang rason ko.
 
“Tayo na ngang umuwi, malapait na tayong masarhan nitong mall,” yaya ko sa kaniya saka inakbayan palabas ng comfort room.
  
  
“KAAALIS LANG ni Eunice, muntik ninyo nang maabutan,” sabi ni Tiya Beng pagpasok namin sa sala. Tumingin lang saglit sa amin saka muling itinutok ang tingin sa kaniyang listahan pati na sa mga produktong pampaganda na malamang ay babagong deliver lang dahil nasa mga plastic bag pa ang iba at ang iba nama’y kalat pa sa mesita at upuan.
   
Humalik si Harry sa pisngi nito tanda ng paggalang. Parang lalong nainis nang marinig ang pangalang Eunice kaya minabuting tumuloy na sa kuwarto niya sa taas.
  
Umupo muna ako sa parte ng sopa na walang produkto, ipinatong sa sidetable ang biniling CD saka naghubad ng sapatos at medyas. “Ano daw ho ang pakay, twice na siyang nagpunta?” tanong ko.
  
Nag-angat ng tingin si Tiya Beng, ilang strands ng puting buhok na hanggang balikat ang nalaglag sa pisngi mula sa sentido. “Ewan ko lang. Wala pa ring sinabi basta hinahanap ka.”
  
Bakit nga kaya? Saka naisip kong, “Baka ho nasiraan na naman ng computer iyon o baka nagkaproblema sa desktop niya. Baka magpapatulong.” Sa tuwing may problema kasi si Eunice sa kaniyang desktop computer ay sa akin palagi ang takbo niya. Minsan nga kahit simpleng problema lang hihingi na agad ‘yan ng tulong saka ire-request na isama ko si Harry. Siyempre hindi naman ako mapahindian ni Harry kaya sasama iyan at habang ginagawa ko ang computer, si Eunice naman ang todo kwento kay Harry kahit wala namang interes sa pinag-uusapan ang huli.
  
Dapat talaga Computer Engineering ang kukunin kong kurso kasi nawili ako sa computer hardware maging sa software mula pa 4th year high school. Kaya lang Electrical Engineering ang kurso ni Kuya Brando kaya ganun na rin kinuha ko. Pero nandoon pa rin ang passion ko sa computer kaya nagtry akong pag-aralan. Natuto naman ako simula nang masira ko ang unang laptop na padala ni Kuya Rhon sa akin galing Korea.
  
Bigla ko tuloy naisip si Kuya Rhon. Ang tagal na rin niya sa Korea. Dalawang buwan matapos pumisan sa amin si Harry ay nakakuha siya ng scholarship sa Korea sa tulong na rin ng isang kakilala ni Mommy. Inabsorb din siya ng kumpanyang nagbigay ng scholarship pagkatapos at ngayon ay Vice President for Accounting and Finace na ang posisyon niya. Maganda na rin na ganoon ang nangyari kay Kuya Rhon kesa naman noong nandito pa siya na muntik pa ngang hindi gumradweyt ng college. Sabi sa akin ni Tiya Beng, nasa state of depression daw ito noon kaya napabayaan ang pag-aaral. Buti na lang naging considerate ang mga propesor niya kaya binigyan siya ng chance. Hindi na nga lang siya naka-akyat ng stage na isang Cum Laude at minabuti na rin niyang hindi sumipot sa graduation.
  
“Baka nga,” tugon ni Tiya Beng na hindi na ako tinapunan ng tingin.
  
  

LUNES NG umaga. Wala pang alas-otso nasa project site na kami. Sinabihan na kasi kami ni Kuya Brando pagkatapos ng interview na doon na kami dumiretso sa site imbes na sa opisina.
  
Malaki ang project site na tatayuan ng isa sa mga sikat na shopping mall sa bansa. Katabi ito mismo ng Batangas Pier. Nababakuran ang mahigit labinlimang hektaryang lupa ng mga coco lumber na poste at long span na yerong kulay asul. Sa pinakagate ay nakasabit ang isang malaking streamer at naroon ang picture ng magiging hitsura ng gusali. May mga nakalagay ring karatula na SAFETY FIRST, NO VACANCY, at yung building permit ng site. Sa may maliit na gate kami nagpunta ni Harry at nilapitan naman kami ng guwardiya na galing sa may bundy clock at hilera ng mga time card sa lalagyan. Pagkakuha ng mga pangalan namin, pinapasok kami saka itinuro kung saan kami pupunta.
  
Napakalawak ng bakanteng lupa sa loob. Medyo putik pa ang ‘di sementadong daan gawa ng umulan kagabi. Limang closed container van na tinanggal sa truck saka pinagdidikit pahaba ang pinuntahan namin na nagsilbing site office ng SJR Construction Corporation. Ang pinakaunang opisina ay naroon ang site Accounting and Admin Office, ang sumunod ay sa Civil Engineering Office, sinundan ng Mechanical Engineering Office, tapos ay Electrical Engineering Office at pinakahuli ay opisina para sa Project Manager.
  
Tumingin ako sa mga hilera ng kotse na nakaparada paharap sa mga opisina pero hindi ko nakita yung puting kotse na minamaneho ni Kuya Brando. May lungkot na bumalot sa puso ko. Akala ko pa naman siya ang una kong makikita pagdating. Super excited pa naman ako na pumasok ngayong first day namin.
  
Parehong leather shoes na black, maong pants at college shirt na itim at may tatak ng UBEE ang suot namin ni Harry. Medyo maliit nga ang size ng napabigay na t-shirt sa amin kaya humakab ito sa aming katawan.
 
Guwardiya din ang nagpapasok sa amin sa Admin Office. Air conditioned ang opisina. May divider na de-salamin sa gitna. May dalawang mesa na parehong may desktop computer at may nakalagay na Admin Staff sa isa at Accounting Staff naman sa isa pa. Katabi ng mesa ng Admin staff ang isa pang table na may nakalagay na First Aid Kit. Tinungo namin ang kalahating bahagi ng opisina na ginawang conference o training room na may mahabang mesa na sa isang gilid ay may nakapatong na projector paharap sa patag na dingding na pininturahahn ng puti. Umupo kaming magkatabi ni Harry sinamahan ang tatlong lalaki na mukhang malayo ang agwat ng edad sa amin na kasabay din namin sa orientation.
  
“Ganito pala ang feeling pag first day,” bulong ni Harry. “Parang kinakabahan na ewan. Parang nakakatakot. Buti na lang magkasama tayo.”
 
Pinilit kong ngumiti kahit ganoon din ang pakiramdam ko. “Kaya natin ‘yan,” sabi ko saka hinawakan ang kamay niya at pinisil. Nakasanayan na namin ni Harry na maghawakan ng kamay kaya medyo nagulat lang ako sa reaksiyon nung isang lalaking kasama namin na parang napa – Eewww.
  
Napansin din pala siya ni Harry kaya sabay kaming nagngitian ng palihim.
  
Tinext ko siya, “ung normal sa tin, ndi s knla, ingatz tau pra d mbuking. Jejeje!”
   
Nag-reply si Harry, “Uo…constraxon i2…it’s a MAN’S WORLD..we bter beehave as 1.”
  
“svi nila d2 dw graveh tsismax f saan puro guys.”
  
Tumango ako sa kaniya saka muling nagtext, “Okie lng bsta mgpka str8 lng tau pra d tau ma-brodcast!”
  
“Mismo!”
  
Bumukas ang pinto ng kuwarto saka parehong napaawang ang mga labi namin ni Harry nang lumabas doon ang magbibigay ng orientation.
  
“Good morning, I am the site Admin Staff here. I will be giving the orientation pertaining to construction site rules and regulations. Aside from me, two others will give the orientation on Pollution Control and Construction Safety.”
  
Tumingin siya sa akin saka ngumiti. Sinuklian ko din naman ng ngti saka sinabi, “What a small world Ma’am.”
  
“Yes, indeed,” tugon nito saka ngumiti ng pagkatamis-tamis kay Harry.
  
Tinapik ko sa hita si Harry, napilitan itong ngumiti saka muling sumeryoso ang mukha.
  
Parang napa-puzzle naman yung isang lalaking napa-Eewwwkanina sa ikinikilos namin. Nagtaas ito ng kanang kamay saka nagtanong, “Ano pong pangalan nyo Ma’am.”
  
“Sorry for skipping the introductions, by the way I’m Ms. Eunice Alegre.”
  
Maliit nga talaga ang mundo, biruin mo si Eunice pala ang Admin Staff dito. Sabagay mas okay para sa amin iyon ni Harry dahil pag mas maraming kakilala, mas magiging magaan ang first day of work.
  
Gaya ng sabi ni Eunice kanina, isang oras yata naming tinake-up ang rules and regulations. Pumalit naman sa kaniya yung PCO Officer ng site na siya din palang Accounting Staff at kulang-kulang isang oras nag-discuss mostly tungkol sa waste segregation o paghiwa-hiwalay ng basura. Susunod sana yung sa Safety orientation kaya lang ay on-break yung magbibigay.
  
Pagkalabas ng Pollution Control Officer pumasok ulit si Eunice. “The Construction Safety Officer will be ready after thirty minutes. You may leave the room as you wish and be back later,” sabi nito.
  
Mukha namang magkakakilala din yung tatlo naming kasamahan na sabay-sabay na tumayo at lumabas ng training room.
  
“Tara, meryenda tayo,”nakangiting yaya ni Eunice.
  
“Busog pa ako eh,” tugon ko naman. “Etong si Harry na lang yayain mo,” dagdag ko pang umasta na parang kinikilig na tumingin kay Harry.
  
Pinandilatan naman ako ng mga mata ni Harry na para bang sinabi,“Shut up!”
  
“Harry…” sabi naman ni Eunice na parang nakikiusap na tumango si Harry sa paanyaya niya.
  
“Busog pa rin ako eh,” wika ni Harry.
  
“Uuyyy, gusto naman niyan, nagpapakipot lang,” sabi ko sabay itinulak siya sa upuan na muntik na niyang ikahulog.
 
Gumanti rin siya pero mabilis akong nakatayo sa upuan. “Sige sasama na nga ako para sumama ka na rin,” sabay hatak ng kamay niya para kaladkarin palapit kay Eunice.
  
Naglalakad kami papunta sa canteen ay todo kwento na naman si Eunice kay Harry. Ako naman ay binagalan ang lakad para maiwan ng dalawang hakbang sa likod nila. Napagmasdan ko ang paligid. Malawak talaga ang bakanteng lupa sa ngayon, may mga nahukay na pero lahat ay mga pundasyon pa lang. Mostly civil works pa ang ginagawa. Madami ring trabahador na nakasuot ng pulang t-shirt na mahaba ang manggas na may tatak na puting SJR sa ilalim ng sikat ng mainit na araw.
 
Ang canteen na pinuntahan namin ay pansamantala din lang. Gawa sa kahoy na dingding at yerong mukhang pinaggamitan na sa sinundan ng project na ito. Pagkatapos kumuha ng softdrinks at burger sa counter na charge kay Eunice ay umupo na kami sa apatang monoblock table at chairs, magkaharap sina Eunice at Harry. Bubuksan pa sana ni Harry ang wrapper ng burger ko na nakagawian na niya nang unahan ko siya at tiningnan na parang sinabihan kong, “Straight acting muna tayo.”
 
“Ano nga pala sadya mo sa bahay last week?” naalala kong itanong kay Eunice.
 
“Ah, iyon ba? Yung una kong punta gusto ko sanang sabihin sa inyo na open ang SJR for OJTs. Sabi naman ni Tiya Beng ay nag-apply na nga daw kayo. Late na pala ako ng pagbabalita. Nung i-check ko nga sa HR Department, tapos na nga kayo ng application at for final interview na lang. Yung huli kong punta sasabihin ko nga sana sa iyo na nakita ko na siya, si Engr. Brando Ramirez.”
 
“Siya ang nag-interview sa amin,” sabi ko.
 
“Ganun lang..?” parang nahihiwagaan siya.
 
“Ano ba dapat?” sabad naman ni Harry na ang tinutukoy ay ang reaksiyon ko sa sinabi ni Eunice.
 
Ang ini-expect siguro ni Eunice ay yung sobrang saya at kinikilig. Masaya rin naman ako nung unang meeting namin pero ngayon nabawasan na marahil ay dahil na rin sa naging treatment sa akin ni Kuya Brando. Pero ganunpaman, mahal ko pa rin iyon. In-love pa rin ako sa kaniya.
  
“Dapat iyong abot-tainga ang ngiti at parang heaven ang ekspresyon ng mukha,” sabi niya na sa tingin ko’y siya itong talagang kinikilig. “Parang ngayon…” dagdag niya na ibinaling ang tingin sa may pintuan ng canteen.
  
Papasok pala si Kuya Brando at may dalawang kasama. Ang guwapo niya sa suot niyang light green na polo na tinernuhan ng itim na pantalon at safety shoes. Naka- safety hard hat siya na kulay puti samantalang blue naman yung kasama niyang dalawa. Heto na naman ako, papabilis na naman ang tibok ng aking puso.
  
“Kailan ka pa ba dito? Dito lang pala ‘yan nagtatrabaho pero bakit last week mo lang siya nakita?” may halong inis ang tanong ni Harry kay Eunice.
  
Ako naman’y super interesado sa isasagot ni Eunice. Siyempre gusto kong malaman kung saan siyang lupalop nagtago at hindi ko siya nakita all these years.
  
Kahit halos pasimangot na si Harry sa kaniya, parang balewala naman kay Eunice iyon. Ubod tamis pa rin siyang ngumiti kay Harry para sagutin ito. “Dito ako nag-OJT after ini-hire na nila ako. ‘Yang si Sir Brando early last week din lang iyan dumating galing Northern Luzon, pinalitan niya yung dating Electrical Project Engineer na inilipat naman sa ibang site. Grabe ang guwapo niya talaga. Hindi kita masisisi Rhett kung hanggang ngayon ay siya pa rin ang tanging sigaw ng puso mo,” sinundan pa nito ng kinikilig na pagtawa.
  
Hinintay ko pa ang iba pang sasabihin ni Eunice pero wala ng karugtong. Nahiya naman akong magtanong ng iba pang detalye at isa pa baka iyon din lang ang alam ni Eunice.
  
“Bakit kaya ganoon?”
  
“Ang alin?” taong ko kay Eunice.
  
“Bakit may mga guwapong kagaya ninyo na wala ngang girlfriend, pero boyfriend naman ang hanap?”
  
Natawa kami ni Harry sa sinabi niya. “Ganoon talaga,” sabi ko na lang. Ako nga’y hindi ko rin alam kung bakit si Kuya Brando ang mahal ko.
  
“Di bale wala pa naman kayong boyfriend kaya pwede pa ako,” nagpapa-cute pa siya kay Harry.
  
Tumingin ako kay Harry, parang nabasa ko sa mukha niya angEewww!
   
  
PAGBALIK NAMIN ng training room ay nag-umpisa na ang orientation sa Construction Safety. Maganda ang topic kaya mataman akong nakinig. Nasa question ang answer na nang magtaas ako ng kamay para magtanong.
  
“Sir, pag may naaksidente po ano ang unang gagawin?”
  
“Good question,” sabi ng Safety Officer. “May mga certified first aiders tayo dito na pwede ninyong tawagin. Nakapaskil ang larawan nila sa may bulletin board. Sa kanila kayo hihingi ng tulong kaagad. Alam na nila ang gagawin. Isa pa may First Aid Kit naman tayo dito sa site na pwedeng gamitin.”
  
“Hindi ho ba kami pwedeng kami ang sumaklolo?”
  
“Mas alam kasi nila ang gagawin. Sila kasi ay may training bigay ng Philippine Red Cross at pasado sila kaya mas makabubuting sila ang mag-rescue. Ang sa inyo lang ay hanggang doon lang sa hihingi kayo ng tulong sa kanila.”
 
“Paano ho kung nakuryente ang biktima?” si Harry ang nagtanong.
 
“Iba naman ang ganoong kaso kapag electrocution. Nasabi ko nga earlier na sa ganoong sitwasyon ganito ang pwedeng gawin. First, check if the circuit still energized. If yes, switch off the source of power. Kung iyan ay breaker, fuse box, knife switch, ibaba ninyo to disconnect. Basta kailangan maide-energized ninyo ang source. Second, check if the victim is contacting the circuit. If yes, kailangan ninyo siyang matanggal sa pagkakadikit sa wire o anomang may power na kumuryente sa kaniya. Be sure na hindi kayo ang makukuryente. Baka instinctively hawakan ninyo siya pag nagkagayon pareho na kayong biktima. Usually pwede ang kahoy o anomang material na insulator ang gamitin para i-disconnect ang biktima sa source. Third, check for gases or material that may cause injury or presence or possibility of fire, kasi baka pag lumapit kayo sa biktima, kayo naman ang masugatan dahil doon. Lastly, because you are not qualified first aiders, immediately summon for help.”
  
Ilang tanong pa ang sinagot ng trainor bago natapos ang safety orientation. Dahil malapit na ang lunch time, pinababalik na lang kami ng ala-una ng hapon.
  
  

LAHAT KAMI’Y binigyan ni Eunice ng kulay pulang long sleeved na t-shirt, pares ng itim na steel toe shoes, blue na hard hat at safety spectacles o eyeglasses na itim ang frame at clear iyong lenses. Binigyan din kami ng earplug na pwede naming isuot kung kinakailangan.
  
Pagkasuot ng mga safety paraphernalias maliban sa earplug, tinungo na namin ang mismong site sa pangunguna ni Eunice. Nadaanan namin ang mga workers na ang suot ay pareho ng sa amin sa kainitan ng araw. May mga naglalakihan ding traktora na kulay dark yellow na ang tawag pala ay Backhoe, ayon na rin kay Eunice na siyang naghuhukay para sa mga pundisyon ng gusali. Ang ibang manggagawa naman ay nagbe-bend ng mga bakal sa mga porma at yung bakal na iyon ay siya namang ina-assemble ng iba pa, binubuo sa pamamagitan ng pagtali gamit ang GI wire. Bubuhusan naman iyon ng halong semento pag natapos.
  
Malayo pa lang ay nakita ko na si Kuya Brando na nakasuot ng hard hat na puti kasama yung isang lalaki kanina sa canteen. Parang nag-uusap sila tungkol sa kasalukuyang ginagawa ng mga taong naroroon.
  
“Doon tayo,” sabi ni Eunice kung saan naroon sina Kuya Brando. “Naroon yung magiging Supervisor ninyo, si Engr. Clyde.”
  
Papalapit pa lang kami ay ramdam ko na ang papabilis na tibok ng aking puso. Kasabay pa naman namin ni Harry si Eunice sa harapan at yung tatlong lalaki kanina ay sa likuran kaya kitang-kita ko nang bumaling sa amin si Kuya Brando. Ngumiti kay Eunice. “Yes, Ms. Alegre?”
  
“Sir, I will just turn over the three new employees and two trainees under Engr. Clyde’s group,” magalang na sabi ni Eunice.
   
Tumango si Kuya Brando saka tumingin muli sa katabi niya, “So, ok na yung pinag-usapan natin Clyde?”
  
Sumagot naman ang tinawag na Clyde, “Yes Sir, tapos na po ‘yan maya-maya,” sabi nito saka itinuro yung malaking kable na parang anaconda hila ng tatlong lalaki at may tigdadalawa pang lalaki kada sampung metro ng haba.
   
“Iwanan ko na kayo,” paalam ni Kuya Brando kay Engr. Clyde. Ngumiti saglit kay Eunice at nang mapadako ang tingin sa akin ay tumitig ng diretso sa mga mata ko ngunit blangko ang ekspresyon ng mukha.
  
Ice cream ba ako? Bakit para akong matutunaw sa pagkatitig niya sa akin?
 
“Uhhmm…” si Eunice na parang may sore throat at kinikilig.
  
Parang nahiya naman si Kuya Brando na tumalikod saka umalis.
  
Sa tantiya ko nasa late 30s na si Engr. Clyde, nasa 5’5” ang height, maganda naman ang katawan maliban lang sa medyo malaki ang waistline. Umalis din si Eunice pagkatapos kaming ipakilala sa kaniya. Pinasama ni Engr. Clyde yung tatlo sa mga naghihila ng mala-sawang kable samantalang kami naman ni Harry ay pinasunod sa kaniya papuntang Generator Room. Ayon na rin sa kaniya, yung malaking kable na iyon ay gagawing power supply sa lahat ng mga gagamiting welding machine sa site. At dahil babago pa ng simula ng project, on-going pa ang paglalagay ng permanenteng supply ng kuryente ng Meralco papasok sa entrance ng itinatayong gusali kaya naka-Generator muna sa kasalukuyan.
  
Maingay sa labas ng generator room dahil sa andar ng makina. Kapwa kami napatda ni Harry nang pagtapat namin sa pinto ay mamukhaan kung sino ang naroon sa loob ng generator room. Hawak nito ang isang clipboard paharap sa mga switches at mga metro sa generator panel ay bumaling sa amin saka lumabas ng room at lumapit sa kinatatayuan namin. Nagtanggal ng earplug at nang masino kami ay rumehistro ang nakakalokong ngisi. Pakiramdam ko’y nagbalik ang galit kay Harry nang makita ko ang pagkuyom ng kaniyang kamao at biglaang pagtagis ng mga panga. Ako nama’y nagpigil ng galit na umusbong sa aking puso.
  
“Ikaw…” narinig kong lumabas sa aking labi.
  
“Ako nga,” sabi niya.
  
“Magkakilala kayo?” tanong naman ni Engr. Clyde.
  
“Yes, Sir…we’re old friends,” nakangising sabi nito.
  
Tiningnan ko si Harry, hinawakan ang isang balikat na parang sinabing, “Easy ka lang, this is not the right time and place to rekindle old angers.”
  
“If that’s the case, no need for introductions,” sabi ni Engr. Clyde saka tumingin sa akin. Napilitan tuloy akong ngumiti just to assure him na everything is ok. Pinisil ko din ang balikat ni Harry kaya napilitan din siyang makipagplastikan. “Sila ang mga bago nating trainees from University of Batangas. Ikaw ang magiging pinaka-leader nila dito, magga-guide sa kanila para matuto ng mga trabaho natin. OJT sila kaya hindi sila pwedeng magtrabaho o gumawa mag-isa kung walang kasama.”
  
“Yes Sir, I will be very happy na turuan sila.”
  
“Alam mo na ang gagawin?”
  
“Opo.”
  
Tumingin ng salitan sa amin si Engr. Clyde saka ngumiti, “Rhett, Harry maiwan ko na kayo, si Jimson Landicho na ang bahala sa inyo.”
   
Itutuloy

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Yummy Athletes

Indie Boys

Models

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP