Chapter 7 and 8 : Tol... I Love You!

Friday, November 19, 2010

By: Mikejuha
Email: getmybox@hotmail.com
Fb: getmybox@yahoo.com
Blogspot: http://www.michaelsshadesofblue.blogspot.com


“LITOOOOOOOO!” Walang humpay ang pagsisigaw ng mama ni Lito noong makitang habang nakatihaya ito sa kama na walang malay, ang kaliwang pulso nito ay laslas at maraming dugo ang nagkalat. Tumagos ang iba sa bedsheet, sa sahig, at patuloy pang umaagos at pumapatak ang mga ito sa sahig.

Taranta ang lahat at nagkagulo pati na ang mga katulong. Hindi malaman kung ano ang gagawin.

Kahit gumapag din sa akin ang matinding pagkataranta sa nakitang nagkalat na dugo, pinilit kong pakalmahin ang sarili at mag-concentrate sa tamang gagawin. Agad kong inagapan ang sugat niya, hinablot ang bedsheet, puwersahan itong pinunit at inaplayan ng tourniquet ang parte ng braso kung nasaan ang nilaslas niyang pulso.

“Ihanda po ninyo ang sasakyan!” sigaw ko sa papa ni Lito na dali-dali namang bumaba at hinagilap ang driver.

Nagkandaugaga naman akong buhatin si Lito palabas ng bahay kung saan naghintay na ang van nila. Noong makitang nahirapan ako sa pagbuhat, tinulungan ako ng papa ni Lito hanggang sa maipasok namin ito sa passenger’s seat. Sumama na rin ako sa hospital. Ako ang katabi ni Lito sa upuan, nakasandal siya sa akin, hawak-hawak ko ang kamay na may sugat at inangat upang ang dugo ay hindi lalabas sa sugat. Sa kabilang side naman ni Lito ay nakaupo ang mama at papa niya.

Na-admit naman siya kaagad. Ang problema, kailangang masalinan siya kaaagad ng dugo at walang mahagilap na kaparehong type ng dugo niya. Mahirap daw kasing hanapin ang type na iyon. Kahit ang type ng dugo ng mama at papa niya ay hindi tugma. Nag-volunteer akong magpacheck at ako man ay namangha dahil sa magkapareho ang type ng dugo namin. Kaya agad-agad akong pinahanda upang kunan ng dugo upang isalin kay Lito.


Dahil sa mabilis na pagsalin ng dugo sa kanya, idineklarang ligtas na si Lito sa kapahamakan. Laking pasalamat naman ng mga magulang ni Lito sa akin na kahit papaano, hindi ko iniwan ang anak nila. Hindi rin ako umalis sa tabi ni Lito. Doon na ako nakatulog sa private ward niya.

Umaga, gising na ako. Umuwi muna ang mga magulang ni Lito upang magpahinga, pansamantala namang inihabilin sa akin ang pagbanatay.

Tulog pa rin si Lito. Bagamat hindi pa siya nagkamalay simula noong gabing na-confine siya, ramdam kong ligtas na siya. Pinangmasdan ko ang anyo niya habang natutulog. Pansin ko ang pagpayat, ang mukhang dati ay punong-puno ng sigla ay nagbago; mistulang mukha ito ng kawalang pag-asa, ng paghihirap ng kalooban, ng kalungkutan. Nakakaawa…

Naalala ko pa noong sobrang close pa namin sa isa’t-isa, isang beses nag-inuman kami doon. Trip lang namin, at kaming dalawa lang. Isang lingo iyon matapus ang test. Masayang-masaya siya sa araw na iyon dahil sa siya ang nagta-top sa karamihan ng subjects niya. As usual syempre, siya ang taya. Paano, eh, wala naman akong pera. Noong medyo nag-iinit na kami sa nainum, bigla na lang itong nagtatakbo sa aplaya. At habang nagtatakbo, isa-isang hinubad nito ang mga damit niya ikinalat angmga ito sa buhanginan hanggang sa ang puting brief na lang ang natira sa katawan. Syempre, di nawawala ang paghanga ko sa magandang hubog na katawan niya. Proportioned ito, matipuno, may six-pack abs at hunk na hunk ang dating. Pero, hanggang sa paghanga lang ito, wala nang iba pa.

“Ligo tayo Tol! Woooohhhhh! Sarap maligo!” sigaw niya.

Tawa nang tawa ako sa nakitang tila batang nagwawala na kaibigan. Ngunit nanatili lang ako sa harap ng cottage namin at pinagmasdan siyang lumusong sa tubig.

Maya-maya, bumalik, may dalang kabibi, iyong giant clam, halos kasing laki ito ng bungo ng tao. “Ano yan, tol?” tanong ko. Akala ko talaga ay buhay at may laman pa, habang bitbit-bitbit niya ito patungo sa akin. “Wahhhh! Anlaki!” sabi ko, di makapaniwalang sa dagat na iyon may ganoon pa kalaking buhay na kabibi.

Noong makalapit na siya sa akin at akmang hihipuin ko na sana ito sa pag-aakalang buhay nga, bigla naman niyang tinanggal ang nakapatong na shell at ang tubig na laman ng kalahating shell ay inihagis sa akin sabay karipas ng takbo.

“Arggggh! Tangina!” Sigaw ko sa pagkabigla at pagkabasa ng damit. Dali-dali ko namang hinubad ang t-shirt at pantaloon, natira na lang ang brief at sinugod siya.

“Tol… grabe ka pala kapag nabigla, anlaki-laki ng butas ng ilong mo!” pang-aasar niya habang nagtatakbo at tumatawa.

“Sige, tawa ka pa d’yan. Kapag naabutan kita, dila lang ang walang latay sa iyo!”

Para kaming mga batang musmos na naghabulan sa dalampasigan hanggang sa maabutan ko na sya, nagpambuno kami, pagiling-giling sa buhanginan. At noong na pin down ko siya at nasa ilalim ko, inupuan ko ang tiyan niya, hinablot ang buhok niya at iminudmod ang ulo sa buhangin. “Um! Um! Um!”

“Arayyyy! Tado ka…” sigaw niya habang sinikap naman niyang pwersahin akong itihaya.

At dahil sa mas malakas siya kaysa sa akin, agad din niya akong napatumba at ako naman ang napatihaya. Dali-dali niyang dinaganan ang katawan ko. Inilock niya ang mga paa niya sa paa ko, at ang dalawang kamay niya sa kamay kong nakalapat sa buhangin sa may uluhan ko. Napako ako sa posisyon na iyon habang ang mga mukha namin ay halos maglapat na, dinig na dinig at naaamoy naming pareho ang hangin na lumalabas sa mga bibig naming habol-habol ang hininga.

Inaakala kong mayroon siyang gagawin sa akin na kagaya ng sasakalin ako, o hihilahin ang paa o braso o hahablutin ang buhok, ngunit nanatili lang siya sa ganoong posisyon, nakatitig sa akin.

Noong mapansing nakatitig lang siya sa akin sa posisyon na iyon, nagsalubong kaagad ang kilay ko, nagtatanong ang isip kong anong kabulastugan na naman ang nasa utak niya. “Ano? Ba’t ganyan ka kung makatitig?” ang sumbat ko, habang naka-lock ang katawan ko sa pagdagan niya.

Tila natuhan naman siya sa tanong ko sabay sabing, “Ano, lalaban ka pa?”

“Paano ako makalaban, e nilock mo ako?”

“E, di talo ka.”

“Oo na, talo ako.”

“May parusa ka.”

“Ano?”

“Iki-kiss kita.”

“Tangina ka Tol! Nababakla ka na yata sa akin! Bakla!” biro ko sa kanya. Iyon naman ang palagi kong biro sa kanya eh. Paano maraming beses ko na siyang nahuling parang iba kung makatitig. At madaling napipikon pati kapag tinawag na bakla. Pero, walang malisya sa akin iyon. Pati iyong pagbibiro ko sa kanyang "bakla", walang laman iyon.

Kaya noong mapikon na naman siya, bigla din niyang hinablot ang buhok ko at iminudmod ang ulo sa buhangin. “Bakla pala ha… Um! Um! Um!”

Pumiglas ako at humarurot na ng takbo. “Bakla! Bakla! Bakla!” pang-aasar ko habang tumatawa ng malakas.

Habol ulit siya. Tawanan.

Noong mapagod na kami, inum uli ng beer habang nakaupo sa buhanginan. At may naiibang klaseng posisyon kami kapag ganoong umuupo sa buhanginan o damuhan. Nakaangat ang kanan kong tuhod at si Lito naman na nakaupo sa kanan ko ay doon sasandal, paharap sa akin. Ang kanan naman niyang tuhod ay iangat din niya at siya ko namang sasandalan ito. Sa posisyong iyon, para kaming magkasintahan, halos magyayakapan na. Minsan habang nasa ganoong ayos, nagbibiruan kami, at ang palaging ginagawa ni Lito ay iyong mga daliri niya na pabirong igagapang sa dibdib ko, sa tyan, at pababa minsan sa umbok ko ng pagkalalaki. Wala lang naman sa akin iyon. Tatawa lang ako. Pati siya, tatawa din. Ako nga din, kinikiliti ko siya sa tyan, sa kil-kili. Wala din naman kasi siyang ginagawa na iba pa. At lalong hindi ko alam na iba pala ang naramdaman niya. At syempre, pareho lang kaming naka-brief kaya kung may ibang taong makakakita sa ginagawa namin, iisipin talagang may relasyon kami. Pero, wala kaming pakialam. At sa panahong iyon, hindi ako naaasiwa sa ginagawa namin.

Pauwi na kami at nagbibihis na ako noong pinulot ni Lito ang kabibi sa buhanginan kung saan niya ito nailaglag noong binuhusan niya akong tubig-dagat. Ewan kung ano ang napasok sa utak niya, o baka dala na rin ng kalasingan, kinuha niya ang dalawang biyak, nilinis at pinunasan ang loob ng mga ito.

“Ano ang gagawin mo d’yan?” Tanong ko.

“Lagyan natin ng pangalan, tol, at Buo-in natin…” sabay kuha ng pentel pen niya sa bag at isinulat ang pangalan niya, pirma at petsa ng araw na iyon sa isang hati. Iniabot naman niya ang pentel pen at ang isang kahati noong kabibe. O, yan, isulat mo ang pangalan mo sa hati na iyan.” Sabi niya.

Kinuha ko ang iniabot niyang kahati at ang pentel pen. Bagamat nalito, isinulat ko pa rin ang pangalan ko, pinirmahan at nilagyan ng petsa. “Bakit?” tanong ko pagkatapus kong magsulat doon.

“Wala lang. Trip ko lang.” sagot niya. “Buo-in natin ito…” sabay kuha naman ng pantali at binuo an dalawang pares na parang buo pa rin iyong kabibi.

Noong matapos niyang talian, “Anong gagawin mo d’yan?” tanong ko ulit.

“Patunay ito, Tol, na di tayo maghiwalay, na di tayo magbabago sa isa’t-isa…” tiningnan niya ako. “OK ba?” dugtong niya.

Medyo na-cornihan pero napa- “O-oo. Ok. Ok yan.” din ako. Kahit kasi corny, pero dahil mahal ko naman talaga ang kaibigan ko – bilang kaibigan – natuwa na rin ako, lalo na napakabait sa akin ni Lito, mayaman, at malaki ang naitutulong sa akin.

“Maipangako mo kaya tol na di ka magbabago? At na hindi tayo maghihiwalay ano man ang mangyayari? N magtutulungan tayo habambuhay?”

“Promise! Cross my heart!” ang binitiwan kong pangako.

“Itaas mo ang kanang kamay mo pag nagpromise ka” dugtong niya.

“Putsa naman o. O sige na nga…” ang pagprotesta ko. At itinaas ko ang kanang kamay, “Promise!”

“Eh.. paano kung may mali akong magawa o kaya’y may isang bagay akong itinatago na di mo magustuhan, magiging buo pa rin kaya ang pagiging magkaibigan natin?”

“Hahaha! Tado ka talaga!” sagot ko naman. “Ano pa bang pwede kong malaman sa iyo? E kahit nunal sa titi mo at titi ko alam nating pareho” ang pagparinig ko. May mga time kasi na minsan sabay kaming nagpaparaos, kanya-kanyang diskarte, at pagkatapus, kinukumpara namin ang titi ng isa’t-isa. Normal lang naman iyon sa mga close na mga lalaking magbarkada.

“Hindi nga, mag-promise ka!” giit niya.

“O sige…” at itinaas ko uli ang kanan kong kamay “Promise!”

“E… paano kung magalit ka sa akin? Mapapatawad mo kaya ako?” tanong uli niya.

Napakamot na ako sa ulo. “Bakit ba ako magagalit sa iyo? Di mangyayari iyon Tol, ano ka ba? Ako magagalit sa iyo? Baka ikaw pa ang magagalit sa akin, makukulitan o maiinis sa palagi kong pagpapalibre” biro ko sabay tawa ng malakas.

“Basta, sagutin mo ang tanong ko. Mapapatawad mo kaya ako kapag may nagawa ako o may di mo magustuhang malamang sikreto ko?”

“Ano ba yan!” Sigaw ko sa sarili. “Oo patatawarin kita, promise!” ang nasambit ko dahil sa nakukulitan na ako at gusto ko na ring umuwi.

“E, paano ko naman malalaman na pinapatawad mo na ako?”

Nainis na talaga ako sa tanong niya kaya, “Letse na yan! E di mag sorry eh!” Ngunit sa sagot kong iyon ay napansin kong nasaktan siya at sumimangot ang mukha kaya binawi ko rin at naghanap ng magandang isasagot. “Hehehe! Biro lang po…” sabi ko. “E… di hanapin ko ang kabibi na yan at ibibigay ko sa iyo”

Napangiti naman si Lito sa sinabi ko. “Talaga tol? Gawin mo iyan?”

“Oo naman” ang sagot ko nalang upang huwag na siyang magtampo. “O sige, alis na tayo…” mungkahi ko.

“Sandali! Ibaon ko muna itong kabibi dito… sa ilalim ng hagdanan nitong cottage natin”

At nagsimula siyang maghukay gamit ang mga kamay. At dahil gusto ko na rin talagang umuwi, tinulungan ko na rin siyang maghukay upang mapabilis. Siguro ay may 3 talapakan na ang lalim noong sinabi ko nang “Tama na yan, malalim na iyan!” At saka pa inililatag ni Lito ang kabibi at pagkatapus ay pinagtulungan din naming itong tabunan ng buhangin.

Sa parte ko naman, hindi ko na binigyang pansin iyon. Di ko naman kasi iniisip na hahantong sa ganoong sitwasyon na maranasan ko ang matinding galit sa kanya o manganganib ang pagkakaibigan namin.

Tulog pa rin si Lito habang naglalaro sa isip ko ang mga eksenang iyon sa beach. At namalayan ko na lang na tumulo ang luha ko. Hindi ko alam kung bakit ngunit bigla namang sumingit ang isang eksena doon sa deepening namin kung saan ang isang buddy namin, si Buddy Rofil ay nag unveil sa mga problema niya sa buhay.

Ang buddy na iyon ay may kapansanan. Noong maliit pa siya ay nagkapolio ito at kailangang gumamit ng crutches upang makalakad ng maayos. Ngunit hindi lang diyan nagtapus ang kanyang kalbaryo; may mukha siyang masasabi mong talagang pangit. Malalaki at luwa ang mga mata, malalaki ang pisngi, malaki ang ulo, pango ang ilong, at maitim. Ngunit ang nagustuhan namin sa kanya ay ang pagkamasayahin niya, palabiro, maalalahanin, matulungin, mother-figure sa grupo kumbaga. At kapag may problema ang mga kaibigan niya, sa kanya nanghihingi ng payo. Sa kabila ng hitsura at kapansanan niya, hindi mo makikita sa mukha niya na may hinanakit siya sa mundo. Ngunit noong siya na ang nasa hotseat, ang mga sinabi niya ay nakaukit sa isipan ko.

“Marahil ay iniisip ninyo wala akong problema… mayroon din. Syempre, alam nyo na. Hindi ko man sasabihin, nakikita naman eh, di ba? Alam ko kung ano ang iniisip ng mga tao kapag nakita nila ako, ang iba ay naaawa, ang iba naman ay may bahid panlalait. Simula noong bata pa lang ako, inaaway na sa school, walang gustong makikipagkaibigan at kahit may mga tao ding sa harap ay nakikisalamuha pero nararamdaman kong ang iba sa kanila ay nandidiri o kaya’y pinag-uusapan nila kapag nakatalikod na ako. Masakit. Ngunit natutunan ko pa ring lumaban. Na hanapin ang lakas na mabuhay at humarap sa mga pagsubok sa kabila ng lahat. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pagsubok. Napakaraming taong sa kabila ng nasa kanila na ang lahat ngunit hindi pa rin sila maligaya o kuntento. May mga taong napakayaman na ngunit sa konting problema lang ay nagda-drugs na o kaya’y nagpapakamatay, sinasayang ang buhay. Kahit ganito lang ako, pero natutunan ko ang halaga ng buhay, at lalaban ako hanggang sa kaya ko. Hindi ko man alam kung bakit ibinigay sa akin ng maykapal ang ganitong klaseng buhay, ngunit alam ko, may silbi pa rin ako sa mundo, I have a place under the sun, at gagawin ko ang makakaya ko upang maraming tao ang mapapaligaya ko at matulungan. Napakasarap mabuhay sa mundo. At lalo itong mas masarp kapag wala kang galit sa puso, kapag marunong kang magpatawad, marunong magmahal...”

Tulog pa rin si Lito. Dali-dali akong lumabas ng ospital at pinuntahan ko ang beach… Agad din akong bumalik. Sa pagbalik ko, tulog pa rin siya.

Maya-maya, nagising siya. Noong iminulat niya ang mga mata, tila disoriented at inaaninag ang kisame ng kwarto. Noong ibaling niya ang paningin sa paligaid, ako ang una niyang nakita.

Nginitian ko siya.

Ngumiti din siya. Ngunit bahagya lang at agad napako ang mga tingin niya sa kawalan. Maya-maya, napansin ko ang mga luhang dumaloy sa pisngi niya.

“Tol… ligtas ka na.” Sabi ko.

Hindi kaagad siya sumagot. “S-sana… namatay na lang ako Tol. Ayoko nang mabuhay pa.”

“Huwag kang magsalita ng ganyan, Tol. Hindi ako papayag na mamatay ka. Kailangan ka namin, Tol… Kailangan ka ng mga magulang mo, ng mga taong nagmamahal sa iyo. Napakasarap mabuhay. Lumaban ka. Naalala mo ang sinabi ni Buddy Rofil? May halaga ka sa mundo… May silbi ang buhay mo. May dahilan kung bakit nandito ka.”

Tiningnan niya ako. “N-napatawad mo na ba ako Tol?”

Tumango lang ako.

Ngunit tila hindi siya kumbinsido sa pagtango ko. “Paano ko malalaman na tunay mo nga akong pinapatawad?”

At inabot ko sa ilalim ng kama niya ang dala ko at ipinakita iyon sa kanya. “Ito tol… patunay na napatawad nakita. Nakita mo, buo pa rin ito.”

Kitang-kita ko naman ang matinding tuwa sa mukha ni Lito nang makita ang dala ko para sa kanya. “A-ang kabibe! Natatandaan mo pa pala iyan, tol!”

(Itutuloy)


--------------------------------------------------------

“Tol… I Love You!” [8]:
Email: getmybox@hotmail.com
Fb: getmybox@yahoo.com
Blogspot: http://www.michaelsshadesofblue.blogspot.com

Simula noon, balik na naman ang pagiging close namin ni Lito. Ang kinikimkim kong galit sa kanya ay nadaig ng matinding awa. “Sino ba ako upang hindi magpatawad…” Tanong ko sa sarili, lalo na kung nakikita mo naman na ang taong nagkasala sa iyo ay taos-puso at tapat na nanghingi nito. Alam ko, abot-langit ang pagsisisi niya sa nagawa niyang kasalanan sa akin. Alam ko rin na sobrang bigat ang pinapasan niya sa buhay hindi lang dahil sa guilt na nadarama, nad’yan din ang problemang ng hirap ng pagtanggap sa sarili sa pagkatuklas sa naiiba niyang pagkatao, at nad’yan pa iyong sama ng loob niya sa pagkadiskubreng ampon lang siya. At isa pa, ayokong magiging isa sa dahilan kung sakaling maisipan man niyang muli ang kitilin ang sariling buhay. At syempre, ayoko ring masira ang respeto ng mga magulang niya sa akin na kung saan ay tunay na anak na rin ang turing sa akin, sa laki rin ba naman ng na utang loob ko sa kanila. Kaya, minabuti kong kalimutan na lang ang kasalanang nagawa ng kaibigan ko sa akin. “Ang kasalanan lang naman niya siguro ay minahal niya ako, at hindi niya kayang ma-kontrol ang sarili…” sabi ko na lang sa sarili.

So, balik-close at magkaibigan uli kami; may kaibahan na nga lang. Sa pagkakataong iyon ay sa side ko, may kaunting pagkailang dahil sumisiksik sa utak kong may kakaibang naramdaman siya para sa akin. Kahit mahal ko naman talaga ang kaibigan bilang isang kaibigan at bilang turing-kapatid na rin, ang nangigibabaw sa akin ay awa na lang para sa kanya. Ngunit hindi ko ipinahalata ang lahat. Ayokong isipin niya na may nagbago sa akin at masaktan uli siya.

Kaya, balik uli kami sa laging pagsasama sa school, sa mga gimmick, ang harutan, ang kantyawan, biruan.

Ngunit, may napansin din akong iba sa mga galaw niya. Hindi ko na nakita pa ang dating natural na saya sa mukha niya. Parang may kulang ito, may pagkukunwari. Oo, nagtatawanan kami, naghaharutan, nagbibiruan, ngunit may mga pagkakataon ding bigla na lamang itong umiiwas, nawawala sa samahan, at makikita ko na lang na nag-iisa ito, nagmumukmok sa isang sulok, malungkot, at malalim ang iniisip.

Isang araw, noong mapansin kong bigla na lamang itong nawala sa umpukan naming magkaklase, hinanap ko siya; nahanap ko sa likod ng building ng campus, sa may mini-park nito, nakaupo sa damuhan sa ilalim ng malaking puno ng akasya, nag-iisa, naka-earphone. Nakatalikod siya sa akin at sa kagustuhang sorpresahin sana siya, dahan-dahan akong umupo sa tabi niya. Nagulat siya noong nakita niyang nakaupo na ako sa tabi niya. Excited pa naman ako na nahanap ko siya. Ngunit noong magkasalubong ang aming mga tingin, pansin ko ang malungkot niyang mukha at ang mga namumuong mga luha sa gilid ng mga mata niya.

Ngumiti siya ng bahagya, “Ikaw pala, tol… ginulat mo ako ah.” ang sambit niya sabay lingon sa malayo at dali-daling hindi pinapahalata ang pagpahid ng mga kamay niya sa mga luhang pinipigilan niyang huwag dumaloy sa kanyang mukha.

Kunyari hindi ko napansin iyon. “Ba’t iniwanan mo ako sa umpukan natin?” ang tanong ko.

Yumuko siya, tila nahihiyang mapansin ko ang pamumula ng kanyang mga mata. “W-wala… may naisip lang ako, at gusto ko ring mag-music tripping.” ang sagot niya.

Ngunit naramdaman kong hindi siya nagsabi ng totoo. Hinawakan ko ang panga niya at iniharap ang mukha niya sa akin. “Tingnan mo nga ako tol?” sabi ko. “Hindi ka nagsabi ng totoo e. Ano ba talaga ang dahilan?” pangungulit ko.

Kinabig niya ang kamay ko sa panga niya at yumuko uli. Natahimik siya sandali. “Wala naman din akong interest sa mga bangkaan. Nag-uusap kayo, mga babae, mga magagandang babaeng trip ninyo dito sa campus, nagkakatyawan na baka bakla si ganire, si ganito… Pakiramdam ko, ako ang pinapatamaan nila e…”

Bahagyang nagulat naman ako sa sinabi niya. “Ito naman o… Huwag mo namang bigyan ng masamang kahulugan ang mga sinasabi nila. Walang bahid patama ang mga bangkaan namin, alam ko yan. Ganoon naman talaga ang mga kaklase nating iyon dati pa, di ba? Malakas mang-asar…” ang pag-takip ko na lang.

“Hindi tol… sa tingin ko, ako ang pinapatamaan nila e.”

“Huwag kang magsalita ng ganyan, tol… Ito naman, o. Sobrang sensitive mo naman.” Ang nasabi ko na lang. Pero sa loob-loob ko lang, pakiwari ko ay naramdaman ko rin ang kahirap ng katayuan niya. “Malalampasan mo rin iyan tol. Either mawala din sa iyo iyan, o matatanggap mo rin ang lahat ng iyan” dugtong ko.

Hindi na siya kumibo. Binitiwan lang niya ang isang malalim na buntong-hininga at tumingin na sa malayo. Marahil ay nasabi na lang niya sa sarili na, “Nasabi mo lang iyan dahil hindi ikaw ang nasa kalagayan ko”

Sa kagustuhan kong sumaya ang mood niya, iniba ko ang usapan. “Hey… ano bang kanta iyang pinapakinggan mo, tol…” Ang naitanong ko, tukoy sa pinakinggang sound sa earphone niya. “Pakinig mo naman sa akin.”

Pansin kong nag-aalangan siya, ngunit tinanggal din niya ang earphones sa tenga niya at iniabot ang mga ito sa akin. “Paborito kong music iyan, Tol…” sabi niya.

tinanggap ko ang mga ito at inilagay sa aking mga tenga. At habang pinakinggan ang tugtog, yumuko naman siya, tila nahihiya sa magiging reaksyon ko -

“Do you hear me? I'm talking to you
Across the water across the deep blue ocean
Under the open sky, oh my, baby I'm trying

Boy I hear you in my dreams
I feel your whisper across the sea
I keep you with me in my heart
You make it easier when life gets hard

I'm lucky I'm in love with my best friend
Lucky to have been where I have been
Lucky to be coming home again
Ooh ooh ooh

They don't know how long it takes
Waiting for a love like this
Every time we say goodbye
I wish we had one more kiss
I'll wait for you I promise you, I will

I'm lucky I'm in love with my best friend
Lucky to have been where I have been
Lucky to be coming home again

Lucky we're in love in every way
Lucky to have stayed where we have stayed
Lucky to be coming home someday

And so I'm sailing through the sea
To an island where we'll meet
You'll hear the music fill the air
I'll put a flower in your hair

Though the breezes through trees
Move so pretty you're all I see
As the world keeps spinning 'round
You hold me right here, right now

I'm lucky I'm in love with my best friend
Lucky to have been where I have been
Lucky to be coming home again

I'm lucky we're in love in every way
Lucky to have stayed where we have stayed
Lucky to be coming home someday”

At nakita ko na lang ang sariling imbes na ako ang magpapasaya sa kanya, naramdaman kong gumapang sa katawan ko ang lungkot, o awa sa kanya. Pakiwari ko ay kinurot ang puso ko sa narinig. Noong matapos kong pakinggan ang kanta, tinanggal ko ang earphones sa tenga ko at iniabot ko uli iyon sa kanya. Pinakawalan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Tinitigan ko siya, may bahid na pagkaawa ang aking mga mata, nakikisimpatiya sa kanyang naramdaman. “Hindi mo pa rin ba ako kayang malimutan?”

Nanatili pa rin siyang nakayuko, ang mga tingin ay napakalalim, at ang mga kamay ay wala sa isip na inilalaro sa mga damong naka-usli sa may harapan ng inuupuan niya. At napansin ko na lang ang mga luhang pumatak sa damuhan ding iyon. “Kung kaya ko pa lang sana tol… wala na sanang problema” ang maikling sagot niya.

Hindi na ako sumagot. Ibinaling ko na lang ang paningin sa malayo, nag-iisip kung paano ko siya matutulungan sa kanyang kalagayan.

“Ngunit huwag kang mag-alala, tol… dahil tanggap ko naman na hindi mo ako pweding mahalin eh. Kaya, kaya…” hindi niya naipagpatuloy ang sasabihin dahil sa tuluyan nang nag crack ang boses niya.

Nanatili pa rin akong nakayuko, hinayaan siyang ipalabas niya angkanyang saloobin.

Pilit niyang ipinagpatuloy ang mga salitang gustong kumawala sa bibig niya. “… kaya hayaan mo na lang akong sa kantang iyan ko damhin ang pagmamahal ko sa iyo. Sa kantang iyan, ramdam kong mahal mo din ako, na masaya tayo, na kaya mong gawin ang lahat para sa akin. D’yan ko na lang naipapalabas ang lahat, ini-imagine na nand’yn ka, aking-akin, na mahal mo rin ako at napaka-swerte ko dahil ikaw ang pinili at tinibok ng puso kahit pa man alam kong hindi pwedeng mangyari ito.” At humagulgol na siya. “Para akong baliw, tol… nagpapantasya, nangangarap, na sana nasa ibang mundo ako at totoong nangyari ang mga sinasabi ng kantang iyan sa akin; na doon ‘Lucky’ nga ako.” Tukoy niya sa pamagat din ng kanta.

Hindi ko lubusang maintindihan ang tunay na naramdaman sa tagpong iyon at kung ano ang gagawin upang maibsan ang paghihirap niya. Ang alam ko lang ay matinding pagkaawa ang bumalot sa pagkatao ko sa mga sandaling iyon. “Yakapin mo ako, tol kung iyan ang magpapagaan ng kalooban mo.” Ang nasabi ko na lang.

Ngunit hindi siya yumakap sa akin. Ang ginawa ko, umusog ako sa kanya at ako na ang yumakap dito. Bagamat naramdaman kong sumandal siya sa akin, dali-dali din siyang kumalas. “Huwag tol… ok na ako” ang sambit niya.

“B-bakit?” tanong ko ng naguluhan.

“May mga taong nakakakita. Ayokong lalo kang madamay sa mga problema ko, tol. Alam kong nagsakripisyo ka rin sa nangyari. Pati girlfriend mo, hiniwalayan ka na rin. Naawa ako sa iyo. Kaya OK lang ako, huwag mo akong intindihin.” Ang paliwanag niya.

Doon nagsimula ang pagkahabag ko sa kaibigan. At ito rin ang nagpatuliro sa isip ko dahil alam ko na isa ako sa solusyon sa dinadala niyang bigat na saloobin. Bagamat gusto kong tulungan siya, nahirapan din ako sa kalagayang hayan siya, hinahangad ang pag-ibig ko ngunit hindi ko naman matanggap na magkunyari sa kanya dahil babae ang hinahanap ko, babae ang gusto kong makarelasyon. “Paano naman ang kaligayahan ko?” tanong ko sa sarili.

Ngunit habang tumatagal ang ganoong set-up at nakikita ko ang kanyang paghihinagpis, lalo din akong tila nato-torture. Kaya naisipan ko na lang na kausapin si Lito. “Tol… total Friday ngayon, pwedeng doon ako matulog sa inyo?”

Kitang-kita ko naman ang bakas ng tuwa sa mukha niya. “Oo ba? Sure!”

“Inuman din tayo ha?”

“Iyon lang pala, sige!”

Alas syete ng gabi noong dumating ako sa bahay nila. Syempre, kasali ako sa dinner ng pamilya dahil noong malaman ng mga magulang ni Lito na aakyat ako ng dalaw, hinintay nila talagang makasali ako sa dinner. Kumustahan, kwentuhan. Wala namang nagbago sa pakikitungo ng mga magulang ni Lito sa akin. Bagkus pakiramdam ko ay lalo pa akong napamahal sa kanila.

“Kumusta ang pag-aaral, Warren?” tanong ng papa ni Lito sa akin.

“OK naman po…” ang maiksi kong sagot.

“Alam mo, Warren, madyo bumalik na rin ang magandang performance nitong kaibigan mo sa school. Sana tuloy-tuloy na ito. At sana huwag kang magbago ang pakikitungo mo kay Lito, Warren. Ikaw lang ang nagpapalakas ng loob niyan. Sana – “

“Uhum!” ang pag butt-in naman ni Lito, halatang hindi nagustuhan ni Lito ang sinasabi ng ina.

Tiningnan lang si Lito ng mama niya at nagpatuloy ito. “Sana patuloy mo siyang intindihin, aalalayan, suportahan…”

“Ma, it is not Warren’s responsibility to look after me. He has his own life and he can do whatever he wants with it. Huwag po ninyo siyang i-pressure sa akin. At huwag ninyong gawing kaawa-awa ang anak ninyo sa mata ng ibang tao!” ang mataas niyang boses, sabay tayo at alis sa hapag-kainan, hindi na magawang uminom. Tinumbok niya ang hagdanan patungo sa second floor kung saan nandoon ang kwarto niya.

Bigala namang natulala kaming lahat, at hindi nakakibo.

“Ah… Ma, Pa, excuse me po, susundan ko lang po si Lito sa kuwarto niya.” Ang nasambit ko naman.

“S-sige hijo. Pasenya ka na ha? At ikaw na sana ang bahalang umintindi sa kaibigan mo.” Sagot naman ng mama ni Lito.

Hindi naka-lock ang kwarto ni Lito kaya dire-deretso akong pumasok. Nakahiga siya sa kama at nakatutuk ang mga mata sa kisame. “Tol… bat ka naman nag-walk out? Ikaw talaga o… Nasasaktan ang mga magulang mo.”

“Yun na nga tol eh. Sila nasasaktan. Paano naman ako? Hindi ba nila alam na nasasakal na rin ako? Sabagay, di naman talaga nila ako anak...” ang may halong pagdaramdam na sabi niya.

“Ano ka ba, tol? Wala ka dapat problemahin sa kanila. Dapat nga masaya ka eh dahil nand’yan sila. Huwag kang maag-isip ng ganyan, napakabait nila”

“Ayaw ko lang kasi tol na kaawaan ako. At lalo nang ayaw kong ididiin nila sa iyo na kailangan mong ganito ang gagawin mo sa akin. Kung may gagawin ka man para sa akin, iyan ay hindi dahil sa utang na loob mo sa amin, o dahil sinabi iyan ng mama ko, o ano pa man. Ayoko nang ganoon. Gusto ko ay iyong kusa, o bukas sa kalooban mong gagawin para sa akin ang isang bagay. Ok lang sa akin kahit hindi mo ako puntahan dito, o kahit pa hindi na tayo palaging magsama. At least alam kong hindi ka na galit sa akin. Iyon lang ang importante. Kasi mas masakit kapag nalaman kong sa kapag may ginawa kang maganda sa akin at malaman ko na lang na hindi pala ito ang tunay mong kagustuhan, diba?”

“Ok… ok…” ang sabi ko na lang, sabay hila sa isang braso niya upang maupo siya sa kama. Hindi na ako sumagot pa sa mga sinasabi niya. Noong makaupo na, niyakap ko siya, hinahaplos-haplos ang likod sabay sabing, “Pwede mo akong yakapin... Dito walang tao, walang makakakita sa atin.”

At… nagyakapan nga kami. Humahagulgol siya sa mga bisig ko at hinayaan kong maipalabas ang lahat ng mga hinanakit niya. Hanggang sa tila napagod na siya sa pag-iyak.

Tumayo ako at tinumbok ang refrigerator niya. Kumuha ako ng 2 bote ng beer. Binuksan ko at noong bumalik na sa kama, iniabot sa kanya ang isa at umupo na rin ako doon.

Naka tiglilimang beer na kami noong ramdam kong nag-init na ang aking katawan. Hinawakan ng dalawa kong kamay ang mukha niya at itinutok ko ito sa mukha ko. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagpupungay nito gawa ng kalasingan. Nagtitigan kami. At naalimpungatan ko na lang na lumabas sa bibig ko ang tanong, “Tol… gaano mo ba ako kamahal?”

(Itutuloy)

0 comments:

Post a Comment

Enter your comments here!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Yummy Athletes

Indie Boys

Models

  © Blogger template Brownium by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP